Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




1948

Image Description LOUIE ABAD   |   18 December 2017


Nagulatang si Al nang isang araw ay magpakamatay ang kanyang kaibigan nang dahil lamang sa isang lumang retrato ng isang babaeng nagngangalang Lupe.


Wirdo si Gideon. Hindi na bago sa akin kung may gawin man siyang out of this world, dahil ilang buwan na rin kaming magkaibigan kaya sanay na ako sa kanya. Madalas ko siyang makitang mag-isa noong mga panahong hindi pa kami magkasama. Bukod sa hindi siya nakisasalamuha sa iba, malimit din siyang magsalita kaya nababagot ang ibang nagtatangkang makipagkaibigan sa kanya. Bilang lang sa daliri ang mga nagtiyaga kay Gideon, at isa na ako ro’n. Hindi rin naman kasi ako madaldal at mas gusto ko ang mga tahimik na tao.

Sa mga panahong nakasama ko siya, hanga ako sa kakayahan niyang mag-isip ng mga bagay na hindi kadalasang naiisip ng mga taong nakikilala ko. May pagkamadaldal din siya at madalas kaming magkuwentuhan ng mga kung ano-ano; mula sa relihiyon ng Flying Spaghetti Monster, lihim na relasyon raw ng Pula at Dilaw, hanggang sa Tatay raw ni Adolf Hitler si Rizal. Dahil likas na mahilig ako sa mga kababalaghan ng buong uniberso, sa t’wing nagkukuwento si Gideon ng conspiracy theories ay talagang nakatutok ako. Nakatutuwa dahil kaunti lang ang mga taong open-minded na tulad niya at kaparehas ko ng interes.

Pero hindi sa lahat ng oras, naaaliw ako.

Minsan kasi, ang mga trip ni Gideon sa buhay, hindi ko na masakyan.

“Alam mo ba’ng tungkol sa pag-inom ni Queen Elizabeth ng dugo ng corgi para bumata?” Isang araw, sabi niya. Nakatambay kami sa tapat ng Quezon Hall sa unibersidad namin. Tinititigan ni Gideon ang hubad na si Oble.

            Napangiwi ako. Kaya ko pa sigurong kumain ng laman ng aso, pero dugo? “Yuck.”

            “Nakakain ka na ba ng aso?” tanong niya.

            “‘Di pa.”

            “Nasubukan mo nang makipag… sa aso?”

            “Lalong hindi! Dugyot no’n, g*gu. Bestiality.”

            “Anong dugyot do’n?” Sa hitsura ni Gideon, para siyang na-offend. “‘Yan ang hirap sa mga homo sapiens, eh. Por que itinuturing na pinakamatalino, mababa na ang tingin sa iba. Alam kong  modern primate tayo, pero hindi dahilan ‘yon para maging supremist tayo. Para mo na ring sinabing angat sa lahat ng bagay ang mga European sa Africans.”

            Napakamot-leeg ako. “Iba naman ‘yang example mo, eh. Parehong species ‘yang pinagkukumpara mo.”

            Umiling siya. “Ang bottom line, hayop tayong lahat.”

            Bumuntong hininga ako. Hindi talaga ako mananalo. Kaya imbes na makipagtalo, pinalampas ko na lang. “Bakit, nakipag… ka na ba sa hayop ang ibig kong sabihin, sa ibang mammals?

            “Hindi pa. ‘Pag may nagustuhan akong aso o unggoy, bakit hindi? Isa pa…” nilingon ni Gideon at seryosong tiningnan. “May girlfriend na ‘ko. Homo Sapiens din.”

            Napangisi ako. Aba… “Patingin nga? Maganda ba?” Sa wakas, mukhang may normal silang pag-uusapan. May pakinabang na rin ang b*yag ng mokong. Siniko-siko ko siya at kinantiyawan ito.  

            In-imagine ko rin kung ano’ng hitsura ng babae. Kalahating tao-kalahating kabayo ba siya kaya napukaw niya ang interes ng kaibigan ko? Muntik na ‘kong matawa sa naisip. Maya-maya, may inilabas na retrato si Gideon mula sa bulsa ng pantalon niya.

            “Ayan. Si Lupe,” simpleng sabi niya.

            Iniabot sa akin ni Gideon ang larawan: luma, kulay sepia, at mukhang ilang giyera na ang pinagdaanan. Tinitigan ko ‘yon nang matagal.

            Saka ako napahiyaw. “Ha?!”  

            Gusto ko siyang pagtawanan at sabihan ng “siraulo!” pero sobrang seryoso niya nang mga oras na iyon. Alam ko namang hindi marunong magbiro ang kaibigan ko dahil kahit simpleng utot, sineseryoso. Isa pa, isang daang beses na mas sensitibo siya kumpara sa ibang tao pagdating sa mga ganitong usapin.

            “Ano ‘to?” tanong ko sa kanya. Pinipigilan kong mapakunot-noo.

            “Basta isang gabi, nanaginip akong may babaeng nakakandong sa’kin. Pangalan n’ya, Lupe, at sabi niya, girlfriend ko s’ya. Magpapakasal na dapat kami. No’ng una ayokong maniwala, pero ang sabi n’ya sa’kin, may itinago akong litrato niya sa likuran ng bodega namin. Kaya dapat, kunin ko ‘yon para magkabalikan kami. No’ng magising ako kinabukasan, pumunta ako sa likod ng bodega, at ‘yang litratong ‘yan,” iminwestra niya ang hawak kong larawan ng babae. “Nakuha ko ‘yan do’n.”

            Nanahimik lang ako pagkatapos. Marami akong gustong sabihin kay Gideon pero hindi ko magawang magsalita. Kung ‘di ko lang talaga alam ang ugali niya, mapagkakamalan ko siyang baliw. Marami na siyang nasabi sa akin noon na mga supernatural at mas mga weirdong bagay, tulad ng may kaibigan raw siyang Tikbalang, at naging kasintahan daw ng pinsan niya ang isang Shokoy. Sa lahat ng kwento ni Gideon, hindi ko alam kung bakit mas kampante pa ako sa kwento ng Shokoy at Tikbalang kaysa sa kwento ng litrato.

            Bumalik ang tingin ko sa retrato ni Lupe. Maganda naman ang babae. Mestiza. Hindi ito nakangiti. Nakatungo ito at para bang nakatingin sa kamera. Patay na ang babaeng nasa larawan, sigurado siya roon. At base sa hitsura ng litrato, mukhang matagal na panahon na’ng lumipas. Open-minded  at mahilig naman ako sa mga kababalaghan, pero sa isang ito… hindi maganda ang kutob ko.

            “Naniniwala ka sa reincarnation, ‘di ba?” Tanong sa akin ni Gideon maya-maya.

            Tumango ako.

            Tumayo siya at ipinamulsa ang dalawang kamay sa pantalon. “Sigurado ako na ako ang reincarnation ng boyfriend dati ni Lupe kaya n’ya ‘ko dinadalaw,” nilingon niya ako. “Tama?”

            Hindi ako sumagot.

Reincarnation. Lupe. Gideon. Panaginip. Lumang retrato.

Lumipas ang dalawang linggo simula nang sabihin sa akin ni Gideon ang tungkol sa babaeng nasa litrato. Dapat ay na-e-excite ako dahil misteryoso at kakaiba iyon at hindi dapat ako nakakaramdam ng ganito… na para bang may mali. Lalo na nang magkwento uli si Gideon noong isang araw.

Nahanap na raw niya ang puntod ni Lupe. Ang sabi niya, itinuro raw ng babae iyon nang mapanaginip niya ito uli. Napaiyak si Gideon noon. Hindi niya raw maipaliwanag kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kalungkutan nang makita ang libingan nito. Natulog siya sa puntod.  Kinabukasan paggising niya, may kumot na nakabalot sa katawan niya. Ang sabi ni Gideon, si Lupe raw ang nagdala niyon. Sinabi niya rin sa akin na gusto niyang pakasalan ang babae. Natawa pa ako noong una at sinabi sa kanya kung posible ba iyong mangyari gayong patay na nga si Lupe. Nang sabihin niya kung ano ang plano niya, muntik ko na siyang paluin ng dos-por-dos para magising. Kahit na alam kong puro ka-weirduhan ang mga ginagawa at pinag-uusapan namin, kabaliwan na itong gagawin ni Gideon.

Hindi ko alam kung tatawag ba ako sa mental institution o luluhod sa Diyos.

Magpapakamatay raw siya para makasama si Lupe.

 



1948


Nang hapong iyon, nakatanggap ako ng mensahe sa Messenger App mula kay Gideon. Magkita raw kami sa bahay nila, kaya heto ako ngayon, naglalakad papunta kina Gideon.

Mukhang alam ko na kung ano ang problema niya. Kaninang umaga kasi ay pinuntahan niya ako sa bahay namin. Nagulat ako nang makita siya?nanlalaki ang mga mata niya at maputlang-maputla. Nanunuyo rin ang mga labi niya at pawis na pawis, tila ba may sakit.

“Ano’ng nangyari sa’yo?” tanong ko sa kanya nang maupo kami sa terrace. Ngunit hindi ako sinagot ni Gideon. Nakatunganga lang siya at parang kinakapos ang hininga. Kumuha ako ng malamig na tubig mula sa kusina. “Oh,” iniumang ko sa kanya ang baso na may lamang malamig na tubig. “Uminom ka muna.”

            “Wala na si Lupe,” may takot sa boses ni Gideon noon.

            Napakunot-noo ako. “Ano’ng wala na si Lupe?”

            “Hindi ko na siya napananaginipan.”

            Unang beses kong makita na magkagayon si Gideon. Pero sa totoo lang, nang malaman kong hindi na ito nananaginip ng tungkol kay Lupe, napanatag ang loob ko. At least, hindi na siya tuluyang malululong sa babaeng ni hindi umiiral sa mundo.

Huminto ako sa paglalakad. Nasa tapat na ako ngayon ng bahay nila Gideon. Tatawagin ko sana siya para pagbuksan ako ng gate nang mapansin kong bukas pala iyon. Napailing ako. Malamang, si Gideon lang ang tao sa bahay ngayon dahil hindi hahayaan ng mga magulang niyang hindi nakakandado ang gate. Mahirap manakawan, sabi nga nila.

Pumasok ako sa bahay. Walang tao.

“Gideon?”

Dahil ilang beses na akong nakapasok sa bahay na iyon, dumeretso na ako sa kuwarto ni Gideon. Baka naro’n ito at nakatulog lang.

Pero ‘pagbukas ko ng pinto ng kuwarto niya, wala ring tao sa loob. Nadatnan ko lang ang malinis na kwarto niya. At bakit kaya walang punda ang mga unan? Humugot ako ng malalim na hininga at umupo sa kama. Binunot ko sa cellphone ko sa bulsa para tawagan sana ito nang mapatingin ako sa harap ng kuwadradong salamin. May napansin akong litratong nakadikit roon. Retrato ni Lupe.

Napakibot at napalinga ako sa paligid. Bigla kong napagtanto na malapit na palang lumubog ang araw dahil medyo madilim na.

Dali-dali akong lumabas ng kuwarto nang makaramdam ng kilabot. Dumeretso na rin ako sa labas ng bahay at pumunta sa bakuran nila Gideon. Napamura ako nang manlamig ang batok ko. Napaka-creepy talaga ng litratong iyon. Parang itong nagmamasid.

Maya-maya, narinig kong tumunog ang Messenger notification sa cellphone ko. Sa wakas. Nagpadala na rin ng mensahe si Gideon.

d k pa nssabi sau libingan ni Lupe d ba?  

            Napakunot-noo ako. Mukhang Lupe na ito. Nag-reply ako sa kanya. san?

            Nagpadala siya ng selfie ang mokong?straight-face at nakasuot pa ng puting Barong Tagalog. Nagsimula akong mag-type ng reply. San ka? g*g* bat ganan suot mo

            Na-seen lang ako pagkatapos. Dapat ay natatawa ako sa hitsura niya ngayon pero hindi ko maipaliwanag kung bakit bigla akong nakaramdam ng kaba nang hindi na siya mag-reply uli. Ano ba’ng ginagawa ng taong ‘yon? Sampung minuto ang lumipas nang makakuha uli ako ng mensahe mula sa kanya. Nagpadala na naman siya ng litrato… ng dalawang litrato.

Una, larawan ng mga nakatambak na gamit. Pamilyar at nakapunta na ako do’n. Hindi ako maaaring magkamali, sa bodega nila iyon.

Pangalawa, “Ha?!” Nalito ako nang ang sumunod na ipadala ni Gideon ay litrato ng kisame.

Sasagutin ko sana iyon nang mag-reply uli ito. Sunod-sunod na tuldok ang nakalagay sa mensahe niya. Hanggang sa sumunod.

sasamahan k na siya.

            Paulit-ulit kong binasa ang sinabi ni Gideon. Siya? Sino’ng sasamahan ng isang ‘yon? At hindi ko alam kung bakit bigla na lang pumasok sa isip ko ang litrato ni Lupe. Naramdaman kong nanlaki ang ulo ko. Nanginginig ang mga tuhod kong kumaripas ng takbo sa likuran ng bahay papunta sa bodega. Sarado ang pinto niyon nang makarating ako. Dali-dali kong itinulak iyon para bumukas.

Naninikip ang dibdib ko. Halos wala akong makita dahil kaunti na lang ang liwanag at mukhang lumubog na ang araw. May naririnig akong mahinang ungol. Para akong tanga na mulat na mulat ang mga mata, pinipilit hanapin sa dilim ang pinagmumulan ng tunog. Palinga-linga ako sa paligid, nakikiramdam. Hanggang sa lumakas ang ungol. Mukhang nanggagaling sa itaas. Tumingala ako sa kisame.

At nanlaki ang mga mata ko. Nakasuot ng Barong Tagalog, naroon si Gideon. Nakabitin. Sa katiting na liwanag ng dapit-hapon na nanggagaling sa bintana ng bodega, nasulyapan ko ang mukha ng kaibigan ko?halos lumuwa na ang mga mata habang panay ang pagkawag ng mga paa. Napaatras ako nang biglang mapatingin si Gideon sa akin.

Sa hitsura niya, hindi siya nanghihingi ng tulong. Tinitingnan lang niya ako. Parang pinapaalis niya ako. May mga luha at sipon na lumalabas sa kanya at pulang-pula ang mukha niya.

Ganoon pala ang pakiramdam kapag hindi mo alam ang gagawin. Kalmado ang buong katawan at parang nahihilo, hindi makagalaw, nanghihina. Hirap ako sa paghinga lalo na nang mag-umpisang mamuti ang mga mata ni Gideon at bumuka ang mga labi niya. Hindi ko magawang ikilos ang katawan ko para alisin ang tali na nakapalibot sa leeg niya. Natulala lang ako na parang inutil. Naramdaman ko na lang na napaluhod ako. Namalayan ko na lang na huminto na ang mga ungol at tumigil sa pagpiglas si Gideon.

Nakita ko na lang na nakatirik na ang mga mata niya.

Kailangan kong humingi ng tulong. Ililigtas ko si Gideon. Patayo na ako nang may makita akong babae sa pintuan ng bodega. Tatawagin ko sana siya nang sa pagkurap ko, wala nang tao roon.

Kasabay niyon, tumunog ang Messenger notification sa cellphone ko. Tiningnan ko iyon at nabitawan ang cellphone ko ‘pagkatapos.

Si Gideon ang sender. Nagpadala siya ng litrato.

Kuha ng imahe ng nakangiting si Lupe.


ITUTULOY...


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

7 Minutes

Time has a way of bringing you closer to the one who often makes it stop. Can 7 minutes change their 14 years of their not-so-platonic friendship?

Image Description
burgermclisse
03 March 2018