Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




The Guy Called Forever

Image Description Makoy_Avelino   |   11 March 2020


Naniwala si Isabel na talagang walang forever nang hiniwalayan siya ng kaniyang nobyo Subalit nang dumating sa buhay niya si Miguel, ang 148 years old na lalaking hindi namamatay, nagbago ang lahat

CHAPTER 9
The Resumption

UMAAGOS ang mga luha ni Isabel habang mataimtim na nagdadasal sa chapel ng ospital. Labis na nag-aalala siya kay Miguel. Napuruhan ito sa nangyaring salpukan ng sinakyan nilang bus at ng isa pang bus sa isang intersection.
Bumangga ang bus sa bahagi kung saan nakapuwesto si Miguel. Duguan ang ulo nito. May mga sugat din siya ngunit hindi tulad ng grabeng mga sugat na natamo nito dahil ito ang pinakamalapit at katabi ng nawasak na bintanang nabangga ng sasakyan.
“Huwag ka nang umiyak,” alo ni Tin sa kaniya pagkaupo niya pagkatapos lumuhod. Tinawagan niya ito kanina habang hinahatid si Miguel sa ospital sakay ng ambulansiya.
“Hindi ko kaya, Tin. Hindi ko alam ang gagawin ko kung mawawala siya.” Pinahid niya ng panyo ang kaniyang mga luha.
“Ano ka ba, Sab? Hindi siya namamatay, hindi ba?”
“Hindi okay ang lagay niya sabi ng doktor,” wika niya. “Napinsala ang utak niya. Hindi pa alam kung hanggang kailan siya mako-comatose.”
“Huwag kang mag-alala. Mabubuhay siya ulit kung sakaling—”
“Hindi siya okay,” sabad ng lalaki mula sa kanilang likuran na halos sabay nilang nilingon ng kaibigan. Mukhang nalulungkot ito. Hindi katulad noong dinala sa ospital si Miguel dahil sa pagligtas ng buhay niya. Masayang sinabi nito noon na ayos lang si Miguel. Subalit ngayon nga ay hindi na ito tulad noon.
Tumayo siya at lumapit dito. “Nate, ano’ng ibig mong sabihin?”
Nagkuwento si Nate. “Binabalot ng mahiwagang kristal ang orasan ng buhay ni Miguel dahilan upang tumigil ang pagpatak ng oras niya. Iyon ang kapalit ng muli niyang pagkabuhay pagkatapos niyang patayin ang kaniyang sarili. Nagpakamatay siya dahil gusto niyang makasama kaagad ang pamilya niyang namatay sa lumubog na barkong sinasakyan nila noon. Pero dahil kinitil niya ang sariling buhay, hindi siya maaaring umakyat sa langit upang makasama ang pamilya niya roon.”
“Kaya binigyan siya ng pagkakataong mabuhay muli pero may isang kondisyon,” dugtong niya. Alam na niya ang bahaging iyon dahil ikinuwento sa kaniya ni Miguel. “Patuloy siyang mabubuhay kahit anong mangyari.”
“Pero dahil sa ‘yo, nabasag ang mahiwagang kristal.”
“Dahil sa akin?”
“Oo. Ibinigay mo sa kaniya ang susi upang magpatuloy ang oras niya.”
“Susi?”
“Sa pagdaloy ng luha ng pag-ibig na tunay at wagas, ang kristal ay mababasag, ang orasan ng buhay ay magliliwanag at magpapatuloy sa pagpatak.”
Luha ng tunay at wagas na pag-ibig. Iyon ang makapagpapatuloy ng oras ni Miguel. Siguradong dahil iyon sa kaniyang pag-iyak dahil sa nangyari dito.
Nagawa na niya. Sa hindi niya inaasahang pagkakataon, nagawa niyang tulungan ito upang magpatuloy sa pagtakbo ang oras nito. Pero dahil naaksidente ito at hindi alam kung kailan magkakaroon ng malay, nais niyang ibalik ang oras para maibalik sa kaniyang mga mata ang mga luhang pumatak mula roon. Para pagkatapos ng walong oras ay magigising ito na parang walang naganap.
“Ano na ang mangyayari sa kaniya ngayon?” Tila wala nang katapusan ang kaniyang pag-aalala.
“Nagpatuloy na sa pagtakbo ang kaniyang oras. Kaya kung ano man ang nangyari sa kaniya ngayon ay magpapatuloy na rin. Hindi na siya magigising na parang walang nangyari pagkatapos ng walong oras. Bumalik na sa normal ang kaniyang oras.”
“Bakit kasi hindi niya sinabi sa akin kung paano tatakbo ang oras niya? Kung sinabi lang niya sana.”
“Kapag sinabi niya, mamamatay siyang hindi makaaakyat sa langit. Habambuhay na magdurusa ang kaluluwa niya sa nagbabagang apoy.”
Natahimik siya, napaisip. Naalala niya ang sinabi ni Miguel na may hindi magandang mangyayari kapag sinabi nito kung paano niya ito matutulungan. At nalaman na nga niya kung ano iyon mula sa tagabantay nito.
Paano kung hindi na magising si Miguel? Paano kung mamatay na ito? Mas mabuti na rin iyon. Mas mabuti nang mawala ito na makaaakyat sa langit, kaysa mawala at sa nagbabagang apoy naman ang patutunguhan.
Ang mga patak ng luha niya ay nagpapatunay lamang na tunay at wagas ang pag-ibig niya para kay Miguel.
Muling dumaloy ang mga luha niya. Napayakap siya kay Tin. Kaagad naman niyang naramdaman ang mga kamay nito sa likod niya.
“May awa ang Diyos, Sab,” sabi ni Tin. “Huwag kang mag-alala. Magigising siya. Magiging maayos din ang lahat,” pagpapalakas nito ng loob niya.
Kumalas siya rito. “Hindi ko kakayanin kung hindi siya magigising.”
“Tama si Tin, Isabel” sang-ayon ni Nate. “Hindi pababayaan ng Diyos si Miguel.”
Nagkatinginan ang kaibigan niya at si Nate. Nginitian ng mga ito ang isa’t isa.
Kapagkuwan ay muling bumaling sa kaniya si Tin. “Hinding-hindi siya pababayaan ng Diyos. Magtiwala lang tayo sa Kaniya.”
Muli niyang niyakap ang kaibigan.

PINAGMASDAN ni Isabel ang walang-malay na katawan ni Miguel na nakahiga sa hospital bed sa intensive care unit.
Nakaaawa ang itsura nito. May bendang nakapaikot sa ulo nito at may mga gasang nakatakip sa mga sugat nito sa mukha. Sari-saring aparato ang nakakabit sa katawan nito. Napansin din niya ang pagkulubot ng balat at ang pagputi ng buhok nito. Pumapatak na ngang muli ang bawat oras nito.
Hindi niya mapigilan ang mga luha niya. Tila may sariling buhay ang mga iyon na kusa at awtomatikong pumatak na lang kahit hindi niya naramdaman na naiiyak siya.
Ilang linggo na ang nakalipas buhat nang mangyari ang aksidente. Ilang linggo na rin ang nakalipas at hindi pa rin ito nagigising. Nanatili pa rin itong comatose. Ilang linggo na rin siyang pabalik-balik sa ospital. Pagkatapos ng klase niya ay dumideretso siya roon. Tinitiis niya ang pagod para sa lalaking iniibig.
Minsan ay sinasamahan siya nina Nate, Tin, at Ian. Alam na ng mga kapatid niya ang tungkol kay Miguel. Nang una ay hindi naniwala ang mga ito pero nakumbinsi rin niya ang mga ito na totoo ang isinalaysay niya.
Minsan naman ay sabay na kasama niya sa pagbabantay sina Nate at Tin. Sabi ng best friend niya sa kaniya ay nakikipag-usap na nang matagalan si Nate dito. Natuwa siya sa nalaman ngunit hindi niya magawang maging masaya nang lubusan para sa kaibigan dahil nangingibabaw ang lungkot niya sa kalagayan ni Miguel.
Araw-araw ay nananalangin siya sa Diyos na sana gumising na ang lalaking pinakamamahal niya. Iyon na lang ang tanging magagawa niya.

GUMALAW ang mga daliri ni Miguel. Naramdaman niyang may humahawak sa kamay niya. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata. Una niyang nakita ang babaeng natutulog sa tabi niya.
Si Isabel.
Nakaupo ito at nakahilig ang kabilang pisngi sa gilid ng hospital bed. Nakaharap ang magandang mukha nito sa kaniya. Napangiti siya. Ngunit napalis iyon nang maalala niya ang aksidenteng nagdala sa kaniya sa ospital na kinaroroonan niya ngayon.
Muling bumalik ang ngiti sa kaniyang mga labi nang makita niya ang kamay ni Isabel na nakahawak sa kamay niya. Dahan-dahang hinawakan niya ang kamay nito. Gumalaw ito. Mayamaya ay nagmulat.
“Miguel?”
Sinubukan niyang ngumiti nang malapad ngunit hindi niya masyadong magawa. Marahang pinisil niya ang kamay nito. Ngumiti ito. Isang ngiting masaya at puno ng pag-asa.
Tumawag ito ng nurse at sinabing gising na siya.

NAKALABAS si Miguel sa ospital pagkatapos ng mahigit isang buwang pamamalagi roon habang walang malay. Nang magising siya ay pinanatili muna siya ng doktor ng ilang araw upang obserbahan bago pinalabas.
Subalit maraming pagbabagong nangyayari sa kaniyang pisikal na anyo.
Tiningnan niya ang kaniyang sarili sa harap ng salamin. Kumulubot at lumaylay ang balat niya. Nagkaroon siya ng mga lukot at linya ang kaniyang noo at ilalim ng nanlalabo niyang mga mata. Nanuyo ang mga labi niya na animo’y hindi umiinom ng tubig. Manipis na ang buhok niya at puti na ang kulay niyon. Kumuba na rin ang kaniyang likod. Nang magsalita siya ay narinig niya ang sarili na boses-matanda na. At nadadagdagan ang mga pagbabagong iyon sa pagdaan ng bawat araw.
Sa madaling salita, tumanda siya. Naging matanda siya sa napakabilis na panahon. At pakiramdam niya ay unti-unti siyang nanghihina. Pakiramdam niya ay malapit na siyang mawala sa mundo. At hindi iyon epekto ng nangyaring aksidente o ang pagkawala ng kaniyang malay.
Naalala niya nang kinausap siya ni Nathaniel nang magising siya.
“Nabasag na ang mahiwagang kristal na bumabalot sa orasan ng buhay mo. At mula ngayon, walong araw na lang ang nalalabing panahon mo sa mundo.”
Malapit na nga talaga siyang lumisan. Malapit na siyang mamatay. Sa wakas ay malapit na niyang makasama ang pamilya niya. Ngunit bakit hindi siya masaya?
Paano na si Isabel? Paano na ang pag-iibigan nilang dalawa? Bakit ba kung kailan maayos na ang lahat ay iiwan naman niya ito kahit hindi pa niya gusto? Nais pa niyang makasama ito ng mahabang panahon. Subalit mukhang hindi na mangyayari iyon.
Kanina ay nagpadala ito ng mensahe na pupuntahan siya nito dahil wala itong pasok sa trabaho kinabukasan. Hindi niya sumagot. Sa halip ay pinilit niya ang sarili na tumungo sa labas upang ikandado ang tarangkahan. Sinarado niya ang lahat ng pinto at mga bintana ng bahay at nagkulong sa kaniyang silid.
Hinarap niya ang kaniyang laptop. Kahit sumasakit ang katawan niya at nanghihina ay pinilit niyang dugtungan ang sinusulat niyang nobela na tungkol sa kuwento nila ni Isabel.
Nais niyang mapag-isa. Mabuti na ang ganoon. Mas mabuting ikulong na lang niya ang kaniyang sarili sa kaniyang silid. Mas mabuting mamatay na lang siyang mag-isa kaysa mahirapan itong makita siya sa kaniyang kalagayan. Ayaw niyang maging pabigat sa babaeng iniibig niya. Dapat ay minamahal niya ito. Hindi pinahihirapan.
Subalit hindi kaya mas mahirapan ito kung hindi siya nito makikita? Paano kung hindi nito kayanin na hindi man lang siya nito masilayan? Hindi kaya mas mahihirapan ito sa ginagawa niya?
Marahil ganoon talaga ang pagmamahal. Minsan ay kailangang magsakripisyo. Masasanay rin naman siguro ito na hindi siya nakikita. Masasanay rin siguro ito na wala siya.
Hindi niya mapigilan ang pagpatak ng mga luha niya habang tinitipa ang mga salitang iyon.

NAGTATAKA si Isabel dahil sarado ang bahay ni Miguel pagdating niya roon. Nakakandado ang tarangkahan at walang nakasindi ni isang ilaw. Tinawag niya ito at tinawagan niya rin ito sa cell phone nito pero wala siyang nakuhang sagot mula rito.
Saan kaya ito pumunta? Hindi kaya nito natanggap ang text message niya?
Tinawagan niya si Nate. Gusto nitong magkita sila nang sinabi niya rito na walang tao sa bahay ni Miguel. Nagkita sila sa Happy Coffee. Lagi na itong pumupunta roon mula nang naging maging kaibigan nito si Tin. Katunayan ay nagtatrabaho ito roon. Nangangailangan kasi ng isa pang waiter. Tinanggap ito ng kaibigan niya nang magpumilit itong mag-apply.
“Nandoon siya sa bahay niya,” imporma ni Nate, tinutukoy si Miguel.
“Pero bakit sarado at patay ang lahat ng ilaw?”
“Ayaw niyang makita mo siya.”
“Bakit? Ayaw na ba niya sa akin? Bakit hindi niya sabihin sa akin nang harapan na gusto na niyang makipaghiwalay?”
“Hindi ganoon iyon.”
“Eh, ano?” naiinis na tanong niya.
Tumigil ito ng ilang segundo bago nagsalita. “Isabel, malapit nang mawala si Miggy.”
Natigilan siya.
Nagpatuloy si Nate sa pagsasalita. “Ngayong nabasag na ang mahiwagang kristal na nababalot sa orasan ng buhay ni Miguel, unti-unti siyang tatanda, hanggang sa umabot siya sa kasalukuyang edad niya. Manghihina siya at mamamatay pagkatapos ng walong araw mula nang magising siya. Iyon ang patakaran ng hari, ang batas ng Lupain ng Walang Hanggan.”
Umiling siya. Ayaw niyang maniwala sa nalaman pero kinuwenta niya sa isip kung ilang araw na lang ang natitira sa buhay ni Miguel dahil ilang araw na ang nakalipas mula nang magising ang kaniyang nobyo. “Hindi totoo iyan.”
“Iyon na ang mga nangyayari sa kaniya ngayon, Isabel.”
“Hindi na ba puwedeng pakiusapan ang hari? Ikaw, Nate, wala ka bang magagawa?”
Malungkot na umiling ito. “Kailanman ay walang hindi tinupad ang hari sa kaniyang sinabi, lalong-lalo na at patakaran iyon ng Lupain ng Walang Hanggan.”
“Gusto kong makausap ang hari. Makikiusap ako sa kaniya. Please, Nate. Dalhin mo ako sa kaniya.”
“Pasensiya ka na pero hindi kita puwedeng dalhin doon. Pinakiusapan ko na ang hari. Nagmakaawa na ako sa kaniya. Kaibigan ko si Miguel. Kaibigan ko kayo. Ayaw kong magkahiwalay kayo. Gusto kong magsama pa kayo nang matagal. Pero patawarin mo ako, Isabel. Hindi ko siya napapayag. Dapat nga ay namatay na siya pagkatapos ng walong araw mula nang mabasag ang mahiwagang kristal. Subalit hinayaan niyang magising si Miguel saka sinimulan ang walong araw. Maging ako ay malungkot din dahil kapag namatay si Miguel, mawawala na rin ako sa mundo ng mga tao. Awtomatikong babalik ako sa Lupain ng Walang Hanggan.”
“Wala na ba talagang ibang paraan?”
Umiling ito. “Pasensiya ka na.”
Napayakap siya sa katabi niyang si Tin na nakahandang umalo sa kaniya upang kahit papaano ay lumuwag ang pakiramdam niya. Kahit wala itong sinasabi, nararamdaman niya na nalulungkot ito para sa kaniya.
Muling nagsalita si Nate. “Naniniwala ako na lahat tayong mga nilalang dito sa mundo ay mga variable sa isang equation. Parang x + y = z. Puwedeng ma-cancel ang x, ang y, o ang z. Pero magkakaroon ulit ng x, y, at z sa mga susunod na equation. Kung mawala man si Miguel, sigurado akong magiging variable ulit siya sa susunod na equation at posibleng magkita at magsama kayo roon. Kaya huwag kang mag-alala.”
Kumalas siya kay Tin at bumaling sa tagabantay ni Miguel. “Tulungan mo ako, Nate. Pakiusap, tulungan mo ako,” naiiyak na wika niya. “Gusto kong makita si Miguel. Gusto kong makasama ang lalaking mahal ko sa mga natitirang oras niya sa mundo.”
Tumango si Nate bilang pagsang-ayon habang nakangiti—ngiti na alam niyang malungkot.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
17 October 2019
Bleeding Love

A nerve-wracking marriage of two old lovers who broke up once few years ago If there will be a reverse button, would they choose to click it

Image Description
mariaIea
01 August 2019