Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




She's the Bad boy's Princess

Image Description VixenneAnne   |   13 July 2018


A feisty province girl was tasked to tame the most notorious, most evil and most feared bad boy prince of the all Westside University, Jave Santillan-the Campus Demon Rex.


Mahigpit ang kapit ko sa maliit na bag na siyang tanging baon ko sa pagharap sa panibagong buhay na aking tatahakin. Ang laman ng bag ay kaunting pirasong damit at iilang personal na kagamitan. Ito lamang ang madadala ko sa Maynila, hindi pa nga ako sigurado kung kakasya ang kakarampot na perang iniwan sa akin ng Lola bago siya pumanaw sa mga pangangailangan ko. Kaya kailangan ay mahagilap ko kaagad sa Maynila ang mga natitira ko pang malalayong kamag anak para kahit papanu ay may matuluyan ako doon.


Kung tutuusin kahit wala na si Lola ay kaya ko naman ang mabuhay mag isa dito sa probinsya. Kundi lamang sa pangako ko sa Lola ko na magtatapos ako ng pag aaral. Hindi ko magagawa iyon kung mananatili ako sa probinsya at aasa sa mumunting kikitain ko na alam kong sapat lang para makakain ng tatlong beses sa isang araw.


Ilang taon na nga ba ako? ‘Di ba 18 anyos na ako? Kakatapos ko lang ng senior high school at kailangan kong gumawa ng paraan para makapasok kahit man lang sa isang desenteng kolehiyo. Sa ngayon ‘yon muna ang goal ko. Ngayong wala na akong aasahan kundi sarili ko lang, kailangan kong magbanat ng buto at lumaban sa mga hamon ng buhay. Hindi ako magpapaapi! Ako yata si Sofia Althea Perez, alam ko sa sarili ko, I was born to conquer the world!


Kaya paghinto ng bus sa harap ko na magdadala sa akin sa Maynila, huminga ako ng malalim. Umpisa na ng laban. Inangat ko ang paa ko upang makasakay ng bus. Hindi pa man ako tuluyang nakakapasok ay napasigaw na ako.


“Aray!” ang lakas ng pagkakabunggo sa akin sa balikat ng isang naka itim na jacket na lalaking nagmamadaling pumasok ng bus. Wala itong pakialam kahit na obvious na nasaktan ako, ni hindi ako niligon. “Walang modo!”



Pinabayaan ko nalang. Ayokong magpaapekto sa mga taong kagaya nito. Ako lamang ang matatalo, sasakit pa ang puso ko sa pagkapikon kaya dinaan ko nalang sa ngiti. Lalo pa at hindi naman ‘yong pinupuntirya kong upuan ang inupuan ng lalaking nauna. Makakaupo pa din ako sa window seat.


“Aray!” daing ko ulit. Asar na kumuyom na ang kamao ko. Paano ba naman, binangga ulit ako ng lalaking naka jacket. Lumipat siya ng pwesto at inunahan ako sa upuang gusto ko. Aba, inuubos talaga ng bwesit na ‘to ang pasensya ko ah! “Excuse me. Pwesto ko ‘yan. Ako ang nauna sayo.”


Nakasuot siya ng earphones kaya hindi ako narinig. Tinapik ko siya sa balikat. Padabog niyang hiniklas ang nakapasak sa tainga at matalim ang mga matang tumingin sa akin. Napakurap ako. Ilang sandali akong napatanga pagkatapos kong masilayan ang kabuuan ng mukha niya. He had the darkest brown eyes I have ever seen. Natural na makapal ang kilay niya, may espesyal itong kurba na nagbigay dito ng masungit ngunit lalaking-lalaking awra. Matangos ang ilong niya, mapula ang mga labi, napaka-aristokrato ng dating. Kung Pilipino ang isang ito, malamang hindi puro. He was like a model ripped off from some teenage magazine, ang tipo ng mukhang popular sa mga eskwelahan at tinitilian ng mga kababaehan. Napaka-gwapo niya. Hindi kagwapuhang pangkaraniwan. Hindi kaya artista siya?


Nabasag ang pantasya at imahinasyon ko nang marinig ko ang pikon niyang tinig. “Excuse me?” Hindi lang ‘yon, salubong pa ang mga kilay niya na para bang isa akong malaking istorbo sa mata niya.


Bumulwak ang asar ko, tinaasan ko siya ng kilay nang maalala ko ulit ang kaalatan ng ugali niya. “Ang sabi ko pwesto ko ‘yan. Ako ang nauna sayo!”


Parang nang aasar pa itong tumingin sa upuan pabalik sa akin. “Ako ang nakaupo dito, ibig sabihin ako ang nauna. Tama?”


“Dahil tinulak mo ako!”


Tumawa siya ng pagak. ‘Yong nakakainsulto. ‘Yong mayabang na tawa na parang sarili niya ang mundo. Binalik niya pa ang earphones sa tainga na parang wala nang balak makipagdiskusyon sa akin. Mabait akong tao pero kapag ginugulangan ako lumalaban ako.


Marahas kong hiniklas ang earphones sa tainga ng aroganteng lalaki . “Hoy lalaking antipatiko at walang modo kinakausap pa kita. Kung ayaw mo ng gulo ibalik mo ang upuan ko. Lumayas ka d’yan!” lumalabas ang pagkataklesa ko sa mga garapal na taong katulad niya.


Napalakas ang boses ko, hindi ko inasahang magtinginan ang mga taong nakasakay sa bus sa gawi namin. Tinablan ako ng hiya gusto ko nalang makuha ang pwestong dapat ay sa ‘kin. Hinila ko ang braso ng lalaki palabas ng upuan, pero nakipagmatigasan siya, mas malakas siya kaya ako ang nahila at sa malas ay napasobsob pa sa dibdib niya. Eksenang inabutan ng nagrorondang konduktor. “Hoy kayong dalawang mag-syota kung maghaharutan lang din kayo ‘wag kayo dito do’n kayo sa motel. Maraming pasaherong nakaabang oh. Nakakaistorbo kayo.” masungit nitong komento.

.

Motel agad. Napangiwi ako sa pagkapahiya samantalang tatawa-tawa ang antipatiko. “Mukhang nag-eenjoy ka sa pwesto mo ah?” puna pa niya nang mapansing nakasobsob pa din ako sa dibdib niya.


Napabalikwas ako mula sa pagkakayakap dito. Inayos ko ang sarili ko. Luminga-linga ako sa iba pang upuan pero puno na ang bus at tanging kinauupuan ko nalang sa tabi niya ang bakante.


“Alam mo gusto mo lang tumabi sa akin, maupo ka na d’yan. Wala naman akong choice hindi naman akin ‘tong bus.” masungit niyang pahayag na may kasamang irap. “Napagkamalan pang syota kita. Pwe! Nakakahiya.”


“Bastos!” pabulong kong ganti. “Ngayon lang ako nakakilala ng kagaya mong bastos at walang kasing kapal ang mukha.”


“Ngayon lang din ako nakakilala ng isang probinsyanang amoy araw at cymbals ang bunganga.”


Peste! Pero hindi ko napigilang amoyin ang sarili ko. Amoy araw ba talaga ako? Dahil sa ginawa kong ‘yon tumawa siya ng nakakapikon. Nang iinsulto talaga. “Akala mo kung sinong gwapo. Mukha namang adik na hindi marunong magsuklay. Ang init-init sa labas naka-jacket? Ano action star?”


“Fashion ang tawag dito. Palibhasa taga-bundok.”


“Hindi ako taga-bundok, pangit ka lang talagang pumorma, siguro nga uso sa Maynila ang jacket, hindi ka lang bagay.” Alam kong hindi totoo ang sinabi ko. Maganda siyang magdala ng damit. Kung sisipatin ang suot niyang jacket, fitted white shirt, navy blue jeans, pati ang suot na itim na hikaw sa magkabilang tainga papasang modelo talaga ang kumag. Modelong siga. Napabuntong hininga ako dahil kahit magsuot siya ng gula-gulanit maangas pa din ang dating niya. Sayang, masama ang ugali.


“Anong sinabi mo?” napipikong baling niya sa’kin.


“Sabi ko ang gaspang ng mukha mo, kasing gaspang ng ugali mo!”


“Sumusobra ka na ah. Akala mo hindi ako pumapatol sa babae? Anong sinasabi mong magaspang ang mukha ko. Hawakan mo nga!” Hindi ko inaasahan ang biglaang paghawak niya sa dalawang kamay ko upang dalhin sa mukha niya.


Napaawang ang mga labi ko. Napatitig ako sa mukha niyang nakakulong sa mga palad ko. Hindi lang siya gwapo, sobrang gwapo na parang mina-magnet ang mga mata ko. The color of his eyes were deep majestic brown, nakakalunod ang mga iyon. His slightly opened pink mouth was inviting. Pilit kong kinontrol ang puso kong halos lumabas na sa dibdib ko sa sobrang lakas ng kabog.


“Oh ano ha?”


“Magaspang…” masakit sa panga ang magbitaw ng kasinungalingan.


Umikot ang mga mata niya. Binitiwan ang kamay ko. “Why do I even bother arguing with a clueless mountain girl like you? ” sabay talikod.



*****


Ilang oras na din ang nagdaan. Nakaidlip ako at nang magising ay madilim na sa labas at hindi na ako sigurado kung saang lugar na kami. Nang tumingin ako sa katabi ko, nakatitig siya sa hawak na isang magandang pink na perlas na may kakaibang hugis, animo puso.


“Anong tinitingin-tingin mo?”asik na naman niya. Pinaglihi talaga sa kasungitan ang lalaking ito.


Inirapan ko siya, akala niya sakin may interes sa alahas niya? Ipalunok ko pa sa kanya ‘yan eh. “Wala. ‘Yong bintana Mister, ibaba mo ang kurtina dahil delikado na sa lugar na ito.”


“Ingay mo. Lumayo ka nga!”


Sasagot pa sana ako nang biglang magpreno ng malakas ang driver halos masubsob ako sa kaharap na upuan. Nakarinig ako ng kumusyon. Nanlaki ang mga mata ko nang marealized kong hino-holdap ang bus. Mga armadong kalalakihan ang mga iyon, panay nakaitim na bonet, tingin ko’y mga lagalag na tulisan na nakatira sa mga bundok. Napakapit ako sa bag ko, nanigas ang katawan ko sa kaba.


“Fuck!” Mariing mura ng katabi ko. Nasa pangatlong upuan lang kami kaya madaling makakarating sa amin ang mga holdaper.


“Lalaki ka naman bakit hindi ka lumaban??” nasabi ko out of my own desperation. Ayokong manakawan, wala akong pera.


“Tanga ka ba? Ba’t di mo subukan. May mga baril ‘yan!” ganting asik niya sa akin. “Shit, ang perlas ko!” bulong pa niya na hindi malaman kung saan itatago ang mamahaling bagay na iyon.


“Lunukin mo total duwag ka naman!”


“Ako? Duwag?” Nakakainis ang lalaking ito hinoholdap na kami’t lahat pinapairal pa rin ang kagaspangan ng ugali.


Nang ibuka ko ang bibig ko para sana sumagot, hindi ko inaasahan ang pagsubo niya ng perlas sa bibig ko.


“Ikaw!” bulyaw ng holdaper na nasa harapan ko na. Sa sobrang kaba at gulat ko, nalunok ko ang perlas. Napahawak ako bigla sa leeg ko. Shit! Wala na din akong nagawa nang hilahin ng mga kawatan ang lahat ng gamit ko.


Samantalang ang katabi ko cellphone at earphones lang ang nakuha. Hindi ko mabitiwan ang leeg ko. Pakiramdam ko bumara sa lalamunan ko ang perlas na ‘yon! Nakakalason ba ang perlas? Matutunaw ba ‘yon sa tiyan ko? Ayoko pang mamatay.




  • (37 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

REVENGE OF THE REAL WIFE

Na-comatose si Ashlene dahil naaksidente sila noong katatapos pa lang ng kasal nila ni Jonathan. Subalit paggising niya ay wala na siyang maalala at nasa kandungan na ng iba ang asawa niya!

Image Description
ad_sesa
12 July 2018