Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Sana Ngayon ang Kahapon

Image Description Rhod Convocar Selda   |   20 March 2019


Romance/Drama novel about the two lovers separated with struggle and decision and accident.

HINDI na nagkuwento si Brent tungkol sa nasasakop ng alaala nito. Pero parang imbestigador ito kung ungkatin ang buhay ni Joanna. Kampanti naman siyang nagkuwento pero maingat siya sa pag-share ng kanyang love life.

“Five years na akong single,” sagot niya sa tanong ni Brent kung meron siyang nobyo.

Tumawa ng pagak ang binata. “That’s impossible. You’re a kind of woman that man can fall in love at first sight,” anito.

“You just kidding,” natatawang sabi niya. Ang pagiging bolero minsan ni Brent ang tila hindi nabago.

“No. Alam mo, kapag sinabi kong hindi ka maganda kaya single ka pa rin, isa ‘yong malaking kasinungalingan. At ang babaeng pa-demure, ‘yon mostly ang mga assuming. Pero totoo, hindi ako naniniwala na single ka for five years.”

Umismid siya. Parang gusto niyang magsisi kung bakit nagpakilala pa siya kay Brent. Hindi magtatagal ay mahihibang siya sa pagmamahal rito. He’s more interesting and a dream boy type.

“Naging busy lang ako sa work,” katwiran niya.

“That’s not an excuse, Joan. I think your past relationship was remarkable and almost perfect, kaya nahihirapan kang mag-move on. May mga nakaraan na hindi naibabalik, pero hindi natin kayang pakawalan. Kaya hindi natin magawang maging masaya sa hinaharap.”

Kaya ba naging masaya ka sa hinaharap dahil pinakawalan mo ang nakaraan?

Masakit isipin pero iyon ang nakikita niyang dahilan bakit naging successful si Brent. Sa halip na ma-drepress sa ginawa niya, naging motivation nito ang sakit para ito umangat sa buhay.

Hindi na kayang timpiin ni Joanna ang emosyon kaya dumukot siya ng pera sa kanyang wallet. Pero bago niya tuluyang mailabas ang pera ay pigil na ni Brent ang kamay niya.

“Ako na ang magbabayad,” sabi nito.

Malamlam ang mga matang tumitig siya rito. “Hindi naman ito dinner date, eh. Kung tutuusin, mas malaki ang gastos mo para lang maibalik ang cards ko,” aniya.

“Yes, it’s not a dinner date, but I’m expecting more. I-disregard na natin ang cards mo. Next time, ako naman ang pipili ng place, okay?” matatag na sabi nito.

Sa pananalita nito ay parang wala siyang karapatang tumanggi. “Okay,” sagot lamang niya.

Pero ang kamay ni Brent ay nakapatong pa rin sa kamay niya. Iginalaw lamang niya iyon para ma-distract ito. Nakangiting binawi naman nito ang kamay. Pagkuwa’y dumukot ito ng pera sa wallet nito saka iniabot sa waiter.

“Keep the change,” sabi nito.

Tumayo naman si Joanna.

“Ihahatid na kita sa inyo,” mabilis na presenta ni Brent.

“Thanks. Hindi kaya masayang ang gasolina mo? Walking distance lang ang condo ko mula rito,” aniya.

“It’s okay. Maire-reserve mo pa ang ilang minutong paglalakad para ipahinga. Shall we go?”

Ngumiti siya. Pagkuwa’y nauna na siyang lumakad, habang nakasunod sa kanya si Brent.

MAAGA si Joanna sa opisina ni Brent dahil ang sabi ng binata ay may pupuntahan ito ng alas-diyes. Ngunit kasabay ni Brent na dumating ay si Nika. Naalala niya, ito ang secretary ni Brent. Pagkakita sa kanya ng babae ay umasim ang mukha nito. Matapang naman ang tinging ipinukol niya rito.

Tumayo siya. “Good morning Mr. Volksky!” nakangiting bati niya. Hindi niya pinansin si Nika.

“Good morning, Ms. Mercado! You’re on time, huh? I like that,” sabi ng binata. Umupo na ito sa swivel chair nito.

Si Nika naman ay nakatayo lang sa gawing kaliwa ng boss nito. Mabuti naman alam nitong ilugar ang sarili at hindi kinalimutang kliyente siya ng boss nito. Wala itong karapatang bastusin siya.

“So, here’s the contract agreement. Kindly read the content before you sign,” sabi ni Brent.

Binasa naman niya ang ilang pahinang agreement. Nakalagay na roon kung magkano ang deposit niya at ang monthly payment niya. Dala na rin niya ang pera para sa down payment sa kotse. Matapos mabasa ang laman ng agreement ay kaagad siyang pumirma. Meron na ring pirma si Brent.

Pagkatapos ay nagbilang na sila ng pera. Ready na rin ang papeles ng bibilhin niyang kotse. Pinahiram pa siya ni Brent ng driver na maghahatid ng kotse niya sa kanyang condo. Marunong naman siyang mag-drive pero hindi niya tinanggihan ang alok ng binata.

Paglabas ni Joanna ng opisina ay nagulat siya nang kaagad siyang sinundan ni Nika. Hinarang siya nito.

“Mag-usap tayo, Joan,” sabi nito.

“Bakit?” mataray na tanong niya.

“Anong bakit? Ano itong ginagawa mo?” iritableng tanong nito.

“Bumibili ako ng sasakyan sa kumpanya ng boss mo,” sarkastikong sagot niya.

“Huwag mo akong pagmukhaing tanga. Alam ko may balak ka. Bakit, sa palagay mo ba ganoon kadali ang iniisip mo? Mapapalapit ka man kay Brent, pero paano kapag bumalik na ang alaala niya?”

“Bakit parang natatakot ka na bumalik ang alaala ni Brent, Nika? Hindi ba dapat matuwa ka? Walang ibang makakatulong sa kanya para ma-recover ang alaala niya kundi ako,” buwelta niya.

“Lalo mo lang siya sasaktan sa ginagawa mo. Okay na siya noong wala ka. At ngayon gusto mong bumalik? Ang kapal din ng mukha mo, ano?”

Nagsisimula nang maghari ang tensiyon sa dibdib niya. “Excuse me, Nika, wala kang karapatang husgahan ako. Kaya nga ako narito para bumawi kay Brent. Wala akong intensiyong saktan siya ulit. Gusto ko siyang tulungang maibalik ang alaala niya dahil gusto kong maitama ang lahat ng pagkakamali ko. Maiintindihan din ako ni Brent. Alam ko, mahal pa rin niya ako,” giit niya.

“Diyan ka nagkakamali, Joan. Ang pagmamahal kayang patayin ng galit. Huwag kang magyabang. Kung ako sa ‘yo, lalayuan ko na si Brent.”

“Puwes, hindi ikaw ako, Nika. At kung gusto mong maging masaya si Brent, hindi ka makikialam sa buhay niya.”

Hindi na niya hinintay ang sasabihin pa ni Nika, tinalikuran na niya ito.

Naiinis siya kay Nika. Ngayon lang niya ito kinainisan. Noon naman ay naging magkaibigan sila kahit palagi itong insecure sa kanya. Pero ngayon, mukhang magkakaroon sila ng malalim na sigalot dahil kay Brent.

MAAYOS na nakarating sa condo ni Joanna ang kotse. Mabuti mayroong nakalaang parking lot para sa kanya. Nasa third floor ang unit niya. Binigyan niya ng tip na isang libo ang driver ni Brent. Excited na siyang gamitin ang kanyang kotse. Ito ang gagamitin niya pag-uwi ng Lipa.

Tinamad ng lumabas si Joanna nang gabi kaya nagluto siya. Naninibago siya dahil madalas ay sa labas na siya kumakain. Pero since naka-leave siya, susulitin niya ang pamamahinga.

Pagkatapos ng hapunan ay pinagtripan naman niyang halungkatin ang closet niya. Mayroong parte ng closet na hindi niya nabubuksan. Mga lumang kagamitan lang naman ang naroon. Magbuhat noong namatay ang mommy niya ay bihira na siya umuuwi ng Lipa, kaya dinala na niya roon lahat ng importanteng gamit niya.

Nakita na naman niya ang safety box niya. Doon nakatago ang alaala ni Brent. Umupo siya sa gilid ng kama at doon binuksan ang safety box. Ang una niyang kinuha ay ang munting kaheta. Binuksan niya ito. Naroon sa loob ang singsing na ibinigay sa kanya ni Brent noong nag-propose ito sa kanya sa airport. Naroon din ang kuwentas na pilak na pinasadyang pinagawa ng binata. Mayroon itong pendant na litrang B and J, mga initial ng pangalan nila. Inalis niya ang suot niyang kuwentas na white gold. Ipinalit niyaa ng kuwentas na regalo ni Brent. Katunayan ay may ganoong kuwentas din si Brent.

Inayos naman niya ang mga lumang damit niya at uniporme. Dadalhin niya ang mga iyon pag-uwi niya ng Lipa, para ipamigay sa mga kakilala. Abala siya sa pagtutupi ng mga damit nang biglang tumunog ang cellphone niya na nasa ibabaw ng kama. Iniwan niya ang ginagawa at dagling dinampot ang cellphone.

Nang makitang si Brent ang tumatawag ay bigla siyang napatili. Magkasunod na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago sinagot ang caller.

“Hello, Brent?” malambing na bati niya sa kausap.

“Hi, Joan? Naistorbo ba kita?” sagot nito sa malamig na tinig.

Nai-imagine niya na nakahiga sa kama ang binata habang nakalapat ang cellphone sa tainga. Ganoon din ang ginawa niya. Humilata siya sa kama.

“Uhm, hindi naman. Bakit ka naman napatawag? May problema ba sa papeles ko?” sabi niya, pero nag-assume na siya na hindi iyon ang pakay ng binata kay ito tumawag.

“Ah, nothing. Wala nang problema sa papeles mo. Gusto ko lang kumustahin ang pagdating ng kotse mo riyan.”

Aywan niya bakit siya kinikilig nang ganoon. “Kuwan, maayos namang nakarating ang kotse ko. Mahusay ang driver mo. Thanks for the concern,” aniya.

“Good. How about you? Are you alright?”

Doon na siya nangisay sa labis na kilig. “UhY-Yes, I’m fine,” pigil ang kilig na sagot niya.

“Nag-dinner ka na ba?” tanong na naman nito.

“Yes, tapos na. I-Ikaw, nag-dinner ka na ba?”

“Hindi pa nga.”

Bumalikwas siya ng upo. “W-why? Late na,” nag-aalalang tanong niya.

“Late na kasi akong nag-lunch kanina kaya hanggang ngayon ay hindi pa ako nagugutom.”

“Nako, huwag kang papalipas ng gutom. Baka magka-ulcer ka niyan. Dati ka na ngang may ulcer ‘di ba?”

“What?”

Natutop ni Joanna ang bibig nang ma-realize ang huli niyang sinabi. Hindi dapat niya sinabi ‘yon.

“Ah, I mean, baka dati ka nang may ulcer, babalik ‘yan kapag nagpapalipas ka ng gutom,” palusot niya.

May ilang segundo ang nakalipas bago nakapagsalita si Brent. “Oh, okay. I think wala naman akong history ng ulcer. I’m not sure. Pero meron naman akong midnight snacks. Actually nagbawas na ako sa carbohydrates since nakita sa blood chem ko na nasa boundary ang lever ng blood sugar ko.” Napakuwento ito.

“Ang hilig mo kasi sa matatamis, eh,” wala sa loob na sabi niya.

“How did you know that?”

Nagulat siya sa tanong na iyon ni Brent. “Uh, s-sorry. Baka kasi mahilig ka sa matamis, I mean,” bawi niya. Pero alam niya masyado nang risky ang panunulas ng dila niya.

Narinig niya ang malalim na hininga ni Brent.

“Anyway, baka inaantok ka na. Kapag may time ako, puwede ba tayong lumabas ulit? This time, hindi na for emergency purpose,” pagkuwa’y sabi nito.

Napangiti siya. “For what then?” untag niya.

“For getting to know each other. I don’t know why I fell like I know you already. Well, may ganoong moment talaga sa buhay, may taong akala mo matagal mo nang kilala. Alam mo ‘yon?” anito.

“Yeah, I know. Ganyan din ang naramdaman ko the first time we met,” gatong niya.

“I can’t believe that. You’re single for five years, hindi ba dapat hindi madali para sa ‘yo na mapalapit sa isang lalaki na kailan mo lang nakilala?” usig nito.

“Tama ka, pero depende siguro sa tao. I’m not a choosy time, and not a easy to get kind of woman. And honestly, hindi ako madaling ma-in-love. Marami akong naging manliligaw na katrabaho ko. Yes, most of them are handsome, rich and gentlemen, pero ayaw tumibok ng puso ko sa kanila. Ewan ko ba.”

“I understand. Maybe it’s because you still connected or affected to your past relationship,” komento nito.

Hindi kaagad siya nakaimik.

Yes, tama ka, Brent. Nakatali pa rin ako sa nakaraan natin kaya heto ako’t ikaw pa rin ang isinisigaw ng puso ko, hinaing ng isip niya.

“Maybe you’re right, maybe not. Baka talagang hindi lang ito ang tamang panahon,” pagkuwa’y sabi niya.

“I think you need a new atmosphere. Why don’t you explore and taste the other side of reality?”

“Reality? Matagal ko nang gustong layuan ang realidad. Pero hindi ako Diyos para gumawa ng sarili kong mundo.”

Tumawa si Brent. “Maiba ako, umuuwi ka pa ba sa Lipa?” pag-iiba nito sa usapan.

Pumanting ang tainga niya. “Minsan na lang. Pero next week ay pupunta akong Lipa, bago ako babalik sa trabaho.”

“Nice. Puwede tayong magkita doon.”

“Bakit, pupunta ka rin ba?” nae-excite na tanong niya.

“Yes. Kailangan ko kasing hakutin ang gamit ko dahil ibebenta na ng kuya ko ang family house namin. Sa kanya kasi nakapangalan ang lupa kaya wala akong magagawa.”

Bigla siyang nalungkot. Ang old fashioned house nila Brent ang tambayan nila noon. Doon sila lihim na nagkasama para hindi siya mabisto ng Mommy niya. Boto sa kanya ang Kuya at bunsong kapatid ni Brent. Pero magmula noong nagpasya siyang magpakasal kay Hector ay galit na rin sa kanya ang mga kapatid nito.

“Sige, basta may pagkakataon,” matabang na sabi niya.

“Okay. Matulog ka na kaya. Halatang inaantok na ang himig mo. Good night!” pagkuwa’y apila nito.

Ngumiti siya kahit hindi nito nakikita. “G-Good night!” sagot niya.

Hinintay niyang maputol ang linya bago niya ibinaba ang kanyang cellphone. Tinamad na siyang tapusin ang ginagawa niya. Humiga siya nang maayos. Hindi na siya muling bumangon hanggang sa gupuin siya ng antok.



  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE