Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Isang sumpa ang nag-uugnay sa pamilyang Salvatierre at Fidalgo. Sumpang 'di tukoy kung paano mapuputol. Mahaleah Salvatierre will die when she turns 23. Can Psalmuel Fidalgo save her forever?

Halea

TILA palabas na nagbalik sa isip ko ang mga pangyayari sa nakaraan. Ang pagpatay ni Lolo Jaime kay Ysabella at sa iniibig nito sa lumang simbahan ng San Antonio. Ang paghihinagpis at puno ng puot na iyak ni Donya Maria sa pagkamatay ng kanyang nag-iisang babaeng apo na si Ysabella hanggang sa maipataw ang sumpa na sobrang nagpahirap sa pamilya namin... lalong lalo na kay Kristina.

Ang mga tahimik na iyak ni Kristina sa bawat masasakit na salita na natatanggap niya sa kanyang ama at ng kanyang asawa. Ang mga luhang nasayang dahil sa mga taong tanging mga sarili lamang ang iniisip. Ang mga pakiusap na hindi narinig nang mangibabaw ang sigaw ng pansariling pangarap na mag-aangat sa kanila sa lahat. Ang mga dugong dumanak nang kalimutan nila ang magmahal at magpatawad. Ang mga buhay na nasayang dahil lahat gustong umangat.

Pinakita ni Kristina sa akin ang lahat. Ang pagkamatay ni Don Jaime sa kamay ng mga taong inisip niyang kakampi ngunit tinalikuran siya. Hindi rin nagtagal ang pagbubuhay mayaman ni Lolo Jaime. Bagama't nanalo siyang bise mayor ng San Antonio dahil sa koneksyon niya sa ama ni Manolo Buenavista. Lahat ng pera ay pinansugal niya at naitalo niya. Hindi rin nagtagal sa mga kamay niya ang nakurakot na pundo katulong ang ama ni Manolo.

Halos araw-araw nagpapakita si Kristina sa ama niya. Paulit-ulit na pinapaalala ang mga kasalanang ginawa niya. Inakala ng lahat na nababaliw na ito hanggang sa gamitin 'yon ng pamilya nila Manolo para alisin siya sa kanyang posisyon at ipalit ang ama ng bagong asawa ni Manolo. Hindi 'yon natanggap ni Lolo Jaime kaya pinagbantaan niya ang mga Buenavista na isisiwalat niya ang lahat ng mga maling gawain ng pamilya Buenavista. Mabilis naman na nakipag-ayos sila Manolo kay Lolo Jaime.

At isang gabi nga ay inimbitahan nila si Lolo Jaime sa hacienda ng mga Buenavista para sa isang haponan. Ang hindi alam ni Lolo Jaime ay 'yon na rin ang huling gabi niya. Habang naglalakad sa malawak na lupain ng hacienda nila Manolo, pinakawalan lahat ng mga Buenavista ang lahat ng mga mababangis nilang aso at pinahabol si Lolo Jaime.

Nilapa ng mga aso ang matanda hanggang sa hindi na maitsura ang mukha ni Lolo Jaime at magkalasog-lasog ang mga parte ng katawan niya na masayang pinagsaluhan ng mga mababangis at gutom na gutom na aso.

1920-1943

Totoo ang sumpa. Kukunin ka rin niya.

Ang huling sulat na iniwan ni Yasmin ay gawa-gawa lamang niya. Itinago ni Lolo Alonzo ang tungkol sa sumpang bumabalot sa kanilang pamilya para sa ikatatahimik ng lahat. Bumalik sila sa hacienda sa San Antonio para mapakinabangan ang kalahati ng lupa na natitira sa pamilya nila. Doon nakilala ni Yasmin si Marco. Ang anak ng bagong katiwala nila sa bahay.

Umibig nang lubusan si Yasmin kay Marco at halos ibigay na niya ang sarili sa lalaki. Lumaking nasusunod ang lahat ng gusto si Yasmin dahil hindi siya pinagkaitan ng kahit ano ng kanyang ama. Ibinigay ni Lolo Alonzo ang lahat ng atensyon at luho kina Yasmin at Yusef na hindi niya kailanman naibigay sa kanyang kapatid na si Kristina. Inisip niyang makakabawi siya sa mga kasalanan niya kay Kristina sa pamamagitan ng kanyang mga anak. Pero tila naging dahilan pa 'yon para mag-rebelde si Yasmin nang tutulan ni Lolo Alonzo ang pagmamahal niya kay Marco.

Una, alam ni Alonzo na nahuhulog na ang loob ng binata sa anak niya. Hindi ang binata na 'yon ang gusto niya para sa anak. Hindi nito maibibigay ang buhay na ibinigay niya kay Yasmin. Magiging miserable lamang ang anak niya sa piling nito. Pangalawa, anak ito sa labas ni Juan Carlos Fidalgo. Ang kapatid ni Juan Miguel na pinatay ng kanilang ama. Hindi maaring malaman ng mga Fidalgo ang mapait na nangyari kay Juan Miguel. Makukulong siya at maiiwan niya ang mag-iina niya. Mawawala lahat ng mga pinaghirapan niya.

Kaya pinalayas ni Lolo Alonzo sa bahay si Marco at ang nanay nito. Nagsinungaling si Lolo Alonzo kay Yasmin. Sinabi niyang ikakasal na si Marco sa totoong nobya nito at pinaasa lamang siya ng binata. Nasaktan nang lubusan si Yasmin sa biglang pag-alis ni Marco. Ang dating ngiti ng dalaga ay napalitan ng kalungkutan. Dahil doon, mas naging madali para kay Kristina na makalapit at magulo ang isipan ni Yasmin.

Ang hindi alam ni Lolo Alonzo ay matagal nang nagpapakita si Kristina sa mga panaginip ni Yasmin. Na hindi kasinungalingan ang sumpa na hindi pinaniwalaan ng kanyang ama noon. Kaakibat ng sumpa na 'yon ang walang kasiyahan sa mga anak ng mga Salvatierre, kamalasan pagdating sa pag-ibig, at pagdurusa sa mga susunod na henerasyon.

Natuklasan ni Yasmin ang mga pangyayari sa nakaraan. Ipinakita lahat ni Kristina sa kanya ang ginawa ng kanyang Lolo Jaime at ni Alonzo rito. Nakita niya rin ang huling sulat ni Marco para sa kanya na itinago ng kanyang ama. Hindi 'yon matanggap ni Yasmin. Ang buong akala niya ay mabuti ang kanyang ama.

Umalis siya ng mansion para hanapin si Marco ngunit huli na ang lahat. Kasal na ang binata sa ibang babae. Mabigat ang kalooban na bumalik siya ng mansion. Ilang araw na nagkulong sa kanyang silid at dalawang araw bago ang ika bente tres na kaarawan niya - kinitil ni Yasmin ang sariling buhay.

Totoo ang sumpa. Kukunin ka rin niya.

Ang huling mga pangungusap sa huling sulat ni Yasmin. Sulat na sinadya niyang isulat para ipaalala sa lahat ang kanyang kalungkutan. Para ipaalala sa kanyang ama ang mga kasalanan na nagawa niya kay Kristina. Ang nagawa niya sa kanya. Kung hindi pinalayas ng kanyang ama si Marco, sana ay masaya siya. Sana ay siya ang babaeng hinarap ng binata sa harap ng altar. Pero pinagkait lahat 'yon ng kanyang ama. Pinagkait nito ang masayang buhay na pwede sana nilang maranasan ni Kristina... pero sa pangalawang pagkakataon... muli silang tinalikuran ni Alonzo.

Sinisi ni Alonzo ang sarili. Sinisi niya ang lahat sa kanyang ama at kay Manolo. Hindi mangyayari 'yon kung hindi siya naging duwag. Kung hindi siya natakot na iligtas at ipaglaban si Kristina. Mapipigilan niya sana ang ama sa pagpapakasal kay Kristina kay Manolo. Mapipigilan niya sana ang kanilang ama sa pagpatay kay Kristina. Lahat nang 'yon ay mapipigilan niya sana kung naging matapang lamang siya.

Ngunit naging huli na ang lahat. Wala na ang kanyang pinakamamahal na si Yasmin. Hindi niya matatanggap na namumuhay ng masaya at marangya ang walangyang si Manolo. Kasalukuyang mayor noon si Manolo. Tahimik lang na hinintay ni Alonzo sa labas ng kapitolyo si Manolo. Hindi mapakali at panay ang pagmamatiyag sa paligid. Hanggang sa lumabas na nga si Manolo at doon mabilis na binaril ni Alonzo sa ulo si Manolo. Patay agad ang mayor.

Mabilis naman na pinagbabaril ng mga gwardiya si Alonzo hanggang sa maligo ito sa sariling dugo at tuluyang mamatay. Iniwan niya ang mga larawan, sulat, talaarawan at pati ang kwentas na kinuha niya mula kay Kristina sa lumang wine cellar ng hacienda. Doon nahanap ni Regina ang mga gamit ni Lolo Alonzo.

1946-1969

Sakabila ng saya at ngiti na madalas ipakita ni Rossita sa kanyang pamilya at mga kaibigan nakakubli ang matinding kalungkutan sa kanyang puso.

Naging mabuting ama si Lolo Yusef kina Rossita at Fredericko. Naging tahimik ang pamilyang Salvatierre simula nang mamatay si Lolo Alonzo at nawala ang mga Buenavista sa San Antonio. Nagsumikap naman si Lolo Yusef na unti-unting mapalago ang natirang lupa ng pamilya nila.

Ngunit, isinakripisyo ni Rossita ang sariling kaligayahan kapalit ng mga pangarap ng kapatid na si Fredericko. Nakipaghiwalay si Rossita sa lihim niyang kasintahan na si Xavier para magpakasal kay Manuel. Ang matalik na kaibigan ng kanyang Kuya Ricko na malaki ang inggit sa kapatid niya. Kapag hindi pumayag si Rossita sa gusto ni Manuel ay ipapaalam nito sa dean ng unibersidad kung saan kumukuha ng abogasya si Lolo Fredericko tungkol sa pagsali nito sa isang fraternity at pagbabasag-ulo na siyang magiging dahilan para mapaalis ito sa unibersidad.

Mabait ang kanyang Kuya Ricko. Ang mga pagkakamali nito sa nakaraan ay hindi na dapat pang ungkatin. Nakikita niya ang malaking pagbabago ng kanyang kapatid at kagustuhan nitong makapagtapos ng abogasya para makatulong sa ibang tao lalo na ang mga kapos palad na hindi kayang ipaglaban ang mga sarili nilang karapatan.

Walang sino man ang nakakaalam ng sekretong 'yon maliban sa kanilang dalawa ni Manuel. Isang columnista at calligraphy artist si Manuel. Kaya nitong gumaya ng mga sulat kamay at pirma ng ibang tao. Alam ni Rossita na tumatanggap ng mga pamimike ng mga dokumento ang asawa at madalas niya itong pinagsasabihan pero madalas na nauuwi sa pananakit at away. Pero itinago pa rin 'yon ni Rossita sa kanyang pamilya. Lalo na sa kanyang Kuya Ricko.

Hanggang sa magkita ulit sila Rossita at Xavier. Bumalik lahat ng mga masasayang alaala ni Rossita kapiling ang dating kasintahan. Na alam niyang, mananatili na lamang sa mga alaala niya. Masaya na si Xavier at ikakasal na sa nobya nito. Pero tila, hindi magawa ng puso niyang basta-basta kalimutan ang taong sobra niyang minahal.

Isang gabi ay natagpuan na lamang ang sarili na sa harap ng lumang buhay ng mga Fidalgo. Halos sira-sira na ang bahay dahil matagal nang walang tumitira doon. Hindi niya alam kung bakit dinala siya ng mga paa niya roon. Dahil ba sa isang Fidalgo si Xavier na nakilala niya sa Maynila? Alam ni Rossita ang tungkol sa sumpa pero itinago 'yon ng kanyang ama at kapatid. Alam niya ang nangyari sa Tiya Yasmin niya. Ang usap-usapan ng mga taga San Antonio patungkol sa pamilya nila. Bagama't tikom ang bibig ng mga magulang niya. Alam ni Rossita ang mga nangyayari sa kapaligiran niya.

Madalas napapaginipan niya ang isang duguang babae. Ang Tiya Yasmin niya kasama ang duguang babae. Paulit-ulit. Gabi-gabi. Hindi alam ni Rossita kung bakit at kung sino ang duguang babae sa panaginip niyang 'yon. Madalas ay nararamdaman niyang totoo ang babae. Nararamdaman niyang may nakasunod na mga mata sa kanya sa tuwing nagigising siya ng hating gabi o 'di kaya sa madaling araw.

Tila may mga boses na bumubulong sa kanya... boses na paulit-ulit na sinasabing... mamatay siya katulad ng Tiya Yasmin niya. Kasabay no'n ang ilang eksena na bumabalik sa isipan ni Rossita. Mga pangyayari sa nakaraan na kailanman hindi nagpapatahimik sa kanya.

Akmang aalis na si Rossita nang sa pagbaling niya ng tingin ay nakasalubong niya si Xavier. Natigilan siya at matamang napatitig lamang sa seryosong mukha ng kanyang mahal. Gusto niya itong yakapin. Hagkan. Sabihin ang mga salitang mahal kita ngunit alam niyang mali na gawin iyon. May asawa na siya. Ikakasal na ito. Wala na silang dapat pag-usapan pa. Nakapili na siya. Pinili niya ang iwan ito.

Akmang lalagpasan na niya ang binata nang hawakan nito ang isang braso niya. Sa gulat niya ay hinila siya nito payakap sa mga bisig nito. Yakap na sobrang higpit. Yakap na may pangungulilala. Nanikip ang dibdib niya. Nag-iinit ang sulok ng mga mata niya. Gusto niyang yakapin ito. Gustong-gusto niyang kalimutan na kasal na siya. Tila, sobrang hirap na huminga nang mga oras na 'yon.

Sa huli ay hindi napigilan ni Rossita ang sarili na yakapin pabalik ang binata. Hinayaan niya ang sariling malunod sa matinding kaligayahan nang mga oras na 'yon. Isang tunay na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Mga luhang dala ng matinding kasiyahan. At nang halikan siya ni Xavier sa mga labi, buong puso niyang tinanggap 'yon at gumanti ng halik.

Doon nagsimula, ang sekretong pagkikita ng dalawa. Hanggang sa magdesisyon si Rossita na makipagtanan na kay Xavier. Nakapagtapos na ng abogasya ang Kuya Ricko niya at sigurado siyang mapapasa na nito ang exam para maging ganap na abogado ang kuya niya.

Nalaman ni Manuel ang plano ng dalawa. Dahil doon, madali na namang na impluwensiyahan ni Kristina ang isip ni Manuel. Dala ng inggit, selos, at galit. Plinlano ni Manuel ang kamatayan ni Rossita. Alam niya ang tungkol sa sumpa na ipinataw ng mga Fidalgo sa pamilya ni Rossita. Hindi siya papayag na maging masaya ang dalawa habang nagmumukha siyang tanga.

Kung hindi magiging sa kanya si Rossita. Mas mabuti nang walang makaagaw pa ng kanyang asawa. Sa kanya lamang si Rossita at kamatayan lamang ang maghihiwalay sa kanila.

Nilagyan ng lason ni Manuel ang juice na pina inom niya kay Rossita. 'Yon din ang mismong araw kung saan itatanan ni Xavier si Rossita at ang ika bente tres na kaarawan niya. Kinabukasan ay nagkunwaring nagulat si Manuel sa nangyari at natagpuan na lamang na walang buhay ang katawan ng asawa. Sinisi ni Manuel ang sumpa na bumabalot sa pamilya nila Rossita. Sinunog ni Manuel ang kaisa-isang diary ni Rossita na naglalaman ng mga katotohanan at pinalitan ng pekeng diary na si Manuel mismo ang gumawa. Ginaya nito ang sulat kamay ni Rossita at binago ang lahat ng mga isinulat ni Rossita sa totoong diary niya.

Pinalabas ni Manuel na ang sumpa ang dahilan kung bakit namatay si Rossita. Isinulat niyang muli ang mga masasamang panaginip ni Rossita. Tungkol sa duguang babaeng gusto siyang kunin at patayin. Wala ni isang kwento tungkol sa pagitan nila Rossita at Xavier. Sinugurado niyang walang makakaalam sa lihim na relasyon ng isang Fidalgo at Salvatierre.

Ilang araw ang lumipas, nagpaalam si Manuel sa pamilya ni Rossita na aalis na at hahanapin muna ang sarili. Ang araw kung saan sinunog ni Manuel ang mansion ng mga Fidalgo. 'Yon din ang araw na kintil ni Manuel ang sariling buhay dahil sa sobrang pagmamahal nito kay Rossita. Pinatihulog nito ang sasakyan sa bangin kasama ang katotohanang ikinubli niya sa lahat.

Samantalang, nasangkot sa isang aksidente sa daan si Xavier na siyang naging dahilan ng kamatayan ng binata.

1972-1995

Matagal nang alam ni Regina ang tungkol sa sumpang bumabalot sa pamilya nila. Bata pa lamang siya ay sinubukan na niyang alamin ang tungkol dito. Madalas na nakikita ni Regina ang duguang babae sa panaginip niya. Sinusundan din siya nito sa mga lugar na pinupuntahan niya. Mahina ang puso ni Regina simula nang bata pa siya pero mabilis na naagapan 'yon ng mga magulang niya. Inakala ng lahat na magaling na siya ngunit isa 'yong kasinungalingang itinago niya sa kanyang pamilya.

Alam niyang mamatay siya nang maaga. Matutulad siya ng kanyang Lola Kristina, Lola Yasmin, at Tita Rossita. Kukunin din siya ng duguang babae na kasama ng sumpa na ipinataw ng mga Fidalgo sa kanilang pamilya. Mamatay rin siya. Bakit pa niya pahihirapan ang mga magulang niya? Pumasok siya sa kumbento para ibigay ang buong oras na natitira sa kanya sa Panginoon. Iginugol niya ang ang lahat ng oras niya sa pagdadasal at paghahanap ng mga impormasyon para maputol ang sumpa. Gagawin niya 'yon hindi para sa sarili kung 'di para sa babaeng anak ng kanyang Kuya Franco.

Sisiguraduhin niyang mapuputol ni Halea ang sumpa at mabibigyang tuldok ang mga katanungang kailanman ay hindi nabigyang linaw. Nahanap niya ang isang lumang simbahan at na diskubre niyang 'di niya nararamdaman ang presensiya ni Kristina sa lugar na 'yon. Doon niya itinago ang lahat ng mga nalaman niya. Mula sa sulat na nakita niya sa lumang wine cellar sa bahay galing kay Lolo Alonzo. Kasama ng sulat na 'yon ang kwentas na may pendant na cross. Ibibigay niya ang kwentas na 'yon kay Halea. Ilang beses nang naitaboy ng kwentas na 'yon ang duguang babae. Kung sino man ang nagmamay-ari ng kwentas na 'yon. Nasisiguro niyang malaki ang kinalaman ng taong 'yon sa babaeng laging nagpapakita sa kanila.

Isang gabi, habang binabalikan ang mga sulat at diary na nakuha niya kina Lolo Alonzo, Yasmin, at Rossita nagulantang si Regina sa ingay sa labas ng simbahan. Tila may mga lalaking umiikot sa buong simbahan at may kung anong hinahanap. Tahimik at maingat na bumaba si Regina para tignan kung sino ang nasa ibaba. Alam niyang maaring malagay sa panganib ang buhay niya pero nasisigurado niya namang duwag ang mga 'yong pumasok sa tila haunted na simbahan.

Doon nakilala ni Regina si Pancho. Noong araw ding 'yon unang beses niyang narining na malakas at sunod-sunod na tumibok ang kanyang puso dahil lang sa isang lalaki. Naging kaibigan niya ang binata at hinayaang patirahin sa lumang simbahan na 'yon. Dinadalhan niya ng pamalit na damit at pagkain si Pancho. Hanggang sa tuluyan na ngang nahulog ang loob niya rito. Ngunit inilihim niya ang katotohanan na 'yon sa binata dahil mali ang nararamdaman niyang 'yon. Hanggang sa isang araw, habang nagliligpit ng mga gamit ay may napansin siyang larawan. Larawan ng isang buong pamilya. Pamilya na sa tingin niya ay mag-ina ni Pancho.

Hihintayin ka namin ng anak mo Pancho. Hindi ako magsasawang hintayin ka mahal ko. - Analea Fidalgo. Basa ni Regina sa likod ng larawan.

Tila binuhusan ng isang balde nang nagyi-yelong tubig si Regina nang mga oras na 'yon. Kasal at may anak na si Pancho. At isa rin itong Fidalgo. Ibinalik ni Regina ang larawan at umalis.

Nakasalubong ni Regina at nabangga ang isang babae sa daan. Bigla siyang natigilan nang may iilang imahe sa isip niya na mabilis na dumaan sa utak niya. Naipikit niya ang mga mata at napahawak siya sa harapan ng kanyang damit para kumuha ng hangin dahil sobra-sobra ang paninikip ng kanyang dibdib. Hindi niya alam kung dahil 'yon sa matinding pag-iyak niya kanina o dahil sa mga eksenang nakikita niya sa isip niya.

"Miss, okay ka lang ba?" dinaluhan siya ng babae at nag-aalalang tinanong siya.

Nang i-angat ni Regina ang mukha sa babae ay mas lalong naging malinaw ang mga eksena sa kanyang isip. Naging malakas ang boses ng mga nagsasalita sa bawat eksena na dumadaan sa isip niya.

Nanginginig ang mga kamay na hinawakan niya ang isang braso ng babae.

"S-Sino ka?" nahihirapang tanong niya sa babae. "Bakit kamukha mo ang babaeng nasusunog sa isip ko?"

Doon nakilala ni Regina si Belen, ang apo ng gumawa ng sumpa. Mula kay Belen ay nakita ni Regina ang nangyari sa lola nito na siyang tumulong sa matriarka ng mga Fidalgo para maipataw ang sumpa. Sinubukan ng matanda na bawiin ang sumpa pero hindi na niya 'yon magagawa dahil huli na ang lahat - namatay na si Kristina.

Kapalit ng buhay ni Conching, nagawa nitong dagdagan ang kondisyon ng sumpa. Isang batang babae ang puputol sa sumpa ng dalawang pamilya. Mabubuo ang batang 'yon sa tunay na pagmamahal. Sa unang iyak ng unang panganay na babae ng isang Salvatierre at Fidalgo magtatapos ang sumpa.

Gumawa siya ng dalawang magkaibang diary na pareho lamang ang laman dahil alam niyang gagawin lahat ni Kristina para hindi ‘yon mabasa ng mga susunod na henerasyon. Nagawa masunog ni Kristina ang diary na ibinigay niya kay Pancho habang itinago at niluma naman ng panahon ang ikalawang diary.

Bumalik ang eksena sa mga masasayang araw nila Juan Miguel at Kristina.

Doon, hindi ko napigilan ang sariling mga luha na pumatak. Malayong-malayo sa duguang Kristina ang magandang babaeng nasa harapan ko.

Punong-puno ng saya ang maamo at maganda niyang mukha. Tila musika ang tunog ng mga tawa nilang dalawa ni Juan Miguel habang yakap-yakap nila ang isa't isa. Nililipad ng mabining hangin ang mahabang buhok ni Kristina habang yakap-yakap siya ni Juan Miguel mula sa likod na tila sinusubukang kilitiin si Kristina.

Pumihit paharap si Kristina at ikinulong sa mga palad niya ang mukha ni Juan Miguel saka ginawaran ng masuyong halik sa mga labi. Gumanti naman ng halik si Juan Miguel, inilipat niya ang mga kamay ni Kristina at ipinulupot 'yon sa kanyang leeg. Hinapit niya palapit ang katawan ni Kristina sa kanya at ikiniling ang mukha niya para lalong pailaliman ang halik.

Hindi man naging maganda ang pagtatapos ng kwento nila Juan Miguel at Kristina nawa'y dalhin ni Kristina ang mga magagandang alalala na nabuo nilang dalawa nang nabubuhay pa sila.

Sana ay pahintulutan ng Dios na bigyan sila ng ikalawang buhay at sana sa buhay na 'yon... wala na ang sumpa... wala na ring hahadlang sa pagmamahalan nilang dalawa. Sana ay malaya na rin nilang maiparamdam ang pagmamahal nila sa isa't isa.

Nawa'y mahanap na nila ang katahimikan na matagal na pinagkait sa kanila ng mga galit at pagsisisi na nabuo sa kanilang mga puso.

Gayon din sa mga nasayang na pagkakataon at buhay nila Lola Yasmin, Lola Rossita, at Tita Regina. Ipinagkait man ng tadhana ang pagmamahal at kasiyahan na maari sana nilang maramdaman, sana ay tahimik at masaya na sila kung na saan man sila ngayon.


Pancho

BIGLANG tumigil ang ulan at tila umaliwalas ang buong paligid. Tapos na ba? Tapos na ba Regina? Nailagtas ba natin si Halea at si Psalmuel? Tanong ko sa aking isip habang nakatingala sa madilim na kalangitan.

Mapait akong napangiti.

"Regina!" malakas na sigaw ni Pancho nang biglang mawalan ng malay si Regina at tuluyan na ngang mapahiga sa damuhan. Tinakbo niya ang pagitan nilang dalawa at mabilis na dinaluhan si Regina. Bumalik siya sa lumang simbahan. Gusto niyang humingi ng tawad kay Regina. Naiwala niya ang diary. Nabigo niya ito. "Regina," iyak na tawag niya sa pangalan nito habang maingat na inihiga niya ang ulo nito sa mga kandungan niya.

Putlang-putla ang mukha ni Regina. Kahit ang dating mapupulang mga labi nito ay tuluyan na ngang nawalan ng kulay. Malamig na malamig ang mga kamay nito nang hawakan niya.Marahan at tila hirap na hirap na huminga si Regina.

"Regina, anong nangyayari? B-Bakit putlang-putla ka? Regina -"

"P-Pancho," tila bulong na lamang ang boses nito. Inabot ng isang kamay nito ang mukha niya na basang-basa na ng mga luha. Sakabila ng paghihirap sa mukha nito ay nagawa pa rin nitong ngumiti. "Pancho, h-huwag na... h-huwag mong... pababayaan si H-Halea..."

"Regina," hinawakan niya ang malamig nitong kamay at inihilig ang pisngi sa palad nito. "R-Regina ano bang nangyayari sa'yo?" iyak niya. "Halika, dadalhin kita sa ospital." Akmang kakargahin niya na ito nang pigilan siya nito sa pamamagitan ng paghawak sa isang kamay niya."R-Regina?"

"Hindi na Pancho. H-Hindi na ako magtatagal. H-Hindi na kaya ng puso ko. Ibalik mo ako sa silid ko sa kumbento kapag wala na ako. Huwag na huwag kang magpapakita o magpapahuli. Hayaan mong isipin nila na tahimik akong namatay sa aking silid. "

"A-Ano ba 'yang pinagsasabi mo? B-Bakit? May sakit ka ba?"

"M-Makinig ka Pancho. W-Wala na akong oras." Inilapit niya ang mukha kay Regina. Hindi niya kaya ang paghihirap na nakikita niya sa mukha nito. Dahil doon ay mas lalo siyang naiyak. "Ang anak mo lamang ang makakatulong kay Halea."

Nagulat siya sa sinabi ni Regina. Nanlaki ang mga mata niya. "P-Paanong?"

"Alam ko na Pancho. Alam ko na ang tungkol sa mag-ina mo. Huwag ka nang malungkot. Mahal na mahal ka ng asawa mo. B-Balikan mo ang pamilya mo. Kailangan ka ng asawa at anak mo. H-Huwag na huwag mo silang pababayaan."

"R-Regina patawad." Ibinaon niya ang mukha sa leeg nito at humagulhol ng iyak. "Patawarin mo ako. Hindi ko sinasadyang mahalin ka at ilihim sa'yo ang tungkol sa pamilya ko."

"Tahan na Pancho, hindi na importante pa 'yon. May oras ka pa para bumawi sa mag-ina mo. Balikan mo sila. Makakalimutan mo rin ako." Pag-angat niya ng kanyang mukha ay nakita niya ang mga luhang umalpas na sa mukha ni Regina. "Ito na ang kapalaran ko. Lahat kami. Ito na ang magiging kapalaran namin... p-pero hayaan mong sa akin magtapos ang sumpa ng pamilya namin Pancho."

"R-Regina -"

"A-Ang diary… m-may… i-isa pa.” May isa pang diary? “H-Hanapin...m-mo. N-Naniniwala a-akong... ang anak mo na lalaki ang magsasagip sa aking Halea."

"P-Paano?"

"M-Magtatagpo... at m-magtatagpo ang landas ng dalawang isinumpa... at tanging tunay na pag-ibig lamang ang k-kailangan... n-nila..." lumuwag bigla ang pagkakahawak ni Regina sa kanyang kamay. Bumaba ang tingin niya sa walang buhay nitong kamay.

Bumuhos lahat ng mga luha niya nang pag-angat niya ng mukha sa maganda nitong mukha ay 'di na ito humihinga at nakapikit na mga mga mata.

"R-Regina?” niyakap niya ito nang sobrang higpit. “Regina, patawarin mo ako. Patawad. Patawarin mo ako mahal ko.”

Nang gabi ring 'yon ay tinupad ko ang pakiusap ni Regina sa akin. Ibinalik ko siya sa silid niya sa kumbento at sa huling pagkakataon ay tinignan pa ang kanyang maamong mukha. Ang mukha ng aking mahal na si Regina.

The bravest of them all.

Tahimik na umalis ako ng San Antonio. Nagbalik lamang ako nang mamatay si Analea. Dinala ko si Psalmuel sa San Antonio para mapalapit sa pamilya ni Regina at upang masubaybayan ang paglaki ni Halea.

Ibinalik ko sa pamilya Salvatierre ang isa pang diary na ginawa ni Regina na itinago niya sa lumang library ng kumbento. Matagal bago ko ‘yon natagpuan pero mabuti na lamang at umabot ako.

Kung ano man ang naging dahilan niya sa paggawa ng dalawang diary ay wala akong ideya ngunit naniniwala akong para ‘yon sa kaligtasan ng pinakamamahal niyang pamangkin na si Halea.

Umakto akong galit sa pamilya nila upang hindi nila pagdududahan ang mga intensiyon ko sa pamilya nila. At para na rin ‘di malaman ni Psalmuel ang tungkol sa sumpa. Ginawa ko ‘yon para sa kaligtasan ng mga anak ko.

Dahil gaya ni Regina, naniniwala akong muling magtatagpo ang landas ng isang Fidalgo at Salvatierre.

At sa pagkakataon na ‘yon, habambuhay nang magsasama.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE