Sana Ngayon ang Kahapon

Image Description Rhod Convocar Selda   |   20 March 2019


Romance/Drama novel about the two lovers separated with struggle and decision and accident.

HINDI sigurado si Brent kung available sa gabing iyon si Joanna. Hindi na siya mapipigilan. Espesyal sa kanya ang unang araw na nagkakilala sila ng babae. Feeling niya, matagal na niya itong kilala. Hindi siya sigurado kung matatawag na love at first sight ang nararamdaman niya. Pero sigurado siya na attracted siya sa dalaga. Nag-send siya ng mensahe kay Joanna. Wala pa man itong sagot ay hindi na siya mapakali.

Maaga niyang natapos ang paper works niya kaya maaga siyang nakapagpahinga. Nagliligpit na siya ng gamit sa kanyang opisina nang may kumatok.

“Come in,” aniya.

Pumasok si Nika. May dala itong patong-patong na folder ng papeles. “Aalis ka ba?” manghang tanong ng babae.

“Yes. I have dinner with someone,” walang gatol na sagot niya habang hinihintay mag-off ang laptop niya.

“Sino naman ang someone na ‘yon? ‘Yong babaeng kumuha ng hulugang sasakyan?” usisa nito sa matigas na tinig.

Nagtataka siya sa himig ng tinig nito. Malaki ang papel ni Nika sa buhay niya. Noong nagtatrabaho pa lang siya sa Kuwait ay nagkita sila. Dati rin itong OFW. Pero base sa kuwento nito, magkababata raw sila. Hindi siya magtataka dahil magkababayan sila at malapit ang loob niya rito. Ito ang taong una niyang nakilala matapos siyang madisgrasya at nagkaroon ng temporary amnesia. Nataong naroon pa noon sa Kuwait si Nika. Ito ang tumulong sa kanya, kaya malaki rin ang utang na loob niya rito. Kaya noong stable na ang negosyo niya ay pinakiusapan niya ito na huwag nang bumalik sa Kuwait at sa kumpanya na lamang niya magtrabaho.

“What’s wrong with her? She’s nice. Feeling ko matagal ko na siyang kilala,” sabi niya.

“Huwag kang padalus-dalos, Brent. Maraming manloloko ngayon. Baka isa ka sa maloko,” anito.

Ngumisi siya. Isinara niya ang kanyang laptop saka isinilid sa lalagyan nito.

“I’m not a judgmental person but I use my mind to choose a person to trust. Taga-Lipa din si Joanna, taga roon sa atin. So if magloloko siya, marami akong makukuhaan ng impormasyon. At feeling ko hindi naman siya ang tipong manloloko. Baka nga mas mapera pa siya kaysa sa akin.”

“Kung mapera siya, bakit kailangan pa niyang kumuha ng hulugang sasakyan? Mukha nga siyang rich kid. High profile na rin ang mga manloloko ngayon.”

“Nika, ano ba ang akala mo sa akin, uto-uto?”

Umismid ang babae. “Nag-aalala lang ako, Brent. Hindi pa tuluyang bumabalik ang alaala mo. Maaring gamitin ng mga masasamang loob ang nakaraan mo laban sa ‘yo. Kaya hanggat maari ay huwag ka munang nakikipagkaibigan sa mga taong ngayon mo lang nakilala.”

“Bakit naman nila ako pagdidiskitahan, eh wala naman akong ginagawang masama? Wala akong kaaway,” depensa niya.

Bumuntong-hininga si Nika.

Binuhat na niya ang kanyang mga gamit. “Don’t worry, Nika, walang mangyayaring masama sa akin. But thanks for the concern, I always appreciate it. See you tomorrow,” aniya saka iniwan na ang kausap.

Lulan na siya ng kaniyang kotse nang tumunog ang kanyang cellphone na nasa harapan niya. Nang mabasa ang reply ni Joanna ay malapad ang ngiting nagtipa siya ng kanyang isasagot. Excitement ang nangingibabaw sa puso niya. Maaga pa naman kaya nagpasya siya na sunduin na lamang ang dalaga sa condo nito.

ALAS-SAIS pa lamang ng hapon ay nakapagbihis na si Joanna. Pinaghandaan talaga niya ang gabing iyon. Pink na blouse ang suot niya at puting fitted jeans. Isinuot niya ang kanyang two inches pink sandals na regalo ng kuya niya noong nakaraang taong kaarawan niya.

Hindi siya mapakali. Maya’t-maya ang tiningin niya sa kanyang cellphone baka nag-text na si Brent. Nang muli niyang sinilip ang cellphone ay may message na si Brent. Naroon na daw ito sa labas ng gusali at hinihintay siya.

Lumabas na siya. Sumakay siya ng elevator pababa. Hindi pa man niya nakikita ang binata ay nasasabik na siya. Tinawag na niyang dinner date ang lakad nila ni Brent. Paglabas niya ng gusali ay nakita na niya si Brent na nakasandal sa gilid ng kotse nito na naka-park sa malawak na parking lot.

“Hi! Good evening!” nakangiting bati nito sa kanya.

“Same to you,” matamis ang ngiting sagot niya.

Pinagbukas pa siya nito ng pinto sa passenger seat. Nang makasakay na siya’y sumakay na rin ito at binuhay ang makina ng sasakyan. May alam daw itong restaurant na nagsi-serve ng local dishes. Gusto daw nitong tumikim ng lutong probinsiyano.

“Kailan pala ang balik mo sa work, Joan?” tanong ni Brent na bumasag sa katahimikan.

“Fist week of May pa. Ngayon lang kasi ako nakapag-leave dahil sunod-sunod ang international flights ko,” aniya.

“Mabuti naman pinagbigyan ka. Bihira naa-approve ang leave request sa nature ng trabaho mo kapag ganitong peak season. Marami kasi ang nagta-travel kapag ganitong summer.”

“Oo nga. Pero kompleto naman kami sa tao. Marami ding bagong flight attendant kaya siguro mabilis naaprobahan ang request ko. Pumayag naman ang boss ko.”

After twenty minutes na biyahe ay nakarating na sila sa Mang Recardo’s kitchen. Nag-abala pa si Brent na ipagbukas siya ng pinto. Pagkuwa’y iginiya siya nito papasok sa simple pero maluwag at eleganteng restaurant.

“Nadiskubre ko ang restaurant na ito noong na-invite ako rito ng isa sa client ko. Masasarap ang pagkain dito,” kuwento ni Brent.

Pati sa pag-upo ay inalalayan siya nito. Pinili nito ang round table na malapit sa malaking air-condition. Naka-set-up na ang table na merong cover na telang kulay blue. May nakahanda nang menu book sa table at mga kobyertos. Nagbukas siya ng menu book.

“Mag-order ka lang ng gusto mo,” sabi ni Brent.

Napunta siya sa Ilocos specialties na parte ng menu. Na-miss niya ang diningding, isang uri ng vegetable dishes na pinaghalo-halong green leaves katulad ng talbos ng kamote, sitaw, kalabasa at merong bunga ng malungay. Ang iba’y may halong laman ng kamoteng baging. May partner iyong pritong isda. At ang nagpapalasa sa nasabing gulay ay bagoong isda. Nakatikim siya niyon noong kasam-bahay pa nila ang Ilocana’ng si Manang Rosita.

Nag-order siya ng diningding. Iyon lang ang gusto niyang kainin kasama ng kanin. Pero si Brent ay nag-order ng sizzling bulalo, vegetable salad at dessert na green mango iced cream.

“Ang plain ng offer nilang pagkain,” komento niya.

“May schedule ang menu nila. May araw na international cuisine naman ang sini-serve nila. Simple ang menu nila ngayon pero masasarap.”

“Mukha nga at unique. Dito lang sa restaurant na ito ako naka-encounter ng diningding,” aniya.

“Ano ‘yon?”

“Mixed vegetable ‘yon na paborito ng mga Ilocano. Maraming twist ang lasa at sa sobrang sarap ay pagpapawisan ka habang kumakain?” pagmamalaki niya.

“Really? Even in this cold place?” sarkastikong sabi nito.

“Yes!”

“Tingnan ko nga kung paano ka pagpawisan,” nakangiting sabi nito habang iginagala ang paningin sa kanyang upper body.

Nakangiti lang siya. Pero nang mapansing unti-unting naglalaho ang ngiti ni Brent, habang nakatitig sa gawi ng dibdib niya ay biglang tumabang ang ngiti niya. Napatingin din siya sa kanyang dibdib. Hindi naman kita ang cleavage niya. Pero nang ma-realize na sa kuwentas niya ito nakatingin ay biglang bumilis ang tibok ng puso niya.

“W-What’s wrong?” balisang tanong niya sa lalaki.

Naging uneasy ang binata at hindi malaman kung saang parte ng katawan niya titingin. Kalauna’y tumigil ang nalilitong mga mata nito sa kanyang mukha. Nagpakawala ito ng malalim na hininga.

“Nothing. But I like your pendant,” mamaya’y wika nito.

Hinawakan naman niya ang suot niyang pendant. “Ito ba? Special ‘to sa akin, kahit ang sabi ng iba ay para daw akong gangster kapag suot ito,” aniya.

“Hindi naman. Hindi naman siya ganoon kalaki. Attractive nga. Ano ba ang meaning ng mga initial na nariyan?” tukoy nito sa pendant.

Napatda siya. Matagal siyang tumitig sa mga mata ni Brent bago naisipang pabulaanan ang katotohanan sa likod ng kuwentas na iyon.

“Uhm, ang litrang ‘J’ ay sa pangalan ko. Ang ‘B’ naman ay pangalan ng ex ko,” sagot niya.

Biglang natawa si Brent.

“M-May nakakatawa ba sa sinabi ko?” mataray na tanong niya.

Umiling ang binata. “Ang weird lang kasi. You still wearing that necklace, it means you still love him, and you wanting him back. It’s not a bad idea but it’s nonsense because after a couple of years, you still can’t move on. Hindi ka magiging maligaya. Kaya siguro five years ka nang single,” sabi nito.

Naninikip ang dibdib niya habang nagsi-sink in sa utak niya ang mga sinasabi ng lalaking walang malay na ito ang tinutukoy niyang ex niya.

“You’re right. After he’s gone, I pressured myself to be single for a years. But it doesn't mean na ayaw ko nang maging masaya. Tama ka, gusto ko siyang bumalik. Mahal ko pa rin siya,” prangkang pahayag niya.

Biglang naglaho ang ngiti sa mukha ni Brent. May lang menutong katahimikan sa pagitan nila pagdating ng mga pagkain.

“Kung kaibigan mo ako, kagagalitan kita, Joan. Give me a strong reason why you can’t let him go?” pagkuwa’y seryosong wika ni Brent.

Matamang tumitig siya sa mga mata nito. May munting iritasyon siyang nakikita sa abuhin at katamtamang laki nitong mga mata na naliligiran ng malalagong eyelashes. Pagkuwa’y bumitiw siya ng malalim na hininga.

“Ako ang nagtulak sa kanya palayo sa akin. Ako ang may gusto na masira ang relasyon namin. Ang mas masakit sa part na ‘yon, ay ang bilis niyang pagsuko. Masyado siyang marupok at ako nama’y nagpadaig sa takot. Hindi perpekto ang relasyon namin. Maraming hadlang. Pero hindi ko siya pinakawalan sa puso ko,” emosyonal na kuwento niya.

“Bakit? Anong dahilan?”

“Mahabang kuwento.”

“Care to share?”

“Hindi siya gusto ng Mommy ko. Pinagbigyan ko sa last wish niya si Mommy na pakasalan ko ang lalaking gusto niya para sa akin. Ayaw kong mamatay siya na may hinanakit sa akin kaya isinakripisyo ko ang relasyon namin ng ex ko. Masakit pero hindi ko na naisalba ang relasyon namin,” kuwento niya.

“Ibig sabihin nagpakasal ka na?”

“No. Hindi natuloy ang kasal ko. Ang fiance ko mismo ang umurong. Inamin niya na hindi niya kayang magpakasal sa babae.”

“Oh, bakla siya gano’n?”

Ngumiti siya.

“Pero kahit ganoon ang nangyari, hindi ko na naibalik ang ex ko. Wala na akong balita sa kanya,” wika niya.

“So, are you trying to get him back because you want a second chance?” anito.

“I know second chance was difficult to take in my case. Pero kung magkakaroon ako ng pagkakataon na makapagpaliwanag, sisiguruhin ko na maniniwala siya at maiintindihan niya ako.”

Pinapak ni Brent ang bulalo. “Everyone deserve a second chance, but like you said, it’s difficult at your case. Depende pa rin talaga sa sitwasyon,” komento nito pagkuwan.

“If you are in my ex’s situation, what would you do?” sabi niya rito pero naroon na ang namumuong tensiyon sa dibdib niya.

Humigop muna ng sabaw ang binata bago nagsalita. “I can’t decide because I don’t have idea about the situation. Pero para sa akin, basta consistent ang explanation mo, magbibigay ako ng second chance, basta malinaw na wala kang sabit, o kaya’y nakatali na. Siyempre, kahit sabihin mong napatawad ka, pero tali ka na pala. Para saan pa’t bibigyan ka ng second chance? For possible friendship? Sound crazy. Wala tayo sa showbiz.”

Bigla na lang tumahimik ang panig ni Joanna. Pero confident naman siya na magiging smooth ang pagkuha niya sa tiwala ni Brent. Kahit magalit ito sa kanya ay alam niya na magiging maayos din kapag nakapagpaliwanag siya nang mabuti. Kailangan lamang niya ng mas mahaba pang panahon at mas matatag na pundasyon para siguradong hindi siya kasusuklaman ng binata sakaling tuluyan siya nitong maalala.

Habang ini-enjoy ang pagkain ay paganda naman ng paganda ang daloy ng usapan nila ni Brent. Limitid lang ang naikukuwento ng binata, sa abot lang ng maalala nito. Nilimitahan din niya ang sarili na magkuwento tungkol sa kanyang nakaraan baka bigla na namang madulas ang dila niya.

Maraming payo si Brent kung paano siya tuluyang makapag-move on. Pabor ‘yon sa kanya dahil kung ipapakita niya rito na handa na siyang mag-move-on ay hindi ito mag-aalangang mapalapit sa kanya.

Nang utusan siya ni Brent na hubarin na ang kanyang kuwentas ay naging masunurin siya. Pero gusto niya ng matibay na dahilan bakit gusto nito iyong hubarin niya.

“Lalayuan mo ba ako kung suot ko palagi itong kuwentas?” usig niya sa binata.

Tapos na silang kumain. Inuubos na lang nila ang laman ng isang bote ng red wine.

Matipid na ngumiti ang binata. “Masyado namang obvious kung gagawin ko ‘yon. Ni hindi pa nga tayo lubos na magkakilala. Pero siguro gets mo naman ang ibig sabihin ng lalaki kung pinipilit kang mag-move-on,” sabi nito. Nakataas ang isang kilay nito.

Matabang siyang ngumiti. “Depende sa effort ng isang lalaki. Meron kasing lalaki na minsan nakaka-friendzone,” paliguy-ligoy na sagot niya.

“Seryosong usapan, Joan. Kung liligawan kita, paghihintayin mo ba ako ng matagal?” pilyo ang ngiting usig nito sa kanya.

Nawindang siya. Alam niya halimbawa pa lang iyon pero nag-assume na siya na mangyayari.

“Once hinubad ko ang kuwentas ko, meaning puwede na akong tumanggap ng manliligaw,” walang gatol na sabi niya.

Nanlaki ang mga mata ni Brent. “Hey, tinanggal mo na ang kuwentas mo. Is that real or joke?” anito.

Napangiti siya. “Ang sabi mo kasi hubarin ko. Ngayon, kapag isinuot ko itong muli, meaning, ayaw kong magpaligaw,” aniya.

Tumawa ng pagak si Brent. “Hindi ako naniniwala sa ‘yo. Seryoso ka sa sinabi mo na mahal mo pa ang ex mo. Sige nga, paano ako puporma para ligawan ka? Doon pa lang sa sinabi mo basted na ako.”

Bigla siyang na-guilty. Baka dahil doon ay maudlot ang inaasam niya na mapalapit kay Brent.

“Uhm, ang sabi nga ng iba, paano ko malalamang naka-move-on na ako kung hindi ako susubok magmahal ng iba? Naniniwala na ako doon. Pero siyempre, walang mawawala kung susubukan,” palusot niya.

Napansin niya ang mapusok na ngiti ni Brent, na parang excited ito. “Pasensiya ka na, ah? Ayaw kong isipin mo na ang dami kong patalastas, may malalim pa lang pakay. Pero honestly, walang biro, okay lang bang ligawan kita?” seryosong wika ng binata.

“Okay lang. Better to try than to wait for nothing, ‘di ba?” sabi niya.

Brent, huwag mo na akong tanungin dahil kahit hindi mo ako ligawan, mahal na kita. Iyon talaga ang gusto niyang sabihin, sadly she can’t.

Hindi matawarang tamis ang ngiting namutawi sa mga labi ng binata. Doon pa lang ay ramdam niyang mananalo siya sa kalbaryong iyon.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE