Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Mahilig ka bang matulog sa byahe? Ingat ka. Dahil baka sa susunod na pagmulat ng mga mata mo... Iba na ang daang tinatahak ng sasakyan kinalulunan mo.

"Ate, nasaan ang puting buwan? Nasaan ang liwanag?"

Halos sabay-sabay na napalingon ang lahat kay Bernice na patuloy sa paglinga na tila may hinahanap sa paligid.

'Kapag naakyat ninyo ang tuktok ng bundok ng Kalubay at nakita ang liwanag ng puting buwan, kayo ay nakatakda pang mabuhay. Dahil ang liwanag na 'yon ang siyang maghahatid sa inyo pabalik sa inyong mundo.'

Hindi na napigilan ni Sarah ang mga luhang unti-unting namuo sa gilid ng kanyang mga mata nang maalala ang sinabi ni Manang Abeng. Dahan-dahang nabaling ang tingin niya sa matandang babaeng nakatayo hindi kalayuan sa kanila at katabi ang lumuluha ring si Miracle na tilam alam na ang nangyayari. "B-Bakit po hindi niya nakikita ang puting buwan? Bakit hindi nakikita ni Bernice ang liwanag?" 

"Isa lang ang ibig sabihin nito, sumakabilang buhay na ang kanyang katawang lupa sa inyong mundo," sagot ng matandang babae.

"N-no..." Napapailing na iyak ni Sarah. Hindi pwedeng mangyari ito. Hindi pwedeng hindi makita ni Bernice ang liwanag ng puting buwan. Hindi pwedeng hindi sila magkasamang babalik sa kanilang mundo. Kaagad na niyang niyakap ng mahigpit si Bernice. "Bernice, nando'n... Nando'n ang puting buwan. Nando'n ang liwanag. Sabihin mo sa akin na nakikita mo ang liwanag... Nakikita mo 'di ba?" halos humagulhol na siya habang itinuturo kung nasaan ang nakikita niyang liwanag. Prank lang ito. Mapagbiro si Bernice at alam niyang isa lamang ito sa mga biro ng kapatid niya. Oo, isang biro lamang ang lahat ng ito.

Saglit na ibinaling ni Bernice ang mga tingin kung saan nakaturo si Sarah bago sinalubong ang mga tingin ng ate niya. Mukhang alam niya na ang nangyayari. Naiintindihan na niya ngayon. Nagsimulang mangatal ang mga labi niya kasunod ang mabilis na paglandas ng mga luha sa magkabila niyang pisngi. "A-ate..." hindi na rin niya napigilan ang maiyak bago dahan-dahang umiling. "W-wala... Wala akong nakikitang puting buwan. W-walang liwanag."

Nanlambot ang mga tuhod ni Sarah. Si Bernice ang buhay niya. Sa nag-iisang kapatid niya umiikot ang buhay niya. Kaya hindi ito maaaring mawala sa buhay niya. "N-no... H-hindi pwedeng mangyari ito..." Naglakad siya palapit kay Manang Abeng. Lumuhod siya sa harapan ng matandang babae at hinawakan ang mga kamay nito. "Please, sabihin ninyo po sa akin na may paraan pa. Na may iba pang paraan upang makita ni Bernice ang liwanag. O-oh kaya... M-may iba pang daan... May iba pang daan pabalik sa aming mundo. Manang... Manang Abeng, nagmamakaawa po ako sa inyo. Sabihin ninyo po sa akin na may ibang paraan pa para makasama ko ang kapatid ko pabalik sa aming mundo."

Saglit na pinagmasdan ni Manang Abeng ang babaeng nakaluhod sa kanyang harapan bago binitawan ang mga kamay nito at hinawakan sa magkabilang balikat upang alalayan itong tumayo. Nang pantay na ang kanilang mga paningin ay hinawakan ng matanda ang magkabilang pisngi ni Sarah na basing-basa na ng mga luha. "May mga bagay na kailangan mong tanggapin kahit alam mong hindi mo kakayanin. May mga bagay na kailangan mong tanggapin sa sarili mong upang tuluyan kang makalaya mula sa lugar na ito... At ang bagay na iyon ay ang pagkawala ng kapatid mo sa buhay mo. Kailangan mong tanggapin at intindihin na wala na siyang katawang lupa na babalikan sa inyong mundo. Wala na siyang kahit na ano pa mang babalikan sa inyong mundo."

"Pero Manang Abeng... H-hindi ko po kaya... Hindi ko po kayang mawala si Bernice sa buhay ko."

"Akala mo lang hindi. Pero kaya mo 'yan. Lahat naman ng masakit na nangyayari sa umpisa lang mahirap tanggapin. Pero sa pagdaan ng panahon, maiintidihan mo rin ang lahat kung bakit nawala ang kapatid mo sa buhay mo. Sa oras na ito, isa lang ang kailangan mong intidihin. Na tuluyan na kayong magkakahiwalay sa habambuhay ng kapatid mo. At kailangan mong tanggapin ang bagay na iyon para sa ikatatahimik ng lahat. Sa ikatatahimik ng kapatid mo."

"Sarah... Y-you have to leave..." garalgal na rin ang boses ni Miracle. Nakatingin ito sa kalahating pulang buwan na unti-unti nang nalalaho. Ang tuktok ng bundok Kalubay ang pinakapayapang lugar sa gabi ng Diablo dahil walang halimaw ang may kakayahan na makaakyat doon. Kaya hindi siya natatakot na abutan ng paglaho ng huling pulang buwan. Pero sa oras na mangyari na maglaho na nga ang nagdurugong buwan at hindi pa nakakalabas sina Sarah at Chris, maaaring hindi na tuluyang makalabas ang mga ito sa Sitio Tatlong Buwan. 

Muling naglakad palapit si Sarah kay Bernice na umiiyak na ring kagaya niya. Niyakap niya ito. "N-No... H-hindi ako aalis..." mas mahigpit niyang niyakap ang kapatid niya. Nangako siyang hinding-hindii niya na ito iiwan. Hinding-hindi niya na ito pababayaan. Hinding-hindi na sila muling maghihiwalay. Hindi na kahit kailan. Muli niyang hinarap si Bernice at ikinulong sa magkabilang palad ang mga pisngi nito. "I'm gonna stay here. I'm gonna stay here with you."

Hinawakan naman ni Bernice ang mga kamay ni Sarah. Iginuhit nito ang pilit na ngiti sa mga labi bago umiling. Batid niya na umikot ang buhay ni Sarah sa kanya. Hindi niya halos naramdaman na wala na silang mga magulang dahil si Sarah ang tumayong Papa at Mama niya. Tumayo ito bilang ate at mga magulang niya. Isinakripiyo nito ang ilang taon para sa mabantayan at maalagaan siya. At sa pagkakataong ito, hindi siya papayag na ang ate niya ang muling magsakripisyo para sa kanya. "N-no ate..."

Nanlaki ang mga mata ni Sarah sa sinabi ni Bernice. "Hindi ako aalis nang hindi ka kasama, Bernice!"

"Ate," Isang malalim na buntong hininga ang binitawan ni Bernice bago hinawakan rin ang mukha ng nakatatandang kapatid. Ito na siguro ang oras para masuklian niya ang lahat ng sakripisyo para sa kanya ni Sarah. Ang hindi siya pumayag na muli itong magsakripisyo para sa kanya. "You have to go. You have to leave. P-promise, I'll be fine here. Look," anitong lumingon sa kinatatayuan nina Kakang Lucio, Manang Abeng, Polo, Miracle at ilang tao pa na taga-sitio. "May makakasama ako. H-hindi nila ako pababayaan."

"N-no..." muling niyakap ni Sarah ng mahigpit si Bernice. Naghahalo na ang luha at sipon sa mukha niya, nanlalambot na ang mga tuhod niya at nanginginig na ang buong katawan niya. Hindi niya bibitawan si Bernice. Hindi niya iiwan sa sitio na ito ang nag-iisang kapatid niya.

"Sarah, malapit nang maglaho ang huling pulang buwan kailangan ninyo nang umalis!" pangungumbinsi ni Miracle.

"Ate, you have to leave. Kailangan mong mabuhay. Tutuparin mo pa ang pangarap natin nina Papa at Mama 'di ba? Tutuparin mo pa ang mga panagarap nating dalawa. Kailangan mong mabuhay para matupad ang mga pangarap natin."

"Pero ikaw ang pangarap ko Bernice. Pangarap ko na tuparin ang lahat ng iyon ng kasama ka!"

"Alam ko ate... Alam ko. Kaya lang..." kaagad na pinunasan ni Bernice ang sariling mga luha. Kailangan niyang magpakatatag sa harap ni Sarah. Kailangan niyang ipakita na kakayanin niyang manatili sa lugar na ito kahit wala ang nakatatandang kapatid. Kailangan niyang iparamdam na kakayanin niya kahit wala ng Sarah sa buhay niya. "Kaya lang hindi na pwede... Hindi mo na ako pwedeng makasama sa pagtupad ng mga pangarap natin. Pero kung babalik sa mundo natin. Kung mabubuhay ka ate, matutupad mo pa rin ang mga pangarap natin. At kahit hindi mo ako kasama, alam ko..." muli ay isang malalim na bunting hininga ang binatawan ni Bernice bago bahagyang inilayo ang katawan kay Sarah at muling ikinulong sa mga palad ang mga mukha ng kausap. "Alam ko hinding-hindi naman ako mawawala sa puso at isipan mo... Isa pa," lumingon ito kay Chris na naghihintay kay Sarah at ngumiti. "Alam kong hindi ka rin pababayaan ni Chris."

Tumango naman si Chris at naglakad palapit kay Sarah. Buo na ang deisyson niya, sa oras na mag-desisyon si Sarah na manatili sa sitio na ito ay mananatili na rin siya kasama ito. "Sasamahan kita kahit saang mundo pa tayo mapadpad, Sarah."

Hinawakan ni Bernice ang mga kamay ni Sarah bago iniabot kay Chris. "Ikaw na ang bahala sa ate ko, Chris. Please promise me na aalagaan at hinding-hindi mo siya pababayaan..."

Ngumiti si Chris bago tumango at hinawakan ang mga kamay ni Sarah. "Makakaasa ka Bernice. Ako nang bahala sa kapatid mo..."

"B-Bernice!" muling yumakap si Sarah kay Bernice at umiyak. Sa pagkakataong ito ay mas mahigpit na yakap ang ginawa niya. Mga yakap na pakiramdam niya ay hindi na niya muli pang magagawa at mararamdaman. "Mahal na mahal kita..."

"Mahal na mahal din kita ate. Salamat. Salamat sa lahat ng oras, pag-aalaga, pagsasakripisyo at pagmamahal mo sa akin. Salamat sa lahat Ate Sarah."

"Humayo na kayo! Sa oras na maglaho ang pulang pulang buwan ay maglalaho na rin ang liwanag ng puting buwan!" halos pasigaw na sabi ni Manang Abeng.

"Sarah, makakaasa kang hindi ko pababayaan ang iyong kapatid. Hindi ko man mapapantayan ang lahat ng ginawa mo para kay Bernice ay gagawin ko ang lahat upang maalagaan ko siya kagaya ng pag-aalaga na ginawa mo sa kanya."

Pinunasan ni Sarah ang sariling mga luha bago tumingin kay Polo na lumapit sa kanila. 

"A-Ate... Ate, I'll be fine here..." may ngiti sa mga labing sabi ni Bernice habang patuloy ang paglandas ng mga luha sa pisngi niya. "With them... With him..."

"Sarah, malapit nang mawala ang liwanag ng puting buwan," sabi ni Chris.

Naramdaman na ni Sarah ang mga yakap ni Chris sa may likuran niya na unti-unti na siyang inilalayo mula kay Bernice.

"Polo, Miracle, Manang Abeng, Kakang Lucio, please. Kayo na po ang bahala sa kapatid ko. H'wag ninyo po siyang pababayaan," iyak pa ni Sarah habang mahigpit na nakahawak pa rin sa mga kamay ni Bernice. "H'wag ninyo pong pababayaan ang kapatid ko."

"Makakaasa ka, Sarah," halos sabaya-sabay na sagot nina Miracle kasabay ang mga taga-sitio.

"Bernice, mahal kita..." sabi ni Sarah habang unt-unti nang napapabitiw sa mga kamay ng kapatid niya. "Mahal na mahal."

"Mahal din kita ate... Mahal na mahal kita. Salamat. Salamat sa lahat. Salamat Ate Sarah."

At sa tuluyang pagbitiw ng mga kamay ni Sarah sa mga kamay ni Bernice ay ang paghawak naman ni Chris sa mga kamay niya. 

"Let's go Sarah... Bumalik na tayo sa mundo natin."

At mula kayna Bernice, Miracle at sa mga taga-Sitio Tatlong Buwan ay ibinaling na ni Sarah ang mga tingin kay Chris. Nanlalambot pa rin ang mga tuhod niya ngunit tila unit-unting nagbibigay ng lakas ang mga kamay ni Chris sa kanya upang maglakad palapit sa liwanang ng putting buwan na malapit nang maglaho. 

At sa pagpasok nila sa liwanag ng puting buwan ay ang tila tuluyan nang paglaho ng buong Sitio Tatlong Buwan at mga tao doon. Naging napakaliwanag ng paligid. At sa sobrang liwanag ay halos wala nang makita si Sarah kung hindi si Chris na ngayon ay nakatayo sa kanyang harapan. 

Hinawakan ni Chris ang mukha ni Sarah. Basa na rin ng luha ang mga pisngi niya. "Sarah, kung hindi man kaagad magtagpo ang ating mga landas sa mundong babalikan natin, magdasal ka lang. Magdasal ka lang sa Kanya at naniniwala akong muli Niyang pagtatagpuin ang ating mga landas. Basta... Basta kahit anong mangyari... Kahit anong matuklasan mo. At kung sadya talagang hindi tayo ang para sa isa't-isa. H'wag mong kakalimutan na mahal kita Sarah..."

Kung may nag-iisang dahilan nang pagbalik niya sa mundo nila ay si Chris na iyon. Si Chris na inaasahan niyang magbibigay din ng dahilan sa kanya upang muling magpatuloy sa buhay. "And I love you too, Chris."

Kasabay nang lalong pagliwanag ng paligid ay ang pagyakap ni Chris kay Sarah. "Tutuparin ko ang pangako ko kay Bernice. Kahit anong mangyari, hinding-hindi kita pababayaan. Palagi kitang gagabayan, aalagaan at mamahalin kahit gaano pa ako kalayo sa iyo sa pagbalik natin sa ating mundo. At kahit hindi man maging tayo ang para sa isa't-isa, hinding-hindi ko kakalimutan na may isang Sarah na nagpatibok ng puso ko sa misteryosong lugar na ito."

Ipinikit na ni Sarah ang mga mata hindi dahil sa nasisilaw na siya sa sobrang liwanag ng paligid. Kung hindi dahil nais niyang mas maramdaman ang mga yakap ni Chris upang kahit paano ay maibsan ang sakit dahil paglisan niya sa misteryosong sitio. Upang kahit paano ay maibsan ang sakit na nararamdaman niya sa tuluyang pagkawala ni Bernice sa buhay niya. At ano pa man ang naghihintay sa kanilang pagbabalik sa kanilang mundo, handa na siya dahil alam niyang hindi siya mag-iisa. Hindi siya pababayaan ni Chris. Hindi siya nito iiwan. At kahit kailan ay hinding-hindi na siya mag-iisa pa.


  • (16 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE