Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Mahilig ka bang matulog sa byahe? Ingat ka. Dahil baka sa susunod na pagmulat ng mga mata mo... Iba na ang daang tinatahak ng sasakyan kinalulunan mo.

"L-ligtas na tayo," hinihingal na sabi ni Kardo nang sa wakas ay huminto sila sa pagtakbo.

"H-hindi tayo ligtas kahit saang parte ng lugar na ito. Mamamatay din tayo anumang oras mula ngayon. Mamamatay tayo kagaya ng nangyari kay Armand," iyak ni Joyce.

"Pwede ba Joyce, kung gugustuhin mong mabuhay, mabubuhay ka. Pero kung gusto mo na talagang mamatay, h'wag mo na kaming idamay kagaya ng ginawa mo kay Armand!" hindi na napigilang sigaw ni Vic habang pinipigilan naman ang maiyak dahil isa na naman sa barkada nila ang nawala. 

"Vic, tama na... Walang may kasalanan kung bakit nawala si Armand. Wala namang may gusto sa atin na mamatay siya," naiiyak na ring sabi ni Sarah. Kahit gaano niya kagusto na sisihin si Joyce sa pagkamatay ni Armand, hindi rin naman na maibabalik pa ang buhay nito. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang magtulungan sila upang mabuhay at makalabas sa sitio na ito.

"Guys, may bahay!" turo ni Samuel sa bahay na nakitang malapit sa kanila.

"Ligtas ba do'n?" tanong ni Vic.

"Mauuna na ako, sumunod na lang kayo sa akin," ani Kakang Lucio.

"Kakang Lucio..."

Tumingin ang matanda kay Samuel na nakahawak sa balikat nito.

"Nakikiramay po ako. Maraming salamat po sa patuloy na pagsama ninyo sa amin kahit buhay ninyo ang maaaring maging kapalit anumang oras," sabi ni Samuel.

Pilit namang ngumiti ang matanda. "Tungkulin kong bantayan kayo at siguraduhing mararating ninyo ang bundok ng Kalubay bago mawala ang huling buwan, kagaya ng bilin ni Manang Abeng," anito at lumingon kayna Kardo. "Sesenyasan ko kayo kung maaari na kayong sumunod sa akin."

Tahimik silang nakasunod ng tingin sa matandang naglakad na patungo sa maliit na bahay. Ilang saglit pa nang makita nilang sumenyas na itong sumunod sila. Tahimik na naglakad patungo sa maliit na bahay ang lahat habang si Joyce ay patuloy sa paghikbi.

Maliit lang ang bahay na pinasukan nila, walang dibisyon at may mga sirang gamit na nagkalat sa loob. May kandila rin at maliit na lamesang naandoon. Ang ilan sa mga nakakalat na kagamitan ay mukha hindi pagmamay-ari ng mga taong taga-sitio kagaya ng sapatos, sombrero, charger at iba pa.

"Camera ba 'yon?" ani Sarah. Pumunta siya sa sulok at pinulot ang bagay na nakita. Isang vieo camera na ang battery ay nakakalat din sa tabi nito. Ibinalik niya sa loob ng video camera ang battery na nakakalat sa tabi nito at ini-on iyon. Basag na ang screen pero gumagana pa rin. 

"Hi guys! Nandito na p o kami sa resort and i-eenjoy na namin ang beach and sunlight!"

Halos lahat ng mga kasama ni Sarah ay pinalibutan na siya at nakunuod rin sa video camera na hawak niya. Mukhang limang tao ang nasa camera at nasa isang beach. Pinindot na niya ang fast forward option na para bang may iba siyang gustong makita.

"Wait, stop on that part," ani Samuel.

Muli niyang pinindot ang play option bago napalunok habang nagsisimulang bumilis ang tibok ng puso niya. Isang babaeng pawisan at may bahid ng dugo ang bumungad sa screen ng kamera.

"Papa... Mama... S-sorry p-po kung nagsinungaling ako... P-pero gusto ko pong malaman ninyo na... N-na mahal na mahal ko po kayo. S-soryy –"

Napahigpit ang hawak ni Sarah sa kamera nang biglang mawala ang babae sa screen at saglit na tila nagpagulong-gulong iyon hanggang sa huminto ang lens na sakto sa sulok kung saan nakasiksik ang babae na kitang-kita na nila ang kabuuan sa basag na screen. Duguan ang babae, punit na ang damit na suot nito at may kalmot ang mga braso at hita. Nakasiksik ito sa sulok at takip ang bibig nang biglang mag-alaram ang suot na relo. 

Nanginginig ang mga tuhod na tumayo ang babae habang nakatutok ang hawak na kutsilyo sa mga nilalang na hindi na abot ng lens ng kamera. "H-hindi ninyo ako mapapatay... H-hindi..." 

Narinig nina Sarah ang mga alulong ng aso na tila nakapaligid sa babae. 

"I'm sorry Papa... Mama..." sabi ng babae bago nilaslas ng tuluyan ang sariling lalamunan gamit ang hawak na kutilsyo.

"Oh my God!" kaagad namang nabitawan ni Sarah ang kamera ngunit ang screen ay nakaharap pa rin sa kanila habang ang video ay patuloy na nagpe-play. Nakita nila kung paano tumilamsik at umabot sa lens ng camera ang dugo mula sa lalamunan ng babae, hanggang sa pagbasak ng katawan nito at paglapa ng mga halimaw na aso sa babae. Nakita pa nila kung paano sakmalin ng mahahabang pangil ang leeg, braso, tyan at mukha ng babae bago unti-unting nagdilim ang screen ng kamera hanggang sa tila tuluyan ng lamunin ng dilim ang lugar na kinaroroonan nito.

"I-I told you guys... H-hindi tayo mabubuhay sa lugar na ito. M-mamamatay tayong lahat dito," nagsimula na namang mag-hysterical si Joyce.

Kinuha naman ni Samuel ang camera saka iyon pinatay.

"Marahil ay inabutan siya ng paglaho ng huli at ikatlong buwan," seryosong sabi ni Emil. "Sa oras na maglaho ang huling sa ikatlong gabi ng gabi ng diablo, wala ng lugar ang magiging ligtas sa sitio na ito." 

"Tama ako, 'di ba? Mamatay kaming lahat ditto! Mamamatay kami sa impeyrnong ito."

"Joyce, tama na... Wala nang mamamatay sa atin. Buhay tayong makakalabas sa lugar na ito," ani Sarah.

Gumuhit naman ang sarkastikong ngiti sa mga labi ni Joyce bago humarap kay Sarah. "Ano bang feeling mo Sarah, sa oras na magkita kayo ni Bernice tapos na lahat? Asa ka pa, dahil sa oras na magkita kayo sigurado rin naman akong mamamatay kayong dalawa dito. Mamamatay kayo dito dahil mamamatay tayong lahat s alugar na ito!"

Hindi na niya napigilang lumapat ang palad sa pisngi ni Joyce. "Makakalabas kami ng buhay ni Bernice sa lugar na ito. Makakabalik kaming magkasama sa mundo natin. Tama si Vic, kung gusto mong mamatay dito... H'wag mo na kaming idamay pa." Hindi na niya hinintay pang makapagsalitang muli si Joyce at iniwanan na itong nakatulalang umiiyak. Hindi na niya hahayaan pang may sumira ng munting pag-asa sa puso niya na makita si Bernice. Kahit kailan ay hindi niya binitawan ang pag-asang buhay at magkasama silang makakabalik ni Bernice sa mundo nila. Makikita niya at muli siyang magkakasama ng kapatid niya. 

****

"Joyce... Joyce..."

Isang malambing na boses ng lalaki ang gumising sa nahihimbing na si Joyce. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata bago iyong kinusut-kusot. May ilang sandali pa bago unti-unting luminaw ang paningin niya at mapagtantong wala siya sa munting bahay na tinutuluyan nila kanina. Napasiksik siya sa sulok ng mamulatan ng mga mata ang kakaibang paligid pati na ang misteryosong lalaking gumising sa kanya at nasa harapan niya. Mahaba ang buhok nitong kulay puti at pati ang balat ng lalaki ay maputi rin, matangos ang ilong at mapula ang makipot na mga labi. 

"Who are you?" iginala niya ang paningin sa paligid. Magkahalong pagkamangha at kaba ang nararamdaman niya ngayon dahil sa kakaibang nakikita sa paligid. Napakaliwanag ng paligid at mula sa sulok na pinagsisiksikan niya ng sarili ay may isang mahabang lamesa na puno ng mga pagkain. Lechon manok, baboy, salad at mga prutas ang nasa ibabaw ng lamesa. Napalunok siya ng laway bago tumunog ang pagkalam ng sikmura niya. Ngayon niya lang naalalang buong gabi na siyang walang kahit na anong kinakain. "Nasaan ako? Nasaan ang mga kasama ko?"

Napangiti naman ang estrangherong lalaki kung saan lumabas ang mapuputing ngipin nito. "H'wag kang mag-alala Joyce, ligtas ka sa lugar na ito. Bakit hindi ka muna kumain upang kahit paano ay magkalaman ang iyong sikmura? Halika, sasamahan kitang kumuha ng iyong makakain."

May kung ano sa ngiti ng lalaki ang tila nakakahipnotismo sa kanya na hawakan ang inilahad nitong mga kamay. "N-nasaan ba ako?"

"Naandito ka sa aking palasyo, kung saan walang kahit na sino o ano pa mang halimaw ang maaaaring makapanakit sa iyo," sagot ng lalaki habang inaalalayang tumayo si Joyce at maglakad patungo sa mahabang lamesa na maraming pagkain. 

Hindi na niya napigilan ang maiyak nang maalala ang naging alitan nila ni Sarah kanina at ang pagsampal sa kanya nito. Pakiramdam kasi niya ay tuluyan na siyang nawalan ng kakampi. Tuluyan na siyang nawalan ng kaibigan.

"H'wag ka nang umiyak at baka mabawasan pa ang kagandahan na iyong taglay," anang lalaki na huminto sa paglalakd sa may tabi ng lamesa at umabot ng mansanas. "Tandaan mo, hangga't nandito ka sa lugar na ito at kasama mo ako, walang anuman o sinoman ang muling makapananakit sa iyo."

Napatulala siya sa gwapong mukha ng lalaki nang lumapat ang daliri nito sa pisngi niyang nabasa ng luha. Napakagaan ng pakiramdam niya sa lugar na kinaroroonan niya ngayon. Napakagaaan rin ng pakiramdam niya sa lalaking kaharap niya ngayon. 'Yong pakiramdam na tila ba ligtas na ligtas siya. At isa pa, napakapayapa ng paligid. Mukhang tama ang lalaking kanyang kaharap. Walang sinoman o anumang halimaw ang maaaring makapanakit sa kanya ngayon.

"Eto, kumain ka muna upang magkaroon naman ng kahit kaunting laman ang iyon sikmura," anang lalaking nagliliwanag sa puti ang kasuotan.

Inabot niya ang mapulang mansanas mula sa kamay ng estrangherong lalaki. Saglit niya iyong tinitigan. Napakapula kasi ng kulay noon. Halos simpula ng mga dugong nakita niya sa mga namatay niyang kaibigan. Sa mga kaibigan niyang kinain ng mga halimaw.

"Sa oras na kagatin mo ang mansanas na ito, ibig sabihin ay malaya ka na mula sa impyernong sitio na iyong pinaggalingan. Malaya ka na sa mga halimaw na kumitil sab hay ng iyong mga kaibigan."

"Makakaalis na ako sa Sitio Tatlong Buwan?"

"Makakaalis ka na sa impyernong sitio na iyon at magiging masaya ka na sa lugar na ito," nakangiting sagot ng lalaki.

Isang malalim nabuntong hininga ang binitawan niya bago ibinaling ang tingin sa mansanas na hawak na niya. Iyon naman ang gusto niyang mangyari, ang makaalis sa impyernong lugar ng Sitio Tatlong Buwan at kung ang pagkagat sa mansanas na ito ang isa sa pinakasimpleng paraan upang makatakas siya ay gagawin niya. Gagawin niya ang lahat upang makaalis na sa isinumpang lugar na iyon. Dahan-dahan niyang ibinuka ang mga labi at inilapit doon ang mapulang mansanas. Isang kagat. Isang kagat lang ang kailangan niyang gawin at magiging masaya na ulit siya. Isa lang.

"H'wag kang mag-alala Joyce, hinding-hindi kita pababayaan. Magiging masaya ka sa feeling ko at sa lugar na ito," ang huling narinig ni Joyce na sabi ng lalaki bago niya tuluyang kinagat ang mapulang mansanas na hawak niya. "Habambuhay."

*****

"Sarah..."

Mula sa dalawang mapulang buwan sa madilim na langit ay nabaling ang tingin ni Sarah kay Vic na umupo sa tabi niya sa mahabang bangko. Kahit hindi naman siya nakakaramdam ng pagod ay pumayag na siyang magpahinga sila saglit sa maliit na bahay na iyon.

"I'm sorry," ani Vic. "Nag-alala lang ako masyado na baka hindi tayo makaligtas. Na baka hindi ka makaligtas. Ang gusto ko lang naman ay sabay-sabay tayong makabalik sa totoong mundo natin... Ng buhay."

Iginuhit niya ang ngiti sa mga labi. Naisip niyang wala ng oras pa upang magtalo-talo pa sila kaya labis niyan ring pinagsisisihan ang pagsampal kay Joyce kanina. At isa pa, naiintindihan naman niya talaga si Vic. Alam niyang ang nais lang talaga nito ay ang mailigtas sila. Ang mailigtas ang buhay niya. "I understand... Ang mahalaga ay buhay si Bernice. Alam na nating buhay ang kapatid ko at makikita ko na ulit siya."

"One more thing."

Napakunot ang noo niya dahil sa kaseryosohan sa mukha ng kausap. Hindi siya sanay na makitang ganito kaseryoso ang mukha ni Vic.

"Hindi ko alam kung bakit naiisip ko pa ito pero kagaya ng sabi ni Manang Abeng, hindi pa rin tayo nakakasigurado kung lahat tayo ay ligtas at buhay na makababalik sa mundo natin. Pero Sarah, gusto kong tandaan mo na na kahit anong mangyari, kahit... Kahit hindi mo akong magawang mahalin, ikaw lang... Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko. At kung totoo man ang reincarnataion, pipiliin kong ma-reincarnate upang mahalin ka ulit kahit hindi mo pa akong magawang mahalin ."

Hindi alam ni Sarah kung bakit naiiyak siya sa sinasabi ni Vic ngayon. Naramdaman na lang niya ang mga luhang lumalandas sa magkabila niyang pisngi. Bakit kasi parang nagpapaalam na si Vic sa kanya? Pinunasan niya ang mga luha bago pilit na ngumiti at hinawakan ang kamay nito. "Ano bang sinasabi mo d'yan Vic? Sama-sama tayong makakalabas sa lugar na ito. Buhay tayong babalik sa mundo natin."

Ngumiti naman si Vic at pinisil ang kamay ni Sarah. "I love you even you can't love me back." Pinunasan nito ang sariling mga luha bago pinunasan ang mga luha sa pisngi ni Sarah. "Ang drama ko, sorry," anitong natatawa na lang sa sariling ka-dramahan. 

Natawa na rin si Sarah bago umayos ng sariling upo. Kaya siguro ganito na lang ka-emosyonal ang pakiramdam nila dahil malapit na silang makalabas mula sa misteryosong sitio na ito. Makakalabas sila ng buhay at magkakasama.

"Si Joyce ba 'yon?"

Napatingin si Sarah kung nasaan ang mga tingin ng katabi niya. Muli siyang napakaunot noo nang makitang naglalakad si Joyce patungo sa gubat. Ang mas nakapagtataka ay may kasabay itong lalaki na may mahaba at puting buhok at ang kasuotan ay tila nagliliwanag rin sa kaputian. "Sino 'yong kasama niya?"

"Joyce!" malakas na tawag ni Vic. "Saan ka pupunta?"

Huminto naman sa paglalakad si Joyce at tumingin sa kanila. Sabay silang kinabahan ni Vic nang bigla itong kumaway sa kanila habang nakaguhit sa mga labi ang kakaibang ngiti. Napatingin din sila sa lalaking kasama ni Joyce na nakalingon sa kanila. 

"Joyce..." Nanindig ang mga balahibo ni Sarah nang makitang kulay itim ang mga mata ng lalaki.

Muling nagpatuloy sa paglalakad sina Joyce at ang estrangherong lalaking kasama nito pabalik sa gubat.

"Guys, si Joyce!!!" ang sigaw ni Samuel mula sa loob ng munting bahay ang tila nagpagising ng diwa ng dalawang natulala kay Joyce.

Mabilis na pumasok sa loob ng bahay sina Vic at Sarah at nagulat nang makitang ang babaeng nasa bisig ni Samuel. Si Joyce na nakapikit ang mga mata habang tinatapik-tapik ni Samuel ang pisngi.

Umupo naman si Kakang Lucio sa may tabi ni Samuel at sinalat ang leeg ni Joyce.

"Wala na siya..."

"N-No... Paano nangyari 'yon? Nakita lang namin siya ni Vic kanina sa labas. M-may kasama pa nga siyang lalaki!" kinikilabutan pa ring sabi ni Sarah. Paanong mawawala ang kabigan niyang kanina lang ay mahimbing na natutulog dito sa loob? At isa pa, sino ang babaeng nakita nila kanina sa labas ni Vic na kamukhang-kamukhan ni Joyce?

"Lalaki?" tumayo na si Kakang Lucio dahil sa narinig. "May mahaba ba na puting buhok ang lalaking inyong tinutukoy?"

"O-opo," si Vic ang sumagot.

"Nagliliwanag sa kaputian ang kanyang kasuotan at wala siyang mga mata, tama ba ako?" muling tanong ng matanda. 

Sabay na halos tumango sina Vic at Sarah bilang tugon.

"Tamawo. Isa siyang tamawo," seryosong sabi ni Kardo.

"Ano po ang tamawo?" naguguluhan pa ring tanong ni Sarah.

"Ang engkanto na humi-hipnotismo sa mga kababaihan na sumama sa kanilang kaharian nila. At sa oras na sumama ang isang babae sa kanya sa pamamagitan ng pagkain niya ng kahit na anong inialok ng isang tamawo, hinding-hindi na siya makakalabas pa mula sa kaharian ng mga engkanto," paliwanag ni Kakang Lucio. 

"Kaya wala na ang kaibigan ninyo," ang sabi naman ni Polo. "Sigurado kaming sumama na siya sa sa mundo ng mga engkanto. Mas pinili niyang sumama sa isang tamawo."


  • (9 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE