Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Balat

Image Description Anj Jimenez (Missbulilit)   |   14 January 2019


Isang balat na nangaling sa nakaraan susi sa mga tanong ng kasalukuyan.

Ipinanganak na malusog na bata si James. Lahat ng pagmamahal ibinuhos ng kanyang mga magulang. Normal na bata ang pitong taong gulang na si James. Mahilig maglaro at magpawis. Makulit at sobrang bibo. Wala ng kahit na ano pang mahihiling ang kanyang mga magulang pagdating sa kanya.

Ngunit nagbago ang bata matapos ang isang malakas na bagyo na may mga malalakas na kidlat. Naging matamlay ito at palaging naka tulala. Ang inakala ng kanyang magulang nagroon lamang siya ng trauma kaya naman inilapit nila ito sa mga doctor. Trauma ang naging obserbasyon nila, may mga gamot silang ipinapainom dito ngunit mukhang wala namang epekto.

Lalo lang itong naging malungkot at paminsan minsan pa'y nagwawala sa galit. Ginawa na lahat ng kanyang magulang upang malaman ang sanhi ng pagbabago ni James.
"Pa, bukas dadalhin na natin siya sa child psychiatrist." Umiiyak ang kanyang ina habang pinagmamasdan nila itong matulog.
Pilit na pinatahan ng ama ang kanyang asawa kasabay ng pagsara nila sa pintuan ng kwarto ng bata.

Sa kalagitnaan ng madilim na gabi, biglang kumalabog ang buong kabahayaan dahil sa napakalakas ng kulog. Biglang napatayo ang magasawa sa gulat at dali-daling pinuntahan ang kanilang anak.

Sa pagbukas nila sa kwarto'y bukas ang bintana at wala na sa higaan si James. "Pa! Si James!" Humahagulgol ang ina kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan. "Pumarito ka't lalabas ako! Hahanapin ko si James!" Umalis ang ama suot ang kapote nito at dala ang isang flashlight.

"Anak! James!" Pilit nitong inaninag ang anak sa madilim na bakuran. Sa pagsilip ng ama sa bawat sulok ng lugar gamit ang kanyang dalang maliit na liwanag. Humulma ang imahe ng isang bata na nananatiling nakatayo paharap sa masukal na parte ng bakuran. Malaki ang bahay at lupa ng pamilya at simula ng lumipat sila dito ay hindi pa nila naisasaayos lahat ng naiwang gamit at halaman ng dating may ari.

"Anak! Halika na't basang basa ka na ng ulan!" Mahinahong sigaw ng ama na pilit nilalakasan ang loob para sa anak. Ngunit imbes na lumapit sa kanya si James, tinaas nito ang kanyang kamay na tila ba may itinuturo sa masukal na halamanan. Muling sumiklab ang malakas na kidlat na sandaling nagpaliwanag sa kapaligiran. Sa muling pagmulat ng ama wala na si James.

Mabilis niya muling hinanap ang anak gamit parin ang kanyang flashlight.
Itinutok ng ama ang kanyang flashlight sa putikan at doon nakita ang maliliit na bakas ng paa. Sinundan ang ama ang mga ito at dinala ito sa masukal na halamanan.

Nandoon si James. Tuwid na nakatayo at nakayuko sa ilalim ng isang mababa't mayabong na halaman.
"Anak! Ano bang nangyayari sa'yo! Sumama ka na kay Papa!" Halos maiyak narin ang ama dahil sa magkahalong kaba, takot at awa para sa anak.

Ngunit hindi gumagalaw ang bata sa kanyang kinatatayuan. Nagdesisyon na ang ama na siya na lamang ang lalapit. Dahan dahan nitong inabot ang kanyang anak. Sa paglapit ng kanyang kamay sa maliit na balikat ng bata bigla nalamang itong tumingin sa ama.

Wala ang puti ng kanyang mga mata at nangingitim ang kanyang mga labi. Napaurong ang kanyang ama at napaupo sa putikan.

Tumigil bigla ang ulan na tila gripong sinara. Muling ibinaling ng bata ang tingin nito sa halamanan.

"Wala! Wala siyang awa!" Sigaw ng bata. Ngunit malalim at nakakatakot ang garalgal nitong boses. "Nandito! Ang katawan ko!"

Natameme sa takot ang ama habang natigil at tila naging estatwa naman ang kanyang ina na sumunod na pala sa kanila.

"Nakikita n'yo ang marka sa noo ko!?" Humarap ito sa kanyang mga magulang at itinuro ang birth mark na nasa noo nito. "Dito niya ako tinaga! Na sanhi ng aking pagkamatay!"

Muling kumidlat na nagpaliwanag sa kapaligiran.

Nakahandusay na sa putikan ang walang malay na katawan ng bata. Mabilis na tumakbo ang ina at niyakap ang kanyang anak. Hindi na nag aksaya pa ng panahon ang ama at sinamahan na ang kanya g pamilya na pumasok sa bahay. Tinawagan niya ang mga pulis na mabilis na rumispunde.

Ipinaliwanag ng ama sa mga pulis ang nangyari. Noong una ayaw maniwala ng mga pulis. Ngunit ng sabihin na ama ang halamanan kung saan sinasabi ng bata na may nakalibing doon. Nagtaka na ang mga pulis.

Pitong taon na ang nakakaraan may isang matandang lalake ang bigla nalang maglaho. Isa siyang doktor na magisa lamang sa buhay. Tatlong bahay mula sa tinitirahan ng pamilya ni James doon ang bahay ng matandang doktor. Bigla nalang nawala ang matanda at wala ng nakakita pa sa kanya. Inimbestigahan ng mga pulis ang pagkawala nito ngunit dala ng kakulangan ng ebidensya wala silang napatunay kaya itinigil at sinara na nila ang kaso.

Nagpulong ang mga kapitbahay sa paligid ng bahay nila James. Maingat na hinukay ang lupa sa halamanan. Laking gulat ng lahat ng may isang bangkay ang nakabaon roon. Wasak ang bungo sa bandang noo. Sa pag recover sa bangkay lumitaw pa ang ilang ibidensya ng krimen.

Kasama ng bangkay ang isang itak na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima. Nakasuot parin sa bangkay ang isang mamahaling gintong singsing.
Nakilala ng mga matatandang kapitbahay ang singsing ng bangkay.
Pagmamay ari iyon ni Doktor Paolo Valencia, siya ang nawawala nilang kapitbahay.

Samantala sa loob ng bahay, taimtim na natutulog si James sa kanyang kama habang katabi ang kanyang ina.
"Ma?" Nagising ang bata.
"Nauuhaw ako."

Pagluha ng galak ang tanging bumakas sa mukha ng ina. Mabilis itong kumuha ng inumin na nasa gilid lamang ng kama saka iniabot sa kanyang anak.
"Kamusta ang pakiramdam mo anak?" Lumuluhang tanong ng ina.
"Okay lang po. Anong nangyayari doon ma?" Bumaling ang dalawa ang liwanag sa likuran kanilang bahay.
"Wala ka bang natatandaan anak?" Nagtatakang tanong ng ina, umiling lamang ang bata.
Napayakap nalang ang ina sa kanyang anak na sobrang higpit.

"Ma?" Mahinang bulong ng bata habang nakayakap sa kanyang ina.
"Ano anak?" Matagal bago sumagot ang bata.

"May tao."

Muling sumiklab ang mabilis na pagtibok ng puso ng ina. "Nasaan?" Nanginginig na tanong ng ina.
Itinuro ng bata ang likuran ng kanyang ina.

Mabagal na tumingin sa likuran ang ina. Halos mamutla na ito dala ng takot. Dahan dahang rumehistro ang imahe ng isang lalake sa gilid ng kanyang mata. Maitim ang imahe at walang malinaw na itsura.

Hindi mawari ng ina kung bakit hindi niya ito makita ng lubusan tanging mga paa at katawan lamang nito ang kanyang nakikita.
"Anong pang kailangan mo?!" Matapang na hinarap ng ina ang kanyang kinatatakutan.

Sa halip na sumagot ang imahe itinaas nito ang kanyang kamay na tila inaabot si James.
"Huwag!" Sigaw ng ina. Ngunit nahuli siya. Mabilis na nakapunta ang bata sa harapan ng imahe. Magkahawak sila ng kamay.
"Anak! Parang awa mo na, huwag ang anak ko!" Nagmakaawa ang ina. Ngunit tila wala ng naririnig ang dalawa.

Isang maliwanag na ilaw ang bumalot sa kwarto na maging ang ama nito nakita ang liwanag.
Mabilis na tumakbo ang kanyang ama papunta sa kinaroroonan ng kanyang mag ina. Dinatnan niya ang mga ito na tahimik na magkatabi sa kama. Taimtim na natutulog.

Matapos ang araw na iyon, bumalik sa pagka bibo si James. Wala narin itong natatandaan sa mga nangyayari. Maging ang kanyang ina wala ring matandaan sa mga huling nangyari bago ang liwanag.

Nang dahil kay James nabigyang liwanag ang palaisipan ng krimeng nangyari kay Doktor Valencia. Hindi man nalaman kung sino ang kriminal ang importante nakita ang katawan niya at mabibigyan ng desenteng libing.

Sa tuwing makikita ng kanyang ama ang balat sa noo ng kanyang anak. Bumabalik lahat ng nangyari sa kanilang pamilya. Isang balat na nangaling sa nakaraan susi sa mga tanong ng kasalukuyan.



  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

REVENGE OF THE REAL WIFE

Na-comatose si Ashlene dahil naaksidente sila noong katatapos pa lang ng kasal nila ni Jonathan. Subalit paggising niya ay wala na siyang maalala at nasa kandungan na ng iba ang asawa niya!

Image Description
ad_sesa
19 July 2018