Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Habang nakikipagsiksikan sa MRT. May nahulog na diary. Diary ng NBSB. Napulot ng isang lalaki. Lalaking ang hobby... magpaiyak ng mga babae.

DD,

Mylabs, I miss you so much!

Mixed emotions ako ngayon. Bagong gupit kasi ang buhok ko. Lagpas na ngang balikat ang haba pero ginupitan na naman ni mama. 'Yung hanggang balikat lang talaga. Dalaginding na ako, bakit 'di ako p'wedeng magpahaba ng buhok?

Sabi ni mama, kailangan daw gupitan palagi para kumapal. Sobrang nipis kasi ng buhok ko, eh. Kumapal lang nang konti sa buhok ng mais. Grabe si mama, noh? Kinumpara pa sa mais.

Tapos 'yon, katatapos lang ng Cadets Rally namin. 3rd place kami sa singing group. 2nd si Rury sa solo. 3rd din kami sa duet. 1st ako sa Bible Drill, tapos 1st si Rury sa Bible Quiz. Oh, 'di ba? Hakot awards!

Kapag pinaghirapan mo talaga ang isang bagay, worth it ang magiging resulta sa huli.

May mga bagay din na sadyang natural at effortless. Ano? Kagandahan ko. Boom!

Sabi po 'yon ni mama, ang kadiyosahan namin... in-born.

Meaning, it's a God's blessing.

After ng contest, hindi kaagad umuwi ang mga cadets. May kainan syempre at getting to know each other with other churches. May mga bagets nga na nagpapacute sa 'min ni Rury. Ang diyosa talaga ni Rury! Bagay sa kanya ang apelyido niya... Anjosa!

Aalis na muna ako, sasama pa kasi ako kay Lolo Matikas sa bingohan. Naglalaro siya, eh. Saka tong-its. Nakikisigaw ako ng sa letrang B, mga gano'n. Saya-saya kaya. Ang sarap sa tenga kapag inaalog 'yong mga binubunot. Saka lucky charm ako ni lolo. Palagi siyang nananalo sa tong-its dahil sa 'kin.

Kasama rin si Lola Marikit. Nagtitinda ng mga chichirya, candy at yosi. Sasama ako kahit tatawid pa ng ilog. Masarap kaya manuod ng nagbibingo na mga matatanda. Saka sayang 'yong limang piso na suhol ni lola pagkatapos.

Nung gabi na, nanghuli kami ng mga alitaptap. Ang dami kasing umiikot doon sa likod ng bahay namin. Sa puno ng mga mangga. Nilagay namin sa plastic. Tapos may nakita akong bubuyog na namatay sa sahig. Pinulot ko. Kinagat ako. 'Di pa pala siya patay. Huhuhu. Mylabs, namamaga ang daliri ko.

PS: Sabi ni tito may lalabas daw na kanin at bulldozer. 'Di naman ako naniwala. Pero nakamamatay ba kagat ng bubuyog? Gagawa na ba ako ng last will and testament? Wala akong limpak-limpak na kayamanan at ari-arian, pero may ipon ako sa alkansiyang baboy na palagi ko ring sinusundot-sundot ang laman. Kanino ko ipapamana aking napag-ipunan?

Namomroblema at kinakabahan,
Angelica Bianca C. de Makapili

... ... ...

AlphabetSenpai's WOW

Identify your inner beauty. Be aware of your own personal identity. You know who you really are. Stop trying to please other people or be like them. It's better to be an original version of yourself than an imitation of someone else.

*.*.*

< Kudos Pereseo >

Itiniklop ko ang diary at inilagay sa drawer ng table ko. Inilock ko rin at ibinulsa ang susi. Mahirap na. Baka mabasa na naman ng mga tukmol na pinsan ko.

Lumabas ako ng kwarto. Nakasalubong ko si Risk na saktong papasok. Naamoy ko ang perfume ng babae. Kitang-kita ko rin ang mga pulang marka sa leeg niya.

"Tamang-tama, Boy. Kakain na raw sabi ni Steel," masayang sambit niya. Lutang na naman ang pakiramdam ng loko. May pinasukan at pinutukan na naman, eh. Tumalikod na siya. Mukhang sinundo lang yata talaga ako.

"Boy..." Napalingon siya sa 'kin. "Pautang naman. May bibilhin lang." 'Di naman nauubusan 'yan. Siya mapera sa 'ming magpipinsan.

"Uutang?" Tumaas kilay niya. "Bago 'yan, ah. Never kang nangutang sa 'kin, Boy. Ano ba 'yang bibilhin mo? Mukhang importante." Nginisian niya ako nang nakakaloko. Lumabas ang malalim na dimple sa kaliwang pisngi. "Condom?"

Nakng! Ginaya niya naman ako sa kanya. Kung sino-sino lang tinitira.

"Bible," mabilis kong sabi na ikinatahimik niya saglit.

Nang makabawi, ang lakas ng hagalpak ng ugok at hinampas-hampas pa ang pinto. Saka siya nagtatakbo pababa ng hagdan. "Mga boy, bibili ng Bible si Kudos. End of the world na, mga Tsong!" Nagtawanan din ang mga tukmol. Putek 'yan.

Sinusumpa ko ang maging Pereseo!

Dapat naging newscaster 'tong si Risk, eh. Atat na atat magpakalat ng mga nagbabagang balita.

Bumaba na rin ako. Sabay-sabay kasi kaming kumakain magpipinsan. Pero naririndi ako sa mga hagalpak ng mga tukmol. Sarap pagbabatohin ng tsinelas. Lalo na sina Psalm at Philemon. Pakiramdam ko double meaning 'yong tawa nila, eh. Pati ang mga titig. Kakaiba. May pinapahiwatig.

"Bibili ka ng Bible dahil kay AB, ano?" natatawa pa rin si Psalm.

"Seryoso ka talaga, Boy? In love ka na dahil sa diary? O kilala mo talaga si AB?" dagdag pa ni Philemon.

Mga tukmol! Ano ba'ng pinagsasabi nila? Ako? In love? Kay AB? Nakng! Imposible.

"Sino si AB?" sabay na usisa nina Steel at Shield. Parang biglang nagkaroon ng interes sa topic. Titig na titig sila sa 'kin ngayon. 'Di na nga tumatawa. 'Yung kambal na lang. Kabagan sana.

"The girl in the diary. Crush ko nga, eh..." sabi ni Philemon. Tumalim ang titig ko sa kanya na tinaasan niya lang ng sulok ng labi. "Kaso gusto rin ni Kudos. Kaya back-off na kami ni Psalm. Off limits na. Saka 'di tayo napatol sa pagmamay-ari na ng kung sino sa atin. At minsan lang naman magkagusto 'yang si Kudos. Support na lang."

Gusto kong ipagtanggol ang sarili. Kumontra. Pero nanatiling tikom ang bibig ko. Walang lumabas ni isang kataga. Lalo na't inakbayan ako ni Risk at mahinang sinuntok sa balikat.

"Totoo, boy? In love ka na? Bakit nahuli ako sa balita?" Hindi na siya tumatawa. Nag-iinarte na nga, eh. Nagpapaawa ang boses. Nakng! "Ako ang best friend mo, dapat ako unang makakaalam. Pakilala mo naman ako sa chix mo, oh."

Nanigas ang panga ko. Pero hindi ako nagkomento. Hinayaan lang ang mga nag-aakusa nilang mga tingin sa 'kin. Napapindot ako sa tuktok ng tainga. Bumuntong-hininga.

Dapat talaga 'di ko na sinabi kay Risk na bibili ako ng Bible, eh. At bakit ngayon ko lang naisip 'to?

Magdodownload na lang ako ng Bible App mamaya.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE