Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Spicy Chicken Adobo

Image Description NoInk   |   13 January 2018


Alam mo yung feeling na hindi ka interesado sa mga kuwentong kababalaghan? Yung tipong “seeing is believing” lang ang motto mo? Yung kahit makita mo pa, magagawan mo pa rin ng scientific explanation.

Alam mo yung feeling na hindi ka interesado sa mga kuwentong kababalaghan? Yung tipong “seeing is believing” lang ang motto mo? Yung kahit makita mo pa, magagawan mo ng scientific explanation ang mga bagay-bagay?

Ako si TJ at ito ang kwento ko.

Busy ako sa buhay at ako yung tipong ‘pag dating ng bahay, manonood pa ng TV or maglalaro ng PS4 kahit pagod na sa trabaho. Sayang ang oras eh. Mag-isa lang akong nakatira sa apartment mula noong maghiwalay kame ng EX ko. Sanay na. At gaya ng tanong ng mga kaibigan at kamag-anak ko, hindi daw ba ako natatakot mag-isa. Hinde. ‘Yan ang totoo. Hindi ako takot sa magnanakaw, sa masasamang loob, sa multo, sa aswang, etc. In short, wala akong kinakatakutan O hindi ko pa alam ang salitang takot dahil hindi ko pa nararanasan. Minsan, umuwi ako ng 2AM galing trabaho. Patay lahat ng ilaw papunta sa unit ko at cellphone lang ang gamit kong ilaw. Maraming naglaro sa isip ko. Para bang ang pakiramdam ko ay may nakatingin sa akin. Minsan pa’y parang may sumusunod sa akin. Napangiti na lang ako. Malaro ang imagination ko dahil sa video games at horror movies. Pero may nangyari sa akin recently na hindi ko malilimutan. 

Medyo hindi maganda yung naging araw ko sa trabaho kaya nag-decide akong mag-early out. Sabi ko na lang sa TL ko, hindi maganda yung pakiramdam ko. Mga 8PM pa lang nasa apartment na ako. Hindi ako sanay ng maagang umuuwi dahil wala akong magawa. Gusto ko yung busy ako. So naisipan kong magluto ng Spicy Chicken Adobo. Naalala ko na sobrang paboritong ulam ni erpat iyon (sumalangit nawa ang kaluluwa niya). So kumain akong mag-isa, at nagmuni-muni. Nasarapan ako sa luto ko. Kaya medyo nalungkot ako kase naisip ko, too bad there’s no one here to share it with me. Drama ko lang iyon. Pero sa totoo, ok naman akong mag-isa. Anyway, habang sinisimot ko yung kanin sa pinggan ko, nahulog yung tinidor ko. Weird lang kase hawak ko ito ng mahigpit. At napaisip na naman ako. Sabi ng lola ko, pag nahulog daw ang tinidor, may bibisita daw na lalake. Sana kutsara na lang ang nahulog di ba? Para at least babae. Tinawanan ko lang ito kase kalokohan lang naman ang mga ganung kasabihan para sa akin. In fact, kaya ko lang naman naisip iyon dahil mahaba ang free time ko. ‘Pag busy ako, kahit ang kumain ay ‘di ko maisip. 

So wala pang 5 minutes, pinulot ko ang tinidor at tinapos na ang pagkain ko. Isang kilo yung niluto para meron akong ulam kinabukasan pero noong tatakpan ko na yung kaldero, napansin ko na nangalahati yung ulam. Konti lang naman ang kinain ko dahil gabi na din. Malinis ang kwarto ko, wala akong alaga, aso, pusa o daga. Walang back door. Walang natapon na pagkain. Wala lahat. Nag- iisip ako ng paliwanag kung bakit halos maubos yung adobo ko. Baka sa sobrang sarap, di ko napansin na naparami na pala akong ng kinain. Yun na lang yung inisip ko, wala eh, naubos na yung paliwanag ko. 

So I decided na maghugas na ng pinggan. At dito na naging weird ang lahat. Yung tinidor ko, nawawala. Hinanap ko siya at nakita ko sa loob ng kaldero ng adobo. Ang masama dito, halos paubos na yung adobo! Meron nag ti-trip sa akin! Baka gusto akong i-prank or what. ‘Yan ang naiisip ko. Pero cool lang ako. Naisip ko ko pa nga na wala na akong kakainin bukas. Hindi ko lubos maisip kung paanong, halos maubos ang ulam ng ako lang ang mag-isa. Naupo na lang ako sa sofa, at nanood ng Simpsons para matawa ako at baka sakaling makaisip ako ng rason kung bat nagkaganun. Nasa gitna ako ng panonood nang makarinig ako ng malakas na kalampag. Tunog ito ng kaldero kaya tumalikod ako agad-agad pero laking gulat ko nang makita ang kaldero na hindi naman nahulog. 

Aaminin ko, nakakapraning na. Sinilip ko ang kaldero, at baka sakaling namalik-mata lang ako. Pero hindi. Sarsa na lang ang natira sa ulam ko. Sobra na ito sabi ko sa sarili ko. Never kong ginawa ito, pero nagsalita na ako. “Magpakita ka!” Paulit-ulit kong sinasabi. “Hindi mo ako natatakot sa ‘yo. Inubos mo yung ulam ko, sana pati kanin inubos mo ‘din!” Totoo naman eh, hindi ako natatakot. Mukha akong siraulo na nagsisisigaw pero napaisip ako, nakikipag-usap na rin lang ako sa wala, bakit hindi ko na lang kausapin ang tatay ko? Siya yung may favorite nung adobo so baka nagpaparamdam lang sa akin. So kumalma ako, at kinausap ko ang tatay ko. “Tay inubos mo yung ulam ano? Haha. Namiss mo siguro ang luto ko kase si nanay, hindi spicy yung adobo. ‘Tay namimiss ka na namin. Malamang alam mo na ang nangyari sa amin ni Tina. Iniwan niya ako kase wala daw akong time sa kanya. Nagmana kasi ako sa ‘yo ‘tay. Masipag. Pero sa tinagal-tagal ko dito sa apartment, ngayon ka lang nagparamdam. At grabe ang paramdam mo, inubos mo yung foods ko! Ginugutom ka ba sa langit? Hahaha. Sana ‘tay kung magpaparamdam ka, abisuhan mo ako. Tapos pakita ka na din, alam mo namang di ako takot sa mga ganyan. To see it to believe ako ‘di ba. Sige ‘tay dadalasan ko na ang pagluluto ng spicy chicken adobo. Basta titirahan mo ako ha? Hahaha. Kumusta sa langit? Masaya? Madaming angels? Ang dami kong tanong ‘tay. Sana kahit isa doon, masagot mo. Sagot ka naman ‘tay. Kahit anong sign.”

At biglang bumukas ang gripo ng lababo. Naramdaman ko na hindi na ako nag-iisa pero at least may sign. Nilapitan ko ang gripo para patayin ito. Dahan-dahan pinipihit at sabay muling nagtanong. “Tay, balak mo bang maghugas ng pinggan. Ikaw talaga ‘tay. Ikaw ba nagbukas nito? ‘Tay? Ikaw ba ‘yan?” At may malamig na hangin na bumalot sa aking katawan sabay ng mainit-init na ihip sa aking kanang tenga na bumulong sa akin gamit ang mahina at mababang boses, “HINDI.”


Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Pink Letters

Hanggang kailan ka magiging masaya para sa taong mahal mo? Hanggang kailan mo kayang ipaglaban ang pagmamahal mo para sa kanya? Kakayanin pa ba? Kahit ang sakit-sakit na?

Image Description
KyLiiemichy | 16 January 2018