Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Habang nakikipagsiksikan sa MRT. May nahulog na diary. Diary ng NBSB. Napulot ng isang lalaki. Lalaking ang hobby... magpaiyak ng mga babae.

DD,

Three years.

Three years na ang lumipas nung last na nakapagsulat ako sa ‘yo, Mylabs.

Three years.

2014 na!

Mag-20 years old na rin ako.

Ang bilis ng panahon ‘no?

Parang kailan lang ‘yong pinapangarap ko pang maging terorista at bold star.

Ngayon, writer na ako.

Nagfefeeling writer sa Wattpad. Hahaha

I discovered this application last year. 2013. Pero, sa ebook talaga ako nagsimula.

‘Yung magpapapasa pa ako sa mga kakilala na nagbabasa rin sa ebook. At maiinis kapag hindi tapos ‘yung story at kailangan basahin sa Wattpad app mismo. Kaya ito… gumawa na lang ako ng account.

Dahil pangarap ko dati pa ang maging writer. At inggitera ako… tinry ko na rin magsulat. Hindi lang basta poems. Novel mismo.

Kaso walang nagbabasa. Iyak na. Huhuhu

Ang dami ko ring naiisip na mga plot… pero minsan hanggang prologue lang naisusulat ko.

‘Di rin ako nagdadraft. Hanggang utak ko lang. Nakakatamad, eh. Haha

‘Yon ang isa sa mga dahilan kaya busy ako for the past three years.

Nagsusulat ako. Nagpapakalunod sa Kdrama. Nag-aadik sa anime.

But in reality… Wattpad, Kdrama and anime are just my excuse to forget the cruel things that happening in my life.

Three years.

Sa loob ng three years, hindi ako nagkakatol, naghihithit ng sapatos o kung ano’ng kalokohan kaya inaamag ka sa isang bookshelf… nakasingit sa mga books collection ko.

Ayoko lang talagang mag-drama sa ‘yo. Ayokong puro katoxican at nakakadown na bagay ang mabasa ko sa future. O ng magiging asawa ko. O ng mga magiging anak namin. (Kung…)

I’m a positive person since I was a child.

I don’t want to change that just because I felt some negativity… lately.

Ang daming nangyari. Ngayon ko lang naisipan ulit isulat… kasi medyo okay na ako. Medyo. Siguro.

Ano-ano ang mga ‘yon?

Mahigit isang taon nang hindi nagpapakita sa ‘min si papa. Matapos niyang mag-retire sa trabaho… nawala na siyang parang bula.

No communication. Wala lahat. Kahit mga kamag-anak niya… walang balita sa kanya. Ang sabi nila, nasa Samar daw sila… kasama ‘yong kabit niya. (May sarili na raw lupa, bahay… at kotse.)

Samantalang kami… ‘yung legal niyang pamilya, iniwan niya sa ere.

Mahigit dalawang milyon ang nakuha niyang retirement fee. Pero ang napunta kay mama… 50K at 20K sa ‘ming magkakapatid. (Akala namin… wala lang ‘yong pera.)

But poof… he’s gone.

Hindi na namin siya ma-contact.

Nung nag-stop akong mag-aral dati… nagtrabaho ako sa Mcdo. Part time. Isang taon ‘yon.

Saka ako bumalik ulit sa pag-aaral. Nagtransfer sa ibang school. Pero nagwowork pa si papa nun. Kaso… balik first year college. Hindi nacredit ang isang taon na pinag-aralan ko sa last school.

Nag-sayang ng isang taon. Nabully pa ako. Nagkaroon ng makulit na admirer. Na thankful ako… kasi tumigil na rin. (Pero hanggang ngayon… nakablock siya sa facebook ko.)

Iniisip ko na lang na...

Everything happens for a reason.

Ngayon, third year college na ako. Computer Engineering ang kinuha kong course. (Sabi ni papa kasi in-demand. Mabilis makahanap ng trabaho. Kahit na ang gusto kong kunin ay BS Psychology or related sa literature dati.)

Kaso, utos ni papa.

Pero iniwan niya ako sa ere. Wala na akong nakukuhang allowance sa kanya. ‘Yung tuition ko na halos 30K sa isang sem… ginagapang ‘yon ni mama, para lang makapagtapos ako.

Nag-aalaga siya ng baboy, kambing… at todo-kayod sa tindahan. Binenta pa niya ‘yong nag-iisa naming alagang baka para lang makapagbayad ng tuition ko. Na sobrang nakakakonsensiya. ‘Yung tipong gusto ko na lang tumigil ulit. Para wala na problema.

Kaso… kailangan. Kailangan ng diploma para sa magandang career. Lahat naman ng sakripisyo ni mama para sa ‘kin. At lahat ng paghihirap ko sa pag-aaral… masusuklian din ‘yon sa tamang panahon.

Ano ba naman ang konting tiis, tiyaga… at sangkatutak na efforts?

Third Year College. Dalawang taon. Dalawang taon pa bago ako grumaduate dahil limang taon ang engineering.

Last summer… nagtrabaho ako sa isang electronics shop sa Tondo, Manila. Para makapag-ipon ng pang-tuition sa susunod na pasukan. ‘Di ko ‘yon pinaalam kay mama.

300 a day lang ang sahod. Chinese kasi ang may-ari. Kuripot. Pero pinag-tiisan ko ‘yon. Kahit na sobrang kulang. Kulang na kulang.

Kaso… hindi rin ako nakatagal. Nagkasakit ako. Dahil anemic na ako simula bata. Low blood. Kulang sa dugo. Bawal magpuyat. Mastress. At madalas minamigraine.

Isa pang dahilan, magulo ang mga employees.

May time na ako ang bantay sa shop… may sumugod dun na nag-amok. Nagpaputok ng baril. Lasing ‘yong customer. Sobrang natrauma ako that time. Nanginginig ako. At iyak nang iyak.

Hindi alam nina mama na nagtatrabaho ako. Tapos… malalaman niyang bangkay na ang kanyang anak dahil nabaril?

Umalis ako. Nag-AWOL. ‘Di ko nakuha ang sahod ko. (Nalugi pa ako!)

Mahigit dalawang linggo rin ako dun. Dalawang linggo… pero ang dami kong naranasan. Ang babastos pa ng mga lalaking kargador. Halatang walang pinag-aralan. Na ang manyak ng mga lumalabas sa dila.

“May boyfriend ka na, Bianca? Single kami!”

“Mukhang ang sarap-sarap mo naman.”

Tawanan. ‘Yung dinadaan nila sa joke kunwari. Na nakikitawa ako. Kahit gusto kong magbuhat ng isang electronic system at ihampas sa mga bayag nila. Mga *censored word!*

Nahipoan pa ako.

Kabastos-bastos ba akong babae? Bakit kahit saan ako mapadpad… nababastos ako?

‘Di naman ako nagsusuot ng maiksing shorts na halos makita na ang kuyukot. ‘Di ako nagpapalabas ng pusod at kili-kili. Wala akong kulorete sa mukha. Bakit?

BAKIT?!

Dalawang buwan lang matapos kong umalis sa trabaho… nagkaroon ulit ako ng nakakairitang stalker.

‘Yung hindi ko rin maintindihan ang dahilan. Hindi naman ako gano’n kaganda. Simple lang akong babae. Kaya bakit? Sinumpa ba ako nung bata ako? Na magiging miserable ang buhay ko?

Ang nakakainis… ‘di ko kilala kung sino ang *censored word* na ‘yon.

Si Dexter… kilala ko. ‘Yung lalaki? Nakasalubong ko lang habang namamalengke ako. Sinundan ako pauwi.

Kinausap ako. Mukha naman siyang harmless nung una. Nagtanong ng pangalan ko. Sinabi ko… kasi hindi ako bastos. Saka nagtanong siya. Kaso… ang hangin. May kotse raw siya.

And so? Pakialam ko kung may kotse siya? Pakialam ko kung siya ang pinakamayamang tao sa Pinas?

Money is evil. Hindi ko pinangarap yumaman.

Simpleng buhay lang ang gusto ko. Basta kumpleto ang pamilya. Masaya. (Pero kahit simpleng pangarap ko… hindi matupad-tupad.)

Simula nun… pabalik-balik ang lalaking ‘yon sa apartment ko. Nandoon siya sa labas… naghihintay na lumabas ako. Palagi. Sumusunod. Araw-araw. Panay ang sambit ng… “Angelica, please give me a chance…”, “Hindi ako masamang tao…”, “’Di kita sasaktan…”, “Mahal kita…” at marami pa.

Mahal ako? Putek! Nakasalubong niya lang ako sa palengke.

Ano ‘yon? Love at first sight? Kalokohan!

Tinalo niya si Dexter sa kakulitan. At sobrang natatakot ako sa kanya. Dahil ang laki niyang tao. Matangkad sa ‘kin kahit matangkad na ako. Medyo mataba rin. Malaki ang tiyan. Madalas nakasumbrero. Para siyang hinahire na assassin o rapist sa pelikula.

Pero ang sabi niya… “Mayaman ako. At may kotse.”

Nakaaway na niya ang mga kasama ko sa apartment. Nakasagutan. Muntik na magkasuntukan. Tinatakot na rin na ipapablotter. Pero bumabalik pa rin siya.

Sabi nila… baka raw may mental disorder ang lalaking ‘yon.

Siguro nga meron. Dahil hindi magagawa ng matinong lalaki ang ginagawa niya. ‘Di siya normal. Ang creepy. Nakakairita.

‘Yung nanggigigil ang mga lalaki kong kaklase… kasi palagi akong ngarag kapag umuuwi. Natatakot. ‘Yung pakiramdam na may bigla na lang hahatak sa ‘kin… at rarape-in. Kahit na wala naman.

Yup. Napaparanoid ako.

Hanggang ngayon.

May phobia na kasi ako sa gano’n. (Ayoko nang maranasan ang nangyari nung high school. Kay Jake!)

Ayoko dumating sa punto na… lahat ng lalaki sa mundo, kakamuhian ko.

Na magiging man-hater ako.

Hindi p’wede. Mga kaibigan ko… lalaki.

Nakakapanaginip ako ng mga masasama. ‘Yung magagahasa ako. Papatayin. Tadtad ng saksak. Sinako ang mga pinira-pirasong parte ng katawan. At mababalitan sa TV na pinaanod sa ilog.

Magigising na lang ako na umiiyak. Natatakot. Nanginginig. Kasi ‘yung mga gano’n… nangyayari talaga. Marami ng cases na nababalita. Maraming mga halang ang bituka.

May time na nagising ako dahil may humawak sa binti ko. Pagmulat ko… nasa paanan ko ‘yung lalaki. Nakabukas ‘yong pinto ng apartment.

Kaya kasing buksan ang gate lalo na kung hindi nakalock ang main. Umalis mga kasama ko sa apartment… nakalimutan isara.

‘Yun ang unang pagkakataon na nagmura ako ng malutong sa buong buhay ko. “Tangina! Pakyu! Tantanan mo ako. Patahimikin mo buhay ko. Lumayas ka. Kung ayaw mong idemanda kitang animal ka!”

Sinipa ko siya. Pinaghahampas. Parang dumilim ang paningin ko nun dahil kakagising ko lang. Nagulat ako dahil siya nakita ko agad. Tapos napahagulhol na lang ako. Umalis din siya matapos sabihin ang… “Babalik ako.”

Gosh! Please, Lord… ‘wag na po sana siyang bumalik. Please…

Tinawagan ko si Tim… ang naging second best friend ko sa College. (Maliban kay Rury.)

Niyakap niya ako nung dumating siya. Habang ako iyak nang iyak.

Kaya madalas nila akong hinahatid sa sakayan. Minsan hanggang apartment na. Pinagtitinginan tuloy ulit ako sa mall dahil labing-apat na lalaki ang kasama ko madalas. Iniisip siguro nila… “Ang landi ng babaeng ‘to.”

Kaso ayoko. Ayokong malaman ni mama. Ayokong dumagdag sa isipin niya. Ang dami na nga niyang problema. Kay papa. Sa pagpapaaral sa ‘kin.

Nakagraduate na si Ate Shane… pero wala pang trabaho. Problemado rin kasi. Lalo na’t iniwan siya ng boyfriend niya at pinagpalit sa kaibigan niya.

Si Dale naman… nagrerebelde. Ang daming babae. Nagyoyosi na. Madalas umuuwing lasing. Tumigil sa pag-aaral, ayaw na talagang pumasok. Ilang beses na ring naaksidente sa motor… simula nung wala na kaming balita kay papa. Muntik na ring makabuntis.

Kaya madalas na umiiyak si mama. Ayoko nang dumagdag pa. Kaya ko naman, eh. Alam ko… kaya ko ‘to.

Gusto kong tawanan lang lahat. Pero ang hirap gawin nitong nakaraan. Sobrang hirap.

Bakit ganito? Alam ko naman na hindi pa sobrang worst ng pinagdadanan ko kumpara sa ibang tao… pero ang sakit na.

Minsan, hindi naman dahil sa pag-ibig kaya ka nawawasak. Madalas, dahil sa mga masasamang nangyari sa buhay mo.

At usapang lovelife?

Sa halos 20 years na existence ko sa mundo. Narealize ko na… malas ako sa larangang ‘yan. Pagdating sa pag-ibig, sobrang malas kong tao.

Siguro, namana ko ang kapalaran ni mama.

Sa mga kamag-anak namin… marami ang nagiging matandang dalaga at binata. Tiyak… mapapasama ako sa federasyon nila.

Sa loob ng tatlong taon ko sa College, ‘di maiiwasan ‘yung mga taong magpapalipad-hangin sa ‘kin, nagcoconfess at nagtatangkang manligaw.

Siguro… lima? Anim? Ewan. Wala na rin naman ako paki sa ganyan.

Nawalan na ako ng gana. Parang wala ng sparks. Wala ng talab sa ‘kin. Hindi pa naman ako dumating sa puntong… namumuhi sa mga lalaki. Pero… ayoko na talaga.

Ayoko nang sumubok pumasok sa isang relasyon. Kahit nasa right age na ako.

Ayoko!

Nakakapagod masaktan.

Simula nung kay Toni.

Nung kay Cole.

Kay Matt.

Na akala ko siya na. Na akala ko… magagawa ko nang magtry. Kasi dalawang taon kaming naglandian, eh. Hahaha. ‘Yung aabot kami ng hanggang alas-singko kakatext at kakapalitan ng messages sa chat.

‘Yung siya ang unang katext ko sa umaga at siya ang huling kachat sa gabi. (Pero sa personal… ‘di namin napag-uusapan mga topic namin sa text kahit na close kami. Dahil iniisip namin ang mga sasabihin ng mga kaklase namin.)

Oo, chat/text ulit. Putek! May fetish yata ako sa gano’n. Kahinaan ko yata. Ewan. (Basta ngayon… ayoko na talaga.)

Pinag-usapan na nga namin kasal, eh. Manhikan. Pero dinadaan-daan sa biro. Alam ko… mahal niya ako. Ramdam ko. Mahal ko rin siya. Sobra. Kaso… hindi ko masabi-sabi.

Nandoon ako sa punto na susulong… pero kapag nandiyan na… uurong.

Takot na ako.

Ramdam na ramdam ko ‘yung takot na subukan. Pero mas nangingibabaw ‘yung idea na kapag ‘di ko tinry… habang-buhay siyang mawawala sa ‘kin

Si Matt.

‘Yung mga tanong niya na…

“Wala ka naman boyfriend. Kaya bakit?”

“Mahal mo ba ako?”

‘Yung gusto kong sumagot… pero sa huli… iniiba ko ang topic. Palagi.

Hanggang isang araw… pagpasok ko ng school, nabalitaan ko na girlfriend niya na ‘yong HRM student.

Sobrang nashock ako nun. Pigil na pigil ko ang emosyon sa loob ng classroom. ‘Yung ang daming natutuwa sa mga kaklase ko. ‘Yung ngingiti lang ako kapag inaasar siya… pero deep inside… gusto kong humagulhol ng iyak.

'Yung tipong napapasabi na lang ako ng "Ayieee! Bagay kayo…" para 'di obvious na nasasaktan ako.

Sa apartment lang ako nakakaiyak. Sa school… masaya dapat. Wala ngang nakakahalata sa mga kaklase ko. Kahit si Matt.

Kung kilala akong “go with the flow girl”… isa rin akong “greatest pretender.”

Magaling akong magpretend. Magaling akong mag-adjust. Kaya… sige, Alphabet! Ikaw na talaga. Magkakaaward ka sa graduation.

Nagtetext pa rin sa ‘kin si Matt. Pero ako na ang pumutol ng contact.

Tumigil na ako. Kasi kahit mahal ko pa… mali na. May iba na. Ako na ‘yong third party. Ako na ang kontrabida. Ako na ang lalabas na masama.

Hanggang sa mga libro at movies lang naman ‘yung… kapag mahal mo, ipaglaban mo. ‘Wag mong sukuan. Pero sa reality… mahirap gawin. Sobrang hirap. Lalo na kung wala ka nang pinanghahawakan… o kinakapitan.

Ngayon, isang taon na sila.

Handa na rin sana akong sabihin sa kanyang… mahal ko siya. Kaso… ‘wag na lang pala, mukhang masaya na siya.

Masaya naman ako… kasi masaya siya.

Kung kasi sa ‘kin siya napunta, baka hindi rin siya maging gano’n kasaya. Kasi… I’m broken. Ang dami kong problema. Ang dami kong iniisip. Ang pakikipagrelasyon… ‘di ko talaga priority.

Alphabet, naka-strike 3 ka na. Susubok ka pa ba?

‘Di ka pa nadadala? ‘Wag na!

Awat na! Ha?

Kaya kapag may sumusubok na manligaw… tinatanggihan ko agad. ‘Yung patanong pa lang… nakahindi na ako. ‘Yung susubok pa lang… nakatalikod na ako. ‘Yung aamin pa lang… nakalayo na ako.

Kahit kaibigan ko… iniiwasan ko ‘pag nalaman kong nagkakagusto na… sa ‘kin.

‘Yung alam ko naman na masasakit na ang mga salitang nabibitiwan ko. Pero kailangan. Kasi kung hindi ko tatanggihan at i-direct to the point… aasa lang. Ayoko maging paasa. Dapat una pa lang… alam ng wala na.

Saka ayokong matulad kay Tintin… nabuntis nang maaga.

Sa mga naging kaklase ko nung high school ako… konti na lang sa ‘min ang wala pang pamilya. O hindi nabubuntis. At hindi nakakabuntis.

O sa madaling salita… ako na lang ang walang lovelife. Hanggang ngayon… No Boyfriend Still Birhen… I mean “beautiful” pa rin.

Ang daming nangyari sa loob ng tatlong taon, Mylabs ‘no?

Pang-telenobela yata ang buhay na meron ako.

Adik na adik ako sa mga libro. Sa mga wattpad stories. Nilamon ako ng anime at Kdrama.

Gustong-gusto ko ‘yong mabibigat na plot. ‘Yung tearjerker. ‘Yung hahagulhol ako. ‘Yung masakit sa puso. ‘Yung tagos hanggang buto. ‘Yung ‘di ko makakalimutan kahit may mabasa akong ibang k’wento.

Pero kapag ikaw mismo ang nakaranas… ang hirap pala.

Mas masakit ang reality sa fiction.

Sa fiction, kontrolado ng writer ang mangyayari sa buhay ng mga bida. Sa reality, hindi mo alam kung ano’ng kakaharapin mong problema bukas o naghihintay sa ‘yo sa hinaharap.

Dahil sa mga napagdaanan ko… tumaas ang standard ko sa pagpili ng babasahing libro.

Ayoko na ‘yung mga librong puro pakilig lang. ‘Yung walang aral na mapupulot. ‘Yung puro kabastosan. ‘Yung walang bakas ng realidad.

Nagbabasa tayo para takasan ang reality.

Pero ako… nagbabasa ako para makakuha ng mga tips at lessons kung paano makasurvive sa real world.

Hays.

PS: Life is a roadtrip. May destination. May hangganan. Maraming pagdadaanan bago makarating sa pupuntahan. P’wedeng maflatan o masiraan. Kailangan may reserbang gulong o kagamitan. But never give up! Keep on driving, move on… to reach your goal.

Signing off,
AB

*.*.*

< Kudos Pereseo >

(Present Time)

“Asonggala! Magtino kayo. Formation…” Nakatayo sa harapan naming mga tukmol si Paris. Nakapameywang. Like a boss. Nagtuturo kung saan kami pupwesto. Nakataas ang isang kilay. Iniirapan si Risk.

“And follow my lead!” Gumawa siya ng mga dance steps. May kembot… sexy dance, itataas ang kamay, gigiling, dahan-dahan... iikot at ipupump paharap ang bewang ng tatlong beses. ‘Yung tipong sasayaw ng jumbo hotdog.

Nakngtokwa!

Ano ba’ng nangyari nung missing in action sila ni Risk?

Nawala ang kalasingan ni Paris. Diretso na ang lakad. Nabawasan na rin konti ang kakulitan. Napalitan ng seryosong mukha na tila manghahampas ng upoan. Parang bulkan na nag-aalburuto, na nagbabadyang sumabog.

Kanina… tila kabuteng sumulpot si Risk mula sa kung saan. Hinatak ako palayo kay AB. Bago pa ako makapagreact… naging punching bag ang sikmura ko nang lumapat ang kamao ni Paris. Na tumili dahil ako ang nasuntok niya.

Nakng! Parang ibubuga ko palabas ang nainom na T-ice. Nabigla. ‘Di ko napatigas ang tiyan para labanan ang pwersa ng suntok ni Wonder Woman. Ang lakas. 'Pag below the belt ang blow… may mababasag.

Naggigym sila ni Ate Kira madalas… kaya marunong sa self-defense. Tiyak na mababalian ng buto, mawawasakan ng tadyang at isusugod sa hospital ang ordinaryong lalaki na makakasuntukan niya.

Hindi naman gano’n katigas ang mga sinasabi nilang “pandesal” sa tiyan ko. Meron. Pero kung maikukumpara sa tinapay, niluluto pa. Hindi makakapalag sa mga MMA fighters o mga lalaking walang magawa kung hindi magbabad sa gym.

Hindi ako body conscious. Nagkaroon lang ng konting bumubukol… kahit papano… dahil sa training sa basketball. Pero hindi ‘yon sapat sa lakas ng suntok ni Paris.

Napaubo ako. Hinimas ang tiyan. Ilang beses siyang humingi ng sorry. Gano’n din si Risk na mahina akong tinatapik sa likod. Na kahit ‘di ko nakikita ang itsura… nagpipigil ng hagalpak. Ako ba tinatawanan niya o si Paris?

Sumulpot ang mga tukmol na hindi naman talaga umalis. Pasimple lang na lumayo pero sumisilip naman sa likod ng ref. Nagsisiksikan.

Nakiechoso kung ano’ng nangyari. Kung ba’t ako sinuntok. Hindi naman sumagot si Paris. Si Risk… natawa na nang tuluyan. Ang tukmol! Ako babasag ng kasiyahan niya ‘pag ‘di tumino. Pinagtripan na naman siguro si Paris.

Mga tukmol talaga. Parang ewan. Si Risk… madalas walang pakialam. Pero minsan inaasar din naman si Paris. Si Paris… wagas magsabi ng feelings sa public. Pero minsan… nababadtrip din kay Risk. Mga gurang na isip-bata.

Umiling na lang ako’t tinungo ang kusina. May nagtatago pang Chuckie sa ref… na binitbit ko papunta dito. Hindi ko nainom… pero mukhang kakailanganin ko lahat ngayon. Sa dami ng nangyari... kailangan ko si Chuckie.

Tinapon ko sa basurahan sa gilid ng ref ang tatlong wala ng laman. Kakasaid ko lang. Saka bumalik sa sala… na may bitbit na isang Chuckie. Sinisipsip. Muntik ko nang maibuga nang hatakin ako ni Angelito.

“Isama n’yo si Baby Kudos…” Pinagtulakan niya ako sa likuran ng mga tukmol. Napapagitnaan ako nina Shield at Steel. Sa pinakaunahan… sina Philemon at Psalm. Sa gitna naming lahat si Risk. By windows. Saka sumigaw si Paris ng formation… at nagsasayaw silang dalawa ni AB sa unahan. Gayahin daw namin sila.

May pagtaas pa ng damit na mangyayari… pakita ng tiyan—este abs daw.

Tokwa! Ano na namang kabalbalan ‘to?

Si Risk… panay bulong na sundin na lang daw namin. Nakng! Ginawa pa kaming uto-uto. Kaso may pahabol ang tukmol… sagot na raw niya ang pang-tatlong buwan na upa sa apartment, bayad sa kuryente at tubig. At dahil… in favor sa ‘ming lahat… naging clowns kami sa isang kisapmata.

Pinatugtog ni Paris ang kantang palagi kong naririnig kung saan-saan. Nakakaumay na. Dahil Sa ‘yo yata ang pamagat. ‘Di ako sigurado.

Gumiling si Paris… ginaya nila. Atubili ako. Tokwa! Parehas na kaliwa mga paa ko. Habang si AB… may hawak na cellphone sa unahan. Tumatawa.

Sabi niya, “I-upload ko ‘to sa facebook. Baka magviral. Mafeature kayo sa TV. Gawin n’yo kaming managers ni Paris, ha? Mga Teteng Pereseo!”

Namimilipit sa pagpipigil ng tawa si Magnet sa gilid. Habang si Angelito… sinasabayan ang kanta. “Pereseo ako'y matapang. Pereseo ako'y lalaban. Pereseo pagmamahal na walang katapusan.” Pinalitan ang lyrics. Pang-asar. Humahagikhik. “Bagay sa inyo ang kanta, Mga babies… go MTP, my bias wrecker!”

Kaya nakakailang igalaw ang katawan. Gumiling. Itaas ang kamay. Umikot. I-angat ang damit. Nakng! Putek.

Nakakayanig ng mundo 'to. Katukmolan!

Napansin ko rin na nagising si Hazel. Mukhang nawala ang amats. Dahil nagpipigil na rin siya ng tawa… at tinapat din sa ‘min ang cellphone niya.

“Asonggala! Kuen Lacrosse… bakit may hawak kang Chuckie?” sita ni Paris. Nameywang. “Ulit…” saka ibinalik sa umpisa ang kanta.

Sasayaw ulit?! Nakngtokwa!

Kinuyog ako ng mga tukmol. Nangingitngit. Pinagkaisahan ako. Hinablot ang Chuckie. Naghilahan kami. Hanggang sa malamukos ang lalagyan… at matapon ang laman. Sinamaan ko ng tingin ang mga tukmol. Huminga nang malalim. Napaatras sila. Sinipa ko ang nahulog na Chuckie at ginulo ang buhok. Tumalikod ako.

Ang mahal ng Chuckie. At pinaghirapan ko ‘yong bitbitin galing Antipolo. Tapos…

“Kudos boy, ‘wag kang umiyak!” pahabol ni Risk. “Bibili ka na lang namin mamaya ng maraming Chuckie-babes mo.” Nagtawanan ang mga tukmol.

Nakng! Bahala sila diyan. Nag-iisa na lang ‘yong Chuckie… tinapon pa ng mga tukmol.

Kahit kailan talaga pahamak si Risky boy!

Lumabas ako ng rest house. Kaso mas lumakas ang ulan… kumpara kanina na umaambon lang. Babagyo pa yata. Bakit biglang nag-iba ang timpla ng panahon? May moon pa kanina. Wala akong dalang payong. Kaya sumugod ako. Tinakbo ang pinakamalapit na tindahan kung saan bumili ng T-ice.

“Pabili po…” Bumili ako ng tatlong Chuckie. Kaso dalawa na lang daw ang meron.

Pagsilip ko sa phone ko. Lagpas-ala una na. Wala raw kasing matutulog dahil uuwi naman ng tanghali. Sa bus na lang daw… iidlip pauwi.

May text si Train. Nagtatanong kung kelan kami babalik galing Batangas. Kumunot noo ko. Paano niya nalaman? Wala naman akong sinabi sa kanya.

Nagreply na lang ako. Ipinagkibit-balikat dahil nahihilo na ako’t kailangan bumalik… saka mas lumakas ang ulan. May pagdalang na ring pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Malamig din ang hangin. At lumalakas ang alon.

Mabuti ‘di kami naabutan ng ulan sa gitna ng dagat kanina.

Pagbalik ko sa rest house, panibagong kaguluhan ang sumalubong sa ‘kin. Na kahit ilang Chuckie yata ang laklakin ko… hindi ako makakalma.

Lasing na rin ang mga tukmol? Imposible! ‘Di naman sila uminom nang sobra. Pero may mga nakabukas pang T-ice na may laman sa lamesa. Ang dami na ring kalat. ‘Yung mga unan sa sofa… nasa sahig. Sana walang mabasag na gamit… kung hindi, magbabayad si Kuya Yuen sa may-ari.

Si Shield nga sumuko na kakaayos at naupo na lang sa tabi. Nanunuod sa mga nangyayari. Naiiling.

Naglalaro sila ngayon. Maliban kay na Hazel at Shield. Si Hazel… bumalik sa pagkakahiga sa sofa.

At ‘yung iba malakas na kumakanta ng… “I wanna be a tutubi na walang tinatagong bato sa aking kamay na nahulog sa lupa tinuka ng manok na nanggaling sa bundok!” Naglalaro sila. Nakapalibot. Taya si Risk. Siya ang maghahanap kung kanino kamay huminto ang tansan ng T-ice.

Seryoso ba sila? Kanina pa kami naglalaro ng kung ano-ano. Tapos balik ulit? Nalaro na namin ang busy apple. Umay na umay na sa linyang… “Busy apple lemon juice. Tell me the name of your sweetheart.”

Siguro kung may baraha kami… nag-unggoy-unggoyan na rin dahil sa kakulitan nina Paris at AB.

Mahirap tanggihan, eh. Umiiyak.

“Wala na bang iba? Ang old school ng mga nilalaro n’yo. Bakit hindi ‘yung may bodyshot na involved?” reklamo ni Risk kaya nakatikim ng batok kay Paris.

“Dami mong arte, Risky boy!” sambit ni AB. “Naabutan mo rin naman mga larong ‘yan, eh. Touch the color. Open the basket. Agawang base or bahay. Killer game. Nanay-tatay… tama?”

“Mahiya ka, Angel!” Umiling si Risk. “Ang naabutan ko… Pak Ganern!”

Tawanan ang mga tukmol. “Kuwento mo sa puwet mo, Risk. ‘Wag kami!”

“Oo nga,” defensive na sabi ni Risk. “Naabutan ko… Angry Birds, Plants vs. Zombies, Flappy Bird, at Pokemon Go. Bata pa ako.”

“Hiyang-hiya naman ako sa ‘yo…” apila ni Paris. Mukhang mag-aaway na naman yata sila. “Dapat sinama mo na rin ang Clash of Clans, Mobile Legends at Rules of Survival nang matahimik ang kaluluwa mo.”

“Basta… mas masaya pa rin ang mga laro dati,” sambit ni AB. “Ngayon kasi puro na technology.”

Bago pa magkaroon ng giyera sa pagitan nina Paris at Risk… pumasok ako sa kwarto. Nagpalit ng damit. Inubos ko na rin ang Chuckie at ibinagsak ang katawan sa kama. Tinakpan ng unan ang mukha.

Ang sarap sanang magrelax. Kaso ang ingay sa labas. Iniisip ko rin kung ano nang ginagawa nila. Lalo pa’t tumigil na yata sila sa paglalaro at bumalik ulit sa kantahan.

Kaya ang lakas ng ulan, eh.

Umeecho ang boses ni Paris habang kumakanta ng Dancing Queen. Naiimagine kong gumigiling siya habang nakanta. Na sinundan ni Angelito ng Wrecking Ball. Nagduet sina Steel at Magnet… Pangarap Lang Kita. Si AB kumanta ng Titibo-tibo. Nagmarathon din ang mga tukmol ng OPM songs.

Bumuntong-hininga ako’t nagpasyang lumabas ulit. Malinis na ang sala... naligpit na siguro ni Shield. Hindi na rin sila nag-iinuman. Nagkakantahan na lang. Lagpas alas dos na.

Saktong paglabas ko si Risk ang may hawak ng mic. Umupo ako sa tabi ni Shield. Saka tumugtog ang kantang… God Gave Me You.

Automatic na hinanap ng mga mata ko si AB. Katabi niya si Hazel… nakatitig sila sa monitor. Nasa tapat ng kinauupoan naming sofa sila. Ngumiti siya… pagkakanta ni Risk. Inilubog ang katawan sa sofa at tinakpan ng unan ang mukha.

Kinagat ko nang mariin ang labi. Nang dumating sa chorus tiningnan niya si Hazel. “Naniniwala ka bang may mga kantang nagpapaalala sa ‘yo sa isang tao?” Hindi nakasagot si Hazel… dahil tumayo siya. Pumunta sa CR.

Patayo na rin ako nang mauna si Hazel na sumunod sa kanya. Nanatili akong nakaupo. Mahigpit na kuyom ang kamao. Hinagilap ko ang remote at inistop ang kanta. Inangilan ako ni Risk.

“Iba kantahin mo… ang boring niyan,” dahilan ko bago pa siya makareklamo. “Nakakaantok.”

“Ikaw na lang kumanta, Boy…” Binigay ni Risk sa ‘kin ang mic. May nakakalokong ngisi. “’Di ka pa nagsasample.” Tokwa! Alam niya namang ‘di ako kumakanta. “’Yung maiinlove si Angel,” sabay tawa. Siya ang naghanap ng kakantahin ko sa songbook.

Nilaro ko sa palad ang mic. Lagpas na rin ng 200 ang pagbibilang ko sa utak. Hindi na ako mapakali. Tatayo na talaga ako nang bumalik si Hazel. Umupo siya sa dating puwesto. Nakabuntot si AB… na tahimik lang. Tumabi sa kanya.

Muntik na akong mahulog sa kinauupoan nang tumingin si AB sa ‘kin – tumitig. Seryoso. Walang ngiti. Na tipong balak pagwalain lahat ng lamang-loob ko. Na gustong bawian ako ng hininga. Nakapatong ang baba niya sa unan… habang mahigpit itong yakap.

Lumunok ako’t nag-iwas ng tingin. Saktong pinatugtog ni Risk… kung ano ang kakantahin ko. “Ipagpatawad Mo.” Sumipol ang mga tukmol. Parang may kung ano’ng kumikiliti sa loob ng sikmura ko. Gumagapang pataas. Sa puso. Dahilan nang pag-aalburuto ng bawat tibok.

Pagsulyap ko kay AB… nakatitig pa rin siya.

She’s making me anxious.

Titig niya pa lang… kabadong-kabado na ako.

Titig niya pa lang... may ibabaon pa pala ang dati kong p'westo. May ihuhulog pa pala.

Damn, gravity! Stop making me fall. Stop pulling me towards her.

Pabulusok na ang pagbagsak. Baka ang landing... pagcrash. Nakakapilay. At 'di ko na kakayanin pang tumayo. Ang maglakad palayo... sa kanya.

Bakit ba ganyan siya makatitig? Nakakatunaw. May pinag-usapan ba sila ni Hazel?

Bawat kurap niya… hindi nakatakas sa paningin ko. Hindi niya rin inililiko ang tingin sa iba… tipong hinihintay na ako ulit ang umiwas ng tingin.

What is she thinking?

May gusto ba siyang sabihin?

How I wish I can read her. Pero ang hirap niyang basahin.

Mukhang hindi na rin siya lasing. Hindi na siya makulit. At madaldal. Pero mas kinakabahan ako kapag ganito siyang tahimik. At nakatitig sa ‘kin – titig na parang gustong baklasin ang puso ko sa katawan.

Marahan akong siniko ni Shield… “Boy, nag-umpisa na…”

Napatitig ako sa monitor. Wala sa sariling sinabayan ang kanta. “Ipagpatawad mo, aking kapangahasan. Binibini ko, sana'y maintindihan. Alam kong kailan lang tayo nagkatagpo. Ngunit parang sa 'yo, ayaw nang lumayo. Ipagtawad mo, ako ma'y naguguluhan.”

Paglingon ko kay AB, nakapikit na siya. Nakapatong na ang dalawang paa sa sofa. Natatakpan ng unan ang mga binti. Ang baba… nakalapat sa tuhod at unan. “’Di ka masisi na ako ay pagtakhan. ‘Di na dapat ako pagtiwalaan. Alam kong kailan lang tayo nagkatagpo. Ngunit parang sa 'yo, ayaw nang lumayo. Ipagpatawad mo, minahal kita agad.”

Huminto ako sa pagkanta. Dahil tinatawan nila… ang pagkasintunado ko. Binitiwan ko ang mic. Hindi inalis ang titig sa kanya. Ang mga tukmol ang nagpatuloy… “Ipagpatawad mo… minahal kita agad. Ahh… minahal kita agad.”

Nang dumilat siya… muling nagsalubong ang mga tingin namin. Na sa bawat pagtibok ng puso, pabilis nang pabilis. Bawat pagpitik ng segundo, lumalamig ang paa ko’t pinagpapawisan ang palad. Dumagdag pa ang lamig ng panahon dahil sa ulan. Parang maninigas na lang bigla ang puso ko. Hindi rin nakatakas sa ‘kin ang pagkintab ng mga mata niya. Umawang ang aking bibig.

Inilubog niya bigla ang mukha sa unan.

Umi… umiiyak ba siya?!

Gustong-gusto kong tumayo. Ang lumapit sa kanya. Pero pigil na pigil ko ang sarili.

Pinasadahan ko ng tingin ang mga kasama… ‘di naman nila alintana. Kahit sina Magnet at Angelito. Walang pakialam. Tuloy sila sa kantahan. Napalitan na rin ang kanta. Sina Phil at Psalm ang nag-aagawan sa mic.

Ibinalik ko ang titig kay AB. Nakalubog pa rin ang mukha niya sa unan. Hinihintay kong mag-angat siya muli ng tingin. Kaso dumaan na ang ilang minuto. Nakapalit na ulit ng kanta… ‘di na siya gumalaw sa p’westo.

Maya-maya, humihilig ang katawan niya pabagsak. Unti-unti. Ipinilig ko ang ulo… hinihintay na magising siya. Hanggang sa muntik na siyang mapahiga sa sofa. Napapiksi. Nagulat. Inangat niya ang mukha. Nakapikit. Ipinilig ang ulo patalikod. Ipinatong sa sandalan ng sofa. Ibinaba niya rin ang kaliwang paa. Nanatili ang kanan sa sofa… habang yakap ang unan.

Hindi ko napansin ang pagngiti ko.

Nakatulog na ang makulit.

“Guys, I’m going to sleep…” Tumayo si Hazel. “My head is spinning. I don’t think I can stay up all night.” Dire-diretso siya papunta sa kwarto ng mga babae kahit ‘di pa kami nakakatango.

Aligaga ring tumayo si Paris. “Ako rin…” Lakad-takbo siyang sumunod. “Hazel Vixen, sandali…”

Tumigil sa pagkanta si Risk. Sumunod ang tingin. Nagkatitigan sina Magnet at Angelito. Tumayo si MM… “Inaantok na rin ako!” Hinila niya patayo si bakla at sumunod kay na Paris.

“Uy… uy! Akala ko ba…” sabi ni Philemon na tinapos ni Psalm. “Walang matutulog?”

Umiling-iling si Steel. Tumingin sa ‘kin. Kumunot noo ko. Pinatay ni Risk ang tugtog sa videoke. Tumayo rin si Shield at walang imik na tinungo ang kwarto namin. Sina Psalm at Phil… naghihimutok.

“Mag-aalas tres na.” Nakatingin si Steel sa wristwatch niya. “Tanghali pa tayo aalis… matulog ang gustong matulog,” dugtong niya at tumayo. Sumunod si Risk sa kanya.

Walang nagawa ang kambal tuko… bumuntot. Hindi man lang tinanong kung matutulog ako. O kung paano si AB. Nakng! Mga tukmol talaga.

Ang galing mang-iwan sa ere. Mang-corner. At magpahamak.

Huminga ako nang malalim. Ibinalik ang titig kay AB. Gano’n pa rin ang p’westo niya. Nakatingala. Nakalapag ang isang paa sa sahig. Yakap ang isang tuhod at unan. Nakakangalay tingnan ang posisyon niya. Baka mamanhid ang binti. Manakit ang batok.

Napahawak ako sa tainga… napahimas sa batok. Ginulo-gulo ang buhok. Saka tumayo. Bitbit ang dalawang unan. Naglakad palapit sa kanya… dinig ang mabilis na pagwawala ng puso dahil wala ng music. May sariling ritmo na nakakangarag.

“Kudos!” Napatalon ako sa boses ni Magnet. Nabitiwan ko ang isang unan. Sumisilip siya sa pinto ng kwarto nila. Humagikhik. “Ikaw na bahala diyan, ah. Bantayan mo. ‘Wag mong gigisingin… kung ayaw mong makagat.” Saka niya nilock ang pinto. Dinig ko ang pagclick.

Mga pahamak!

Napahilamos ako’t pinulot ang unan. Lumapit ako kay AB. Tumalungko sa harapan niya. Tulog na tulog. Bagsak. Napagod yata sa kakulitan. Gusto kong ayusin ang posisyon niya. Ang lagyan ng unan sa may ulo. Pero nakakatakot na baka magising siya.

Idinikit ko ang palad sa tapat ng dibdib. Ang sarap palagyan ng switch. Para may kakayahan akong i-monitor ang bawat pagtibok. Kayang kontrolin. Awatin. I never felt like this before.

These burning emotions.

Ngayon lang.

Why?

What’s so special with her?

Hinawi ko ang ilang hibla ng buhok na nakakalat sa noo niya. Nagrereflect ang dim na ilaw sa kanyang mukha. Na mas nagpagaan sa kanyang aura. Ang aliwalas. Na parang wala siyang problema. Gusto kong idikit ang palad sa kanyang balat. Ang damhin. Ang itrace ang bawat parte mula noo, ilong… labi sa mga daliri ko.

Bahagyang gumalaw ang gilid ng labi niya. Nahila ko ang kamay. Napaatras. Kinabahan. Naghintay ng ilang saglit… pero tulog pa rin.

Kinuha ko ang cellphone sa bulsa. Kumuha ng pictures niya. Marami.

Nakakapanghinayang na iisang anggulo lang. Natutulog pa. Mas okay sana kung nakangiti. Tumatawa. Nakawacky. O… nakapout.

P’wede rin na selfie kami.

Dumudulas ang pagkakasandal niya sa sofa. Ang ulo niya dahan-dahang bumabagsak… pakaliwa. Sinalo ko ng palad ang ulo niya bago pa tuluyang bumagsak at magising.

Muling gumalaw ang labi niya. Pati ang mga kilay. Kumulubot. Parang gusto kong bawiin ang kamay. Ang init niya. Dahil sa alak? Sumisingaw? Wala naman siguro siya lagnat? Namumula ang kanyang pisngi. Pati ang braso niya. Ang leeg. At ang... mga labi.

Kinagat ko ang labi. Tokwa! Maghunos-dili ka, Kudos!

Dahan-dahan ko siyang inalalayan pahiga. Para iayos ang posisyon. Ipinatong ang mga binti sa sofa. Ingat na ingat na maistorbo ko ang tulog niya.

Nanigas ako nang bigla siyang dumilat. Tila nawindang. Naalimpungatan. Napatitig sa ‘kin. Binawi ko ang kamay. “S-Sorry… it’s not what you think—”

Pero nahawakan niya ang braso ko. Nahigit ko ang hininga nang bigla niyang dalhin ang pulso ko sa tapat ng bibig niya at… kinagat.

Tumigil ang ikot ng mundo. Huminto ang pagdagdag ng oras sa relo. Pero ang pagtibok ng puso... natapos na sa pag-aalburuto.

Gustong sumabog.

Magpaulan ng fireworks.

Nakatitig din siya sa ‘kin. Na nanlaki ang mga mata nang makilala ako. Nagpabalik-balik ang titig niya sa ‘kin at sa pulso kong kagat-kagat niya. Naramdaman ko ang pagbaon ng ngipin niya sa 'king balat. Ang paggalaw ng labi.

Napindot ang activation mode ng lahat ng senses ko. Active na active.

Gumapang ang kiliti sa 'king buong sistema. May pafireworks display yata sa loob ng sikmura. At may party sa isip. Ang ingay. ‘Di ko alam kung ano’ng iisipin o mararamdaman.

Ah... I want to pause the moment. Capture it. This! Me gazing at her. Her... staring back, while kissing my pulse -- rather biting.

Damn!

Dahan-dahan niyang pinakawalan ang pulso ko. Hinawakan ang parte na kinagat niya. Pinisil. Saka ako nginitian nang alanganin. “Sorry… akala ko si…” Tumikhim siya’t bumangon. Pinapalo nang marahan ang ulo gamit ang isang kamao. Bumubulong. Binitiwan niya ang pulso ko. Umisod palayo sa ‘kin. “Nasaan sina Magnet? Sila?”

Saka ko lang pinakawalan ang pinipigilang hininga. Literal na nangangagat talaga siya ‘pag may gumising sa kanya? Paano kung ‘yung mga tukmol? Umiling ako. Binasa ang labi.

Stop staring at her lips, Kudos! “N-Nasa kwarto na.”

Naghari ang katahimikan sa ‘min. Tanging patak ng ulan sa bubungan. At maingay na tibok ng puso ko… ang bumibingi sa ‘kin.

Nakatitig siya. Diretso sa ‘king mga mata. ‘Di kumukurap. Tulad ng pagtitig niya kanina… ‘yung nakakapanghina ng mga tuhod. Nakakatunaw. Nakakawala sa sarili.

There she goes again with the staring battle.

Tumaas ang gilid ng kanyang labi. Ipinatong ang mga paa sa sofa at niyakap muli ang unan at tuhod niya. Nakapangalumbaba. “Upo ka…” Ininguso niya ang bakanteng espasyo sa tabi niya.

Loading…

Ang tagal iproseso ng utak ko. Nakatitig lang ako sa kanya. Hinawakan niya kamay ko’t hinila ako paupo.

Nasamid ako. Agaran ang pagpukpok ko sa dibdib. Tumama ang gilid ng braso ko sa binti niya. Napaurong ako palayo… tila napaso. “B-Bakit?”

“Usap tayo,” kaswal niyang sambit.

“B-Bakit?”

“Bakit?” Balik niyang tanong.

Tumitig ako sa kanya. Tumitig din siya sa ‘kin. Ipinilig ang ulo. Naghihintay ng sasabihin ko. Nakng, Kudos! Para ka na namang tanga.

Nauumid ang dila. Nagrorolyo ang utak. Nagwawala ang buong sistema.

“B-Bakit tayo mag-uusap?” Lumunok ako.

Marahan siyang tumango. “Oo nga… bakit nga ba tayo mag-uusap?”

Mahabang katahimikan. Nakatingin lang kami sa isa’t isa.

Saka siya mahinang natawa. “Gosh! You’re so…” Hinihimas ang braso niya. Kumamot sa leeg. Kinagat ko ang labi. Mukhang okay na nga siya. Sober na.

“Marami tayong pag-uusapan, ‘di ba? Let’s go straight to the point.” Umayos siya ng upo. Paharap sa ‘kin. Nakapatong pa rin ang baba sa mga tuhod. Naglaho ang ngiti. Tumutusok ang mga tingin. Nakakakaba. Nakakalunod. “Why do you like me, Kudos? Do you just like me… or deeper than that?”

~.~.~

#LAFRwp @chiXnita


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE