Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Mahilig ka bang matulog sa byahe? Ingat ka. Dahil baka sa susunod na pagmulat ng mga mata mo... Iba na ang daang tinatahak ng sasakyan kinalulunan mo.

“Bernice!” Lumaglag ang mga dahon sa sahig na kanina lang ay nakadikit sa katawan ni Sarah sa ginawa niyang pagbangon mula sa matigas na higaan. Habol ang hiningang inilibot niya ang paningin sa hindi pamilyar na lugar habang inaalala kung anong nangyari at kung nasaan siya ngayon. “T-there was an accident… Tama… We had an accident…” Namilog ang mga mata niya nang sa wakas ay maalala ang lahat ng nangyari.

“Miss?”

Napapitlag siya sa kinalalagyang kama. Saglit siyang muling naglibot ng paningin bago inabot ang tinidor na sa ibabaw ng platong malapit sa kanya. Sumiksik siya sa sulok bago itinutok sa estrangherong lalaki ang hawak na tinidor. “Sino ka? Nasaan ako? Nasaan ang kapatid ko!?”

“Miss, relax ka lang.”

“Kung gusto mong mag-relax ako, ilabas mo ang kapatid ko!” matigas pero naiiyak niyang sabi.

“Sarah!”

“Vic!” Tuluyan na niyang nabitawan ang hawak na tinidor nang makita si Vic na pumasok sa loob ng kwarto kasunod ang ilan sa barkada niya. Umiiyak siyang saglit na napayakap dito bago muling naalala ang kapatid na hindi kasama ng mga ito. “A-anong nangyari!? Nasaan tayo?”

“Naaksidente tayo Sarah. Bumangga ang sinasakyan nating van samalaking puno na nadaanan natin papuntang resort,” si Donna ang sumagot.

“Ang mga tao dito sa Sitio Tatlong Buwan ang tumulong sa atin. Dalawang araw ka ng walang malay,” dugtong niJoyce.

“Sitio Tatlong Buwan? Nasa Zamabales pa rin ba tayo? Tumawag na ba kayo ng tulong?”

“Technically dapat nasa Zambales pa rin tayo pero wala sa mapa ang lugar na ‘to. Wala ring signal kahit saang lupalop kaya hanggang ngayon ay hindi ay wala pa rin kaming natatawagan kahit na sino sa Manila,” ani Armand. “Wala ring kuryente dito kaya wala kahit na anong line of communication kaming magamit.”

“Hindi ko maintindihan, nasaang lupalop ba tayo ng Pilipinas!?” malinaw niyang naririnig ang sinasabi ng mga kasama pero parang nahihirapang ang utak niya na intindihan ang mga ‘yun. “Teka, bakit hindi ninyo kasama sina Kevin, Mark, Liezl at Bernice?”

“Si Kevin, nasa labas at kausap si Manang Abeng. Wala na sina Mark at Liezl, Sarah. Hindi sila nakaligtas sa aksidente,” naiiyak na sagot ni Miracle.

“N-no. Ano bang nangyari? Bakit tayo naaksidente!?” muli siyang naiyak sa narinig.“S-si Bernice? Nasaan siya? Tulog pa rin ba siya? Pupuntahan ko siya.”

Saglit na tumahimik ang lahat ng mga kasama siya sa loob ng maliit na kwarto. Tila naghihintayan ang bawat isa kung sino ang sasagot sa huling tanong tanong niya. 

“B-bakit hindi kayo sumasagot? Nasaan si Bernice? Tulog pa rin ba siya? Sabihin ninyo sa akin kung nasaan ang kapatid ko at pupuntahan ko siya.” Hindi niya nagugustuhan ang mga tinginan ng mga kasama niya. “Ano ba!? Bakit walang sumasagot sa inyo!? Miracle? Vic?”

“Nang dumating kami sa lugar kung saan kayo naaksidente, nakita namin na nasira ang pinto sa may passenger seat dahil na rin siguro sa lakas nang pagkakabangga ng van sa puno ng Balete,” ang estrangherong lalaki ang sa wakas ay sumagot. “Nag-search rin kami sa paligid dahil sabi ng mga kasama mo ay may nawawala nga raw sa inyo. Pero –“

“Pero ano!? Nasaan ang kapatid ko. Sabihin mo!” walang tigil ang mga luha sa paglandas sa magkabilang pisngi niya. 

“Pero wala kaming nakita. Ang sabi nina Manang Abeng, baka raw…”

“Pare, tama na…” 

“Baka ano?!” mataas na ang boses niya.Batid niyang ayaw nani Vic na ituloy ng lalaki ang sinasabi pero gusto niyang marinig. Gusto niyang malaman kung nasaan si Bernice. Kung anong nangyari sa kapatid niya.

“Baka kinuha siya ng mga Ekek…” 

“A-anong Ekek?” Nanginginig na ang buong katawan niya pati na ang boses niya. Wala na siyang pakialam kahit basang-basa na ng pawis at luha ang mukha niya. 

“Mga Ekek o Wakwak… Sila raw ang mga nilalang dito sa sitio na kumakain ng… Ng mga laman loob ng tao.”

“N-no… H-hindi totoo ‘yan. Walang Ekek o Wakwak! Buhay ang kapatid ko! Buhay si Bernice!” tuluyan na siyang napayakap kay Vic habang malakas na humahagulhol. Buhay ang kapatid niya. Hindi pwedeng mamatay si Bernice. Hindi… Hindi niya kakayanin…

“Guys! Guys!”

Lahat halos sila ay napalingon sa bagong bagong pasok ng kwarto na si Kevin. Humihingal pa ito na tila galling sa pagtakbo.“May nakakita raw sa mga taong taga-bundok na may kasamang babaeng naka-pulang jacket!”

Muling bumilis ang tibok ng puso ni Sarah bago nabaling ang tingin kay Vic na may kaunting ngiti sa mga labi.

“Manong, kayo po ang magkwento,” ani Kevin sa kasunod na lalaking may suot na manipis at kupas na t-shirt. 

“Nakita namin ang mga taga-sidlanna may kasamang babae na kakaibang kasuotan. Isang makapal na pang-itaas na kulay rosas.”

“Taga-sidlan?” ulit ni Donna.

“Oo, taga-sidlan ang tawag sa mga taong naninirahan sa may paanan ng bundok. Marahil ay sila ang nakakita sa inyong nawawalang kasama. Maaari ninyo silang puntahan upang inyong malaman kung siya nga ang babaeng inyong hinahanap.”

“Sarah, may pag-asa pa tayo… May pag-asa pa tayong buhay si Bernice,” ani Kevin.

Hindi na nagawa pang magsalita ni Sarah bago muling umiiyak na yumakap kay Vic. Kasalanan niya kung bakit nagkahiwalay sila ni Bernice. Kasalanan niya kung bakit ito nawawala ngayon.


*****

“Excuse me, pwede ninyo po ba akong samahan na pumunta sa malaking puno kung saan kami naaksidente?” tanong ni Sarah sa mga nilapitang taga-sitio. Nakasuot ang mgaito ng tila makalumang kasuotan at salakot. Hindi na siya nakatiisna manatili pa sa loob ng munting kubo kaya lumabas na siya upang magtanong kung sino ang pwedeng maghatid sa kanya sa malaking puno kung saan sila naaksidente.

“Pasensya na ngunit hindi kami maaaring lumisan mula sa lugar na ito,” sagot ng babaeng kasama ng lalaki.Pati ito ay nakasuot ng makalumang bestida na tila pinalutong ng almirol na pulbos. 

“Kanino po kaya akong pwedeng magpasama?” muling tanong niya.

“Walang sinoman sa lugar na ito ang nanaisin na ikaw ay samahan dahil lubhang napakapanganib ng lugar na iyon. Panganib na maaaring maghatid ng kamatayan dito sa aming lugar,” ang lalaki naman ang sumagot.

Hindi na niya napigilan pa ang mga itong umalis sa harapan niya at maglakad palayo. Ilang beses pa siyang sumubok na magtanong sa mga tao sa paligid ngunit halos lahat ng mga iyon ay walang nais na samahan siya. Karamihan din ay tila iniiwasan siyang kausapin kaya nagdesisyon na siyang bumalik sa kubo at umupo sa mahabang bangko na nasa labas noon. Muling naglaro sa isipan niya ang lugar na kinaroroonan nila. Walang kuryente, walang signal at walang kahit na anong bagay na pwede gamitin upang magkaroon ng komunikasyon sa kani-kanilang pamilya. Naisip niya tuloy kung paano pa ba sila makakalabas dito kung hindi nila alam kung nasaan parte sila ng Pilipinas ngayon? 

“Here…”

Napapitlag siya sa paglapit sa kanya ng estrangerong lalaki kanina lang ay kasama niya sa kwarto. Ang lalaking tinutukan niya ng tinidor kanina. May hawak itong tasa ng tila tsaa ang kulay at inilagay sa may tabiniya bago umupo sa bangko.

“Kung ayaw mong kumain kahit mag-tsaa ka na lang muna para hindi ka panghinaan ng katawan. Ang sabi ni Manang Abeng ay mabuti raw ito katawan ang pinaglagaan ng dahon ng guyabano. Kaya kung gusto mo talagang hanapin ang kapatid mo hindi mo pwedeng pabayaan ang sarili mo.”

Saglit niyang tinitigan ang lalaki na tila pamilyar sa paningin niya. Hindi niya lang alam o maalala kung saan niya ito maaaring nakita noon. Pero tama ang lalaking ito, hindi siya maaaring manghina dahil hahanapin pa niya si Bernice. “S-salamat…”

“You’re welcome…”

“May napansin nga pala ako,” aniya habang hawak ang tasa ng tsaa at saglit na uminom. “Bakit parang hindi ka nila kagaya magsalita. I mean… Taga-rito ka ‘di ba pero bakit parang hindi mo katulad ang dialect nila.” Sa ilang mga taong nakausap at napagtanungan niya kanina ng tungkol sa kapatid niya, napansin niya na pare-pareho ang mga ito ng tono ng pagsaslaita. Malalim kung magtagalog hindi kagaya ng lalaking laharap niya ngayon na mas conyo pa sa kanya magsalita. 

Nakangiti namang umiling ang lalakibago sinalubong ang mga tingin niya. “Hindi kasi ako tagarito.”

“H-hindi ka tagarito? So tagasaan ka? May ibang lugar ka bang alam na pwede pa nating punatahan para hanapin ang kapatid ko?” biglang tanong niya.

“Sorry, pero bukod sa lugar na ito… Wala na akong alam na pwedeng puntahan.”

“What do you mean?”

Isang malalim na buntong hininga ang binitawan nito. “Almost one week ago nang makita ako ng mga tao dito sa sitio sa may ilog, duguan at walang malay. Kagaya mo, nagising na lang ako sa kama na may mga dahon at nagtatanong kung nasaan ako at kung… Kung sino ako.”

Namilog ang mga mata niya sa narinig.

Mapait namang ngumisi ang lalaki bago tumingin sa kanya. “Kung ano man ang nasa isip mo, tama ka. Meron akong… Meron akong amnesia. Wala akong kahit na anong maalala simula nang magising ako. Ni pangalan ko. Buti na nga lang naalala ko pa kung paano magsalita, maglakad o kumilos. Kung hindi, bakanakaratay pa rin ako hanggang ngayon sa kama na ‘yon.” 

Hindi siya makapaniwala samga naririnig mula sa kausap. Hindi niya tuloy alam kung matutuwa ba siya na may iba silang kasama na hindi tagarito sa lugar o maaawa dahil sa nalaman tungkol sa kausap niya.

“Kaya pansamantala ay binigyan ako nina Manang Abeng ng pangalan, Samuel. Samuel ang ipinangalan nila sa akin.”

Bigla siyang nakonsesnya ngayon. Ilang beses niya rin kasi itong sinigawan kanina at tinutukan pa ng tinidor. Kung bakit kasi hindi niya muna inalam ang mapait na kwento nito sa sa lugar na ito. “I’m sorry. Hindi ko alam na pareho pala tayo na dayo dito.”

“It’s okay. Kung iisipin mo, pare-pareho lang tayo ng kwento sa sitio na ito. Nagkataon lang na medyo naiba ng kaunti ‘yong sa akin. Kaya ikaw Sarah…”

Hindi niya kaagad nabawi ang kamay mula na hinawakan ng kausap sa hindi niya malamang dahilan. Dahil ba nagulat siyang alam nito ang pangalan niya o dahil sa kakaibang naramdaman niya sa mainit na palad nito.

“Kailangan mong maging matatag para mahanap natin ang kapatid mo.”

“Natin?” napakunot noong tanong niya. 

Ngumiti si Samuel bago pinisilang kamay niya. “Oo, sasama ako sa paghahanap ninyo sa kanya.”

Napalunok siya nang muling magtama ang mga tingin nilang dalawa kasunod ang kakaibang tibok na nararamdaman niya ngayon sa may dibdib niya. Ang kakaibang tibok ng puso niya na ngayon niya lang naramdaman. 

“Sarah?”

Napalingon siya sa tumawag sa pangalan niya bago biglang binawi ang kamay mula kay Samuel. “Vic?”

“Hinahanap ka ni Manang Abeng,” seryosong sagot ni Vic na naglakad na palapit sa may bangko nila. 

“Manang Abeng?” takang ulit niya sa hindi pamilyar na pangalan kahit parang kanina pa niya ito naririnig. 

“Si Manang Abeng ang pinakamatanda dito sa Sitio Tatlong Buwan,” si Samuel ang sumagot.

“Pinapasabi niya rin sa ‘yo Samuel na sumama ka sa amin sa pagpunta sa kanya. Gusto niya raw tayong makita at makausap lahat,” seryosong sabi pa ni Vic bago muling bumaling kay Sarah.“Let’s go.”

At bago pa siya muling nakapagsalita ay nahawakan na niVic ang kamay niya na tila nais siyang ilayo kay Samuel. 


  • (10 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE