Sana Ngayon ang Kahapon

Image Description Rhod Convocar Selda   |   31 January 2019


Romance/Drama novel about the two lovers separated with struggle and decision and accident.

LIMANG taon ang lumipas ngunit tila kahapon lang naganap ang masasakit nakaganapan sa buhay ni Joanna. Hindi lubos maisip ng dalaga kung paano siya naka-survive sa sakit na hindi nagagamot ng paglipas ng panahon. Tuluyan nang hindi nagpakita sa kanya si Brent. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin ang sugat ng kahapon.

Kung alam niya lang na magwo-walk-out si Hector sa kasal nila noon, hindi sana niya ipinadala ang sulat kay Brent. Iniwan siya ni Hector sa simbahan. Ang akala niya noon, pumayag si Hector na magpakasal sa kanya dahil mahal siya nito, pero may iba pala itong dahilan. Pumayag ito para patunayan sa magulang na tunay itong lalaki, pero hindi nito naitago ang katutuhanang bisexual ito. At inamin din nito na naawa ito sa kanya kaya isinakripisyo na ang sarili. Pero huli na ang lahat, nawala na sa buhay niya si Brent.

Palipat-lipat ng bansa si Joanna, depende kung saan ang flight niya. Halos araw-araw, gabi-gabi siyang umaasa na balang araw, lalapag siya sa airport at makikita niya si Brent. Last trip na niya mula Kuwait to Pilipinas. May isang linggo din siya sa Kuwait, pero never niyang nakita si Brent. Ang sabi kasi noon ng pinsan nitong si Kyla, natuloy daw sa Kuwait ang binata at hindi na umuwi.

Nasa departure area na si Joanna nang masipat niya ang pamilyar na lalaki, na palabas na ng pinto. Si Brent ang unang naiisip niya. Hila-hila niya ang kanyang maleta habang patakbong sinundan ang lalaki. Nang abot kamay na niya ito ay biglang sumikdo ang puso niya. Hindi siya maaring magkamali, si Brent ang nakikita niya.

“Brent!” tawag niya sa lalaki. Hindi siya nito narinig.

Sa kagustuhang maabutan ito ay tumakbo siya ngunit biglang huminto ang lalaki kaya siya bumalya sa likod nito. Napaupo siya sa sahig. Awtomatiko itong humarap sa kanya at inalalayan siyang makatayo.

“Are you okay?” natatarantang tanong nito.

Nawindang siya sa kabila nang pagsikdo ng kanyang puso nang maramdaman ang kamay nito na mahigpit ang kapit sa kanang braso niya. Nagtataka siya na hindi man lang siya nito nakilala gayung napakalapit nila sa isa’t-isa. Hindi niya mabasa sa anyo nito ang pagkukunwaring hindi siya namukhaan. Manipis lang naman ang make-up niya at wala namang nabago sa hitsura niya.

“Pasensiya ka na, nagmamadali kasi ako. Nasaktan ka ba?” tanong nito.

Napatda siya. Obvious na hindi siya nito nakikilala dahil kung kilala siya nito ay hindi ganoon ang magiging reaksiyon nito na tila noon lang sila nagkakilala. Pero bakit nagkaganoon?

Nanatili siyang walang kibo hanggang sa dumistansiya ito sa kanya. Pinatayo pa nito ang maleta niya na natumba.

“Brent! Nandito ka lang pala!” sabi ng babae pagkalapit sa binata. May hila-hila itong maleta.

Tumitig si Joanna sa babae. Kilala niya ito. Nagulat din ito nang makita siya pero nagkunwari itong hindi siya kilala.

Si Nika ang kababata nila ni Brent, na noon pa niya alam na may lihim na pagtingin sa dati niyang nobyo. Wala siyang ideya kung ano ang nangyari.

“Nika, let’s go. Male-late na ako sa meeting ko,” sabad naman ni Brent at nagpatiuna nang lumabas.

Aalis na sana si Nika.

“Nika, wait, mag-usap tayo. Anong nangyari?” pigil niya rito.

“Next time na lang, Joan, nagmamadali si Brent. Add mo na lang ako sa Facebook, same name ang gamit ko,” sabi nito saka sumunod kay Brent. Gustong humabol ni Joanna pero parang nakapako ang mga paa niya sa sahig. Ang bigat ng pakiramdam niya. Parang may nakadagan sa dibdib niya. Wala siyang ideya kung bakit nagkaganoon? Bakit hindi na siya kilala ni Brent? Ganoon ba kalaki ang kasalanan niya para kalimutan siya nito?

Pagdating ni Joanna sa condo unit na inuukupa niya ay kaagad siyang nagbukas ng laptop. Pumunta siya sa Facebook sight. Nahanap kaagad niya ang bagong account ni Nika. In-add niya ito. Nag-stalk siya sa sa account nito hanggang sa matagpuan niya ang post nito na naka-tag sa isang account na may pangalang ‘Volksky Auction’. Nang puntahan naman niya ang nasabing account ay nasurpresa siya nang makita roon ang litrato ni Brent. Halos picture nito lahat ang naka-post na mayroong kasamang mga foreigners.

Nasabik siyang i-add ang account nito, na kahit alam niya na for business purpose. Wala siyang ideya kung ano na ang narating ngayon ni Brent, pero kung pagbabasihan ang mga litrato nito, mukhang successful na ito. Hindi natapos noon ni Brent ang kurso nito’ng Electrical Engineering. Hindi sineryoso ni Brent ang pag-aaral dahil na rin sa impluwensiya ng mga barkada nito. Madalas itong nasa sugalan at madalas napapaaway. Maagang naulila sa ina si Brent, at ang sundalo nitong ama ay mas inatupag ang mga babae. Nagrebelde sa ama ang binata. Kaya noong nanligaw ito sa kanya ay naglatag siya ng listahan na dapat nitong gawin o hindi.

Pero nahirapan siyang ituwid ang landas nito, kaya sinuportahan na lang niya ito. Kahit papano ay inalis ni Brent ang bisyo’t barkada. Nagtrabaho ito sa shop ng tito nito hanggang sa nakapagtrabaho sa Kuwait. Pero noong nagre-contract ito sa kumpanyang pinagtrabahuhan sa Kuwait ay tumutol siya dahil naramdaman niya ang hirap na mapalayo rito.

“Hindi ko matutupad ang pangarap ko’ng magandang buhay para sa ‘yo kung hindi ako babalik ng Kuwait,” sabi sa kanya noon ni Brent.

Ang plano niya noon ay patatapusin niya sa pag-aaral si Brent, pero tumanggi ang binata dahil nag-e-enjoy na raw ito sa pagtatrabaho. Malaki naman daw ang kinikita nito. Alam niya noon na ang totoong dahilan ni Brent ay ang panmamaliit dito ng Mommy niya. Kaya nagsumikap ito na magkaroon ng magandang trabaho at kita.

Nasasaktan pa rin si Joanna habang naaalala ang nakaraan. Parang bangungot na hanggang ngayon ay patuloy siyang inuusig.

Three weeks ang hiniling na leave ni Joanna. Plano kasi niyang umuwi ng Lipa para dalawin ang puntod ng kanyang ina. Kinabukasan paggising niya ay nagbukas kaagad siya ng laptop. Hindi in-accept ni Brent ang friend request niya. Pero natanggap naman siya ni Nika at sumagot ito sa mensahe niya. On-line ito. Nagpadala ulit siya ng mensahe. Ibinigay niya rito ang contact number niya. Inimbita din niya ito na mag-lunch sa isang restaurant.

May isang minuto bago nag-reply si Nika. Pumayag ito na makipagkita sa kanya. Nagkaroon siya ng pag-asa na malaman kung ano ang nangyari kay Brent.

Saktong twelve noon nakarating si Joanna sa Mike’s Grill and Restaurant, sa may Pasay, malapit lang sa condo na inuukupa niya. Hindi pa niya nakikita si Nika. Inukupa niya ang mesa na malapit sa pinto para madali siyang makita ng kababata.

Makalipas ang ilang minuto ay sumulpot si Nika. Puting blouse at itim na maong pants lang ang suot nito. Pagkakita sa kanya’y dagli itong lumapit at umupo sa katapat niyang silya. Inalis nito ang suot na sunglasses. Inabutan naman ito ng waiter ng menu book. Nakapag-order na siya ng sa kanya.

“Kumusta ka na?” kaswal na tanong niya rito.

Bumuntong-hininga si Nika. “Okay naman. Ikaw, kumusta ang work?” ganti nito.

In fairness, gumanda si Nika at pumuti. Rebonded ang buhok at mukhang malayo-layo na rin ang narating.

“Heto, ngayon lang nakapagpahinga. Magkasunod kasi ang international flights ko,” aniya.

“Mabuti ka pa nakapag-tour sa ibang bansa. So, kumusta ang buhay mo? Nag-asawa ka na ba matapos kang iwan sa ere ng groom mo?” nakangising sabi ni Nika.

Pero alam niya, sa kabila ng pilyang ngiti nito ay naroon ang inis. Alam ni Nika ang dahilan niya kung bakit niya isinantabi ang pagmamahalan nila ni Brent. Alam malamang nito kung paano niya sinaktan ang binata.

“Na-guilty ako, Nika. Pero kung ikaw ang sa kalagayan ko, baka gagawin mo rin ang desisyon ko,” seryosong pahayag niya.

“No! Hindi ako katulad mo na kayang isakripisyo ang damdamin at damdamin ng iba dahil lang sa inang may taning ang buhay? Oo, naroon na tayo sa kahilingan ng nanay mo at oo, gusto mong maging masaya siya. Pero, Joan, ni minsan ba naisip mo ang magiging resulta ng desisyon mo? Naisip mo ba kung paano mo sinaktan si Brent?” panunumbat nito.

Lalo siyang nilamon ng guilty. Gusto nang tumulo ng luha niya ngunit nagawa iyang pigilan.

“Buong buhay kong pinagsisihan ang desisyon ko, Nika. Noong time na ‘yon, gulong-gulo ang isip ko. Mahal ko ang Mommy ko at ayaw ko na mawala siya’ng hindi kami okay,” matapang na buwelta niya.

“O, ‘di sana hindi mo na muna tinanggap ang marriage proposal ni Brent.”

“Hindi ko naman inaasahan na biglang magde-demand si Mommy kung kailan tinanggap ko ang proposal ni Brent.”

“Well, tapos na ‘yon, bakit pa ba natin pinag-uusapan?” pagkuwa’y sabi ni Nika.

Pagdating ng order nila ay kumain na muna sila.

“Nika, ano ba ang nangyari kay Brent? Bakit hindi niya ako kilala?” usisa niya nang bigla siyang mawalan ng gana sa pagkain.

Tumitig ng diretso sa kanya si Nika. Tumigil ito sa pagsubo. Magkasunod ang buntong-hininga nito.

“Last year, pauwi na rito si Brent mula Kuwait. Ang sinasakyan niyang taxi ay nabangga ng cargo truck. Malaki ang damage sa kanya. May ilang nerves sa utak niya na naapektuhan. Nagkaroon siya ng temporary amnesia. Pero ayon sa latest update ng doktor niya, hindi pa sigurado kung gaano kabilis ang pagbabalik ng memorya niya. Hindi pa siya puwedeng magbuhat ng mabigat,” kuwento ni Nika.

Biglang nanikip ang dibdib ni Joanna. Kahit anong pakilala niya sa binata ay malabong maalala pa siya nito. Pero naniniwala siya na makaka-recover si Brent at muli siyang maaalala. Pero nababahala siya. Kung sakaling bumalik ang alaala ni Brent, posible kayang may galit pa rin ito sa kanya?

“Kumusta na ngayon ang buhay ni Brent?” pagkuwa’y tanong niya.

“Mabuti naman. Nakapagtapos siya ng pag-aaral sa Kuwait. Pinaaral siya ng dating amo niya. Maswerte siya sa amo niya. Walang anak na lalaki ang may-ari ng auction na pinagtrabahuhan niya. Noong namatay ang amo niya, siya ang pinagkatiwalaan na mag-manage. Pero dahil maraming insecure sa kanya, nagdesisyon siya na umuwi ng Pilipinas. Ang perang naipon niya ang ginamit niya sa pag-invest sa isang auction company. At last year lang ay namatay ang may-ari ng kumpanya. Kaysa magsara, binili niya ang rights at solong pinatkbo ang kumpanya. Katunayan nagtatrabaho ako sa kumpanya ni Brent bilang secretary. Two years na ako sa kanya. Before pa siya nadisgrasya ay kasama na niya ako,” salaysay ni Nika.

“N-Nag-asawa na ba si Brent?” gumagaralgal na tanong niya.

“Nope. Pagkatapos ng nangyari sa inyo, sa palagay ko inalis na ni Brent sa bokabularyo niya ang pag-aasawa.”

Yumuko siya at humigop ng sabaw ng bulalo. Hindi siya papayag na tuluyan siyang mabura sa alaala ni Brent. Matagal niya itong hinanap. Matagal siyang umasa na magkikita silang muli. Ngayon ay gagawin niya ang lahat maibalik lang ang tiwala nito sa kanya.

“Gusto kong bumawi kay Brent. Gusto kong tulungan siyang maibalik ang alaala niya,” matatag na wika niya.

Tumawa ng pagak si Nika. “Alam mo, Joan, naiintindihan kita pero alam mo na hindi maganda ang ginawa mo kay Brent. Maaring maalala ka niya, pero ano sa palagay mo ang babalik sa isip at puso niya kung sakaling bumalik ang alaala niya? Hindi ba’t iyong sakit pa rin na iniwan mo sa puso niya? Kung ako sa ‘yo, kalimutan mo na lang din siya. Mag-move on ka na. Alam mo, noong nagkuwento sa akin si Brent tungkol sa ‘yo? Alam mo kung ano ang sabi niya? Sinabi niya na sana ay magka-amnesia siya para makalimitan ka niya at nang mawala na ang sakit sa puso niya. Nagdilang anghel nga siya. Ako ang nahirapan sa sinabi niya, alam mo ba ‘yon, Joan? At noong time na ‘yon, parang gusto kitang sugurin at saktan. Pero wala akong karapatan,” may hinanakit na pahayag ni Nika.

Nangilid ang maninipis na luha sa magkabilang pisngi ni Joanna. Hindi na niya naubos ang pagkain niya. Si Nika ri’y sumama ang pakiramdam. Nag-iwan ito ng isang libong piso sa mesa saka walang paalam na umalis.

HINDI pinatulog si Joanna ng kanyang konsiyensiya. Inalam niya ang kumpanya ni Brent. Natagpuan niya ito sa Pasig. Sa kagustuhang makita ang binata ay nagpanggap siyang buyer ng kotse na ibinibenta ng kumpanya. Sakop din ng kumpanya ni Brent ang Auto company. Halos lahat daw ng sasakyan na ibinibenta ay mula pa sa ibang bansa. Matagal na rin niyang balak bumili ng sasakyan pero hindi sa ganoong auto company. Naghahanap siya ng bagong modelo na bagay sa taste niya.

Iniwan siya ng sales man sa tapat ng toyota vios na kulay orange. Mamaya’y nasipat niya si Brent na patungo sa kinaroroonan niya. Humihingi kasi siya ng discount. Pero habang papalapit sa kanya ang binata ay biglang nanlambot ang mga tuhod niya. Kumakabog ang dibdib niya. Ibang-iba na ang aura ngayon ni Brent. Pakiramdam niya’y napakataas na nito.

“Hi! You look familiar,” nakangiting bungad sa kanya ni Brent.

Nagulat siya roon. Tanggap na niya na nabura siya sa alaala nito, pero ang mapamilyar siya rito ay nagdulot ng hindi mawaring kaligayahan sa puso niya.

“Hello, Mr. Brent Volksky!” bati niya rito. Inunahan niya itong kamayan.

Kunot-noong dinaup naman nito ang palad niya. At nawindang siya nang halos ayaw nitong bitawan ang kamay niya. Titig na titig ito sa mukha niya. Nanatili siya sa ganoong posisyon. Ayaw niyang matapos ang sandali na magkahawak ang kanilang mga kamay at magkatitig ang kanilang mga mata. Sobrang nami-miss niya ang lalaking mahal na mahal niya.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE