Eskarlata

Image Description ihave-sinned   |   06 August 2019


Hanggang sa aking huling hininga, sariwa pa din sa aking alaala Ang unat huli kong pag-ibig, si Eskarlata

ESKARLATA 
Written by: ihave-sinned

Nagising ako sa tilaok ng tandang ng aking kapitbahay. At ang unang bagay na bumungad sa aking malabong paningin ay ang napakagandang bulaklak na naroon sa lamesa katabi ng kama kung saan nakaratay ang aking nanghihinang katawan.

Isang ngiti ang gumuhit sa aking mga labi habang pinagmamasdan ang kagandahan nito. Tunay nga'ng ito'y kaisa-isa at natatanging bulaklak, sapagkat walang ibang bulaklak na katulad nito ang matatagpuan galugadin man ang bawat sulok ng mundo.

"Magandang umaga, mahal ko." mahinang bati ko dito na sinundan ng sunod-sunod na matigas na pag-ubo.

Mahina na ako, dala ng katandaan. Labis na akong nalipasan ng panahon at naghihintay na lamang ng mga nalalabing oras ng aking buhay, ngunit ngayon ay wala akong ibang nais gawin kung hindi pagmasdan ang kagandahan ng bulaklak na nasa tabi ko. Ang bulaklak na siyang nagpapaalala sa akin ng aking kabataan at ang pangyayari na nag-iwan ng permanenteng marka sa aking puso at alaala—ang unang pagkikita namin ni Eskarlata.

YEAR 1936

"Karlos, huwag na huwag kang lalayo sa'kin," bilin ng aking ama habang patuloy na inihahanda ang mga gagamitin namin para sa pangangaso.

"Mapanganib ang gubat na 'to, madaming nagsasabi na pinamamahayan ito ng mga diwata at samut-saring lamang lupa, at isang maling galaw lamang maaring hindi ka na makalabas!" dagdag pa n'ya at pagkatapos ay inihagis sa akin ang pana na siyang gagamitin ko sa panghuhuli.

Lumapit sa akin si ama at ipinatong ang dalawang kamay n'ya sa magkabilang balikat ko, "Tandaan mo ang lahat ng itinuro ko sa'yo, 'nak."

"O-opo 'tay." sagot ko bago isakbit ang pana sa likod ko.

Lumaki ako sa pamilya ng mga mangangaso. Bunso ako sa tatlong magkakapatid, lahat kami ay lalaki at mula pagkabata ay sinanay at tinuruan na kami ng mga dapat naming matutuhan may kinalaman sa pangangaso nang sa gayon ay pag tumungtong na kami sa edad na dise-otso ay maisasama na kami ni itay sa gubat.

Ang aking itay ang isa sa pinakamagaling na mangangaso sa aming bayan at ninais kong sundan ang kanyang mga yapak ngunit sa kasamaang palad hindi ako kasing galing n'ya o ng kuya Joselito at kuya Alberto.

Asul at maaliwalas ang kalangitan, tirik na tirik ang araw at maririnig sa paligid ang huni ng masasayang ibon na malayang naglilipadan sa himpapawid. Tunay ngang isang magandang araw upang makapangaso. Matiyaga kaming naghanap ng mahuhuling hayop, at sa wakas matapos ang ilang oras ay nakakita kami ng isang baboy-ramo.

Agad kong inalis mula sa pagkakasakbit sa likod ko ang dala kong pana at inasinta ang baboy-ramo. Laking tuwa ko nang matamaan ko ito.

Unti unting nanghina ang baboy-ramo hanggang sa bumagsak ang katawan nito sa lupa saka lang kami lumapit at nagsimulang pagtulong-tulungan ang pagbuhat dito.

"Magaling,Karlos!" nakangiting papuri ni itay na sinuklian ko din ng isang ngiti, "Oh siya, mauna na kayo ng mga kuya mo at mangunguha pa ako ng pang-gatong" dagdag pa niya.

"Ako nalang po, 'tay," pagpiprisinta ko.

"Sigurado ka? ngunit baka maligaw ka,"

"Natandaan ko po ang daan pauwi huwag kayong mag-alala. Kaya ko po ito," pagpupumilit ko, wala ng nagawa si itay, sa huli ay sumang-ayon din siya, kaya't naiwan ako sa gubat at sila ang nag-uwi ng nahuli namin.

Nang hindi ko na sila matanaw ay nagsimula na akong manguha ng pang-gatong at ikinarga ito sa balikat ko. Matapos masiguro na sapat na ang mga kahoy na nalikom ko ay napagpa-siyahan kong bumalik na.

Tahimik ang paligid at presko ang simoy ng hangin, ngunit isang mahinang pag-himig ang pumukaw sa aking pansin. Dala ng kuryosidad ay sinubukan kong hanapin ang pinagmumulan nito.

Nagtago ako sa likod ng puno ng makakita ako ng hugis tao na nakaupo sa isang malaking bato. Tinitigan ko siya ngunit hindi ko maaninag ang itsura n'ya sapagkat may suot itong puti at mahabang kapa. Natatalukbungan ang kanyang ulo, at sa tabi niya ay may isang kahoy na hugis lampara, sa loob nito ay hindi apoy ang laman kung hindi mga alitaptap.

Ilang sandali pa ay muli itong humimig na tila ba umaawit ng isang kanta.

Babae?! Sa gitna ng masukal na gubat?!

Sa kagustuhan kong makita ang mukha nito ay nagpasiya 'kong palihim na lumapit, ngunit sa paghakbang ko ay isang malutong na kahoy ang naapakan ko.

"S-sino'ng nariyan?" gulat na tanong nito at agad na tumayo, sabay kuha sa lampara na nasa tabi niya. Laking takot ko din ng dalawang malaking tigre ang sumulpot sa tabi niya, pawang pinoprotektahan ng mga ito ang babae.

Dismayado akong napapikit dahil sa mali kong galaw. Ibinaba ko ang buhat kong mga kahoy at dahan-dahan akong lumabas sa pinagtataguan ko habang nakataas ang mga kamay, senyales ng pagsuko.

"W-wala akong balak na masama, binibini." Saad ko, "Hindi sinasadya ay narinig ko lamang ang iyong pag-himig,"

Natakot ako at napaupo ng akmang susugudin ako ng dalawang tigre. Narinig kong nagsalita ang babae sa malumanay na paraan na siyang nagpatigil sa dalawang tigre at siyang nag-pamangha sa'kin. Iyon ang unang beses na nakakita ako ng isa. Akala ko'y hindi sila totoo at kathang isip lamang. Ngunit walang duda na isang diwata ang kaharap ko ngayon.

Nangingiming lumapit ang diwata at tinitigan ako na para bang may bumabagabag sa kanya, bago siya tuluyang magsalita, "Sumunod ka sa akin, ituturo ko ang daan palabas,"

Agad akong tumayo at nilikom ang dala kong pang-gatong at sumunod sa kanya. Sinamahan nya ako at itinuro niya sa akin ang daan palabas sa gubat. Malaki daw kasi ang t'yansa na maligaw ako lalo na't pagabi na. 

Matapos ang limang minutong paglalakad ay bigla siyang huminto at nagsalita "Ito na ang bukana ng gubat, ligtas ka na dito,"

Tinanggal ko ang sombrero ko at yumuko ng bahagya "Maraming salamat! Karlos nga pala ang aking ngalan, ikaw?"

Sandaling katahimikan ang bumalot sa pagitan namin akala ko'y hindi na siya sasagot. Pero maya maya'y tinanggal n'ya ang kanyang talukbong ngunit hindi ko pa din masiyadong maaninag ang mukha nya dahil nakayuko siya.

"Ako si-Eskarlata," sambit nya bago nanakbo pabalik sa gubat.

Napangiti ako, "Eskarlata!" tawag ko dahilan para mapahinto siya at lumingon,"Kay gandang ngalan,"

"S-salamat!" tugon niya.

At doon nagsimula ang lahat.

Kinabukasan ay palihim akong bumalik ng gubat, nagbakasakaling makita ulit si Eskarlata.

"Eskarlata?," tawag ko sa kawalan. "May dala ako para sa'yo!" nakangiti kong sabi at itinaas ang hawak kong bakya.
"Eskarla-" laking gulat ko ng bigla nalang may dumaluhong sa akin dahilan upang matumba kami sa damuhan.
Napapikit ako at pakiramdam ko ay naalog ang ulo ko,ngunit laking gulat ko ng makita ko ang isang magandang babae na nakadagan sa akin at sinenyasan ako na huwag mag-ingay.

"Eskarlata!" pabulong kong tanong at marahan siyang tumango nakapatong pa din siya sa akin. 

Nakita ko ang pamumula ng kanyang mga pisngi nang mapagtanto niya na nadaganan niya ako. Kapagdaka'y mabilis s'yang tumayo at umalis sa ibabaw ko. Wala na siyang suot na talukbong ngayon, kaya't malaya ko ng napagmasdan ang maganda at maamo nyang mukha.

Hindi pa din ako makapaniwalang tunay na diwata ang kaharap ko ngayon. At wala siyang kasing ganda. Itim ang kanyang malambot at maalon na buhok. Hanggang bewang ito. Napakakinis ng kutis nyang mala porselana, mapupula ang kanyang mga labi, mahaba din at malantik ang kanyang mga pilik at taglay niya ang pinakamagandang pares ng mga mata.

"Sa susunod sana ay huwag mo ng isigaw ng ganoon ang pangalan ko, at huwag mo din sanang ipagsasabi sa kahit kanino.."

"Makakaasa ka, binibini," napakamot ako sa ulo, "Pasensya na ha,hindi ko kasi alam kung papaano ka hahanapin, ang laki kasi nitong gubat,"

Napansin ko na naaalangan pa s'yang makipag-usap sa'kin, siguro ay dahil hindi siya sanay na makipag-usap sa mga tao.

"Oo nga pala!" sabi ko nang maalala ko ang bakyang dala ko. "Para sayo, Eskarlata. Ito'y tanda ng pasasalamat sa pagtulong mo sa akin." nahihiyang sabi ko unang beses ko kasing nakapag regalo sa isang babae bukod sa aking ina.

Kinuha n'ya ito at tinitigan,bakas sa mukha niya ang pagkalito at pagkatapos ay isinuot ang mga bakya sa kanyang mga kamay.

Napangiti ako at kinuha ito sa kanya "Ito ang sinusuot upang maprotektahan ang ating mga paa." Sabi ko at lumuhod sa harap nya upang isuot ang bakya.

Tumingala ako at ngumiti, "Napansin ko kasi kagabi na wala kang suot na sapin sa paa. Kaya ito ang naisip kong ibigay sa'yo. Isusuot mo 'to mula ngayon ha? Huwag ka nang mag-papaa!"

Ngumiti siya at tumango. Napakaganda n'yang ngumiti. "Salamat," tugon n'ya.

"Walang anuman. Bagay sayo, Eskarlata."


Lumipas ang mga araw at mas lalo pa naming nakilala ang isa't isa, araw-araw akong pumupunta sa gubat ng palihim upang dalawin siya at unti-unting nabuo ang pagkakaibigan sa pagitan ng isang tao at ng isang diwata.

"Masyadong mahaba ang Eskarlata, pwede ba kitang bigyan ng palayaw?" sabi ko habang namimingwit ng isda.

Siya naman ay nasa tabi ko at idinadawdaw ang paa sa malamig na tubig ng ilog.

Napatingin siya sa'kin "Palayaw? Ano iyon, Karlos"

"Ayon ang ibinibigay mo sa nilalang na malapit sa'yo." nakangiti kong sabi.

"Malapit-" napaiwas siya ng tingin at napahawak sa namumula nyang pisngi. "S-sige,"

"Iska! Iska nalang itatawag ko sa'yo, para mas maikli!" nakangiti kong sambit.

Magmula noon ay naging interesado na siya sa mga bagay na nasa labas kaya pag may pagkakataon nagpapasok ako nito sa loob ng gubat ng palihim, lagi ko din siyang kinekwentuhan ng mga bagay at pangyayari tungkol sa labas. Pangarap kong mailabas si Eskarlata sa gubat kung may pagkakataon.

Gustong kong ipakita sa kanya ang malalawak na parang. Gusto kong ipatikim sa kanya ang iba't ibang masasarap na putahe na siguradong magugustuhan niya at mga kagamitang pang babae na siguradong kagigiliwan niya. Gusto kong ipakita sa kanya ang malawak na karagatan.

Gusto kong ipakita sa kanya ang mundo. Ngunit ang lahat ng plano at pangarap ko ay gumuho ng ipagtapat niya sa akin ang isang bagay-ang isang bagay na nagpapa-alala ng pagkaka-iba namin.

"Kamatayan ko ang labas ng gubat." sambit niya na siyang ikinagulat ko pagkatapos ay tumungin siya sa akin, "Mamamatay ako pag-lumabas ako, Karlos. Hindi kailanman nararapat makihalubilo ang isang diwata sa-" natigilan siya at muling nag-iwas ng tingin, "sa isang tao,"

"Totoo pala," malungkot kong sabi. Iyon din ang sabi sabi sa bayan pero hindi ako naniniwala, ngunit ngayon nanggaling na mismo iyon sa mga bibig ni Iska.

Nakakalungkot lamang na isipin na kailanman ay hindi ko maaaring ilabas si Eskarlata dito sa gubat. Napakarami sanang bagay ang nais kong ipakita sa kanya.

Marahan siyang tumango, "Ikaw ang pinaka-unang taong naka-usap ko, Karlos. Ang pinaka-una sa lahat ng lahi. Labis na kaba ang naramdaman ko noong una tayong magkita, may kung ano akong naramdaman dito.." itinuro nya ang dibdib nya at ngumiti, "Ni minsan ay hindi ko pa naramdaman iyon sa nakaraang limang daang taon ng buhay ko,"

Doon ko lamang napagtanto kung gaano pala kalungkot si Eskarlata at lalo akong naging determinado na gawing masaya ang bawat araw ng buhay nya habang nabubuhay ako.

Alam kong isang araw tatanda ako at mamamatay ngunit ang diwatang nasa tabi ko ngayon ay magiging kasing ganda pa din ng diwatang nakita ko noong una kaming nagkakilala.
Mabilis na lumipas ang mga araw, at dumaan ang tatlong taon. Sa tatlong taon na iyon ay walang palya akong bumibisita sa gubat upang makita ang diwata. Hanggang sa unti-unti, ang pag-kakaibigan namin ni Eskarlata ay nauwi sa pag-iibigan.

"Ano 'to, Karlos?" tanong ni Iska habang sinusuot ko sa kanya ang kwintas na may nakaukit na pangalan niya.

"Kwintas ang tawag dito, Iska."

"Napakaganda.." puri nya at ngumiti sa akin.

Inilagay ko ang kamay ko sa pisngi nya at inihilig nya ang pisngi nya sa kamay ko habang pinagmamasdan ko siya. "Tama ka, napakaganda..." Saad ko. "Eskarlata?"

"Ano 'yon?"

"Maaari ba kitang bigyan ng bagong palayaw?"

Napangiti siya, "Oo naman! Anong nais mong ipalayaw sa akin?"

"Mahal ko.."

"Mahal ko?"

"Iyon ang ibinibigay na palayaw ng isang tao sa nilalang na iniibig nya." tinitigan ko siya sa mata at muli ay nagsalita ako, "Iniibig kita, Eskarlata."

Nakita ko ang gulat sa mukha ni Eskarlata. Nakaawang ng kaunti ang mapupulang mga labi nya, akala ko'y walang pag-asa ngunit unti unti siyang ngumiti ng pagkatamis tamis.

"Iniibig din kita, Karlos."

Kung alam ko lamang ang magiging katapusan ay hindi ko sana sinimulan.


Nakaupo ako sa sanga ng malaking puno habang si Eskarlata naman ay nasa tabi ko at abala sa paghahabi ng bulaklak na korona.

"Karlos?" pagtawag nya sa atensyon ko.

"Ano 'yon, Iska?"

"Masaya ba maging tao?Masaya ba sa labas ng gubat?" kyuryos nyang tanong.

Napaisip ako bago sumagot, "Mahirap sa labas, kung hindi ka kakayod hindi ka makakakain."

"Ganoon ba?" ang tangi nyang sagot.

"Bakit mo naitanong?"

"Napakaraming tao-napakaraming babae,"

Napangisi ako, "Nagseselos ka ba, aking Eskarlata?"

Marahan nya kong sinapak, pero medyo masakit. Pasalamat siya't mahal ko siya "S-selos ka jaan! Nais ko lang sanang makipag-kaibigan sa ibang binibini sa labas," namumula n'yang sabi.

Napakunot naman ang noo ko, "Ngunit ang sabi mo ay bawal kang tumapak sa labas dahil iyon ang panuntunan dito sa gubat. tt oras na lumabag ka doon ay-" hindi ko na naituloy pa sapagkat hindi ko kayang sambitin iyon.

"Mahigpit din na ipinagbawal sa mga diwata na umibig sa taga-labas dahil kapalit nito'y buhay ngunit mag-iisang taon na tayo'y wala naman masamang nangyari." saad nya at hinaplos ng marahan ang ibong dumapo sa hita nya, "Maaaring ito lang ang paraan nila para sumunod kami sa pamantayan,"

"May punto ka ngunit, hindi tayo tiyak d'yan, mahal ko. Hindi ko hahayaang isugal mo ang buhay mo sa isang bagay na hindi naman tayo sigurado," sagot ko.

"Ngunit sigurado ako sayo, Karlos. Ikaw ang gusto kong makasama, hindi ko hahayaang ilayo nila ako sayo pag malaman pa nila na lihim tayong nagkikita,"

"Eskarlata..." sambit ko at tiningnan ang nagsusumamo niyang mga mata.

"Itakas mo ako, Karlos. Gusto kong mamuhay kasama mo,"

Kung maibabalik ko lang ang nakaraan,hindi ko na sana pinalalim,hindi na sana ako bumalik ng gubat,hindi sana ako pumayag.

Mag-gagabi na ng nakapunta ako sa gubat. Ito din ang siyang araw na plinano naming tumakas.

"Iska! May dala akong paborito mong sorbetes para sayo,mahal ko!" Sabi ko habang umaakyat ng puno ngunit wala akong Iska na nakita.

Sa loob ng tatlong taon ngayon lang ito nangyari. Kaya't may kung anong kaba akong naramdaman.

"Eskarlata!" sigaw ko at dali daling bumaba ng puno. "Eskarlata, nasaan ka mahal ko?!" patuloy kong hinahanap so Iska hanggang sa tuluyan na ngang mag-gabi.

"K-karlos!!" narinig kong hiyaw ng isang babae at alam kong kay Iska ang boses na iyon.

Dali dali akong nagtatakbo palapit sa kinaroroonan ng boses. Ang sulo na hawak ko at ang buwan lang ang tanging nagsisilbing liwanag ko hanggang sa makarating ako malapit sa bukana ng gubat, at ay tumambad sa akin ang pangyayaring hindi ko gustong makita kailanman.
Si Eskarlata, ang diwatang iniibig ko ay kinakaladkad ng mga taga baryo palabas. May mga sugat siya sa paa at braso,may dugo din sa gilid ng kanyang mga labi. Yakap yakap nya ang mga bakyang iniregalo ko sa kanya dati gamit ang isang braso habang ang isang kamay ay gamit nya upang ihawak sa buhok nyang pilit hinahatak ng mga tao upang makaladkad siya palabas ng gubat. Humihiyaw siya sa sakit at nagmamakaawa ngunit tila walang nakikinig.

Pakiramdam ko'y pinupunit ang puso ko habang nakikita ko ang kalunos-lunos nyang kalagayan at kung paano siya tratuhin na parang hayop ng mga taga-baryo.

Ang labas ng gubat ay kamatayan para kay Eskarlata.

Ngunit paanong nangyari ito? Hindi bat hindi siya kayang saktan ng normal na tao kung hindi nila alam ang pangalan nya?!

"Bitawan nyo ang diwata!" nangangalit kong sigaw. "Walang ibang ginawa ang diwata kundi protektahan ang gubat!"

Napatingin sa direksyon ko ang mga taga baryo pati na din si Iska.

"Itinatago nya ang mga hayop! Wala na halos tayong mahuli, kung mawawala siya makakapangaso tayo ng malaya!" sigaw ng isa sa kanila.

"Iyon ay dahil lumalabis na kayo! kung hindi nya itatago ang ibang hayop sa gubat, mauubos ang mga ito!" sagot ko.

"Ano man ang sabihin mo hindi maikakaila na ikaw ang nagdala sa kanya sa kapahamakan, Karlos!"

Napakunot ang noo ko "Ano'ng ibig mong sabihin? Hindi ko siya kailanman magagawang ipaha- !" ngunit natigilan ako ng may ihagis silang isang bagay.

Ang kwintas na binigay ko kay Eskarlata na may nakaukit na pangalan nya. Nasapo ko ang ulo ko.

Kasalanan ko...

Napatingin ako Kay Eskarlata, umiiyak siya at umiiling. "Wala kang kasalanan, mahal ko.."

Pagkatapos non ay nagsimula muli nilang kaladkadin palabas ng gubat si Eskarlata, dahilan para tumakbo ako at daluhungin at pagsusuntukin ang mga ay hawak sa kanya. Ngunit dalawang taga baryo ang humawak sa magkabilang braso ko at tig-tatlong magkakasunod na malakas na suntok sa tiyan at mukha ang sunod na iginanti sa akin. Napahiyaw ako sa sakit at halos mawalan ng malay.

Nakita kong pinipilit gumapang ni Eskarlata palapit saakin habang umiiyak pero hinigit na naman siya sa buhok ng isang taga-baryo at inilayo saakin. "Eskarlata.." nanghihina kong sabi.

"Hayop ka, Bonifacio! Nangako kang hindi mo sasaktan si Karlos kung ituturo namin sa'yo kung nasaan ang diwata!" sigaw ng aking ama sa pinuno ng baryo habang nagpupumiglas sa pagkakahawak ng mga taga-baryo. Hawak din ng mga taga baryo ang mga kuya ko.

Kung ganoon ay nalaman pala ni ama ang aking lihim at kumalat na din sa baryo ang ginagawa kong palihim na pagpunta sa gubat hanggang sa naka-abot ito kay Bonifacio, ang pinuno ng baryo.

Dinuran ako sa mukha ni Bonifacio, "Sinabi ko ba 'yon?" mapang-asar nitong tanong bago ako tadyak-tadyakan, "Eto naman kasing bunso mo," dagdag nito at hinawakan ako ng mahigpit sa panga, "Hindi marunong mapakiusapan, masiyadong matigas! Wala naman binatbat! Walang kwenta!" pagdudusta niya.

"Pakawalan n'yo ang diwata!" angil ko.

"At talagang!-" susuntukin pa ulit niya sana ako ngunit biglang sumigaw si Eskarlata.

Sa isang iglap ay bigla nalang nag-galawan ang mga puno at iniluwa ang mga tao palabas ng gubat. Maliban sa akin, naiwan kami ni Eskarlata. Mahirap man ay pinilit kong gumapang ako palapit sa kanya.

Inihiga ko siya sa aking mga bisig at niyakap. "Patawarin mo ako, mahal ko. Kasalanan ko..."

Gamit ang may sugat nyang mga kamay ay pinahid nya ang luha ko. "Wala kang kasalanan, mahal ko."

Umiling ako. "Hayaan mong itama ko ang mga pagkakamali ko, Eskarlata.."

"Huwag, Karlos. Ako ang kailangan nila! Masama na ang tama mo, papatayin ka nila.Hindi ko kaya, nagmamakaawa ako.." pakiusap nya at hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ko.

Ngumiti ako ng mapait, "Kahit anong mangyari, huwag kang lalabas, pakiusap,"

Dahan dahan ko siyang inilapag sa damuhan at ginawaran ng halik sa noo habang unti-unting tinatanggal ang mahigpit na pagkahawak ng kamay niya sa akin. "Mahal kita, Eskarlata." sambit ko bago tuluyang bitawan ang kamay nya.

Lumabas ako ng gubat upang kausapin ang mga taga-baryo. Lumuhod ako sa harap nilang lahat upang magmakaawa, ngunit walang nakinig.
Masiyado silang gahaman!
Mga mapang-abuso!
Mga walang puso!

"Kung hindi ka aalis jaan ay mapipilitan kaming patayin ka." banta ng tagapamahala habang tinututukan ako ng baril.

"Anak! sundin mo nalang ang pinuno!" sigaw ng aking ina. Napatingin ako sa pamilya ko, ngumiti ako ng malungkot at mahinang sinambit ang salitang 'Patawad'.

"Hindi ko isusuko si Eskarlata!" sigaw ko at mabilis pa sa kisap mata naramdaman ko ang pagbaon ng bala ng baril sa puso ko kasunod ay ang pag-agos ng mainit na pulang likido sa bibig ko.
Napasalampak ako sa damuhan, nagsimulang manlaban ang mga kapatid ko at ang aking ama sa mga taga baryo. Lahat ay nagkakagulo at sunod sunod na putok ng baril ang maririnig sa paligid.

Hanggang sa makaramdam ako ng mainit na pares ng kamay na humawak sa ulo ko at inihiga ito sa kandungan nya.

"Eskarlata.." napahagulhol ako, "Ang sabi ko huwag kang lalabas ng gubat ah.." nanghihina kong sambit ngunit ginawaran nya lang ako ng malungkot na ngiti.

"Ito ang pangarap natin hindi ba, mahal ko? Ang magsama tayo sa labas ng gubat.." nakangiti pa din siya ngunit tumutulo na ang kanyang mga luha.
Ipinatong nya sa sugat ko ang mga kamay nya. "Natupad na. Ngunit mukhang totoo ata iyong sinabi sa amin na kamatayan ang dala ng labas ng gubat, ngunit ayos lang,"

Nararamdaman kong sinusubukang gamutin ng mga kamay nya ang sugat ko.

"Hindi-nagmamakaawa ako. Bumalik ka pakiusap..." sambit ko habang pilit na tinatanggal ang kamay nyang nakapatong sa sugat ko at itinutulak siya pabalik ng gubat gamit ang natitirang lakas ko. "Ano ba, Eskarlata!? Ang sabi ko bumalik ka!!" sigaw ko pero hindi nya ito pinapansin sa halip ay nginitian nya lamang ako.

Pa-unti unti na siyang naglalaho. Tulad ng buhanging kumikinang at tulad ng mga alitaptap na nagliliwanag kung gabi. Hindi ko matanggap na wala akong magawa.
Hindi ko matanggap ang katotohanang habang namamatay siya ay nabubuhay ako..

"Alam mo ang pinakamahalaga,mahal ko?"

"Ikaw...ikaw Eskarlata.."

"Ang mahalaga ay buhay ka..." nanghihinang sambit nito at ginawaran ako ng isang halik sa labi, at ang siya ring huling halik na pagsasaluhan namin.

"Salamat sa lahat. Iniibig kita,Karlos." bulong nito bago napasalampak ang buong katawan nya sa lupa kasabay ng pag-hilom ng sugat ko sa dibdib.

Makirot. Masakit. Mahapdi. Hindi sapat ang anumang salita upang ilarawan ang nararamdaman ko ngayon. Magaling na ang sugat na ibinigay sa akin ni Bonifacio. Ngunit ang sugat na iniwan ni Eskarlata ay mananatili hanggang sa dulo.

Sino mang diwata ang lumabag sa mahigpit na panuntunan ng kagubatan ay magiging isang bulaklak at patuloy na mamumukadkad bilang katangi-tanging bulaklak sa magpa-habang panahon.

Sapagkat ang sa kagubatan ay nararapat manatiling sa kagubat lamang.

Bagama't lumipas na ang mahigit walumpung taon, sariwa pa din ang sakit na dulo't ng aking nakaraan na wari bang ito'y naganap kahapon lamang.

Gamit ang natitira kong lakas ay pinilit kong makuha ang plorera na nasa mesa sa tabi ng kama ko. Ang plorera kung saan nakalagay ang pinaka-mahalagang yaman ko. Marahan ko itong hinaplos at pagtapos ay niyakap ng may buong pagmamahal habang nakahiga.

"Eskarlata, mahal ko." pumikit ako, "Alam kong naririnig mo ako.." sambit ko na sinundan ng matigas na pag-ubo, "Nanghihina na ako mahal, ngunit gamit ang huli kong lakas, nais kong ipaalam sa iyo na ang pag-ibig ko sayo, mula noon hanggang ngayon ay hindi nagbago.."

Hanggang sa aking huling hininga, sariwa parin sa aking alaala ang una't huli kong pag-ibig,

Si Eskarlata.

-END



  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE