Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




CAROLINE: A Criminal Artist

Image Description pencoloredman   |   18 January 2019


Iguguhit niya lahat ng makikita niya. Email: [email protected]

November 1, 2010

[Caroline]

Pasado alas sais na ng umaga. Pagbangon ko ay kaagad kong nakita ang lamesa ko na may isang piraso ng papel na may nakaguhit. Isang babaeng nakatali ang leeg.

"Caroline!" Rinig kong sigaw ng isang babae mula sa labas ng bahay.

Binuksan ko ang bintana namin at nakita ko ang kaibigan kong si Drei. Matagal ko na itong kaibigan. Siya lang ang kaibigan kong iniintindi ang ugali ko.

Binuksan ko ang bintana. "Drei, sandali lang."

Inayos ko ang buhok ko. Dumiretso na akong banyo para maghilamos at magmumog. Matapos ako sa banyo ay dumiretso na ako sa pintuan para papasukin si Drei.

Tinawag ko ito at pinapasok. Pinaupo ko siya sa salas namin.

"Saglit lang at ikukuha kita ng kape," paalam ko rito. Tumango siya kaya naman kaagad akong pumunta sa kusina.

Ilang sandali lang ay bumalik na ako dala-dala ang dalawang tasa ng kape at isang plato ng pandesal na may kasamng palaman na peanut butter.

"Nga pala, bakit ang aga mo?" baling kong tanong dito.

Humigop ito ng kape at kumagat sa pandesal na pinalamanan niya. "Alam mo naman 'di ba na ako lang siguro ang nakakaalam ng kakayahan mo?"

Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Hindi ko alam na alam niya ang tungkol sa akin pero salamat ako at may makakaintindi na sa akin.

"Nabalitaan mo ba ang babaeng nagbigti? Sa sobrang depress daw iyon, e," ani nito na dahilan para maubo ako.

"Ayos ka lang ba?" tanong nito sa akin. Tumango ako bilang tugon sa tanong niya.

Walang pasintabi akong tumakbo papunta sa kuwarto ko at kinuha ang isang pirasong papel kanina na nakita ko. Pagbalik ko sa kinauupuan ni Drei ay inilahad ko ito.

"Hala, Caroline! Ano iyan? Kailan pa iyan?" takang tanong nito.

"Paggising ko ay nakita ko iyan sa lamesa ko saka ka dumating," sagot ko rito na tila kasalanan ko ang nangyari.

"Caroline, kinakabahan na ako sa nangyayari, a. Paano kung magpatingin na tayo sa mga kilala ni Tito Rex na tumitingin ng kalagayan ng pag-iisip. Mamaya kasi niyan, e makapatay ka pa ng mga minamahal mo," sabi nito.

"Hindi ako mamamatay tao!"

"Hindi ko nama  sinabi mamamatay tao ka. Ang concern ko lang naman dito ay iginuguhit mo kasi ang mga nakikita mong mangyayari," kita sa mukha niyang nag-aalala siya.

"Ayoko! Ayokong malaman nila na ganito ako! Drei, ikaw na lang ang mapagkakatiwalaan ko. Sana sa ating dalawa na lang ito," pagmamakaawa ko rito.

"Gusto kong mabuhay ng normal. Gusto ko 'yong hindi iniisip ang mga ganitong bagay. Alam kong may dahilan kung bakit ako nakakaguhit ng mga ganito pero dapat ko pang alamin. Simula ng magdebut ako ganito na ang nararanasan ko. Nagmamakaawa ako Drei. Ikaw lang ang mapagkakatiwalaan ko. Alam mo iyan," sabi ko rito saka hinawakan ang kamay nito.

"Sige— pero ipangako mo Caroline na aalamin mo kung bakit mo iginuguhit ang mga nakikita mo," ani Drei. Tumango ako at ngumiti.

"Nga pala, nasaan si Tito Rex? Hindi ko siya nakikita, e," baling na tanong nito.

"Sabi niya kahapon, maaga siyang duduty sa clinic dahil wala raw ang isa pang doktor kaya siguro mga alas kuwatro ng umaga ay umalis na," sagot ko rito saka kumagat ng pandesal.

Inubos lang namin ang almusal saka namin napagdesisyunan na gumala. Naligo ako at naghintay si Drei sa labas ng kuwarto.

Matapos akong maligo ay nagtapis na ako at muntikan na akong matumba dahil sa gulat ko nang makita si Drei sa loob ng kuwarto ko. Napahawak ako sa tuwalya ko nang mahigpit.

"Anong ginagawa mo rito?" usisa ko rito.

"Hindi ba halata na pinagmamasdan ko mga litrato niyo? Saka napansin ko 'yong mga paintings mo," sabi nito. Bigla ko na lang naramdaman ang pagkahilo. Napahawak ako sa kaliwang braso niya.

"Ayos ka lang ba?" tanong nito. Bakas sa kaniya ang pag-aalala.

"Oo," sagot ko rito.

Inalalayan niya ako na makaupo sa higaan ko. "Ano ba kasing nagyari?"

Hindi ko ito sinagot. Nahilo lang siguro ako dahil sa sobrang pag-iisip.

"Teka lang kukuha ako ng tubig," prisinta nito.

Iniwan niya ako sa higaan kaya naman nagpasya akong tumayo at i-lock ang pintuan. Magbibihis na ako para makaalis na kaming dalawa sa bahay.

Sandali lamang ang nakalipas nang mabilis na nakabalik si Drei.

"Caroline?" tawag nito sa pangalan ko. Pilit niyang binubuksan ang pintuan pero dahil nakalock ito ay hindi niya magawang buksan.

"Sandali lang! Magbibihis lang ako," sagot ko rito.

Hinanap ko ang croptop kong kulay maroon at high-waist kong short. Nakita ko ito sa ibabang parte ng cabinet ko. Matapos kong magbihis ay kaagad kong kinuha sa lagayan ko ng mga sapatos ang sandals na bigay ni Tito Rex. Wala pa man kami sa labas ay ramdam ko na ang namumuo kong pawis.

"Matagal pa ba iyan?" tanong nito.

"Sandali na lang!"

Agad kong sinuot ang sandals ko at pinagbuksan ito ng pintuan. Nakangiti ito bitbit ang isang baso ng tubig.

"Akala ko kung napaano ka na, e," natatawa nitong sambit.

"Baliw! Mukha ba akong mapapaano? At saka nagbihis lang naman ako. Aalis tayo, e," apila ko rito.

Nagtawanan kaming dalawa. Ang sarap tignan ni Drei na makitang tumatawa at kumportable sa akin. Kita rito ang kumpleto at maputi nitong ngipin. Ang bilugan niyang mukha, matangos na ilong, nag-uumbukan nitong pisngi, mapungay na mata at malalanding pilik-mata na pinaresan pa ng makapal na kilay. Ang sarap sa mata ni Drei. Napakalinis ng mukha. Makinis at tila walang bahid ng anomang tigyawat.

"Hoy! Natulala ka naman ngayon? Anong nangyayari sa'yo?" tanong nito.

"A, wala. Ang guwapo mo palang tignan," wala sa sarili kong sagot sa kaniya.

"Aba't pinagnasahan mo pa ako, a!" natatawa nitong biro.

"Hindi ano?! Napansin ko lang kasi na guwapo ka pala kapag nakatawa ka," apila ko rito.

"Sus! Tara na nga. Mambobola ka na nga lang sa akin pa. Hindi umuubra sa akin ang mga ganiyan," sabi nito saka niya hinila ang kanang kamay ko palabas ng kuwartong ito.

"Teka nga. Iinumin ko lang ang tubig," sabi ko rito saka pilit na binabawi ang kamay ko pero mahigpit nitong hinawakan kaya naman kaliwang kamay na lang ang ginamit ko para kuhanin ang isang baso ng tubig na kanina'y dala niya na inilapag niya sa lamesa rito sa kuwarto ko.

Nilisan namin ang bahay ng tahimik. Hawak-hawak niya ang aking kamay hanggang sa paglabas ng bahay namin.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE