Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Mahilig ka bang matulog sa byahe? Ingat ka. Dahil baka sa susunod na pagmulat ng mga mata mo... Iba na ang daang tinatahak ng sasakyan kinalulunan mo.

"Sarah..."

Kaagad na pinunasan ni Sarah ang luha sa mga mata bago nakangiting nilingon si Samuel na papalapit sa kinauupuan niya. "Okay ka lang ba?"

Nakangiting tumango si Sarah. Ngiti na pilit niyang ginawang natural sa mga labi niya.

"Pwede mo naman 'yang iiyak kahit katabi mo ako, sige ka. Baka hindi mo na magawa 'yan kapag nakalabas na tayo ng lugar na ito," nakangiti pero malamang sabi ni Samuel.

Tuluyan nang hindi napigilan ni Sarah ang paglandas ng mga luha sa pisngi niya. Muli niyang naramdaman ang sakit. Ang sakit kung paano mawalan ng isang kaibigan. "S-sorry..." humihikbing sabi niya habang hawak ang maliit na picture kung saan kasama niya ang barkada at nakangiti. "Naisip ko lang paano kaya kung hindi na lang kami tumuloy sa trip na ito? Mangyayari kaya ang lahat ng ito? Mawawala pa rin kaya ang kapatid ko? Mamamatay pa rin kaya ang mga kaibigan ko?"

"Shhh... Wala namang may gusto sa nangyari 'di ba? Walang may gusto sa atin ang mapahamak tayo sa lugar na ito," sabi ni Samuel habang pinupunasan ang mga luha sa pisngi ni Sarah. "Saka h'wag mong sisihin ang sarili mo o kahit na sino sa nangyayaring ito. Sabi nga ni Manang Abeng, may mga bagay na nakatakdang mangyari na hindi na natin pwedeng pigilan o baguhin. Basta Sarah," hinawakan na niya ang kamay ng dalaga. Hindi rin biro ang takot na nararamdaman niya pero alam niya sa sarili niyang kailangan niyang magpakatatag. Kailangan niya para kay Sarah. "Makakalabas tayo ng buhay mula sa lugar na ito. Makakalabas tayo kasama ang kapatid mo."

Tuluyan namang napawi ang bigat na nararamdaman ni Sarah dahil sa sinabi ni Samuel. May kung ano talaga sa paraan ng pagsasalita nito ang kaagad na nakakapagpagaan ng pakiramdam niya. "Thank you, Samuel."

****

"Tandaan ninyo, marami tayong madadaanang kakaibang nilalang sa gubat na ito. Ano man ang inyong makikita ay inyo na lamang ipagsawalang bahala. Alisin ninyo ang takot, hangga't maaari ay iwasang sila ay magambala at higit sa lahat, kayo'y magbibigay galang," mahigpit na bilin ni Kakang Lucio sa mga kasama.

Tumango naman ang lahat bilang pagsang-ayon bago sila muling nagpatuloy sa paglalakad papasok ng gubat. May kalahating oras pa lang sila sa kanilang paglalakad nang makarinig ng kakaibang ingay. Mga huni ng kabayo.

"A-ano 'yon?" kinakabahang tanong ni Sarah.

"Huminto muna ang lahat sa paglalakad," utos ni Kardo.

Tumalima ang lahat habang unti-utning namang lumalakas ang ingay ng mga kabayong tila hindi nalalayo mula sa kanilang kinatatayuan.

"W-walang kilos at walang sinoman sa inyo ang gagawa ng kahit na anong ingay..." mahina ngunit sinigurado ni Polo na maririnig ng lahat ang kanyang bilin. Mukhang alam na niya kung ano ang nilalang na malapit sa kanila.

"O-oh my..." Hindi na naituloy pa ni Sarah ang nais sabihin at natutop ang mga labi upang mapigilan ang muling pagbulalas ng kahit na anong salitang.

May halos sampung kakaibang kabayo ang naglalakad palampas sa kanilang kinatatayuan. Kakaibang kabayo dahil ang mga nilalang na iyon ay may ulo ng kabayo at katawan at mga paa na parang sa tao.

Nangatog ang mga tuhod ni Samuel.

Tila natuyuan ng laway si Vic.

Mas humigpit naman ang hawak ni Sarah sa kanyang bibig dahil pakiramdam niya ay anumang oras, maaaring marinig ng mga nilalalng na iyon ang kanyang paghinga.

"Wala na sila... Wala na ang mga tikbalang..."

Ang sinabing iyon ni Kakang Lucio ang naging hudyat upang bitawan na ni Sarah ang pagkakahawak niya sa kanyang bibig. Hudyat rin iyon na maaari nang makahinga ng matiwasay ang lahat.

"Halina kayo, kailangan na nating magmadali..." utos muli ni Kakang Lucio bago saglit na tumingin sa buwan na isa't kalahati na lamang.

Tumalima ang lahat at muling naglakad sa madamo at maputik na daanan. Ngunit hindi pa man sila nakalalayo ay muling napahinto si Kakang Lucio na nangunguna sa kanilang paglalakad. Napansin nitong unti-unting napapalibutan ng makapal na usok ang kanilang paligid.

"Sandali lang..." nagpalinga-linga si Kakang Lucio na tila hinahanp ang pinaggagalingan ng usok.

"K-kakang L-Lucio..." napapalunok si Sarah nang matingalaan ang pinanggagalingan ng usok.

Isang malaking lalaki na halos may walo hanggang sampung talampakan ang taas at nakaupo sa may matabang sanga ng malaking puno. Makapal ang mga balahibo sa katawan ng malaking nilalalng ngunit manipis lang ang buhok nito, malaki ang mga mata, ilong at mga labi. Mapapansin rin ang mahahabng kuko sa kamay nitong may hawak na tila malaking tabako, pati na rin ang madidilaw na ngipin nito at makakapal na labi na bumubuga ng usok na kumakalat sa paligid.

"K-kapre..." halos pabulong na sabi ni Polo.

"Dahan-dahan lamang kayo sa inyong paglalakad palampas sa kanya upang hindi natin magambala ang kanyang pamamahinga," bilin ni Kardo.

Halos lahat sila ay nakatingala sa puno habang naglalakad palampas sa nilalang na nakaupo sa malaking sanga ng puno.

At nang makalayo sila ay saka lamang nakahinga ng maluwag si Sarah. "Tikbalang? Kapre? What's next? Ano pa bang susunod nating makikita?"

"Sa gabi ng Diablo, lahat ng nilalang na kagaya nila ay buhay at nagkalat lamang sa paligid ng Sitio Tatlong Buwan," ani Kardo. Hindi siya madalas makakita ng ganoong klaseng mga nilalang ngunit pinalaki siya sa paniniwalang buhay ang mga iyon at magpapakita sa gabi ng Diablo. At ngayon nga ang gabi na iyon. "Marami pa tayong makikitang mga nilalang na kagaya nila sa ating paglalakbay. Kaya walang sinoman na nasa labas ng tahanan ang maaaring maging ligtas ang buhay."

Nakonsensya naman si Sarah sa sinabing iyon ni Kardo. Kasi kung tatanungin, bakit nga ba sila nandito ngayon sa gubat? Dahil sa kanila at sa kanyang kapatid. Nang dahil sa kanila ay nanganganib ang buhay ng mga taong kasama nila ngayon sa halip na nasa loob sana ang mga ito ng kani-kanilang tahanan kasama ng sariling mga pamilya.

"Hanga rin ako sa iyo."

Napalingon si Sraha sa katabing si Polo na hindi niya namalayang nakalapit na sa kanya.

"Sigurado akong sinabi na nila sa iyo ang maaaring mangyari sa iyo sa paligid ng Sitio Tatlong Buwan sa oras na magdesisyon kang maglakbay sa gabi ng Diablo. Pero humahanga pa rin ako at nagdesisyon ka na hanapin ang kapatid mo kahit alam mong maaari kang mapahamak... O maaari kang mamatay."

"Mas gugustuhin kong mamatay ako sa paghahanap sa kanya kaysa maghintay lang sa walang kasiguraduhan na pwedeng mangyari."

Muling napangiti si Polo. "Hindi maipagkakailang kapatid mo nga siya."

Napalunok siya sa sinabi ng kausap. Mas lalong nabubuhayan ang loob niya sa ganitong sinasabi nito.

"Wala siyang malay nang matagpuan ko sa gitna ng gubat. Mabuti na lang at ako ang unang nakakita sa kanya at hindi ang mga ekek, dahil kung nagkataon ay baka buto na lamang niya ang makita ko."

Kaagad na namuo ang luha sa mga mata ni Sarah. Muli niyang naramdaman na kasalanan niya kung bakit sila nagkahiwalay ni Bernice. Kung bakit nawawala ang kapatid niya.

"May dalawang araw din siyang walang malay. At sa pagmulat ng kanyang mga mata ay ang Ate Sarah niya kaagad ang kanyang hinanap. Iyak siya nang iyak at ang paulit-ulit na sinasabing kailangan ka niyang makita. Kailangan ka niyang hanapin. Hindi siya kumain at ni hindi uminom hangga't wala siyang nakukumbinsi na sumama sa kanya pabalik dito sa gubat kung saan ko siya natagpuan. Wala siyang ibang ginawa kung hindi ang umiyak nang umiyak. Wala kasing may nais na sumama sa kanya. Walang may nais na mangahas na muling pumasok sa gubat lalo na't ng mga panahon na iyon ay alam ng lahat na gising na ang mga halimaw sa sitio."

"P-pero ikaw? Bakit bumalik ka pa rin ng gubat para hanapin ako?" nagtatakang tanong ni Sarah. Sa maikling panahon na nakasama niya ang ilang tao sa sitio ay naramdaman niya ang takot ng mga ito na lumabas ng kani-kanilang mga tahanan sa gabi ng Diablo. Kung tutuusin, mas dapat pa nga na siya ang humanga sa katapangan ni Polo na hanapin siya sa kabila ng napakapanganib na gabi.

"Ako ang unang nakakita sa walang malay mong kapatid. Ako ang nagbuhat sa kanya mula sa gubat hanggang sa bahay na tinutuluyan niya ngayon. Ako ang nag-alaga sa kanya noong mga oras na wala siyang malay... At sa maikling panahon na nakasama ko siya," muling gumuhit ang ngiti a mga labi ng morenong lalaki na taga-sitio. "Tuluyan nang nahulog ang loob ko sa kanya. Noong una ay nais niya sanang sumama sa akin pabalik dito sa gubat, ngunit ang sabi sabi ko mas lubhang mapanganib kung sasamahan niya ako. Isa pa, walang nakasisigurado kung buhay pa kayo o buhay ka pa. At bago ako umalis, nagbitaw ako ng isang pangako sa kanya. Babalikan ko siya na kasama ang ate niya."

Tuluyan na niyang hindi napigilan ang mga luha bago niyakap si Polo. Ngayon ay mas nakasisigurado na siyang buhay ang kapatid niya. Buhay si Bernice. "Salamat.... Salamat, Polo."



  • (17 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE