Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Mahilig ka bang matulog sa byahe? Ingat ka. Dahil baka sa susunod na pagmulat ng mga mata mo... Iba na ang daang tinatahak ng sasakyan kinalulunan mo.


Naalimupungatan si Sarah na nakahilig na sa may balikat niya ang ulo ng kapatid. Inayos niya ang buhok nitong tumatakip sa may mukha bago hinalikan sa may ulo. Fifteen years ago nang pumanaw ang mga magulang nila dahil sa isang plane crash, nine years old lang siya noon at seven years old naman si Bernice. At sa araw ng libing ng mga magulang ay nangako siya na hinding-hindi pababayaan ang nag-iisang kapatid. Wala siyang pakialam kung minsan ay nagiging over protective na siya dito. Madalas nga ay nakakantyawan na siya ng barkada na mas mahigpit pa siya kay Tita Mely na kapatid ng Mama nila ni Bernice. Pero para sa kanya ay ginagawa niya lamang ang binitawang pangako sa pumanaw na mga magulang. Ginagawa niya lamang ang alam niyang tama para sa kanila ni Bernice.

"Sana pala ako na lang ang katabi mo. Para sa akin mo na lang binigay ang kiss na 'yan..."

Napatingin siya sa may rearview mirror kung nasaan nagtagpo ang mga mata nila ni Vic. Nasa may tabi ito ng driver's seat kasama si Miracle. "Baliw! Teka, bakit parang hindi umaandar ang van? Traffic ba? Saka malapit na ba tayo?" kunwa'y pag-iiba niya sa paksa bago tumingin sa may labas ng katabing bintana. Wala na sila sa highway at puro puno na nakikita niya sa paligid kaya nakapagtatakang magkaroon pa ng traffic.

"Oo, malapit na tayo," sagot naman ni Mark. Ito kasi ang may ideya na puntahan ang isang private beach resort sa Zamabales na dati nang napuntahan kasama ng mga katrabaho. Malayu-layo rin ang byahe na may halos apat na oras mula sa Maynila. "Kaya lang parang may banggaan."

"Grabe, bumangga 'yong kotse sa malaking puno."

"Anong puno 'yan? Nakakatakot."

Napatingin muli sa labas si Sarah kung nasaan ang tingin ni Joyce at Kevin. Mabagal ang takbo ng kinalulunan nilang van dahil kasisimula pa lang magpalagpas ng traffic enforcer at mga pulis sa mga sasakyan.

Halos lahat ng mga gising sa loob ng van ay nakatingin sa malaking punong nadaanan nila kung saan may kotseng nakabangga doon na naging dahlian ng traffic. Ang laki kasi ng puno lalo na ang mga ugat nito at baging na nakasabit sa mga sanga. Para bang napakatanda na nito at kung tititigan ay parang may kung anong nilalalang ang makikitang nakatira doon. Nabaling ang atensyon nila sa magandang kotse na basag ang mga salamin, wasak ang unahang bahagi at may duguang tao na nasa loob. Ang mga baging at sanga ng puno ay halos nakapasok na sa loob ng kotse at pinapalibutan ang duguang lalaki sa loob. Ang mas nakapangingilabot, mapapansin na malakas ang tama ng kotse sa puno dahil wasak na wasak at yupi ang unahang bahagi nito ngunit kung pagmamasdang mabuti ang puno, halos wala man lang itong pinsalang tinamo.

"Parang wala naman kaming nadaanan na ganyang puno dati nina Boss Mike," ani Mark.

"Aw, sh*t!" napayakap si Joyce kay Kevin nang makita ang duguang mukha ng lalaki sa loob ng kotse.

"Puno ng balete 'yan," sagot ni Miracle nang makalagpas na sila sa malaking puno at munting traffic.

"Hindi ba balete tree 'yung sinasabing pinamamahayan ng mga aswang?" tanong ni Liezl.

"Aswang talaga, Liezl? Hindi ba pwedeng maligno o kapre muna?"

Sinundan ng malalakas na tawanan ng barkada ang sinabi ni Kevin.

Nagising naman si Bernice sa mga tawanan nila. "Bakit kayo tumatawa?"

"Wala, may nadaanan kasi tayong creepy na puno. Matulog ka muna. Gigisingin na lang kita kapag nasa resort na tayo."

Ngumiti naman si Bernice bago yumakap sa ate at muling ipinikit ang mga mata.

Muling hinalikan ni Sarah sa noo ang kapatid bago itinuon ang tingin sa harapan. Muli niyang napansin ang biglang pagtahimik ni Miracle sa may tabi ni Vic. "Miracle, are you sure you're okay? Kanina ka pa tahimik."

"Oo nga eh, mapapanisan na nga ako ng laway dito kay Miracle, kanina ko pa dinadaldal puro tango lang sagot sa akin," ani Vic.

"Hindi na kayo nasanay lagi naman ganyan 'yan," pang-aasar ni Donna. Sa kanilang barkada ito at si Joyce ang madalas mam-bully kay Miracle. Dinadagdagan pa ng kanya-kanyang boyfriend na sina Armand at Kevin.

"Okay lang ako Sarah. Medyo sumama lang ang timpla ng t'yan ko."

"Oh kapag may nangamoy dito sa van alam ninyo na ah!" kantyaw ni Armand na sinundan ulit ng mga tawanan ng ibang barkada.

"Malapit na rin naman daw tayo Miracle, I hope na maging okay na ang tyan mo para ma-enjoy mo rin ang beach."

Ngumiti lang si Miracle kay Sarah bago muling umayos ng upo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maalis sa isip nito ang nakita kanina. May bahagi ng isipan nito ang nagsasabing hindi na dapat natuloy ang outing ng barkada. Hindi na dapat sila tumuloy pa.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE