‘Ayon sa matatanda, Dapat daw tanggalin ang mga pangalan na nakalagay sa kabaong ng patay bago ilibing upang hindi isama ang mga pangalan na ito sa kabilang buhay.’
 
Ang istoryang ito ay hango sa kwento ng ninuno ng aking Lola, at dito daw nag simula ang mga pamahiin sa tuwing merong patay sa pamilya.
 
Araw ng Biyernes noon, araw ng kalungkutan at pagluluksa sa pamilya Ong dahil namatay ang kanilang panganay na anak na si Helen. Natagpuan ang kanyang bangkay na palutang lutang sa ilog ng Sta. Cruz, hubu’t hubad, maraming pasa, at puno ng dugo ang kanyang katawan. Napag-alaman ng mga pulisya na siya ay binugbog ng ilang ulit, sinakal, pinalo ng tubo sa ulo, at ginahasa. Nananatiling palaisipan sa pamilya kung sino ang gumawa nito kay Helen.
 
Ayon sa aking Lola, ibinurol siya sa kulay kayumanggi na kabaong, at nakasuot siya ng kulay puting saya at kulay puting pang itaas. Kaaya-aya ang mga bulaklak sa kanyang burol noon, ngunit yun ay kabaligtaran ng kanyang itsura. Tabingi daw ang kanyang panga sa sobrang lakas ng palo ng tubo sa kanyang mukha, at halos lumobo ang kanyang katawan dahil sa ilang araw siyang palutang lutang sa ilog.
 
Kaibigan pala ni Lola si Helen, habang ikinikwento niya ito, hindi niya maiwasang maiyak dahil sa sinapit ng kanyang kabigan. Habang nasa burol daw siya noon, pinagmamasdan niya ang kanyang kaibigan, may hawak na rosaryo ang kamay, may bigkis ng sampaguita ang bawat dulo ng kabaong. Awang-awa siya sa sinapit ng kanyang kaibigan.
 
Ang angkan nila Helen ay may halong dugo ng tsino kaya hindi sila naniniwala sa kahit anong kristyanong pamahiin. Ang kanyang Ama ay tsino at ang kanyang Ina ay Pilipino. Kaya hindi din nilagyan ng sisiw ang kabaong ni Helen dahil utos ito ng kanyang Ama. Hindi daw mababalik nito ang Buhay ng kanyang Anak. Pero utos naman ng kanyang Ina na lagyan ng mga pangalan ang kanyang kabaong simbolo ng pagluluksa ng mga kamag-anak at matatalik na kaibigan ng mga naiwan ng namatay.
 
Dumating ang araw ng libing ni Helen noon, madami daw nakiramay, lahat nakaputi habang hila-hila ng karo ng kabayo ang kanyang Ataul. Pagdating sa sementeryo, binuksan daw muli ang kabaong ni Helen bilang huling sulyap at pamama alam sa mga Pamilyang naulila. Habang nag iiyakan ang lahat, isinara na ang kabaong, hindi na din tinanggal ang mga pangalan na nakalagay sa kabaong, at sinama na din sa libing ang hindi pinutol na rosaryong nakapulupot sa kamay ni Helen.
 
Makalipas ang ilang buwan, sunud-sunod daw ang sakuna sa kanilang Pamilya, sunud- sunod ang aksidente at sunud-sunod ang nagkasakit. Nauna ang kanyang Ama na inatake sa Puso, sumunod ang kanyang kapatid na Babae na nasagasaan ng Bus. Sumunod ang bunso niyang kapatid na lalake na nagbaril sa sarili. At dahil sa mga nangyare nagbigti ang kanyang Ina.
 
Ayon kay Lola, sinamahan daw niya ang Tiyahin ni Helen noon sa isang albularyo, at ikinuwento ang buong nangyare. Kaya daw sunud-sunod ang namatay dahil isinama daw ni Helen ang mga pangalan na hindi tinangggal sa kanyang kabaong, at ang hindi pag putol ng rosaryo na simbolo ng tuluy-tuloy na pag kuwa ng buhay. Nanlaki daw ang mata noon ang tiyahin ni Helen dahil nakasulat daw ang kayang pangalan doon at ang kanyang mga anak. Ayon sa albularyo, nakasanla na ang kaluluwa ng mga pangalan na nakasulat sa kabaong, ang tanging hinihintay na lang ay kunin sila ni Kamatayan.
 
Sinamahan daw ni lola ang tiyahin ni Helen pauwi, ipinagdasal daw nila ang kaluluwa ni Helen noong gabi. Nagrosaryo sila sa harap ng larawan ni Helen. Habang nagrorosaryo, may napapansin daw silang boses ng babae na sumasabay sa kanila. Hindi daw nila pinansin ito, pag dating sa ‘Aba Ginoong Maria’ marami ng boses ang sumabay, pag lingon daw ni lola sa kaliwa nakita niya ang buong pamilya ni Helen na sumasabay sa kanilang pagdadasal.
 
Kinabukasan, nasunog ang bahay ng Tiyahin ni Helen. Nasawi ang mga anak nito, kasama ang kanyang asawa. Sumunod na din ang tiyahin niya makalipas ang ilang buwan, nagbigti ito. Isang malaking bangungot ang nangyare sa Pamilya ni Helen. Maraming nasawi dahil sa isang pag kakamali.
 
Ang nagkwento sa akin ng istoryang ito ay ang aking Ina. Ikinuwento daw ito sa kanya ni lola bago siya namatay. Isininekreto daw talaga ito sa Pamilya dahil ayaw nilang pag piyestahan ang istoryang ito dahil lang sa hindi pag sunod sa isang pamahiin. Si lola daw ay sumunod na namatay sa Taong iyon, dahil hindi niya sinabi sa Tiyahin ni Helen na kasama din ang pangalan niya sa kabaong. Si lola daw ang huling namatay noon. Nagbaril din daw siya ng kanyang sarili.
 
Nag desisyon akong isulat ang istorya na ito dahil nagpakita sa akin si lola kahapon, kita ng dalawang mata ko na lumulutang siya sa kusina, duguan, humihingi ng tulong, sinasama niya ko pero di ako sumama. Kinagabihan napanaginipan ko siya, sinasama niya ko, umiiyak siya , tapos malabo ang mukha niya, aninag lang ang nakikita ko. Hindi ko alam kung bakit niya ko sinasama. Hanggang sa may napag tanto ako. Namatay ang isang matalik na kaibigan ko noong isang buwan. Naalala ko bigla ang kwento na ito. Dahil best friend ko talaga siya simula High School. Hindi ko alam na sinama pala ko ni Tita (Mama niya) sa mga pangalan na nakalagay sa kabaong niya. Nabalitaan ko kasi kanina na namatay ang Mama niya dahil nagbaril daw ito sa sarili. Tinanong ko ang Papa niya sa mga nangyare noong libing dahil di ako nakapunta noon dahil nasa Bataan ako noon. Hindi daw sila naniniwala sa mga pamahiin ayon sa kanyang ama. Wala daw silang sinunod na mga pamahiin noong libing. Hindi din daw nila tinanggal ang mga pangalan sa kabaong. Biglang tumayo ang mga balahibo ko. Kaya pala ko sinasama ni lola. Hindi ko din alam ang sasabihin ko sa mga magulang ko. Nakasanla na ang kaluluwa ko, isa na lang ang inaantay ko. Si Kamatayan.
 
December 12, 1842 ∎

 

 

Did you like this article? Download the ‘NoInk’ app for the full experience! Don’t forget to like us on Facebook, and follow us on Instagram and Twitter at @NoInkOfficial.