The Darkest Light

Image Description MajuWrites   |   10 January 2019


Samahan natin si Job sa kanyang pagtuklas ng misyon sa buhay, pagtulong sa mga nahihirapan, at pagturo ng magagandang aral tungkol sa buhay.

NOONG NALAMAN KO na mamamatay na ako, isa lang ang naramdaman ko, at iyon ay takot. Hindi takot dahil alam kong nabibilang na ang oras ko, o dahil anumang oras ay pwede ako mawala sa mundo, kung hindi takot dahil alam kong hindi ko pa nagagawa ang misyon ko sa mundo.

"I'm sorry, but I believe that he has a low chance of survival," naaalala kong sinabi ng doktor sa akin at kay Mommy. "We've tried everything. From chemotherapy to other treatments, but they only delay the spreading of the abnormal cells to his body. That leaves us to our last option which is the stem cell transplant. There's no assurance if we're going to succeed in this, but all we can do is hope for the best."

Sa mga oras na iyon, alam ko na wala na talagang pag-asa. Malaking pera na ang nagastos sa akin ni Mommy, at alam kong naubos na niya ang kanyang ipon para lang maipagamot ako. Hindi rin lingid sa aking kaalaman ang pangungutang niya sa pamilya pati na rin sa mga kaibigan. Hindi ko na hahayaan na mas lumaki pa ang problema ni Mommy nang dahil sa akin.

"Susubukan kong mangutang kina Tita Stephanie mo," sinabi ni Mommy kani-kanina lang pagkauwi namin galing hospital. "Sigurado akong maiintindihan niya ako at pauutangin. Susubukan ko rin na magtanong sa mga kaibigan at ka-trabaho ko. Basta, Job, kaya natin ito. Hindi tayo susuko."

Pinagmasdan ko ang mukha niya noong mga oras na iyon. Sa nakalipas na buwan ay mabilis na nagbago ang kanyang mukha. Ang kanyang mata na noon ay puno ng ningning at saya ay napalitan ng mata na puno ng lungkot at pagod. Pati na ang ilalim ng kaniyang mga mata ay nagdadala na rin ng mga pasanin sa buhay. Kapansin-pansin rin ang kanyang mabilisan na pagtanda dulot ng naglitawan na kulubot sa kanyang noo at iba't ibang parte ng mukha. Nakita ko rin ang kanyang pagpapabaya sa kanyang katawan, pati na rin ang kanyang pangangayayat. Hindi ko tuloy maiwasan na sisihin ang aking sarili sa mga pangyayari.

"Paano kung tanggapin nalang natin, 'my?"

Natigilan at napalitan ang pag-aaalala ni Mommy ng pagkatuliro sa biglaan kong tanong sa kanya. Ni ako ay hindi makapaniwalang masasabi ko ang mga salitang iyon. Nakita ko naman ang mga luhang nagbabadyang tumulo sa mga mata niya, kaya wala akong nagawa kung hindi ang mapaiwas nalang ng tingin.

"Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Job? Tanggapin?" Sa mga oras na iyon ay tuluyan nang tumulo ang kanyang luha. Napaupo na lamang siya sa tabi ko at pagkatapos ay napasapo sa kanyang ulo. "Ano ba naman 'yang pinagsasabi mo! Hindi mo alam kung gaano kalaking sakripisyo ang ginagawa ko sa iyo! Tapos sasabihin mo lang sa akin na tanggapin ko!"

"Naiintindihan ko kung gaano kalaki ang sakripisyo mo, 'my," mahinahon na sabi ko sabay hawak sa kanyang kamay. Pagkatapos ay niyakap ko siya. Ramdam ko ang panginginig niya dahil sa pag-iyak at rinig ko ang hagulgol niya. Dahil doon ay hindi ko maiwasan na mapaluha na rin. "Pero kasi, 'my, sobra na. Sobra na ang paghihirap mo. Ayaw ko naman na buhay ako pero lugmok naman tayo sa problema. Isa pa, wala namang kasiguraduhan na magagamot ako noon. Naisip ko na baka... Na baka mas maganda kung mamamatay nalang ako.

"Ayoko na mabuhay, 'my, kung makikita lang kitang nahihirapan."

*~*

LUMIPAS ANG GABI at ito naman ay ang pagsikat ng umaga. Kung sa iba, ito ay panibagong simula, sa akin naman ay ito ay simula ng aking katapusan.

Sinubukan ni Mommy na baguhin ang isip ko pero buo na ang desisyon ko. Anuman ang mangyari sa akin, tatanggapin ko na ang hinaharap ko. Nanatili ako sa aking kwarto. Sinubukan akong palabasin ni Mommy pero ang sabi ko lamang ay gusto kong mapag-isa.

Maraming tao ang takot sa kamatayan, at isa na ako doon. Pakiramdam ko kasi, sa oras na mamatay ako, mabilis lang akong makalilimutan ng lahat. Isa pa, tingin ko ay hindi ko pa nagagawa ang aking purpose dito sa mundo. Naramdaman mo na ba ang pakiramdam kung saan tingin mo ay hindi ka pa kumpleto? Ganoon. Ganoon ang nararamdaman ko. Isa lang naman ang bagay na tingin kong kukumpleto sa akin, at iyon ay ang paggawa ng purpose ko sa buhay.

Bata palang kasi ako, naniniwala na ako na bawat tao ay may mga role na dapat gampanan sa mundo na ito. May dahilan ang lahat. May dahilan kung bakit tayo nabuhay. Magmula palang kay Adan at Eba, mayroon nang dahilan kung bakit sila nabuhay, at iyon ay alagaan ang lahat ng bagay sa mundo. Kay Juan Bautista na nabuhay upang ihanda ang mundo sa pagrating ni Kristo. At kay Kristo, na nabuhay sa mundo upang iligtas ang mga makasalanan na sanlibutan. Lahat sila nabuhay nang may dahilan, kaya alam ko na hindi lang sila kung hindi pati na rin ako at pati na rin ang lahat ng taong nabubuhay dito ay may misyon sa mundo.

Lingid sa kaalaman ko na ang simula ng aking katapusan ay ang simula rin ng paggawa ko ng misyon sa buhay.

-TDL-


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

REVENGE OF THE REAL WIFE

Na-comatose si Ashlene dahil naaksidente sila noong katatapos pa lang ng kasal nila ni Jonathan. Subalit paggising niya ay wala na siyang maalala at nasa kandungan na ng iba ang asawa niya!

Image Description
ad_sesa
12 July 2018