Overnight Hugot With Madam Angelica

Image Description Alora Sasam   |   03 September 2018


Hi. Hello. Ako po si Alora. And I’m a certified fangirl.

One on One with Madam


Habang patuloy ang kuwentuhan at diskusyunan nila idol Madam, unti-unti na ring nararamdaman ng boys ang antok. Isa-isa na silang nagpaalam. Nauna si Kuya Jayson magpaalam para umuwi na. Naiwan kami nila Direk Mony, Kuya Nonong, Kuya Jobert at idol Madam. Medjo humuhupa na rin ang init ng usapan at napapalitan na ng jokes ni Kuya Jobert.


Doon ko napagtantong, ang sarap magkaroon ng mga kaibigang tulad nila Kuya. Iyong kahit ang lungkot-lungkot ni Madam, may nagpapatawa pa rin sa kanya. Kahit ano man ang pagdaanan niya, may matatawagan siya at mapaghihingan ng advice at suporta. Kahit sobrang strong niyang tao, kailangan pa rin niya ng mga kaibigang hindi siya iiwan at huhusgahan. Lalo pa at napakasikat niyang tao, kailangan niya ng mga kaibigang mapagkakatiwalaan. Kahit papano masaya ako para kay Madam dahil sa apat na lalaking kasama namin ng gabing iyon, may nasasandalan siya sa oras na kailangan niya ng pader.



Ngunit kahit gaano pa natin kamahal ang mga kaibigan natin, bumibigay rin tayo sa laban kapag katawan na mismo ang bumibitaw. Kahit gaano mo pa kagusto samahan ang kaibigan mo, iiwan mo rin lalo na kapag inaantok na mismo ang katawan mo. Paglagpas ng alas tres, isa-isa nang natulog sa guest room ni Madam si Direk Mony at Kuya Nonong. Nagpaalam na rin at umuwi na si Kuya Jobert.

Yes. Ako na lang ang naiwan sa mesa kasama ang may-ari ng mesa, si idol Madam. Si idol Madam na hindi pa inaantok at bakas pa rin ang lungkot sa mukha. Kung kanina wala akong lakas ng loob para tanggihan ang beer na binigay niya, mas lalong hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na iwan siya mag-isa.

Totoo talaga minsan ang nangyayari sa teleserye. Iyong mga eksenang naglalabas ng sama ng loob ang bida sa bestfriend niya. Feeling ko, ako ang bestfriend ni idol ng mga oras na iyon. Naiwan akong mag-isa para makinig kay idol. Hindi na rin bago sa akin ang set-up na iyon. Bilang hindi naman ako ever nagkaroon ng boyfriend, ako iyong kaibigan sa barkada na palaging TAGA. Taga-pakinig ng problema. Taga-bigay ng advice. Taga-pahiram ng balikat kung gusto nilang umiyak. At taga-yugyug sa kanila ng katotohanan kapag nababaliw na sila. Hindi ko lang sukat akalain na lahat ng iyon gagawin ko rin sa idol kong Panganiban. Sino ba naman ako?

Hindi naman ako masyado nagbigay ng advice. Ramdam ko kasing nasa estado siya na gusto lang niyang may masabihan ng sama ng loob. Nakinig lang ako kay Madam habang magkaharap kami sa malaking mesa niya. Tumatango lang ako sa kuwento niya habang panay ang tugtug ng musika sa mamahalin niyang speaker. Feeling ko ako si Sarah ang Munting Prinsesa. Feeling ko kausap ko si Becky. Si Becky na kahit hindi kami close, nag open up sa akin ng damdamin niya sa mga bagay-bagay. Si Becky na no holds bar kinuwento kung paano siya nagmahal, nasaktan, nagbigay ng second chance, third chance, fourth chance para lang sa wala. Si Becky na kahit ginawa ang lahat, iniwan pa rin.

Habang nagkukuwento siya, gusto ko siya bigla yakapin. Gusto ko siyang yakapin hindi dahil idol ko siya at fan ako. Gusto ko siyang yakapin dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin para mapagaan ang loob niya. Naisip ko na baka makatulong ang yakap ko. Kaso hindi ko nagawa. Nahiya ako. Natakot akong tawirin ang personal space niya. Kaya ginawa ko na lang ang alam kong mas malakas pa sa yakap ko.

Habang nagkukuwento siya, pinagdasal ko siya ng tahimik. Habang nakatingin siya sa akin, hindi niya alam na pasimpleng naka-praying mode ang dalawa kong kamay sa ilalim ng mesa. Hindi ko man siya mayakap, pasikreto kong tinawag si Lord para yakapin siya. Hiniling ko rin na sana dumating ang panahong tatawanan na lamang niya ang sakit na pinagdaanan niya.Bumilib ako lalo sa kanya bilang tao at aktres. Nagpapatawa siya sa Banana Sundae kahit may pinagdadaanan siya.

Ang dami pa niya na ikuwento. Kahit nga acting techniques napag-usapan rin namin. Bumalik sa akin lahat ng mga nabasa ko sa tabloids tungkol sa kanya. Naikumpara ko sa mga inilahad niya. Kaya ako na mismo ang nagsasabi sa inyong, huwag agad tayo maniniwala sa mga napapanuod sa news or nababasa natin hangga’t hindi natin mismo nasaksihan. There’s always another side to a story. Ingat ka kung ang side na pinaniwalaan mo ay hindi totoo.

Napag-usapan rin namin ang family niya at kung paano niya nalaman na ampon siya. Gusto kong maluha sa kuwento pero pinigilan ko. Hindi importante ang feelings ko sa mga oras na iyon. Siya ang bida. Napapabuntong hininga na lang ako. Napag-usapan rin namin ang family ko. Nakaka-relate rin ako sa pangungulila niya sa nanay niya dahil OFW ang nanay ko kaya di kami palaging magkasama.

Nakinig rin siya sa kuwento ko. Hindi ko lubos maisip na makakakuwentuhan ko ang idol ko. Kadalasan kasing nangyayari sa isang fan-idol interaction ay picture taking, yakap at autograph signing lang. Sinuwerte ako sa gabing iyon dahil hindi lang basta artista ang nakinig sa ano man ang gusto kong sabihin, mismong si idol Madam pa. Hindi eksena sa pelikula, kundi sa totoong buhay talaga.


HUGOT KO: Sana ngayong artista na ako, maging idol mo ako at fan kita para naman mapagbigyan mo ako ng oras at pansin.


Next Chapter: Antok versus Ako


Read more of my stories:


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE