Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Habang nakikipagsiksikan sa MRT. May nahulog na diary. Diary ng NBSB. Napulot ng isang lalaki. Lalaking ang hobby... magpaiyak ng mga babae.

< Kudos Pereseo >

"Let's go straight to the point. Why do you like me? Do you just like me... or deeper than that?"

Nanunuyo aking lalamunan. Nag-iinit ang mga tuktok ng tainga. Nagrerebelde ang puso. Namaluktot ang dila.

'Di ako nakapagsalita.

'Di rin alam ang sasabihin.

Hinigop yata lahat ng common sense ko.

Nablangko.

Prangka nga talaga siya. Pero bakit wala munang busina?

Para akong isinakay sa roller coaster na wala pang nakakabit na safety strap... umandar na. 'Pag bumitaw ako... titilapon.

Nakakatakot. Na baka 'di niya magugustuhan ang sasabihin ko. Na tatalikuran niya ako... o magwawalk-out. Gano'n ang mga babae, 'di ba?

"Ah... sorry. Nabigla yata kita." Tinanggal niya ang pagkakabuhol ng buhok. Sinuklay ng kamay. Pinaikot-ikot. At ibinuhol ulit para i-bun. Pinanuod ko ang bawat kilos niya... sa sulok ng mga mata.

Muling sumabog ang katahimikan. Lalo namang lumakas ang buhos ng ulan.

Napamasahe ako sa batok. Gustong batukan ang sarili. Ramdam ko ang awkward atmosphere sa pagitan namin.

O ako lang?

Nakng, Kudos! Walang mangyayari kung gaganyan ka lang.

Nilingon ko si AB. "A-Ano..." Nagkasabay kami. Ang kaibahan lang... 'di siya nabulol.

"Ano 'yon?" Kinagat-kagat niya ang dulo ng hinlalaking daliri. Mukhang ako lang naman ang naiilang. Ang kabado. Ang nagwawala ang puso. Parang wala nga lang sa kanya.

Umurong ulit ang dila ko. Walang masabi.

Tukmol ka, Kudos! Sino ba ang lalaki sa inyong dalawa?

Ano ba kasi sasabihin ko?

Na gusto ko siya?

Na gustong maging girlfriend? Agad-agad?

Magpapaalam manligaw?

O kaibiganin kaya muna?

Tokwa! Wala naman kasi akong alam sa ganito.

Paano ba manligaw? Kailangan magpaalam? Paano 'pag 'di pumayag? O ligaw na agad? Kahit ayaw nung babae... ipagsisiksikan ang sarili?

Nakng! Dapat talaga nanuod muna ako ng mga tutorials sa Youtube, eh. O nagbasa ng mga articles or tips about... courting a lady.

She's AB!

She doesn't have a boyfriend but she's a pro when it comes to this. Ilang lalaki na ba ang umamin sa kanya? Ilang lalaki na ba ang binasted niya?

Lahat ba 'yon nakasulat talaga sa diary niya?

Paano kung madagdag ang pangalan ko sa listahan ng mga lalaking 'yon?

Kailangan ko bang ipaliwanag ang sarili? Kung bakit ko siya gusto? Nagustuhan?

Dahil binasa ko ang diary niya?

Ang weird nun. Ang creepy ko 'pag nagkataon. Kabilin-bilinan nina Magnet at Angelito... 'di ko p'wedeng banggitin ang tungkol sa diary.

So, paano?

Tumigil siya sa pagkagat ng daliri. Ibabang labi niya naman ang pinagdiskitahan kagatin. Nakatitig lang ako sa kanya. Iniiwasang ibaba ang pagtitig sa mga labi.

I don't know what to say but I want to look at her face. Gusto kong nakikita, pinagmamasdan, ipinipinta sa utak... ang bawat reaksiyon niya.

Ilang beses siyang kumurap. Bago napailing. "Tell me... have you ever like someone before?"

Nanigas ako. I was caught off-guard. Kahit 'di niya pag-aralan ang mukha ko na ginagawa niya ngayon... mahuhuli at mahuhuli niya ako. Mabubuko.

Because she's that girl... AB.

"Oh..." Humigpit ang yakap niya sa unan kahit 'di ako umimik. Pasimple kong ipinagsalikop ang mga kamay. Kinaskas. Para mabawasan ang panlalamig. At panginginig. "Ako pa lang..." humina ang boses niya. Hindi rin patanong.

She's so sure about it.

Gano'n ba ako katransparent o masyado lang siyang observant?

"S-Sorry..." Ewan ko kung ba't ako humihingi ng paumanhin. Napapisil ako sa tainga. "H-Hindi ko alam kung ano'ng sasabihin."

Seryoso siyang nakatitig lang. Ako... 'di alam kung isasandal ang likod sa sofa o gagayahin ang posisyon niya... paharap sa kanya. Nagpangalumbaba siya't pumikit.

"Gosh! You're so..." Saka muling tumitig sa 'kin.

"Apparent. Genuine. Innocent. Wholesome." Huminga siya nang malalim. Tatlong beses. Mabibigat. Nakakawasak. "Malinis. Wala pang lamat. Na nakakatakot hawakan.... kasi baka ako 'yong makabasag."

"And... I don't want that." Ibinaon niya ang mukha sa unan. "What should I do with you?"

Ikinuyom ko ang mga kamao. Kahit wala pa... may kung ano'ng bumabasag sa puso ko. Na tipong may mga pinadala siyang enhinyero sa loob na imbes na i-reconstruct... dinidemolish. Ginigiba. At... wala akong magawa.

Hindi naman ako gano'n kainosente. Sa takbo ng usapan, na kahit hindi ko alam kung ano'ng iniisip niya... alam ko naman kung saan pupunta. Saan matatapos. At kung bakit gusto niyang mag-usap kami.

She's going to reject me...

Na hindi niya lang direktang masabi kasi ayaw niyang makasakit. Na iniisip niya pa kung paano sasabihin nang hindi masyadong masakit.

Kaso hindi naman gano'n 'yon. Hindi 'yon gano'n kadali. Hindi 'yon maiiwasan. Kasi kahit ano'ng sabihin niya o gawin...

Rejection is painful. Rejection is abysmal.

Sinadya man o hindi. Masakit. Nakakawasak.

Inangat niya ang titig sa 'kin. I was tempted to say something, but I suppressed it. "You're so tense, Kudos. Relax..." sabi niya sa kalmadong boses. Dahilan para mas kabahan ako lalo.

Yumuko ako. "S-Sorry..."

Bumuntong-hininga siya. "Just tell me something about yourself," maya'y usal niya.

Kumunot ang noo ko. "W-Why?"

"You're spacing out. You're nervous right now. Tumatagos sa 'kin, eh." Tipid siyang ngumiti. Na hindi tulad kaninang maaliwalas. Ngayon, alanganin. Pilit. "Hindi ko alam kung paano sisimulan na kausapin ka. Kaya... idaan natin sa interview. I'm the interviewer. You're the applicant. Okay? So, tell me something about yourself, Kudos. I really don't know you that much... anyway."

Binasa ko ang labi. Sobrang nanunuyo dahil sa tensiyon. Nanatili akong nakatitig sa kanya. Marahan siyang tumango. "That's the ice breaker right? Gano'n naman kapag mag-aapply ka ng trabaho. Gasgas na ang tanong na 'yan. Umay na umay na nga ako..." Mahina siyang tumawa para pakalmahin ang sarili? O pagaanin ang pakiramdam ko kahit paano?

Ngunit bawat pitik ng segundo... lalong dumadami ang mga enhinyero.

"That question really helps a lot. Nakakakalma," dugtong niya. "Saka hindi ba ipektibo ang T-ice? Dapat ba hard ang ininom natin? Sorry... hanggang doon lang kaya ko."

Nangunot aking noo. Kaya ba niya naisipan mag-inuman para dito? Kasi kapag nakakainom... lumalakas ang loob? 'Di nagagawang magsinungaling?

Kaya rin kami iniwan ng mga tukmol?

Kaso... wrong move 'yon, AB.

'Di naman ako mabilis malasing. Kahit nakakainom ako... nasa matino pa rin ang isip ko. Alam ko pa rin ang tama sa mali.

Na nakakafrustrate. Kasi sabi nila, nakakalimutan mo ang problema kapag nakakainom ka. Pagdating sa 'kin, hindi yata applicable ang thought na 'yon. Mananakit lang ang ulo ko. Magkakahang-over, but the problem is still there. Na kahit isang segundo... 'di nawaglit sa isip ko.

If you planned to get me drunk to boost me up, AB. You failed.

Sana nilasing mo na lang ako sa Chuckie. Baka nagsucceed.

Nagbackfire lang kasi. Because right now... ikaw lang 'yong mas dumoble ang lahat. Dumoble ang kakulitan. Ang pagiging straightforward.

That I don't think I could handle it if some hurtful words would slip from your mouth.

But if this is what you want... okay. If you want to talk... okay. If you want me to be honest... okay. Maybe I can endure? Maybe I can hold on? Maybe I can be a good actor? For once and for all...

Na kahit mahuhuli mo ako. Na kahit sobrang transparent ko para sa 'yo... I'd try.

Tumikhim ako. Ngumiti. Sana lang 'di awkward kasi masusuntok ko sarili ko. "What's the vacant position, Senpai?"

Umarko ang kilay niya. Tumaas ang gilid ng labi. "Ha?"

"I'm the applicant here. Therefore, I have the rights to know what vacant position I'm applying for..." Pinilit kong 'wag bumaluktot ang dila. Ang maging kalmado. Kahit sasabog ang dibdib sa pressure. "I don't want other offers. I prefer to be a boyfriend or... if that's too inaccessible... maybe a suitor would do."

Nanlaki ang kanyang mga mata. 'Di nakaimik. Nakaawang nang bahagya ang bibig.

"If that position is vacant..." pagpapatuloy ko. "Then, I'd do my best to answer all of your questions on this interview. I'd try to persuade you... to tell you all my knowledge and skills; that even if I'm a newbie and don't have experience yet... I'm willing to take an examination or trainings you want me to acquire. This career is all I want for life. So I'd give my 101 percent or 200 on this for you to get me hired."

Kung nandito ang mga tukmol... baka sinalat na nila ang noo ko o sinabihan ng "who you?"... maski ako, 'di alam kung nasa matino pa akong pag-iisip ngayon.

Nakng! Ang haba ng sinabi ko. Preach...

"Gosh!" tanging sambit ni AB, tinakpan ang bibig. Saka tatlong beses na bumahing. Sunod-sunod. "Sorry..." Taranta siyang tumayo. Bitbit ang unan. Pinisil ang ilong, at nabahing ulit. "We'll continue this interview later. Wait. Naiihi ako..." Lakad-takbo siya papunta sa banyo.

Nakaawang ang bibig kong hinabol siya ng tingin. Sinisipon ba siya? O mabaho ang hininga ko?

Huminga ako sa palad. Hindi naman.

Bigla siyang nagpreno at pumihit paharap. Naibaba ko agad ang kamay. Bumalik siya sa tapat ko. Nginusuan ako't sininyasan na umusod. Kunot-noo lang ang reaksiyon ko sa kanya... na 'di alam kung ano ba dapat ang maramdaman o irereact ko sa mga oras na 'to.

"'Yong phone ko kasi..." Alanganin ang ngiti niyang itinuro ang kinauupoan ko. Umusod ako. Dinampot niya ang kulay green na cellphone na naupoan ko pala. Saka mabilis na tumungo sa banyo dapat... pero bakit sa kwarto nila siya pupunta?

Nang sa tapat na ng pinto saka siya natigilan. Tatlong beses kinaltok ang sarili saka patay-malisyang lumiko papunta sa CR. Na ewan ko kung sinadya niya talagang takpan ng unan ang mukha para 'di ko makita o... nagkataon lang.

Nang mawala siya sa paningin ko... saka ako napahinga nang malalim. Napakagat nang mariin sa labi... para pigilan ang matawa. Kaso 'di ko rin nakontrol ang sarili. Naipatong ko ang dalawang daliri sa bibig... naiiling.

Marunong din pala siyang mataranta. Ang cute lang.

Ilang saglit, ibinagsak ko ang katawan sa sofa. Kaso 'di mapakali. Dumapa. Kinagat ang isang unan. Ilang beses huminga nang malalim. Natatawa na naninikip ang dibdib. Ginulo ko ang buhok. Binatukan ang sarili.

She's unbelievable.

Unpredictable.

Nabaliw na nga yata ako.

Hindi. Baliw na talaga.

"Uy!" May kumalabit sa likod ko. "Ano'ng ginagawa mo?" Napabalikwas ako ng bangon. Nahulog sa sofa dahil hindi ako kasya. Dali akong napabalik sa pagkakaupo habang mahinang pinupokpok ang dibdib. Tiningnan si AB na nagtatakang nakamata sa 'kin. Ewan kung nagpipigil ba ng tawa o sadyang pokerfaced.

Nakng... nakakahiya ka, Kudos!

Napahawak ako sa tainga. "T-Tapos ka na?"

"Umihi lang ako, hindi jumeps."

Sabi ko nga. Hindi siya jumeps.

Pinisil ko ang tuktok ng tainga.

Umupo siya sa 'king tabi. Sa dating kinauupoan ko. Na parang walang nangyari. "Ano na nga 'yong sinabi mo kanina?" Nilingon niya ako. Tipong nagtanong lang kung ano ang pangalan ko.

Ito yata talaga ang talent niya. Ang magpakaba. Ang manggulat. Siguro magkakasakit ako sa puso 'pag palagi siyang ganito.

Napalunok ako. Isinama ang kotorpehan. Ang kaduwagan. Ang kinakatakutan. Ang katukmolan. Sana lang 'di mabilaukan at tuluyang malunod ng sariling katangahan.

"I'm applying for a boyfriend position or a suitor... Senpai."

Kampai, Kudos!

Walang kinalaman ang T-ice. O baka konti... ang Chuckie -- katumbas ng isang dam na paninindigan at self-confidence -- kahit pigil na pigil ang hininga sa antisipasyon.

Siya ang nabilaukan. Naubo. "Gosh! Hindi effective..." Napangiwi. Ilang beses niyang pinukpok ang dibdib katulad ng ginagawa ko. "Ito ba effective sa paninikip ng dibdib?" Tiningnan niya ako. Tapos sa kamay niya sa ibaba ng leeg. At sa 'kin ulit. "Ay! Wala pa lang sisikip kasi maliit. Pinukpok ko pa... lalo tuloy naflat."

Hindi ko na napigilan ang matawa. Kahit kagatin ko ang ibabang labi... may kumakawalang tunog. Na recordbreaking pa yata. Umabot ng lima. O lagpas. Tokwa!

Tinuro niya mukha ko. Pabaril. Na itinaas-baba. "Ya... napatawa rin kita." Sumilay ang isang nakakawala ng kabang ngiti sa mga labi niya. "So... are we good?" Ang kanyang gun fingers, pinalitan ng thumbs up.

Nahinto ang pagtawa ko.

"Uy! Hindi ako naghahanap ng condom. Kung ano-ano iniisip mo diyan?" Pinakulubot niya ang ilong. Ngumuso. Saglit.

Muli akong napangiti. Baliw.

Ba't ba ang dami niyang alam?

Maybe she wanted to lighten up the mood between us. Kanina pa. At epektibo naman. Baliw kasi. Ang kulit.

Napatango na lang ako.

Pinanlakihan niya ako ng mga mata. Natutop ang bibig. "Ay hala! May condom ka nga?"

Umiling ako. Napakamot sa batok. "Wala, ah."

"Aysus! Tsk. Tsk." Napailing siya. "Naku. Naku. Basta talaga g'wapo..."

Kinagat ko nang mariin ang labi... lalong napangiti.

"Nahahanginan na rin ba ang ngiti ngayon? Ba't nastock na 'yan? Ano iniisip mo?!" Tiningnan niya ako, tapos ang dibdib niya. Tatlong beses.

"Ay hala siya!" Umisod siya sa pinakadulo ng sofa. Pinagcross ang dalawang palad sa dibdib. Nataranta akong naitaas ang kamay para lumapit. "Opps! Ano 'yan ha?" Ininguso niya ang kamay kong nastock sa ere. "No trespassing. Private property. Permit required. Unauthorized persons. Keep out!"

Napakurap ako sa kanya. Nakanganga. Tapos humahalakhak siya. "Gosh! You're so..."

Nailing ulit ako. Nakng! Wala yata kaming mapag-uusapan na matino?

Huminto siya sa pagtawa. Muling niyakap ang unan. Nakapaharap na ulit ang upo sa 'kin. "Regarding on your desired position..." sambit niya kalaunan kaya agaran ang pagseryoso ng aura ko. "It's not available, Oppa."

Kakababa ko lang ng armor, nasibat ulit ako. Sintido. Bull's-eye. Malalim ang paghugot ko ng hininga. "Then, what's the purpose of interviewing me, if you're just gonna reject me?"

Matagal siyang nakatitig lang sa 'kin. Hindi ko inilihis ang tingin. "If you're afraid of rejection, why did you apply?"

"Because it's all that I want."

"But the position isn't for hire."

"What's available, then?"

"Are you bargaining with me?"

Natameme ako. Kahit na kinokontra ng utak na kimkimin lang lahat ng iniisip, nararamdaman... nagwewelga ang buong sistema. I want to voice out my thoughts. Lahat. Kahit na ano'ng maging resulta. At least... I've tried.
Alam ko na isang beses lang 'to mangyayari. Bukas wala na. O baka hindi na nga siya magpakita sa 'kin. Kasi magaling siya sa gano'n... ang umiwas. Ang tumakbo.

Hangga't kaya niyang talikuran, gagawin niya.

Ayokong iwasan niya ako nang gano'n lang. Na parang wala lang. Na wala man lang akong ginagawang hakbang. Na pagsisisihan ko lang sa huli.

Alam ko naman na malaki ang posibilidad na tanggihan niya ako. O wala nga yatang possibility na tanggapin niya ako. Puro hindi. Wala talaga.

Kaso gusto ko pa rin. Hindi ko alam na may pagkamatigas ang ulo ko. Akala ko dati... hanggang sa safe zone lang ako. Ba't ngayon ako na ang sumusuko kay kamatayan? Ako na ang humuhukay ng sarili kong libingan. Ako na ang gustong maligo sa dagat. Magpalubog. Magpalunod.

Nakng! Istupido ba ako?

"Oo nga pala..." Napangiti ako nang mapakla. Bumulong, "Walang rights na magdemand ang isang applicant sa employer."

"Don't get me wrong..." Bumuntong-hininga siya. "I'm glad that you're sharing your thoughts and feelings. Para naiintindihan kita. But try to understand me, too," malumanay ang pagkakasambit niya. Sadyang matalas. Nakakahiwa. "I'm trying to comprehend your point of view. Respect mine, Kudos."

Yumuko ako. Lahat ng punto ko... biglang nawalan ng sense. Wala ng posibilidad na manalo sa argumento o debate. 'Yong pinaghirapan kong ipunin na isang drum na tibay ng loob... nabutas. 'Yong ibinuga kong "kapit lang" sa isang lobo... pumutok.

"T-Tell me..." Hindi ko man gusto, nangatal ang boses ko. "You came here to reject me right? Bago ka sumunod dito, kilala mo na ako. When you approached me, you were a hundred percent sure that I'm the guy behind KD Oppa." I can't look at her. I'm too petrified to see her reaction. "You were just observing me and waiting to slip it from my tongue."

"Hindi naman sa gano'n..." Natigilan siya. Tama nga ako. "Sorry. The moment you accidentally mentioned the name of your older sister on messenger... nahuli na kita."

Marahan akong napatango. Nanatiling nakayuko. Nakadiin ang dalawang daliri sa pagitan ng mga mata.

"Hindi ka naman siguro umiiyak ngayon, 'di ba?" pabulong niyang tanong. Hindi ako umimik. "Gosh! Don't cry on me, Kudos..."

Inangat ko ang mukha. Nginitian siya. Kinilatis niya ang aura ko. Bumuntong hininga. "Nakakainis naman. Kahit 'di pala hawakan... nagkakalamat. Kahit boses lang... nakakabasag."

Nginitian ko ulit siya. "Ayos lang ako, AB."

Napangiti rin siya. Reflection yata ng ngiti ko. "Niloloko mo ba ako? Babae ka ba na mahilig magsabi ng... okay lang sila, kahit hindi naman talaga—"

"Then, what do you want me to do, AB? You're going to reject me... tapos hindi ako masasaktan?"

Natahimik siya. Ilang beses siyang huminga nang malalim. Ako... pinupukpok ang dibdib. "Why do you keep on calling me AB? Angel ang tawag nila sa 'kin."

"Are you pulling a stunt to divert our topic again?"

Napakamot siya sa ulo. "Eh, 'di hindi na po..." Lumabi siya. Sininyas ang daliri. "Continue."

"Seriously, AB..." Hinawakan ko ang tainga. "What do you want me to do?"

"Continue nga! Kulit..."

Umangat ang gilid ng labi ko. "I'm pertaining to my feelings for you. Should I really continue?"

"A-Ay! Hindi kasi 'yan..." Nahulog ang unan na yakap niya. Pinulot niya ulit at niyakap. "Ugh! Ano ba..."

Kinagat ko ang labi. "Niloloko mo ba ako?"

Sumimangot siya. "Inuutakan mo ba ako?"

"Eh, inuutakan mo rin naman ako. Quits!"

"Nagkakaintindihan pa ba tayo dito?"

"Ikaw lang naman ang hindi umiintindi... ng feelings ko."

Nasamid siya. "Wow! Ang lalim..."

"Oo. Kaya nakakalunod."

Tinitigan niya ako. Matagal. Nababasa niya ako. Nasasalamin ang bawat reaksiyon. Kaya bakit kailangan ko pang lagyan ng filter ang mga sasabihin... kung straightforward din naman siya sa 'kin?

Nakakatawa ang usapan. Pero walang makatawa sa 'min. Walang sense o 'di alam kung saan pupunta... pero walang may balak magpatalo.

Wala akong pag-asa, simula pa lang... pero binigyan ako ng chance the moment she appeared in front of me. One chance, one moment... one life. Kaya bakit kailangan kong sayangin? Ang isantabi lang? Bakit 'di ko gamitin?

Kahit katiting na chance lang 'yon... ayos na ako dun.

Sa pagsugal ng feelings, walang kasiguraduhan kung mananalo ka o matatalo. Parang pagbabasketball... bilog ang bola. Lahat p'wedeng mangyari sa ballgame.

She's playing tricks on me. Dinadaan niya sa logic. Sa mga reasons.

But I'm natural when it comes to this. Sa mga lohikal na pangyayari. Buong buhay ko, nilamon ako ng mga gumugulong bagay sa utak ko.

Ngayon lang nabaliko ang konseptong 'yon. Na darating pala ang panahon na masasapawan ng feelings ang mga logical reasons.

Na kahit star player ang utak mo, MVP sa kahit ano'ng laro... naiinjured din. Napapagod. Kailangan magkaroon ng substitute. Na naghihintay lang ng tamang pagkakataon para patunayan na... p'wede rin siyang maging ace player. At 'yon ang puso.

Kaya nga nauso ang... kailangan ng puso sa laro.

Siguro nga, nananalo ang strategic play. Pero nalalamon 'pag ginamitan na ng puso.

Nakng! Ito na naman. Oh, sige... tama na utak. Time out. Puso naman.

Do or die.

Manalo o matalo... sports lang.

Kailangang tanggapin kahit na ang dulo ng ballgame... heartbreaking.

"You didn't answer my question..." untag ko kasi hindi na siya umimik. "What's the other position?"

"Wala ka ngang condom..." sagot niya. "Tapos nagtatanong ka ng position?"

Aksidenteng nakagat ko ang dila sa sinabi niya. 'Di pa niya iniwas ang tingin. 'Di rin natawa. Seryoso.

Okay... kahit pala ano'ng strategy ang gawin... talo ako. Napupunta sa 'kin panandalian ang momentum, pero 'pag nabawi niya... hagupit ang balik.

Kung point guard at small forward ako... siya naman ang center. Ang galing niyang sumupalpal. Mang-block ng atake.

Sa varsity, forte ko ang offense. Ngunit sa kaso ni AB, mas magaling siya sa defense.

Ano ba ang nagpapanalo ng ballgame?

The player shouldn't just rely on offense or defense. It should be both.

Hinawakan ko ang labi, bumuntong-hininga. "Okay... let's talk about 's e x'." Tinangka kong lumapit sa kanya. Napalo niya ako ng unan bago pa ako makalapit. Nagulat yata.

Nakng! Blocker nga. Nanghahampas.

"That's foul..." Napahawak ako sa mukha. Hindi naman masyadong malakas o masakit. Pero... nakakabigla. Naipikit ko tuloy ang mga mata. Nakusot.

Mahina siyang natawa. Or not... kasi tunog na mukhang naiiyak. O mali interpretasyon ng tainga ko... dahil pagmulat, balik sa dating aura ang kanyang mukha. "Sorry... ikaw kasi, eh."

"Bakit ako?" Siya kaya ang banggit nang banggit ng condom. "Are we going to talk... seriously?"

Kinuha niya ang isang unan na malapit sa 'kin at inilagay sa gitna ng sofa. "Just don't cross the line again."

Wala sa sariling napatango ako habang tinitingnan ang berdeng unan. Naglagay na siya ng pagitan. O dinagdagan ang dating matibay na harang. Hindi man niya direktang sinabi pero gano'n ang dating sa 'kin.

"Oh, sige. Tigil na sa kabaliwan ko. Tigil ka na rin sa pagpapaulan ng malalalim na patama." 'Di ko napansin na nahinto ulit ako sa paghinga habang hinihintay ang sasabihin niya. "Simple lang naman 'yan. Can we be friends... or not?"

"F-Friends?" Umawang ang aking bibig. "Friendzoned, AB?"

"What?" Napailing siya sa reaction ko. "You're asking me what the available position is. That's what I can offer, Kudos. Ah... sige, meron pa namang ibang options. Enemies or strangers?"

"Okay. Friends..." Isinasantabi ang kung ano mang emosyon ang gustong magreklamo. "May promotion naman siguro?"

She tsked. Napakamot sa leeg. "Are you going to kill yourself?"

Umiling ako. "Just following my heart. 'Yon ang gusto, eh."

"Hindi naman sa lahat ng pagkakataon puso ang pinapakinggan—"

"All of my life, I've been hearing the voices inside my head. Palagi kong pinapakinggan. Ang utak," pagputol ko sa kanya. "Ngayon nga lang... ngayon nga lang paiiralin ang puso, AB. Bakit 'di p'wede?"

Napahilamos siya sa mukha. She looks frustrated now. "Ano ba'ng gagawin ko sa 'yo?"

"Oo nga..." pagsang-ayon ko. "What should I do? Kasi hindi ko na rin alam. You want me to stop, I can't. You want me away, I can't. You want me... tell me... what do you want me to do?"

"Why should I tell you, if you can't do it anyway?" Hinimas niya ang braso. Tumikhim. "Fine! Don't drown yourself."

"I... I can't swim, AB."

"So because you can't swim, magpapalunod ka na lang?"

Napabuga ako ng hangin. "Then, save me..."

"I did..." Natawa siya nang mahina. Pilit. "And it's what I'm doing. But you're blocking me. You're restraining me—"

"You... you're the one who's blocking me--"

"See? I was offering you a boat to save yourself, but you chose to drown in me." Frustrated siyang napakamot sa pisngi. "I'm like the sea, Kudos. Too deep. Too cryptic. Maraming misteryong bumabalot. And there's you... too frail. Breakable. Na isang tangay ng alon, p'wedeng lamunin pailalim. I can save you. But I can't protect you all the times. How could I protect someone na ako ang p'wedeng maging dahilan para masaktan? Dahil sa 'kin, p'wedeng malunod. Dahil sa 'kin, p'wedeng mamatay—"

"I'm not gonna die," I cut her off. "Okay? I'm not, AB."

"Wow! May nalulunod pa lang hindi namamatay?" Kumurba sa sarkasmo ang gilid ng labi niya. "Why? Do you have limitless life?"

"Stop with the deep quotations. Logical reasons. Metaphorical explanations." Pinukpok ko ang dibdib. Umiling. "I'm not gonna follow my mind right now."

Minasahe niya ang gilid ng ulo. Saka tumango-tango. "You want to use your heart. Sige... ako rin." Binasa niya ang labi.

Tinuro ang tapat ng dibdib. "Kapag usapang puso... mas talo ka, dahil kahit saang anggulo... wala ka dito, Kudos."

Napapikit ako nang mariin. Ayokong makita ang reaksiyon niya. O makita niya ang reaksiyon ko. Gusto ko ring takpan ang tainga... nakakabingi, kahit na narinig ko na. Gusto kong lagyan ng protector ang puso... baka mabasag. Kaso nabagsak na bago ko pa maisipan.

Na kahit gusto kong i-switch sa pagtrabaho ang utak. Wala na. Labo-labo na. Nagulo na ang sistema.

"I'm insensitive, I know... but I won't say sorry for that," pagpatuloy niya. Yumuko ako, tinakpan ang mga mata. "Wala kasi talaga. 'Di ko nakikita. 'Di ko rin mapipilit. Kung matigas ang utak ko... mas ang puso ko. I tried to avoid this topic but you claimed it. Still... I'm not that heartless. I can give you a dosage of sensible reasons. Usapang isip.

"Why? You're still a stranger to me. Yes, I know you... but not so deep. Kakilala lang. Dahil sa mga pinsan mo. Dahil kay na Magnet at Angelito. Dahil sa intercollegiate basketball. Sapat na ba ang isang buong araw na magkasama tayo para magustuhan kita pabalik?"

Inangat ko ang mukha. Nilalabanan ang emosyon. I don't want to breakdown in front of her. "Y-You have a lifetime to know me, AB. I... I can wait."

Umiling siya. Pilit akong nginitian. "Cliche. Overused line. Meant to be broken all the times. Don't do that to yourself, Kudos. Ako lang 'to—"

"Yea, ikaw lang. But it's you. And... I want you. Why can't you understand that?"

"Gosh!" Marahan niyang tinampal-tampal ang pisngi. "You're making me lose my sanity. Parang kalasingan mo lang 'yan... mawawala rin. Trust me."

"I'm not drunk..." Ikinuyom ko ang mga kamao. "I'm not... drunk. I-I'm serious." Kahit ano'ng pagpigil... nangatal pa rin ang boses. Napatitig ako sa kisame. Kumurap.

"Kung sino ang nagsasabing hindi lasing, sila ang lasing. You don't know that line?" Hindi na ako nagsalita pa. Hindi ko na yata kayang magsalita pa. Ang makinig pa. "You're still young. At ngayon ka pa lang nainlove? Paano mo nalaman na pag-ibig 'yan? At hindi ko rin kasi maintindihan... bakit ako? I mean, paanong ako? Gayong kanina... hindi mo ako natandaan kahit nagkita na tayo dati. You didn't even remember when, where or how—"

Muli akong napatitig sa kanya. Natigilan siya. Kumagat sa labi. Yumuko. 'Di naman ako nagsalita. "S-Sorry... I'm too..." Tumikhim siya. "Sorry, I should stop now."

Natahimik kami. Walang nagtangkang bumasag sa katahimikan. Malakas pa rin ang ulan. Nakikipagpaligsahan sa hagupit ng bawat emosyon.

Hindi ko magawang tumayo. Maglakad palayo. Pakiramdam ko babagsak lang ako dahil sa panghihina ng mga tuhod. Nananakit na rin ang ulo... kahit 'di naman lasing, epekto yata ng T-ice.

Kahit na gustong pakalmahin muna ang nangangarag na emosyon... gusto ko pa rin na nakatitig lang sa kanya ngayon.

Alam ko, patapos na ang ballgame. Dehado na ako. At kailangan maging sports lang. Pero...

Ang bigat sa pakiramdam Pinukpok ko ang dibdib. Kinusot ang mga mata.

Nakng! 'Wag kang iiyak.

'Di siya gumagalaw. 'Di rin umiimik. Nakatitig lang sa phone niya ngayon na kinukulikat. Nagrereflect ang backlight sa kanyang mukha. Kita ko ang pamumula ng tuktok ng ilong... ng pisngi, at mga mata.

Biglang tumunog ang cellphone. Muntik niyang maihagis. Namatay rin agad. Pati ang backlight.

"Ugh! Lowbat..." Lumapag ang tingin niya sa 'kin. "May load ka? Patext!"

My jaw dropped. Before I could answer, nadampot na niya ang phone kong kumawala pala sa 'king bulsa.

"Pattern?" Wala sa sariling napapindot ako sa phone ko.

Ewan... ano na ba nangyayari? Sa amin? Ang sitwasyon?

Huli na nang mapagtanto na nakabukas ang gallery... bumulaga sa 'min ang mga stolen shots niya kanina. Sobrang dami.

Lihim kong inangilan ang sarili. Nakngtokwa!

Hindi na siya nakitext. Nawala na sa isip. Binalik agad ang phone ko. Tumitig sa 'kin na tipong may inaalala. Iniisip.

"Kudos..." bulong niya. Paulit-ulit. Kinikilabutan tuloy ako sa paraan ng pagsambit niya sa pangalan ko. "Kudos... ikaw ang tumawag habang nag-aano..." She clered her throat. "I mean nawrongcall ko nung nasa CR ako?"

Tukmol ka, Kudos! Double kill.

Hindi na ako nakapagsalita... tumayo siya. Automatic ang paghawak ko sa kanyang pulsohan. "S-Sandali..."

Bumitaw din agad nang umupo siya sa tabi ko. Lumunok nang bigla niyang takpan ng palad ang aking ilong at bibig.

I was holding my breath when she said... "'Wag kang hihinga, umutot ako."

Saka niya pinakawalan ang mukha ko. Nakatitig sa 'kin nang matiim.

Dapat ba akong tumawa?

"Ang hirap nang tumawa, 'di ba?" Umiling siya. "Kahit ako... I can't humor myself anymore. That's how I feel right now. I... I feel betrayed." Napakamot siya sa pisngi. Napatadyak sa sahig. "Bakit pakiramdam ko pinaglalaruan na naman ako? Ba-Bakit gano'n--"

"I... I am not playi—" May humigop ng atensiyon ko. Napatitig ako nang husto sa kanyang braso. Kanina ko pa napapansin na namumula siya. Mula mukha, leeg hanggang kamay. Akala ko dahil nakainom siya... normal lang. Pero...

Hinawakan kong muli ang kanyang pulsohan. Sinipat. Namumula ang balat. Sobra. Hindi na normal. Kumalat. Siguro meron din sa katawan at binti.

May maliliit na bumubuong nagpapantal. Mukhang makati rin. Kaya pala kanina pa siya napapakamot sa leeg at napapahimas sa braso.

It looks like an allergy.

Pero ang alam ko... allergic siya sa usok ng sigarilyo. Wala namang nagyoyosi sa 'min.

Salubong ang kilay kong napatitig sa kanya. Sinilaban ng kaba. "Y-You're allergic with alcohol, AB?" Hinatak niya ang pulso. "B-Bakit ka uminom?"

"Wala 'to..." Inilihis niya ang tingin. "Parang feelings... nawawala rin. Ngayon lang naglabasan kasi kakainom lang. 'Pag nawala ang epekto ng alak, okay na... parang feelings ba. Sumisibol... pero nawawala," punong-puno ng sarkasmo ang tinig niya. Umaapaw.

Bumuntong-hininga ako. "A-Ano'ng gamot mo? S-Sobrang kati ba? B-Buong katawan meron?" Kinagat ko nang mariin ang labi. "De...delikado ba 'yan?"

"Oo, 'pag 'di nawala. Parang feelings... 'pag lumala pa... nakamamatay na."

Tinitigan ko siya nang husto, bagsak ang balikat. "C-Can you please be serious for a while?"

Nangiti siya. Katulad ng mga sinabi niya. Sarcastic. "Wala nga lang 'to. Bakit ba? I told you to not cross the line--"

Parang sasabog na ang buong sistema sa halo-halong nararamdaman. "Bawal na ngang mahalin ka. Pati ba ang mag-alala? Concern lang, AB. Concern..."

"Did I wish for your love, for your concern or--"

I know she's doing this to push me away. Pero... kasi... masyadong masakit. "Y-You're being so insensitive."

"Ay wow!" Tinanggal niya ang pagkakabuhol ng buhok niya. Ipinatong ang mga siko sa mga tuhod. Yumuko. Tinabig ang mga hibla para 'di ko makita ang kanyang mukha. "Okay. For the nth time... doon pa rin ang bagsak ko. Ako 'yong mag-aadjust para sa mga taong nakapaligid sa 'kin."

Nanginig ang balikat niya. "S-Sorry, ah... kung hindi kita kayang mahalin pabalik."

Kinuyom ko ang mga kamao. Mahigpit. Naglalaban ang mga ugat sa braso. Kinagat nang mariin ang mga labi... hanggang sa may malasahang dugo.

"S-Sorry, ah... kung freshman ka pa lang sa aspetong 'to, samantalang ako graduate na. Matagal ng may diploma, hakot awards sa kagagahan at katangahan."

"S-Sorry, ah... kung buong-buo ka pa, samantalang ako durog na durog na."

"S-Sorry, ah... kung nagmahal ka ng taong ubos na. 'Di na kayang magpabalik ng katiting na sukli sa pagmamahal na kaya mong gawin. Nasaid na kasi... wala ng natira... hinigop na ng iba."

"S-Sorry, ah... kung sinasaktan kita para protektahan ang sarili ko."

"S-Sorry, ah... Sorry."

Gusto ko siyang awatin. Sa pagpapaulan ng mga salitang tila sibat. Matutulis. Matatalas. Na bumabaon lahat... sa 'kin. Tumatagos. Gumagawa ng lamat.

Nagdoble kayod yata ang mga enhinyero. Mag-oovertime sa pagdedemolish ng puso.

Gusto ko siyang patahimikin. Tama na. Naiintindihan ko na. Kaso... 'pag ginawa ko 'yon, ang selfish ko. Magbebreakdown siya sa harapan ko.

Kasi sa mga oras na 'to... kailangan niyang ilabas. Lahat ng gusto niyang sabihin...

Para maging okay siya, kahit kapalit n'yon ang pagkatapos ng demolition.

Sana nga lang habang nadudurog ako... nabubuo siya.

Eh, 'di sana paulit-ulit akong magpapakadurog para sa kanya.

Kung p'wede lang na lahat ng sakit na naranasan niya... ako na lang ang daranas, ang sasalo... para wala na siyang iisipin pa. Alalahanin. Paulit-ulit kong gagawin.

Kaso hindi... habang nababasag ako, gano'n din siya. At mas mabigat ang impact pabalik sa 'kin... doble.

"H-Hindi ko naman kasalanan. Pero bakit ako ang lumalabas na kontrabida? A-Ako 'yong masama. A-Ako 'yong insensitive." Akala ko wala ng mas sasakit sa mga salita niya. Meron pa pala... ang tunog ng kanyang pag-iyak.

"H-Hindi naman kasi 'yon gano'n kadali tulad ng pag-apply ng trabaho o urgent hiring na minsan... nangangailangan ng mass hiring. Oo, ang sama ko. Sobrang insensitive nga kasi... na kahit maraming nag-aapply, walang hinahire. H-Hindi nga kasi hiring... bakit ang daming makukulit?

"Rejection. I know, ang insensitive ko na naman... kasi ang dami kong inayawan? Nireject? W-Why? Ako lang ba ang gano'ng tao sa mundo? Ikaw ba... hindi gano'n? Lahat ba ng babaeng may gusto sa 'yo... binibigyan mo ng chance? Wala ka pang pinapaiyak o nireject? Never kang nanakit ng babae... kahit unintentionally?"

Nanatili siyang nakayuko. Sapu-sapo ang mukha. Nanginginig ang balikat. Nababasag ang tinig... pero 'di ko siya mapatahan, dahil kahit ang sariling nararamdaman... hindi ko magawang mapakalma.

"Si Hazel..." Lalong lumakas ang paghikbi niya. "T-That girl... she did nothing wrong. Guiltless. Minahal ka lang niya... kaya bakit siya nasasaktan nang sobra? Pinaparusahan na parang malaking krimen ang mahalin ka?

"Alam mo naman 'yon, 'di ba? Maybe you do, maybe you don't... but that girl is so unselfish. Considerate. Too good to be true. Siguro umiiyak siya... or I don't know. Nakakaguilty kasi ako ang isa sa mga dahilan kung bakit... nababasag siya ngayon. Ang masokista rin. Ayaw niyang malaman mo... pero bakit ko itatago? She asked me... no, cried to me; pled... to give you a chance. Na 'wag na 'wag kitang sasaktan.

"And I feel like I'm the villain. Na iniiyakan, niluluhodan, pinapakiusapan... na 'wag pumatay. Do I really have a choice? Meron. Ito 'yon. Kung susundin ko siya... pinatay ko na rin lahat ng taong nakapaligid sa 'kin. Ikaw. Siya. Ako... at..." Bumuntong-hininga siya. "M-Marami pa. So... ang insensitive ko ba talaga? S-Sorry, ah...

"I... I am just thinking outside the box. What's so wrong with preventing the worst scenario that might happen?

"If you really can't love Hazel. Don't. That girl is strong. She can handle herself. In life, we really can't choose kung sino ang mamahalin at magmamahal sa 'tin. Kung sana gano'n lang kadali 'yon... 'di marami na kaming anak ni Ji Chang Wook," mahina siyang tumawa pero nangangarag pa rin ang boses. She's really trying her best to lighten up the mood... kahit na naghihingalo na, 'di na masasalba.

Naririnig ko siya. Hindi nga lang sigurado kung kaya pang iproseso ng buong sistema. Wala na sa sariling katinuan. Nagmalfunction. Patapos na ang demolition.

"Kung walang masasagasaan sa mga desisyon natin... mo o ako... hindi na sana ako pumunta dito. Hindi nagpakita. O pinabayaan na lang kita. Tinalikuran. Walang pakialam. Tutal, I'm expert sa larangang 'yan," she chuckled.

"Maybe you're thinking that I'm here just to break you. No, don't be so harsh on yourself, Kudos." Ihinilamos niya ang palad sa mukha. "I can't prevent to hurt you, I'm so sorry... but... loving without hurting is an impossible thing.

"Don't think that you'll only love me until the end. Love is unpredictable. It's changeable. You'll never know. Maybe because of the circumstances o dahil mapaglaro talaga si destiny. Mahilig mantrip.

"Kung ang tao at panahon nga... nagbabago, feelings pa kaya? Kung ngayon pakiramdam mo kaya mong suongin ang ano mang hagupit ng bagyo, tsunami, o ang sumalo ng kidlat para sa 'kin... magbabago pa 'yan." Nag-angat siya ng tingin. Ngumiti sa 'kin. Tuyo ang mukha dahil kanina pa siya nagpupunas ng pisngi, pero namumula ang mga mata. "O assumera lang ako at exag, pero 'di naman gano'n balak mo?

"In life, we met different types of people. Lahat 'yon... may reason. Hindi katulad ng mga nakakasalubong natin sa daan o nakakasakay sa jeep na basic lang. O p'wede rin, kaya minsan... may nadudukutan, para ipaalala na... mag-ingat, hindi lahat ng tao mabuti. 'Wag tatanga-tanga. Binibigyan tayo ng lessons. Dapat marunong tayong mag-adjust. Magpahalaga sa sarili.

"Sorry. I'm saying too much... nawawalan na ng sense, ng connect. Just... don't make someone your world. Wala tayo sa libro o sa pelikula na... uso ang maging martir at tanga. Na sasalo ng bala... para sa kanya. Dudurugin ang puso... mabuo lang siya. Sa reality, walang gano'n. Meron. Madalang. Kaso... kahibangan lang. Masyadong nahibang sa tao. And that's not love at all.

"Lahat ng bagay may katapusan. Ang pag-ibig kahit gaano pa 'yan kalalim... may hangganan. Parang tali... may dalawang dulo. Nag-uumpisa ka pa lang kasi... kaya hindi mo pa natatanaw ang kabilang side. Ang wagas na pag-ibig lang naman na everlasting ay... God's love.

"Siguro. Kasi first love mo ako. Halata naman. And I don't know what to feel about it. Pero bata ka pa kasi. Mas marami na akong naexperience kumpara sa 'yo. At narealize ko na karamihan ng first love... hindi nagkakatuluyan. Pinapadama lang sa 'tin na masarap pala magmahal. Na ganito pala 'yong feeling. Bago lahat sa pandama. Lahat.

"First love never dies. Baka nga. There's always that special feeling sa lahat ng... 'firsts.' 'Yon siguro ang hindi namamatay... special attachment. But nothing beats the power of real love.

"I don't think I'm that 'the one' for you, Kudos." Yumuko siya. Hininaan ang boses. "I'm really sorry..."

Hindi na siya muling nagsalita. Nanatili akong tahimik. Nauumid ang dila. Wala naman kasi akong mairason pa. O masabi.

Pakiramdam ko lahat... mali. Pati nararamdaman ko... mali.

Ano pang laban ko sa mga sinabi niya?

After she said... sorry... tapos na ang demolition.

Saan pa ako kakapit? Paano makakuha ng dahilan para magkaroon ng reconstruction?

May permit ba na kailangan? May process?

Tokwa! Ayoko nang mag-isip. Nabibiyak na rin ang ulo ko... kasi 'di ko naman alam ang sagot. Like I'm reading an English book, but the question is about Math.

Complicated thoughts. Complicated feelings. Just complicated.

"M-Matulog ka na..." sambit ko na lang. "Magpahinga. You're exhausted. Anemic din. At marami kang nainom. Alas-kwatro pa lang, tanghali pa aalis. Mananakit ulo mo. Saka may gamot ka ba para sa allergy? Wala? May nabibili ba nun dito? S-Sigurado ka bang hindi 'yan delikado—"

"Kudos..." awat niya sa 'kin sa mahabang pagbuntong-hininga.

Napabuga rin ako ng hangin. Mariing pumikit. Tumango-tango. Pinisil ang pagitan ng mga mata.

Five counts, AB. You need to leave for five counts.

Five.

Please... stay away from me now.

Four.

While I can still hold myself. My thoughts. My emotions.

Three.

Ayokong makagawa ng isang bagay na p'wedeng maging dahilan para mas layuan mo ako.

Two.

Help me. I think I just lost control over everything. Save me by distancing yourself so I can't reach you.

One.

Don't give a thread for me to hold on... pero mapuputol din naman.

Pagdilat ko, nakaupo pa rin siya sa harap ko. Nakatitig lang sa 'kin.

Why are you still here?

May kung anong sumalpok sa ulo ko... dahilan para mawala ako sa tamang huwisyo.

Mabilis akong gumalaw sa p'westo. Lumapit. Hinawakan siya sa magkabilaang-balikat. Idinikit ang mukha sa kanya. Nagtama ang tungki ng mga ilong namin. 'Di siya nakagalaw... pero ramdam ko ang kanyang pagsinghap.

Kaso hindi ko tuluyang natawid ang natitirang distansya para pagdikitin ang mga labi namin. Kahit halos isang pulgada na lang ang lapit. Kahit na naaamoy ko ang hininga niya, ang amoy ng alak. Kahit na parang sasabog ako 'pag 'di naituloy. Kahit na mabibingi sa hapugit ng puso. Kahit na mababaliw ako 'pag huminto.

...but I can't.

Nanginginig ang mga balikat niyang hawak ko. Nakaawang ang bibig niya't nangangatal. Nanlalaki ang mga mata... habang tila nasirang gripo na umaagos ang mga luha. Mga luhang tila asido na pumapatak direkta sa puso ko.

Akala ko... matindi na ang demolition. Meron pa palang mas lulupit... total annihilation. Balak lusawin ang mga nadurog.

Ako ang lumayo ng sarili ko. Hindi niya ako sinampal o itinulak... kaya mas nakakapanlumo.

Slap me, AB. Push me away. Just please... don't cry.

I cursed myself. "S-Sorry..." Automatic na gumalaw ang mga kamay ko. Pinunasan ang luha niya. Na 'di natutuyo. Wala ring tunog ang kanyang pag-iyak. Parang kahit siya... 'di alam kung paano patatahanin ang sarili. "P-Please... AB. D-Don't cry... please."

She was shaking. Her hands were trembling. Her lips were quivering. He eyes were soaking.

At lahat 'yon... doble ang epekto sa 'kin.

Pinapatay pero hindi namamatay. That I'd wish to just die to not feel anything at all.

Tinabig niya ang kamay ko. Siya ang nagpunas ng luha niya. "H-Heal your wounds; rebuild your broken pieces before others. Love yourself before someone else," malumanay niyang sambit. Hindi ako tiyak kung para sa 'kin o para sa sarili niya.

Hindi na ako nagkamaling hawakan siya, ang yakapin siya... ang halikan siya kahit buong sistema ko... tinutulak pa rin ako palapit sa kanya.

Tama na, Kudos. Hindi ikaw ang gusto. Hindi ikaw ang kailangan.

Kahit na durugin ka, ang lusawin ka... hindi 'yon sapat para ipangtapal sa mga sugat niya, para buoin siya. Kailanman... hindi ka magiging sapat.

Kasi... hindi ikaw 'yong gusto. Period.

Wala sa sariling napatango ako. "S-Siya pa rin ba?" Nagusot lang ang mukha niya pero hindi umimik. "S-Si Toni?"

Umawang ang kanyang bibig. Sandali lang na tila nagulat sa narinig. "Gosh! W-Why do you know so much about me?" Marahas niyang pinunasan ang pisngi. "Did you stalk me? Did I tell you my past? Do I know you... na nakalimutan lang dahil nagkaamnesia ako? O reincarnation ka ni Toni?" Pagak siyang natawa sa sariling idea.

"You sounded like you're my guy version, o konsensiya ko, o guardian angel na lahat ng nangyayari sa 'kin alam mo. Why? Do you have a special ability? Like you can read minds? See the past or predict the future? O baka naman nabasa mo ang dia—" Natigilan siya. Nanlalaki ang mga mata.

Tumitig siya sa 'kin nang matagal. Tiyak na namumutla ako.

Ang tukmol mo, Kudos.

Tumingin siya sa pinto ng kwarto nila. Saka ibinalik ang titig sa 'kin. Tumawa siya. Malakas. Na sobrang nakakabahala kasi hindi naman totoo. Nakakasakit.

"Gosh! Now I know what's going on. Ugh!" Sinabunutan niya ang sarili. "Masasakal ko ang dalawang 'yon..." Tumayo siya.

Napatayo rin ako. "W-Wait..."

Itinaas niya ang isang kamay. "Tapos na tayong mag-usap, Kudos. Tapos na." Umiling siya. "And I know exactly why you're like this. You don't love me. Okay? Maybe you're just amused by my innocent little self. Thrilled by my stupid high school self. Stimulated by my independent college self. Attracted by my old personality. Worried by the painful things that happened to me or whatever. But what you've read o kung sino o ano man ang pagkakakilala mo sa 'kin... malayo 'yon sa kung ano'ng meron ako ngayon. I didn't write all the things that happened in my life. Stop. Because whatever you're feeling... it's not love. It's not!"

Tinalikuran niya ako. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa kwarto... na akala ko isinara ni Magnet kanina. Nagawa ko pang sumunod kaso napagsarhan ako ng pinto. Nakatitig lang ako sa doorknob nito.

Naghihintay ako ng magsisigawan sa loob. Magsisisihan. Mag-iiyakan. Wala akong narinig. Masyadong tahimik. Na nakakabahala. Na naririndi na ang tainga ko... dahil lintek na puso ko lang naman ang bumibingi.

Nakatayo ako sa labas. Hindi alintana ang panginginig ng mga tuhod. At pangangalay. Hindi pansin ang pagdaan ng bawat segundo. Hindi rin sigurado kung ilang minuto na ang lumipas.

Bumukas ang pinto. Hindi nagulat si AB... na ako ang bumungad sa kanya. Pero ako ang nagitla. Sukbit niya sa balikat ang kanyang green na knapsack. Nakapagpalit na rin siya ng damit niya... na pinatuyo kanina. Black na may 'Jesus Saves' sa harap.

Sumilip ako sa loob... nakahilata silang lahat. Sina... Magnet, Paris, Hazel at Angelito. Bagsak. Siksikan sa kama. May naririnig pa akong mahinang humihilik. Dapat ba akong magpasalamat sa alak... kasi hindi natuloy ang mga negatibong iniisip?

Nilagpasan ako ni AB. Saka lang ako natauhan. Hinawakan ko siya sa siko. Kaso hinatak niya. "S-Saan ka pupunta?" Walang sense na tanong sa obvious na sagot.

"Sa langit," sarcastic niyang sambit.

"H-Hindi ka p'wedeng umuwi, AB. Malakas ang ulan. Delikado. Wala rin sasakyan ng ganitong oras. Saka—"

"Okay..." pagputol niya at bumalik sa may sala. Naabutan ko siya sa tapat ng pinto. Pasugod na sa ulan kung hindi ko lang napigilan. Wala rin siyang dalang payong. Parang sa isang iglap... nawalan ng paki sa lahat.

Umupo siya sa sofa. Ibinagsak sa sahig ang bag. Mukhang ayaw niya nang makipag-usap o makipagpalitan ng mga reasons.

Paupo na ako sa tabi niya nang humiga siya. Inukupa ang buong espasyo. Niyakap ang unan. Tumagilid. Itinago ang mukha sa 'kin. Huminga ako nang malalim at napaupo sa katapat na sofa.

Hindi na lang din ako matutulog. Dito lang ako. Nakakakaba kasi... baka bigla siyang tumakas. Umuwi. Baka ano'ng mangyari. Umuulan pa. Hindi rin pamilyar sa lugar at tao. Delikado.

Likod niya ang nakaharap sa 'kin. Sumandal ako sa sofa. Tumingala. Pumikit.

Sana parang computer na lang ang pakiramdam. May sleep, para p'wedeng ipahinga. May restart, para p'wedeng irefresh... magsimula ulit. O shut down, 'pag 'di na talaga kaya.

Sana ang puso p'wede ring lagyan ng antivirus... para iwas harmful infections.

Kasi kapag sobrang damaged na... nakakatakot magreformat. Uulit sa umpisa, lahat ng important files na equivalent sa memories... 'di na marerestore. At tuluyang madedelete.

Nakng! Ito na naman. Overthinking.

Kailangan ko si Chuckie. Pero... tokwa. Ubos na, eh.

Just stop weighing things for a while, Kudos.

Pagmulat, una kong napansin... hindi na umuulan. Medyo maliwanag na rin. Dali akong naalimpungatan. Bumangon. Kinusot ang mga mata. Tumingin sa kaharap na sofa.

Kaso... wala ng nakahiga.

Bumangon ang kaba sa 'kin. Hinalughog ko ang buong rest house. Tulog pa ang mga tukmol sa k'warto. Kahit sina Paris sa kabila. Humihilik pa si Angelito. Walang tao sa CR. Malinis ang kusina. Nakakabingi ang katahimikan sa sala.

Pagtingin ko sa cellphone, lagpas alas-sais na ng umaga.

Nanlulumo akong napaupo sa sofa. Mabigat ang mga balikat.

Umalis na si AB.

Hindi lang sa resthouse. Palayo rin sa 'kin.

Nang walang paalam.

Ah... hindi. May iniwan na sulat sa sofa. Katabi ng unan. Pinitas na pahina mula sa isang notebook. Kulay green ang nakasulat na tinta. Kinagat ko nang mariin ang labi matapos basahin.

Green, you're a gentleman yet innocent.
White, with untainted eyes that are so bright.
Pink, that I can perceive what you're thinking.
Red, but I can't be the reason for you to be brokenhearted.
Yellow, so please... let go.
Gray, and stay away.
Violet, I know... it's not too late.
Orange, because nothing will ever change.
Blue, Sorry, but... Kudos Pereseo.
Black, I can't love you back.
KD Oppa, forget this girl named ABCD;
She can't give you a colorful love story.

~.~.~



  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE