Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Isang sumpa ang nag-uugnay sa pamilyang Salvatierre at Fidalgo. Sumpang 'di tukoy kung paano mapuputol. Mahaleah Salvatierre will die when she turns 23. Can Psalmuel Fidalgo save her forever?

Halea

Huling Araw Bago Sumapit Ang Anibersaryo ng Kamatayan ni Kristina

"MAKINIG ka sa akin, Hija. Ang kwentas na suot mo ay pagmamay-ari ng taong nagpasaya nang sobra kay Kristina. Lahat ng mga masasayang alaala nilang dalawa ay naipon sa kwentas na 'yan. 'Yan ang naging saksi ng kasiyahan nilang dalawa."

Napahawak ako sa suot kong kwentas.

"Punong-puno ng galit at hinagpis ang kaluluwa ni Kristina. Ang kasiyahan at pagmamahal na taglay ng kwentas na 'yan ang magtutulak kay Kristina palayo. Hinding-hindi siya makakalapit sa'yo kapag suot mo 'yan. Hinding-hindi siya makalalapit sa mga lugar na saksi ng tunay na kaligayahan niya noong nabubuhay pa lamang siya. Kaya, huwag na huwag mo 'yang aalisin sa katawan mo. Ngunit -"

"Ngunit, ano po?"

"Makakalapit lamang siya kapag nagawa niyang makasanib sa ibang katawan. Kapag nagawa niya 'yon, kahit na suot mo ang kwentas na 'yan. Magagawa ka pa rin niyang saktan. Kaya mag-ingat ka pa rin."

Bigla akong nabalik sa kasalukuyan nang marinig ang boses ni Kuya Makisig. Hindi ko namalayan na kanina pa pala ako hindi nakikinig at panay hawak lang ako sa pendant ng kwentas ko.

"Matatapos na ang araw pero hindi pa rin nahahanap ang katawan ni Juan Miguel." Seryosong pahayag ni Kuya Makisig. "Halos nalibot na natin ang mga lugar kung saan pwedeng nailibing nila Lolo Alonzo si Juan Miguel."

Ramdam na ramdam ko ang tensyon ng lahat ng mga tao. Ilang oras na lamang ang natitira sa amin. Kapag hindi pa namin nahanap ang libingan ni Juan Miguel maaring 'yon na rin ang huling araw ko sa mundo. Aaminin kong sobra-sobra ang takot na nararamdaman ko nang mga oras na 'yon. Natatakot ako para sa anak namin ni Psalm. Para sa kinabukasan nila Kuya Mak at Alyana. Hindi ko kayang iwan sila Psalm at ang mga magulang ko.

Ilang araw ko nang pinagdadasal na sana magkamilagro at may taong makatulong sa amin para mahanap ang mga labi ni Juan Miguel.

"Wala na bang ibang solusyon, Mak?" nag-aalalang tanong ng aming ina.

Bakas sa mukha niya ang ilang araw na pagkabalisa at kawalan ng tulog. Kasa-kasama ko si Mama sa mga araw na umaalis sila Kuya Mak at Psalm para mangalap ng impormasyon. Kahit na hindi niya sabihin, alam ko na pagod na pagod na si mama.

"Sa ngayon Mama, 'yon lang."

"Dios ko," niyakap ni papa sa mama at sinubukang pakalmahin. "Ang mga anak ko. Hindi ko kayang makita ang mga anak kong naghihirap."

"Catleya, huwag kang mawalan ng pag-asa. Mahahanap din natin ang libingan ni Juan Miguel."

"Pasensiya na rin at isa 'yan sa mga impormasyong hindi namin nakuha ni Regina noon. Wala rin siyang nabanggit tungkol doon." Dagdag pa ni Don Pancho.

"Hindi rin 'yon nabanggit ni Alonzo. Sa tingin ko ay isa 'yong pangyayari sa nakaraan na gusto niyang ibaon na sa limot. Inamin man niya ang kasalanang nagawa pero hindi na niya nagawang i-kwento nang buo ang mga pangyayari."

"Could be," segunda ni Kuya Mak kay Psalm. "Or maaring dala lamang 'yon ng pagkalito at takot kaya may mga impormasyong hindi niya nagawang isulat. Kung sana may palatandaan na nabanggit kung saan inilibing nila Lolo Alonzo si Juan Miguel."

"Nagtanong-tanong na rin kami sa mga matagal nang bantay sa mga sementeryo. Inikot ang bawat lumang lapida na nakikita namin. Pero imposible na mayroong disenteng libingan si Juan Miguel. Imposible rin na lagyan 'yon ng pangalan nila Don Jaime at Alonzo."

"Tama ka," sang-ayon ni Alyana. "Maaring inilibing lang si Juan Miguel sa kung saan o 'di kaya ay itinapon sa dagat."

"Imposible," basag ko sa usapan nila. "Walang malapit na baybayin sa San Antonio. Kung inilibing nila agad si Juan Miguel maaring nasa mga lokasyon lang na nabanggit ni Tita Regina ang libingan niya. Kung iisipin nating mabuti ang sinabi ni Mang Tonio, hindi basta-basta nakakalapit si Kristina sa mga lugar na sobrang nagpasaya sa kanya o sa taong sobra niyang minahal."

"Tama si Halea," sang-ayon ni Psalm sa akin. "Isang lugar lang ang naiisip ko na maaring pwede nating balikan."

"Saan?"

"Ang lumang simbahan." Lahat kami ay napalingon sa nagsalita. Si Mang Tonio. "Sa likod ng lumang simbahan."

"Nay!" pa sigaw na tawag ni Alyana.

Kasama ni Nanay Belen si Mang Tonio. Sa ekspreyon ng mga mukha nila mukhang may na diskubre sila na maaring makatulong para mabilis na mahanap ang libingan ni Juan Miguel. Lumapit ang dalawa sa amin.

"A-Anong ibig niyang sabihin Nay?" baling na tanong ni Alyana sa ina niya. "Anong meron sa likod ng lumang simbahan?"

"Makinig tayo kay Mang Tonio." Tanging sagot ni Nanay Belen.

"Hindi pa lubusang natatahimik ang kaluluwa ni Juan Miguel." Simula ni Mang Tonio. "Bagama't hindi siya laging nagpaparamdam. Ang kaluluwa ng isang taong pinatay nang hindi nakakamtan ang hustisya ay kailanman ay hindi matatahimik. Sinubukan kong tawagin si Juan Miguel noong isang gabi."

Halos nagtaasan ang balahibo ko sa katawan. Tila ba naramdaman ko bigla ang presinsya niya sa paligid. Bigla ring lumamig sa paligid. Napansin naman yata 'yon ni Psalm kaya mabilis na inakbay niya sa akin ang isang braso at hinapit ako palapit sa katawan niya.

"Are you okay?" pabulong na tanong niya.

Tipid na ngumiti at tumango lamang ako. Pero hindi pa rin nabawasan ang kilabot na nararamdaman ko nang mga oras na 'yon. Tila ba may mga matang nakatingin sa akin na hindi ko mabigyang pangalan.

"Naramdaman ko agad ang enerhiya niya sa malapit hanggang sa matunton niya ang lokasyon ko."

"Kung ganoon ay," Makisig trailed off. "Kasama mo ngayon si Juan Miguel?"

Seryosong tumango si Mang Tonio. Ang kaninang tamang lamig na naramdaman namin sa loob ng bahay ay mas lalong lumakas. Rinig na rinig din namin mula sa loob ang malakas na hampas ng hangin sa bawat sulok ng bahay at mga bintana. Tila ba, may nagpapahiwatig na tama nga ang sinasabi ni Mang Tonio sa amin. Na kasama nga namin sa mga oras na 'yon ang kaluluwa ni Juan Miguel.

Napalinga-linga kami sa paligid.

Naramdaman ko ang mahigpit na pagyakap ni Psalm sa akin. Nais kong matuwa sa sinabi ni Mang Tonio pero mas nangingibaw ang kaba sa aking puso. Tila ba may mangyayari sa gabing 'yon. Hindi ko maipaliwanag ang takot at kaba sa puso ko. Hindi ako mapakali.

"Wala na tayong oras. Kailangan na nating hanapin ang mga labi ni Juan Miguel."

Kasabay nun ang malakas na kulog mula sa labas. Sa sinabi ni Mang Tonio tila lalong nangalit ang langit at mas lalong lumakas ang hangin. Tila senyales 'yon ng isang malakas na ulan at mahabang gabi. Dios ko! Huwag na huwag n'yo po sana kaming pabayaan.



TILA nangangalit ang kulay dugo na kalangitan. Nagbabadya na ano mang oras ay bubuhos ang malakas na ulan. Naibaling ko ang tingin kina Kuya Makisig, Psalmuel, Don Pancho at Mang Tonio na kasalukuyang hinuhukay ang lokasyon kung saan daw nakalibing si Juan Miguel.

Kasama ko sa van si Alyana. Hindi na sumama ang mga magulang namin. Si Nay Belen naman ay sinamahan sila Mama sa bahay sa pagdadasal. Kabado ang lahat. Bakas sa mga mukha ng lahat ang pagod at pag-aalala.

Naipikit ko ang mga mata at taimtim na nag-dasal.

Panginoon ko, sana ay matapos na ang lahat ng mga ito. Sana ay mapatawad na kami ni Kristina. Alam ko na malaki ang kasalanan ng dalawang pamilya sa kanya, lalong-lalo na sa mismong kapatid at ama ni Lola Kristina. Nawa'y makamtan na niya ang kapayapaan sa puso niya para tuluyan na siyang matahimik.

"Halea, okay ka lang ba?" basag ni Alyana.

Naimulat ko ang mga mata at naibaling ang mukha sa kaibigan. "Sana ay maging okay na ang lahat Alyana."

"Matatapos din 'to." She reached for my hand at masuyo 'yong ginagap. "May awa ang Dios. Hindi niya tayo pababayaan. Magtiwala lang tayo."

Muli kong na ibaling ang tingin sa labas. "Sana nga ay matapos na ang lahat ng mga ito Alyana."

"Matatapos ang lahat sa kamatayan mo."

Bigla-bigla ay naibalik ko ang tingin kay Alyana. Lumakas ang tibok ng puso ko nang makita ang nakakatakot na ekspresyon ng mukha ni Alyana. Naramdaman ko ang mahigpit na hawak niya sa mga kamay ko. Napasinghap ako sa sakit. Pilit ko 'yong binawi sa kanya pero 'di ko magawa.

Sumilay ang isang nakakatakot na ngiti sa mukha ni Alyana. Gusto kong sumigaw pero 'di ko magawa. 'Di ko magawang maigalaw ang buo kong katawan.

"Mamatay ka…" paulit-ulit na sabi niya sa mababang boses. "Mamatay ka Halea. Hindi ko hahayaang may Salvatierre na maging masaya. Lahat tayo ay mamamatay!"

Naramdaman ko ang pamamasa ng sulok ng mga mata ko. Gusto kong sumigaw. Dios ko! Psalm, balikan n'yo ako. Kuya Makisig tulungan n'yo ako. Paulit-ulit kong sigaw pero walang boses na lumalabas sa bibig ko. Napasinghap ako nang maramdaman ang kamay niya sa leeg ko. Kinapa-kapa ko ang kamay niya na sumasakal sa akin. 'Di ako makahinga. Dios ko, tulong!

"Isusunod na kita Halea."

Bigla niya akong binitiwan. Habol ang hininga na mabilis na sinubukan kong buksan ang pinto ng van pero 'di ko magawang buksan 'yon. In-unlock at lock ko na ng ilang beses pero 'di ko pa rin nabubuksan.

Muli akong napasinghap nang marahas na binalya niya ako sa salaming bintana ng sasakyan. Napangiwi ako sa sakit nang ilang segundong bumaon ang kwentas sa balat ko bago 'yon natanggal sa leeg ko. Sa kabila ng takot at kaba ay napansin kong tila napaso ang kamay ni Alyana nang mahawakan ang kwentas pero mabilis naman niya 'yong itinapon.

Naibalik ko ang tingin kay Alyana na ngayo'y napalitan na ng duguang mukha ni Kristina. Napalunok ako nang ilapit niya ang duguang mukha sa akin. Ramdam na ramdam ko ang pagtaas ng mga balahibo ko sa katawan. Ang sunod-sunod at mabilis na paghinga ko. Tumaas ang duguang kamay niya sa mukha ko at marahang pinadaanan ng malalamig niyang mga daliri ang pisngi ko.

Patuloy pa rin ang pagdaloy ng mga luha ko sa mga mata.

"Tama na," pakiusap ko sa kabila ng kawalan ng boses. "Parang-awa mo na. Tama na. Maawa ka sa akin. Maawa ka." Iyak ko.

"Alam mo ba Halea," inilapit niya ang bibig sa may tainga ko. "Ilang beses kong sinabi ang mga salitang 'yan pero 'di sila naawa sa akin." Hindi ko alam kung bakit isa-isang nagbalik sa isipan ko ang mga eksena sa nakaraan. Tila nandoon ako nang pinatay si Kristina. Lalo akong naiyak. Lalong nanikip ang dibdib ko sa nakitang paghihirap ni Kristina. "Pero 'di nila ako pinakinggan. Pinatay pa rin nila kami ng anak ko."

Tatlong sunod-sunod na putok ng baril ang nakapagpasigaw sa akin. Napasinghap ako sa sakit. Alam kong hindi ako ang tinamaan pero ramdam ko ang masakit na pagbaon ng mga bala sa katawan ko. Tila naging isa ang katawan namin ni Kristina.

Natagpuan ko ang sarili na nakahandusay sa lupa. Nanginginig ang mga kamay na sinubukan kong humingi ng tulong kay Kuya Makisig pero nakatingin lang siya sa akin. Pati ang aking ama ay nakatalikod sa akin. Ramdam na ramdam ko ang pamimigat ng aking mga mata. Ang sakit ng mga bala na patuloy na dumidiin sa buo kong katawan. Ang mga luhang humahalo sa sarili kong mga dugo. At sa bawat paghinga ko ay tila hinuhukay ang aking tiyan ng kakaibang hapdi dahilan para maisuka ko ang maraming dugo.

Tila ba, ang pilitin na mabuhay ang pinakamahirap gawin nang mga oras na 'yon. Kahit ang sariling paghinga ay sobrang hirap gawin.

Hinayaan ko na lamang ang sariling umiyak.

Kristina, patawad.

Patawarin mo kami.


Psalm

"I THINK I'm seeing something!"

Binilisan ko pa ang paghuhukay. Gayun din si Mang Tonio. Itinuon ko ang flashlight na hawak sa tila metal na bagay na nakapa ko. Kinamay ko na ang pagkaykay hanggang sa mahawakan ko nang buo ang bagay na ‘yon.

Bahagya ko ‘yong nilinis at kinuskos hanggang sa mabasa ko ang pangalan ni Juan Miguel Fidalgo. Thank God!

"Kay Juan Miguel ‘to,” mabilis na inabot ko ang box sa aking ama. "We’re getting there.” Pinagpatuloy namin ang paghuhukay. “Wala pa ba si Makisig?"

"Wala pa," sagot agad ng ama ko.

Naiangat ko ang mukha sa tila nangangalit na langit. Nagsisimula nang umambon. Malakas na rin ang ihip ng hangin na marahas na humahampas sa mga dahon ng mga puno. Tila ba, ano mang oras mula ngayon ay tuluyan na ngang bubuhos ang malakas na ulan. Nagpaparamdam na rin ang papalakas at sunod-sunod na mga kulog. Kailangan na naming mahukay ang mga natitirang labi ni Juan Miguel.

Lumalim na nang husto ang hukay hanggang sa sumilip na ang bungo ng isang tao. Natigilan kaming pareho ni Mang Tonio.

"Ito na nga siya," basag ni Mang Tonio. "Natagpuan na rin natin ang katawan ni Juan Miguel."

"Anak," tawag sa akin ng aking ama. "Anak, anak, mukhang may problema."

"Psalm!” patakbong sumisigaw si Makisig palapit sa amin.

Sakto namang nahukay na namin ang ibang parte ng kalansay ni Juan Miguel. Mabilis na inaabot namin iyon sa aking ama na isa-isa niyang inilapag sa sako.

"Nawawala si Halea!"

Lahat kami ay natigilan.

"Anong ibig mong sabihin? Magkasama lang sila ni Alyana sa van. Paanong nawawala si Halea?" inis na sunod-sunod na tanong ko.

"I fuckin don't know! Naabutan ko na lang si Alyana na walang malay sa loob. Nakakalat din ang kwentas niya sa loob na mukhang sinadyang tanggalin ng kung sino." Ipinakita niya sa amin ang nasirang kwentas. "Damn it, saan na si Halea?"

"Nandito na siya." Basag ni Mang Tonio. Naigala niya ang buong tingin sa paligid. "Nandito lang siya sa paligid."

"What the hell is happening?!" asar at galit ko nang tanong.

"Akin na 'yan," kinuha ni Mang Tonio ang box mula sa aking ama at walang kahirap-hirap na sinira 'yon para mabuksan. "Wala na tayong oras. Kailangan nang magkita nila Juan Miguel at Kristina."

"What are you talking about?" inis na rin na sabat ni Makisig. "Paano magkikita sila Juan Miguel at Kristina?"

"Psalmuel," natigilan ako sa uri ng tingin ni Mang Tonio sa akin. "Dalhin mo 'to." Lumapit siya sa akin at pilit na pinahawak sa akin ang mga sulat. Kinuha rin nito mula kay Makisig ang kwentas at inabot sa akin. "Basahin mo 'tong mga sulat na 'to kay Kristina at ipasuot mo ulit sa kanya ang kwentas."

"P-Paano ko gagawin –"

"Tutulungan ka ni Juan Miguel. Ituturo niya sa'yo kung saan mo makikita ang 'yong mag-ina at si Kristina."

Inisa-isa kong tignan sila Makisig at ang aking ama. Lahat sila ay iisa ang uri ng tingin na ibinibigay sa akin.

"Sige na, anak. Hanapin mo na sila."

"Mahal na mahal ko ang kapatid ko Psalm. Huwag mo sanang hayaang mawala sa atin si Halea. Naniniwala akong magagawa mong tapusin ang lahat ng ito. Naniniwala ako sa pagmamahal mo para sa kapatid ko."

"Wala na tayong oras. Kailangan mo nang puntahan ang mag-ina mo Psalmuel."

"Saan ko siya mahahanap?"



DINALA ako ng mga sariling paa sa isang lumang hardin sa likod ng lumang simbahan. Nakita ko ang tila maze garden na punong-puno ng mga bust statue ng mga anghel at mga santo. Palinga-linga ako sa paligid. Sinisilip ang bawat sulok na pwedeng pagtaguan ni Halea.

Habang naglalakad ay ramdam na ramdam ko ang presensiya ng kung sino. Tila nakasunod lamang ang isang tao sa akin na hindi ko magawang makita. Rinig na rinig ko ang malakas na tibok ng puso ko. Inaamin kong natatakot ako. Natatakot ako para sa mag-ina ko. Ikamamatay ko na mawala silang pareho sa buhay ko.

Sinupil ko ang takot na 'yon sa aking puso at nagpatuloy sa paglalakad.

"Halea! Halea! Nandito na ako Halea!" sigaw ko.

Sa pagliko ko ay napansin ko ang isang pamilyar na pigura ng isang babae na nakaharap sa sira at lumang water fountain.

"Halea?” Akmang lalapit ako sa kanya nang harapin niya ako. Natigilan ako nang makita kong umiiyak si Halea. "Halea?"

"Psalm, huwag kang lumapit sa akin." Iyak niya.

"B-Bakit?"

"Huwag kang lumapit," hagulhol na niya. "Psalm, parang awa mo na. Umalis ka na. I-Iwan mo na ako rito. P-Psalm please..." doon ko napansin ang hawak niyang kutsilyo.

"Halea, bitiwan mo 'yang hawak mo."

"G-Gusto ko pero... pero 'di ko magawa. Psalm, u-umalis ka na –"

"Hindi ako aalis!" mariing sabi ko. "I'm not gonna leave you here. Uuwi ka kasama ako. Naririnig mo ba ako, ha? Hindi kita iiwan dito! Kaya kung sino man 'yang gustong kumuha sa'yo. Makinig ka, hinding-hindi ako papayag na kunin mo sa akin ang mag-ina ko!"

"Mamamatay siya," biglang ay nagbago ang boses ni Halea. "Kukunin ko rin siya. Walang Salvatierre na magiging masaya."

"Kristina!"

"Sisiguraduhin kong hindi n'yo makakalimutan ang ginawa n'yo sa akin!" sigaw ni Halea sa boses ni Kristina. "Si Yasmin. Si Rossita. Si Regina. Lahat sila. Pati si Halea. Pagbabayaran ng lahat ang mga ginawa nila sa akin."

"Tama na!"

"Magbabayad ang lahat!"

"Kristina, tama na."

Hindi ko alam kung bakit tila nag-iba ang boses ko. Hindi ko na rin ma-kontrol ang sarili kong katawan. Tila ba, nakulong ako sa isang portal na hindi ko alam kung saan. Psalmuel, ako na. Ako na ang magtatapos ng lahat ng ito. Kausap sa akin ng isang boses ng lalaki. Juan Miguel?

"Juan Miguel?"

"Kristina tama na. Itigil mo na ang lahat ng mga ito."

"Sinaktan mo rin ako. Kagaya ka rin ng aking ama at kapatid. Lahat kayo, gusto ninyo lamang na mamatay ako. Sinisi n'yo lahat sa akin ang mga masasamang pangyayari sa mga buhay ninyo. Ginamit n'yo lamang ako para sa paghihiganti. Pinaasa at iniwan. Pagmamahal lamang ang tanging hiling ko pero pinagkait ninyo sa akin. Ano bang nagawa kong kasalanan? Bakit ang lupit-lupit ng tadhana sa akin?"

"Pinagdusahan ko ang sumpang ipinataw ng pamilya ninyo sa akin kahit na ang ama ko ang may kasalanan ng lahat. Sa kabila ng mga pasakit na 'yon ay umasa pa rin ako na mahahanap ko rin ang tunay na kaligayahan sa pagmamahal mo Miguel. Pero katulad nila, sinaktan mo rin lamang ako. Ginamit mo rin lamang ako para maipaghiganti ang 'yong nobya na ginawan ng masama ni Manolo. Sa tingin mo ba Miguel, madali para sa akin ang lahat? Sobra ang sakit na naramdaman ko sa panloloko mo sa akin. Ano bang nagawa ko para talikuran n'yo ako nang ganoon lamang kadali?!"

"Kristina patawarin mo ako. Patawarin mo na kami. Alam ko ang mga pagkakamali ko pero sana huwag mo nang idamay ang pamilya mo. Hindi namin sila katulad. Hindi ka nila kayang saktan kung nabuhay ka sa panahon na ito. Iba ang 'yong ama. Iba ang 'yong kapatid. Hayaan mo na sila. Matahimik na tayong pareho."

"H-Hindi ko kayang gawin 'yon –" pinutol ko ang distansiya sa pagitan naming dalawa ni Kristina at niyakap siya nang mahigpit. Kasabay no'n ang malakas na buhos ng ulan. "M-Miguel?"

"Ilang taon kong hinantay ang pagkakataon na ito Kristina. Patawarin mo ako at ngayon ko lamang masasabi sa'yo ang totoo. Nagsinungaling ako sa'yo noon. Hindi totoong hindi kita mahal. Mahal na mahal kita Kristina."

"M-Miguel?"



Mahal kong kapatid,

Marahil ay ito na ang huling sulat na maipapadala ko. Patawad. Patawad dahil nagsinungaling ako. Hindi totoong umalis ako ng mansion dahil gusto kong makalimot. Umalis ako ng mansion dahil gusto kong maghiganti. Nais kong ipaghiganti ang pagkamatay ng aking si Sofia. Nais ko na maiparamdam sa lalaking 'yon ang sakit na mawalan ng taong minamahal. Nais kong pagsisihan ng walangyang lalaking 'yon ang ginawa niya.

Ngunit nabigo ako. Nabigo ako Carlos. Natalo ako. Hindi ko nagawang saktan si Manolo. Mali ako. Mali ako sa pag-aakalang masasaktan ko siya sa paggamit sa asawa niyang si Kristina. Hindi ko inasahan na ganoon kalupit ang pagtrato niya kay Kristina. Alam mo ba ang plano ko, kapatid? Matatawa ka siguro o baka isipin mong nababaliw na ako.

Sinubukan kong paibigan si Kristina nang sa ganoon ay iwan niya si Manolo. Pagkatapos no'n ay saka ako mawawala sa San Antonio at iiwan ko rin si Kristina. Pero hindi ko nagawa. Sa  bawat araw na magkasama kami. Marami akong natutunan sa kanya. Mas nakilala ko siya nang lubusan. Alam mo bang isa siyang Salvatierre? Ang mortal na kaaway ng ating pamilya. Pero mali ako. Hindi siya katulad ng kanyang ama. Malayong-malayo siya sa matapobre at mapagmataas na si Don Jaime.

Para sa akin, isang anghel si Kristina.

Tama ka, mahal ko na siya. Ngunit hindi ko pwedeng mahalin ang babaeng asawa na ng iba. Mali ang ginawa ko. Nilagay ko lamang sa panganib ang buhay ni Kristina. Gusto kong pagsisihan ang lahat ng ginawa ko ngunit may bahagi rito sa puso ko na nagpapasalamat na nakilala ko siya. Na nakasama ko siya sa ilang sandali ng buhay ko.

Patawarin sana ako ni Sofia, Carlos. Dahil hindi ko nagawang bigyan ng hustisya ang pagkamatay niya. Binigo ko siya. Binigo ko ang sarili ko. Binigo ko kayo.

Paalam, hanggang sa muli nating pagkikita.

Nagmamahal,

Juan Miguel



"NANG gabing 'yon. Hindi ko intensyon na patayin ka Kristina. Itinutok ko ang baril sa'yo para saktan ka. Para magalit ka sa akin at itulak mo na ako palayo sa'yo. Hindi ko kayang paniwalain ang sarili ko na kailangan na kitang iwan. Gusto kong marining mula sa'yo ang mga salitang 'yon. Gusto kong ikaw mismo ang tumulak sa akin palayo."

"Pero bakit? B-Bakit g-gusto mong lumayo?"

"Dahil hindi ako karapatdapat sa pagmamahal mo Kristina. Mali ang lahat ng iyon. Kasal ka sa iba. Binigo ko ang aking pamilya at ang aking nobya. Hindi ako ang tamang lalaki para sa'yo."

"Ikaw lang ang lalaking minahal ko. Ang tanging taong nagparamdam sa akin ng tunay na pagmamahal. Sa iyo lamang ako naging masaya."

"Patawarin mo ako Kristina." Iyak ko. "Patawad mahal ko."

Masuyong hinaplos ni Kristina ang aking pisngi. Hindi ko napigilan ang mga luha sa pagdaloy mula sa aking mga mata. Napakaganda talaga ng aking Kristina.

“Salamat,” sumilay ang isang maganda ngiti sa mukha niya. “Salamat dahil bumalik ka mahal ko.”

"Mahal na mahal kita Kristina."

Isinuot ko sa kanya ang kwentas na regalo ko sa kanya bago ang kaarawan niya. Siya lang ang tanging babae na binigyan ko ng kwentas na ‘yon. Mahalaga sa’kin ang kwentas na ‘yon dahil bigay ‘yon ng aking ina. Hindi ko lamang alam kung bakit hindi sumagi sa isip ko na ibigay ‘yon kay Sofia. Marahil ay para lamang kay Kristina ang kwentas na ‘yon.

Para sa babaeng hindi ko inasahang kaya ko pa lang mahalin nang lubusan.

"Mahal na mahal din kita Miguel. Kami ng anak mo."

Kinulong ko sa mga palad ko ang mukha ng aking mahal na si Kristina bago sinakop ang mga labi niya para sa isang halik. Ibinuhos ko sa halik na iyon ang ilang dekadang nawala sa amin. Ang ilang taong nasayang na punong-puno ng pangungulila, panlulumo, at pagsisisi.

Sa wakas ay nakita ko muli ang aking mahal na si Kristina. At nasabi ko sa kanya ang totoo kong nararamdaman.

“Hindi na tayo magkakahiwalay pa.”


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE