Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




The Guy Called Forever

Image Description Makoy_Avelino   |   27 January 2020


Naniwala si Isabel na talagang walang forever nang hiniwalayan siya ng kaniyang nobyo Subalit nang dumating sa buhay niya si Miguel, ang 148 years old na lalaking hindi namamatay, nagbago ang lahat

CHAPTER 2
The Mistaken Ghost

NAPAMULAT si Isabel nang maramdaman niyang tila bumukas ang kabaong. Nakatulog siya habang nagbabantay sa burol ng lalaking nagligtas ng buhay niya.
Naiwan siya sa silid na iyon ng punerarya. Sinamahan siya kanina nina Tin at Nate upang maglamay kay Miguel. Binalikan ni Tin ang naiwan nitong trabaho sa negosyo nito. Umalis naman si Nate, may importanteng pupuntahan.
Tinawagan niya kanina si Ian, ang kapatid niyang sumunod sa kaniya. Sinabi niyang hindi muna siya makauuwi dahil may mahalaga siyang aasikasuhin. Saka na niya ikukuwento ang nangyari. Binilin niyang ito na muna ang bahala kay Isaiah, ang bunso nilang kapatid. Hotel and Restaurant Management student si Ian kaya hindi niya pinoproblema kung kumain na ang mga ito.
Tulad ni Miguel, ulilang lubos din siya. Namatay sa panganganak sa kanilang bunso ang kaniyang ina. Graduating siya sa college nang mamatay sa sakit ang kaniyang ama. Ang malalapit nilang kamag-anak ay sa ibang bansa na naninirahan. Ang malalayong kamag-anak naman nila ay nasa probinsiya. Ang kaibahan nila ni Miguel, kapiling niya ang dalawa niyang kapatid.
Nanatili siyang nakaupo habang bahagyang nakayuko. Pinakiramdaman niya ang paligid. Nanayo ang mga balahibo niya. Ilang sandali pa ay napansin niya ang mga paang tumapak sa sahig. Bumaba kaya ang bangkay mula sa kabaong? Kinilabutan siya lalo.
Namilog ang kaniyang mga mata nang iangat niya ang mukha. Tama ba ang nakikita niya? Baka namamalikmata lang siya. Tinanggal, pinunasan, at muli niyang ibinalik ang salamin sa kaniyang mga mata. Hindi siya nananaginip. Totoo na ang lalaking nagligtas ng buhay niya ay nakatayo sa tabi ng nakabukas na kabaong nito, seryoso ang mukhang nakaharap sa kaniya.
“M-Multo? Multo.” Gusto niyang isigaw iyon ngunit maging siya ay tila hindi narinig ang kaniyang sarili.
“H-Hindi,” sabi nito. Humakbang ito papalapit sa kaniya. “Ako’y hindi multo.”
Naalala niya ang sinabi ni Nate na may malalaman siya pagkalipas ng walong oras pagkatapos mamatay ni Miguel. Sumulyap siya sa orasang-pambisig niya. Apatnapu’t apat na minuto makalipas ang hatinggabi. Labing-anim na minuto bago mag-alas singko ng hapon nang mamatay ito kahapon. Eksaktong walong oras na ang lumipas.
Hindi niya kinaya. Hindi na niya alam ang sumunod na nangyari dahil nawalan siya ng malay.

NASALO ni Miguel ang babae bago pa ito bumagsak sa sahig. Umupo siya at hinayaan ito sa kaniyang mga bisig.
Tinitigan niya ito. Napakaamo ng mukha nito. Tila isang anghel na nalaglag mula sa langit at bumagsak sa kaniyang mga kamay. Tinanggal niya ang salamin nito. Nang mapansin niyang may basag iyon at ang palad, siko, at tuhod nitong may gasa, naalala niya ang nangyaring aksidente kung saan ito sana ang mababangga ng sasakyan. Hindi na mahalaga sa kaniya ang nangyari. Tapos na iyon. Ang importante ay ligtas ito.
Natuon ang atensiyon niya sa taglay nitong kagandahan.
Hindi bilugan pero hindi rin mahaba ang mukha nito. Hindi matangos ngunit hindi rin pango ang ilong nito. Hindi manipis subalit hindi rin makapal ang mga labi nito. Hindi maputi ngunit hindi rin maitim ang kulay ng balat nito. Hindi ito matangkad subalit mukhang hindi rin naman pandak. Tantiya niya ay hanggang dibdib niya ito. Hindi ito payat pero hindi rin naman mataba.
Katamtaman lang ang pisikal nitong anyo. Sakto lang.
Napakurap siya nang gumalaw ito. Nang magmulat ito ay muli itong nagulat nang makita siya. Tinulak siya nito. Dinampot nito ang salamin nito at lumayo sa kaniya.
“Multo!” sigaw nito. “Multo!” Nang tila akmang sisigaw ulit ito ay nilapitan niya ito at tinakpan ang bibig.
“Hindi ako multo,” pagtatama niya. Kinuha niya ang kamay nito at dinala sa pisngi niya. “Sabihin mo sa akin ngayon, may multo bang nahahawakan?”
Tila hindi ito makapaniwala. Hinawakan pa nito ng isang kamay ang kabilang pisngi niya. Bumaba ang mga kamay nito sa leeg, sa mga balikat, sa dibdib, sa tagiliran, at sa baywang niya. Pinigilan niya ito pagkatapos nitong hawakan ang tiyan niya.
“Ano ang iyong ginagawa?”
“Sinisiguro ko kung hindi lang mukha mo ang puwedeng hawakan,” sagot nito.
“Baka naman gusto mong mahawakan ang aking buong katawan.”
“Sa tingin mo, interesado ako sa katawan mo?”
“Hindi ako ang nagsabi niyan.”
“For your information, hindi ako naaakit sa katawan mo. Sinisiguro ko lang talaga kung hindi ka nga multo.”
“Ikaw ba’y naniniwala na ngayon na ako’y hindi isang multo?”
“Kung hindi ka multo, ano ka? Imortal? Engkanto?”
“Katulad mong tao.”
“Patay ka na, hindi ba?”
“Ako’y hindi namamatay.”
“May super power ka ba? Superhero ka?”
“Basta, nabubuhay ako kapag namamatay ako.”
Sandaling natahimik ito. “Anong klaseng nilalang ka, Juan Miguel Tajanlangit?”
“Paano mo nalaman ang aking pangalan?”
“Sa kaibigan mo.”
“Kay Nathaniel?”
Napaisip ito. “O-Oo. Kay Nate. Kung siya nga ang tinutukoy mo.”
“Gusto rin niyang ‘Nate’ ang aking itawag sa kaniya pero tinatawag ko pa rin siyang Nathaniel. Hindi kasi ako sanay na tumatawag sa palayaw. Ayaw ko sanang ako’y tawagin niyang ‘Miggy’ ngunit akin nang nakasanayan,” wika niya.
“Mas maganda ngang pakinggan ang ‘Miguel.’”
Hindi niya pinansin ang sinabi nito. “Nasaan na si Nathaniel?”
“Umuwi na.”
“Tara, tayo’y umuwi na rin.”
“Ha? Paano ito?”
“Ang alin?”
“Itong burol mo.”
“Hayaan na natin. Teka.” Lumapit siya sa kabaong at sinara iyon. Kinuha rin niya ang nakakuwadro niyang litrato. “Saan mo ito kinuha?”
“Hiningi ko kay Nate. Pina-print ko mula sa cell phone niya.”
“Kanino ka pa nga naman kukuha nito? Siya lang naman ang aking nag-iisang kaibigan.” Kinuha niya mula sa upuan ang gawa sa kuwero at kulay kayumangging bag niya at inilagay sa loob niyon ang larawan. “Halika na,” muling pagyaya niya rito.
“Paano ka ba nabuhay? Bakit?” sa halip ay tanong nito.
“Ikaw ba’y maniniwala kung sasabihin ko sa iyo?”
“Kung naniniwala ako na hindi ka multo, baka maniwala rin ako kung sasabihin mo sa akin kung paano at bakit ka nabuhay ulit.”
“Puwede bang pag-usapan natin iyan habang kumakain? Ako kasi’y nagugutom na.”
Palinga-linga at patago-tago ito habang lumalabas sila sa funeral home. Sumunod lang siya rito habang ini-imagine ang reaksiyon ng mga tao sa punerarya kapag nakita ng mga ito na wala na ang bangkay ni Miguel sa kabaong.

“PINARUSAHAN ako.”
“Pinarusahan?” ulit ni Isabel sa sinagot ni Miguel nang muli niyang tinanong ito kung paano at bakit ito nabuhay. Nasa isang twenty-four/seven convenient store sila at kumakain nang mga sandaling iyon.
“Ako’y pinarusahan na parang biniyayaan din.”
“Ano ba talaga?” naguguluhang tanong niya saka humigop ng kape.
“Biyaya dahil hindi ako namamatay. Parusa sapagkat mahirap palang mabuhay nang paulit-ulit.”
Natahimik siya ng ilang segundo habang tahimik na tinitingnan ito. Walang bakas ng sugat at gasgas. Parang hindi ito naaksidente. Parang walang nangyari.
“Ito nga siguro ang sinabi ni Nate na malalaman ko after eight hours pagkatapos mong mamatay. Sabi kasi niya na okay ka lang. Kasi kapag namamatay ka, nabubuhay ka rin naman ulit pagkalipas ng walong oras.”
“Ako’y namatay na noong panahon ng Kastila, pinatay noong panahon ng Hapon, napatay noong panahon ng Amerikano, namatay sa iba’t ibang aksidente nang mga sumunod pang taon. At unang beses kong nagligtas ng buhay kahapon.”
Kinilabutan siya. “Nakakatakot naman. Pero alam mo, puwede kang magturo ng History. Sa tingin ko ay sobrang effective mong teacher kasi marami kang karanasan noon.”
Nanahimik lang ito. Mukhang hindi nito pinansin ang sinabi niya.
Muli siyang nagsalita. “Nagpapasalamat ako sa ‘yo dahil iniligtas mo ang buhay ko.”
“Maliit na bagay.” Kumagat ito ng siopao.
“Sobrang laking bagay,” pagtatama niya. “Siguro isa iyon sa mga rason kung bakit ka binigyan ng pagkakataong mabuhay ulit. Ng pagkakataong mabuhay nang paulit-ulit. Dahil kung namatay ako, hindi ako tulad mo na mabubuhay ulit. Babawi ako sa ‘yo.”
“Hindi na kailangan.”
“Kung namatay ako sa aksidenteng iyon, paano na ang mga kapatid ko? Kawawa naman sila. Hindi ko na sila matutulungan. Nag-aaral pa sila.”
“Akala ko nga ika’y magpapakamatay.”
“Iyon ang hinding-hindi ko gagawin.”
Kapagkuwan ay parang may dumaang anghel nang ilang segundo.
“Nasaan ba ang mga magulang ninyo?” basag nito sa namagitang katahimikan.
“Pumanaw na sila.”
“Naalala ko tuloy ang aking mga magulang,” malungkot na pahayag nito. “Matagal na akong nasasabik na makapiling sila pati ang aking mga kapatid.”
“Naikuwento nga ni Nate ang nangyari sa pamilya mo, ang nangyaring trahedya. Ikinalulungkot ko ang nangyari sa kanila.”
Nagkuwento rin ito tungkol sa pinakamamahal nitong si Cecilia na kasama rin sa trahedya. Nalungkot at humingi siya ng paumanhin nang sinabi pa nitong nakatakda na ang kasal ng mga ito.
“Isang daan apatnapu’t walong taon na akong nabubuhay, namamatay, at muling nabubuhay sa mundong ito ngunit pakiramdam ko’y parang kahapon lang nangyari ang lahat,” anito kapagkuwan.
“Kahit matagal nang nangyari ‘yon, nakikiramay ako sa ‘yo,” puno ng pagdadalamhating saad niya.
“Maraming salamat,” turan nito.
Iniba niya ang usapan. “Kung one hundred forty-eight years old ka na ngayon…” aniya habang nagkukuwenta sa isip. “1872 ka ipinanganak?”
“Oo, ganoon na nga.”
“Kung 1872 ka ipinanganak at twenty-four years old ka namatay, ibig sabihin, 1896 talaga ang date of death mo?”
Tumango ito. “Huling linggo ng tag-araw ng taong labing-walong daan siyamnapu’t anim nang aking kitlin ang sarili kong buhay.”
Nagulat siya sa nalaman. “Nagpakamatay ka?”
“Dahil ayaw kong mabuhay mag-isa. Dahil nais kong makasama ang aking pamilya sa kabilang buhay. Lalo na ang babaeng pinakamamahal ko. Ngunit huli ko na naisip na mali ang ginawa ko.”
“Maling-mali talaga iyon. Mabuti at binigyan ka ng pagkakataong mabuhay ulit.” Sa wakas ay nahanap na niya ang pagkakataon upang itanong: “Sino ang nagparusa sa ‘yo at bakit ka pinarusahan nang ganoon?”
“Ikaw ba’y maniniwala sa akin kung sasabihin ko sa iyo?”
“Hindi ba dapat ako maniwala sa sasabihin mo?”
“Hindi mo ba naiisip na baka may deperensiya ako sa utak?”
“Hindi ka naman baliw, hindi ba?”
“Ano ba sa tingin mo?”
“Hindi,” kaagad na sagot niya.
“Iniligtas ako ni Gabriel, isang infinito, mula kay Kamatayan,” panimula nito. “Ang mga infinito ay mula sa Lupain ng Walang Hanggan. Tagapagligtas at tagapagbantay sila ng mga taong hindi pa nakatakdang mamatay. Para silang mga anghel sa lupa. Hindi nga lang sila nakaputi. Mapusyaw na bughaw ang kulay ng kanilang kasuotan. Ang mga taong nagpapakamatay ay pinarurusahan. Pinarusahan ako ng Diyos sa pamamagitan ng infinito. Naniniwala ka ba sa akin?” tanong nito kapagkuwan.
“Oo naman.”
“Talaga?” paniniguro nito.
“Mukha ba akong hindi nagsasabi ng totoo?”
“Mukha ba akong nagsasabi ng totoo?”
“Nagsasabi ka ba talaga ng totoo?”
“Oo naman. Tapat ako. Ako’y naniniguro lang kung naniniwala ka ngang talaga.” Inubos nito ang kinakain. “Sige, ako’y mauuna na sa iyo,” paalam nito.
“Uuwi ka na?”
“Oo. Salamat sa libre, ha?”
Sinabi nito kanina na ito na lang ang magbabayad pero tumanggi siya. Iginiit niya na siya ang magbabayad. Sinundan siya nito nang pumila siya sa counter. Pero hinayaan na siya nito sa pagbayad ng mga kinain nilang siopao at ininom na kape.
“Kulang pa ito sa ginawa mong pagligtas sa buhay ko,” aniya. “Paano ba ako makababayad sa ‘yo?”
“Hindi na kailangan. Pasensiya ka na kung gumastos ka pa para sa burol ko. Babayaran na lang kita.”
Pinigilan niya ito nang akmang may kukunin ito mula sa bag nito. “Huwag na.”
“Hindi. Kailangan kitang bayaran. Pati ang ginastos mo sa akin sa ospital.”
“Okay lang iyon.”
Ilang beses pa itong nagpumilit na bayaran siya pero patuloy siya pagtanggi.
“Ikaw ang bahala,” pagsuko nito. “Huwag ka nang mag-alala. Mabuti na ako. Ayos lang ako. Maraming salamat.”
“Hindi, salamat sa ‘yo.”
Ngumiti ito at humakbang palabas ng store. Sumunod siya rito. Humarap ito sa kaniya nang makarating sila sa labas.
“Sekreto lang natin ito, ha?” sabi nito.
“Oo naman,” pangako niya.
“Salamat sapagkat ika’y naniniwala sa akin. Sige, mag-ingat ka,” anito saka nagpatuloy sa paglalakad.
“Hindi ako papayag,” sabi niya.
Napatigil ito sa paghakbang. Hinintay niya na muli itong humarap pero nagpatuloy ito sa paglalakad pagkatapos ng ilang segundo.
“Hindi ako papayag na basta ka na lang aalis.” Nagpatuloy siya sa pagsasalita nang humarap ito sa kaniya. “Hindi ito isang ordinaryong pagkakataon. Hindi ko gusto na sa ganitong paraan lang ako makababawi. Bukal sa puso na gusto kong bumawi sa ‘yo.”
“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na huwag kang mag-alala sa akin dahil ayos lang ako?”
“Gusto pa kitang makilala.”
“Ako’y walang panahon upang kilalanin ka.”
“Gusto kitang tulungan.”
“Hindi ko kailangan ng tulong. Sanay na ako at tanggap ko nang hindi ako mamamatay. Hindi na ako umaasang may makatutulong pa sa akin.”
“Paano ba kita matutulungan?”
“Walang nakaaalam kung paano.”
“Alam kong alam mo.”
“Mag-uumaga na. Baka hindi nakatulog nang maayos ang mga kapatid mo sa kahihintay at pag-aalala sa iyo.”
“Hindi ako uuwi hangga’t hindi mo sinasabi kung paano kita matutulungan.”
“Natatakot ako.”
“Saan?”
“Natatakot akong maging malapit sa mga tao.”
“Bakit?”
“Dahil darating ang araw na iiwan din nila ako. Darating ang araw na maiiwan din akong mag-isa.”
“Hindi puwede sa akin na hindi ko na makikita ulit ang taong nagligtas ng buhay ko. Bahagi ka na ng buhay ko mula ngayon, Miguel.”
“Hindi ko gustong maging bahagi ako ng buhay mo o maging bahagi ka ng buhay ko. Kalimutan mo na ang nangyari. Kalimutan mo nang may nagligtas ng iyong buhay. Kalimutan mo na ako. Kung magkakasalubong man tayo, magkunwari kang hindi mo ako kilala. Magkukunwari din akong hindi kita kilala.”
“Kung kaya mong magkunwari na hindi tayo magkakilala, hindi ko kaya ‘yon. Habang nabubuhay ako, asahan mong nandito ako para sa ‘yo.”
Tinitigan siya nito. Ilang sandali pa ay lumapit ito sa kaniya at biglang sinakop ang kaniyang mga labi. Namilog ang mga mata niya ngunit dahan-dahan din siyang pumikit. Mayamaya ay hindi na niya naramdaman ang mga labi nito sa mga labi niya.
Pagmulat niya ay wala na ito.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
17 October 2019
Bleeding Love

A nerve-wracking marriage of two old lovers who broke up once few years ago If there will be a reverse button, would they choose to click it

Image Description
mariaIea
01 August 2019