Sana Ngayon ang Kahapon

Image Description Rhod Convocar Selda   |   31 January 2019


Romance/Drama novel about the two lovers separated with struggle and decision and accident.

“WILL you marry me?” masuyong tanong ni Brent kay Joanna.

Na-shock ang dalaga. Hindi niya inasahan na aalukin siya ni Brent ng kasal sa lugar na iyon, sa harap ng maraming tao.


Kabababa lang niya ng eroplano. First flight niya iyon bilang stewardess. Ang akala niya’y totoong aalis si Brent papuntang Kuwait, dahil hinarang siya nito sa check-in area daladala ang maleta nito. Pero nagulat siya nang pagbukas nito ng maleta ay naroon ang singsing. Umiyak pa siya dahil ginawa niya ang lahat para huwag itong umalis, at biglang matutuloy?

Nanatiling nakaluhod si Brant sa harapan niya. Alam niya hindi ito tatayo hanggat hindi siya sumasagot. Napaiyak ulit siya nang dahil sa labis na kaligayahan.

“Brent, sasayangin ko ba ang mahabang panahon na samahan natin? Of course, I will marry you! I love you!” sagot niya.

Napatalon si Brent. Dagling isinuot nito ang singsing sa kanyang palasingsingan. Pagkuwa’y niyakap siya nito’t siniil ng halik sa labi. Nagpalakpakan ang mga tao. Merong kinukuhaan sila ng litrato at video.

After one week, excited si Joanna na malaman kung ano ang surpresa sa kanya ni Brent. Ngunit kung kailan paalis na siya para sa dinner date nila ng binata ay biglang dumating ang Mommy niya kasama ang nakatatandang kapatid niya’ng lalaki na si Jerom. Nakaupo sa wheelchair ang Mommy niya habang tulak-tulak ng kuya niya. Nanggaling sa ospital ang mga ito para sa check-up ng Mommy niya.

“Ma, kumusta na po?” tanong niya sa ginang matapos siyang nagmano rito.

Nagulat siya nang iwaksi nito ang kamay niya. “Ma, bakit?” manghang tanong niya.

“Napanood ko ang viral video sa airport tungkol sa pag-propose sa iyo ni Brent. Hindi ba’t sinabi ko sa ‘yo na layuan mo na ang lalaking iyon! Wala kang mapapala sa lalaking iyon! Itigil mo na ang kalokohan niyo, Joanna!” asik ng kanyang ina.

Mabilis na nangilid ang kanyang luha. Parang pinupuyos ang puso niya.

“Ma, mahal ko po si Brent,” giit niya.

“Alam mo noon pa na ayaw ko sa kanya! Ano ba ang nakita mo sa lalaking iyon? Wala na iyong ginawa kundi makipag-basag ulo at walang matinong trabaho! Anong kinabukasan ang ibibigay niya sa ‘yo? Ano, ikaw ang magpapalamon sa kanya, ganun? Joanna, ang gusto ko lang ay ma-secure ang future mo bago ako mawala. Gusto ko si Hector ang pakasalan mo.”

Nawindang siya. Awtomatiko’y tumitig siya sa madilim na mukha ng kanyang kuya.

“Jerom, dalhin mo na ako sa kuwarto,” pagkuwa’y utos ni Melinda sa kuya niya.

Hinintay ni Joanna na makalabas ng kuwarto si Jerom. Inusig niya ito tungkol sa sakit ng Mommy niya. Bagaman noon pa niya alam na may colon cancer ang Mommy niya, pero ini-expect niya na makaka-survive pa ito.

“Stage four na ang cancer ni Mommy, Joan. Tinaningan na ng doktor ang buhay niya,” sabi ni Jerom.

Parang may pumilas sa dibdib ni Joanna. Nagpatuloy sa pagpatak ang butil-butil niyang luha. Buong buhay niya, utang niya sa kanyang ina, na mag-isang tumaguyod sa kanila. Six years old pa lamang siya ay namatay na ang Tatay niya dahil sa car accident. Wala siyang hangad kundi ang mapasaya ang kanyang ina. Ngayong humihiling ito sa huling pagkakataon, magagawa ba niya itong tanggihan?

Ilang araw at gabing pinag-isipan ni Joanna ang hiling ng kanyang ina. At dahil sa magulo niyang isip, lahat ng tawag at text ni Brent ay na-miss niya. Hindi niya ito sinipot sa mga date nila. Hanggang sa nabuo ang desisyon sa kanyang isipan. Hindi niya natanggihan ang kanyang ina sa desisyon nito na ipakasal siya kay Hector.

Ipinakita niya sa ginang na hindi siya tatakas sa responsibilidad. Si Hector ang anak ng childhood friend ng Mommy niya, na noong mga bata pa lamang sila ay palagi nang ipinaparis. Civil Engineer sa Canada si Hector, nagmula sa kilalang pamilya.

Sa kasalukuyang inaayos nila ni Hector ang papeles sa pagpapakasal, habang ang Mommy niya ay nakaratay na sa ospital. Pinakita niya rito ang on-going process na papeles. Hindi niya ito bibiguin, basta’t lumaban lang ito.

Ngunit habang nasa tabi siya ng kanyang ina, isinusulat niya sa kaperasong papel ang nais niyang iparating sa lalaking pinakamamahal niya, kay Brent.


Dear Brent;


I’m sorry, alam kong masasaktan ka pero higit na nasasaktan ako. Patawarin mo ako sa desisyon ko. Kailangan kong gawin ito para kay Mommy. Gusto ko maging masaya siya at ayaw ko na may sama siya ng loob sa akin. Kailangan kong magpakasal kay Hector, iyon ang gusto ni Mommy. Pero huwag kang mag-alala, kahit anong mangyari, walang magbabago. Ikaw pa rin ang lalaking mamahalin ko.


Joanna


KINUYUMOS ni Brent ang sulat ni Joanna na ipinadala sa pinsan niya’ng nurse na si Kyla. Pakiramdam niya’y may milyong karayom na tumulos sa puso niya. Kaya pala hindi siya sinisipot ng dalaga sa tagpuan nila. Kaya pala hindi ito sumasagot sa mga text at tawag niya, may balak pala itong saktan siya.

Nagtapang-tapangan siya. Ipinakita niya sa dalaga na hindi siya apektado. Sa last night ng burol ng ina nito, nagpunta siya pero hindi niya kinausap ang dalaga. Pero nakikita niya sa mga mata nito ang sakit. Pero wala nang sasakit pa sa kanyang nararamdaman sa mga sandaling iyon.

Para malabanan ang depresyon, itinuloy ni Brent ang pagtatrabaho sa Kuwait. Mabuti’t tinanggap siya ulit ng kanyang employer kahit ilang beses na niyang nai-cancel ang pagpirma sa kontrata. Pinutol niya lahat ng koneksiyon niya kay Joanna. Hindi din siya nakikipag-ugnayan kanino man sa mga kaibigan nila na may koneksiyon sa dalaga. Nagpakaabala siya sa trabaho. Nawalan ng pakialam sa realidad, makalimutan lang ang pait at sakit na dinanas sa babaeng buong buhay niyang minahal.




  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE