Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Habang nakikipagsiksikan sa MRT. May nahulog na diary. Diary ng NBSB. Napulot ng isang lalaki. Lalaking ang hobby... magpaiyak ng mga babae.


< Kudos Pereseo >

TAHIMIK AKONG kumain. Kaharap ng umuusok na sinigang na hipon, paboritong laing ni Ate Kira at pritong galunggong. Walang pakialam, pero pasimpleng nakikinig sa usapan. Nasa court of appeal si Kuya Yuen. May pending na kaso. Detainee. Kasalukuyang iniimbestigahan nina Master at Bossing kung kailan balak magpakasal.

Si Ate Kira, tila sinusundot ang puwet. Hindi mapakali. Parang naglalaro kami ng spin the bottle at kasalukuyang kay Kuya Yuen tumapat ang ulo ng bote. Traidor ang bote. May kinikilingan. Dahil mamaya sapilitan 'tong pahihintuin sa tapat ni Ate Kira... at malamang, sa 'kin matatapos.

Wala namang bago. Ganito palagi ang scenario sa hapunan. Panel interview. Daig pa namin ang mga nag-aapply ng trabaho. Akala mo naman may matatanggap na above minimum na sweldo.

"Kelan ka magpapakasal, Yolo?"

"Kelan ka titino, Akira?"

"Kelan ka magkakagirlfriend, Kudos?"

Paulit-ulit. Nakakasawa.

Wala kaming problema sa mga magulang ko. Pinalaki kasi nila kami nang maayos. Simple lang ang buhay namin. Hindi mayaman, pero 'di kapos sa pera. Walang mansion, pero 'di pinagtagpi-tagpi ang bubong. Walang malaking kompanya na hinahawakan si Bossing. Mechanical Engineering ang natapos na kurso pero hindi nakapagtrabaho sa kilalang kompanya dahil nabuntis nang maaga si Master na High School graduate lang.

Nagpatayo ng talyer si Bossing dito sa Antipolo, ipon niya yata 'yon nung kolehiyo. Nung medyo lumago bumili ng p'westo sa palengke para pagkaabalahan ni Master para magtinda ng mga gulay at isda.

Napagtapos nila si Kuya Yuen dahil doon sa kursong Marine Engineering. At ngayon nga'y every six months ang contract ni kuya sa isang cargo ship na paikot-ikot sa iba't ibang bansa. Si Ate Kira naman graduating na this year, BSTM naman ang kurso, gustong magtrabaho sa Korea para makita ang mga oppa niya.

Ako? Maraming nagpapaaral sa 'kin. Tumutulong na si kuya sa allowance ko. May scholarship din ako dahil sa mama ni Risk, pinsan ko sa side ni bossing. Pereseo rin. 4th year na ako sa sunod na pasukan. Civil Engineering. Kalahati lang ang binabayaran sa tuition dahil varsity sa basketball. Tapos si Tita Minerva, mama ni Risk, pa ang nagbabayad. Tuwang-tuwa kasi sa 'kin si tita. Palagi akong binibida kay Risk. Siraulo kasi ang pinsan kong 'yon. Ayaw magtino. Palibhasa naliligo ng salapi kaya walang pakialam sa mga grades niya. Kaedad ni Ate Kira pero naging kabatch ko dahil dalawang beses binalikan ang mga binagsak na subjects. Kung wala sigurong kapit si tita sa school, malamang nakick-out ang tukmol na 'yon.

"Hiwalay na kami ni Monique, Bossing..." sabi ni Kuya Yuen dahilan para sulyapan ko siya. Kalmado ang boses. Pero bagsak ang balikat. Hindi halata sa itsura. Pero alam kong 'di pa siya nakakapagmove-on.

"Ano? Kelan pa?" gulat na tanong ni Master. Nabitiwan ang kutsara. Naibuga pa ang ibang kanin.

Nakita ko ang pag-irap ni Ate Kira. Tapos pasimpleng ngumisi sa 'kin. Napailing ako. Siguro iniisip ni ate na tama siya simula pa lang. Walang forever. Walang happy ending. Ang meron lang... lokohan. Landian. Gamitan.

Katulad ng ginagawa niya. Nakikipaglaro sa mga lalaki. Pero siya ang umuuwing wagi. Minsan nga umuwi 'yan dati na may kalmot sa mukha at punit ang uniporme. Nakipag-catfight yata doon sa tunay na girlfriend ng lalaking pinaibig niya pero iniwan sa ere.

Pero imbes na magmaktol siya dahil sa nangyari sa kanya, natuwa pa. Tipong nanalo ng milyones sa lotto. O nakalips to lips ang asawa niyang si Song Joong Ki.

Ayun sa kanya, marupok ang mga lalaki. Mahina sa temptasyon.

Ewan ko ba diyan. 'Di ko matukoy ang pinaglalaban. 'Di ko naman nabalitaan na nabrokenhearted siya dati o niloko ng isang lalaki. Simula't sapul kasi, siya na ang gumagawa nun.

Maganda si Ate Kira. Natural na wavy ang buhok. Na pinakulayan. Parang mais tuloy pero 'di naman buhaghag at patay. Maganda ang hubog ng katawan, na kahit sa uniporme niya... nagsusumigaw ang yaman ng hinaharap. Tisay. Namumula ang balat. Kahit kagatin ng lamok, 'di nagkakapiso. Maliit ang mukha. 'Di tinitigyawat. Mapungay ang mga mata, mapilantik at mahaba ang mga pilikmata. Maliit ang ilong. Pink ang mga labi. At kapag ngumisi akala mo palaging may inaakit. Idagdag pa 'yong dalawang dimples niya na palaging nanunukso kahit ngumunguya lang. Kamukhang-kumuha niya si mama nung dalaga pa. Pinay version ni Miranda Kerr. Marami nagsasabi nun.

Bakit maraming lalaki na nauuto ng ganyang itsura? I tsked.

Si Kuya Yuen naman kabaliktaran ni Ate Kira. Dapat nga nagkapalit sila ng personalidad, eh. O ng kasarian. Si Kuya Yuen kasi sobrang tino. Ni hindi ko siya nakitang nagpaiyak ng babae. Dahil siya ang pinapaiyak. 'Di naman literal. Palagi lang siyang pinagpapalit sa iba ng mga minamahal niya. Kung 'di niloloko, iniiwan naman. Siya yata ang karma ni ate.

Kapag si Kuya Yuen ang nanligaw, effort kung effort. Ibibigay niya ang lahat. Kulang na lang pati buhay niya, eh. 'Di 'yon OA. Gano'n talaga siya. Hangga't may naibibigay siya... ibubuwis niya nang 'di nagdadalawang-isip. Hindi siya takot masaktan o mareject. Sanay siya doon. Sanay siyang siya ang second choice. Sanay siyang maghintay. Sanay siyang 'di nasusuklian ang mga efforts. Pero hindi pa rin siya sumusuko. Tibay nga, eh.

Ewan ko rin ba diyan. May itsura naman. Nagmana kay Bossing, eh. Baka makutusan ako 'pag 'di ko sinabing gwapo si Bossing. Pero seryoso, 'di ko alam kung ano'ng problema nina Raquel, Zyra, Colleen at Monique kay kuya bakit iniwan nila. Ayaw ba nila ng lalaking seryoso? Ng lalaking ikaw lang ang mamahalin nang wagas at buong-buo? Ayaw nila ng lalaking kamukha ni Joseph Marco? Hindi sa bias ako... pero mas maappeal pa si Kuya Yuen.

Then, why? What's wrong with those ladies?

"Bago ako umuwi galing Guam. 'Wag na nating pag-usapan," pinal na sabi ni kuya. May diin. Parang 'di na mababali.

Kaya sabay na napatitig sina Master at Bossing kay Ate Kira na nabulunan at nanlaki ang mga mata. "I swear, matino na talaga ako." Nilunok niya ang nginunguya at ngumisi. "Lately..."

"Akira Menaide!" sabay na usal nina Master at Bossing. Nagmaktol si Ate Kira. She hates her full name. I bit my lower lip to suppress a laugh. Pero humalakhak si kuya.

I love my parents. Sagad. Kahit na weirdo talaga sila. Sino ba namang parents ang mas gugustuhin na magkalovelife agad ang mga anak nila imbes na mag-aral?

They want us to enjoy our youth. Kaya naman daw pagsabayin ang pag-aaral at pag-ibig. Katulad nila dati. Don't pressure yourself. Explore. Love. Be happy. Motto nila. Gano'n lang kasimple.

Kaya pala. Kaya pala nabuntis si master nang maaga. Daming alam talaga!

Pero kahit seventeen lang si master at nineteen si bossing nun, masaya ang pamilya namin.

Weird life but simple and contented.

Sa sobrang weird nga nila muntik ng maging Japanese terms ang mga pangalan naming tatlo. Nagkakilala kasi sila sa isang cosplay event. Eh, parehas silang nilamon ng anime. Si Kuya Yuen, muntik ng maging si Sugoi means great or amazing. Si Ate Kira si Kawaii means cute or pretty. Ako? Si Kakkoii means handsome. Nakngtokwa!

Pero pinagtalunan pa nilang dalawa 'yon. Mas gusto kasi ni bossing... simple lang. At ang simple para sa kanya ay may kinalaman sa climate. Si kuya muntik ng maging si Niji means rainbow. Si ate si Yuki means snow. Okay na, eh. Acceptable. Pero 'yung para sa 'kin hindi. Binaboy. Paano... ako dapat si Kumori. Ibig sabihin... cloudy. Nakngtokwa talaga!

Tapos nagsuggest si master. Mas trip niya raw kung si kuya si Ichigo means strawberry. Si ate si Momo means peach. Tapos ako si Ringo means apple. Pang-anime raw talaga ang datingan. Maangas. Astigin.

Kaso bumanat naman si bossing na kulay na lang daw. Si kuya si Shiro means white. Si ate si Aoi means blue. Tapos ako si Kuro means black. Takte! Daming alam talaga.

Marami pa sila pinag-isipan hanggang sa mauwi sa expression lang din. Para raw bagay sa apelyido ni master na Seriozo at kay bossing na Pereseo. Ibang klase talaga sapi nina master at bossing. Nakakahigh. Nakakalunod.

Kaya ang kinalabasan ng mga pangalan namin.

Kuya - Yuen Lucio Seriozo Pereseo in short Yolo. (Pinagpilitan nila ang Yolo kahit ang layo. May mga saltik nga. Yolo means You Only Live Once.)

Ate - Akira Menaide Seriozo Pereseo. (Akiramenaide is a Japanese expression or encouragement means... don't give up.)

Ako - Kuen Lacrosse Seriozo Pereseo. (Muntik na nga maging si Ganbare o si Arigatou. Nakngtokwa! Magpapapalit talaga ako ng pangalan. Mas trip ko pa maging si Kinishinai means... I don't care. Kasi madalas akong walang pakialam. 'Di ko alam kung paano naging Kudos. Dahil katulad ng Yolo, pinilit lang. Pero wala na ako reklamo... gusto ko ang Kudos.)

Kudos 'di para sa kanya. Kudos 'di para sa iba. Kung 'di... Kudos Pereseo.

Magandang pang-pickup line. Kahit aminado akong corny. Pero 'yon ang pangalan ko. May choice ba ako?

Pero wala pa akong nasasabihang babae. Walang balak. 'Di rin yata mangyayari.

Hindi ko napansin na tapos nang gisahin si ate. Namalayan ko na lang na kinikilatis ako ng mga matatalas na titig nina bossing at master. Para akong kawawang tupa na hinihintay lapain ng mabangis na lion at gutom na tigre.

Patay malisya akong sumubo. Ngumuya. Nagbalat ng hipon na paborito ko.

"Bunso..." Kumislap ang mga mata ni master. Lumambot. Humina rin ang boses. Mariing dumikit ang mga labi ko't nag-isang linya ang mga kilay. Nakng! Ang tanda ko na... binubunso pa rin. "Kumusta na kayo ni Hazel?"

Marahas akong bumuntong-hininga. Pero hindi umimik. Ano sasabihin ko? Na hindi ko gusto si Hazel? Na hindi ako magkakagusto kay Hazel? Na ayokong ligawan si Hazel? Eh, 'di inatake si Master.

"Hindi, Hal. Mas bagay si Paris kay Kudos. Tapos PariKu ang loveteam name." Napatitig kaming apat kay Bossing. "Joke!" sabay halakhak. Nakng! Walang kakupas-kupas ang kakornyhan niya. Pero bumaling ulit siya sa 'kin. "Fast talk: Hazel or Paris?"

"Wala," mabilis kong sagot para matahimik sila.

"Eh, Bunso!" Napatadyak si master sa lamesa. Mabilis na sinalo ni bossing ang natumbang bote ng coke. "Sino ba nililigawan mo? Kelan ka maggigirlfriend? Kelan namin makikilala 'yong babaeng kababaliwan mo katulad ng pagkabaliw ng Bossing n'yo sa 'kin?"

"Grabe ka, Hal. Ikaw ang patay na patay sa aki-" Sinalpakan ni master ng isang buong pritong galunggong ang bunganga ni bossing.

Umiling lang ako sa kabaliwan nila't sumubo ulit.

"Kuen Lacrosse!" Medyo tumaas ang boses ni master pero pagkunot ng noo ko sa kanya, ngumiti siya. "Bunso, 'di nakamamatay ang magkagirlfriend, ha? Wala ka bang nagugustuhan? Hindi ka ba marunong manligaw? Bibigyan ka namin ng mga tips-"

Tumawa si kuya. "Bakla ang bunso mo, Master!" Hinithit ng ubo si Bossing. Nabulunan si Master.

Pero 'di ako umimik. Nakng! Paulit-ulit kasi. Ganito palagi eksena... gabi-gabi. Kahit naman ano'ng paliwanag ko at sabihin, hindi sila nakikinig. Mas mainam pang manahimik na lang. Hindi mapapagod bunganga ko't masasayang ang laway.

Wala naman akong pakialam sa sinabi ni kuya. Kilala ko sarili ko. May mga nagagandahan akong babae... pero hanggang doon lang. May nasesexyhan akong babae... pero hanggang doon lang. Wala 'yong tinatawag nilang sparks. Wala 'yong sinasabi ni kuyang titigil ang oras kapag nakita mo siya. Wala 'yong parang sasabog ang dibdib mo sa kaba kapag katabi mo siya. Wala 'yong magseselos ka sa ibang lalaki 'pag may kasama siyang iba.

Sinubukan ko naman, eh. Kahit paano. Pero wala.

Sino lang ba naging crush ko?

Ah, si Ate Lianna.

'Yung magandang babaeng kapitbahay namin nung maliit pa ako. Eh, ang laki ng tanda nun sa 'kin at may asawa't anak na ngayon.

Siguro dahil weirdo ang mga parents ko kaya naging weird na rin ako.

May mga nagcoconfess sa 'kin. May mga naghuhulog ng mga love letters sa locker sa school. May mga humaharang sa hallway at nagbibigay ng kung ano-ano. Pero wala akong maramdamang kung ano man. Ni katiting na interes para sa mga babaeng 'yon... wala. Zero. Dead end.

'Yon pa naman pinakaayoko sa lahat. Makukulit na babae. 'Yong ipagsisiksikan ang sarili sa taong ayaw naman sa kanila. Kapag 'di ka gusto... suko na.

Ang pathetic kasi. Paawa effect. Ginagamit ang luha para mahalin sila ng isang lalaki.

Si Risk na lang ang kumakausap sa mga babaeng 'yon. Malay ko kung ano'ng sinasabi o ginagawa niya. Eh, certified babaero ang tukmol na 'yon. Tuwang-tuwa kapag may 'di ako pinapansin.

Tapos 'yon may nagpakalat ng kung ano-ano sa campus. Na tarantado ako. Hobby ang magpaiyak ng babae. Kung ano-ano. Ang pinakamalala siguro... 'yong kumalat na bakla ako. Na kaya ako sumali sa varsity ng basketball para makatsansing sa mga players. Nakngtokwa!

Nakakagigil! Sarap manapak.

Pero hindi ako nagreact. Ni hindi ako naglabas ng kahit anong salita para itama ang mga tsismis. Bahala sila mag-isip ng kung ano-ano.

I don't give a damn.

Hindi ako palasalita. Lalo na kung wala namang sense ang topic. Kung gaano kaingay ang utak ko para mag-analyze ng mga bagay-bagay, kabaliktaran ang bibig ko.

Isa pa, 'di naman seryoso ang mga babaeng 'yon. Tumitingin lang sila sa itsura. At dahil sikat ako sa school. Nung hindi pa naman ako sumasali sa varsity, hanggang titig lang sila. Walang mga kalokohang pagpapapansin at confessions.

Malamang kung pandak ako, sarat ang ilong, malaki ang ulo, maitim, o bungi... hindi ako magugustuhan ng mga babaeng 'yon.

I really hate girls like that.

Naniniwala naman ako sa pag-ibig. Sadyang ayoko lang hanapin. At sana 'wag dumating. Nakakatakot.

Siguro ako 'yong pinaghalong Kuya Yuen at Ate Kira. Nararamdaman kong kapag nagmahal ako kagaya rin ni kuya pero natatakot maloko't maiwan katulad ni ate kaya siya na nanloloko. Pero ayoko subukan ang kahit ano.

Ewan. Sa ngayon? Wala akong pakialam sa ganyan.

Malakas na paghikbi ni master ang bumulabog sa maingay kong isip. "Bakla ka, Kudos? Saan ba kami nagkulang? May mga babae naman kaming pinapakilala sa 'yo? Ba't wala ka pa ring nagugustuhan? B-Bakit?!" Halos maputol ang ugat niya sa leeg. May papunas-punas pa sa pisngi pero wala naman luha. Halatang nag-iinarte. Paawa.

"Kudos, 'wag mong paiyakin ang master mo. Say sorry to her!" matigas na sabi ni bossing.

Nakng! Bakit ba parehas na may saltik ang mga magulang ko? 'Yung isa under. 'Yung isa isipbata.

Walang pakialam si ate na nagtuloy lang sa pagkain. Si kuya kanina pa tumatawa. Halatang namiss ang ganitong bonding dahil palagi siyang wala. Pero ako... umay na umay na.

"Hindi ako bakla," kalmadong sabi ko. Ni wala na akong balak dagdagan ang sasabihin.

"Eh, bakit wala kang girlfriend? Bakit wala ka man lang nililigawan?" Nakakabasag ng tainga ang hagulhol ni master na halatang made in China. "Bakit ayaw mo kay Hazel o kay Paris?"

Pinindot-pindot ko ang tuktok ng tainga. Nakngtokwa talaga! Ampon lang ba ako? Pero imposible naman 'yon dahil kamukha ko si master at kamukha ko rin si bossing. Walang magkakamaling magsabi na napulot lang ako sa basurahan o naanod sa Ilog Pasig.

"May ibang babae akong gusto," kalmado pa rin na sabi ko. Dire-diretso.

Sabay-sabay ang paglingon nilang apat sa 'kin. Na para akong lumabas na genie sa bote na ngayon lang nila nasilayan sa kanilang buong existence. Iba-iba ang aura ng mukha nila. Nakapause pa 'yong kutsara ni bossing sa tapat ng bibig na isusubo na sana. Nalaglag ang tinidor ni master. At tumaas ang isang kilay ni kuya.

Putek! Masyado bang 'di kapani-paniwala ang sinabi ko? Babawiin ko ba? Pero nagtanong na sila. At sabay-sabay pa rin. Kahit si Ate Kira na walang interes sa lovelife ko'y pinanliitan ako ng mga mata.

"Sino?!" Pinahaba ng tili ni master ang tanong nila.

Teka naman. Nakng! Para akong cheese na ihinulog sa kumukulong mantika. Unti-unting nalulusaw. Walang magawa. 'Di makalaban.

Huminga ako nang malalim. Saka bumulong, "Si AB."

"Ha? Eybe? Sino si Eybe?"

Binuhat ko ang plato at tumayo kahit 'di pa tapos kumain. Tumalikod ako't 'di pinansin ang tili ni master. "Hindi bakla si bunso!"

Napailing na lang ako't inilapag ang pinagkainan sa lababo. Saka ako dumiretso sa kwarto at nilock ang pinto. Ibinagsak ko ang katawan sa kama't napatitig sa drawer kung saan nakalagay ang diary.

Isang linggo ko na ring 'di binuklat 'yon matapos ng nabasa ko.

Sorry, AB. Kailangan kong gamitin ang pangalan mo. Wala akong maisip na ibang pangalan para patahimikin ang mga may saltik.

Don't worry, hindi 'yon totoo.

*.*.*

SUMABAY AKO sa dalawa kong pinsan na magkapatid, sina Shield at Steel, na mga Pereseo rin, papuntang apartment namin sa Cubao. May puting van kasi sila na madalas nasisiraan, pero kaya pa naman pagtiisan. Tinatamad akong magcommute. Saka mainit.

Pagdating namin sa apartment na may tatlong kwarto, isang lababo, isang CR at medyo malapad din ang sala... nandoon na rin ang dalawa pa naming pinsan na sina Psalm at Philemon. Ang kambal sa mga magpipinsang Pereseo. Nanunuod ng scandal sa TV monitor. Nakafull ang volume kaya dinig na dinig ang ungol nung babae sa speaker.

Nakng!

Binato ni Shield ang kahuhubad lang na sapatos na sumalpok sa ulo ni Psalm. Napamura ang kambal na binabakatan. Mga tukmol talaga. Lakas ng trip ang mga loko. Nakahithit ng medyas na naman siguro.

Galing Bibliya ang mga pangalan pero mga siraulo. Napailing na lang si Steel at dinampot ang remote saka pinatay ang mahalay na palabas. Ibang klase. Nanunuod ng porn sa 48 inches HD TV.

Pumalatak ang kambal. Pilit inagaw ni Psalm ang remote kay Steel. Hinagis naman ni Steel ang remote na akala mo unan ang binato. Sumalpok ang remote sa ref na kumalas at natanggal ang mga baterya.

Napapindot ako sa tuktok ng tainga. 'Di ko talaga alam kung saan mas tatahimik ang buhay ko. Kung sa bahay sa Antipolo o apartment dito sa Cubao.

Bakit ba naging Pereseo ang apelyido ko?

"Si Risk?" tanong ni Shield kay Phil.

Inilapag ko ang isang itim na knapsack sa ibabaw ng bakanteng sofa saka ang bola ng basketball. Napapangiwi sa mga nagkalat na sapatos, medyas, damit at mga bote ng softdrinks at mga plastic ng malalaking chichirya. Mukha na namang kulungan ng baboy ang apartment. Bumawi lang sa bagong spray na air freshener.

Tatlong kwarto ang apartment. Nasa second floor lahat. Dito sa baba ang lababo, banyo, sala at kusina. Tig-dalawa kami sa kwarto. Magkasama ang kambal na sina Psalm at Philemon. Palagi namang nagkakasundo ang dalawang 'yan sa kahit anong trip. Kaya nga sabay na nanunuod ng Rated P (Porn).

Magkasama naman ang magkapatid na Shield at Steel. Dahil walang may gusto sa kanila na makasama si Risk sa kwarto. Kaya malamang, ako ang nagtitiis sa mga kagagohan ni Risk.

Sabay na tinuro nina Psalm at Phil ang kisame. On cue naman na may hagikgik ng babae at pababang mga yabag. Parang naglalampungan na ewan. Sabay-sabay kaming nakatitig lang sa entrada ng hagdan. Hanggang sa sumulpot si Risk, topless, na kumakagat sa leeg ng babaeng mapula ang buhok na sabog. Nakababa ang manggas ng damit at halatang walang suot na bra. Humahagikhik. Napangiwi ako.

Hindi pamilyar ang babae. Ngayon ko lang nakita. Sabagay, iba-iba naman flavor ni Risk. 'Di nauubusan. Palaging may nakareserve.

Kaya pala. Kaya pala nanunuod ng kadiliman ang kambal. Naiinggit siguro ang mga loko.

Tila naramdaman ni Risk na may humihiwang matatalas na mga titig sa kanya, kaya inilayo niya ang sarili sa babae at lumingon sa 'min. Ngumisi. Nakng! Sarap bigwasan.

"Kanina pa kayo nandiyan, boy?" Walang umimik. Ang kambal napatitig sa bakat nung babae. Napapailing na dumiretso si Steel sa kusina. Si Shield naman nagsimula nang magligpit ng mga basura. "Babe, can you go now? My cousins are already here. I'll call you later." Hinalikan ni Risk ang babae at marahan pang kumagat sa labi.

Kawawang babae. Walang kamalay-malay na hindi 'yon mangyayari. 'Di umuulit si Risk ng babaeng dinala dito o whatever. Kahit walang datong, pupusta ako ng isang billion, hindi niya alam ang pangalan ng babaeng 'yan.

Saka ako natauhan nang may maalala. Nilagpasan ko sila. Dumiretso sa taas. Nagmamadali. Putek! Siguradong hinagupit na naman ng super typhoon ang kwarto.

'Di nga ako nagkamali. May mga unan na nagkalat sa sahig. Natanggal ang bedsheet. Nahulog ang ilang gamit sa mesang malapit sa higaan. May red laces bra pa sa paanan ng kama. Ang maayos lang... ang taas ng double-deck.

Salubong ang mga kilay na pinulot ko ang bra saka hinagis sa ibaba. Narinig ko pa ang nakakalokong halakhak ni Risk pagkatapos.

Nakng! Bakit ko ba naging pinsan ang ugok na 'yon? At bakit sa dinami-rami ng pinsan kong Pereseo ba't ang tukmol na si Risk ang best friend ko?

Inilock ko ang pinto at nagsimulang ayusin ang mga gamit. Saka ako umakyat sa taas ng double-deck. Humilata. Ipinatong ang ulo sa nakasalikop na mga braso.

Mayamaya, naalimpungatan ako. 'Di ko napansin na nakatulog ako. Pagmulat, madilim na ang kwarto. Lagpas ala sais na siguro.

Paglabas ko, nagtatawanan sina Psalm at Philemon sa kabilang kwarto. Medyo nakaawang ang pinto. Naipilig ko ang ulo. Ano na naman kayang trip ng kambal?

Bumaba ako. Tumungo sa kusina. Humihikab. Nakatayo si Steel sa harap ng gas stove. Walang pang-itaas na damit. May hawak na sandok. Tumitikim sa umuusok na niluluto. Amoy tinola.

"Boy!" Nilingon ko si Steel nang makaapak na isang paa ko sa banyo. "Text mo nga si Risk. Ang loko, umalis. Mayayari na naman tayo kay Tita Minerva."

Tukmol talaga. Saan na naman nagsuot ugok na 'yon?

Tumango ako't pumasok sa banyo. Umihi. Nagtoothbrush. Naghilamos. Saka uminom ng malamig na tubig sa ref pagkatapos.

Nasa sala si Shield. Kaharap ang laptop na itim. May suot na salamin. Seryoso. Nagdodota siguro. Malinis na ang apartment. Hindi talaga nakakatakas kay Shield kahit ligaw na alikabok. OC 'yan, eh. 'Di ko na inimik.

Pinulot ko ang bag ko at bola nang matigilan. Nakabukas ang zipper ng bag. Agad kong binuklat ang loob. Kumulo yata dugo ko. Gumapang paakyat ng ulo. Nakngtokwa!

Nasaan ang diary ni AB?

"Shield..." tawag ko pero 'di lumingon. Alam kong nakikinig siya. "Si Risk ba nagbukas ng bag ko?" Pigil na pigil ko ang hininga.

Umiling lang siya. '''Yung dalawang buang," turo niya sa kisame.

Halos liparin ko ang pag-akyat sa second floor. Malakas pagkakahampas ko sa pinto ng kwarto nina Psalm at Philemon para bumukas. Nagtatawanan ang dalawang pakialamero nang pumasok ako. Ni hindi napansin ang presensiya ko.

Tiim-bagang, kuyom ang kamao... mabibigat at mabibilis ang hakbang na lumapit ako't hinatak ang green na notebook. Sabay ang ginawa nilang pagtitig dito hanggang sa bumagsak sa matalim kong titig sa kanila.

"Boy, ikaw pala..." Parang natauhan si Psalm pero natatawa pa rin.

"LT si AB, Boy!" sabi naman ni Phil na tinatapik-tapik ang tiyan. "Pakilala mo nga ako. Kaklase mo? Isa sa mga nagconfess sa 'yo tapos inabot diary niya para mabasa mo? Hindi ka naman interesado sa mga nagcoconfess sa 'yo, 'di ba? Imbes na kay Risk mo ipakilala... sa 'kin na lang."

"Sa 'kin din, Boy," segunda ni Psalm.

Bakit parang gusto ko silang gulpihin?

"Binasa n'yo?" Mahinahong tanong ko, pero kung ano-ano ng brutal na eksena ang umiikot sa isip ko. Mali tanong ko, eh. "Bakit n'yo binasa?!"

Natigilan sila nang tumaas ang timbre ng boses ko. Kahit ako nagitla. Nabura ang ngisi nila't nagkatitigan. Bago ibinalik ang titig sa 'kin. "Girlfriend mo si AB?!"

Hindi ako sumagot. Ano'ng pinagsasabi ng mga tukmol na 'to? "Hanggang saan ang binasa n'yo?" usisa ko pa.

"Nasa last page na kami kanina," seryosong sagot ni Phil. Nakatitig lang sa 'kin na parang may pinag-aaralan o kinikilatis sa mukha ko.

"Ano?! Binasa n'yo hanggang dulo?" Naglaban ang mga ngipin ko. Halos bumaon ang mga kuko sa palad. Nakakagigil.

Hindi sila sumagot. Tahimik lang na nakatunghay sa 'kin. Kunot-noo na si Phil tapos si Psalm 'di nakatiis at tumawa ulit. Mas malakas kaysa kanina.

"'Wag kang sumigaw, boy. Hanggang first year College lang nabasa namin," sabi ni Psalm saka mahinang tinapik si Philemon sa balikat.

Huminahon ako. 'Di nagsalita. Pero nakngtokwa! Hanggang College na nabasa nila? Eh, ako hindi pa nakakagraduate ng Elementary si AB!

"Sa sunod, 'wag kayong nangingialam ng gamit ng iba. Lalo na ang mga gamit ko. At 'wag din kayong magkakamaling basahin o kahit hawakan ang diary na 'to." Tumaas ang sulok ng labi ni Phil. Si Psalm kinagat na ang labi para pigilan na ang pagtawa. Hindi ba sineseryoso ng mga tukmol na 'to ang sinabi ko? "Seryoso ako, boy!"

"Hala, boy! Seryoso na raw si Kudos," sambit ni Phil na kay Psalm nakatingin.

"Oo, boy. Seryoso na 'yan. Haba ng sinabi, eh. Lagpas 10 words. Natalo ang record dati. Lumagpas ng three sentences," sabi ni Psalm.

"Galit din yata, boy. Baka sapakin tayo."

"Oo nga, boy. Higpit na kuyom ang kamao, eh. Nanginginig pa."

"Ikaw na lang magpasapak, boy. Baka magkapasa g'wapo kong mukha--"

"Shut up!" asik ko. Sumeryoso silang bumaling sa 'kin. Pero sobrang halata naman na gusto nilang tumawa. Nakng!

"Boy, sorry na. 'Di na namin babasahin," si Psalm.

"'Di na kami magpapakilala kay AB," si Philemon.

"P'wede ka nang huminga."

"'Wag ka na ring magselos."

"Basta alagaan mo si AB."

"Ingatan at itago mo ring mabuti ang diary. Baka may iba pang makabasa ulit."

"Lalo na sa radar ni Risk. 'Pag nabasa niya, yari na--"

Tumalikod ako't pabagsak na sinara ang pinto. Narinig ko pa ang nakakabwisit na echo ng tawa nila. Ano ba'ng pinagsasabi ng mga tukmol na 'yon? Sarap tapyasan ng mga ngala-ngala. Ilang medyas nahithit nila? Lakas ng trip. Mga abnormal!

Dumiretso ako sa kwarto namin ni Risk. Inilapag ang diary sa ibabaw ng mesa. Napahawak ako sa tuktok ng dalawang tainga. Pinisil-pisil. Para kumalma.

Nakatitig lang ako sa green na notebook. Huminga ako nang malalim.

Sumalampak ako sa kama at binuksan ang second hand na laptop, dating gamit ni Risk. Naglogin ako sa facebook at nagsearch.

Search: Angelica Bianca |


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE