Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Isang sumpa ang nag-uugnay sa pamilyang Salvatierre at Fidalgo. Sumpang 'di tukoy kung paano mapuputol. Mahaleah Salvatierre will die when she turns 23. Can Psalmuel Fidalgo save her forever?

Alonzo Salvatierre, 1943

PILIT naming ipinakasal si Kristina kay Manolo Buenavista, ang anak ng Mayor ng San Antonio. Ito ay kagustuhan ng aming ama dahil na rin sa malaking pagkakautang at para na rin mapanatili ang hacienda.

Maganda ang aking kapatid na si Kristina. Maraming mga binata ang nangangahas na makuha ang kanyang puso ngunit sadyang mahirap na kunin ang loob ng aming ama. Ito ang batas at nararapat lang na sundin namin lahat ng mga utos niya.

Matagal nang namayapa ang aming ina kaya kaming tatlo na lamang ang magkakasama sa mansion. Maliban sa mga kawaksi at mga trabahador ng aming hacienda.

Si Manolo, ang nag-iisang anak ni Mayor Romano Buenavista. Gustong-gusto ni Manolo ang aking kapatid. Lagi itong bumibisita sa bahay at nagbibigay ng mga regalo kay Kristina kaya lamang ay hindi ito gusto ng aking kapatid dahil masyado itong mayabang. Hindi lamang iisang babae ang nililigawan ni Manolo sa San Antonio. Isang bagay na hindi ko rin gusto sa kanya.

Kaya lamang, malaki ang pagkakautang ni Papa sa mga naitalo niya sa sugal. Naisanla niya ang kalahati ng lupain at nanganganib na mawala sa amin. Nangako si Manolo na tutulungan niya ang aming ama na mabayaran ang lahat ng nga pinagkakautungan niya. Magagawa rin ng ama nito na mapabango ang pangalan ni Papa sa buong San Antonio kung sakaling matuloy ang plano ni Papa na tumakbo bilang bise mayor.

Kapalit nun ang makasiping si Kristina.

Hindi 'yon sinang-ayunan ng aking ama. Gumawa ito ng paraan at iniba ang sumpa na ipinataw ng mga Fidalgo sa pamilya namin.

"Magkakaroon lamang ng isang lalaki at isang babae ang mga Salvatierre at mamamatay ang anak na babae sa edad na bente tres kung hindi ito magkakaroon ng anak sa isang Fidalgo."

Ito ang eksaktong sinabi ng aking ama kay Manolo para pumayag itong pakasalan si Kristina. Ipinangako nito na mamamatay ang aking kapatid oras na tumuntong ito sa edad na bente tres. Idagdag pang wala na ang mga Fidalgo sa bayan ng San Antonio.  Ginawa di umano 'yon ng aming ama upang hindi mawala ang puri ng anak kung sakaling makipaghiwalay nga si Manolo. Iisipin ng lahat na namatay si Kristina at para na rin hindi makutya at  mapahiya sa buong bayan.

Gulong-gulo ang isipan ko nang mga panahon na iyon, kung totoo nga ba ang sumpa o gawa-gawa lamang ng aming ama para maisalba ang aming lupain at upang hindi mawala ang pangalan ng aming pamilya sa lista ng mga mayayamang pamilya sa bayan ng San Antonio. Kung ano man ang dahilan niya ay siya lang ang nakakaalam.

Pero hindi naging masaya si Kristina sa piling ni Manolo. Maraming beses na naabutan ko ang aking kapatid na umiiyak. May mga pasa sa katawan at mukha. Pero ni minsan hindi ko siya nagawang lapitan o tulungan man lamang dahil sa takot ko kay Manolo. Lagi niya akong pinagbabantaan nang masama.

Mag-isang nilabanan ni Kristina ang malupit na pagmamaltrato ng asawa sa kanya.

Ngunit isang araw, nalaman namin na may sekretong relasyon si Kristina sa bagong salta sa San Antonio na si Juan Miguel, isa sa mga katiwala ng pamilyang Buenavista.

Lihim na nagkikita ang dalawa sa kuwadra ng mga kabayo dahil isa ito sa mga tagapangalaga ng mga kabayo ng mga Buenavista.


Ika Marso ng 1917

"M-Miguel?" nanlalaki ang mga matang napaatras si Kristina palayo kay Juan Miguel. Nakatutok sa kanya ang baril na hawak nito. "Miguel anong ibig sabihin nito?" napuno ng takot ang puso niya. Ngayon lamang niya nakita na ganoon kagalit ito. Tila umaapoy sa puot at galit ang mga mata nito. "Mahal ko?"

"Tumakbo ka na habang hindi ko pa nakakalabit ang baril na ito sa’yo Kristina!"

"Miguel?" sa kabila ng takot ay nagawa niyang lumapit rito.

"Huwag kang lalapit Kristina."

"B-Bakit?" gumaralgal ang boses niya. Diretsa niyang tinignan sa mga mata ang minamahal. Gusto niyang malaman ang totoo? Gusto niyang itanong rito kung anong nagawa niya? Kung bakit gusto siya nitong patayin? "Bakit gusto mo akong patayin Miguel?"

"Kasalanan ng asawa mo kung bakit namatay ang mahal kong si Sofia. Ang walangyang 'yon! Walang awa niyang ginahasa at pinatay ang aking nobya. Kaya ipaparamdam ko rin sa kanya ang sakit nang ginawa niya."

Sobrang nasaktan si Kristina sa rebelasyon na 'yon ni Miguel. Tila may isang libong aspiling nakatarak sa puso niya nang mga oras na 'yon. Akala niya ay totoong mahal siya ni Juan Miguel. Kaya niyang talikuran ang lahat para rito dahil akala niyang possible nga ang pagmamahal nila sa isa't isa ngunit isang ilusyon lamang pala ang lahat dahil hindi pagmamahal ang nararamdaman nito sa kanya kung hindi ay galit at masidhing kagustuhang makapaghiganti.

Hindi niya napigilan ang mga luhang umalpas sa kanyang mga mata.

"Patayin mo na ako."

"Kristina?"

"Buhay nga ako pero tila nakakulong ako sa mundong paulit-ulit akong pinapatay." Iyak niya. "Pagod na pagod na ako Miguel. Ilang beses ko nang pinagtangkaang wakasan ang buhay ko pero hindi ko magawa. Gusto kong lumaban. Kumawala sa buhay na ibinigay sa akin pero maraming bagay ang pumipigil sa akin para lisanin ang mundong ito. Isa ka na roon, nang makilala kita. Tila gumaan ang lahat. Alam kong mali ang makipagrelasyon sa’yo gayong kasal ako kay Manolo. Pero mahal kita. Pinaramdam mo sa akin ang mga bagay na posible ko pa lang maramdaman. Na maari pala akong sumaya. Na posible pala ang makahanap ng totoong pag-ibig."

"Hindi kita mahal Kristina!"

"Alam ko, kaya patayin mo na lamang ako!"

"Umalis ka na bago pa magbago ang isip ko."

"Gumanti ka na sa akin! Patayin mo na ako Miguel." Pagmamakaawa niya. Gusto na niyang isigaw ang sakit na nararamdaman niya nang mga oras na iyon. Bakit siya pa? Bakit ganito ang buhay niya? Bakit nawala sa kanya ang kaisa-isang dahilan para mabuhay? Pagod na pagod na siya. Gusto na niyang mamatay. "Patayin mo na ak –"

Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang sunod-sunod na malalakas na putok ng baril. Unti-unting natumba si Juan Miguel sa harap niya. Doon niya napansin na may tama pala ito sa may bandang puso nito at sa ibang parte pa ng katawan nito. Sumuka ito ng dugo habang nasa kanya lamang ang tingin. Lalo siyang naiyak nang tuluyan itong napahandusay sa damohan.

"Miguel!" punong-puno na takot na tawag niya sa pangalan nito. Lumapit siya rito at mabilis na dinaluhan si Miguel. Kinandung niya ang ulo nito at hinawi ang ilang hibla ng buhok na tumabing sa pawisan at duguang mukha nito. "Miguel..." iyak niya.

"U-Umalis ka na Kristina." Halos pabulong na lamang na sabi nito sa kanya. Pilit siya nitong pinapaalis. "I-Iwan...m-mo... n-na... a-ako."

"Kristina!" sigaw ng kanyang ama. Hawak-hawak nito ang baril na ginamit nito sa pagbaril kay Juan Miguel. "Tama na ang kabaliwan mong ito. Bumalik ka na sa asawa mo."

"P-Papa?" narinig niyang tawag ng kuya Alonzo niya. "B-Bakit mo pinatay si Juan Miguel?"


PINATAY ng aming ama si Juan Miguel. Huli na nang malaman ko na isa pala siyang Fidalgo at nagpanggap lamang para paghigantihan si Manolo gamit ng aking kapatid na si Kristina. Hula ko ay nalaman 'yon ng aking ama at natakot na magbunga ang kataksilan ni Kristina kay Manolo. Lalong-lalo na't isang Fidalgo si Juan Miguel.

Minsan iniisip ko kung may pakialam nga ba ang aming ama sa amin o wala? Taliwas lagi sa mga kinikilos niya ang mga magagandang pangakong sinasabi niya sa amin. Sa huli ay sarili lamang nito ang laging nakikinabang sa mga ginagawa nito.

Lihim naming inilibing ang katawan ni Miguel para walang makaalam sa ginawa ng aming ama.

Dahil sa pagtataksil ni Kristina ay nagalit nang husto si Manolo at ikinulong ang aking kapatid sa silong ng mansion ng mga Buenavista ng ilang araw at ginutom. Gusto kong sabihin kay Papa na tulungan si Kristina pero hindi ko magawang isatinig ang pag-aalala na 'yon sa aking ama.

Takot ako kay Papa at lalong lalo na kay Manolo. Natatakot ako para sa kinabukasan ng aking magiging pamilya lalo't lalo nang isang buwan ng buntis ang aking asawa.



Ika Abril ng 1917

"HINDI na ako makakapaghintay na sumapit ang ika bente tres na kaarawan ni Kristina." Pahayag ni Manolo. "Gusto kong mawala na ang taksil na babaeng 'yon at nang mapakasalan ko na si Veronica." Tukoy nito sa anak ng pinakamahusay na abogado sa bayan ng San Antonio. "Hindi pa ba patay si Kristina?"

Naikuyom niya ang kamao sa pagpipigil na suntukin ang walangyang si Manolo. Nagtagis ang mga panga ni Alonzo nang wala man lang reaksyon ang kanyang ama. Napakawalangwenta talaga nitong ama.

"Ako na ang bahala sa anak ko Manolo. Huwag kang mag-aalala dahil totoo ang sumpa na ipinataw sa amin ng mga Fidalgo. Ilang linggo na lamang at tutungtong na sa ika bente tres na edad si Kristina."

"Wala na akong pakialam sa inggratang babaeng 'yon! Walang utang na loob! Sa dami ng mga nagawa ko sa pamilya ninyo ay kataksilan lang ang ibabalik sa akin ng anak ninyo. Ni hindi nga ako kayang paligayahan ng babaeng 'yon sa kama at nagawa pa nitong makipagrelasyon sa walang pinag-aralang lalaking iyon!"

"Kasalanan ko ang lahat ng ito Manolo. Hindi ko nagabayan nang mas maayos ang aking anak. Patawarin mo sana kami."

"Mga walang kwenta! Umalis kayo sa bahay na ito. Isama mo na rin ang malandi at taksil mong anak."

Inuuwi nila Alonzo si Kristina sa mansion ng mga Salvatierre. Galit na galit ang kanilang ama kay Kristina. Ni hindi nga nito napansin ang sobrang pangangayayat ng anak dahil sa pagpapahirap ni Manolo rito. Ni tubig o pagkain ay hindi man lang maalok ng ama.

Nagpahanda na lamang siya ng pagkain sa mga kawaksi.

"Wala kang kwentang anak!" Sigaw ni Don Jaime kay Kristina. "Binigyan ka na nga ng marangyang buhay pero ano ang iyong ginawa? Itinapon mo lamang lahat nang ganoon na lamang."

"Pinatay n'yo na lang sana ako! Diba ito naman ang gusto ninyo? Ang mamatay ako! Hinihintay n'yo ang pagkamatay ko! Masaya kayo dahil lubos kayong nakikinabang sa sumpang ipinataw sa atin ng pamilyang ginawan mo ng masama! Pinatay n'yo si Ysabella. Pinatay n'yo rin si Miguel! Isa kang demonyo-" malakas na sampal mula sa kanilang ama ang nagpatigil kay Kristina.

Tila baga na bumakas ang kamay ng ama sa pisngi ng kanyang kapatid.

"Wala kang galang! Pasalamat ka at inuwi pa kita dito. Kung ganito lamang din ang igaganti mo sa akin ay sana hinayaan na lamang kitang mamatay sa gutom sa mansion ng mga Buenavista. Punyeta!"

"Papa!" pigil niya sa ama. "Tama na."

“Tumahimik ka Alonzo. Isa ka pang walang silbi.”


ISANG araw pa bago ang kaarawan ni Kristina ay narinig ni Alonzo ang pagtatalo ng kanyang ama at ni Manolo sa opisina nito sa kanilang mansion.

"Hindi na ako makapaghihintay pa!" sigaw ni Manolo sa matanda. "Hindi papayag ang ama ni Veronica na makasal kami hanggat hindi ko napapatunayang patay na si Kristina. Gawan mo ito ng paraan Jaime. Nangako ka sa akin na totoo ang sumpa. Malaki na ang naitulong ng pamilya namin sa inyo."

"Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala. Bukas ay kaarawan na ni Kristina. Bigyan mo na lamang ako ng ilang araw pa."

"Aasahan ko iyan Jaime. Dahil kapag nalaman ko na ang lahat ng ito ay kasinungalingan. Ako mismo ang uubos sa lahi ninyo."

"N-Naitindihan ko."

"Hindi ako nagbibiro Jaime. Hindi ako magdadalawang isip na ipapatay ang buong lahi ninyo."

Dahil sa narinig, lubos na nilukob ng takot ang puso ni Alonzo. Nag-alala siya para sa kanyang asawa at sa magiging anak nila. Ilang buwan na lamang at maipapanganak na ni Lisa ang panganay na anak nila. Kailangan niyang protektahan ang mag-ina niya.

"Papa, anong gagawin mo?" mabilis na umagapay siya sa mabilis na paglalakad ng kanyang ama. "Alam natin na hindi totoo ang sumpa. Na walang mamatay sa pamilya natin. Kapag nalaman ni Manolo ang kasinungalingan natin ay ipapapatay nila tayo."

"Kung kailangan kong pumatay ng anak ay gagawin ko Alonzo."

Natigilan si Alonzo sa sinabi ng ama. Ni katiting na pagbibiro ay hindi niya marinig sa boses nito o makita man lang sa mukha ng ama. Kinalibutan siya sa ideya na iyon. Papatayin nito si Kristina?

Tumigil sila sa harap ng silid ni Kristina. Marahas na binuksan nito ang pinto ng silid at pumasok sa loob. Bumakas ang pagkagulat sa mukha ni Kristina.

"B-Bakit?" nauutal na tanong ni Kristina. Naguguluhang tinignan siya ng kapatid pero hindi niya ito matignan nang diretso sa mga mata kaya iniwas na lamang niya ang tingin. "Kuya? Papa?"

"Sumama ka sa akin!" marahas na hinawakan ng kanilang ama ang braso ni Kristina at kinalakad palabas ng silid. Nakayapak lamang ito hanggang sa makalabas sila ng bahay.

"Papa! Kuya? Saan ninyo ako dadalhin? Nasasaktan po ako."

"Tumahimik ka Kristina!"

"Papa bitiwan n'yo na po si Kristina! Nasasaktan na po siya."

"Manahimik ka Alonzo! Kung ako sa iyo ay sumunod ka na lamang sa lahat ng mga sasabihin ko kung ayaw mong may mangyaring masama sa mag-ina mo."

"A-Anong nangyayari? Saan ninyo ako dadalhin?" nasaktan ito nang pilit na ipasok ng kanyang ama si Kristina sa loob ng kotse. "Papa?! Sagutin ninyo ako?"

"Tigilan na natin ang lahat ng mga pagkukunwari! Tatapusin na natin lahat ngayong gabi."

Kinakabahan si Alonzo sa mga salitang binibitawan ng kanilang ama. Tahimik lang sila sa buong b'yahe. Wala rin siyang ideya kung saan sila dadalhin ng ama. Tensyonado siya at hindi rin nakakatulong ang panahon sa labas. Ang kaninang madilim na kalangitan ay napalitan ng tila nangangalit na langit. Pulang-pula ang langit na tila ano mang oras mula ngayon ay bubuhos na lahat ng galit nito sa mundo.

Huminto ang sasakyan at pilit na inilabas ng kanilang ama si Kristina. Naigala niya ang tingin sa buong paligid. Nasa abandunandong sementeryo sila ng San Antonio na malapit lang din sa nagibang unang simbahan ng San Antonio.

"Papa –" marahas ulit na hinawakan ng kanilang ama sa braso si Kristina at hinila papasok sa sementeryo. Matataas na ang mga damo at ramdam na rin nila ang sama ng panahon dahil sa malakas na hangin. Nagsimula na ring umambon. "Papa nasasaktan ako."

"Papa anong gagawin natin dito?" nag-aalalang tanong niya. Sobra-sobra na ang kaba sa puso niya. Tila may masamang mangyayari sa gabing 'yon na hindi niya gusto.

"Tatapusin na natin lahat."

Ang ano? Tanong niya sa isip. Ilang minuto pa ay narating na nila ang isang bakanteng hukay sa pinakalikod na bahagi ng abandunadong sementeryo.

"Papa huwag!" pilit na kumalas sa pagkakahawak si Kristina sa ama. "Papa huwag n'yo pong gagawin ito. Parang awa n'yo na po. Hayaan ninyo na lamang akong umalis ng San Antonio."

"Hindi ba ito ang gusto mo?!" sigaw ng ama. "Ang patayin ka namin?!"

"Papa," iyak ni Kristina. "Parang awa na ho ninyo. Hindi ho ako pwedeng mamatay. Buntis ho ako Papa. Huwag ninyo po akong patayin. Nagmamakaawa ho ako sa inyo." Lumuhod sa harap ng kanilang ama si Kristina. "Papa, parang awa n'yo na."

"Tumayo ka Kristina!"

"Papa!" sigaw ni Alonzo. "Hayaan na natin si Kristina."

"Naririnig mo ba ang sinasabi mo Alonzo? Babalikan tayo ni Manolo kapag hindi natin naipakita ang patay na katawan ng kapatid mo! Papatayin niya tayo at ang mag-ina mo."

"Papa," patuloy pa rin na iyak ni Kristina. "Parang awa mo na. Huwag n'yong gawin sa amin 'to." Marahas na hinila patayo ni Don Jaime ang anak. "Papa!"

"Alam kong hindi si Manolo ang ama ng pinagbubuntis mo. Hindi ka talaga nag-iisip na bata ka. Ikaw ang naglagay sa sarili mo sa sitwasyon na ito."

"Papa," iyak pa rin ni Kristina. "Maawa ka sa akin. Nagmamakaawa ako sa iyo. Huwag ninyo akong patayin. Huwang n'yong patayin ang anak ko."

"Papa wala na bang ibang paraan?" marahas na nahilot ni Alonzo ang sentido. Malakas na ang kabog ng puso niya. Hindi niya kayang makitang umiiyak at nagmamakaawa si Kristina. Pinapatay siya ng konsensiya niya pero hindi niya rin kayang mawala ang mag-ina niya. "Kailangan ba nating patayin ang kapatid ko?"

"Mamili ka Alonzo, ang kapatid mo o ang mag-ina mo?"

"Kuya," iyak ni Kristina pero hindi niya magawang tignan ito sa mga mata. Punyeta! Kailangan niya ba talagang pumili? "Kuya, parang awa mo na. Sabihin mo kay Papa na huwag niyang gawin ito. Buong buhay ko sinunod ko kayo. Hindi ako nagreklamo kahit na sobrang nahihirapan na ako. Kuya, sige na... iligtas mo ako. Iligtas mo kami ng anak ko. Kuya... parang awa n'yo na." Nakaluhod na umiiyak ang kapatid niya.

Sobra-sobra ang paninikip ng dibdib niya. Tila may tinik na bumabara sa lalamunan niya. Nahihirapan siyang pumili.

"Alonzo!" sigaw ng ama.

"Hindi ko alam! Hindi ko alam!”

Ilang beses siyang nagpatingin doon at rito. Wala siyang makuhang sagot. Hindi siya makapag-isip nang maayos. Bumabalik sa isipan niya ang mag-ina niya. Hindi niya kayang mawala ang mag-ina niya. Ikamamatay niya iyon.

"Kuya, parang awa n'yo na. Huwag n'yong gawin sa akin ito. Nagmamakaawa ako sa inyo. Anak mo rin ako Papa. Kapatid mo rin ako kuya. Hayaan n'yo na lamang akong umalis ng San Antonio. P-Pangako... Pangako hindi na ako kailanman babalik ng San Antonio."

"Alonzo, ano ba?!"

"Bakit ba ako ang kailangang mag-desisyon?!" inis na balik tanong niya sa ama. "Pagod na pagod na ako sa pamilyang ito. Puro na lamang problema ang dala ng pamilya natin. Ayoko nang mag-isip."

Tumalikod siya at nagsimulang maglakad palayo nang marining niya ang tatlong sunod-suno na putok ng baril sa likod niya. Tila tumigil ang paggalaw ng orasan at ng kanyang puso.

"Kristina," halos pabulong na niyang bulong sa kawalan.

Paglingon niya ay nakadapa na sa lupa ang kapatid at naliligo sa sariling dugo. Hindi niya magawang igalaw ang mga paa at lumapit rito. Kasabay nun ang pagbuhos nang malakas na ulan na tuluyang nagpalabo ng kanyang mga paningin. Sakabila nun ay naramdaman niya ang mainit na mga butil ng luha na umalpas sa kanyang mga mata.

"Kristina!" sigaw niya. Nagawa niya ring makakilos at makalapit sa kapatid. "Kristina, kapatid ko." Hinawakan niya ang duguang kamay nito at kinandong ang ulo nito sa kanyang mga hita. "Kristina, Dios ko."

"K-Kuya..." nahihirapang bulong ng kapatid. "B-Bakit? N-nagawa... n-nyo... s-sa akin... i-ito? S-Sinunod… k-ko… n-naman… k-kayo…" Ilang segundo pa ay naramdaman ko na ang walang buhay sa kamay nito. Dilat ang mga mata na binawian ito ng buhay.

"K-Kristina," iyak niya. "K-Kristina."

"Tumayo ka na riyan Alonzo! Ibabalik pa natin ang katawan ng kapatid mo sa mansion.”

"Wala ka na bang puso?!" sigaw niya sa ama. "Ganoon lang ba kadali para sa iyo ang maglibing ng anak? Ang pumatay ng tao?! Isa kang demonyo! Wala kang kwentang ama!"

"Tumahimik ka kung ayaw mong pati ikaw ay patayin ko!" sinipa siya nito sa likod. “Tumayo ka na riyan. Dalian mo at baka may makakita pa sa atin dito. Kilos na!”


LUBOS kong pinagsisihan ang ginawa ko sa’yo Kristina. Nagpadaig ako ng aking kaduwagan at takot. Maari sana kitang mailigtas. Kung nagawa ko iyon ay masaya ka sana kapiling ng anak ninyo ni Juan Miguel. Hindi sana mapupuno ng puot ang iyong puso.

Alam ko na huli na ang paghingi ko ng patawad dahil hindi na muling maibabalik ang buhay mo at ng iyong anak. Hindi na rin maibabalik ang buhay ng aking anak na si Yasmin. Kasalanan ko lahat ng ito. Hindi kita nagawang maipagtanggol.

Patawarin mo sana ako kapatid ko.

Patawarin mo sana ang ating buong pamilya, Kristina.


Psalm

ILANG segundo kaming natahimik ni Makisig pagkatapos naming mabasa ang pahinang ‘yon sa diary ni Alonzo. Kilala ko si Juan Miguel Fidalgo, siya ang nawawalang kapatid ng aking great-great-grandfather na si Juan Carlos Fidalgo. Ang buong akala ng pamilya namin ay nagpakamatay siya pagkatapos nang malagim na sinapit ng nobya niya sa mga gumahasa rito.

Hindi ko inasahan na malaki pala ang parte niya sa buhay ni Kristina. At hindi lamang iyon, pinatay ang Lolo Miguel niya ni Don Jaime pati na rin ang mag-ina na sariling anak ng Don. Muli na namang naulit ang nakaraan dahil sa kasakiman ni Don Jaime.

Napakawalang puso niya!

At present, his family was the one paying all his sins. Alam ko na malaki rin ang galit ng abuela ko sa pamilyang Salvatierre pero tama nga ang hinala ko. Hindi magagawa ng pamilya nila na pumatay ng tao. Kung tama rin ang kutob ko, maaring hindi matahimik ang kaluluwa ni Kristina at siya rin ang gumagawa ng lahat ng ito… dahil sa pagtalikod ng buong pamilya sa kanya.

"I can't believe this," iiling-iling na sabi ni Makisig. "This is so brutal. Paanong nagawa ng pamilya namin ang bagay na iyon kay Lola Kristina? This is so heartless of them."

"C'mon," kinuha ko lahat ng mga gamit ni Regina at tumayo na. Tinapik ko sa balikat si Makisig. "We need to go back. Sa bahay na natin ituloy ang pagbabasa sa diary ni Alonzo. I also think, that your family needs to know about this."

Mabilis naman na tumalima si Makisig. Ako na ang nagprisenta na magmaneho ng kotse dahil mukhang lutang pa rin ang isip ni Makisig nang mga oras na iyon. Kahit na nasa kanila na ang mga impormasyong nakalap ni Regina wala pa ring eksaktong solusyon kung paano mapuputol ang sumpa o kung paano namin mapipigilan si Kristina. Every information is  a big mess right now. Hindi namin alam kung ano ang tama sa mali. Maraming mga bersyon ng sumpa na lalong gumugulo sa sitwasyon.

Mabilis na pinasibad ko ang sasakyan at umalis sa lugar na iyon bago paman kami maabutan ng ulan.

"Kasalanan niya lahat ng ito. Tama si Tita Regina, hindi ang sumpa ng mga Fidalgo ang unti-unting sumisira sa pamilya namin at pumapatay sa mga babaeng Salvatierre. It was because of Lolo Jaime’s selfishness and greed in power. Kami ang nagbabayad ng mga kasalanan niya. He even killed his own daughter and grandchild for him to live. Gusto kong magalit kay Lolo Alonzo pero wala na rin akong magagawa dahil nangyari na ang lahat. But how can they sleep peacefully knowing they killed Kristina?!"

"At dahil doon, hindi magawang matahimik ni Kristina. She will continue to haunt our families hanggat hindi natin nalalaman kung paano niya tayo patatawarin."

"This is crazy!" marahas na napabuntong-hininga si Makisig.

"Does your family knew about this? I mean -"

He shook his head in response. "I doubt that. Ang alam namin ay namatay si Lola Kristina sa mismong araw ng kaarawan niya dahil sa depresyon at paggutom sa sarili. We never heard anything about her ever since. Mukhang hindi rin naman masyado iyong ikunuwento ni Lolo Alonzo sa mga sumunod na henerasyon hanggang sa makalimutan na ng lahat ang tungkol kay Lola Kristina."

"Sa tingin ko ay itinago niya 'yon para mapagtakpan ang nagawa niyang kasalanan sa sariling kapatid."

"Could be," he shrugged. "Pero kahit ganoon pa man ay mali pa rin ang ginawa niya sa kapatid niya. Hindi ko kailaman maaatim na makita si Halea na mamatay sa harap ko. That would haunt me forever and that would never give me peace."

"We really need to find a solution for Kristina. Hindi tayo matatahimik hanggat patuloy pa rin ang puot niya sa pamilya natin. I'll call my father." Kinapa ko ang cell phone sa dashboard ng sasakyan. "Mak," tawag ko nang makapa ang cell phone. "Catch," I tossed it towards Makisig's direction. "Call my father for me."

Pero bago paman ma-i-dial ni Mak ang numero ng kanyang ama ay tumunog na iyon. Tanda na may tumatawag sa akin.

"Who's calling?" I glanced.

"Papa mo," sinagot ni Mak ang tawag. "I'll put it in a loud speaker."

"Psalm!" masayang sigaw ng ama ko. Hindi ko mapigilan ang pagkunot ng noo ko. "Psalm, anak."

"Pa? Bakit?"

"Gising na siya." Nagkatinginan kaming dalawa ni Makisig. Ibinalik ko naman agad ang tingin sa daan. "Gising na si Halea."

Naitigil ko ang sasakyan sa  gilid ng daan. Pareho kaming natahimik ni Makisig. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko nang mga oras na iyon. Gusto kong sumigaw. Gusto kong ilipad ang sasakyan papunta sa Maynila.

God, I was speechless.

"Psalm? Psalm, are you okay?"

Damn, I could almost feel the hot tears at the corner of my eyes. Sa huli ay hindi ko mapigilan ang mga luhang umalpas sa aking mga mata. I can't help but smile and at the same time cry.

"I'm okay," sa wakas ay sagot ko. Pagtingin ko kay Makisig ay pasimple niyang pinupunasan ang mga luha habang nakatingin sa labas. "We're happy to hear that. Pupunta agad kami ni Makisig diyan."

"Okay, hindi pa naman ako nagpapakita kay Halea, anak. Ayoko siyang magulat. Ikaw na ang bahalang kumausap sa kanya kapag nakarating ka na dito. Mag-ingat kayo diyan."

“Salamat,” humugot muna ako nang malalim na hininga bago ulit nagsalita. “And Pa, we have something to tell you.”


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE