Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Habang nakikipagsiksikan sa MRT. May nahulog na diary. Diary ng NBSB. Napulot ng isang lalaki. Lalaking ang hobby... magpaiyak ng mga babae.

< Kudos Pereseo >

NAKNG...

Tokwa!

Pinakatitigan ko ang green card na natuklap mula sa maingat na pagkakadikit sa back cover ng diary. Pumikit. Dumilat. Pero klarong-klaro ang mga nakasulat.

Sht!

Ilang beses kong kinaltukan ang sarili dahil hindi ko kaagad napansin. Bakit ngayon ko lang nakita?

Minsan talaga 'yung mga hindi mo iniexpect na bagay at mga hinahanap mo... nandiyan lang sa tabi-tabi mo. 'Di mo lang napapansin dahil hindi mo inaasahan na iyon na pala.

Nakng! Saan nanggaling ang hugot na 'yon?

Mabilis kong sinave ang contact sa dating pangalan. My...

Ito na siguro ang number ni AB. Sana naman totoo na 'to. Sana ito na talaga. Sana hindi na siya nagpalit ng SIM. Kasi kapag hindi...

...hindi ko na rin alam ang gagawin.

Pinipigilan ko ang panginginig ng kamay. Kinagat ang labi at ilang beses tinatap ang isang paa sa sahig. Narating ko na yata lahat ng sulok ng kwarto dahil sa palakad-lakad. Namamanhid na rin ang tuktok ng tainga sa kakapisil. Nakng!

Bakit ba tensiyonado ako?

Parang tatawagan ko lang si AB para alamin kung 'yon pa ba ang gamit niyang number. Ang dali-dali lang.

Kaya bakit ako kinakabahan?

Tukmol ka, Kudos! Umayos ka. Sht ka!

Isang miscall lang.

Hindi mo kailangan gumawa ng mga kacornyhang linya para magtext. Tawag lang. Isa lang. Aalamin lang kung valid pa ang number.

Ang dali lang, 'di ba?

'Di ba?

Pinunas ko ang likod ng kamay sa namumuong pawis sa noo. Dinala ang cellphone sa tapat ng tainga at pumikit. Pigil na pigil ang hininga habang hinihintay ang pagbasag ng katahimikan mula sa kabilang linya.

*Ring...

Napatalon ako pagkarinig ng ringtone. Mabilis kong kinancel ang call. Dinadaga ang dibdib. Tila may nagtatambol. May papiesta yata sa loob ng sikmura ko. Tokwa!

Ibinulsa ko ang cellphone at lumabas ng kwarto. 'Di ako p'wedeng tumigil sa loob. Baka tumawag ulit ako o magtext at kung ano pa'ng masabi ko kay AB. O baka hindi ko alam kung ano'ng sabihin kapag sinagot niya ang tawag...

...matatameme ako. Nakakahiya.

Kailangan ko munang mag-isip at kumalma.

Ilang beses akong humugot nang malalalim na hininga. Ihinilamos ang palad para mapunasan ang pawis sa noo't ilong. Bakit ba napakainit sa apartment na 'to? Nakng...

Naririnig ko ang kaguluhan sa ibaba. May mga nag-uusap. May nagtatalo. Tapos may tawanan. May diin ang boses ni Risk. At naririnig ko rin ang boses ni Paris.

Kumunot ang noo kong bumaba kahit 'di pa rin kumakalma ang pakiramdaman. Kailangan ko ng distraction.

Tatlong baitang na lang sa sahig na ako ng sala nang magvibrate ang cellphone ko sa bulsa. Kinapa ko at tiningnan kung sino ang salarin.

My Property calling...

Nanlaki ang mga mata ko't namali ang hakbang pababa. Dumulas ang pagkakaapak ko't na-out-of-balance hanggang sa mahulog ako pabagsak. Malakas ang kalabog at impact. Unang bumagsak ang puwetan ko, sumunod ang naitukod na kamay. Tumama ang likod sa gilid ng glass table sa sala. Sht!

I cursed silently. Ramdam ko ang pagdaloy ng kuryente mula sa kamay ko pataas. Mas masakit kaysa 'pag namamali ang tumba ko kapag nagbabasketball.

Lumapag ang cellphone sa may paanan. Nagriring pa rin.

Natigilan ang mga tukmol sa kaganapan at napatitig sa 'kin. Tapos nagtawanan. Sina Risk at Paris lang ang diretso pa rin sa pag-aagawan ng isang box. First-aid kit yata. Parang may sariling mundo na nagsasagutan sa hindi ko alam kung ano kaya hindi napansin ang nangyari sa 'kin.

'Yung kambal-tuko ang may pinakamalakas na halakhak. Kontrabida talaga sa buhay ang mga tukmol na 'yan.

"Boy, ayos ka lang?" tanong ni Steel na hindi ko alam kung nagpipigil ng tawa o ano.

"Lutang ka yata, boy..." sabi ni Shield at binalik ang tingin sa pinapanuod na tennis game.

"Masakit mahulog, ano? Lalo na kung walang sasalo sa 'yo, ramdam mo 'yong impact nang buong-buo..." sabi ni Psalm sabay tawa ulit.

Si Philemon naman napulot na ang cellphone ko. "Boy, sino 'tong My Property?" Pinaningkitan niya ako ng mga mata. "Pumapag-ibig ka na? Akala ko ba si AB?!"

Tokwa!

Dali akong tumayo at hinatak ang cellphone ko. Sinagot ko ang tawag at dumiretso sa loob ng banyo. Naglock. Para walang istorbo.

Nirecord ko ang tawag. Para lang may remembrance ng una naming pag-uusap.

Pero bago pa ako maka-hello... nagsalita na ang boses sa kabilang linya.

Mariin kong kinagat ang labi. Pumikit. Hinawakan ang tuktok ng tainga at pinindot. Pinisil-pisil. Pinitik. Sht!

Tokwa ka, Kudos! Kalma...

"Hello, Mader!" sabi ng boses sa kabilang line. Mahina. Na may diin.

Kumunot noo ko.

Mader?

Tiningnan ko pa muna ulit ang screen ng phone. Sure naman ako na si "My Property" ang kausap ko.

Bakit mader?

Mother? Mama?

Ibinalik ko ang cellphone sa tainga. Ibinaba ang puting cover ng basin at umupo doon.

"Kanina ka pa po tumatawag, Mader. Ang kulit! Tatawag naman po ako mamaya after basahin nitong update ni author sa Wattpad, eh," sabi pa ng boses na parang nagmamaktol. Medyo mabilis din magsalita na parang laging excited sa lahat ng bagay. Hindi masakit sa tainga. "Isang chapter na lang."

Makakatagal ako ng buong araw sa boses niya kahit salita lang siya nang salita. Makikinig lang ako. Hindi ako magrereklamo.

Kinagat ko ang thumb finger. Nangingiti pero pinipigilan magsalita o makagawa ng tunog.

Kung akala niya "mader" niya ang kausap, so be it. Hihintayin ko reaction niya kapag nalaman niyang hindi.

"Istorbo, eh. Nandoon na po ako sa intense na chapter. Nagconfess na 'yong bidang lalaki, Mader. Pahalik na. Pahalik. Papasok na sa kwarto. Tapos. Tapos... secret." Saka siya mahinang tumawa.

Pinipigilan ko rin ang matawa. Ang kulit!

"Mader, bakit ang tahimik mo?" Tumigil ako sa paghinga. Bigla rin kasi siyang tumahimik. Baka naririnig niya. Sht. "Teka. 'Wag mo pong ibababa, ah. Last call na lang 'to sa promo ko. Hindi na ako makakatawag mamaya. Wait lang. Isang kembot na lang."

May kumaluskos. Inilapag niya yata ang cellphone. May tubig na tumutulo. Mula sa gripo? Parang oo.

Ano'ng ginagawa niya? Naghuhugas ng plato?

Napanganga ako nang may narinig akong mahinang umere. Nakng! Nasa loob siya ng CR. Is she...

Isinubsob ko ang ulo sa pagitan ng mga tuhod. Pinipigilan ang tawanin. Sana walang tunog ang tawa ko.

"Let it go. Let it go. I can't hold it back anymore. Let it go. Let it go..." kumanta rin siya.

Gumagalaw ang mga balikat ko pero walang tunog ang tawa. Tokwa! Ang hirap magpigil. Masakit sa tiyan.

"Mader, anong pagkain ang pampalambot ng pupu? Mahirap po tumae nitong nakaraan, eh. Masakit sa puwet. Kailangan ng bonggang ere bago lumabas, pero 'pag kinapos ang ere... bumabalik. Kulang yata ako sa tubig." Tinakpan ko na ang bunganga kasi may kumakawala ng tunog. "Mader! Nandiyan ka pa po ba? Hala! 'Wag mo ibababa. Wala na ako load. Teka. Teka..."

May mga kaluskos ulit. Puro tunog ng tubig. May pagbuhos. Pagflash. Saka pinatay ang gripo.

"Woo! Success..." Napapatae na rin yata ako kakapigil ng tawa. "Hello, Mader? Ano po problema?" Hindi ako nagsalita. Nakikinig lang ako sa kanya. Saka 'di ko rin alam ang sasabihin. "Hello, Ma? Yuhooo."

Huminga ako nang malalim. Tumikhim. "Hello..."

"Ay hala!" Medyo humina ang boses. Nilayo yata sa mukha niya para tingnan ang screen. "Mader, bakit nag-iba ang number mo? Nakitawag ka lang po kanina? 'Di ko nasagot, eh. Saka bakit nag-iba rin boses mo, Ma? Tunog lalaki. Sinisipon ka po ba?"

Sinisipon? Nakng! Tunog minamalat ba ang boses ko?

"Hello, Dale?" sabi niya nung walang umimik sa 'min. Pinapakinggan ko lang ang mahina niyang paghinga. "Ikaw ba 'yan? Isang hello nga ulit diyan. 'Di ko kayo marinig. Masyadong tahimik."

Pinipigilan ko ang tawanin pero 'di ko mapigilan ang pagngiti. Medyo nilakasan ko rin ang boses. "Hello?"

"Ay hala! Dale? Bakit pumogi ang boses mo? Ano'ng sekreto mo? O nagkaroon ng milagro? O baka may tinitake kang gamot? Nagdadrugs ka ba? Adik ka! Ipapatukhang kita!"

Hindi ko na napigilan ang pagtawa. Sa 'ming dalawa... mas mukha siyang high. "Hindi ako si Dale."

"Ay hala! Kung hindi ikaw si Dale, sino ka?" Natahimik ako. Sasabihin ko ba ang pangalan ko? Ang totoo? Ibabalik ko na ang diary? Pero hindi ko pa nababasa lahat?

"Waaah!" Bigla siyang napatili na parang humahagulhol. Nagsalubong mga kilay ko. "Kuya, 'wag po. 'Wag mo pong sasaktan ang pamilya ko. Wala po akong pangransom. Pulubi lang kami. Pakawalan n'yo na po sila. Hindi ako magsusumbong sa mga pulisya."

Tumawa na naman ako. Ang kulit. Baliw na babae.

"Hoy, dre! Ikaw ba 'yan? Loko ka, ah. Pinagtitripan mo na naman ako, ano?"

"Kudos 'to," nasabi ko na bago ko mapigilan ang bunganga.

"Kudos-kudos ka pa diyan. Pinagtitripan mo na nga ako, ikukudos pa kita? Adik! Baka gusto mo palakpakan ko pa mga kalokohan mo?!"

Napakamot ako sa batok. "Ah, hindi. Hindi ako si Dale. Kasi ano... mali ka yata ng nata--"

"Ay hala po! Waah. Wrong call ako. Sorry, Kuya. Sorry po. Jusko po. Nakakahiya po. Sorry po. OMG po!"

Hysterical ang paghingi niya ng sorry. Ang daming po. Sa tono ng boses niya, hiyang-hiya talaga siya. Pakiramdam ko namumula ang kanyang mukha. O baka parang hihimatayin ang itsura.

"Sorry po talaga, Kuya. Gosh! Akala ko po si mader. Nasa call logs po kasi ang number mo. Kaya akala ko po... teka... bakit po kayo tumawag kanina?"

Namasahe ko ang batok. Tokwa! Ano ang sasabihin ko?

"A-Are you AB?"

Sht ka, Kudos! Bakit ka nagtatanong ng obvious? Tukmol ka!

"Ay hala po! K-Kilala n'yo po ako? Gosh! Nakakahiya po. Sorry po, Kuya. Sorry po talaga. Pasensiya na po sa abala. Sige po."

"Wait--"

*toot toot toot*

Napatitig ako sa naputol na tawag. 11:06 minutes ang exact time ng recorded call.

Napahinga ako nang malalim. Saka pinakawalan ang kanina pa pinipigilang tawanin. Saka ko lang din napansin na kanina pa may kumakatok sa pinto ng CR. 'Yung mga tukmol.

Ibinulsa ko ang cellphone bago binuksan ang pinto. Muntik pa ma-out of balance si Psalm pagbukas ko.

"Sino 'yung si My Property? Akala ko ba si AB ang trip mo? Sino 'yon, Boy?" Sinundot-sundot ako ni Philemon sa tagiliran. Nakng! Malakas ang kiliti ko doon.

"Bakit ka namumula?" tanong ni Psalm.

"Bakit ka natatawa?" dagdag ni Phil.

"Tae! Ang soslow. Baka si AB 'yon," sabi ni Steel kaya nanlaki ang mga mata ko sa kanya.

"Si AB nga, boy?" tanong naman ni Shield.

Nakng! Bakit ba ang tsismoso nila? At bakit nakatayo sila sa harap ng CR? Sarap batukan ng mga tukmol.

Mabuti pa si Risk. Teka! Nasaan ang tukmol na 'yon?

"Pussycat! Pag-ibig na talaga, boy? Real na real na?" Sinundot ulit ako ni Philemon sa tagiliran.

"Paano mo nakontak? Si AB talaga, Boy?" 'Di makapaniwala si Psalm.

Napapailing na lang ako sa reaksiyon nila. Mga dilat ang mga mata. Nakanganga. Sarap bigwasan. Pero napangiti na lang ako't tumango.

"Ang cute ng boses. Ang kulit. Nakaka..."

Sabay-sabay nila akong kinuyog. Inakbayan. Muntik pa kami matumba. Mga tukmol talaga.

"Nakakakilig?" si Shield.

"Nakakapanlambot ng tuhod?" si Psalm. "Nakakatunaw ng puso?"

"Baka nakakainlove," si Steel.

"Nakakaturn-on?" si Philemon. "O nakakapatigas..." Binigwasan ko nga. "Pussycat! Ng kalamnan, Boy. Kasi nakakakaba. Ba't ka nambabatok? Isip mo, ha!"

"Mga tukmol! Nakakatuwa..."

Binaklas ko ang mga kamay nila sa 'kin. Sumasakit ulo ko dahil sa kanila.

Nagvibrate ang cellphone ko sa bulsa. May nagtext. Tiningnan ko.

From... My Property.

Kinuyog na naman ako.

"Pakilala mo kami kay AB, Boy," hindi ko na napagtuunan ng pansin nagsabi niyan.

"'Wag kayong magulo!" Pahirapan pa ang pagpagpag ko sa kanila bago nakumbinsi na tigilan ako. Basta i-update ko na lang daw sila sa mga happenings about sa 'min ni AB.

Ba't ko naman kailangan i-report sa kanila?

Tumango lang ako para walang mga pakialamero. Pero tokwa! Bahala sila.

---
From: My Property

Sorry po talaga. Ang engot ko. Kalimutan mo na lang po ang nangyari, Kuya. Ha? Please... :(
---

Napangiti ako. Para akong timang na nagtype ng message para magreply.

---
To: My Property

Okay lang. Ikaw pa.|
---

Binura ko muna ang "Ikaw pa." bago ko sinend.

~.~.~



  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE