Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Habang nakikipagsiksikan sa MRT. May nahulog na diary. Diary ng NBSB. Napulot ng isang lalaki. Lalaking ang hobby... magpaiyak ng mga babae.

DD,

April 25, 2010

Date na tumuntong ako ng lungsod.

Kaso ito ang taon na kailangan kong tumayo sa sarili kong mga paa.

Ito ang panahon na magiging independent ako... at the age of 15.

Ito ang sitwasyon na malalayo ako sa pamilya ko.

Excited ako sa bagong yugto ng buhay ko, at the same time... natatakot.

Pinipigilan kong umiyak nung paalis. Sa barko nililibang ko ang sarili. May mga nakasabay akong kabatchmates na sa Manila rin mag-aaral.

Ako undecided pa rin kung saan. Hinihintay ko ang desisyon ni papa.

Ilang beses pa akong nagsuka sa barko at bus... grabe! Bata pa lang ako mahilohin na ako sa biyahe... hanggang ngayon pa rin pala.

Paglapag ko ng Manila, pansin ko na agad ang malaking pagkakaiba nito sa probinsiya namin. Ibang-iba ang environment. Masyadong maraming tao. Kahit saan ako tumingin, may mahahagip ang mga mata ko.

Marami ring mga sasakyan... traffic. Sa 'min kahit magrace... p'wede.

Maraming matatas na mga gusali. Maraming malls. Masarap tumambay dahil sa aircon. Electric fan lang kasi sa 'min... kahit sa school.

Masyadong nakakaculture shock.

Pero may mga napansin din ako na hindi ko nagustuhan. Masyadong marumi. Maraming basura kahit saan. Marumi ang ilog. (Hindi na ako makakalangoy.) Wala bang mga manners ang tao sa Manila? Bakit ang dugyot nila? May mga basurahan naman... bakit 'di kayang magtapon ng basura sa tamang tapunan?

May mga taong nakahiga sa lansangan, walang makain... walang tirahan. Naisip ko, ang swerte ko pala. Hindi man ako mayaman, hindi ko naman naranasan ang buhay na meron sila.

Mabilis ang oras. Busy ang lahat. Natutulog pa ba sila? Sa amin kasi... 7 PM pa lang, may natutulog na. Dito ala una na ng madaling-araw, may mga nag-iinuman at nagvivideoke pa. Marami pang tao sa kalsada.

Nakakatakot din gumala. Bukod sa hindi ako pamilyar sa lugar, at kahit na hindi ako ligawin... mukhang maliligaw talaga ako. Gosh! Bakit ang daming kalsada?

Saka nakakaintimidate ang mga tao. Maraming sosyalin. 'Yung tipong ang yayaman, ang ganda ng mga pormahan. Hindi ko napigilan ang mapangiti. Kung sa probinsiya, daming napapatingin sa 'kin... dito, ang average ko lang. Ordinaryo.

Halata siguro na probinsiyana ako.

Marami ring mukhang 'di mapagkakatiwalaan. 'Di sa nagjujudge ako. Kaso magaling ako mangilatis ng tao. Alam ko kung sino 'yung mukhang manyakis na nakakasabay sa jeep na patingin-tingin sa mga nakashorts. Tapos 'yung mga mukhang holdaper. Marami raw kasi masasamang nilalang sa Manila. Maraming iba't ibang klaseng tao. Nagkalat.

Pinakaunang pabilin nga sa 'kin ni mama, "'Wag magtitiwala kung kani-kanino."

Isa pa, "Alam ng mga holdaper ang mga galing probinsiya. Palaging isukbit ang bag sa unahan. 'Wag maglalagay ng cellphone sa bulsa ng bag kung ayaw madukutan."

Dalawang araw lang ako sa Paco, Manila. Tapos nagbiyahe kami ni tito papunta sa lugar nila... Balagtas, Bulacan.

Sabi ni papa, doon daw ako mag-aral ng College sa Bulacan. Maraming schools na pagpipilian. Doon ako makikitira kay na tito.

Bakit?

Bakit hindi ako maintindihan ni papa?

Hindi magandang school ang habol ko!

Kung magandang school lang naman, maganda ang Romblon State University.

Kaya gusto kong mag-aral sa Manila... para makasama siya. Bakit pinapaalaga niya ako sa ibang tao? Bakit ayaw niya akong patirahin sa bahay niya? May bahay siya sa Quezon City. Bakit? Kasi nandoon ang kabit niya? 'Yung mga kapatid ko nandoon?

Kaya ko naman mag-adjust, ah. Magaling akong makisama. Hindi ako makikipag-away sa mga kapatid ko doon. Ituturing kong parang mama 'yung kabi- sige, pangalawa niyang asawa. Step mother ko. Magpapakabait akong bata.

Kaya bakit gano'n pa rin?

Bakit kailangan kong maghirap para lang makuha ang atensiyon niya?

Bakit ang hirap-hirap makakuha ng pagmamahal at kalinga galing sa kanya? Kahit ambag lang!

Alam ko naman mahal niya ako... mahal niya kami ng mga kapatid ko, kami nina mama. Pero bakit pakiramdam ko... sobrang kulang?

Bakit palaging nandoon siya sa kabila?

Bakit hindi kami naman?

Tatlong linggo ako sa Bulacan. Masaya naman ako. Mabait naman sina tita at tito. Kaso... bakit ganito nararamdaman ko?

Hindi dapat ako magsisi kasi desisyon ko 'to. Pinaglaban ko 'to kay mama. Kasi gusto ko talagang makasama si papa... kaya papanindigan ko 'to kahit mahirapan ako.

Pinagluto ako ni tita. Sabi ko, hindi ako marunong magluto. Kitang-kita ko 'yung disappointment sa mukha niya.

Sobrang hiya ang naramdaman ko. Wala akong silbi. Palamunin.

Kaya kapag may nakikita akong labahan sa banyo, nilalabhan ko kasama ng mga damit ko. Ako nagsasaing. Nililinis ko ang CR. Nagwawalis ako ng buong bahay. Nagtatanggal ng alikabok sa mga gamit. Naglalampaso. Naghuhugas ng plato. Nagpapakain ng aso. Nagdidilig ng mga halaman. Nagbubunot ng damo't nagwawalis sa bakuran.

Masyadong malinis si tita. Na kahit ang pagsusuklay sa loob ng sala, pinagbabawal niya. Dapat daw sa labas kasi 'yung mga hair fall kakalat.

Ni hindi ako makanuod ng TV kasi nakakahiya kay tita. Sobrang tipid niya kasing tao. Kahit sa pagkain, nagtitipid ako... kahit binibigyan siya ni papa ng pera. Nakikitira nga lang ako, kailangan kong magsipag at ilugar ang sarili para walang masabi sa 'kin.

Doon ko rin nagawa ang mamalengke, first time 'yon. Dahil hindi kami inuutusan ni mama.

Gano'n ang ginagawa ko. Palagi. Araw-araw.

Bakit, Lord? Panibagong pagsubok na naman po?

Pumunta ako dito para mag-aral, hindi para maging katulong.

Nung time na tumawag si mama para kumustahin ako. Sabi ko, "Okay lang po ako. Masaya po dito. Palagi po ako namamasyal. Malapit na rin po ako ipaenroll ni papa. 'Wag po kayong mag-alala. Ikumusta n'yo po ako kay na Ate Shane at Dale. Ingat din po kayo diyan palagi. Miss ko na po kayo. I love you po."

Minsan sa gabi, hindi ko napipigilan ang mapaiyak. Ba't ba kasi ang babaw ng luha ko?

Kaya mo pa, Alphabet. Alam ko kaya mo! Ba't ka umiiyak, ha? Para kang tanga! Ginusto mo 'yan, eh.

Sige lang, push lang. 'Wag dibdibin ang problema, flat-chested ka na nga. Itawa lang. Hahaha

Mabuti nakakatext ko sina Cole at Ellis. Tapos si Ellis... tumatawag pa. Nakakawala ng stress. Kahit pakiramdam ko... ang two timer ko. Pero thankful ako kasi nagiging masaya ako kahit papano. Iniisip ko na lang na 'wag seryosohin ang lahat.

Bakit? Ako lang ba ang tinetext nilang babae? Sus! Kalokohan 'yon.

Motto ko sa buhay: "'Wag magpapaloko, para 'di maloko. 'Wag maging tanga, para 'di kawawa."

Nung bumisita si papa, pinilit ko siyang isama na ako sa Manila. Ayoko na sa Bulacan. Kahit sa Paco, Manila na lang ako kahit ayaw niya akong iuwi sa bahay nila. Siya na ang nagdahilan kay tita.

Masaya naman sa Paco, Mylabs. Ang kukulit ng mga pamangkin ko sa pinsan. Madalas nagpapasama sa 'kin sa Timezone para maglaro sila. Juskong mga bata! Arcade lang ba ang alam nilang laruin?

Dahil sa kanila, naadik na rin ako sa arcade games. Pero kulang, eh. Mas masaya pa rin ang mga larong probinsiya... walang makakatalo.

Kahit hindi ako mayaman. Kahit hindi ako sosyalerang taga-Lungsod. Ipinagmamalaki ko na probinsiyana ako... dahil mas masarap lumaki doon kaysa dito sa Manila.

Oo, real talk 'yon.

Pansin ko kasi sa mga batang nakikita ko. 'Yung iba... grabe ang tabas ng mga dila. Hatalang laking squatter.

Squatter area kasi 'yung tinutuluyan ko sa Paco.

Gabi-gabi, tumatambay kami sa labas ng kalsada. Nagtitinda kasi ng balot, penoy at chicharon ang pinsan ko. Nakakailang beses akong kain ng balot. Lima siguro.

Nakakaadik talaga ang balot. Hinding-hindi ako magsasawa. Paborito ko, eh.

Isinasama rin ako minsan ng pinsan kong babae na mas matanda sa 'kin na magsimba, si Ate Dona. Born-again din. Mas malaki ang simbahan nila sa 'min. May school pa. Masaya rin mag-church sa kanila. Halos parehas lang din mga kantahan sa 'min. More on kanta ng Hillsong at Planetshakers.

Pinaenroll ako ni papa sa isang private school. Sobrang liit. Na kalahati lang yata ng building namin sa High School.

Ang schedule ng klase ko from 7AM to 6PM. Mon-Fri. Kaya gumigising ulit ako ng 4AM para magsaing. No choice rin ako. Kailangan kong magluto ng iuulam. Kahit prito lang. Isda, itlog, at hotdog. 'Yung madali lang lutuin.

Kasi hindi nga talaga ako marunong magluto. Ako lang nag-aasikaso para sa sarili ko. Huhuhu.

Kaya nagtantrums ako sa text. Natanong ko tuloy sina Cole at Ellis kung marunong sila magluto. Si Cole marunong daw. Si Ellis? Iniechos lang yata ako. Nagpabida. Feeling ko... 'di talaga siya nagluluto.

Ang lakas kaya ng instinct ko. Palagi pang totoo.

Gano'n routine ko sa araw-araw. Nakakapagod pala. Kasi kahit ang aga kong magising... nalalate pa rin ako sa klase. Ang traffic papuntang Cubao, Mylabs! Nakakahaggard!

Mas lalo na 'pag uwian. 6PM labasan ko. Nakakarating ako ng Paco, minsan 8PM na o lagpas pa. Ang sakit sa ulo. Masakit pa sa tiyan ang usok ng mga sasakyan. May mga naamoy na usok ng sigarilyo. Ang dami pa manyak sa kalsada na feeling ko sinusundan ako. Maraming nagsisitsit. Ugggggh!

Tapos ang maririnig ko pag-uwi ko sa uncle ko na kapatid ni papa... "Bakit palagi kang gabi na umuwi? Nanlalalaki ka siguro? Baka gusto mong isumbong kita sa papa mo?!"

Meron pa.

"Pasalamat ka, nagbibigay ng perang pampalamon sa 'yo ang papa mo. Magtino ka! 'Wag kang dumagdag sa problema namin."

Grabe! 'Di ko alam kung paano ko ipagtatanggol ang sarili. Natameme lang ako.

Mas okay pa na mabugbog ang katawan ko. 'Wag lang mayurakan ang pagkatao ko.

Mabuti nakalma ako sa sinabi ni auntie, asawa niya, "Pagpasensiyahan mo na 'yan, Pangga. Ganyan 'yan 'pag lasing. 'Wag mo na isipin."

Napabuntong-hininga na lang ako. Kahit pagod na pagod na ako sa school, sa biyahe... gumawa ako ng ice tubig. Saka nagbantay ng tindahan nila. 'Yun lang kasi ang kaya kong gawin. Hindi naman ako makapaglinis... dahil literal na hindi naman talaga sila naglilinis.

Kung gaano kalinis sa tinirahan ko sa Bulacan, gano'n naman kabaliktad ang lugar nila. Squatters. Kung may titirhan lang akong iba... 'di ako magtitiis na makisiksik sa poder nila. Hindi ako magpapakahirap.

Hindi ko titiisin 'yung palaging baha sa loob ng bahay nila, kahit konting patak lang ng ulan. May mga lulutang na diaper at kung ano-ano sa tubig.

'Yung bagyong Ondoy nga daw... grabe ang pinsala sa kanila. Buti wala pa ako nun dito.

Maraming daga. Maraming ipis. Maraming lamok. Maraming basura sa tabi-tabi. Maraming tambay na mukhang adik. Maraming mukhang mangrarape... na iniiwasan ko 'pag napapadaan ako. Tinitiis ko 'yun kahit nakakabastos na minsan, at feel na feel na gusto ko rin sila... kahit nakakasukang isipin.

Grabe, Alphabet! Ang gagwapo ng nabibihag mo noon, ah. Anyaaare bigla? Naging mga boy hamog?!

Hustisya sa kaluluwa ni Toni. Kuko lang sila nun, eh. Uggggh!

Tinitiis ko na marami akong pantal 'pag bumabaha. Palagi kaming nakasuot ng boots. Pero nagkakarashes pa rin ako. 'Yung mga kagat ng lamok... nagpepeklat 'yon.

Pero hindi ako nagrereklamo. Kasi choice ko 'to.

Kahit na minsan isang gabi, nagising ako... may nakasabit na ahas sa bandang ulohan ko. Ang laki. Natakot ako nun. Mabuti hindi ako kinagat. (Kakahupa lang ng baha, kaya siguro may ahas.) Pero hindi ako nagreklamo. Kahit gustong-gusto ko nang bumalik sa probinsiya.

Kaso hindi p'wede... nandito si papa sa Manila.

Ang dami kong kagagahan na moments, Mylabs. Na hindi ko alam kung iiyakan ko o tatawanan.

Holiday. Walang klase sa Manila. Pero meron sa Quezon City. Kaya may pasok pa rin ako. Nagtataka sila nun. Akala tuloy ni uncle... nanlalalaki na naman ako.

Landi mo kasi, Alphabet! Magtino ka, ha? Susumbong ka raw niya kay papa. Yari ka!

So, 'yon. Pumasok ako. Nagjeep. Kaso 'yung jeep umikot paglagpas ng SM Sta Mesa. Halaaaa! Bakit? Hindi doon ang daan papuntang school. Baka maligaw ako. Kaya bumaba ako nun. Nag-abang ng ibang sasakyan. Pero lahat ng jeep. Umiikot. Tapos walang tao na dumadaan papuntang Cubao.

Ano'ng meron?

Kaya naisipan kong lakarin ang highway papuntang Cubao. Kahit malayo. Okay lang. Sanay naman ako sa lakaran sa probinsiya.

Kaso waaaaaaah, Mylabs! Paglagpas ko ng tulay after ng CCP, may nag-aabang na mga lalaki doon... may mga hawak na timba. Hindi ko pinansin. Pagdating ko sa tapat nila, nanigas buong katawan ko... nung binuhasan nila ako ng hawak nilang timba. Nakakalunod 'yung dami ng tubig.

OMG! Ano'ng nangyari?

Basang-basa buong katawan ko nun. Ang bag ko. Ang uniform. Pati siguro ang panty ko. Huhuhu

Nagtatawanan pa mga lalaking nagbuhos sa 'kin. Halos maiyak na ako nun. Mga bullies ba sila? Mga adik? Walang magawa sa buhay? Naubusan na sila ng sapatos na hihithitin? Bibigay ko na basang medyas ko sa kanila? Tutal basa na rin?

May dumaan. Nakamotor. Lalaki. Nakaraincoat. 'Di naman umuulan. Ba't siya may raincoat? Tapos gusto niya akong pasakayin. Hinagod niya katawan ko ng tingin. Kasi basang-basa na ako.

"Pasaan ka, Miss?" tanong niya. Sinabi ko sa Balete Dr. kasi doon ang office ni papa. Hindi na ako makakapasok dahil basang-basa ako. "Hatid na kita."

Nagdalawang-isip ako pero mukhang mabait si kuya. Sumakay ako. Sumukob sa loob ng raincoat kasi wala raw akong helmet. Bakit? Nagmomotor nga ako sa probinsiya kahit walang helmet, eh.

'Yun pala bawal. Huhulihin daw.

At sabi ni kuya... piesta ng San Juan. Kaya may basaan. Jusko! Hindi ko alam 'yon. Saka 'yung jeep na umikot sa may SM, sa Cubao rin daw punta nun... hindi lang dadaan sa San Juan.

Eh, malaaaaaay ko baaaaa?!

Hinatid niya ako hanggang Balete. Tinanong ko pa kung magkano. Sabi niya, number ko na lang daw. At ngumiti. Panandalian akong natigilan. Saka napangiti rin. Binigay ko ang number...

...number ni Commander Ellis!

Iisahan pa ako ng loko. Oo, thankful ako kasi hinatid niya ako. Pero 'yung ngiting manyakis niya after. Duh! Kilala ko na mga gano'ng tipo. Babalakan pa ako ni kuya. Akala niya uto-uto ako?

'Yan! Textmate sila ni commander. Mag-SOT sila. 'Yun yata hanap niya.

Tinext ko pa si Ellis na 'pag may nagtext sa kanya, chix 'yon. Mas maganda sa 'kin. Bahala na siya dumiskarte. Hahaha.

Naranasan ko rin na ilang beses magkaligaw-ligaw sa Cubao.

Jusko! Nakakabobo ang Manila.

Magtatatlong-buwan ako sa Paco bago kami naghanap ng apartment ni papa sa Cubao. After ng klase ko o 'pag weekend. Kaso mapili si papa. Ayaw niya nung maraming lalaki. Ayaw niya nung maraming tambay sa dadaanan. Ayaw niya nung masikip. Ayaw niya nung binabaha. Ayaw niya nung mukhang hindi safe.

Hindi ko mapigilan ang mapangiti. Sinasabi ko kasi lahat ng himutok ko, eh.

I love you, papa!

Napadpad kami sa Kamuning. Doon kami nakakita. Okay naman ang lugar. Safe na safe.

Lumipat ako katapusan ng August. 2010.

Kaso wala pa ako masyadong gamit. Puro lang damit. Ang una kong mga gamit ay... isang upoan. Isang mesa. Dalawang unan. Isang electric fan at isang rice cooker. Walang TV. Walang kama. Sa karton ako nakahiga.

Mga dalawang linggo kong tiniis 'yon bago makagawa si papa ng kama. Isang linggo pa, bago mabilhan ng kutson.

Nag-16 birthday ako na nilibre ako ni papa sa labas. Nag-Mcdo kami. Hindi rin nakapa-Manila si mama... sa susunod na lang daw, 'pag nakaluwag-luwag. Medyo mahal din kasi tuition ko doon sa school.

Mylabs, ang hirap pala mabuhay mag-isa. Parang gusto ko nang sumuko. Pero alam ko kaya ko. Mas okay ang ganito. Kaysa nakikitira ako sa ibang tao.

Kapag tanghali lang ako nabibisita ni papa, kapag break time niya sa trabaho. Tapos syempre... sa bahay niya siya umuuwi sa hapon. Mag-isa lang ako. Walang kasama. Malungkot. Pero ewan... nasasanay na ako.

Ang pinoproblema ko lang talaga 'yung pagluluto. Palagi lang akong bumibili ng ulam sa labas. O mga sardinas, pansit canton, noodles, itlog, hotdog o kung anong instant food ang ulam ko madalas. Nakakaumay!

PS: Lord, kung magkakaboyfriend ako soon... sana po chef siya. Mwa!

Desperada na,
AB

*.*.*

< Kudos Pereseo >

(Inserted Scene - Flashback)

"Marunong ka bang magluto?" simpleng tanong ko kay Train, katatapos lang ng klase namin. Last meeting bago ang bakasyon. Kaklase ko siya sa isang subject. Magkaparehas kasi kaming Civil. Kaso mag-5th year na siya next sem.

"Oo naman! Bakit?" Palabas na kami ng gate nung tumawa siya. "May ipagluluto ka? May pinopormahan ka na?" Inakbayan niya ako at niyugyog.

Napakamot ako sa ulo. Lalo naman siyang nailing. "Tara... sa apartment. Tuturuan kita. Ako nagluluto dun, wala kasing silbi 'yung pinsan ko at mga kasama ko. Palamunin!"

Nakng! Nakakahiya. Pero mas ayos na kay Train kaysa kay Steel ako magpapaturo magluto. Papaulanan muna ako ng kantiyaw ng mga tukmol bago ako turuan nun. Mahirap na. Durog na durog na naman ako pagkatapos.

Sumakay kami ng jeep ni Train... pa-Cubao. Doon din apartment nila. Medyo malapit lang sa apartment namin ng mga tukmol.

"Sayang wala dito 'yung mga bangag," sambit niya nung papasok na kami sa apartment niya. Sa second floor. Halos kakambal ng sa 'min. Tatlong kwarto rin. May sala, kusina at banyo. Ang kaibahan lang... mas malinis apartment namin dahil kay Shield. Kahit na ang baboy nung mga tukmol. "Pasensiya, dude. Makalat." Napakamot siya sa ulo.

Tumango ako. "Sino-sino kasama mo dito?" Pansin ko kasi na may mga gamit ng babae. May mga kulay pink na gamit. Marami ring green at blue.

"'Yung pinsan ko saka mga tropa niya," kaswal niyang sagot habang pinagdadakot ang mga nagkalat na damit at sapatos. "Wrong timing punta mo dito, eh. Dalaw ka minsan 'pag nandito si insan... papakilala kita. Chix 'yon."

Napailing na lang ako.

"Kaso may pinopormahan ka na yata. Maganda? Kailan mo ipapakilala?"

"'Pag nakita ko na..."

Kumunot noo niya. "'Di mo pa nakikita? Saan mo ba nakilala 'yan? Sa isang porn site?"

Tokwa! Tukmol din 'tong si Train, eh.

"Ano ituturo mong putahe?" Tinawanan niya ang paglihis ko ng topic.

_..._..._

(Present Time)

"KNOCK KNOCK..." mahinang sambit ni Hazel. Napapasuklay sa buhok.

"Who's there?" sabay-sabay nilang sambit. Tahimik lang ako.

"Shield Pereseo."

"Shield Pereseo who?"

Tumikhim si Hazel. "I'm out of touch, I'm out of love. I'll pick you up when you're getting down. Pereseo all these things I've done I think I love you better now." Yumuko siya na parang nahihiya.

Tumahimik bigla. Tila may dumaan na anghel. Tanging alon ng dagat ang maririnig. At ang random playlist na pinatugtog nina Steel.

"Nasaan ang Shield doon, Hazel Vixen?" Tinagayan ni Paris ng Tanduay Ice na apple si Hazel. "Oh, shot!"

"I forgot. Lego House by Ed Shieldran." Walang natawa. "Okay, that's my last. You don't need to laugh..." Tinakpan ni Hazel ang mukha.

Naririnig ko ang mahinang tawa ni Shield sa gilid. Kinuha ang basong inaabot ni Paris. Ininom. Nung sinamaan siya ng tingin ng mga tukmol... "Mabenta. Natawa ako," lang ang sinabi niya.

Nakaupo kami palibot sa sala ng rest house. Hindi na kami makatambay sa labas dahil umaambon. Kanina pa kami... naglalaro. Enjoy na enjoy ang mga tukmol.

Pero ako nililipad pa rin ang utak sa nangyari kanina. Nakalimutan na nga yata.ni AB kasi nakikitawa na ulit siya. Kahit 'yung pang-aasar ng mga tukmol pagbalik namin na basang-basa... parang wala lang sa kanya.

Nakngtokwa! Bakit ba kasi ang affected ko masyado?

Bakit ba sobrang disappointed ako sa reaksiyon niya?

Ano ba ang gusto kong gawin niya? Halikan ako?

Katukmolan 'yon, Kudos. Imposibleng mangyari!

Pagkatapos kong sabihin 'yung mga katagang halos ikalubog ko ulit sa panic... tipid niya akong nginitian at pinitik sa tainga. "Napapa-english ka 'pag kinakabahan. Lilipas din ang feelings na 'yan. Masyado ka pang bata."

Tahimik na siya nung pabalik kami sa pampang. 'Di na rin siya nangulit.

Nagbihis. Kumain. At ito na... naisipan nilang maglaro. Na si AB ang pasimuno. Siya rin ang nagpabili ng Tanduay Ice kay na Philemon at Psalm. Iyon daw ang brand niya. At iyon lang din daw ang kaya niya.

Isang ngiti lang... sumunod naman ang mga tuko.

Dahilan ni AB, gusto niyang mag-enjoy.

Pinigilan pa nga siya nina Magnet at Angelito.

"Ano'ng nakain mo? Bakit iinom?" tanong ni MM.

"Mag-eenjoy nga. Pumunta tayo dito para mag-enjoy, 'di ba?" sagot niya. "Ang iksi naman nito." Hinahatak niya pababa ang pulang damit na pinahiram ni Paris. At shorts. Kasi wala na siyang pamalit.

"Sure na you, Angel?" ani ni Angelito. "Wala here 'yung pampakalma mo 'pag nalalasing you. Maghunos-dili you!"

Tumawa lang si AB. "Saka na ako magpapakalma pag-uwi..." Nilapitan niya kaming mga tukmol na nakikinig at nakakunot-noong nakatingin lang sa kanilang tatlo. "Ano? Nomo? Minsan lang ako uminom. Minsan ko lang din kayong makasama. At baka last na." Hindi niya ako tinapunan ng tingin.

Bago pa ako, kami makapagreact... sumunod siya kay na Psalm at Philemon na bumili ng Tanduay Ice.

"Ano'ng ginawa mo dun nung umalis kayo?" siniko ako ni MM nang matapat sa 'kin. "Hinalikan mo?" Todo iling ako na nanlalaki ang mga mata. "Good! Mapuputol 'yan kung nagkataon..." turo niya sa tapat ng shorts ko.

At 'yon ang nangyari... three hours ago.

Pagsilip ko kani-kanina lang sa oras sa cellphone ko... mag-aalas-dose na. Marami na ring nakatumbang bote ng Tanduay Ice. Pinangpulutan ang natirang ulam... at bumili ng chichiryang Cracklings at Marty's. Kung ano-ano na ring nilaro namin.

Kaso mukhang 'di pa rin sila magsasawa.

Hindi naman malakas ang tama ng Tanduay Ice. At hindi kami naglalasing sa 'di namin teritoryo. Kahit nga si Risk na maloko... kayang kontrolin ang sarili sa mga ganito. Hindi rin naman sila malalasing, sigurado 'yon.

Kaso 'yung mga babae... mga sabog na. Si Hazel namumula. Si Paris... nadoble ang kakulitan. Si Magnet sakto lang. Mukhang malakas uminom. Si AB... ewan. Parang naging version ni Paris times two.

"Knock knock..." sabi niya at kinatok ang ulo niya.

"Who's there?" Napapailing ang mga tukmol. Aliw na aliw.

"Sino pa ba hindi nagagamit?" Tinuro ako ni Steel. Naipaglapat ko nang mariin ang mga ngipin. "Ah. Sige. Kuen Lacrosse 'KUDOS' Seriozo Pereseo."

"Pussycat! Ang haba. Kudos who?" Nangingising binuksan ni Phil ang isang balot ng Marty's na blue.

Itinaas ni AB ang isang bote ng Tanduay Ice at ginawang mic. Pumikit pa siya... "Bahay KUDOS, KUEN munti. Ang halaman doon ay PERESEO. SERIOZO sa talong. LACROSSE sa mani. Sitaw, bataw... patuli."

Ang lakas ng tawanan nila pagkatapos. Tinakpan ko ang mukha. Nag-iinit ang tuktok ng tainga. Tokwa!

"Ano ba you, Angel," hagikhik ni bakla. "Mali-mali lyrics you. Patani 'yon, hindi patuli."

"Nangingialam ka, Baks? Knock knock nga, 'di ba?"

"Knock knock..." sabi rin ni Paris.

"Tapos ka na," pigil ni Risk.

"Knock knock-"

"Tapos ka na nga-"

"Knock kn-"

"Pakipot ka, Risky!" Binatukan ni AB si Risk. "Kumakatok 'yung mahal mo, papasukin mo..."

"Hindi ko maha-"

"Knock knock..." Hinihila ni Paris ang damit ni Risk.

Pansin ko ang pagngitngit ni Risk. Tumaas ang balikat. Huminga nang malalim. "Who's there?"

Lumapad ang ngiti ni Paris, namumungay na ang mga mata. "Mahal ko."

Hindi agad nakasagot si Risk. Kaya nagpipigil ng tawa sina Steel. Sina Phil at Psalm ang nagsalita... "Mahal ko who?"

"Mahal ko? Si Risky Lennan Pereseo. Mahal niya? Ewan ko, sana ako..." Bumungisngis silang dalawa ni AB. Nag-apir at nagbottoms up ng isang basong Tanduay Ice.

Nakng! Ang kukulit.

Napakamot ng ulo si Risk. Hindi naman ako makatayo para umawat na sa kanila.

Binalalaan na ako ni MM kanina. Na 'wag na 'wag makikialam kapag gustong uminom ni AB.

'Yun ang pinakaayaw niya sa lahat... pinapakialaman ang mga gusto niyang gawin.

Napabuntong-hininga ako.

"Ikaw, Angel... sino mahal mo?" tanong ni Paris. Nakng! Ang out of control na nila.

Mabuti pa si Hazel na ipinatong lang ang ulo sa may sofa at pumikit.

"Bakit kailangan kong sabihin sa 'yo?" balik tanong ni AB.

"Barado ka pala, Paris..." tawa ni Psalm. Sina Steel at Phil... palihim na itinatago na ang ibang bote na sealed pa sa ilalim ng sofa.

"Wala lang..." Kumuha ng yelo si Paris at inilagay sa baso niya. Nakita ko ang pasimpleng pagsipa palayo ni Risk sa bote ng Tanduay Ice palapit kay Shield. "Nasaan ang iniinom ko? Kinuha mo, Bakla?" Binato niya ng Cracklings si Angelito.

"Why me? Nananahimik kadiyosahan ko dito, girl..." Silang dalawa na lang yata ni Magnet ang nasa katinuan pa sa mga babae.

"Kudos..." tawag ni Paris. Nakng! Sobrang kulit na. Napakagat na ako ng labi. Kilalang-kilala ko si Paris... kung ano-ano ang nasasabi kapag nakainom. "Mahal mo si Angel?" Tokwa! Sabi ko na-

A-Ano?!

Napatitig sa 'kin lahat. Kahit si Hazel na nakapikit kanina... napadilat nang konti.

Si AB uminom sa hawak niyang baso. Saka tinawanan si Paris... "Ang ingay mo! Sekreto niya 'yon, eh."

Nanlaki mga mata ko. Pinipigilan naman ng mga tukmol ang tawanin nila. Kailangan ba may sabihin ako?

"Alam mo?" Nagulat si Paris pero ngumiti. "Nice! 'Di ka manhid, magkakasundo tayo. 'Yung mahal ko kasi... ipinaglihi sa anesthesia, eh."

Nagtawanan sila. Maliban sa 'min ni Risk. Tokwa! Lasing na nga yata mga 'to.

"Umamin sa 'yo si Kudos?" Nakng, Paris!

"Kailangan pa ba umamin kung obvious naman?" sambit ni AB.

Napasipol sina Phil at Psalm. Napahawak ako sa tainga at parang gustong lumubog sa kinauupoan.

Nananaginip ba ako? O nangyayari talaga 'to?

"Sabi sa 'yo, Baks! 'Wag mo paiinumin, eh..." sita ni MM kay Angelito na tawang-tawa sa mga nangyayari. "Doble saltik at pagka-straight forward niyan 'pag nakakainom. Magkakambal pa yata sila ni Paris."

"Alam mo rin na nabasa niya ang 'di-" Automatic ang pagsugod nina Magnet at Angelito para takpan ang bunganga ni Paris. Nasamid pa si Paris. Ako kanina pa hindi humihinga.

"Ano 'yon?" nagsalubong mga kilay ni AB.

"Tara, kulot! Videoke..." Hinila ni Steel si AB patayo. Sininyasan din niya ang mga tukmol na sumunod.

Inasikaso nila 'yung videoke machine sa gilid.

Nanatili akong nakaupo. Tagos-tagusan ang tingin sa mga bote at chichiryang nasa harapan. Pinukpok ang dibdib para makahinga. Ilang beses bumuga ng hangin.

"You like her, Kuen?" Nilingon ko si Hazel na ngayon ko lang napansin na naiwang nakaupo... kasama ako. Namumula ang buong mukha, pati ang mga mata. "Angel? We just met her... today. How?"

Hindi ko natagalan ang pagtitig sa kanya. Ibinalik ko ang titig sa mga bote. Paano ko sasagutin? Maling salita... makakasakit na naman ako.

Bumuntong-hininga siya. "J-Just don't get hurt..." Saka sumunod sa kanila.

Tumayo ako para sumunod din. Nang masagi ng likod ko ang isang bulto. Napapihit ako paharap. Mukha ni AB ang bumati sa 'king paningin.

"Ikaw... ikaw si Kudos?" Kinusot niya ang mga mata. Namumungay. Namumula. Pati pisngi niya. Inaaninag ang mukha ko. Naaamoy ko ang singaw ng alak sa kanya. Tinuro niya ang tapat ng dibdib ko. "Kumapit ka. 'Wag kang tuluyang mahuhulog sa 'kin. Masasaktan ka lang... hindi kita kayang saluhin."

~.~.~

#LAFRwp @chiXnita


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE