Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Mahilig ka bang matulog sa byahe? Ingat ka. Dahil baka sa susunod na pagmulat ng mga mata mo... Iba na ang daang tinatahak ng sasakyan kinalulunan mo.

"Ate, okay lang ba kung kay Polo ako sumabay sa pag-akyat?"

Tumingin muna si Sarah saglit kay Polo na nauna nang naglalakad bago ngumiti kay Bernice. "It's okay."

"Pare, paalalay muna kay Sarah, kailangan daw kasi na may tatlong lalaki na mauna sa pag-akyat," sabi ni Vic kay Chris.

"Sige, Vic. Ako nang bahala kay Sarah," tugon naman kaagad ni Chris.

Hindi alam ni Sarah kung matutuwa ba siya sa sa paghabilin ni Vic kay Chris. Oo, mas gusto niyang kasama si Chris. Pero bilang si Samuel at hindi bilang si Chris. Pakiramdam niya kasi talaga ay ibang tao na ito ngayon. Hindi na itong ang Samuel na nakakapalagayan niya ng loob. 

Sa unang dalawang oras ng paglalakbay nila ay halos mapanisan na nga ng laway si Sarah. Hindi kasi halos nagsasalita ang binatang kasama niya. Inaalalayan siya nito sa bawat mahihirap na daan o pag-akyat pero ni hindi man lang nito tinatanong kung pagod na ba siya o kung kaya pa ba niyang magpatuloy. 

"Maaari tayong magpahinga hanggang sampung minuto sa lugar na ito," sabi ni Kakang Lucio mula sa mataas na bahagi ng bundok.

"Sige po," halos sagot ng lahat.

"Akin na ang kamay mo," sabi ni Chris nang hindi kaagad inabot ni Sarah ang mga kamay. 

Isang buntong hininga muna ang binitawan ni Sarah bago itinaas ang mga kamay at hinawakan ang mga kamay ni Chris. At sa paghila sa kanya ng binate sa matarik na bahagi ng bundok ay nawalan siya ng balanse kaagad at bahagyang dumulas ang mga paa.

"Ate!" sigaw ni Bernice. Nakita niya ang pagkawalan ng balanse ng katawan ng ate niya at pagdulas ng mga kamay mula kay i Chris.

Malalim ang paghinga habang mariing nakapikit ang mga mata ni Sarah.

"You're safe. You can now open your eyes."

Sa boses na iyon ni Chris at unti-unting iminulat ni Sarah ang mga mata. Natagpuan niya ang sariling nakapaibabaw sa katawan ni Chris at nakakulong sa mga bisig nito. "T-thank you," aniya bago bumangon at tumayo.

"Be careful next time, hindi sa lahat ng oras ay nasa tabi mo ako para iligtas ka," malamig na sabi ni Chris bago iniwan sa kinatatayuan si Sarah.

Naiwang nakahabol tingin si Sarah sa papalayong si Chris. Nasaan na si Samuel? Nasaan na ang Samuel na nagsabi sa kanyang babantayan siya nito, po-protektahan at mamahalin hanggang sa makabalik sila sa mundo nila? 

** 

"Naaamoy ninyo ba 'yon?" nakakunot noong tanong ni Kardo habang inililibot ang paningin sa paligid.

"Ayan na naman ang amoy... Amoy parang nabubulok na karne," tugon ni Chris. Maging siya man ay inililibot ang tingin sa paligid.

"Baka may patay na hayop na malapit ditto," ani Vic.

"Mukhang hindi amoy ng patay na hayop ang umaalingasaw na iyon," tugon ni Polo.

Pinagmasdan naman ni Kakang Lucio ang madilim na paligid habang sinusubukan alamin kung saan nanggagaling ang amoy na iyon. Ang amoy na parang nabubulok na laman ng tao. 

Kumunot ang noo ni Bernice nang may maaninag sa isang madilim na bahagi ng matarik na bundok. Kinusot-kusot pa niya ang mga mata bago muli iyong tinitigan. "Shocks! Si Mark ba 'yon?!" bulalas niya nang makita ang isang pamilyar na bulto ng tao. "Oh my God, si Mark nga!"

"Bernice, wait!" hindi na kaagad napigilan ni Sarah ang pagalapit ni Bernice sa nakitang lalaki habang nagtatalo ang pagkalito at kabang nararamdaman. Paanong si Mark ang taong iyon samantalanag kinumpirma ng mga taga-sitio na patay na si Mark bago pa man sila malapitan ng mga ito upang iligtas. 

"Oh my God Mark, you survived! Nasaan sina - Shit!" Halos mapaupo si Bernice nang humarap ang lalaking nilapitan. Kumpirmadong iyon nga ang bakla niyang kaibigan pero may mali sa hitsura nito. Naaagnas at inuuod na kasi ang bandang ulo nitong yupi na, wala na ang isang braso at kulay puti na ang mga matang halatang wala ng buhay.

"Bernice, sabi ko sa iyo sandali lang!" ani Sarah nang makalapit sa kapatid. "Bakit nakaupo ka d'yan."

"A-ate... Si M-Mark..."

Nanlaki rin ang mga mata ni Sarah sa nakitang bangkay ni Mark na nakatayo sa kanilang harapan. Ngunit mas lalo siyang nanghilakbot nang makita si Liezl na nasa tabi nito, wala ng panga at butas ang bahagi sa may dibdib nitong tila wala ng laman na puso. 

"A-ate, ang dami nila!" naiyak na si Bernice sa takot nang makita ang ilan pang mga tila bangkay na nakatayo nasa may likuran ng dalawang kaibigan. Ang ilan sa mga ito ay wala ng braso, kulang ng isang binti, o kaya ay naagnas na ang balat at mukha. Isa lang ang pagkakaparehas ng mga bangkay na ito, mga matang wala ng kulay at buhay. 

Nagsimula naman nang maglakad ang mga bangkay habang sabay na umaagos mula sa mga bibig ng mga ito ang magkahalong laway, malapot na dugo at kulay berdeng likido.

"Amaranhig! Nand'yan na ang mga amaranhig!" sigaw ni Kakang Lucio habang inaalalayan sina Bernice at Sarah. "Madali kayo!"

"Guys, let's go!" sabi ni Vic.

Saka lamang tila nagkaroon ng lakas ang mga binti ni Sarah at Bernice nang lumapit sa kanila sina Polo at Vic. Saglit pang inapuhap ng mga mata ni Sarah si Chris na nakatayo hindi kalayuan mula sa kanila.

Mabilis silang nagkanya-kanya ng takbo at akyat sa mas matarik na bahagi ng bundok habang nakasunod sa kanila ang mga taong wala ng buhay pero bakas na bakas ang kasabikan sa laman loob ng mga taong buhay.

"Kakang Lucio, ano po ba 'yong mga humahabol sa atin? Bakit kasama nila ang dalawang kaibigan namin?" pasigaw na tanong ni Vic habang patuloy sa pagtakbo.

"Mga amaranhig. Sila ang mga taong namatay sa sitio na muling nabuhay ang mga katawang lupa upang kumain ng mga kapwa nila tao. Wala na silang buhay pero wala rin silang kabusugan," hinihingal na paliwanag ni Kakang Lucio. "Habang lalong naaagnas ang kanilang mga balat at katawan ay lalo lang din silang nagugutom at natatakam sa mga laman loob ng tao."

"Shocks! Feeling ko nasa Walking Dead series tayo!" sabi ni Bernice habang patuloy sa pagktabo.

Nagkalat na ang mga amaranhig sa paligid. Ang iba sa mga ito ay mabagal maglakad ngunit karamihan ay kababakasan ng tila matinding pagkagutom dahil sa pagkukumahog ng humabol sa kanila.

"May ilog! Tumawid kayo ng ilog! Kahinaan ng mga amaranhig ang kahit na anong klase ng tubig. Madali kayo!" sigaw ni Polo.

At bago pa nagawang tumalon ni Sarah sa tubig ay binuhat na siya ni Chris habang patawid ng ilog. Wala sa loob na napakapit ang mga braso niya sa may leeg ng binata at ang mga tingin niya ay napako sa mukha nitong hindi kababasahan ng kahit na anong emosyon. Inaalalayan pa rin siya ni Chris, inaalaagan at prinoprotektehan. Pero bakit? Bakit labis-labis ang pag-iwas nito sa kanya. "Thank you," sabi niya nang maibaba siya ng lalake at kagaya ng inaasahan niya. Wala itong kahit na anong reaksyon sa mukha habang pilit na iniiiwas ang mga tingin sa mata niya. 

"Ahhh!!!" 

Lahat sila ay halos nakatawid na ng ilog. Maliban kay Kardo na nagawang mahablot ng isang amaranhig at kaagad na nasakmal sa braso. 

"Si Kardo!" sigaw ni Polo.

"H'wag! Manatili lamang kayo d'yan. H'wag na kayong - Ahhhhh!!!" muli pang sigaw ni Kardo. May tatlong amaranhig ang halos sabay-sabay na bumaon ang mga ngipin sa kanyang katawan, isa sa binti, sa braso at sa may leeg kung saan kaagad na tumilamsik ang malapot na dugo sa mukha ng mga buhay na bangkay na nakapalibot sa kanya.

Akmang babalikan ni Polo si Kardo nang hawakan siya ni Kakang Lucio at umiling. Kaagad naman niyang nakuha ang nais ipahiwatig ng matanda.

"Takbo! Magpatuloy na kayo patungo sa may tuktok ng bundok. Humayo na --- Ahhhh!!! H-humayo n-na k-kayo at iligtas ang inyong mga sarili!!!" muling sigaw ni Kardo.

"Halina na kayo!" sabi ni Kakang Lucio. Batid niyang hindi na sila mahahabol pa ng mga amaranhig dahil kahinaan ng mga ito ang kahit na anong klase ng tubig kaya walang amaranhig ang may kakayahan na makatawid ng ilog. Mabigat din sa loob niya ang gagawing pag-iwan sa pamangkin na nakasama niya ng matagal. Pero wala na siyang magagawa. Kailangan niyang tulungan at iligtas ang mga dayo hangga't kaya niya kagaya ng bilin ni Manang Abeng sa kanila. 

Wala ng nagawa ang lahat kung hindi tumalima sa matanda at mabilis na nagpatuloy sa paglalakbay sa kabila ng malakas na pagpalahaw ni Kardo. 

Nagsimula naman nang palibutan si Kardo ng mga amaranhig na nagkanya-kanya ng kagat sa kanyang katawan. Naramdaman niya ang baon ng bawat pangil ng mga ito, naramdaman niya ang bawat pagtanggal ng mga amaranhig sa kanyang balat hanggang sa makarating ang mga ito sa kanyang t'yan. At hindi lang niya naramdaman ang sakit ng mga pagsakmal ng mga taong halimaw sa kanyang katawan, nakita niya rin kung paano kinain ng mga amaranhig ang kanyang laman loob hanggang sa unti-unti na siyang mahirapang huminga at tuluyang malagutan ng hininga.


  • (9 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE