Sana Ngayon ang Kahapon

Image Description Rhod Convocar Selda   |   20 March 2019


Romance/Drama novel about the two lovers separated with struggle and decision and accident.

PAGKATAPOS ng hapunan ay nagyaya si Brent na manood sila ng sine. Kahit hindi siya mahilig manood ng movies ay pumayag siya sa kagustuhang makasama nang matagal ang binata. Suspense ang pinapanood nila. Lalong hindi niya iyon gusto. Si Brent ay seryoso sa panonood habang siya ay naglalaro lang ng criminal case sa kanyang cellphone.

Nang tingnan niya si Brent na nasa kaliwa niya ay nagtataka siya bakit nakayuko na ito at hinihilot ang noo. Nag-aalala siya na baka masama ang pakiramdam nito.

“Brent, okay ka lang ba?” tanong niya rito.

Naniningkit ang mga matang tumingin ito sa kanya. “I’m fine,” sagot nito.

Hindi siya kampante sa sagot nito. Ibinalik nito ang tingin sa malaking screen. Hindi na niya ito inalisan ng tingin. Mamaya’y hinilot na naman ni Brent ang noo nito. Doon na siya nabahala.

“You’re not okay. Let’s go home,” sabi niya rito.

Hindi na kumibo si Brent. Inalalayan niya ito sa pagtayo saka sila lumabas. Dahil sa pagiwang-giwang na lakad ni Brent, nagpresenta siya na siya na lamang ang mag-drive.

“Ihahatid kita sa bahay mo. Sabihin mo lang sa akin ang address,” aniya habang nagmamaneho.

“No need. Kailangan ko lang itong ihiga kaagad. Mawawala din ang sakit,” sabi nito.

“Mas komportable ka kung doon ka sa bahay mo matulog.”

“Masyadong malayo, sa Pasig pa. Puwede bang doon muna ako sa unit mo kahit sandali? Kapag kumalma na ang sakit ay uuwi na ako. Huwag ka nang mag-abala pa,” pakiusap nito.

“Okay.” Pabor sa kanya ang hiling nito. Mas panatag siya na nasa puder niya ito. Kilala na niya si Brent at hindi ito iba sa kanya.

Noong magkarelasyon pa lamang sila ay madalas silang namamasyal sa malalayong lugar para malaya silang magkasama. Nagtsi-check-in sila sa isang hotel na inaabot ng dalawa o tatlong araw. Masaya ang relasyon nila kahit maraming hadlang. Hindi nawawala ang tiwala at respeto nila sa isa’t-isa. Kaya sobrang naghihinayang siya.

Pagdating sa kanyang unit ay kaagad niyang pinahiga sa kanyang kama si Brent. Ang isang kuwarto sa unit niya ay maraming nakatambak na gamit kaya doon na sa kuwarto niya ang binata. Hindi na niya ito kinausap nang mapansing nakapikit na ito. Maaring epekto pa rin ng pagkadisgrasya nito ang sakit na nararamdaman nito sa ulo.

Iniwan niya ang binata saka siya nagbihis ng pantulog. Paglabas niya ng banyo ay nilapitan niya ang lalaki saka hinipo ang noo nito. Mainit iyon. Nataranta siya. Kumuha siya ng bimpo saka binasa ng malamig na tubig. Hinubad niya ang damit nito saka sinimulang punasan ang mainit nitong dibdib at puson.

Ang laki na ng pinagbago ni Brent. Mula katawan hanggang pagkatao. Hinaplos niya ang matipunong dibdib nito. Hindi man lang iyon naramdaman ng binata. Pagkuwa’y mukha naman nito ang pinunasan niya. Hindi siya tumigil hanggat hindi bumababa ang lagnat nito. Mabuti na lang palagi siyang may thermometer.

Nang normal na ang temparatura ng katawan ni Brent ay nanatili siyang nakaupo sa tabi nito, sa may gilid ng kama. Pinagmamasdan niya ang nahimbing nitong mukha. At habang nakatitig siya roon ay parang may milyong karayom na tumutusok sa puso niya. Hindi niya napigil ang paglandas ng kanyang mga luha.

“Five years, five years kitang itinago sa puso ko at hanggang ngayon ay hindi kita kayang pakawalan. Brent, miss na miss na kita. Sorry, sorry kung sinaktan kita. Buong buhay kong dala sa puso ko ang pagsisisi. Please, bumalik ka na. Kahit nariyan pa ang galit mo sa akin, hindi ako susuko hanggat hindi mo ako napapatawad. Mahal na mahal kita,” emosyonal na pahayag niya.

Alam niya hindi siya naririnig ng binata, ngunit ramdam niya na makakarating dito ang kanyang hinaing. Marahang iniyuko niya ang kanyang ulo hanggang sa maabot niya ang mukha ng binata. Ginawaran niya ng mapusok na halik ang labi nito. Hindi pa rin ito nagigising.

NAGTATAKA si Brent bakit nakahiga siya sa matigas na sahig ng isang kuwarto na pulos puti ang paligid.

No! I’m not dead!

Gusto niyang bumangon ngunit hindi niya maigalaw ang kanyang buong katawan. Mamaya’y may naaninag siyang bulto ng babae. Mahaba ang buhok nito, pulos puti din ang kasuutan. Hindi niya maklaro ang hitsura nito. Malabo.

“Brent, kung bibigyan mo ako ng isa pang pagkakataon, ibibigay ko sa iyo ang buong puso ko. Kailangan mong maramdaman na hindi nagbago ang pagmamahal ko sa ‘yo. Mahal na mahal kita,” sabi ng babae.

Unti-unti ay lumilinaw ang mukha ng babae. Kilala niya ito.

Pagmulat ni Brent ng mga mata ay mukha ni Joanna ang nasilayan niya na nakatunghay sa kanya. May ilang segundong nakatitig lang siya sa maamong mukha nito. Ngunit nang maamoy niya ang aroma ng kape ay bumalikwas siya ng upo.

Sinilip niya ang oras sa suot niyang relong pambisig. Pasado alas-siyete na ng umaga. At noon lang niya napagtanto na naroon siya sa kuwarto ni Joanna. Akmang tatayo siya ngunit pinigil ng dalaga ang balikat niya.

“Stay here. Kailangan mo munang magpahinga. Mataas ang lagnat mo kagabi,” sabi nito.

“Bakit hindi mo ako ginising?” aniya.

“Ayaw kong maistorbo ang pagtulog mo. Nagtimpla ako ng kape para sa ‘yo. Special ang kape kasi mula pa ito sa bohol. Alamid coffee ang tawag dito. Nilagyan ko ito ng extract ng eucalyptus. I wish you would like the taste. Promise, masarap ito,” sabi nito. Inilapit nito sa kanya ang tasa ng kape na sinasabi nito.

Nang malanghap niya ang amoy ng kape ay biglang may magulong pangyayari na dumapo sa isip niya. Narinig niya na nabanggit ni Joanna ang lugar na Bohol. Naramdaman kaagad niya na espesyal sa kanya ang lugar. Hindi lang niya maintindihan kung bakit. At nang natikman niya ang kape, meron siyang pilit inaalala. Nagpapaalala ang kape ng nakaraang ramdam niya na espesyal sa kanya. Maaring nakarating na siya sa Bohol at natikman na niya minsan ang ganoong lasa ng kape. Ang weird.

“How’s the taste?” tanong nito pagkuwan.

“Great. Pero parang pamilyar sa akin ang lasa ng kape. Parang nakatikim na ako nito dati,” aniya.

Ngumisi ang dalaga. “Of course, almost all coffee has the same aroma and taste,” anito.

“But this one was more tastier and has a twist. Parang may espesyal sa kape na ito.”

ALAM mo ba kung ano ang espesyal sa kami na ito, Brent? Pagmamahal, Pinaghalo natin ang pagmamahal natin sa kape.

Masaya si Joanna sa nalamang unti-unti nang nakakaalala si Brent. She’s also a coffee lover. Hindi buo ang araw niya hanggat hindi siya nakakahigop ng kape sa umaga. At doon sila nagkasundo ni Brent. Dalawang beses na silang nagpunta ng Bohol noon. Gusto kasi niya noong makaranas kung paano mag-harvest ng coffee seeds sa mismong puno. At nasurpresa siya noong pinakita sa kanya ni Brent ang plane ticket nila papuntang Bohol.

Sa isang restaurant na tinuluyan nila noon ay mayroong sini-serve na unlimited coffee tuwing umaga. At ang kape ay may choices na puwedeng i-mix sa dark coffee. Nadiskubre nila na puwede pala ang extract ng eucalyptus. They both loved the twist of their coffee. Hanggang sa dinala nila sa Lipa ang bagong flavor ng kape.

“Kailan ang fallow-up check-up mo sa doktor mo, Brent?” pagkuwa’y tanong niya sa binata.

“Next week pa,” sagot nito.

“Huwag mo nang hintayin ang araw na ‘yon. Bumalik ka na kaagad sa doktor mo para malaman kung bakit sumasakit ang ulo mo,” aniya. Sobra siyang nag-aalala sa kalagayan nito.

“Naka-schedule na ako next week for my MRI. Meron namang ibinigay na gamot ang doktor for pain. Hindi ko lang nadala kaya hindi ako nakainom.”

“Okay. Pero kapag sumakit ulit, tumakbo ka na kaagad sa doktor.”

Nagulat siya nang tingnan niya sa mukha si Brent ay napansin niya ang pilyong ngiti nito.

“Para saan ang ngiting ‘yan?” nakatikwas ang isang kilay na tanong niya.

“Tama ba ang nararamdaman ko na nag-aalala ka sa akin?” anito.

“Huh? N-No, I-I’m just concern!” balisang sagot niya.

Inilapag ni Brent ang tasa sa may tray na nakapatong sa bed side table.

“It’s okay. Alam ko naman na magde-deny ka. Pero huwag mo akong intindihin, minsan talaga ay masyado akong assuming,” nakangiting sabi nito.

“Alam ko naman ‘yon, eh,” aniya.

“Alam mo ang alin?” nalilitong tanong nito.

Nataranta siya. Nadulas na naman ang dila niya. “Kuwan, alam ko namang mag-a-assume ka. Normal lang ‘yon. Pero oo, huwag na nating intindihin. Ano, kaya mo na bang mag-drive?” aniya saka nag-interrupt na sa usapan.

“Oo naman. Kailangan ko na talagang umalis dahil marami akong gagawin sa office. Thanks for the cool accommodation. And of course, the coffee. The best experience ito. I’ll call you if I have time,” sabi nito. Tumayo na ito.

Inalok pa niya ng almusal ang binata pero tumanggi ito. Hinatid na lang niya ito hanggang sa garahe.

NASUNDAN pa ng ilang beses ang paglabas ni Joanna kasama si Brent. Nakakarating na sila sa malayo-layong lugar katulad ng Laguna at Baguio. Ini-enjoy muna ng dalaga ang sandaling para bang nagsisimula pa lamang sila ni Brent sa isang relasyon. Pero alam niya na para kay Brent, iyon pa lamang ang unang pagkakataon na magkasama sila. Bagaman hindi sinasabi ng binata na opisyal itong nanliligaw, ramdam niya na may interes ito sa kanya.

Meron na lang siyang nalalabing isang linggo na bakasyon. After ng isang linggo ay balik trabaho na ulit siya. Napag-usapan nga nila ni Brent na magkikita sila sa Lipa, kapag nakauwi na sila. Pero hindi sila magsasabay dahil meron pa daw aasikasuhin si Brent sa kumpanya at kailangan muna nitong sumipot sa follow-up check-up nito.

Kahit hindi hiniling ng binata ay nagpresenta siya na samahan ito sa doktor. Pumayag naman ito. Sa Asian Hospital pala ito nagpapakonsulta. Nakausap na ni Brent ang doktor nito. Naghihintay na lang ito na tawagin para sa MRI examination nito. Nakaupo sila sa bench, sa labas ng malawak na laboratory.

Hindi maintindihan ni Joanna bakit siya kinakabahan habang nakaupo sila na magkatabi ni Brent. Minsan na siyang nagawi sa ospital na iyon, noong na-admit doon ang katrabaho niyang piloto. Naalala niya, dumalaw siya noon sa katrabaho at doon mismo sa ospital ay nakita niya ang kababata na si Eunice. Three years na ang nakalipas at baka wala na roon ang kababata niya.

Pero nagkamali siya ng naisip dahil pagtingin niya sa kabubukas na elevator sa tabi nila ay lumabas mula roon si Eunice. Naka-uniporme ito ng nurse at may nursing cap sa ulo. Iniwasan niya ito ng tingin ngunit napansin pa rin siya nito.

“Joan! Ikaw ba ‘yan?” nangingibabaw ang boses na sabi ni Eunice. Lumapit pa ito at tumayo sa harapan niya.

Napangiwi siya. Napansin kasi niya na titig na titig si Brent sa babae. Kumislot siya nang tampalin ni Eunice ang balikat niya.

“Hoy! Kunwari ka pang hindi ako kilala. Ano na!” anito.

Napilitan siyang tumayo at sana’y hihilahin palayo ang babae ngunit nanigas ang mga binti nito at ayaw umalis sa kinatatayuan.

“Wait! S-Si Brent ba ang kasama mo? Don’t say, kayo na ulit?” sabi nito.

Mabilis na tinakpan ni Joan ng kamay ang bibig ni Eunice, pero huli na, maaring narinig at naintindihan ni Brent ang sinabi nito. Nang sipatin niya si Brent ay nagtatakang nakatitig ito sa kanila.

Hinila niya palayo si Eunice. Napasunod naman ito. May tatlong dipa ang layo nila sa kinaroroonan ni Brent. At mabuti na lang din dahil tinawag na si Brent para pumasok sa laboratory. Pumasok na ito sa isang kuwarto sa tapat nito.

“Sandali nga, bakit ba hinila mo ako?” angal ni Eunice.

“Ang ingay mo kasi.”

“E ano? Si Brent ang kasama mo ‘di ba? Ano’ng nangyari? Nagkabalikan na ba kayo?” usisa nito.

“Hindi. Sinamahan ko lang siya rito.”

“Imposibleng magkasama kayo ulit matapos ang nangyari noon. Ano, back to the start, na parang walang nangyari?”

Hindi siya nakakibo. Hindi kasi niya alam kung paano sabihin kay Eunice ang totoo. Malapit sa pamilya niya si Eunice, dahil ang mga magulang nila ay matagal nang magkaibigan. Halos sabay silang lumaki ni Eunice at iisang school ang pinasukan nila magmula grade school, kaya alam din nito ang buong kuwento ng buhay niya, lalong-lalo na ang kuwento nila ni Brent. Pero obvious na wala na itong alam sa buhay ni Brent ngayon.

“Siguro tama ka, parang nagsisimula lang kami ulit ni Brent,” pagkuwa’y sabi niya.

“Bakit? Hindi na ba siya galit sa ‘yo?” anito.

“I’m not sure. Iyon ang gusto ko sanang mawala sa puso niya.”

“Hindi kita maintindihan. Magkasama kayo pero hindi ka sure kung galit pa ba siya sa ‘yo. Ang gulo kaya.”

“Eunice, hindi ako naaalala ni Brent. Naaksidente siya sa Kuwait at nagkaroon ng temporary amnesia. Kaya nga siya narito ay para sa fallow-up check-up niya,” bunyag niya.

Napamata si Eunice. “O my God! Pero paano nangyaring magkasama kayo at mukhang wala namang problema sa inyo?” usig nito.

“Siyempre, gumawa ako ng paraan para mapalapit sa kanya. Kumuha ako ng hulugang sasakyan sa kumpanya niya. Ayaw ko nang mawala pa sa buhay ko si Brent kaya sumugal na ako kahit walang kasiguruhan kung maipapanalo ko ang laban kong ito.”

“Paano kung biglang bumalik ang alaala ni Brent at nalaman mong hindi ka na niya mahal?” usig na naman nito.

Nanikip ang dibdib niya. Pero pinilit niyang maging positibo.

“Nararamdaman ko na may halaga pa rin ako kay Brent. Hindi ako susuko, Eunice. Five years kong hinintay ang pagkakataong ito. Hindi ako maaring mabigo,” mangiyak-ngiyak na sabi niya.

Nalungkot ang anyo ni Eunice. “So sad. I pity you, girl. Pero may tiwala ako sa ‘yo. Basta keep on praying, everything will be fine. Good luck sa mga plano mo.”

Napayakap siya bigla rito. Mahigpit naman siya nitong niyapos.

“Nga pala, paki-save sa phone mo ang number ko. Nagpalit na ako ng number, eh,” sabi ni Eunice nang maghiwalay sila.

Kinuha naman niya ang kanyang cellphone saka in-save doon ang bagong contact number ni Eunice. Friends sila sa Facebook pero palaging hindi active ang babae. Pagkuwa’y nagpaalam na ito. Bumalik naman siya sa bench at hinintay na makalabas si Brent. Bumalik ang kaba sa puso niya nang maisip na maaring nakagulo sa isip ni Brent ang narinig mula kay Eunice.



  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE