Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Pamahiin: Bawal sumipol kapag gabi

Image Description HueyMartinez   |   06 December 2017


Pamahiin: "Wag sumipol 'pag gabi." Sa tapat ng isang tindahan, may anim na magbabarkadang nagpapagalingang sumipol. Sa isang madilim na sulok, isang kakaiba at katakot-takot nilalang ay nakikinig...

“Hahaha, si Jenjen, ngayon lang natuto sumipol!” mapang-asar na sinabi ni Janwell.

Kakatapos lang maghugas ng mga pinag-tanghaliang pinggan si Ami nang dumating ang barkadang laging tumatambay sa tindahan katapat ng bahay nila. Sa ilalim ng puno ng mangga, doon madalas silang anim ay naglalaro’t nagkwekwentuhan.

“Eh ano ngayon?! At least marunong!” sumbat ni Jenjen kay Janwell, bago bumalik sa pagsipol.

“Ako, six years old palang ako, marunong na ako sumipol!” yabang ni Janwell, pasigaw at nagmamalaki. Matangkad siya para sa isang dose-anyos na bata.


Walang barkada si Ami, tahimik dahil madalas ay walang kausap. Hindi niya alam kung paano nagsimula, pero sa eskuwela, marami bansag para sa kanya tulad ng “Ami-abnoy”, “Ami-may-saltik”, “May-sayad” at “Otistik”. Masakit sa damdamin ni Ami iyon, pero hindi parin siya humihinto sa pagsubok makipag-kaibigan, kahit sa mga batang nang-iinis at nang-aasar sa kanya. Ngayon ay susubukan niya ulit; manghihingi siya ng perang pambili ng softdrinks sa nanay niya, at lalapit sa magbabarkadang naglalaro sa tapat ng tindahan.

“Uy, si Ami-abnoy…” bulong ni Jenjen sa mga kaibigan niya nang makita nilang papalapit si Ami.

“Hi Janwell at Jenjen, hi Cha-cha at Kristi, hi Daniel at Benji.” Kilala ni Ami sa mukha’t pangalan ang anim na batang minsa’y inasar siya sa eskuwela.

“Hi Ami.” ang sabi ni Cha-cha bago bumulong sa iba ng “…dun nalang tayo sa kabila.”

Nagkunwari nalang si Ami na hindi niya narinig ang bulong ni Cha-cha. “Pinabili lang ako ng nanay ko ng softdrinks dito.” Matapos ng maliit na kaway ay dumiretso’t bumili ng isang plastik ng softdrinks si Ami at bumalik ng bahay. Sa huli, hindi sila lumipat ng pwesto’t nag-tumbang preso’t patintero sa tapat ng tindahan, habang si Ami naman ay nasa bintana lang ng bahay niya, pinapanuod ang magkakaibigan.


“Masaya siguro magkaroon ng barkada”, bulong ni Ami sa sarili niya.

Inabot hanggang alas-sais ng gabi ang barkada sa tapat ng tindahan, naglalaro’t nagmemerienda habang nagsisimulang magdilim ang hapon. Napunta ang kwentuhan nila kay Jenjen at sa pagkatuto niyang sumipol. Di matagal ay kanya-kanyang kwentuhan na ng mga una nilang beses sumipol, iba’t-ibang style, pataasan ng tonong abot. Nalaman pa nila na si Cha-cha, hindi marunong sumipol.

“Anu ba yan, Cha-cha!” ang tawa nila Janwell at Daniel. “Twelve years old ka na, hindi ka parin marunong?”

“Ganito lang yan, Cha…” ang panimula ni Benji bago niya sinubukang ipaliwanag kung paano sumipol.

“…ayan, subukan mo umihip.”

“Tffsssss! Tffssss!” hirap na sinubukan ni Cha-cha sumipol. Nagtawanan ang magkakaibigan, kahit si Ami sa bintana nila, napatawa din ng mahina.

Ilang saglit pagkatapos ay isang sikat na kanta ay tumunog galing sa radyo ng tindahan. Nagsisimula sa isang nakaka-aliw na pagsipol ang kanta, paulit-ulit at madaling sabayan. Napansin ng magkakaibigan ang sikat na tugtog.

“Uy! ‘Yan yung kanta’ng sinisipol ko kanina!” sigaw ni Janwell. Hindi matagal ay sumabay na sa sipol ng kanta ang mga bata, maliban kay Cha-cha na hindi parin kayang sumipol matapos ang ilang subok.

Iba’t-ibang tono at klase ng sipol ang uma-alingawngaw mula sa mga bata nang tuluyang magsimula ang gabi. Pinalibutan ang kalye ng tunog ng sipol nila Janwell, Jen-jen, Kristi, Benji, Daniel… at ng isang kakaibang pinanggagalingan. Habang pinapanuod at pinapakinggan ni Ami ang sipol ng limang bata, napansin niya sa malayong parte ng kalye, isang tawid ng kalsada ang layo mula sa tindahan, ay may isang eskinitang madilim. Sa gitna’y may nakatayong isang malaking taong kasing dilim ng anino; parang taong grasang malaki at mataba. Sa hubog ng ulo’t katawan niya ay masasabing mahaba ang buhok ng nilalang, at sa gitna ng dilim ng kanyang mukha ay makikita ang bibig at mata, maduming puti sa gitna ng purong itim. Sa kanya nanggagaling ang kakaibang tunog ng sipol, pero sa kanyang bibig, hindi porma ng sumisipol na labi ang makikita kundi isang malaking ngiti ng bali-balikong ipin, at nakatingin sa mga batang sumisipol.

Hindi mawari ni Ami ang nararamdaman niya: halo ng takot at gulo ng isip, at dahil doon ay napahinto at napatulala lang siya sa kanyang pwesto. Naisip niya ang mga bansag ng mga mapang-asar niyang ka-eskwela. Baka nga totoo ang mga bansag nila sa kanya. Sa sandaling iyon, biglang lumipat ang tingin ng mala-aninong nilalang mula sa mga bata… papunta sa direksyon ni Ami.

“Amihan?”

“’Nay!?” gulat niyang sagot sa boses ng kanyang nanay galing sa luob ng isang kwarto.

“Ikaw ba ‘yang sumisipol?”

Lumingon si Ami para hanapin ang nilalang sa eskinitang madilim, ngunit sa pwesto niya kanina’y ngayon isang malinis na kantong sinisilayan ng ilaw ng street lamp. Walang bakas ng maitim at malaking lalaki. “Hindi po, mga bata po sa tapat ng tindahan ‘yung sumisipol.”

“Hay nako, mga batang ‘yan, sipol ng sipol dis-oras ng gabi. Halika, tulungan mo akong magluto ng hapunan.” Umalis sa pwesto niya sa bintana si Ami at dumiretso papaluob pa-kusina, kung saan naghihintay ang nanay niyang magsimulang magsaing siya ng kaning panghapunan.

“Guni-guni ko lang siguro…” sinabi ni Ami sa luob-luob niya ng maalala ang maitim na nilalang sa madilim na eskinita.

Kinabukasan ng hapon, matapos maglinis ng sala, dumungaw si Ami sa bintana, nagbabakasakaling dumating ulit ‘yung mga batang galing kabilang kanto. Pero tahimik ang kalsada pwera sa mga kabarangay na dumadaan-daan. Ilang saglit ay may isang batang dumating sa tapat ng tindahan: si Cha-cha. Lumingon muna sa kaliwa’t kanan, tapos ay napatungo’t nagkamot ng ulo. Naglabas ng isang maliit na paketeng may lamang jackstones at umupo’t binuhos ang jackstones sa sahig para maglaro mag-isa.

Isang pagkakataong makipag-kaibigan, naisip ni Ami. Dali-dali’y dumaan siya sa nanay niya’t humingi ng pera pambili ng merienda sa tindahan para lang magkaron ng magandang rasong daanan si Cha-cha, nag-iisa’t walang kalaro.

“Hi Cha-cha” ang kaway ni Ami. “Nasaan sina Daniel atsaka ‘yung iba? Ba’t ikaw lang mag-isa ngayon?”

Hindi mapigilan ni Cha-cha’ng mapangiti ng konti pagkakita niya kay Ami; parang isang taong ilang buwan nang walang kausap. “Uy, Ami.” Tumingala siya kay Ami sa kinauupuan niya. “Ewan ko ba dun kina Daniel ‘tsaka Benji, pero sina Janwell at Jen-Jen daw, ‘di daw pinalalabas ng bahay.” May konting pag-aalala sa mukha niya habang kinukwento niya. “Parang may lagnat daw, pinagalitan din daw kagabi sabi ng tita nila noong dumaan ako kanina sa kanila.”

Huminga ng malalim si Ami, tumingin ng diretso sa mukha ni Cha-cha. Ito na ang chansa niyang makipag-kaibigan.

“Pwedeng makipaglaro?”

Hindi na nila namalayan ang oras mula noong nagsimula silang maglaro ng jackstones, nakipag-kwentuhan tungkol sa mga paboritong merienda, sinong crush nila Benji at Daniel, paboritong subject sa eskwela at kung anu-ano pa. Nakalimutan ni Cha-Cha ng sandali ang iba niyang mga kaibigang wala sa tapat ng tindahan, at nakalimutan din ni Ami ang mga pangaasar sa kanya ng ibang mga bata. Sa mga oras na iyon, silang dalawa lang ang magkaibigan.

“Hindi din ako marunong sumipol”, nakangiting sinabi ni Ami sa bago niyang kaibigan.

“Hahaha, pano mo nalaman? Nakiki-chismis ka kagabi no? Abnormal ka talaga Ami”, pabirong sagot ni Cha-cha.

“Ako rin, hindi marunong,” sabi ni Ami, bago subukang sumipol. “Trrfffts!” Mangasul-ngasul na ang mukha ni Ami nang maubusan ng hangin kakaihip sa pagsipol niyang palpak.

“Hahahaha, umayos ka nga, baka magaya ka kina Janwell ‘tsaka Jen-Jen. Sabi ng tita nila, yung lagnat daw nila eh dala ng beke kaka-ihip at kakasipol kagabi. Si Kristi din daw, may sakit din”, kwento ni Cha-cha.

“Buti nalang, ‘di tayo marunong sumipol”, pampalubag-luob na sinabi ni Ami.

“Subukan nga natin ‘yung style na kinukwento ni Benji kagabi”, sabi ni Cha-cha, bago niya unti-unting pinaliwanag kay Ami ang sinasabi niyang style ni Benji; posisyon ng labi, puwesto ng dila, tamang basa ng labi’t bibig at tamang ihip. Unang ihip, palpak. Pangalawang ihip, mas maayos ng konti, ngunit sa pangatlo… parang diretsong tunog ng ibon. “Ayun! Marunong na ako Ami!” tuwang-tuwa na sinabi ni Cha-cha.

Sa pangalawang pagkakataon, kasabay ng paglubog ng araw, tumugtugtog ulit sa radyo ang sikat sa kantang may nakaka-aliw na sipol. “Sakto, Ami, kaya natin ‘tong sabayan!” ang hikayat ni Cha-cha bago sabayan ng tono ng sipol ang radyo.

Sa gitna ng katawa-tawang pagsubok at pagpalpak sa pagsipol, isang nanamang kakaibang tunog ang napansin ni Ami. Malamig, malagim, at parang isang sipol na kumakayod sa bakal. Habang sumisipol si Cha-cha sa harap niya, tanaw ni Ami sa likuran ni Cha-cha ang isang madilim na eskinita; katulad ng nakita niya kagabi, pero walang maitim na nilalang. Nang sinundan ni Ami ng tingin ang tunog, nakita niya sa likod ng pader ng tindahan nakasilip: isang itim na hugis, nakangiting nakatingin kay Cha-cha na kasalukuyan ay aliw na aliw sa sipol ng sinasabayang tugtog.

“Cha-cha?” mahina’t nanginginig na tanong ni Ami. Walang imik si Cha-cha’t patuloy na sumisipol.

“Cha-cha? Nakikita mo ‘yung maitim na ‘yun?” may kasamang nag-aalalang alog sa balikat ni Cha-cha.

“Anu’ng itim? Ano’ng sinasabi mo?” gulong-gulo na tinanong ni Cha-cha habang tumingin sa direksyon na tinitingnan ni Ami. “Wala namang andun ah.”

Sa isa pang pag-dungaw ni Ami sa balikat ni Cha-cha, walang ibang kulay kundi itim ang nakita ni Ami, at sa pag-tingala niya, ang maitim na nilalang ay nakatayo sa likod ni Cha-cha, nangingibabaw at naka-tungo sa kanilang dalawa, dilat ang mata at magkabilang-tenga ang ngiti. Peligro at nagsusumigaw na takot ang naramdaman ni Ami nang dinakma niya ang balikat at braso ni Cha-cha; tumusok ang mga kuko ni Ami sa balat ni Cha-cha sa sobrang diin.

“ARAY!” Tinulak ni Cha-cha ang tuliro at dilat na si Ami na napa-upo sa lupa; maputla at nanginginig sa takot. “ABNOY KA TALAGA! Sabi na nga ba abnormal ka!” sabay takbo paalis patungong bahay nila. Pagtingala ni Ami, walang ibang bagay sa ibabaw niya kundi ang yerong bubong ng tindahan at ang malaking puno ng mangga. Nawala ng parang bula ang madilim na nilalang, at di bakas sa mga tao sa paligid ang pagdating ng maitim na higante. Napalunok si Ami ng malalim bago bumangon at tumakbo pabalik ng bahay.

Hapon ng kinabukasan, inutusan si Ami ng nanay niya na bumili ng suka sa tindahan. Walang batang naglalaro ngayon, kahit si Cha-cha o kahit sino sa anim na magbabarkada. Matapos bilhin ang suka, sa isang parte ng pader sa kanan, may isang nakapaskil:

“MISSING: JANWELL AND JENELYN ARUEGGO, 13 & 12 YEARS OLD. Contact: NITA ARUEGGO”

Agad naisip ni Ami ang maitim na nilalang, dalawang magkasunod na gabi na niyang nakikita. Naputol ang takot na naiisip niya nang napalitan ng bagong takot pagka-basa niya karatulang katabi ng una niyang binasa:

“NAWAWALA: DANIEL JAMES JUAREZ. CONTACT 0916-65…”

“Nanay, pwede po bang dumaan sandali sa kapitbahay natin?” paalam ni Ami sa nanay niya. Matapos ang mahabang kwentuhan nila ni Cha-cha kahapon, nalaman niyang malapit lang ang bahay nila sa bahay ng pamilya ni Cha-cha. Pinayagan siya sa kondisyong hindi siya magpapagabi. Matapos mag-ayos ng panglabas na damit, dumiretso si Ami sa bahay ni Cha-cha.

Agad may dumating sa pintuan nila Cha-cha nang pinindot ni Ami ang doorbell ng bahay.

“Good afternoon po, nandiyan po ba si Cha-cha?” naka-ngitning bati ni Ami sa taong bumukas ng pintuan. Isang babaeng may hawig kay Cha-cha at hindi katandaan ang sumalubong kay Ami. “Oh, pasok ka, pasok. Upo ka muna diyan, tatawagin ko si Cha-cha.” Dumiretso sa hagdanan at umakyat ang walang dudang nanay ni Cha-cha. Sa itsura ng sala nila, halatang may kaya ang pamilya nila.

Malalambot na tapak ay rinig sa hagdan nang dahan-dahang bumaba si Cha-cha; naka-balabal ng maliit na kumot at naka-pangtulog parin kahit hapon na. Maliit na ngiti ang bumati kay Ami mula sa mukha ni Cha-cha bago dumating ang nanay niys, may dalang dalawang baso ng orange juice. “Salamat po, ‘Ma”, sabi ni Cha-cha pagka-bigay sa kanilang dalawa ng juice. Ngumiti ang nanay ni Cha-cha bago iwan ang dalawang bata sa sala.

Magsisimula palang sabihin ni Ami ang tanong na “Kamusta ka, Cha-cha?” pero na-udlot nang sabihin ni Cha-cha:

“Nakita ko, Ami. Nakakatakot.” Mahigpit ang kapit ni Cha-cha sa baso niya.

“’Yung maitim?” tanong ni Ami. Tumungo si Cha-cha, at nagsimulang magkwento.

“Sa panagiinip ko kagabi, may nakita akong parang higanteng maitimm, parang mabalahibo atsaka mahaba ang buhok.” Tumungo si Ami. “Nakita ko rin sina Janwell, Jen-jen, Daniel, Kristi atsaka Benjo sa panaginip ko, nakapila sa likod nung maitim; lahat sila, sumisipol.”

Tahimik lang silang dalawa pagkatapos ikwento ni Cha-cha ang panaginip niya; kumpirmadong totoo ang nakikita ni Ami ng dalawang magkasunod na gabi. Hindi nila alam kung ipapa-alam ba nila sa mga magulang nila, sa barangay captain, o sa pulis ang mga nakita nila, pero kahit sa murang edad nilang dose-anyos, alam nilang mahirap paniwalaan ang kwentong may isang higanteng itim na dumadakip ng mga batang sumisipol tuwing gabi. Huminto ang tahimik nilang dalawa nang sinabi ni Cha-cha, “Sorry pala kagabi ha, tinulak kita.”

“OK lang, Cha-cha, wala ‘yun.”

Madilim, malamig, at pamilyar ang pakiramdam ng lagim sa paligid ni Ami. Sa harap niya, isang malaking puno ng mangga na parang hinahangin, bawat sangay ng puno’y gumagalaw na parang mga galamay ng pugita. Walang ibang tao sa kalsada, patay ang ilaw sa tindahan at sa ibang mga bahay na parang nawalan ng kuryente. Nakatayo lang si Ami, pinapanuod ang punong winawagayway ang mga galamay niyang sanga, nang may tunog na umagaw ng atensyon niya: isang pamilyar at nakakakilabot na sipol.

Ang maitim na nilalang, nakangiti’t dilat ang mata, ay naglalakad sa kalsadang katabi ng tindahan. Kasing-bagal ng prusisyon ang bawat tapak, mga paang purong itim na dumidikit sa semento ng kalsada. Sa likuran, limang pares ng paa ang nakapila. Limang hugis ng bata ang nakasunod sa maitim na nilalang, purong itim mula sa tuktok ng mga ulo na dahan-dahang lumalabo pababa sa bandang tiyan. Damit pang-tulog ang mapapansin sa mga parteng hindi kinain ng dilim, at sa pwesto ng mga mata nila ay dilat na puting tuldok.

Sigurado si Ami na ang anim na batang nakasunod ay walang iba kundi ang mga batang naglalaro sa tapat ng bahay nila. Sa unang tatlong kumpirmadong nawawala, malamang ay parehas din ang sinapit ng natitirang tatlo. Pinapanuod ni Ami ang malagim na paradang dahan-dahang naglalakad sa harap niya at isa-isa siyang nilalampasan patungo sa kabilang kalsada. Dumaan ang maitim na nilalang ng hindi binibigyang pansin si Ami, pagkatapos ay isang batang makikilala sa hugis ay si Janwell, sunod ay si Jen-jen, at si Benji, si Kristi, si Daniel, at sa huli… si Cha-cha. Huminto ang hugis ni Cha-cha sa tapat ni Ami at humarap, dilat na ga-tuldok na matang naka-titig sa kanya, at gamit ang bibig na nilamon ng itim, nagsalita:

“Abnoy ka talaga, Ami.”

Gumising si Ami na pinagpapawisan ng malamig. Ala-una ng madaling araw nang narinig niya ang nanay niyang may kausap na dalawang lalaking kumatok sa pintuan ng bahay nila.

“Inang, pwede ho bang maki-kabit ng karatula dito sa pader niyo? May nawawala nanaman hong bata eh.” Sabi ng isang boses ng lalaking may konting bakas ng edad.

“Wag niyo nalang ho palabasin ‘yung anak niyo pag gabi, may curfew na ho ang barangay para sa mga batang pagala-gala ng madaling-araw.” Sabi ng isa pang boses, mas bata sa nauna.

Pumikit nalang si Ami. Sana panaginip lang din itong nangyayari pero alam niyang gising siya. Sa bintana ng kwarto niya natatanaw niya ang puno ng mangga sa tapat ng tindahan; normal, di gumagalaw ng parang galamay. May ilaw ang mga bahay ng mga kapitbahay. Isang normal na ala-una ng madaling-araw: walang kakaibang tunog o sipol, walang naglalakad ng maitim na higante… walang limang batang kasalukuyang nawawala. Di matagal ay dinalaw ulit ng tulog si Ami.

Hapon kinabukasan, kakatapos lang maghugas ng pinggang pinag-tanghalian si Ami. Nagpaalam siyang maglaro ng jackstones sa tapat at hindi aabutin ng alas-sais ng gabi sa labas. Nang pumayag ang nanay niya, binigyan siya ng perang pang-merienda, at agad niyang kinuha ang lalalagyan niya ng jackstones, at lumabas ng pintuan ng bahay.

Kahit saan lumingon si Ami, mayroong panawagan at karatula sa mga pader para sa mga nawawalang bata. Lumakad siya patungo sa ilalim ng puno ng mangga pagkatapos bumili ng softdrinks sa tindahan. Umupo siya sa sahig at binuksan ang lalagyan ng jackstones. Mula sa lilim ng puno, tinanaw niya ang mga litratong nakapaskil sa pader, litrato ng mga masasayang bata na noong isang araw lang ay nasa lilim din; nagtatawanan at nagpa-pagalingan sumipol. Binasa ni Ami ang isa sa mga karatula:

“NAWAWALA: SHERINNA MAE ‘CHA-CHA” DE GUZMAN. 12 YEARS OLD. CONTACT 0920-546…”

Huminga ng malalim si Ami. Bago niya ilabas ang naipong hangin, inalala niya ang tinuro ni Cha-chang style kung pano sumipol. Ipinuwesto niya ang dila at labi niya at dahan-dahang umihip ng hangin palabas:

“Tfsstsssss. Tssssffffffssstt.”

“…hindi parin ako marunong sumipol.”


Comments

YOU MAY ALSO LIKE