Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Mahilig ka bang matulog sa byahe? Ingat ka. Dahil baka sa susunod na pagmulat ng mga mata mo... Iba na ang daang tinatahak ng sasakyan kinalulunan mo.


Naglalakad sa may tabi ng dagat si Sarah nang mapansin na nakaupo hindi kalayuan sa kanya sina Miracle at Liezl na kaagad niyang nilapitan. Sa buong barakada bukod sa kapatid niya ay dito siya sa dalawa pinakamalapit ang loob. Medyo maarte kasi sina Donna at Joyce na minsan ay mahirap pakisamahan.

"Sarah, bakit gising ka pa?" takang tanong ni Liezl nang umupo si Sarah sa tabi nito.

"Hindi pa kasi ako makatulog," tugon niya.

"Si Bernice, tulog na?" muling tanong ni Liezl.

"Oo, kanina pa. Napagod 'yon sa kaka-swimming buong maghapon."

"Ikaw ba, hindi napagod?"

"Hindi naman ako nag-swimming," tugon niya sa muling tanong ni Liezl.

"'Yun na nga eh. Hindi ka nakapag-swimming kakaasikaso sa amin lalo na sa kapatid mo."

Napangiti na lang siya sa sinabi ni Liezl. Nawala na rin kasi sa isip niyaang lumublob man lang sa tubig-dagat kanina. Naisip niya kasing mahaba-haba pa naman ang oras ng pag-i-stay nila sa beach resort kaya marami pa siyang oras.

"Siguro, kaya hindi ka pa nagkaka-boyfriend dahil maysado kang naka-focus sa kapatid mo," muling pansin ni Liezl.

"Hindi naman. Siguro, hindi ko pa lang talaga nakikita 'yung tinatawag nilang 'The Right One.'"

"Eh anong tawag mo kay Vic? Highschool pa lang tayo alam na ng barkada na may crush siya sa iyo, 'yon nga lang ayaw mo pang magpaligaw sa kanya noon. Kaya kungi sino-sino na ang niligawan at dinyowa niya noon."

"Pero pinayagan ko na naman siya manligaw ngayon 'di ba?"

"Yeah, that was three years ago at hanggang ngayon ay hindi mo pa rin siya sinasagot," natatawang tugon ni Liezl. "Nagtataka na nga kami sa iyo. Hindi naman malabo ang mga mata mo para hindi mo makitang gwapo si Vic? Tapos stable na sa buhay. Bonus na 'yung mabait talaga siya at matyaga sa panliligaw sa iyo kahit na kay Bernice ang buong atensyon mo sa lahat ng oras. Unless, totoo ang tsismis noong highschool tayo na lesbian ka?"

"Grabe ka Liezl, ang judgmental mo," natatawang sagot niya. "Honestly, kahit ako nagtataka kung bakit parang hindi ko pa rin nararamdaman na... Na gusto ko na si Vic sa kabila ng mag efforts na ginagawa niya para sa akin. Alam kong korni pero may hinahanap pa rin kasi akong something. 'Yong sparks o magic na sinasabi ng marami na mararamdaman mo raw once na makita mo na 'yung The Right One para sa iyo. At 'yon ang never at never kong naramdaman kay Vic," napapabuntong hininga niyang kwento. "Teka, bakit ba puro sa akin na lang ang tanong. Daig ko pa ang na-hot seat ha! Kayong dalawa, bakit gising pa kayo?"

"Heto kasing si Miracle, nagpasama dito sa may tabi ng dagat kasi hindi raw siya makatulog. Eh hindi pa rin naman ako inaantok kaya sumama na ako."

"Okay na ba ang t'yan mo Miracle?" baling niya kay Miracle na nakikinig lang sa pag-uusap nila ni Liezl. Bukod sa kanya ay hindi rin nagtampisaw man lang sa tubig si Miracle. Tumulong lang ito sa pag-iihaw at pag-aayos ng mga pagkain nila.

"Uhm-uhm," tango ni Miracle.

"May problema ka ba Miracle? Mula nang umalis tayo hanggang dito ay kakaiba na kasi ang ikinikilos mo, hindi ka naman ganyan noong magkita-kita tayo sa bahay," pansin niya. Excited si Miracle nang magkita-kita na sila sa bahay ng tita niya kanina at saglit na magkwentuhan. Nagbago lang ang mood nito nang paalis na sila sa bahay.

Hindi naman na sumagot pa si Mriacle.

"Tanong ko nga rin 'yan sa kanya kanina pa. Baka 'kako inaasar na naman siya ng inasar nina Donna pero hindi naman raw. Ang sinasabi niya lang sa akin nakita niya raw ang picture natin na walang ng mga ulo kanina."

"W-walang u-ulo?" Hindi niya alam kung bakit kasabay ng binitawan niyang dalawang salita ay ang napakalamig na hanging bumalot sa katawan niya.

"Oo Sarah... Dalawa lang ang ibig sabihin ng nakita ko," saglit pa itong huminto sa pagsasalita bago muling nagpatuloy. "Anumang oras ay maaaring mamatay kayo o tayong lahat."

Namayani ang katahimikan sa kanilang tatlo pagkatapos ng sinabi ni Miracle. Nagpapakiramdaman kung sino ang susunod na magsasalita at kung ano ang sasabihin.

Itinaas naman ni Miracle ang mga tingin sa madilim na kalangitan kung saan may Lunar Eclipse. "Pansinin ninyo, kahit ang buwan ay nakikidalamhati sa nalalapit nating kamatayan..."

"Alam mo Miracle, I think gawa lang 'yan ng sakit ng tyan mo. Kaya Sarah, h'wag mo na rin mas'yadong isipin ang sinasabi ni Miracle dahil baka pati ikaw ay ma-paranoid rin."

"Pero paano kung –"

"Miracle, h'wag mo nang isipin pa ang nakita mo para hindi masira ang bakasyon natin dito. Hindi ba sabi mo madalas namamalikmata ka lang gawa ng mga binabasa at pinapanuod mo? Baka 'yon rin ang dahilan kung bakit namalikmata ka sa nakita mo kanina," ani Liezl. Hindi naman kasi nito nakita ang sinasabi ni Miracle na litrato kung saan wala silang ulo lahat. Maayos ang picture sa camera nang i-check nito kanin. Maayos, malinaw at buong barkada ay may ulo.

Pinilit naman niyang ngumiti upang kunwa'y sumang-ayon sa sinabi ni Liezl. "Sige guys, babalik na ako sa kwarto namin at baka magising pa si Bernice na wala ako sa tabi niya." Ngumiti naman ang dalawa bago siya tuluyang naglakad pabalik ng kwarto na naka-dim light lang sa loob.

"Ate?"

Nalingunan niya si Bernice na tila nananaginip. "Sorry, nagising ba kita?"

"Yakap please..." ani Bernice na nakapikit ang mga mata.

At kahit may sariling kama ay nakangiti siyang lumapit at humiga sa tabi ni Bernice. Niyakap niya ang nakababatang kapatid bago ipinikit ang mga mata. 


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE