Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Mahilig ka bang matulog sa byahe? Ingat ka. Dahil baka sa susunod na pagmulat ng mga mata mo... Iba na ang daang tinatahak ng sasakyan kinalulunan mo.

"Ibaba mo ako! Ibaba mo ako, Chris!" pilit na pagpupumiglas ni Sarah. Nakalabas na sila mula sa talahiban nang ibaba siya ng binata at malayo na sa mga tyanak. Sa galit niya ay bigla niya itong tinulak at malakas na sinampal. "Hindi dapat tayo umalis do'n. Hindi dapat natin iniwan si Vic. Hindi mo ako dapat inilayo kay Vic!"

"Tinupad ko lang ang pangako ko kay Vic, Sarah. Tinupad ko lang ang pangako ko na po-protektahan kita at ililigtas sa oras na malagay ang buhay mo sa panginib. Pinakiusapan niya akong sa oras na manganib ang buhay ninyong dalawa, piliin ko raw na iligtas ka kahit buhay pa niya ang kapalit. Pinakiusapan niya ako dahil alam niyang hinding-hindi ka papayag na isakripisyo niya ang buhay niya para sa iyo," matigas na sagot ni Chris. Hindi naman talaga niya gustong iwanan si Vic kanina, gusto niya lang tumupad sa isang pangako. Gusto niyang iligtas si Sarah.

"Sarah, alam naman natin na kung sakaling makaligtas si Vic kanina hindi na rin siya makakabalik sa ating mundo. Dahil patay na ang katawang lupa niya," naiiyak na ring sabi ni Miracle. Ilang oras pagkatapos umalis nina Sarah ay inusig siya ng kanyang konsenya kaya nagpumulit siyang sumunod sa mga ito. Sinamahan naman siya ni Manang Abeng at tatlong lalaki na taga-Sitio Tatlong Buwan.

"At dahil nakatakda na siyang mamatay sa lugar na ito kahit ano pa mang mangyari, mamamatay at mamamatay din siya dito. Paulit-ulit lang siyang hahabulin ng kamatayan," si Manang Abeng ang nagsalita.

Nanlalambot namang napaupo na lang si Sarah habang patuloy na umiiyak. Hanggang sa huli ay siya pa rin ang iniisip ni Vic. Isinakripisiyo nito ang sariling buhay para sa kanya.

"Ate..."

Mga yakap ni Bernice ang unti-unting nagpapagaan sa pakiramdam ni Sarah. Ang unti-unting nagtatanggal ng bigat sa dibdib niya. Ang unti-unting nagpapawala ng sakit na nararamdaman niya ngayon.

"Ate, tama sila... Alam ko masakit na nawala na si Vic, na hindi na natin siya makakasama sa pagbalik natin sa mundo natin. Pero ate... Ate nandito pa naman ako eh. Kasama mo pa ako. Magkasama tayong babalik sa mundo natin."

At bago pa tuluyang manghina ay niyakap na ni Sarah si Bernice. Tama ang kapatid niya. Hindi pa siya nag-iisa. Kasama niya pa si Bernice at magkasama silang babalik sa mundo nila.

****

"Salamat..."

Napalingon si Chris kay Sarah na tumabi sa kanya. Halos kalahating oras na silang nagpapahinga at ramdam niyang kahit paano ay magaan na pakiramdam nito kumpara kanina. Kahit paano ay natatanggap na ni Sarah na wala na si Vic. "Walang anuman. Sabi ko naman sa iyo, hindi ko ginusto ang nangyari. Hindi ko gustong iwan si Vic. Sadyang wala lang talaga akong pagpipilian."

"I'm sorry. I''m sorry sa mga nasabi ko kanina. I'm sorry kung –"

"Shhh. It's okay, naiintindihan ko. Wala naman kasing may gusto sa atin ng mga nangyayari sa atin ngayon."

"Chris ..." Pinunasan ni Sarah ang luhang kaagad na namumuo sa gilid ng mga mata niya. Alam niyang hindi ito ang oras pero kung sakaling man na may mangyari pa ulit na hindi maganda, gusto na niyang malaman ang totoo. Ang totoong dahilan ng biglang panlalamig at pag-iwas ni Chris sa kanya. "Chris, may nagawa ba ako na hindi mo gusto?"

Natahimik si Chris sa naging tanong ni Sarah. Wala naman talaga itong nagawa na hindi niya gusto. Nagkataon lang na napagtanto niyang hindi ito ang oras para sa kanilang dalawa. Na baka wala talagang pag-asa na magkaroon ng sila.

"May nagawa ba ako para iwasan mo ako?"

"Wala Sarah."

"Pero bakit? Bakit iniiwasan mo ako mula nang bumalik ang alaala mo. Dahil ba naalala mong may girlfriend ka na, asawa o mga anak?"

Bumuntong hininga si Chris. Sana ay ganoon nga lang talaga ka-simple ang lahat. Pero hindi eh. "Wala."

"Pero anong naalala mo para iwasan mo ako ng ganito. Bakit bigla na lang nawala 'yong magpag-alalang Samuel –"

"Chris..." pagtatama ng binata.

Napalunok si Sarah dahil sa biglang pagtatama sa sinasabi niya. Pakiramdam niya ay nais na talagang mamuo ng mga luha sa gilid ng kanyang mga mata. "Anong parte ng alala mo ang bumalik para iparamdam mo sa akin na tuluyan nang naglaho ang Samuel na nakilala ko? Ang Samuel na nangako sa akin na sasamahan niya ako pagbalik sa mundo. Ang Samuel na nakilala kong nagmamahal sa akin."

"Sarah, nandito pa rin naman ako eh. Nandito pa rin ang Samuel na nagmamahal sa iyo. Ako pa rin ito, mahal pa rin kita. Kaya lang kahit gaano ko kagusto na pangatawanan ang salitang mahal kita, hindi na pwede... Hindi pwede."

"Pero bakit? Bakit nga?"

"Sarah, Chris, kailangan na nating magmadali. Malapit nang maglaho ang huling buwan!"

Sabay silang napalingon sa naging sigaw ni Miracle hindi kalayuan sa kinatatayuan nila.

"Malalaman mo sa pagbalik natin sa mundio natin. Basta Sarah," ikinulong ni Chris ang mga pisngi ni Sarah sa magkabilang palad. "Sorry. Sorry kung nasaktan kita. At kung nasasaktan kita ngayon. Pero pangako, gagawin ko ang lahat para maprotektahan ka sa abot ng aking makakaya. Hinding-hindi kita pababayaan."

"Sarah, Chris. Sumunod na kayo!" muling sigaw ni Miracle.

"Kailangan na nating sumunod sa kanila. Kailangan na nating makalabas sa sitio na ito," ani Chris.

Hindi na muling nagsalita pa si Sarah. Wala na rin naman siyang maisip na dapat sabihin pa kay Chris maliban sa sarili niyang nararamdaman. Mukhang wala na rin namang mangyayari. Ang nasa isip na lang niya ngayon ay makalabas silang tatlo nina Bernice mula sa Sitio Tatlong Buwan at makabalik sa kanilangh mundo.

****

"Narito na tayo," ani Manang Abeng.

Hinihingal na inilibot ni Sarah ang paningin. May dalawang oras silang walang tigil sa paglalakad at halos paggapang paakyat sa matarik na tuktok ng bundok.

"Nakikita ninyo ba ang puting buwan? Nakikita ninyo na ba ang liwanag?" tanong ni Kakang Lucio. Tanging ang mga tao mula sa kabilang mundo lamang ang may kakayahang makakita ng liwanag mula sa puting buwan. Ang mga taong nakatakdang mabuhay at makabalik sa kanilang mundo.

Huminto ang lumilibot na mga tingin ni Sarah sa isang bahagi ng bundok na hindi kalayuan sa kinatatayuan nila. Ang puting buwan at ang liwanag nito... "O-opo..." Hindi na niya napigilan ang maiyak bago hinawakan ang kamay ni Bernice. Sa wakas ay makakalabas na sila mula sa misteryosong lugar na ito. Makakabalik na sila sa kanilang mundo. Mabubuhay silang muli ng kanyang kapatid sa kanilang mundo.

"Nakikita ko rin po ang liwanag," ani Chris. Hinawakan niya ang isang kamay ni Sarah. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya iyon maaaring mahawakan pero nais niyang samantalahin ang mga huling sandaling makakasama niya pa si Sarah.

"Isa lang ang ibig sabihin. Ang inyong mga katawang lupa ay nabubuhay pa sa inyong mundo. Kayo ay nakatakda pang bumalik at mabuhay sa inyong mundo," sabi ni Manag Abeng.

Naramdaman ni Sarah ang paghawak ni Chris sa isa niyang kamay kaya nabaling ang tingin niya sa katabing binata. Makakabalik na sila. Totoong makakabalik at mabubuhay na sila sa kanilang mundo. Makakabalik sila ng magkakasama.

"Ate?"

Mula sa mukha ni Chris ay nabaling ang tingin niya kay Bernice na sobra ang pagtatakang nakaguhit sa mukha, habang patuloy na inililibot ang tingin sa paligid. Bakas na bakas ang takot at pagtataka sa mukha nito na unti-unting nagpapakaba sa kanya. Hindi niya nagugustuhan ang nakikitang ekspresyon sa mukha ni Bernice. May takot at kaba na dulot sa kanya. "Bakit Bernice?"

"Ate, nasaan ang puting buwan? Nasaan ang liwanag?"



  • (12 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE