Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Love in the Time of Tinder

Image Description elamentary   |   08 February 2018


#WalaKayoSaExKo Nag-app. Nag match. Na-attach. Na-block.

Prologue

Sabi ng mga friends ko, i-try ko daw. 

"Teh, sige na! Dami na namin na meet dyan. Ang saya teh!"

Hagikhikan. Kwentuhan. Labasan ng mga profiles sa celphone. Iba-ibang mga lahi: may itim, may puti, Hapon, Koreano, Pilipino, Australiano, Bumbay. Yung iba maganda ang katawan, kita ang mga muscles. Meron din namang medyo chubby o kaya mukhang matangkad at payat. 

"Ano type mo blue eyes o eto yung may bigote? O kaya yung may tattoo sa braso? "Yung location ilapit mo ng konti sa'yo. Pati age, hanap tayo ng medyo ka age mo."

Sa edad kong 35, ngayon lang ako nakaranas mag-online shopping ng lalaki. 

Tilian ang mga bakla: "Teh, may match ka!"

Ayun. Eto na. Dito na nag start ang love story natin: 

Love In The Time of Tinder: a letter to my ex $%#&*!

Hala, di ko na maipagpatuloy ang i ta-type ko. Halata bang bitter pa rin ako? Kapag kasi naalala kita tuwing nagsusulat ako parang may sariling isip ang mga daliri ko sa pag-sayaw sa keyboard. Parang gusto nilang lagi mag-mura? 

Eh ano nga bang magic app meron  ang dating app na ito? Di naman kita type. Kamukha mo pa nga yung isa ko ding ex dati. Pareho kayong kalbo. Pati taba, match din kayo. In the end, na realize ko oo nga talagang pareho kayo: Pareho kayong dinurog ang puso ko. 

Lalim no? Oo, kasing lalim ng sugat na iniwan mo nung nag decide kang i block ako sa facebook, sa instagram, sa phone mo, sa buhay mo. Pero yun na nga. Nag swipe kasi ako. 

Natandaan ko nung time na hinihikayat ako ng mga friends ko, na iinstall yung app, meron silang iniwang disclaimer:

"Teh, pero wag mo kakalimutan ha...i enjoy mo lang. WAG KANG MAA-ATTACH!"

Bakit ba kasi parang bigla kong nalimutan yung disclaimer nung 6 months na naglalandian tayo? Minsan nga tinanong ko pa ulit sila para i-confirm: "Talaga bang sinabi nyo yun sa akin dati. Nakalimutan ko kasi." 

When love speaks, peace talks

Ewan ko ba. Nung una kasi wala naman akong paki sayo. Ikaw lang tong padala ng padala ng quotes sa akin, tsaka yung mga nakakatawang memes na talagang relate na relate ako. Eventually: "Ay, may sense of humor, maka reply nga." Tapos, "Ay 2am na pala...cge na nga goodnight na." Hanggang sa hindi ko na namalayan, araw araw ka ng lumilitaw sa phone screen ko. Ang masaklap pa nun dumating ang araw na pati yung App inuninstall ko na din. Kasi sabi mo nga sa isa sa mga kilig moments sa istorya naten: "I can't believe I would find my peace in Tinder."

Oo. Peace, teh. Parang tigil-putukan lang sa pagitan ng mga sundalo at rebelde sa ARMM. Pero nung time na yun ay talagang kinilig ako. Hindi ko kasi ineexpect na Peace ang gagamitin mo para i describe kung ano man ang meron tayo. Pero ang sarap pakinggan nuon kasi medyo original ang peg. Yung "love" kasi at "soulmate" parang naluma na sa akin yun. Kaya yung sinabi mong peace parang nagdiwang ang puso ko. Ay finally, magiging peaceful din ang love life ko. Tanda ko kasi sinabi ko kasi sayo yun. Na dating magulo ang buhay ko at ang gusto ko na lang sa susunod na chapter ng buhay ko ay bibigyan ako ng peace of mind ng taong magiging ka relasyon ko. 

Kinalaunan, inaya mo ko na mag meet tayo sa concert nang Florence and the Machine sa Sydney Opera House. Bongga, hindi pa ako nakakapasok sa loob ng Opera House kahit ilang taon na ako nakatira sa Australia. Kahit kelangan i search ko pa kung sino si Florence and the Machine sa Google, nagbubunyi ang mga tropa kong Pinay sa Sydney dahil "finally may date na si ateh!" 

Aaminin ko na sa'yo ngayon na di ko masyadong type si Florence. Parang hippie chick lang na sigaw ng sigaw. Kung si Alanis Morrissette pa yung pinanuod natin baka talagang nag enjoy ako. Oo na, fake ako. Kasi sabi mo favorite mo sya e. Kaya sinubukan kong makinig sa kanya araw araw. Pero yun talagang first date naten, para sa akin disaster yun. Unang una sa labas pala ng Opera House ginawa. Eh ilang beses na kong nag selfie dun dati. Tapos umulan pa. Nabasa yung outfit ko na talagang binili ko pa at the last minute sa Chinatown. Tsaka yung inunat kung buhok ko nabasa din kaya ayun tuwing nakikita ko picture naten nun, napapailing na lang ako. 

Pero sa hindi ko inaasahang pangyayari, nasundan pa ulit ng maraming "dates" yung concert ni Florence. Movie dates, Breakfast, lunch, dinner dates. May pa meet the parents ka pa nga eh. Kaya naman sa tagal ng panahon na single ako, nuon ko lang ulet naramdaman na special ako. Ang sarap pa lang ma-inlove ulet. Ang sarap pa lang mangarap ng "forever".

Respect is the new love, teh

 Hindi na baleng 6 footer ka, ako 4' 11 lang. O Australian ka, ako Pinay. Sabi ko nuon sa mga friendship: "Wow, nag effort sya para ma-meet ko ang parents at kapatid nya. Ang haba ng hair ng lola nyo." Pero sa totoo, naiiyak na ako nun. Kasi seryoso ba talagang tong tao na 'to sa akin? Para kasing too good to be true. Hindi ako sanay pero naniwala ulet ako. 

"Ano ka ba, teh. You deserved to be loved. Gorabels lang yan!" sabi pa ng isa sa mga emoterang palakang naghikayat sa aking mag Tinder dati. 

Pero may mga hindi ako binanggit sa tropa: yung mga bagay-bagay sa kung ano mang meron tayo na nahihiya akong sabihin. Yung mga bagay na napapansin ko sa'yo sa tuwing nagkikita tayo. Yung mga pagkakataong pilit kong itinatabi sa isip ko kasi baka napaparanoid lang ako, katulad ng:

  • Unang-una allergic ka sa word na "commitment" - "Isn't it enough for you that I introduced you to my parents? Isn't that commitment enough for you?" Ok. Wala ka kasing sinasabi eh. Nung pinakilala mo nga ako sa kanila, you reffered to me as your "friend". Pero sige, ilang buwan pa lang naman "tayo" nung time na yun at ang dalas mo namang mag post ng mga "kilig" posts sa facebook wall ko. 
  • Lack of intimacy - Sabi ko nun sa isa sa mga tropa nung di ko na mapigilan mag-labas ng saluubin ko: "Ilang date bago ka papayag i-kiss ng ka date mo?" Oo, nung nabanggit ko yun sa kanya, three months na tayong lumalabas. Medyo nanlaki yung mata nung friend ko nung sinabi ko yun sa kanya. Parang hindi niya alam kung matatawa sya o maaawa sa akin. Ang sabi na lang nya: "Teh, iba na kasi siguro ang panahon nya ngayon. Baka lang talagang sobrang importante ka sa kanya. Respect is the new love, teh."
  • Lack of intimacy ulet - Naloka ako. mag 6 months na. Wala pa din? Sobra namang respect yan! Anyare na?

Naalala mo nung time na sinubukan kong mag da moves sa'yo? May nag payo kasi  sa akin na baka mahiyain ka lang o baka virgin? 42, virgin pa?? Pero sige na nga pwede namang posible. Sabi ko ipagluluto kita, pinoy specialty: Tinola. Tsaka try natin manuod ng Filipino movie, may subtitles naman: This Thing Called Tadhana. 

Ang dami mong nakaing tinola nung time na yun. Sabi mo din you really enjoyed the movie. Mukha naman kasi tawang tawa ka kay Angelica. Nung tapos na yung movie, nagkwekwentuhan tayo pero di na ko makatiis, kaya ako na ang gumawa ng first move. I must admit nagulat ka. Pero di ko inaasahan yung next na ginawa mo:

Tinulak mo ako. Hindi sa kama. Hindi sa couch. Kundi tinulak mo ako...palayo sa'yo. At nung gabing yun, tumatak ang mga katagang sinabi mo sa akin nung time na yun" "I'm sorry...I can't."

Respect is the new love nga ba? Aaminin ko sa'yo kaya ko ginawa yun hindi dahil nainitan lang ako nung time na yun. Gusto ko lang din malaman mo na kahit may mga "pagkukulang" ka, eh mahal na din kita. 

Epilogue

So ayun na nga simula na yun ng closing credits naten. Nag effort ka din naman pagkatapos nun pero alam ko na may taning na yung kung ano man yung meron tayo. Unti-unti ka ng nawala dahil siguro naaamoy ko na yung lansang tinatago mo. Hanggang isang araw, nag away tayo. Sinabi ko sayo ang matagal ko ng hinaing sa "relationship" natin: "Sa buong buhay ko ngayon lang ako, nakakita ng lalaking tumatanggi sa grasya ng Diyos." And with one swipe, one touch of a button, you blocked me. Permanently from your life. 

Once upon a time sa isang app, may nag-panggap na Prince Charming ko. Pero ayun, imbis na isauli yung stilleto na naiwanan ko, tinago nya kasi type nya palang isuot. 

And I wish with all my heart that, someday, this Prince Charming, no matter how much pain he has caused me, will eventually find his own happily ever after. 


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

99 Days with my Prince

Si Yuuki ay may mission na dapat gawin, iyon ay ang turuan na magmahal si Nathaniel James. Dahil sa mission na iyon malalaman niyang hindi siya nabibilang sa mga mortal. Because YUUKI is an ANGEL...

Image Description
Yazuakie
22 January 2018
1948

Nagulatang si Al nang isang araw ay magpakamatay ang kanyang kaibigan nang dahil lamang sa isang lumang retrato ng isang babaeng nagngangalang Lupe.

Image Description
LOUIE ABAD
18 December 2017