Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



In this ever-changing world, one will always need a heavenly buddy--one who will navigate the maze of life, while finding and losing friends, searching for meaning, and making room for second chances.

Alas-tres nang madaling araw nang mag-ring ang cellphone ko.

Kinuha ko agad at sinagot. Nagkaroon ng malamlam na liwanag sa madilim kong kwarto nang buksan ko ang desk lamp.

“Richard?” boses ng isang babae. Ewan ko kung dahil lang sa antok, pero parang pamilyar ang boses. Parang narinig ko na somewhere, pero kung iisipin, maraming boses akong naririnig araw-araw.

“Uh, sino ‘to? Di Richard ang pangalan ko,” sabi ko.

“Hey, listen,” tuloy niya. May ibang garalgal ang boses niya at malalim ang bawat paghinga niya. Lasing siguro. “I know I screwed up, okay? Pero please, g—give me, uh, one more, uh, chance. Please.” Bigla kong narinig ang busina ng isang kotse mula sa kabilang linya. Kung sino man ito, naglalakad ito ngayon—kung saan man—sa tabi ng isang kalye.

“Sorry, wala talaga akong alam tungkol sa sinasabi mo. Wrong number ka, miss,” sabi ko habang nagkakamot ng ulo. “Umuwi ka na rin, miss. Kasi mukhang lasing ka.”

“Hindi ako lasing. Uminom lang kami ng friends ko, pero di ako lasing,” sagot ng babae. “Please, Richard, pagbigyan mo na ako, pupuntahan kita d’yan—”

“Uh, hindi ako si ‘Richard’, miss. Hindi kita kilala.”

Umiyak ang babae. “Ano ba, Richard? Ano bang gusto mong gawin ko?”

“Ang kailangan mong gawin, miss—makinig ka, okay?—ay umuwi at matulog.”

“Give me another chance and I promise you—”

“Hind ako si Richard at hindi ko alam kung ano ang sinasabi—”

“Sige na—papayag na ako sa gusto mo. Ibibigay ko na.”

“Ha?”

“Yung gusto mo,” huminga ng malalim ang babae. “Gagawin at ibibigay ko na.”

“Miss, sorry, gusto talaga kitang tulungan, pero hindi talaga kita kilala, at wala akong alam tungkol sa sinasabi mo.”

“Hihintayin kita dito.”

“Miss, sorry pero—”

“Please, Richard. Please. I don’t know what else to do kung hindi ikaw ang kasama ko.”

Nagkamot ako ng ulo at tumayo mula sa kama. Sa 21 years ko dito sa mundo, may mga kakaibang bagay na akong naranasan na minsan ay walang paliwanag. Madalas na ganoon ang buhay, tingin ko. Walang kamalay-malay tayong ibabato sa mga scenario na parang bang sinasabi sa iyo ng universe na “Let’s see what you’d do.”

“Nasa’n ka?” tanong ko sa babae. Pero wala na akong narinig na sagot. Hindi ko na naririnig ang malalim niyang paghinga, o ang tunog ng mga sasakyan sa background. Pagtingin ko sa screen, nag-end na ang call. Hindi ko lang alam kung signal interruption o baka siya mismo ang nag-end. Baka somewhere sa utak niya, kumagat ang rationality na maling tao ang natawagan niya. Sana nga lang, matawagan niya ang Richard na hinahanap niya bago pa maging huli na ang lahat.

“Huli na ang lahat,” binulong ko sa sarili ko. Walang ibang nakarinig kundi ang kwarto kong walang ibang laman kundi ang nag-iisang ako.

Ganitong oras? Nasa Maynila kaya ang babaeng iyon? Sana hindi. Kasi kung sa Maynila, napaka-delikado. Hindi mo alam kung sino ang pwede na lang basta sumalubong sa iyo mula sa makikipot na eskinita.

Kung may lumabas sa balita na isang babaeng naging biktima ng krimen, malamang ay siya na iyon.

At wala akong ginawang iba para man lamang makatulong.

Maya-maya, nag-ring uli ang cellphone ko. Siya uli. Hindi ko talaga alam kung bakit parang pamilyar ang boses niya.

“Richard, please,” iyak niya. Humihikbi pa siya. “Kailangan kita.”

“Nasaan ka?” tanong ko.

Hindi siya sumagot, pero parang ibinaba niya ang phone niya. Hindi nag-end call, tinanggal lang niya mula sa tenga niya. Naririnig ko pa rin ang hikbi niya. Medyo malayo na ang tunog ng mga sasakyan. At isa pa, malakas ang tunog ng mga yabag niya—parang mga sapatos na yumayabag sa tiles.

Narinig ko uli ang boses niya. “Kuya, ano’ng oras po darating ang tren?”

Tren? “Sino’ng kausap mo? Huwag kang makipag-usap sa ibang tao!” sabi ko. Pero mukhang wala sa tenga niya ang phone kaya hindi niya ako naririnig. Walang ano-ano ay biglang nag end ang call. Napa-buntong-hininga ako. Agad akong lumabas ng kwarto, kinuha ang susi, at lumabas nang bahay. Tren. Posibleng nasa Maynila lang siya. At maaring PNR or LRT ang tinutukoy niya. Ni-lock ko ang apartment ko at sumakay sa kotse.

Ang apartment ko ay nasa isang sulok ng Quiapo. Ilang milya ang layo mula sa University kung saan ako pumapasok, at mura lang kumpara sa iba na nasa paligid nito. Sa totoo lang, wala namang pakialam ang mga magulang ko kung saan ako mag-stay habang tinatapos ang college, tutal sila naman ang magbabayad at ang habol lang nila ay makatapos ako nang makatulong sa kanila. Siguro para sa kanila ay gano’n lang ang papel ng isang anak sa pamilya. Ikalawang kotse ni erpats ang gamit ko. Kung normal na araw, mas trip ko lang talaga ay maglakad, pero ginagamit ko kapag late na ako o kung may mga malalayong gimik.

Binabaybay ko ang Legarda nang tawagan ko ang number ng babae. Nagulat ako dahil isang lalake ang sumagot.

“Hello po, ser, boypren po ba kayo ni Miss Kathryn?”

Kathryn ang pangalan niya. Ibig sabihin may ID siguro siyang dala. “Oho, kumusta ho ba s’ya?” sagot ko.

Nagpakilala ang lalake na isa siyang guard sa Pureza station ng LRT. Susuray-suray daw na dumating doon ang babae at tinanong siya kung pwede raw ba muna itong magpahinga habang hinihintay ang tren. Inalalayan daw niya ang babae sa may upuan at mesa at doon na ito nakatulog. Hindi raw makasagot nang maayos ang babae, at sobrang amoy-alak daw ito.

Pureza Station? Saan siya nanggaling, at saan siya pupunta?

Hiningi ng guard ang identification ko, at nangakong babantayan ang babae hanggang sa dumating ako. Mabilis lang naman akong nakarating, halos wala pang kinse-minuto. Sinalubong ako ng guard at ipinakita ko sa kanya ang lisensya ko pati na rin ang ID ko sa University.

“Ay, ser, pareho pala kayo ng school?” sabi ng guard.

Nagulat ako, pero dahil nagpapaka-natural lang ako, tumango ako. Sinundan ko siya kung saan himbing ang babae. Kinalabit siya ng guard. “Miss, miss, andito na po ang boypren n’yo…”

Inangat ng babae ang uloniya, at nakita kong parang pinipilit niyang dumilat. “Richard?” sambit niya sa mahinang boses.

“Halika na, uwi na tayo,” sabi ko. Sana naman makisama siya. Nag-muwestra siya tatayo, pero matutumba siya. Agad ko naman siyang inalalayan. Tinulungan ako ng guard na akayin siya papunta sa kotse. Inihiga ko siya sa backseat at inilagay ko ang handbag niya sa tabi ng driver’s seat. Kinuha ko ang wallet ko at aabutan ko sana si Kuya Guard ng kahit singkwenta pang-yosi man lang niya, pero tumanggi siya.

“Salamat ho, ginawa ko lang ho ang tama,” sabi niya. Nagpasalamat na lang ako at kumaway pa sa kanya bago tuluyang mag-drive paalis ng estasyon.

***

Minsan, gusto ko ring isipin na ginagawa ko ang tama.

Nitong mga nakaraang buwan, wala akong ibang iniisip kundi ang susunod na araw, at kung paano ko sinayang ang mga naunang araw sa pag-iisip lang tungkol sa isang bagay na hindi ko alam kung darating. Ang hirap sa hinaharap, wala kang ibang magawa kundi hintayin itong dumating. Pwede mong hulaan, pwedeng mong asahan, pwede mong i-analyze base sa kasalukuyan, ang kung ano mang darating sa hinaharap pero sa huli’t huli, hindi natin hawak ang kung ano mang mangyayari bukas.

Ewan ko ba kung bakit, pero may namumuong takot sa damdamin ko sa tuwing mapapadpad ako sa pag-iisip tungkol sa kinabukasan.

Naiisip ko minsan ay nagmamaneho ako sa isang madilim na highway sa gitna ng malawak na kapatagan. At ang daan sa aking harap ay binalot ng sobrang makapal na hamog. Sa sobrang kapal akala mo ay kakailanganin ng kutsilyo para lang makapasok dito.

Noong nakumbinse ko ang mga magulang ko na pag-aralin ako sa Maynila at hindi sa probinsya, pakiramdam ko ay nakasakay ako sa isang tren patungo sa estasyon ng “bagong buhay”. Hindi ko talaga alam kung bakit tuwang-tuwa ako sa siyudad. Para kasing punumpuno ng pangako, punumpuno ng mga bagay na pwedeng gawin masabi lang na may saysay ang buhay ko. Ngunit hindi. If anything, parang mas lumala pa nga ang sitwasyon. Ano man ang ikilos ko, napupunta pa rin sa wala. Madalas, maiisip kong, okay sige, subukan natin at tignan natin kung ano’ng mangyayari. But I ended up hurting people and myself.

“Hindi mo naman ako mahal e,” sabi ng isang ex-girlfriend maraming buwan na ang nakalilipas. “Sarili mo lang ang kaya mong isipin, Daniel.” Nanginginig pa ang mga kamay niya habang nakalapat ito sa mesa ng kapihan kung saan siya nakipagkita.

“I’m sorry,” sabi ko.

“Siguro, kung totoong nabuntis mo ako noon, siguro marami pang nangyari. Siguro nagbago ka pati na rin ang pananaw mo sa mundo.”

Hindi ako sumagot.

“Pero it’s a silly thing to think about now, right? I mean, hindi nga ako buntis. Hindi ka na magbabago. At, well, wala na tayo.”

Sa totoo lang, hindi ko rin maintindihan kung ano ang ginawa ko para saktan siya. Wala naman akong iba, wala naman akong d-in-emand sa kanya na alam kong hindi niya kaya.

Pero ang totoo siguro: ginusto ko siya, pero hindi ko siya kinailangan.

***

Ginising ko ang babae pagdating sa apartment. Hindi pa rin siya makatayo o makalakad nang maayos kaya inalalayan ko siya hanggang sa kwarto ko. Humiga siya sa kama habang suot pa ang marumi niyang sapatos. Hinubad ko ito tapos ay tinakpan siya ng kumot. Kinalkal ko ang bag niya. Nakita ko ang ID niya sa University. Doon na lamang naging malinaw sa akin kung bakit napaka-pamilyar ng mukha at boses niya. Naging kaklase ko siya sa isang subject—Philosophy, kung hindi ako nagkakamali—mga isang taon na ata ang nakalipas. Kalahati pa lang ng sem nang mabalitaan na nagdrop siya. At dahil normal naman na ito sa kahit saang university, hindi ko na inisip pa.

Itim na itim ang buhok niya. Mas lalo pa itong tumingkad dahil sa puti kong bedsheet at punda. Inayos ko ang electric fan at itinutok ito sa kanya. Kumuha ako ng extrang kumot mula sa cabinet at inilatag ito sa sahig sa tabi ng kama. Chuck Taylor ko ang ginawa kong unan. Pinatay ko ang ilaw sa kwarto.

Isang napaka-awkward na paliwanag ang kailangan kong gawin bukas.

***

Ilang minuto pa lang akong tulog, nagising agad ako dahil sa init. Hindi ako tinatamaan ng hangin sa electric fan. Nagtanggal ako ng t-shirt at nagbukas ng bintana. Maalinsangan. Ilang oras na lang aangat na ang araw.

Tinabihan ko si Kathryn.

Mas lalo ko lang pina-awkward ang paliwanag.

***

Alas-otso ako ginising ni Kathryn.

Half-awake kong i-kinuwento sa kanya ang nangyari. Habang siya naman ay nakatakip pa rin ng kumot. Sinabi ko na tinawagan niya ako at tinatawag niya akong Richard. Sinabi ko na paulit-ulit kong sinabi sa kanya na wrong number siya pero pinipilit niyang ako si Richard. Dahil natakot ako sa mga posibleng mangyari sa isang tao na naglalakad ng dis-oras ng gabi, at lasing na lasing pa, sinundo ko siya sa Pureza station kung saan siya nagpapahinga.

“Talaga? ‘Yun lang ang nangyari?” sabi ni Kathryn. May hint ng sarcasm sa boses niya.

“Oo,” sabi ko. Kinuha ko mula sa sahig ang hinubad kong t-shirt. Patayo na ako sa kama nang magsalita uli sa Kathryn.

“E bakit ako nakahubad?”

“Nakahubad?”

“Ayan ang mga damit ko, o,” sabi niya habang tumuturo sa sahig. Tinignan ko ang tinuturo niya and sure enough, andun nga ang mga damit na suot niya noong inihatid ko siya rito sa apartment: black-shirt, jeans, at sapatos. Pati undies niya nandoon!

“I have no idea kung bakit nandyan ang mga damit mo.”

“Wow, you have no fucking idea?” Itinapi niya sa sarili niya ang kumot bago pinulot ang mga damit niya. “Tell me, how did my body feel? Nasarapan ka ba?”

“Wala akong alam sa sinasabi mo, miss. Baka ikaw mismo ang naghubad niyan dahil mainit kagabi.”

“Yeah, and you’d love that, won’t you? Ano, masarap bang mang-take-advantage ng babaeng lasing?”

“I don’t know what to tell you,” sabi ko. “Wala akong ginawa sa ‘yo. Ikaw ang nakainom, hindi ako.”

Hindi na nagsalita si Kathryn pero lumabas siya sa kwarto. Ilang minuto ang hinintay ko bago ako lumabas at tumungo sa kusina at naghilamos sa lababo. Ano naman ba ‘tong pinasok ko, bulong ko sa sarili. Kapag nanghingi ng pera si Kathryn, tatawag ako ng pulis. Lumabas ng CR si Kathryn, naka-bihis na.

“Gusto mo ng juice? Kape? Tubig?” alok ko.

“Tubig na lang,” sabi niya pero hindi siya nakatingin sa akin.

Kumuha ako ng malinis na baso at kumuha ng malamig na tubig mula sa ref. Nanginginig ang mga kamay niya nang iangat niya ang baso sa kanyang mga labi.

“Nasa’n ang bag ko?” tanong niya sa akin. May inis sa boses niya. Pumunta ako sa sala at sumunod siya sa akin. Nakita niya ang bag niya sa mesa sa may tapat ng sofa. Binuksan niya ang bag niya at nag-pulbos at nag-lipstick. Nag-spray siya ng pabango na kumalat sa buong sala. Tahimik ko siyang pinanood. Ang isang bahagi ng sarili ko ay gustong magsalita at sabihin sa kanyang kahit na marami akong kamaliang ginawa sa buhay ko e wala akong ginawang mali sa kanya. Ang isang bahagi ay gustong paalisin na siya nang makatulog naman ako.

“Sa’n pala ‘to? At anong oras na?” tanong niya habang binabalik ang mga cosmetics niya sa bag.

“Quiapo,” sagot ko. Ch-in-eck ko sa phone ko ang oras. “Mag-a-alas nuwebe na.”

“Shit,” sambit ni Kathryn. Akala mo parang idinura niya ang salita. “Late na ako.”

“Sabado, may pasok ka?” sabi ko.

“Trabaho,” sabi niya.

“Hatid kita?”

Tumayo si Kathryn at hinarap ako, may inis sa mukha. “Please, kung sino ka man, lasing ako kagabi. I’m sure you know. Kung ano man ang nangyari, hindi ko talaga alam at wala akong ibang gustong mangyari. Kahit in the future. Wala akong interes, okay?”

“Wala naman akong sinabing gano’n. Tinanong ko lang kung gusto mong ihatid kita.”

“Hindi mo ako cargo, okay? I’m responsible for my actions,” sabi ni Kathryn. “Please, delete my number, and don’t follow me. Okay?”

“Ikaw ang tumawag sa akin, e,” sabi ko.

“Alam mo,” sagot ni Kathryn. “Pare-pareho lang kayong mga lalake e. You find a weakness in a girl, you spread it open.” Tumalikod siya pero bago pa siya tuluyang makalabas sa apartment ko, humarap siya. “You want my advice?”

“What?”

“Get a life, you fucking perv!” Binagsak niya ang pinto.

***

So siguro nga wala akong magagawang tama.

Minsan tatawag ang tatay ko sa akin. Lasing. Sasabihin niya na sa lahat daw ng anak niya, ako ang pinaka-pasaway at walang kwenta. At kaya daw ako lumayo mula sa probinsya e para makatakas sa supervision niya.

“Wala ka namang ibang ginawa d’yan kundi mag-club. Akala mo hindi ko alam na yung pera pang-tuition e hindi mo binabayad sa school?”

“Binayad ko po,” sabi ko. “Pinadala ko pa sa inyo yung resibo di ba?”

“Wala ka talagang kwenta,” sasabihin ni Tatay. “Rebelde kang bata ka. Mas gusto mo pa d’yan…”

“Bakit si Nanay, hindi niyo uwian? Bakit mas gusto niyo d’yan sa kabet niyong alam naman nating lahat na pineperahan lang rin kayo?”

“Ano’ng sabi mong bata ka?”

“Di ba, totoo naman? Hindi ka mahal niyan—”

“Gusto mong sumugod ako ngayon d’yan sa Maynila at pasabugin ko ‘yang bunganga mo?”

Hindi na ako nagsalita.

“Sa lahat ng anak ko, ikaw lang ang sumagot sa akin ng ganyan—”

Pinutol ko na ang tawag.

Sa lahat ng anak niya? E ako lang naman ang anak niya. Siguro, kung nagkaroon ako ng kapatid, baka sakaling nasa probinsya pa rin ako. Meron akong masasandalan, makakausap tungkol sa mga pangarap ko.

Pero wala nga.

Noon pa lang, alam ko na: sarili ko lang ang maasahan ko.

***

*Chapter title is from the song "Wala Lang" by Ang Bandang Shirley



  • (1 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

The Black Sheep

Sa lahat ng bagay ay panalo si Luis Armando Arguello. Name it and he has it. The fame, money, face and body that women desires and men covets to have.

Image Description
Makris Orpilla
19 September 2018