Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



In this ever-changing world, one will always need a heavenly buddy--one who will navigate the maze of life, while finding and losing friends, searching for meaning, and making room for second chances.

Kinumbida ako ng isang kong tropa na um-attend sa isang Spoken Word Poetry event ng grupo niya. Dahil katatapos lang ng prelims, hindi naman ako nagdalawang-isip na sumama.

Sa isang bar sa Visayas Ave. ang venue ng event. May kakaibang lamig na dala ang gabi. Di ko na nga binuksan ang aircon sa kotse at binuksan ko na lang ang bintana. Napaliliguan ng orange na ilaw ang kalsada. Malungkot, pero at the same time, parang punumpuno ng kapayapaan. Akala mo hindi magulo ang mundo. Akala mo walang nananakawan sa isang madilim na sulok.

Nang marating ko ang venue, nagsisimula na ang event. Dun lang ako sa bar at hindi doon sa mismong venue. Dinig naman ang mga performers doon sa bar. Um-order ako ng isang beer.

“Kung hindi mo na ako mahal, / bakit pa natin ito pinatagal? / Ang pag-ibig mo ay isang nunal / ‘sing laki at kapal / ng kay Gloria Macapagal…” sinasabi ng isang performer. Natawa ako habang napakunot ng noo. Hindi naman talaga ako fan ng mga spoken-word artists. Mas prefer ko pa rin iyong nababasa sa pahina. Siguro dahil sa mababa ang attention span ko. Natutuwa naman ako sa kanila kasi para sa akin, isang mahirap na skill ang pagha-habi ng mga salita. Iyong tipong finding the right word at the right time. Madalas kasi, marami lang tayong sinasabi pero wala naman talaga tayong ibig sabihin. Minsan naman, hindi sumasapat ang mga salitang kaya nating sabihin sa mga bagay na ibig nating sabihin.

Hay, ang gulo.

Ilang performers pa ang narinig ko bago nagperform ang kaibigan ko. Iyong tula niya, parang narinig ko na rin dati sa ibang event. Iyon lang siguro ang baon niya. O baka iyon lang ang naisulat niya. Tumayo ako sa kinauupuan ko at pinanood siya sa stage.

“Heto ang mga unan / ngunit wala ang sandalan / sapagka’t wala ka / nasaan ka?” marahan niyang binibigkas. Humigop ako ng beer.

***

May mga araw na naalala ko pa rin si Ex.

Matagal rin naman ang pinagsamahan namin. At kahit na ako naman ang puno’t dulo ng dahilan kung bakit kami naghiwalay, hindi naman ako basta-basta na lang nakalilimot. Kahit ilang bote ng beer pa ang inumin ko.

Pumunta kami sa isang art exhibit, siguro isang taon na rin ang nakalilipas. Naka-exhibit ang mga painting ng isang Korean na artist. Nalimot ko na ang pangalan. Specialty ng artist na ito ang pagpipinta ng mga mukha. Mukha ng hayop, hitsura ng mga sanggol na ngumingiti, etc.

Isang painting ang pumukaw sa atensyon ko. Isang mukha na gawa lamang sa pinagtagpi-tagping emoji. Virtual faces sa loob ng isa pang mukha. Ang title ay “Mixed Feelings”. Matagal akong napatitig sa nasabing visual art. Lumangoy ako sa mga kulay, sa brush strokes nitong parang aerial view ng Sierra Madre, at sa mga mukha—galit, nakatawa, naka-ngiti, nalilito, nasusuka—na para bang may sinasabi sila sa akin na hindi ko pa lubusang naiintindihan.

“Hoy, okay ka lang?” sabi ni Ex. Hinawakan niya ang kamay ko.

“Sa tingin mo, ano ang ibig sabihin niyan?” tanong ko sa kanya.

“Marami,” ang agad niyang sagot.

“Pero, ano talaga?”

“Depende. Alam mo, ‘yon naman ang maganda sa art e. Maraming pwedeng ibig sabihin.”

“Pa’no naging maganda ‘yon? Edi kahit ano pwede kong sabihin?”

“Hindi naman sa gano’n,” sabi ni Ex. “Of course may intent ang artist kung ano. May message talaga siyang gustong sabihin. Pero Malaya pa rin ang viewer na sabihing may ibang ipinapahiwatig sa kanya ‘yung work.”

Napaisip ako sa sinabi niya.

“Ito,” tinuro ko ang Mixed Feelings. “Para sa’yo, ano ang ipinapahiwatig ng painting na ‘yan?”

“Emojis forming a single face?” nag-isip siya nang ilang segundo. “Parang ano, na sa virtual space, you know, sa internet, hindi naman talaga lumalabas ang mga emotions na gusto nating ipakita. Like, madali lang sabihin na natatawa ka tungkol sa isang bagay, pero in reality, wala namang makapagpatawa sa ‘yo kasi your life is all sadness and gloom at sa internet ka lang nakakakuha ng attention.”

“Wow, deep,” biro ko. Muli akong tumitig sa painting.

“E ikaw ba, anong meaning ang nakukuha mo?” tanong ni Ex.

“Sa totoo lang, di ko rin maintindihan e. Parang meron, parang wala. Kaya ayokong ipaliwanag sa ‘yo, kasi baka magmukha lang akong pretentious.”

Napa-palatak ng dila si Ex. Huminga ng malalim sabay irap sa ‘kin.

“O, bakit?” agad kong sabi. Pero parang alam ko na rin kung bakit. “Naiinis ka sa ‘kin kasi di ko na-appreciate ang mga ito tulad mo?”

“Hindi,” sumagot naman agad siya. “Naiinis ako kasi, ganyan ka ba talaga? I mean, kapag ang sarili mo mismo nakaharap sa ‘yo,talagang hindi mo nakikilala?”

Napakunot ako ng noo pero wala na akong isinagot.

Ngayon kapag naiisip ko ang mga sinabi niyang iyon, hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung mayroon ba dapat akong pagsisihan o wala. Kung may dapat ba akong ginawa, kung may dapat ba akong sinabi.

Maraming bagay na talaga akong hindi na mababalikan pa. Kumbaga sa isang spoken-word event, tapos na ang tula pero iyong mensahe, mukhang naririto pa.

***

Nang matapos ang event, hindi naman ako umuwi agad. Nakitagay ako saglit sa ilang kaibigan, pero nang magkalasan sila (upang makipagtagayan sa iba-iba nilang grupo na mga makata rin) humiwalay rin ako at bumalik sa pwesto ko sa bar.

Doon lumapit sa akin ang isang lalake. Naka-polo shirt at may bitbit na plastic na mukhang may lamang mga pinamili. Bakit siya nasa bar?

“Ikaw ba si Daniel?” sinabi niya ang buo kong pangalan.

“A, oo, bakit?”

“Wow. Grabe. Ewan ko kung natatandaan mo pa ako, pero ako si Michael. Naging magkaklase tayo noong high school.”

May binuklat akong luma at inaalikabok na yearbook sa loob ng utak ko. Inisa-isa ko ang mga pahina at hinahanap ang Michael na ito.

“Di ako makapaniwala na dito pa kita makikita uli,” dagdag pa niya. “Kailan ka pa sa Quezon City?”

“Hindi, sa Manila ako tumutuloy, pumunta lang ako rito kasi may event,”sagot ko. Hinahanap ko pa rin sa aking mental yearbook ang Michael na ito. “Simula nung nag-college ako umalis na ako sa Cavite.”

“Grad ka na?” tanong niya. Umupo na siya sa tabi ko at inilapag ang tangan na plastic bag sa lapag.

“Hindi pa. Ikaw?”

“Hindi ako nag-aral e. After graduation, dito na kami tumira ng Nanay ko at di na ako nakapag-aral, sinamahan ko na lang siya magtinda. Ayun, awa ng Diyos, naka-survive naman.”

Naalala ko na siya. Si Michael Perez. Tahimik na lalake na nasa likuran lang ng classroom at wala halos tropa. Hindi naman siya iyong tipong walang tropa dahil sa binu-bully o dahil siya iyong tipong blacksheep; pero wala siyang tropa kasi hindi naman talaga siya pala-salita. Nagulat nga ako ngayon dahil siya pa mismo ang nag-approach sa akin. Iba talaga ang nagagawa ng panahon at karanasan.

Kinuwento niya sa akin ang negosyo nila ng Nanay niya. Ang Nanay niya ay nagbebenta ng mga maliliit na halaman sa paso. Si Michael naman, statement backpack. Hindi ko lubos naintindihan kaya sabi niya ay swerte raw ako dahil may dala siyang sample. Binuksan niya ang dalang plastic bag at ina-unroll ang isang backpack. Sa harap nito ay may mga nakatahing quotations.

“Pumupunta ako sa mga ganitong event kasi maraming mahilig sa mga quotes dito e,” paliwanag ni Michael.

“Akala ko para makakuha ka ng quotes.”

Natawa siya. “Actually, gano’n na nga rin.”

“Pero bakit backpack? Bakit hindi na lang T-shirt?”

“Wala pero, napansin ko kasi na marami sa mga tao ngayon ang maraming dala-dala e, alam mo ‘yun? Parang buong buhay natin, ang dami nating napupulot pero wala tayong mapaglagyan. Kaya ‘yung iba, natatapon na lang, nasasayang.”

Hindi ako sumagot. Uminom ako ng beer. Pumapakla na habang nawawala ang lamig.

Kinuha niya ang isang bag nan aka-rolyo pa. “O, ito. Para sa ‘yo.”

“Uy, di na. Ibenta mo na lang ‘yan.”

“Di na, sige na. Ngayon lang tayo nagkita. Baka ito na rin ang huli.”

“Grabe ka naman. Bakit mo naman nasabi ‘yan?”

“Wala lang. Gaano ba kadalas na magbungguan ang mundo ng dalawang tao? Kung langgam tayo, baka mas madalas pa.”

“Seryoso ka?”

“Oo, basta sabihin mo lang kung saan mo nakuha ‘yan, in case na may magtanong. Perez Bags. May Facebook page kami, ipa-like mo na lang.”

Kinuha ko ang inabot niyang naka-rolyong backpack. Kinuha ni Michael ang plastic at tumayo na mula sa kanyang kinauupuan. “Pa’no, mauna na ‘ko. Baka hinihintay na ‘ko ni Nanay,” sabi niya. Nagpaalam ako at nagpasalamat sa ibinigay niya.

Wala na siya sa bar nang ibulatlat ko ang backpack. Sa harap, naka-tahi sa maninipis na letra ang isang quotation: “FRIENDS ARE BLOSSOMS IN THE GARDEN OF LIFE.”

***

Naisip kong umuwi na.

Pumunta muna ako sa CR at naghilamos. Hindi lasing, hindi hilo. Pero may tama. Hindi ko rin lubusang maintindihan ang epekto sa akin ng beer. May tatlong beses pa lang talaga akong nalalasing. Dalawa noong high school, at isa ngayong college. Noong high school, tinungga ko iyong isang bote ng brandy. Matapos ang limang lagok, isinuka ko lahat. Tapos inom uli. Hanggang sa gumulong sa lapag habang tinatawanan ng mga kaibigan.

Binabaybay ko na ang Quezon Ave., nang biglang mag-ring ang cellphone ko.

Si Kathryn.

Sinagot ko agad. “O, bakit napatawag ka?”

Ilang segundong katahimikan bago siya nagsalita. “Richard, mahal na mahal kita, hinihintay kita, Richard.”

“Si Daniel ‘to,” sagot ko na may halong inis. “Lasing ka na naman?”

“What? Hindi, ano, sige na, ibababa ko na—”

“H’wag mong ibaba!” sabi ko. Napa-preno ako. Itinabi ko muna sa may isang kanto ang kotse. “Lasing ka na naman, tapos ganitong oras pa. Tapos, si Richard na naman ang iniiyak mo. What the hell is wrong with you?”

Umiiyak na si Kathryn. “Sige na, pasensya na sa abala…”

Napakamot ako ng ulo. “Nasaan ka? Pupuntahan kita.”

Hindi siya sumagot.

“Kathryn!”

Naririnig ko siyang humihinga athumihikbi sa kabilang linya.

“Hindi ako si Richard pero, Diyos ko naman, gusto kong malaman mo na gusto kitang tulungan.”

“Bakit?” tanong niya.

“Ewan ko, pero gusto ko,” sabi niya. “At teka nga, ‘yan ba dapat ang tinatanong mo sa ngayon?”

“Well, thank you,” sagot niya pero mahina ang boses niya.

“So, nasa’n ka?”

Sinabi niya ang current location niya. Isang bar sa Ermita.

“Sige, hintayin mo ako d’yan. Call nobody else, don’t talk to anybody else. Okay?”

“Opo.”

“At utang na loob lang, kapag sinundo kita, pwede bang pag-usapan na natin ‘yang tungkol sa Richard na ‘yan?”

Natawa siya nang kaunti. “We will, promise.”


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

The Black Sheep

Sa lahat ng bagay ay panalo si Luis Armando Arguello. Name it and he has it. The fame, money, face and body that women desires and men covets to have.

Image Description
Makris Orpilla
19 September 2018