Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Mahilig ka bang matulog sa byahe? Ingat ka. Dahil baka sa susunod na pagmulat ng mga mata mo... Iba na ang daang tinatahak ng sasakyan kinalulunan mo.




Kakaiba ang pakiramdam ni Sarah nang pumasok sa isang munting kubo kung nasaan ang mga kaibigan niya. Nauna namang pumasok si Samuel sa kanya at kasunod niya si Vic kaya napagitnaan siya sa bangko ng dalawang binata. Saglit niyang inilibot ang paningin sa paligid.

Iba ang presensya sa loob.

Malamig dahil na rin siguro sa bukas na bintana at makulimlim na panahon. Sa harapan nila ay may nakatalikod ang isang matandang babaeng may makapal at mahabang buhok na tila abala sa ginagawa sa kaharap nitong na lamesa.

"Narinig kong nais mo raw pumunta sa may ng bundok at makita ang mga taga-sidlan?"

Napapitlag siya sa biglang pagtanong ng matandang babae na humarap na sa kanila at may hawak na umuusok na maliit na palayok. Nakasuot ito ng duster o bestidang tila lumang-luma na. Namumula ang bilugang mga mata at kulu-kulubot na ang mga balat. Hitsura ng mga matatandang nakikita niya sa mga horror movie kaya hindi niya mapigilan ang sarili na matakot. "Hahanapin ko po ang kapatid ko."

"Mabubuti ang mga taga-sidlan ngunit lubhang mapanganib sa labas... Papasamahin ko sa inyo sina Kakang Lucio. Mamaya na ang simula ng unang gabi ng tatlong buwan."

"Tatlong buwan?" nagtatakang ulit ni Joyce. Sa ilang araw kasi na pamamalagi nila sa lugar na iyon ay hindi pa niya nakikita ang sinasabi ng mga taga-sitio na tatlong buwan. Kaya nga nagtataka ito kung paano naging Tatlong Buwan ang pangalan ng sitio na ito.

"Oo. Pagkatapos ng isang dekada ay muling magpapakita ang tatlong buwan sa lahat ng makasalanang nilalang na kagaya natin. Ang tatlong dumudugong buwan sa mundo na pumapagitan sa buhay at patay."

"Three moons in one night? Paano mangyayari 'yon?" tanong ni Kevin.

"Three bloody moons in three days..."

Lahat sila ay nabaling ang tingin sa biglang nagsalitang si Miracle. Seryoso ang tingin nito sa matandang si Manang Abeng na nakatingin na rin dito.

"May nabasa ako na isang mythological book dati. May isang lugar daw kung saan may tatlong gabi at araw na walang D'yos na magbibigay ng kahit anong liwanag. Ang lugar na ito ay parang isang Limbo. Ang mundo sa pagitan ng mga buhay at patay. "

"It's not making any sense! Wala kong maintidihan sa mga sinasabi mo Miracle!" naiinis na sigaw ni Joyce.

"Ang sabi ni Manang Abeng, ngayon ang simula ng unang gabi ng Diablo. Ang unang gabi ng tatlong gabi at araw na walang D'yos. Ang ibig sabihin, tatlong gabi at araw na walang liwanag... Walang araw... Walang D'yos..." seryosong tiningnan ni Miracle isa-isa ang mga kasama. Tama ang hinala nito. Dapat ay pinigilan nito ang mga kasama noong una pa lang. Dapat ay hindi na sila tumuloy sa outing... Dapat hindi sila napunta sa Sitio Tatlong Buwan.

"Naririnig mo ba ang sarili mo Miracle? May scientific explanation ba 'yang mga sinasabi mo? Oh baka naman binulong lang 'yan ng mga invisible friends mo?" ani Kevin.

"Hindi mo ba nakikita Kevin? Wala tayo sa mundo ng mga tao. Wala tayo sa mundo natin. Sa lugar na ito lahat ng kababalaghan ay pwedeng mangyari. At sino man sa atin ang mamatay sa mundong ito ay hindi na makakabalik sa totoong mundo natin kahit kailan..."

"Paanong wala tayo sa mundo natin? Eh nasaan pala tayo? Nasa planet Mars?" ani Armand na may sarkastikong ngiti sa mga labi.

"You know what freak, walang sinoman sa amin ang nakakaintidi sa sinasabi mo. Ikaw lang! Siguro ikaw ang may pakana kung bakit nandito kami. Siguro ikaw ang nagdala sa amin dito! Siguro –"

"Joyce, tama na... Hindi magandang nag-aaway-away tayo ngayon," saway ni Vic na bahagyang humarang ng akmang susugod na si Joyce kay Miracle.

"Tahimik!!!"

Halos lahat sila ay napapitlag sa biglang pagsigaw ni Manang Abeng at pagbato nito ng hawak na palayok sa sementadong sahig. Kaagad na nabasag ang maliit na palayok at kumalat ang mga uling na laman noon. Samantalang ang matanda ay seryosong tinapunan ng tingin ang bawat isang nakaupo sa harapan nito. "Lahat ng sinabi ng inyong kasamahan ay pawang may katotohanan. Maaaring ang inyong mga katawan ay nasa mundo ng mga tao ngunit hindi ang inyong mga kaluluwa . At dito... Dito sa lugar na ito nakasalalay kung mabubuhay pa ba ang inyong mga katawan sa inyong mundo o tuluyan na kayong mamamatay kagaya ng dalawang kaibigan ninyo."

Muling naghari ang saglit na katahimikan. Tila sinusubukan ng bawat isa na intindihin ang mga sinabi ng kaharap na matanda. Paanong mangyayari na ang katawan nila ay nasa kanilang mundo ngunit hindi ang kanilang mga kaluluwa? Nasaan ba talaga sila? Matatawag na ba nilang impyerno ang lugar na kinaroroonan nila ngayon?

"M-Manang Abeng... May tanong po ako..." Napalunok pa si Sarah na tila nahihirapang magsalita. Kanina pa siya walang imik dahil hindi niya alam kung anong dapat na sabihin. Pero kailangan niyang malaman kung tama ang hinala niya kahit parang napakaimposible. "Ang lugar po ba na ito... Ay ang mundo sa loob ng malaking puno na nabangga ng aming sasakyan?"



  • (10 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE