Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Hashtags One-shot Stories

Image Description   |   03 October 2018


One-shot stories that will make you smile, cry, warm your heart, and make you laugh.

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, locales, and incidents are either the products of the author’s imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.


This is a one-shot story. The next story will star another Hashtags member.


KID

"So ano 'yung nangyari kanina, Mr. Yambao?," sigaw ni boss pagkapasok namin sa loob ng opisina niya. "I trusted you on this project, I gave you enough time para mag-research and aralin 'yung proposal tapos 'yun lang? Kung ikaw si Mr. Damiles at ako ikaw, sa tingin mo, tatanggapin mo 'yung proposal ko given the stupidity na pinakita mo kanina?"


"N-No, Sir."


"Then why? Bakit napaka-mediocre ng presentation mo kanina? Ikaw ang inassign ko na magpresent for Mr. Damiles kasi akala ko, magaling ka. Akala ko, hindi mo ako ipapahiya sa kanya pero totoo ngang marami ang namamatay, at nawawalan ng kliyente, sa maling akala."


"Sir, please give me another chance po," pagmamakaawa ko. "M-May... May family problem lang po--"


"Oh tapos? Mr. Yambao, this is business! Kung may problema ka sa pamilya mo, huwag mong dalhin sa trabaho!" Sa inis ni boss ay naibato niya 'yung envelope sa taas ng mesa niya. "I'm assigning John na makipag-usap and makipag-schedule ulit ng meeting kay Mr. Damiles. Dapat pala sa una pa lang, kay John ko na binigay 'tong project na 'to. Sige na, gawin mo na 'yung iba mo pang trabaho. Siguro naman, magagawa mo na nang maayos 'yan. Computer na lang ang kaharap mo, Mr. Yambao."


"Y-Yes po, Sir." Paglabas ko'y napadaan akong coffee area kung saan nag-uusap sina John, Elaine, at Harold, mga workmates ko, habang umiinom ng kape. "Narinig niyo 'yung nangyari kay Yambao? Sobrang napahiya raw siya kanina ha," nakangising kwento ni John sa dalawa. "Buti nga sa kanya, akala mo kasi kung sino. Nag-backfire rin sa kanya ang pagbibida-bida niya kay boss." Sa inis ko'y mas binilisan ko ang paglalakad papunta sa station ko. Hindi kami okay ni John, nuknukan kasi siya ng yabang, at alam kong hinihintay niya ang pagkakataong ito, ang pagkakataong bumagsak ako. Kung bakit ba naman kasi nagkasabay-sabay 'tong problema sa bahay!


Pagkatapos kong ma-send kay boss ang mga kailangan niya'y nag-clockout na ako upang mag-lunch break. Dumaan akong cafeteria. Kaninang madaling araw pa ang huli kong kain, nasa pila na ako pero parang nasusuka ako sa mga pagkaing nakahain. Umalis ako sa pila't lumabas ng building. Malamig ang simoy ng hangin sa labas, nagbabadya ang ulan. Sa tapat ng building kung saan ako nagtatrabaho'y may malaking park. Malinis 'yung park sa totoo lang, may parte nga lang d'on na ayaw kong puntahan kasi sobrang ingay ng mga batang naglalaro sa playground. Umupo ako sa gilid, sa tapat ng malaking puno't nagmasid-masid. May mag-asawang nagjo-jogging, may nanay na tulak-tulak ang stroller ng baby, may babaeng muntik nang mahulog sa sapa dahil naglalakad siya sa gilid ng daan na naka-six inch yata na heels, at may dalawang batang hinahabol ang nakawala nilang aso. Kahit paano, naibsan ang problema ko sa mga nakita ko. 


Pero teka, ba't parang nangamoy pawis bigla?


Pagkatingin ko sa kaliwa'y napaatras ako sa kinauupuan ko, may bata na pala akong katabi. Aatakihin naman ako sa puso sa batang 'to. Siguro, sa sobrang pagmamasid-masid ko'y hindi ko namalayang tumabi na pala siya sa akin. Hindi niya siguro napansin na nagulat ako, nakatingin lang kasi siya sa kawalan. Bahagya akong umusog, nahihilo kasi ako sa amoy niya. Kukunin ko na sana ang cellphone ko nang biglang nangulangot 'yung bata. "H-Hoy bata, ang dumi ng kamay mo ha," suway ko. Tinitigan niya lang ako't pinagpatuloy ang pangungulangot niya. Tumayo ako't kinuha ang panyo ko sa bulsa. "Ano ka ba namang bata ka? Galing ka siguro sa playground, ano? May dumi-dumi pa 'yang kamay mo ta's sinusundot mo sa ilong mo. 'Pag ikaw, nagkasipon niyan." Inabot ko sa kanya ang panyo't pinunas niya ang kamay niya. Pagkatapos niyang kalikutin ang ilong niya gamit ang panyo ko'y nakangiti niyang inabot sa akin 'yung panyo. "Kuya, maraming salamat po sa panyo. Ang laking tulong po!"


"Halata nga eh," nakangisi kong tugon. "Sa'yo na 'yan. Panyo mo na 'yan."


"Hala, hindi po ba pagnanakaw 'yon?," inosente niyang tanong.


"Paanong pagnanakaw, eh binigay ko na nga sa'yo 'di ba?" Muli akong umupo, lumayo sa kanya't kinuha ang cellphone ko. Thirty minutes na lang bago matapos ang lunch break ko, parang ayaw ko pa bumalik sa trabaho. Nagulat ako nang bigla na lang hinatak ng bata ang suot kong damit. "H-Hoy, ano ba! Ang dumi ng kamay mo, pinapahid mo sa'kin. Pinahiram na nga kita ng panyo 'di ba?"


"Kuya kasi... may mga nang-away sa akin sa playground eh. Pwede mo ba sila pagalitan, Kuya? Malaki ka kasi eh, matatakot sila sa'yo." Napatingin akong muli sa kanya, sa kabila ng amoy at mga dumi niya sa katawan ay mukha naman siyang mabait na bata. "Kaya ka ba nandito kasi may mga umaaway sa'yo r'on?" 


Nakayuko siyang tumango.


"Sino 'yung mga umaway sa'yo?" Biglang lumiwanag ang mukha niya't hinatak ako papunta sa playground, sa grupo ng mga lalaki sa monkey bars. "Hoy kayo, ba't niyo inaaway 'tong si... si... ano nga'ng pangalan mo?"


"Jeremy po."


"Si Jeremy! Bakit niyo inaaway si Jeremy ha?" Itinaas ko ang sleeves ng polo ko't pinakita ang braso ko. Mukhang nasindak 'yung limang bata, patakbo silang umalis sa monkey bars. "Huwag na ulit kayong mang-aaway o mambubully dito ha kun'di, ako ang makakalaban niyo!" Nang mawala na sa paningin ko ang lima'y humarap ako kay Jeremy. "Hindi ka na aawayin ng mga 'yon. Sige na, maglaro ka na ulit."


"Wow, salamat po Kuya!," tugon niya. Umakyat siya sa monkey bars at nakangiting kumaway bago ako bumalik sa trabaho. Ngumiti ako pabalik. Pakiramdam ko, sa kabila ng mga nangyari kanina sa trabaho'y may nagawa pa rin akong mabuti ngayong araw na 'to. Ewan ko ba, pero parang hulog ng langit sa akin si Jeremy. Bigla kasing gumaan ang pakiramdam ko. Ang sarap pala sa pakiramdam na bayani ang tingin sa'yo ng taong tinulungan mo. 


***


KINABUKASAN.


Pagkatapos ng meeting nami'y dumaan akong cafeteria, bumili ako ng dalawang tinapay at softdrinks. Kaagad akong lumabas ng building papuntang parke. Siguro, nasa park din si Jeremy. Naisipan ko siyang bigyan ng tinapay at softdrinks, gusto ko kasing magpasalamat sa kanya. Kung 'di dahil sa kanya, siguro'y nasagot ko na si John o si boss kahapon. Nagulat nga si Phoebe, katapat ko ng station, kasi bigla raw lumiwanag ang itsura ko after ng lunch break. Dumaan akong playground pero wala siya r'on, pero nakita ko 'yung limang umaway sa kanya. Pagkakita sa akin ng lima'y humarurot sila ng takbo paalis ng playground. Bigla tuloy akong natawa, siguro nama'y wala na silang ginawa kay Jeremy. Pagbalik ko sa pwesto ko kahapo'y nagulat ako, nandoon si Jeremy pero nakayuko siya. "J-Jeremy, ayos ka lang?" Nakayuko siyang umiling. Tinuro niya ang tuhod niya, may sugat. "H-Hoy, ano'ng nangyari sa'yo? May ginawa ba sa'yo 'yung limang bata kanina?"


"W-Wala po, Kuya. Pauwi na po sana ako pero nadapa po ako." Medyo malaki ang gasgas sa tuhod ni Jeremy. "T-Teka lang, bibili ako ng panlinis ng sugat mo ha? D'yan ka lang, mabilis lang si Kuya Kid mo." Tumakbo ako papuntang botika malapit sa building, pagbalik ko'y nakaupo pa rin siya't walang kibo. Lumuhod ako sa harap niya't dahan-dahang nilagyan ng Agua Oxinada ang sugat niya. Napailing siya sa sakit. Habang dinadampian ko ng bulak ang tuhod niya'y napansin kong tumulo ng luho niya, na agad din niyang pinunasan. Kanina pa siya parang paiyak, basag na ang boses niya n'ong nakita ko siya eh. "Ayan Jeremy, okay na 'yan. Next time, mag-iingat ka ha."


"S-Salamat po at nand'yan ka, Kuya. Hero talaga kita." Napangiti ako sa sinabi niya, ang gaan talaga ng pakiramdam ko sa kanya. "Pero alam mo Kuya, akala ko, matapang ako pero hindi pala. Naiyak po kasi ako sa sakit eh. Ang sabi po kasi ni tatay ko po, hindi po umiiyak ang lalaki." Nagulat ako sa sinabi ni Jeremy. Umupo ako sa tabi niya't ginulo ang buhok niya. "Hindi masamang umiyak, Jeremy. Hindi sukatan ng pagiging isang lalaki kung umiiyak siya o hindi. Hindi totoo ang kaisipang 'yon. Alam mo ako, 'pag may problema ako, iniiyak ko kasi ang sakit kaya sa dibdib 'pag kinikimkim mo 'yung problema mo ta's hindi mo nilalabas." Kinuha ko ang supot sa tabi niya't inabot sa kanya ang softdrinks at tinapay. "Para sa'yo 'yan. Alam mo kasi kahapon, sobrang badtrip ko. Asar na asar ako sa boss ko saka sa isa kong officemate na sobrang yabang. 'Yon ang dahilan kung bakit ako pumunta rito sa park. Tapos ayon nga, tumabi ka, nagkausap tayo, gumaan ang pakiramdam ko kasi narealize ko na kahit minaliit ako ng boss ko, may importansya pa rin pala ako bilang tao. Salamat Jeremy ha?" Ngumiti siya pabalik, may palaman pa sa bibig niya. Kinuha ko ang panyo ko't inabot sa kanya. "Punasan mo nga 'yang bibig mo, Jeremy. Ang kalat mo kumain."


"Pasensya na Kuya, ang sarap kasi nitong tinapay eh." Muli niyang ibinalik 'yung panyo sa akin pagkatapos, natatawa akong umiling. "Sa'yo na 'yan, Jeremy. Marami akong panyo sa bahay."


***


"JEREMY, matanong nga kita. Ba't pala... lagi kang nandito sa park? Hindi ka... nag-aaral?," tanong ko nang minsang magkita ulit kami. Nakangiti siyang umiling. "Hindi po. Wala po kasing pambayad sina Papa at Tita Angela. Security guard po si Papa sa isang mall tapos si Tita Angela naman po, wala naman pong pakialam sa akin. Madalas din po kasi siyang wala kasi labandera po siya."


"G-Gan'on ba...," tugon ko. "W-Wala ka bang mga kapatid, Jeremy?"


"Meron po, kasama po nila si Mama sa Samar. Kinuha po kasi ako ni Papa sa kanila nang minsan pong umuwi si Papa, dinala niya po ako rito sa Maynila." So kung gan'on, ang Tita Angela niya eh... bagong kinakasama ng tatay niya? "Namimiss mo ba sila, Jeremy?"


"Opo, sobra po. Pero okay naman po ako rito, Kuya Kid. Kasama ko naman po si Papa." Muli siyang kumagat sa kinakain niyang sandwich. "Eh ikaw po Kuya, may kapatid ka po?"


"W-Wala eh," tugon ko. Sa totoo lang ay gustong-gusto kong magkaroon ng kapatid. Nakunan kasi si Mama noong nine years old ako. Excited na ako n'on, kaso wala eh, gan'on talaga ang buhay. Hindi lahat ng gusto mo, makukuha mo. "Pero alam mo, para na rin kitang kapatid Jeremy. You're like the brother I wished for, but I never had."


"Hala Kuya, wala po akong naintindihan. English kasi," natatawa niyang tugon. Ginulo ko ang buhok niya't natatawa siyang inakbayan. "Kumain ka na nga lang. Alam kong favorite mo 'yang ham sandwich eh."


***


NAGING madalang ang pagkikita namin ni Jeremy. Nalipat kasi ang break ko't 'pag pumupunta ako sa park, it's either wala o pauwi na si Jeremy. Isang araw, nagulat ako nang makita siya sa dating pwesto, umiiyak. Kaagad ko siyang nilapita't inakbayan. "Oh Jeremy, ba't ka umiiyak? Nasugatan ka na naman ba?"


"Kuya Kid, mamimiss po kita."


"H-Huh?," tanong ko na may halong pagtataka. "B-Bakit? Okay ka lang ba, Jeremy?"


"Uuwi na po akong Samar, Kuya. Kaninang umaga po kasi, nagulat po ako, dumating po si Mama. Nagkita po sila ni Tita Angela, nagkasagutan tapos nag-away po sila. Dumating po si Papa tapos sila naman po ang nag-away. Hindi ko nga po alam kung ano'ng pinag-aawayan nila eh, nasa isang sulok lang po kasi ako - nakatakip sa tenga ko po." Bigla akong nakaramdam ng galit sa magulang ni Jeremy at ni Angela. Mukhang tama nga ang hinuha ko noon na kabit lang ng papa niya 'yung Angela, pero kailangan ba talaga nilang mag-away sa harap ng inosenteng bata? Kung kapatid ko talaga si Jeremy, hinding-hindi ko hahayaang mangyari 'yon. "Pero alam mo Kuya, excited na rin po ako kasi makakauwi na po ako ng Samar. Makikita ko na rin po sa wakas ang mga kapatid ko." Kahit na naiiyak ay pinilit kong ngumiti. Inakbayan ko siya't tinapik ang balikat niya. "Alam kong nasa mabuti ka nang kamay, Jeremy. Magpapakabait ka sa Samar, ha? Tutulungan mo ang nanay mo sa mga gawaing-bahay, huwag kang magiging pasaway d'on." Ayokong ipakita kay Jeremy na nalulungkot ako sa pag-alis niya, bagkus ay gusto kong ipakita ang suporta ko sa kanya bilang isang kaibigan at kapatid. "Napalapit ka na nang sobra sa akin, Jeremy. Mahal na mahal ka ng Kuya Kid mo."


"Huwag na rin po masyadong mainitin ang ulo mo Kuya Kid ha," tugon niya. Tumayo siya sa upua't niyakap ako. "Lagi po kitang ipagpa-pray. Mamimiss po kita, Kuya."


"Mamimiss din kita, Jerome. Kung may oras nga lang ako, ililibre kita eh kaso kailangan ko na rin bumalik after ten minutes. Teka, kailan pala ang alis niyo ng nanay mo?"


"Mamayang gabi na po, Kuya. Nahihiya na po kasi si Mama sa kaibigan niya kung saan kami nakikituloy pansamantala. Saka Kuya Kid, miss na miss ko na rin po kasi ang mga kapatid ko. Gustong-gusto ko na po silang makita't miss ko na rin pong magpaka-kuya sa kanila, tulad po ng ginagawa niyo sa'kin."


"Alam kong magiging mabuti kang kuya, Jerome. Basta, kung mapadayo ka ulit dito, dumaan ka rito sa park o sa opisina ha. Isama mo si nanay mo, hanapin niyo ako sa guard. Ililibre ko kayo 'pag bumalik kayo, promise ko sa'yo 'yan."


"Opo, Kuya. Sige po, aalis na po ako. Baka hinahanap na po ako ni Mama, hindi po kasi ako nakapagpaalam sa kanya." Muli niya akong niyakap. "Mag-iingat ka Jeremy, ha. Mag-iingat ka... kapatid."


***


ILANG buwan na rin ang lumipas noong umalis si Jeremy papuntang Samar pero hanggang ngayo'y patuloy pa rin akong nagbabakasakaling nand'on siya sa parke o hahanapin niya ako sa guard. At hanggang sa nabubuhay ako'y hindi ako magsasawang pumunta sa parke't tignan kung nandoon si Jeremy. Lagi siyang laman ng aking panalangin, na sana ay nasa maayos at mabuti siyang kalagayan. Alam kong isang araw ay babalik siya't magkukwentuhan ulit kami habang kumakain ng ham sandwich at softdrinks na paborito niya... tulad ng dati


Sa tamang panahon Jeremy, magkikita ulit tayo... kapatid ko


  • (3 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

REVENGE OF THE REAL WIFE

Na-comatose si Ashlene dahil naaksidente sila noong katatapos pa lang ng kasal nila ni Jonathan. Subalit paggising niya ay wala na siyang maalala at nasa kandungan na ng iba ang asawa niya!

Image Description
ad_sesa
12 July 2018