Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



In this ever-changing world, one will always need a heavenly buddy--one who will navigate the maze of life, while finding and losing friends, searching for meaning, and making room for second chances.

Noong sumunod na linggo, nasa gitna ako ng klase nang i-text sa akin ng kaibigan kong si Alex na namatay na raw ang isa pa naming kaibigan na si Mico.

Di ko masabi kung sobrang close ba kami ni Mico. Sakto lang siguro. Hindi sobrang intimate na parang sa isang taong nasasabihan mo ng lahat at nakakasama mo sa maraming pangyayari sa mundo. Enough lang siguro ang pinagsamahan namin para maapektuhan ako sa kanyang paglipas.

Marami sa henerasyon namin ang nasasawi ngayon. Kaliwa’t kanan. At hindi man dahil sa mga external na pangyayari tulad ng aksidente o isang masamang loob, madalas ay internal. Parang sa pinaka-ilalim ng damdamin ay may dalawang magnet na magkaiba ang poles at patuloy na nilalabanan ang isa’t isa habang pinipilit ng utak na pagdikitin sila.

Noong araw ng pagpanaw niya, maaga raw gumising si Mico. Kinuha ang tirang kanin noong kinagabihan, bumili ng isang pakete ng hotdog, limang itlog, at ipinagluto ang buong pamilya ng almusal. Masiglang-masigla raw ang itsura ni Mico noong umaga na iyon. Nakipaglaro pa sa mga pinsan, at namalengke pa para sa pananghalian. Nangako pa nga raw ito na siya na rin ang magluluto. Pumasok ito sa kwarto at hindi na lumabas hanggang hapon.

Nang pwersahan nilang buksan ang pinto, wala nang buhay ang nag-bigting si Mico.

Bigla ko lang naisip, habang nagluluto kaya siya, o habang namamalengke, doon niya kaya na-confirm na hanggang doon na lang ang buhay niya?

Traffic noong pauwi ako galing sa bahay nila Mico. May ginagawang kalsada kasi, kaya medyo hirap sa bigayan ng daan ang mga dumaraang sasakyan. Sa tabi ko, sa may bangketa, may isang bata na hinahagis pataas ang plastic na laruang eroplano. Panonoorin niya itong “lumipad”, tapos panonoorin niyang bumulusok sa sementadong lapag. Paulit-ulit niya itong ginagawa, sumisigaw at tumatawa pa nga. Sa loob ng ilang minuto, pinanood ko rin siya. Naaliw rin ako saglit. Ganoon nga sa buhay kung minsan, wala tayong magawa kundi panoorin o gawin ang paulit-ulit. At dahil nga ganoon, madalas tayong naghahanap ng ibang daan palabas.

Hindi agad ako dumiretso sa apartment. Papalubog na ang araw, pero parang ang liwa-liwanag pa rin. Binalak ko mag-early dinner para pag-uwi ay magbabasa na lang ako para antukin. Tumigil ako sa isang small-time na restaurant. Lutong-bahay ang specialty. Mas sosyal ng kaunti sa mga karinderya, mas mura di hamak sa mga bigating restaurant.

Inabutan ako ng menu ng babae sa harap at dinala ako sa isang upuan. Mabilis ko lang ini-scan ang menu bago ko tinawag ang serbidora. “Isang order ng sisig, at two rice.” Tumingala ako upang tignan ang waitress.

Nagulat ako. At alam kong pati siya, nagulat.

Naka-hairnet ang naka-pusod na buhok, may suot na itim na blouse at apron, ay si Kathryn.

“Hi?” alanganin kong bati.

“Sisig with two rice po?” sabi niya. Ramdam na ramdam ko ang pagpupumilit niyang pakalmahin ang sarili niya. Tumango na lang ako. “Ano pong drinks?”

“Iced tea na lang.”

Sinulat niya ito. Inulit niya ang order ko bago siya tuluyang tumalikod at umalis.

Small world nga naman.

Matapos ang ilang minutong paghihintay, inihain ni Kathryn ang order ko. Marahang inilapag ang sizzling sisig at plato na may mainit na kanin.

“Baka naman may galit ang pagkain na ‘to, a,” biro ko.

Tumingin siya sa akin. Walang bakas ng anumang tuwa sa mukha niya. Parang nakalimutan niyang service crew siya at ako ay customer. “Wala pong galit ang pagkain. Pero ‘yung nagluto po, meron.”

Kumunot ang mga kilay ko. “Ikaw ba nagluto?”

“Hindi po sir,” ngumiti na siya. “Pero best friend ko po.” Sabay talikod.

Napangiti na lang rin ako sa aking sarili. Inamoy ko na rin muna iyong pagkain, just to make sure. Tinignan ko kung may lumulutang na kakaibang bula sa iced tea, pero wala rin naman. Hindi naman siguro siya ganoon ka-sama na pati ang kung anong galit niya sa akin ay daldalhin niya hanggang dito sa trabaho.

Pagkatapos kumain, hiningi ko ang bill pero ibang waitress na ang lumapit sa akin. Siya na rin ang nagligpit ng mga pinagkainan ko. Pa-pull-out na ako sa driveway nang mag-ring ang cellphone ko. Hindi man naka-register ang pangalan, alam kong si Kathryn iyon.

“What the hell, talagang inalam mo kung saan ako nagwo-work?” bungad niya.

“Hindi ganun, ano ka ba?” sagot ko. “Di ko nga akalain na dito ka pala nagta-trabaho e.”

“Yeah nice one. Leave me alone, kundi ipapa-pulis kita!” huli niyang sinabi bago naputol ang tawag.

May sapak na talaga ang babaeng ito.

***

Alas-nuwebe ng gabi, tumawag uli si Kathryn. Hindi ko na nga dapat sasagutin. Iba-block ko na sana ang number niya para hindi na niya ako ma-contact. Pero ewan ko, pumasok sa kukote ko na kapag sinigaw-sigawan niya ako e papatulan ko na talaga siya. Mumurahin then puputulin ang tawag, sabay block ng number. Drop mic, kumbaga.

Pagsagot ko, tahimik ang kabilang linya. “Hello?”

Naririnig ko siyang humihinga pero hindi siya nagsasalita. Nag-“hello” ako uli pero wala pa ring sagot. Ibababa ko na sana nang bigla niya akong tawaging “Richard?”

“Miss, hindi ako si Richard. Ano ba—”

“I know, I know, pero di ko kasi alam ang pangalan mo e.”

“Daniel.”

“Okay, Daniel,” huminga siya nang malalim. “Ano ba, um, di ko talaga alam kung pa’no sisimulan ‘to e. Not really good at this.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Mag-apologize.”

“Di ka marunong mag-apologize?”

“Marunong, pero usually sa mga taong kakilala ko.”

“Paano kapag may nabubunggo ka sa daan?” sabi ko.

Natawa si Kathryn. “Ano ba, siyempre iba naman ‘yon!”

“Well, magkakilala naman tayo. Schoolmates tayo e,” sagot ko sabay banggit sa pangalan ng University pati ang subject kung saan kami naging magkaklase.

“Ah! Kaya pala familiar ka!” sabi niya. Pero ilang segundo lang, binawi niya. “No, pasensya na. Di kita matandaan. Wala naman kasi akong pakialam sa ibang tao. Well, mas lalo noon.”

Di ako nagsalita.

Huminga uli siya nang malalim. “So, ayun, napatawag ako kasi feeling ko masyado akong naging harsh sa ‘yo. I mean, nobody deserves those words.”

“Okay,” lang ang nasabi ko.

“I mean, in a way, niligtas mo ko from something worst na pwedeng mangyari.” Hindi uli ako sumagot. Hinayaan ko talaga siya magsalita. May kakaiba sa tono ng pananalita niya. Pakiramdam ko ay may dala siyang chopping board at marahang hihiwa ang mga salita niya, nag-iingat at ayaw masugat o makasugat. “I’ve been going through a lot, lately.”

“We all are,” sagot ko. “Pero bakit number ko ang nai-dial mo?”

“Halos pareho kasi kayo ng number ni Richard,” sagot niya. “As in isang digit lang ang pagkakaiba!”

Natawa kaming dalawa. Tapos, siya uli ang nagsalita. “Anyway, naniniwala naman akong di mo ako pinagsamantalahan nung hinatid mo ‘ko sa apartment mo.”

“Hindi kita type,” biro ko.

Parang hindi niya narinig ang sinabi ko. “So aside from saying sorry, gusto ko ring magpasalamat.”

“Gusto kong maniwala na ginawa ko lang ‘yung tama,” sambit ko.

Saglit siyang napa-isip. “Bakit ganyan ka magsalita?”

“Wala. Sa totoo lang kasi, gusto ko siyempre gumawa ng tama, pero ayoko namang magtunog anghel,” sabi ko. “Maraming tao ngayon ang magagaling magsalita pero wala namang ginagawang tama. Meron rin namang mga gumagawa nga pero, alam mo ‘yun, sila lang ang naniniwalang tama ang ginagawa nila.”

“Alam mo, tama ka,” sagot ni Kathryn. “May iba pa na kapag gumawa ka ng tama, titignan ka bilang perpektong tao. Magse-set ng standards sa ‘yo ang ibang tao. Tapos kapag nagkamali ka, at hindi ka na fit sa kung ano ang tingin nilang tama, ipe-persecute ka na para bang wala kang ginawang tama.”

“Pero, tingin ko gano’n talaga e. Kasi di ba, isang beses ka lang naman mabubuhay. Walang take-two tulad sa pelikula. Walang undo,” sabi ko.

“You mean, YOLO?” sambit niya.

Nagtawanan kami.

Nag-usap pa kami nang kaunti bago tinapos. Ang huli niyang sinabi ay “I’ll make it up to you,” dahil hiyang-hiya raw siya sa nangyari. Kumontra ako pero sa huli ay hinayaan ko na siya.

***

Alas-kwatro ng hapon kinabukasan, tapos na ang mga klase ko, nang tawagan akong muli ni Kathryn.

“Kumusta ang klase?” tanong niya. Alam niyang hanggang alas-kwatro lang ang mga klase sa University.

“Uh, ayos naman,” sabi ko habang sumasakay sa driver’s seat ng kotse ko. “Ikaw, wala ka bang pasok?”

“Meron, pero di ako pumasok.”

Natawa ako nang kaunti. “Bakit naman?”

“Eh wala, tinatamad lang,” sabi niya. Nadama ko sa tono ng pananalita niya na parang may gusto siyang sabihin pero at the same time ayaw niya o nahihiya siya.

“So bakit ka napatawag?” ang basag ko sa katahimikan niya.

“Wala, ano, uh, yayain sana kita kumain ng hapunan?”

“Saan? Libre mo?”

“Dito sa apartment ko. Nagluto kasi ako e, kaso naparami. Di ko naman mauubos ‘to. Baka mabundat aso ko kapag kaming dalawa lang ang kumain.”

Totoo ba ‘to? Kinukumbida niya ako sa apartment niya? Isang di-hamak na stranger?

“Ano, okay ba sa ‘yo?”

“May tumatanggi ba sa libre?” sabi ko. Natawa siya.

***

T-in-ext sa akin ni Kathryn ang directions papunta sa apartment niya. Nasa may bandang dulo ito ng Sta. Mesa. Dumaan ako sa isang 7-Eleven at bumili ng mumurahing red wine (request ni Kathryn—babayaran daw niya ang kalahati). Makipot ang daan sa kanto ng building ng apartment niya kaya napilitan akong mag-park sa kabilang kanto, may limang-minutong lakad rin ang layo sa building. Matagal na siguro ang building na ito. Bagamat halata namang na-me-maintain kahit papaano, may mga pilas na ang pintura sa mga dingding, at parang may suot na belo ng tinatagong kalungkutan ang istruktura. Sa lobby, sumalubong sa akin ang isang guard na agad tinanong kung saan ako pupunta. Sinabi ko ang pangalan ni Kathryn at tinawagan nila ito. Noong napatunayan nilang bisita nga niya ako at hindi lang kung sinong manggugulo, pina-log nila ako sa isang malaking notebook sabay iwan ng ID.

Nasa ikatlong palapag ang tinutuluyan ni Kathryn. May elevator mula sa lobby, pero mas na-trip-an kong mag-hagdan. Maalikabok ang hawakan at bahagyang umaalog ang bawat baitang ng hagdan sa bawat yabag ko. Malambot na semento? Ewan. Nag-ingat na lang ako. Nang marating ko ang pinto ni Kathryn, kumatok ako nang tatlong beses.

Pagbukas ng pinto, bumungad sa akin ang naka-sando’t shorts na si Kathryn. Pawisan siya, at napapabuntung-hininga pa nang pagbuksan ako.

“Okay ka lang?” tanong ko habang humahakbang papasok sa apartment niya.

“Oo, naglilinis kasi ako ng kwarto.”

“Um, bakit?”

“Ewan?” natawa siya. “Naisip ko lang. Anyway patapos na ako. Upo ka muna d’yan.”

Para sa akin, maayos naman ang apartment niya. Mababa ang kisame. Naka-linoleum ang sahig. May maliit na TV sa tapat ng isang maliit na sofa. Sa gitna, may mesitang babasagin. Mayroon siyang maliit na shelf kung saan magulong nakasalansan ang iba’t ibang mga libro at magasin. Inilapag ko sa mesita ang bote ng wine at umupo. May mga kapirasong damit na nakakalat, at sigurado akong pagpunta ko sa kusina, may tambak na hugasin.

Maya-maya, lumabas na mula sa kwarto niya si Kathryn. Naka-shirt na ito pero naka-shorts pa rin. Kinuha niya ang bote ng wine.

“Hindi ka naman siguro nalalasing sa red wine?” tanong ko sa kanya.

“Gagi, hinde,” sabi niya. “Nung gabing tinawagan kita, wala, nagpaka-walwal lang talaga ako no’n.”

“Okay, sabi mo e,” sagot ko. Tumungo siya sa kusina. Sumunod ako. Natanaw ko sa lababo: tambak nga ang hugasin.

Pinaupo niya ako sa dining table habang kumuha siya ng dalawang malinis na plato at sinandukan ito ng kanin. Tapos, kumuha siya ng mangkok kung saan sinandok niya ang Adobo.

“Bakit naman naparami ang luto mo? Mali ka ng tantya sa palengke?” tanong ko.

“Hindi, akala ko kasi may pupunta,” sabi niya.

“Bakit, ano’ng meron?”

Hindi pinansin ni Kathryn ang sinabi ko. “Kain na tayo.”

Tahimik kaming kumain. Sa totoo lang, nagustuhan ko ang luto niya. Malambot ang laman at malasang-malasa ang sarsa. Tipong kahit mainit na sarsa lang sa isang maulan na umaga, at saka kanin, solb na. Binuksan ko ang wine gamit ang opener na inabot sa akin ni Kathryn. Naghalo ang bittersweetness ng wine sa nag-aagaw na tamis at alat ng adobo. Lalo lang akong ginanahan.

“In fairness, okay ka magluto,” sabi ko. “Pero hindi ka tiga-luto dun sa trabaho mo?”

“Hindi, waitress ako dun. Gusto ko na nga mag-resign e.”

“Bakit naman?”

“Wala, alam mo ‘yung feeling na ginagawa mo lang ‘yun dahil sa kailangan mo, at hindi dahil sa gusto mo?”

Tumango lang ako habang ngumunguya.

“May pera naman from my parents, kaya sabi ko, I don’t need to keep doing it.”

“Asan parents mo?”

“Sa States sila pareho. Ako lang nandito. Siblings ko sa Europe nag-aaral.”

“Ba’t ka nagpa-iwan?”

“Yoko sila kasama,” natawa pa si Kathryn nang sabihin iyon. “I wanna be real, you know? Gusto ko mag-focus na ayusin ang sarili ko, on my own terms. Ang alam nga nila matiwasay akong nag-aaral e.”

“E kung may pera naman pala from your parents, bakit ka pa nagta-trabaho while studying?”

“Ewan ko rin e,” sabi niya. Nakatitig lang siya sa tambak ng kanin at ulam sa plato. “Parang may gusto akong patunayan or something…something like that, siguro.”

Tumango-tango lang ako. “I won’t complain. Mukhang maayos naman ang nangyayari sa ‘yo.”

“Getting drunk and wasted sa kalye?”

Ngumiti ako. “I mean, masarap ka magluto. That’s a start.”

“Well, thank you.”

“Gusto ko ng masarap na pagkain. Iyong alam mong niluto nang may pagmamahal. Sabi kasi nila, ang masarap na pagkain ang senyales na may mga magagandang bagay na mangyayari. Parang, ang sarap mabuhay basta may masarap na pagkain.”

Nginitian lang ako ni Kathryn.

Pagkatapos kumain, tinulungan ko siyang maghugas. Nagbigay pa ako ng kaunting lecture kung bakit hindi dapat hinahayaan ang mga hugasin na nakatambak sa lababo. Pagpi-piyestahan ito ng mga lamok at ipis, na siyang pwedeng maging dahilan ng sakit. Tapos, inaya niya ako sa rooftop dala ang red wine.

Maulap ang gabing iyon. Tinakpan nila ang buwan at mga bituin. Kumukutitap na parang sanlibong makikinang ap ot ng mga alitaptap ang mga ilaw ng lungsod. Mga ilaw mula sa malalayong gusali, mga bahay, mga streetlight, mga sasakyang dumadaan. Magkatabi kaming umupo sa may ledge, nakabitin ang mga paa, habang inuubos ang red wine.

“Alam mo, Daniel,” umpisa ni Kathryn. “Ang gusto ko lang naman e mabuhay nang matiwasay.”

“Wow, parang ganyan ‘yung salitaang nakikita ko sa Facebook a,” sagot ko. Humigop ako ng red wine. Mainit sa lalamunan at sikmura.

“Pero totoo, ‘yun ang gusto ko. Mabuhay nang matiwasay,” sabi uli ni Kathryn. “Pero pa’no ba? Pa’no ba mabuhay nang matiwasay?”

Hindi ako nagsalita. Tingin ko mayroon siyang kailangang ilabas mula sa damdamin niya at baka makagulo o ma-break ko lang ang momentum kung i-distract ko pa siya. Dinig na dinig mula sa kinauupuan namin ang tunog ng traysikel na dumadaan sa ibaba.

Nang di pa rin siya magsalita matapos ang ilang minuto, ako na ang bumasag sa katahimikan. “Pa’no nga ba? Pa’no mabuhay nang matiwasay at kuntento?” inulit ko ang tanong niya na para bang tinatanong ko siya, and at some point, parang tinatanong ko na rin ang sarili ko.

“Minsan, naiisip ko,” biglang sabi ni Kathryn. Para bang ang tagal niyang hinimay-himay at pinili nang mabuti ang mga salita niya. “Naiisip ko na, alam mo ‘yun, na para akong nasa isang pelikula. Isang movie that’s been playing for 20 years. Tapos, may audience na nanonood sa ‘kin. Nakikitawa at sigaw tuwing happy moments, nakikiiyak kapag sad moments, at nag-aabang sa mga plot twist. At ang mahirap pa, kailangan galingan ko ang performance ko para matuwa ang audience.” Inubos niya ang red wine sa baso niya. Nagsalin pa siya.

“Galingan ang performance?” sabi ko sabay ngiti.

Tinapik ako ni Kathryn sa balikat. “Sira, di gano’n,” sabi niya. Uminom uli siya ng wine. Nangasim ang mukha niya paglunok niya. “What I mean is, parang, ano, magperform nang maayos by doing the things that I want, and then harapin ang kung ano man ang consequence.”

“Pero tanong ko lang, ano bang inaasahan mo kapag natapos ang pelikula?”

“You mean kapag nag-roll na ang credits at nagsisi-alisan na ang mga tao?” sagot ni Kathryn. “Edi isang Best Actress Award. Tapos siyempre, ‘yung kwento ng buhay ko ang Best Picture!”

Nagtawanan kami. Pero sa totoo lang, hindi ko gustong maging pelikula ang buhay ko. Wala namang kwenta ang buhay ko. Isang mahabang pagsasayang ng oras. Paikot-ikot sa lungsod sakay ng isang secondhand na kotse, maglalasing minsan sa isang kalapit na bar. May makikilalang kung sino pero matatapos ang lahat at magkakalayo rin. Boring ang plot. Walang moral. Mas mag-e-enjoy pang managinip sa upuan nila ang audience kesa manood at tapusin ang pelikula ng buhay ko.

Biglang nagsalita si Kathryn. Nakatingin na siya sa akin. May kakaibang kinang ang mga mata niya sa ilalim ng malamlam na liwanag. Dala siguro ng mga ilaw sa lungsod, hindi ako sigurado. “Pero, pa’no magiging maayos ang performance kung ang mga tao sa plaligid ko ang mismong sumisira sa pelikula ko?”

“Well, di ba kailangan naman talaga ng kontrabida?”

“Oo, alam ko, pero pucha, parang sa kaso ko e mas magagaling sila sa roles nila? Ang galing nila manira e! Pero ako ang bida ng kwento, buhay ko ‘to—” hindi na niya kinayang mapagpatuloy ang sinasabi niya dahil nagsipatakan na ang luha mula sa mga mata niya. Sibukan niyang pigilin—iniharang niya ang isang palad sa mga pisngi, pero sunud-sunod ang mga luha, hindi nagpa-awat. Nagsimula akong magpanic. Hindi ko alam kung paano siya papakalmahin kaya niyakap ko na lang siya.

“I’m sorry,” binubulong niya sa akin habang ang balikat ko ay binasa na ng mga luha niya. “I’m so messed up.”

“We all are,” sabi ko sa kanya.

“Hey, may sasabihin ako.”

“O?”

Lumunok muna siya bago sumagot. “Birthday ko ngayon.”

“Well, happy birthday.”

“Di ako makapaniwala na 21 na ako,” sabi niya. “Feeling ko ito ‘yung time in my life na dapat marami na akong nagawa, pero—”Naluluha na siya uli. Inakap ko siya.

Ilang minuto ang lumipas bago siya kumalma. Ang mga hikbi niya ay nilunod niya sa mas marami pang baso ng red wine. Nang maubos na ang bote, bumalik kami sa apartment niya at uminom ng tig-isang baso ng tubig. Umupo kami sa sofa habang p-in-lay niya mula sa cellphone niya ang ilang mga kanta ng Belle & Sebastian.

“Ang gusto ko sa music,” sabi niya. “Lalo sa music ng Belle & Sebastian, ano mang pinagdadaanan nung mga character sa kanta ay tapos na in 4 or 5 minutes.”

“Alam mo ‘yung sinasabi nila tungkol sa school at sa buhay?” tanong ko.

“Ano?”

“Sa school daw, lesson muna bago ang test. Pero sa buhay, test muna, bago lesson.”

“Opo, papasok na po ako bukas.”

“Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin.”

“Alam ko’ng ibig mong sabihin,” nakangiti si Kathryn. Inihiga niya ang ulo niya sa balikat ko. Naamoy ko ang natitirang fragrance ng shampoo mula sa buhok niya. “Dun sa sinabi mo, may nabanggit ba kung paano iintindihin ang lesson?”

“Sa nabasa ko, kapag namatay ka raw, saka mo lang mage-gets.”

“Ang lungkot naman no’n,” biglang sabi ni Kathryn.

Iyon ang parte ng buhay ko kung saan hindi ko alam kung agree ba ako sa kanya. Mula sa cellphone ni Kathryn, maririnig ang “Mary Jo” ng Belle & Sebastian: “Life is never dull in your dreams / a pity that it never seems to work the way you see it…”


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

REVENGE OF THE REAL WIFE

Na-comatose si Ashlene dahil naaksidente sila noong katatapos pa lang ng kasal nila ni Jonathan. Subalit paggising niya ay wala na siyang maalala at nasa kandungan na ng iba ang asawa niya!

Image Description
ad_sesa
12 July 2018