Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




My Dream Girl

Image Description TheLadyInBlack09   |   05 December 2018


Hanggang saan ang kaya mong isakripisyo para sa pag-ibig? Kaya mo bang isakripisyo pati na ang pangarap mo para sa taong mahal mo?

"All my life wala na akong ibang hiniling kung hindi ang makasama ang babaeng pinakamamhal ko. Ang makasama ka sa habambuhay, Kim..." Lumuhod ako sa harap ng isang babaeng nakasuot ng puting uniporme bago inilabas mula sa bulsa ko ang isang maliit na kahong kulay pula. Nasa loob kami ng isang bakanteng kwarto at napapalibutan ng ilang staff ng ospital kung saan ako nagta-trabaho bilang isang doktor at si Kim bilang isang nurse. Kinakabahang binuksan ko ang maliit na kahong hawak ko habang tahimik na nananalangin na sana ay tanggapin niya ang alok ko. Sana ay tanggapin niya ang alok ko na panghabambuhay. "Will you marry me?"

Nakita kong nangingilid na ang luha sa mga mata ni Kim habang inililibot sa buong kwarto ang paningin. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang hawak na mga bulaklak, lobo o mga letra na bumubuo ng mga salitang...

'Kim, Xian loves you so much. Please marry him.'

Mahigit tatlong taon na ang relasyon namin at apat na buwan naman ang ginugol ko para sa pagpa-plano sa araw na ito. Sana ay hindi masayang ang lahat.

Ilang saglit pa bago niya nagawang salubungin ang mga tingin ko na may ngiti sa mga labi. Matamis na ngiti. "Yes, Xian."

Umugong na ang malakas na palakpakan at masayang hiyawan sa loob ng kwarto. Masaya pero kinakabahan pa rin at naginginig ang kamay kong isinuot sa palasinsingan niyang daliri ang hawak kong singsing bago tumayo at ikinulong sa mga palad ko ang magkabila niyang pisngi. Sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako umiyak sa harap ng isang babae habang napapalibutan ng maraming tao. "I love you Kim."

*****

"Magpapakasal ka na? Kanino? Kay Kim?"

"'Ma, si Kim lang naman ang girlfriend ko 'di ba," natatawang sagot ko sa tanong ni Mama habang sabay-sabay kaming naghahapunan nina Papa. Ngayon ko pa lang sinabi sa kanila ang tungkol sa wedding proposal na ginawa ko kagabi.

"Eh hindi ba nasa London ang parents niya? Paano kapag sumunod na siya do'n?"

"'Ma, hayaan mo na si Xian mag-desisyon tungkol sa bagay na 'yan. Matanda na siya at alam na niya ang dapat gawin," ani Papa na patuloy sa pagkain.

"'Pa, concern lang naman ako kay Xian. Hindi dahil sa masasayang ang pinangpaaral natin sa kanya dahil hindi naman tayo ang may gusto na mag-doktor siya kung hindi siya mismo." Ibinaling ni Mama ang tingin sa akin bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Imagine this anak, bata ka pa lang ay sinasabi mo na ang gusto mong marating at heto na nga, mahigit sampung taon bago mo narating ang propesyon mo na 'yan at naabot ang pangarap mo. At pagkatapos ano? Aalis ka para sundan si Kim sa London? 'Pag pumunta ka sa London anong magiging trabaho mo? Nurse? Midwife? Caregiver?"

Isang buntong hininga ang binitawan ko bago inilagay ng maayos ang kubyertos sa ibabaw ng plato ko. Here we again... Sa mahigit tatlong taon naming relasyon nin Kim, naramdaman ko namang tanggap na siya nina Mama at Papa bilang babaeng nais kong makasama sa habambuhay. Pero nang malaman ni Mama na nasa London ang mga magulang ni Kim ay paulit-ulit na niyang sinabi sa akin na walang patutunguhan ang relasyon naming dalawa. Masasayang lang daw ang pag-abot ko sa pangarap ko na maging doktor kapag itinuloy pa namin ni Kim ang relasyon namin.

"Sigurado ka na ba talaga Xian sa plano mong pagpapakasal sa kanya?"

Napangiti ako sa tanong ni Papa. Sa lahat ng naging girlfriend ko, kay Kim ko lang nakita at naramdaman ang sarili ko na gusto ko nang lumagay sa tahimik na buhay. Siya ang nag-iisang dream girl ko. "Oo naman 'Pa. Alam mo naman kung gaano ako kaseryoso sa kanya noong una pa lang."

"Eh bakit biglaan ang pagpa-plano ninyong pagpapakasal?" si Mama ang muling nagtanong. "Don't tell me that she's pregnant."

"Of course not 'Ma, alam mo namang nagmana ako sa inyo ni Papa. It should be , marriage before sex."

"Eh bakit biglaan nga?"

Ngiti na lang ang naisagot ko kay Mama. Marami rin kasi ang nag-akala na buntis si Kim kaya nag-propose na ako sa kanya ng kasal. Actually, kahit ako hindi ko maisip kung bakit nga ba bigla ko na lang gustong lumagay sa tahimik kasama siya. Apat na buwan ko iyong pinagplanuhan. Naalala ko, apat na buwan na rin pala ang nakakaraan nang ikwento niya sa akin na inaayos na ng parents niya ang mga papeles niya sa London. Hindi ko alam kung iyon nga ang dahilan ko. O sadyang hindi ko lang din maamin sa sarili ko.


*****

"Hon, may itatanong ako," sabi ko habang hawak ang kamay ni Kim at naghihintay ng order naming pagkain para sa hapunan sa loob ng paborito naming restaturant.

"Ano 'yun, hon?" nakangiting tanong niya. Napakaganda talaga ni Kim lalo na kapag ngumingiti kagaya ngayon. Magkasabay kasing ngumingiti ang kanyang labi at singkiting mga mata.

"Are you gonna leave me?"

"Anong klaseng tanong 'yan? Siyempre, hindi. Magpapakasal na nga tayo 'di ba?"

Napangiti na rin ako sa naging sagot niya. Tama siya, magpapakasal na kaming dalawa at magiging happily married couple kagaya ng mga palabas sa teleserye. "Paano kapag pinasunod ka ng parents mo sa London?"

Bumakas ang kaseryosohan sa mukha ni Kim bago tumingin sa mga mata ko. Saglit siyang natahimik na tila nangangapa ng mga salitang itutugon sa muling tanong ko. "Susunod ka naman 'di ba?"

Ako naman ang biglang natulala sa naging patanong na sagot niya. Pakiramdam ko ay naririnig ko ngayon ang boses ni Mama na naglilitanya sa magkabilang tainga ko.

'Eh hindi ba nasa London ang parents niya? Paano kapag pati siya sumunod na doon?'

'Imagine this anak, 'pag pumunta ka sa London, anong magiging trabaho mo? Nurse? Midwife? Caregiver?'

"Excuse me sir and ma'am, nandito na po ang orders ninyo."

Nagising na ang diwa ko sa lumapit na waiter na nagsimula nang ilapag ang mga pagkain sa kaharap naming lamesa.

"Let's eat," sabi ko na lang nang mailagay na ang lahat ng pagkain at inumin sa ibabaw ng lamesa. Hindi ko alam kung bakit hindi ko nagawang sagutin ang tanong niya. Hindi ko kayang sagutin.

*****

"Hon, hanggang anong oras ang duty mo?" tanong ko kay Kim nang makalabas kami ng kwarto kung saan chineck-up ko ang isa sa mga pasyente na nasa observation status. Katatapos lang ng duty ko at gusto ko na sanang simulan ang pag-aayos ng kasal namin.

"2 P.M. hon, why?"

"Imi-meet kasi sana natin mamayang 4 P.M. ang event coordinator para sa wedding natin kung pwede ka."

Napahinto siya sa paglalakad kaya nauna ako ng ilang hakbang bago napahinto na rin habang patuloy sa pagbuklat ng mga hawak kong mga papel. "Hon..."

"Bakit hon, may iba ka na bang lakad mamaya? Okay lang din naman kung gusto mong ipa-resched 'yon."

"Sabi ni Mama, malapit na raw maayos ang papers ko sa London. Baka next month makaalis na ako."

Napahinto na ako sa ginagawa kong pagbuklat ng mga papael na hawak ko kasunod ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko. Hindi ko alam kung titingnan ko ba siya o hindi.

"Malala na ang sakit ni Dady at gusto niya sana na sa London na tayo magpakasal. Gusto niya rin na do'n na tayo tumira."

Napatiim ang mga bagang ko habang sinusubukang kapain ang mga salitang dapat ay naisagot ko na sa sinabi niyang iyon. Pero wala akong nakapa at sa halip na lingunin siya ay walang salitang nagpatuloy ako sa paglalakad habang ramdam kong nakasunod lang siya ng tingin sa akin. Matagal na niyang sinabi sa akin ang bagay na iyon. Pero sa halip na pag-usapan namin ay pinipilit kong baguhin ang paksa ng usapan. Hanggang sa dumating na nga ang oras na alam kong hindi ko na magagawang iwasan pa. Ang pag-usapan ang pag-alis niya.

*****

"Hindi ka aalis. Hindi mo iiwan ang pagdo-doktor mo dito sa Pilipinas para lang sa isang babae. Xian, naririnig mo ba 'yang sinasabi mo sa amin ng Papa mo? Plano mo ba talagang talikuran ang propesyon na pinangarap mo mula po no'ng bata ka?"

Napahigpit na ang hawak ko sa mga kubyertos ko dahil sa mga sinasabi ni Mama. Mataas na ang boses niya at halatang nagpipigil pa siyang magalit nang sabihin ko sa kanila ni Papa ang planong baka sa London na kami magpakasal ni Kim at doon na manirahan. Wala pa naman talaga akong plano at mas lalong hindi pa buo ang desisyon ko pero sinabi ko na kaagad sa kanila dahil gusto ko lang talaga makita o marinig ang magiging opinyon nilang dalawa lalo na ni Mama.

"Walang aalis. Walang mag-aabroad. Walang magpapakasal sa London." Padabog nang umalis si Mama sa harap ng hapagkainan. Alam kong nasira ko na ang hapunan namin kaya nawalan na rin ako ng gana at tuluyan nang binitawan sa plato ang mga kubyertos ko.

"Xian, hindi basta-basta ang deisyson na bibitawan mo. Hindi kita papakialaman sa anumang kahihinatnan pagkatapos mong mag-isip nang mas malalim pero para sa akin may punto ang lahat nang sinabi ng Mama mo. Maraming adjustment ang mangyayari sa buhay mo. Marami kang maiiwan. Maraming mga bagay na kailangan mong isakripisyo."

Nanatili akong tahimik habang nagsasalita siya. Pakiramdam ko kasi ay wala naman akong dapat na sabihin.

"Pero ano pa man ang maisipan mong gawin, ito ang tandaan mo, h'wag mong hayaan na makagawa ka ng desisyon na labis mong pagsisishan sa huli at sa buong buhay mo. Piliin mo pa rin kung ano ang magpapasaya sa iyo sa habambuhay. At kung ano man ang mapili mo sa huli... Kung saan ka magiging masaya... Ano pa man 'yan, Xian... Susuportahan ka namin ng Mama mo..."

Natulala na ako sa natira kong kanin at ulam pero wala doon ang isip ko. Tama si Papa, isang malaking pagbabago sa buhay ko ang mangyayari anumang desisyon ang piliin ko.

****


"Hon, iniiwasan mo ba ako?"

Nagpatuloy ako sa paglalakad ako sa kabila ng tanong na iyon ni Kim. Nakatuon ang tingin ko sa hawak kong clipboard na may mga papel at may dalawang nurse na nakasunod sa akin. Si Abby na naka-assign sa pasyenteng punantahan ko at si Kim na bigla na lang sumulpot.

"Xian, ano ba? Kausapin mo naman ako..."

Huminto na ako sa paglalakad nang nasa may pasilyo na kami kung saan wala masyadong dumadaan na tao at inabot kay Abby ang hawak kong clipboard bago ito sinenyasan na mauna na sa isa pang pasyente na dapat ay sabay naming pupuntahan. Hinarap ko na sa wakas si Kim nang makalayo na si Abby. "Now what do you want me to say?"

"W-wala. Gusto ko lang malaman kung may problema ba tayo?"

"Ako? Sa tingin ko wala. Meron ba tayong dapat na maging problema?" balik tanong ko sa kanya. Para sa akin wala naman kasi kaming dapat na maging problema. Wala kahit may narinig kong balita na malapit na ang flight niya papuntang London. Wala kahit tinext niya ako na kailangan na niyang makaalis kaagad. Wala kahit ilang beses kong hindi sinasagot ang mga tawag niya.

"I'm leaving three weeks from now. Malala na ang sakit ni Daddy at gusto niyang umuwi kaming magkakapatid doon sa lalong madaling panahon."

Isang malalim na buntong hininga ang binitawan ko. Ang bigat ng pakiramdam ko. Para bang napakihirap magbitaw ngayon ng kahit na anong salita sa harap niya.

"Ayokong umalis. Ayokong iwanan ka pero kailangan ako ni Daddy."

"Kailan ka babalik?"

Saglit siyang natahimik. Alam kong pinag-iisipan niya ngayon ang isasagot niya sa tanong ko.

"Babalik ka pa ba?"

"H-hindi ko alam..."

Biglang nanakit ang lalamunan ko nang maramdaman kong nais mangilid ng mga luha sa mga mata ko na pilit kong pinigilan. "Are you... Are you breaking up with me?"

"No, of course not. I just want to let you know na I'm leaving. At gusto kong sumunod ka sa akin dahil gusto kong magkasama tayo. Xian, alam mong ayokong umalis at iwanan ka pero kailangan ako ni Mommy at ng mga kapatid ko, lalo na ni Daddy. Susunod ka naman sa akin 'di ba? If you want pwede kong i-delay ang flight ko para sabay na tayong umalis."

"Kim, you don't understand. Hindi mo ba nakikita na hindi ako pwedeng umalis? Nandito ang buhay ko at ang natupad kong pangarap. H'wag ka naman sanang magpaka-selfish!"

"Selfish?" Bigla nang namuo ang luha sa mga mata niya. "Naririnig mo ba ang sarili mo ba mo Xian? Three years... Three years na hinayaan kong kontrolin mo ang buhay ko. Dapat nga matagal na akong nasa London, 'di ba? Alam mo 'yon. Dapat dati ko pa inaalagaan ang Daddy ko pero I'm still here. I'm still here dahil ayaw mo akong umalis. Ayaw ng parents mo. At ginawa ko ang lahat ng iyon dahil mahal kita. Mahal na mahal. Xian, hindi ako nanunumbat pero ngayon lang ako gagawa ng desisyon para sa sarili ko. Para sa pamilya ko. Kailangan ako ng Daddy ko. Kailangan ako ngayon ng pamilya ko."

Hindi ko na rin napigilan ang mga luha ko habang pinagmamasdan siya. Ngayon ko lang napagtatanto ang lahat ng mga sinasabi niya ngayon. Ayoko mang aminin pero tama siya. Sa relasyon naming dalawa, ako talaga ang naging makasarili.

"Ang sabi mo nandito sa Pilipinas ang pangarap mo at ang buhay mo. Eh ako? Ano ba ako sa iyo? Ano ba ako sa buhay mo? Dahil ako? Tatlong taon kong pinaikot ang mundo ko na ikaw ang buhay ko. Ngayon kung ayaw mo talagang sumama, hindi na kita pipilitin pa. Pero Xian..."

Napadako ang tingin ko sa mga kamay niyang humawak sa kamay ko.

"I'm still hoping na sana parte pa rin ako ng future mo. I'm still hoping na susunod ka..."

'Maraming adjustment ang mangyayari sa buhay mo. Marami kang maiiwan. Maraming mga bagay na kailangan mong isakripisyo.' Boses ni Papa ang umiikot ngayon sa isipan ko bago binawi ko ang kamay ko mula kay Kim. Hindi ko kayang iwanan ang buhay ko dito sa Pilipinas. Hindi ko kayang bitawan ang pangarap na napakatagal bago ko naabot. Hindi ko kaya... Hindi pa. "I have to go, Kim. May pasyente pa akong kailangang puntahan."

*****

Mabilis na lumipas ang mga araw na hindi na kami nag-usap ni Kim. Hindi ko na siya kinausap pa kahit ilang beses niya akong sinubukang lapitan. Mas lalong hindi ko na sinasagot ang mga tawag o text niya. At kahit nasa iisang ospital kami ay hindi na rin kami madalas nagkikita dahil alam kong naging sobrang abala niya sa pag-aayos ng ilang papeles para sa pag-alis niya. Hanggang sa dumating na nga ang araw na pinagdadasal ko na sana ay hindi na dumating. Ang araw ng pag-alis ni Kim. Hindi ako pumasok sa ospital at nag-stay na lang sa bahay sa loob ng kwarto ko. Gusto ko lang mapag-isa. Gusto kong mas makapag-isip.

Inabot ko ang cellphone ko at kinancel ang mga text messages at missed call ni Kim na naka-display sa screen. Binuksan ko ang Facebook ko kung saan ang post kaaagad niya ang bumungad sa akin.

'I'm still waiting... Alam kong darating ka.'

Two hours ago na ang post niya pero nasa top pa rin siya ng newsfeed ko sa dami ng likes at reaction na 'Sad' sa post na iyon. Pinunasan ko ang luha sa mga mata ko bago napatingin sa orasang nakasabit sa dingding. Alam kong sa mga oras na ito ay nakalipad na ang eroplanong kinalulunan ni Kim. Ang eroplanong maglalayo sa kanya paalis ng buhay ko...

'Ngayon lang ako gagawa ng desisyon para sa sarili ko.'

'Kailangan ako ngayon ng pamilya ko.'

'I'm still hoping na susunod ka...'

'Tatlong taon kong pinaikot ang mundo ko na ikaw ang buhay ko.'

'Mahal kita Xian. Mahal na mahal...'

'H'wag mong hayaan na makagawa ka ng desisyon na labis mong pagsisishan sa huli at sa buong buhay mo. Piliin mo kung ano ang magpapasaya sa iyo sa habambuhay.'

Muling nangilid ang luha sa mga mata ko nang simulan kong basahin ang mga text messages ni Kim. Nagkamali ako nang naging desisyon. Tama si Papa na dapat ay mas pag-isipan ko pa nang mabuti ang lahat.

Pinunasan ko ang mga luha bago bumangon sa kama. Pinuntahan ko ang tokador ko kung saan nakalagay ang mga importanteng papeles na naglalaman ng pagkakakilanlan sa akin. Sisimulan ko nang asikasuhin ang passport at visa ko. Aasikasihin ko na ang lahat para makasunod ako sa kanya. Susundan ko si Kim. Ngayon alam ko na kung ano ang kailangan ko. Kung ano ang magpapasaya sa akin sa habambuhay. Kung ano at sino ang totoong pangarap ko. Si Kim lang 'yon wala ng iba...

Tatlong mararahan na katok ang nagpahinto sa ginagawa ko at nagpalingon sa akin sa may pinto kung saan kaagad na tumambad sa akin sina Papa at Mama.

"X-Xian..."

Bakas sa mukha nila pareho ang labis na pag-aalala na pinagtataka ko. Lalo na sa mukha ni Mama na tila anumang oras ay maiiyak na.

"'Pa? 'Ma?" Kinakabahan na ako wala pa man silang sinasabi. 'Yong pakiramdam na parang hindi ko magugustuhan anuman ang sasabihin nila.

Biglang tumunog ang message tone ng cellphone ko. Isa... Dalawa... Mahigit limang sunud-sunod na message tone pa ang narinig ko na tila ba birthday ko ngayaon at sunud-sunod ang mga birthday greeting na dumadating doon. Bigla ring tumunog ang telepono sa loob ng kwarto ko. Hindi ko na alam. Naguguluhan na ako. Naguguluhan na ako kung ano ang uunahin ko. Ang mga text message sa cellphone ko? Ang nagri-ring na telepono? O ang weird na ikinikilos ng mga magulang ko?

Nagsimulang maglakad si Papa palapit sa malaking T.V. sa loob ng kwarto ko. Huminto na rin ang ingay na ginagawa ng cellphone ko pati na rin ng telepono. Tahimik akong nakasunod ng tingin kay Papa na binuksan na ang T.V. kung saan isang flash news ang pinapalabas na parag timing sa nangyayari ngayon. Napalunok ako nang mabasa ko kung nasaan ang lokasyon nang nagbabalita. Sa airport kung nasaan si Kim kanina bago sumakay ng eroplano.

"Isa pong eroplano ang hindi inaasahang bumagsak mula sa AirSkye Airlines kanina lang po alas-nuebe ng umaga."

Kumabog na ang dibdib ko kasunod ang panginginig ng laman ko. Parang may bahagi ng sarili ko na gusto nang agawin ang remote sa kamay ni Papa at i-off ang T.V. ngunit nanatili lang ako sa kinatatayuan ko sa kabila nang nangangatog kong mga tuhod. Ni hindi ko magawang igalaw alinman sa nanginginig na parte ng katawan ko.

"Ang ilang sakay po ng eroplano na kumpiramdong binawian ng buhay ay nakilala na. Narito po ang kanilang mga pangalan..." ang sabi ng newscaster kasunod ang paglitaw ng listahan ng mga pangalan sa malaking screen ng T.V. ko.

"N-no..." Lalong nanginig ang buong katawan ko bago tuluyang napaluhod. Kasama sa listahan ng mga pangalang lumabas ay ang pangalan niya. Ang pangalan ni Kim Chiu. Wala na akong naintindihan pa sa mga sumunod na sinabi ng newscaster. Muli nang nanlabo ang paningin ko dahil sa mga luha. Nang-iinit na ang buong katawan ko kasabay nang panginginig na nararamdaman ko sa buong katawan ko. Hindi ko na tuluyang napigil ang mapahagulhol sa sakit na nararamdaman ko ngayon.

Nananaginip lang ako. Bangungot lang ang lahat ng ito. Hindi ito totoo. Hindi ito pwedeng maging totoo.

"Anak..."

Naramdaman ko ang mahigpit na yakap ni Mama na nagpamulat sa akin na nasa reyalidad ako. Na hindi ako binabangungot... Na lahat ng ito ay totoong nangyayari. Mas naramdaman ko na ngayon ang sakit... Ang sakit ng katotohanan. Ang sakit na may halong pagsisisi.

"This is not happening... This is not real... Ayoko... Hindi ko kaya..."

Yakap ni Papa ang lalong nagpaiyak sa akin. Naramdaman kong pati sila ay umiiyak na rin.

Hindi pwedeng mawala si Kim... Susundan ko pa siya... Susunod ako sa kanya sa London... Magpapakasal pa kaming dalawa... Bubuo pa kami ng isang napakasayang pamilya. Isang masayang pamilya kagaya ng mga pangarap na binuo namin nang magkasama. 

Mga pangarap na kahit kailan ay hindi na matutupad pa. 


  • (5 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

REVENGE OF THE REAL WIFE

Na-comatose si Ashlene dahil naaksidente sila noong katatapos pa lang ng kasal nila ni Jonathan. Subalit paggising niya ay wala na siyang maalala at nasa kandungan na ng iba ang asawa niya!

Image Description
ad_sesa
12 July 2018