Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Habang nakikipagsiksikan sa MRT. May nahulog na diary. Diary ng NBSB. Napulot ng isang lalaki. Lalaking ang hobby... magpaiyak ng mga babae.

< Kudos Pereseo >

NAPAGOD YATA ang utak ko sa pag-ooverthink kaya hinila ng antok. Nagpahinga.

Paggising ko... madilim ang kwarto. Kinusot ko ang mga mata't kinapa ang cellphone. Naalimpungatan pagkakita ng oras. Nakng! 7:06 PM na. Wala man lang nag-abalang tukmol na mangbulabog?

Ano na naman pinaplantang kalokohan ng mga 'yon?

Kumulo tiyan ko. Konti lang pala nakain ko sa almusal. Kahit lunch.

Pabangon na ako nang mapansin ang pulang notif sa messenger. Muntik na maihagis sa kisame ang cellphone.

_..._..._

AB Calan de Makapili . active now

6:48 PM

AB: Ay hala siya! Ang daldal mo sa chat 'no?

AB: Pero sa personal... hays.

AB: Kilala na kita. Wala ka talagang balak umamin?

AB: Magpakilala, I mean!

AB: Face to face?

AB: KD... OPPA?

AB: Kuen Lacrosse Seriozo Pereseo a.k.a KUDOS pala?!

7:08 PM

KD Oppa is typing...

7:11 PM

KD Oppa is typing...

7:15 PM

KD Oppa is typing...

AB is typing...

AB: Oh, natameme ka?

AB: Nagulat?

AB: May pa-OPPA, OPPA ka pa diyan. Sus.

KD Oppa: Teja lsng!
*trka lanh, AV
*AB

7:18 PM

AB: Oh? Saan napunta ang SENPAI?

AB: Kasi alam ko na? Sige, i-reset natin... OPPA!

AB: Nasaan ka?

AB: Nagtatago? Saan?

KD Oppa: sahdb

AB: Ano?

AB: Sa kwarto ka ba, KD Oppa?

AB: Sige... puntahan kita. Madaldal ka pala sa chat, ha.

AB: Daldalan tayo harap-harapan. Ano? Game?

AB: Isang kembot lang... nandiyan na ako! Wait.

_..._..._


Literal na naihagis ko ang cellphone. Mabuti hindi namatay o nabasag ang screen. Halos liparin ko ulit para ilock ang pinto... pero may kumakatok na.

Nakasara?

Pinukpok ko ang dibdib para makahinga. Tokwa!

Pero nasa labas nga si AB?

Hinalughog ko ang mga gamit ni Risk. Naghanap ng mouth spray. Ginulo-gulo ang buhok at ihinilamos ang palad sa mukha. Inunat ang laylayan ng damit at plinansiya ang sa may dibdib gamit ang mga kamay. At ilang beses pinukpok.

Nakng... Kalma, Kudos!

Paulit-ulit akong huminga sa palad para maamoy ang sariling hangin bago buksan ang pinto. Kaso malutong na halakhak ni Magnet ang unang sumabog sa tainga ko at nakakairita niyang ngisi ang bumati.

"Kumusta gising natin, Loverboy?" pang-aasar pa niya. May hawak siyang cellphone. Tokwa!

"Nakng, MM-" Kaso napaurong ako nang biglang sumilip mula sa gilid ng pinto si AB.

Ngumiti siya. "Annyeong, KD Oppa!" Kumurap ng isa. Tapos sinundan ng tatlong mabibilis na pagkurap.

Napanganga ako. Napahawak sa doorknob para isara ang pinto.

"Opps!" Mabilis na pinangharang ni AB ang isang paa sa may pintuan. "Aray..."

Muli kong binuksan. Napapamura sa sariling napaupo sa mga sakong para i-check ang paa niya. Mabuti hindi masyadong mabigat 'yung pagkakasara ko. "M-Mian-" Tumikhim ako. Gustong kaltukan ang sarili. "S-Sorry... masakit?"

"Grabe siya! May balak ka yatang durugin ang paa ko, ah. Nakakadalawa ka na..."

Nahagip ng sulok ng mata ko si Magnet na sumisibat palayo. Nakangisi siya na parang walang gagawing matino sa buhay. Nagthumbs-up pa... bago sumibat.

Hinawakan ko ang kaliwang paa ni AB. May band-aid na nakadikit sa ibabaw. 'Yun yata ang sugat galing sa baso. Sa katangahan ko.

Tinaas ko ang paa niya nang bahagya para masahein sa parteng nasaktan. Para 'di magkapasa. Umangat ang tingin ko sa kanya para tanungin kung sa'n banda ang masakit pero napahawak siya sa may hamba at muntik nang ma-out-of-balance.

"Okay na..." Hinila niya ang paa. Na parang nakiliti sa hawak ko. May kiliti siya sa paa? "Hindi naman masakit..."

Nakatingala lang ako sa kanya. Hindi napigilan ang mapahawak sa tainga. Ang mapakagat sa labi. Ang mapabuntong-hininga.

"Tayo na..." magaang sambit niya.

Napakurap ako't mabilis na napatayo. "T-Tayo na? A-Agad?" Nahigit ko ang hininga.

Kumunot ang noo niya. Tapos biglang dinala ang likod ng kamay sa tapat ng bibig at tumawa. Ngali-ngaling kaltukan ko ang sarili.

Nakng, Kudos! Ano ba iniisip mo sa... tayo na?

"Gosh! You're so..." Umiling-iling siya. Bumulong. Kaso 'di ko narinig.

Nagkaroon ako ng pagkakataon na pag-aralan ang kabuoan niya. Ang lapit-lapit niya. Nakikita ko siyang tumatawa. Na naman.

But this time... nakalugay ang kanyang buhok. Hanggang likod ang haba... halos umabot sa bewang. Hindi nakabun. Kulot nga ang mga hibla. Pero hindi matigas tingnan. Parang ang lambot-lambot din hawakan. Na 'pag pinadaan ko ang mga daliri ko... kikilabutan ako.

Curly. Wavy. Na parang sinadyang paikot-ikutin kaso... natural. May mga maliliit ding umiikot na hibla sa gilid ng noo niya, sa mga tainga at sa pisngi. Ang... ganda. Sobrang... cute.

Hindi ko napansin na naitaas ko ang isang kamay. Parang may sariling buhay na lumapit sa bandang mukha niya... para hawakan? Ang buhok? Siguro.

Tumikhim siya. Tumigil sa pagtawa. Naningkit ang mga matang nilipat ang tingin sa kamay ko. Nanlaki rin tuloy ang mga mata kong napatitig sa palad. Naistatwa ito sa ere. Ilang pulgada ang layo sa kanyang pisngi. Na nakakabadtrip kasi... biglang nanginig. Lumunok ako.

Sabay kaming napataas ng isa pang kamay. Siguro siya para tabigin. Ako para pigilan itong umabante pa. Kaso ang nahuli ko... kamay niya.

Wala pang dalawang segundo, napabitiw agad ako. Masyado siyang mainit. Nakakapaso.

Naidala niya na lang ang kamay sa gilid ng panga niya. Napakamot. "Hindi na talaga kayang pigilan pa?"

Napatitig ako. "H-Ha?"

Umiling siya. "Wala. 'Yang mga gumugulo sa utak mo... mamaya mo na lang sabihin." Tila sinabit ako sa eroplano nang hawakan niya ako sa pulsohan. Saka hinila palabas ng kwarto. "Samahan mo muna ako."

'Di ako nakapagreact. 'Di nakatanggi. Sasama naman ako... kahit saan niya gusto.

Pero lumilipad buong atensiyon ko sa kanyang kamay. Namagnify lahat ng senses ko sa may pulso. Nababahala na baka maramdaman niya ang mabilis na pagtibok. Magaan lang ang hawak niya. 'Di mahigpit. Sana humigpit. Nakng, Kudos!

Pansin kong medyo basa rin kamay niya. Pasmado nga talaga siya. Pero tokwa! Ang kiliti ko... nasa tagiliran. Bakit biglang lumipat sa may pulsohan? Gumagapang. Kaya nagsitayuan ang mga balahibo sa batok at katawan.

Nakalabas na kami ng resthouse pero sa kamay niya lang ako nakatingin. Nawala na ang isip ko kung nasaan ang mga tukmol. Kung saan mang lupalop sila naroon... 'wag na sila bumalik!

Nang tumigil si AB sa paglalakad at lumingon sa 'kin... bumaba rin ang titig sa kamay niya... binitiwan niya ako. "Wala kang balak magtanong kung saan tayo pupunta?"

"Sasama ako," mabilis kong sagot.

"Kahit sa langit?" Tumawa siya nang masamid ako.

"Sa dagat lang," dugtong niya. "Tatambay. Ayaw akong samahan nung mga loko. Ikaw na lang daw pilitin ko. Kahit 'di ka magsalita. O walang gawin. Kailangan ko lang ng kasama."

Sa dagat? Magsiswimming? Night swimming?

Bagong term na ba ng swimming ang tatambay sa dagat?

Hindi ako-

"Marunong ka naman siguro lumangoy, 'no?"

'Yun nga ang gusto kong sabihin. Hindi ako marunong lumangoy.

Kaya hindi ako madalas sumasama sa mga swimming ng mga pinsan ko... dahil nao-OP lang ako. Hanggang sa mababaw lang ang kaya. Muntik na kasi akong malunod nung seven years old ako. Sa isang resort sa Antipolo. Kaya simula nun... nagkaphobia ako sa tubig.

"Marunong din ako lumangoy," sambit ni AB. "'Wag kang mag-alala. 'Di naman maliligo." tinuro niya ang maliit na bangka sa gilid ng rest house. Mukhang matagal ng hindi ginagamit. "Mamamangka..."

Nakng! Mamamangka? Kami?

Seryoso?

Gagamitin namin 'yon? Baka may may-ari.

"Tara..." Hinila niya ulit ako. Mukhang safe pa naman ang bangka. May dalawang sagwan sa loob. Wala ring bitak o posibilidad na bibigay ano mang oras. Maliit lang talaga. Parang display lang sa resort at hindi ginagamit sa pangingisda.

Tokwa! Mapapasubo ako 'pag nagkataon.

Tinulak niya ang bangka pero hindi gumalaw. Sinilip niya ako at ngumuso. "Tulong naman diyan uy! Isang kembot lang 'to. 'Wag kukupad-kupad..." Kinagat ko ang labi kasi ang cute niyang panuorin. Ang kulit din.

Tinulak namin ang bangka. Pero mukhang ako lang naman ang gumagawa. Kasi kapag 'di ko nilalagyan ng pwersa... walang usad. Pinipigilan ko tuloy ang matawa. Panay rin ang tingin ko sa paligid. Baka may makakita sa 'min o sitahin.

"'Wag kang masyadong tumingin-tingin, Kudos," sita ni AB. "'Wag kang papahalata. Itatakas lang natin 'tong bangka."

Natigil ako sa pagtulak. "I-Itatakas?"

"Ssssh!" Inilagay niya ang hintuturo sa tapat ng bibig ko, nanlalaki ang mga mata. Nanuyo lalamunan ko. "'Wag ka sabing maingay... hihiramin lang natin. Ibabalik naman." May pagtadyak pa siya sa buhangin. At hinawi ang buhok para takpan ang mukha.

Ah! Kaya nakalugay. At kaya rin siya naka-all black. Hustiya sa puti kong damit!

Mabuti hindi masyadong maliwanag sa kinaroroonan namin. Kokonti lang ang ilaw. Tanging liwanag mula sa half-moon ang nagsisilbing liwanag. Wala na rin gaanong tao. Nakakapagtaka kasi... wala nga talaga.

Napabilis tuloy ang pagtulak ko sa bangka papuntang dagat. Low tide ba? High tide? Inatake tuloy ako ng nerbiyos.

Tokwa! Ano ba 'tong ginagawa ko?

Hindi na nga marunong lumangoy... nagnakaw pa ng bangka.

Kaso mukhang nag-eenjoy si AB. Lalo na nung narating namin ang tubig. Parang batang nagtatalon-talon. Pero mukhang pinipigilan pa niya ang sariling magtitili.

Kabado na ako, hanggang tuhod pa lang. Hinubad niya ang tsinelas, inilagay sa bangka. At sumakay siya. Nag-alangan ako kung itutulak ko pa ba palayo... pailalim.

Safe ba 'to? Baka may mangyaring 'di maganda?

Nakng, Kudos! Nag-ooverthink ka na naman.

"Itulak mo pa konti..." suhesyon niya. "Tapos sakay ka na." Ginawa ko na lang. Napakapit ako sa gilid ng bangka nang makasakay. Napapikit. Parang tataob! Hindi nga 'to safe.

Tumawa si AB. "Hindi 'to babaliktad. Dahil may mga pakpak." Tinuro niya ang sa magkabilaang gilid. 'Yung nagsisilbing pangbalanse ng bangka.

"P-Pakpak ang tawag diyan?" tanong ko.

Nagkibit-balikat siya. "Aba malay ko. Basta pakpak 'yan..." tawa niya tapos kinuha ang isang sagwan at pinaglaruan ang tubig. "Tumulong ka. 'Wag kukupad-kupad, ah!" Napapangiti na lang akong kinuha ang isa.

Tinuruan niya pa ako kung paano dapat ang tamang pagsagwan. Napapakunot ang noo ko na napapangiti na 'di ko alam.

"Mangingisda tayo!" masigla niyang anunsiyo nung nakalayo na kami. Ilang metro na ang layo sa buhangin. Hindi ko na maigalaw nang maayos ang katawan... kasi para talagang tataob. Ang liit na rin tingnan ng resort.

Wala naman sigurong pating? Nakng! Mga naiisip ko, eh.

Hindi malakas ang alon. Kalmado ang dagat. Hindi rin masyadong malamig ang hangin. Parang ang sarap maligo... pero ayoko. Baka malunod ulit ako.

"M-Mangingisda?" Nanlaki mga mata ko.

"Gosh!" Napailing siya. Hindi alam kung matatawa ba. "Papaniwalaan mo talaga sasabihin ko palagi? Wala tayong lambat, KD oppa." Nag-iwas ako ng tingin. Napapindot sa tainga. Tokwa! "Wala ring pamingwit. Ano'ng gagamitin natin?"

Malay ko ba kung ano'ng gusto niyang gawin.

"Gusto ko lang tumambay sa gitna ng tubig. Ang sarap kasi sa feeling. Ang refreshing. Nakakakalma. Nakakawala ng problema. Ngayon ko lang ulit magagawa. Wala naman kasi ganito sa Manila," ngumiti siya at huminto sa pagsagwan. "Mukhang nasa malalim na tayo. Nakakaexcite!"

Nanigas ako. Bigla rin yatang namutla. Nakatitig lang ako sa mukha niya.

She loves water; the sea. I hate it.

Nakaupo kami paharap sa isa't isa. Mga limang dangkal ang layo. Hindi ko mavisualize ang buong mukha niya, pero ang saya-saya niya. Salamat sa munting liwanag ng buwan at backlight sa kanyang cellphone. Naiwan ko phone ko sa kwarto.

Gumiwang ang bangka nang gumalaw siya para umabot sa tubig. Todo-kapit ako sa gilid ng bangka at parang gusto nang bumalik sa rest house.

"Gusto mong maligo?" Dumakot siya sa tubig at isinaboy sa 'kin. Napapikit lang ako. Tapos tumawa siya. Ni hindi ko maigalaw ang katawan. O ang ibaba ang kamay sa tubig... para gumanti. "Hindi malamig ang tubig. Mukhang ang sarap maligo. Kaso... walang pamalit. Malas!" Ngumuso siya. Napatadyak ulit kaya gumiwang muli ang bangka.

Tokwa! 'Wag kang masyadong magalaw, AB. Nakakatakot mahulog.

"Mukhang takot na takot ka diyan," humagikhik siya. "'Di tayo tataob, ano ba? Hindi ka mahuhulog. 'Di ka malulunod. Chill ka lang. 'Wag masyadong mahigpit kapit sa bangka... baka madurog ang kahoy. Kawawa naman."

Parang lalamunin na ako ng kahihiyan sa mga oras na 'to. Mas matapang pa siya sa 'kin, eh. Kasalanan ko ba'ng may phobia ako sa tubig?

Gumalaw ulit siya para abutin ang tubig. Nakakakaba na para siyang mahuhulog. Gusto ko siyang abutin pero natuod ako sa puwesto. Pinanuod ko lang siyang nilalaro ang mga kamay sa tubig. Nakangiti. Ang aliwalas ng mukha. Gusto niya talaga sa tubig.

"Ay... pating!" Napatili siya't napausod papunta sa direksiyon ko. Mahinang napahiyaw din tuloy ako. Mas natakot sa reaksiyon niya. Pinukpok ang dibdib. Muntik nang mapatalon sa tubig. Tokwa!

Mas lumakas ang tawa ni AB ngayon... "Gosh, Kudos! You're so..."

Nakng! Pinagtitripan niya ako.

Halos mamilipit siya sa kakatawa. Ilang beses akong napabuga ng hangin para pakalmahin ang sarili. Pinupukpok ang dibdib. Para akong aatakehin sa puso. Ibang klaseng babae. Nakaka...

Nakakabaliw.

Nang mahimasmasan siya... binitiwan niya ang cellphone sa lapag ng bangka at tumayo. Nanlaki ang mga mata ko. Tumalikod siya sa 'kin. Siya ang nasa unahan ng bangka... tanaw ang malawak na dagat. Itinaas niya ang dalawang kamay sa magkabilaang tagiliran niya. Nililipad ang kanyang buhok. Parang 'yung scene ni Rose sa Titanic. Sumigaw siya ng... "Woooah! Ang sayaaa."

Mahigpit ang kapit ng isang kamay ko sa bangka... at ang isa nakataas na gusto siyang alalayan. Mas lalo kasing gumiwang at para siyang maa-out-of-balance.

Lumingon siya. Tumingin sa kamay ko at ngumiti... "Tayo na, Kudos." Tumikhim. "Ay mali. Tayo ka, Oppa," at tumawa. Nakatitig lang ako sa kanya. "Fighting!"

Parang sasabog ang dibdib ko. Dahil sa kanya. Dahil sa mga pinaggagawa niya. Dahil nasa gitna kami ng dagat na pakiramdam ko... sobrang lalim na. Dahil sa eksena. Dahil sa lahat.

"Hindi ka nga mahuhulog," napasimangot siya sa reaksiyon ko. "Saka hindi 'yan gano'n kalalim. Pero may pating. Tapos ang mga pating, kaya nilang makaamoy ng dugo kahit apatnapung libong metro ang layo."

Kinukumbinsi niya ba ako o tinatakot lalo?

"Halika! Aalalayan kita..." Hinawakan niya ang kamay ko. Humigpit lang ang hawak ko sa kamay niya, pero hindi ako tumayo. Parang ang bigat-bigat ng puwet ko. Ayaw sumunod ng katawan. "Sige na... 'di naman kita bibitiwan."

Tumagal ng ilang segundo ang titigan namin. Ayaw niyang magpatalo. Napabuntong-hininga ako.

Tinangka kong tumayo. Bumabalanse. Nanginginig ang mga tuhod. "'Yan! Face your fears..." Hinawakan niya rin ang isang kamay ko. Nagulat ako. Napabalik sa pag-upo. Nahila siya. Parang may tsunami dahil sobra ang paggalaw ng bangka. Muntik na siyang mahulog sa dagat. "Woooh..." tanging reaksiyon siya tapos hagalpak.

"B-Balik na tayo... it's too dangerous," namilipit dila ko.

Lumabi siya. "Ay... ang KJ! Mamaya na..." Wala pang dalawang minuto 'yung nangyaring muntik na siyang mahulog... tumayo ulit siya. Sunod-sunod akong napapabuga ng hangin.

Papatayin niya yata talaga ako sa nerbiyos.

Ilang beses pa niya akong kinumbinsi... o inuto para lang tumayo ako sa bangka. Ilang beses ko ring tinry. Ilang beses din nagfail. Ilang beses kamuntikan mahulog sa tubig... siya at ako.

Pero hindi ko napigilan ang mapakagat-labi, mapahawak sa tainga... at mapangiti sa mga reaksiyon niya. Lalo na nung magawa ko nang makatayo nang tuwid kahit mukhang tuod na hindi makagalaw-galaw... nanginginig pa mga tuhod.

"Sa wakas!" Mababa siyang napatalon. Gumiwang na naman ang bangka. Muntik na talaga akong mahulog sa dagat. Pero hinawakan niya ang mga balikat ko para i-stable ang tayo ko. Ngumiti siya.

Nakngtokwa! Parang ako 'yung babae sa aming dalawa. Asaaaar.

Nakakahiya ka, Kudos! Tukmol ka...

"Sorry... 'di na ako masyadong gagalaw. Relax ka lang diyan..." Itinaas-baba niya ang mga kilay sa 'kin. Tinatangay ng ihip ng hangin ang hibla ng kanyang mga buhok. Para siyang... "Look at the view. 'Yung alon. 'Yung mga puno. 'Yung malapit na isla. 'Yung half-moon. 'Yung mga ilaw sa mga bahay. 'Yung ibang mga kumikislap sa dagat... nangingisda sila. Pero konti lang mahuhuli dahil may buwan. Ang ganda, 'di ba?" Malawak ang ngiti niya habang tinuturo ang paligid.

Hindi ako makabaling sa iba. Hindi ko maigalaw ang katawan. Kahit ang mga mata ko... hindi magawang iiwas ang tingin sa kanya. Sa bawat reaksiyon niya.

Oo, ang ganda. Sobra...

Ibinalik niya ang tingin sa 'kin. "Piesta ba ng Batangas ngayon?" Kumunot ang noo niya. "Pero gabi na... bakit maingay pa rin. May naririnig ka?"

"H-Ha?" Lumunok ako. "Ano?"

"May nagtatambol." Kinagat ko ang labi. "Hindi mo naririnig? Ang lakas kaya. Ssshhh! Pakinggan mo..." Tumahimik siya saglit. Mas lalo rin yata akong nawala sa sarili. "Dinig mo na? Hala! Mas lumakas pa, eh. Saan galing 'yon? Abot hanggang dito ang pagtatambol? Grabe!" Luminga siya sa paligid. Tapos ibinalik din naman agad ang tingin sa 'kin. Tumitig. Kumunot noo. Inalis ang tingin sa mga mata ko... at bumaba sa dibdib ko.

Ginalaw niya ang mukha, tinagilid... paunti-unting dinikit palapat sa 'king dibdib. Nanlaki ang mga mata ko. Nakngtokwa! "Gosh, Kudos! Ang bilis ng tibok ng puso mo. Ang lakas din. Natatakot ka talaga-"

Napaatras ako. Gumiwang ang bangka. Nawalan ako ng balanse. Kumapa ng makakapitan. Kaso hangin. Mahuhulog. Mahuhulog ako. Hinawakan ni AB ang siko ko para hilahin ako pabalik... pero nadala ko lang siya... pabagsak sa tubig. Napa-wooh!

Dinig ang malakas na pag-splash ng aming pagkahulog. Ang impit niyang tili. Tapos natawa na lang siya. Ang pag-uga ng bangka. Pagbagsak... nakainom agad ako ng tubig. Napaubo.

Nangyari na ang ipinag-aalala ko... nahulog na ako. Susunod na rin yata ang kinakatakutan ko... malulunod ako.

Ilang beses akong nakainom ng tubig. Parang mapupuno ang baga. Ang sama pa ng lasa. Maalat. Nanunuot sa ilong na parang mabibingi rin. Tinry kong tumadyak, ikalampag ang mga kamay... pero hinihila ako pailalim.

Kung hindi lang nakahawak si AB sa 'kin... lumubog na ako nang tuluyan.

Hindi pa yata nagsisink-in sa kanya dahil natatawa pa rin siya sa nangyari sa 'min. "Ang epic! Gusto yata talaga akong pagligo-in..."

Unti-unting lumuwag ang hawak niya sa 'kin... hanggang sa bitiwan ako. Lumangoy siya palayo.

Pagbitiw niya, automatic ang paglubog ko.

Nanuntok ang panic. Nanipa ang takot. Dumilim ang paligid. Wala akong makita kahit ano. Wala rin akong naririnig... na ultimo tibok ng puso, parang hihinto. Napupuno ng tubig ang dibdib ko. Pakiramdam ko, may pumapasok sa ilong... sa tainga. At para ring may nakataling mabigat sa paa ko na hinihigop ako.

Hanggang sa may mahigpit na humawak sa siko ko't hinila ako paangat. "H-Hala, Kudos! 'D-Di ka... hindi ka marunong lumangoy?"

Hindi ko makita ang mukha niya dahil nakapikit ako. Pero dinig ko ang pagpapanik sa boses niya... at 'di rin yata niya kailangan ng sagot ko. Naramdaman ko ang pag-ikot niya sa tubig, pagtaas ng kanang braso ko at ipinatong - dumilat ako - sa balikat niya. Dumikit din ang kaliwa niyang palad sa likod ko... gumapang papunta sa tagiliran ko't mahigpit na kumapit.

Napasinghap ako.

Parang may nakalimutan. Na dapat may kiliti ako sa tagiliran? Ang muntik ko nang pagkalunod... ulit? Kaya dapat magpanik ako... o matakot? Na dapat kailangan kong kumurap? Hindi... dapat may gawin ako, pero nabablangko ako.

Kumapit... kumapit akong maigi sa balikat niya. Na ayoko nang bumitiw pa.

Ramdam ko ang paggalaw ng mga paa niya sa ilalim. Ang katawan niyang sobrang dikit na dikit sa 'kin. Ang panaka-nakang pagtama ng mga binti niya sa binti ko... at ang pagkumpas ng kamay niya sa tubig.

Parang gusto kong ganito na lang. Parang ang sarap hilingin na sana wala nang katapusan. Na i-pause ang nangyayari. Kaso... 'di p'wede.

Mapapagod siya.

Dahil siya lang ang gagawa ng lahat... ako kakapit lang. Ang unfair para sa kanya.

Narating namin ang sinasabi niyang pakpak ng bangka. Kumapit siya doon. Tinanggal niya ang kapit sa tagiliran ko. Saka binaklas ang braso ko sa balikat niya. "Kapit ka mahigpit... bilis. 'Wag kang bibitaw, ha?"

Kumapit ako sa kawayang pakpak. Pero parang lulubog pa rin ako kaya ipinatong ko ang dalawang braso. Ramdam ko pa rin ang takot... pero parang nabawasan na. Dahil nandiyan lang siya.

"Gosh, Kudos! Huminga ka..." Magaan niyang tinapik ang pisngi ko. "Hinga... nakalimutan mo yata."

After she said that, I blow out the air from my lungs... na kanina pa gustong kumawala.

Ah, right. That's what I forgot. I forgot... to breathe.

"Okay ka lang ba?" Hinihimas niya likod ko. "Kailangan mo CPR?" Bigla akong napaubo. Mahina siyang natawa. "Ah... mukhang okay ka na nga."

Napatitig ako sa kanya. Nakangiti na siya.

No, she's just smiling and laughing para pagtakpan ang panic at takot. Palagi niyang ginagawa 'yan. Ang itawa lang. Ang itawa lang ang lahat... 'yon ang paraan niya para maging okay siya.

Parang tanga akong tumango. Bumitaw sa kawayan para pukpokin ang dibdib ko. Kaso bigla akong lumubog. Natatawa siyang inangat muli ako.

"Sabi nang 'wag bibitaw, eh." Lumaki ang mata ko nang pitikin niya ang tainga ko. "Pasaway ka! Hindi ka pala marunong lumangoy. Ba't ka sumama?" Kinagat niya ang labi. Tapos pinitik muli ako sa tainga. Hinawakan ko ang tainga kaya lumubog ulit ako. "Ang kulit! Kumapit ka lang kasi," sabi niya pagkatapos niya akong iangat ulit.

Ako pa talaga ang makulit? Pinagtitripan niya ulit yata ako, eh.

"Kakayanin mo ba'ng umakyat sa bangka?" tanong niya pagkatapos. Inikot niya ang tingin sa paligid. "Masyado na tayong malayo sa dalampasigan. Kailangan na natin bumalik. Baka kung ano pa mangyari sa 'yo dito."

Sinama niya ako sa paglangoy papunta sa pinakakatawan ng bangka. Hindi ko alam ang gagawin nang lumubog siya sa tubig bigla. Tapos niyakap ang dalawang binti ko. Inaangat pero lumulubog kami parehas. Pag-ahon niya sa tubig... umuubo siya, nakainom yata ng tubig.

"Gosh! Ang bigat-bigat mo..." saka natawa. Kumamot sa ulo. "Paano ba 'to?"

Bumalik kami sa may pakpak. Kasi hindi ko maabot ang pinakataas ng katawan ng bangka. Kaya hindi talaga ako makakaakyat dun. Lumulubog pa. Ang sarap kaltukan ng sarili.

Nakng! Napakawalang silbi. Ang pabigat.

"'Wag kang bibitaw diyan!" Pinitik niya ako sa tainga. Napahawak tuloy ako doon at napabitaw sa pakpak. Lumubog. "Ay! Ang pasaway..."

Kinagat ko ang labi. Napapangiti.

Tokwa! Bakit ba ang saya-saya ko pa... eh kamuntik-muntikan na ngang mamatay?

Bumalik siya sa may bangka. Tila tumatalon galing sa tubig para abutin ang taas nun. Lumubog nang bahagya ang pakpak na hinahawakan ko kaya halos yakapin ko na 'to nang mahawakan niya.

Dalawang kamay niya ang nakakapit. Inaangat din ang isang paa pero hindi maabot ang tuktok. Parang hirap na hirap siyang buhatin ang katawan paakyat. "Uggggh!" Frustrated siyang sumigaw nung mapabitiw siya ulit.

Natawa ako. Ang kulit. Lumingon siya. Sigurado akong ngumuso siya saglit. Kaya tumikhim ako't pinigilan na 'wag nang matawa ulit. Lihim na lang. Ang cute niya, eh.

Ilang beses niya pang inulit hanggang sa tuluyang sumuko dahil 'di talaga siya makabalik sa bangka. Kaya lumangoy na lang ulit siya papunta sa may pakpak.

"Uggggh!" Ginulo niya ulit ang buhok. Tumingin siya sa dalampasigan at masyado talaga kaming malayo. "Kumapit ka lang diyan. Susukatin ko lang."

Susukatin ang?

Muntik na akong mapabitaw muli sa kawayan nang inilubog niya ang ulo sa tubig. Hanggang sa hindi ko na nakita ang kahit hibla ng buhok niya.

What... what is she trying to do?

Iginala ko ang paningin. Nakalimutan ulit yata ang huminga.

Mga ilang segundo pa nang umangat siya muli. Saka lang ako napabuga ng hangin.

"Gosh! 'Di ko naabot ang ilalim. Kailangan na talaga nating bumalik. Pa-high tide yata." Lumangoy siya papunta sa pinakaunahan ng bangka. "Kapit ka lang diyan. Tutulak ko lang pabalik sa pampang."

Nakahawak siya sa katawan ng bangka. Tipong tinutulak habang lumalangoy. Gumagalaw naman. Pero sobrang bagal. Ang unti ng usad. 'Di tulad nung patungo kami dito sa malalim kanina. Nakatitig lang ako sa kanya... 'di ko inaalis ang mga mata.

Mukhang pagod na pagod na kasi siya. Hinihingal. Nakakatakot din baka pulikatin. O mangalay ang mga braso. Ang mga binti... o baka. Basta. Nakakanerbiyos.

"M-May maitutulong ba ako?" tangka kong tanong. Kaso nakalunok ng tubig nung may malaking alon. Nakngtokwa!

Tumingin siya sa 'kin at tumawa. "Akala ko nalunok mo na rin ang dila mo nung nakainom ka ng tubig. Nakakapagsalita ka pa pala. Kapit ka lang mabuti diyan. 'Wag kang magpapalubog. 'Wag kang malulunod." Sumaludo siya gamit ang dalawang daliri.

"E-Eh, ikaw?" Lumunok ako. "Ayos ka lang?"

Full force ang pagtango niya na parang gustong baklasin ang ulo sa katawan. Ang kulit! "Ayos na ayos. Ako pa? Sirena ako!"

Makakahinga na sana ako nang maluwag kaso nagpahabol pa siya... "Basta... 'wag mong ipapakagat ang mga paa mo sa isda diyan. Para 'di ka magkasugat at walang dugo. Maaamoy ng mga pating. Nakaputi ka pa naman... kitang-kita ka nila," seryosong sabi niya.

Napanganga ako. Ilang beses lumunok.

Seryoso talaga 'yung sinabi niya? Sht!

Lumangoy siya patungo sa kabilang side ng bangka kaya 'di ko siya makita. Gusto kong bumitaw para sundan siya. Kaso... suicide attempt 'yon. Napahigpit lalo ang kapit ko sa kawayan.

Ano ba ginagawa niya?

Bumabaliktad mga lamang-loob ko 'pag 'di ko siya nakikita. Hindi ako mapanatag. Baka kung ano mangyari...

May maliit na dumikit sa paa ko. Sht! Ginalaw-galaw ko ang mga paa pero mukhang tanga na pinipigilan din kasi gumigiwang ang bangka. Totoo ngang maraming isda. Pero may mga nangangagat talaga? Sinubukan kong titigan ang ilalim ng dagat. Pero... masyadong madilim. Pinakiramdaman ko rin ang paligid.

Nasaan na si AB?!

May dumikit ulit sa paa ko. Nakakaawa na ang kawayang pakpak sa higpit ng yakap ko. Napabitiw ako nang may pinong kumagat sa binti ko. Nakngtokwa! M-May isda nga?

May gumagalaw sa tubig. Dumikit sa katawan ko. Nataranta ako. Inabot ang pakpak... pero napalubog na ako. Napanganga nang kumapit sa damit ko sa dibdib ang gumagalaw at hinila ako paangat. Pag-ahon ng ulo ko... namin... lutong ng tawa ni AB ang una kong narinig. 'Yung tipong kinikiliti kasi mukhang 'di matatapos agad.

Napaubo ako't kinapa ang pakpak para kumapit. Gusto kong ipukpok ang isang kamay sa dibdib ko. Kaso nakahawak pa rin siya sa 'kin.

Natulala ako sa mukha niya. Naghahabol ng hininga. Para akong mauubusan ng hangin ano mang oras. At ang lapit-lapit niya pa. Tumatama sa may labi ko ang hininga niya dahil tumatawa siya.

Alam ko... kailangan ko kumalma. Pero paano?

Nilulunod niya ako. Paunti-unting... pinapatay!

"Gosh! You're so..." Gano'n din siya... parang mauubusan ng hangin sa kakatawa. Naniningkit pa lalo ang mga mata. "Sorry! 'Di ko na uulitin. Ikaw kasi, eh... masyadong inosente."

Ilang beses akong lumunok. Siya... siya ba 'yung kumagat sa binti ko?

"Bakit ang inosente mo, 'no?" Hindi ako makakurap. Sa mga oras na 'to, gusto ko nang ialis sa kanya ang titig ko.

Masyado siyang malapit. Nakakadistract. Nakakawala sa sarili. Kinagat ko ang labi. Tinakpan ang kanyang mukha gamit ang kamay.

Nasamid siya. Pinalo ang kamay ko. "Hala siya! Ano'ng ginagawa mo?"

Tinakpan ko ulit ang mukha niya. Tokwa! 'Wag kang makulit, AB. Ang hirap na, eh. Ang hirap hirap nang... magpigil.

Kinagat niya ang kamay ko kaya nailayo ko habang nanlalaki ang mga mata. "Anong trip 'yan?" natatawang sambit niya't tinakpan din ang mukha ko gamit kamay niya.

Okay, I give up!

Hinawakan ko ang kamay niya gamit ang free hand ko't inalis sa 'king mukha.

"Y-You're so close..." I whispered. Unti-unting nabura ang ngiti niya. She looks serious now. So am I. "So close... that I can smell your scent. So close... that I can feel your warm. So close... that I can hear your breathing. So close... that it scares me. So close... that I want to kiss you so bad, to hold you... and never let go."

~.~.~



  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE