Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




The Guy Called Forever

Image Description Makoy_Avelino   |   30 January 2020


Naniwala si Isabel na talagang walang forever nang hiniwalayan siya ng kaniyang nobyo Subalit nang dumating sa buhay niya si Miguel, ang 148 years old na lalaking hindi namamatay, nagbago ang lahat

CHAPTER 3
The Other Secret

LAMAN NG ISIP ni Isabel si Miguel habang nasa harap ng mesa kasama ang mga kapatid.
“Okay ka lang ba, Ate?” untag ni Ian.
“H-Ha? O-Oo. Oo naman,” aniyang tila bumalik ang kaniyang isip sa utak niya mula sa paglipad sa isang alaala.
“Ate, wala pa pong bawas ang pagkain mo,” ani Isaiah.
“Mukha bang hindi masarap ang mga luto ko, Ate?” anang third year college niyang kapatid na scholar sa isang kilalang pamantasan at kumukuha ng kursong HRM.
“Hindi, Ian. Ikaw pa!” nakangiting sabi niya. “Ikaw na future masterchef mula sa angkan ng mga Sta. Maria, hindi masarap magluto? Aba, ako ang unang mang-aaway sa magsasabi niyan.”
“Pero Ate, may problema ka ba?” Tila balewala rito ang sinabi niya. “Ano ba talaga ang nangyari? Nanghihingi ba ng malaking pera ang tumulong sa ‘yo?” Ikinuwento niya kanina sa mga kapatid niya ang nangyaring aksidente. Bakit hindi raw kaagad niya ipinaalam? Pero labis na nagpasalamat ang mga ito dahil ligtas siya. “Bina-blackmail ka ba niya, Ate?” tanong pa ni Ian.
“Hindi. Okay na ‘yon.”
“Okay na? Sigurado ka, Ate? Parang hindi naman.”
“Tama si Kuya, Ate,” sang-ayon ni Isaiah. “Kanina ka pa po natutulala.”
“Naalala ko lang sina Mama at Papa,” dahilan niya. Pero dahil nabanggit niya, kasama na rin iyon sa naisip niya. Ngunit mas nangingibabaw pa rin ang natikman niyang unang halik mula kay Miguel.
Kahit mahigit apat na taon ang naging relasyon nila ni Kurt, hindi siya nahalikan sa mga labi ng dati niyang nobyo. Siguro dahil hindi talaga nito nakalimutan ang dati nitong nobya. At ang mga ito talaga siguro ang nakatakda para sa isa’t isa. Nalungkot siya bigla at kumirot ang puso niya sa naisip.
Nalungkot naman ang mga kapatid niya dahil sa sinabi niyang naalala niya.
“Sorry, Ate. Sorry, Kuya. Kung hindi dahil sa akin, kasama pa sana natin si Mama ngayon.” Kapag pinag-uusapan ang mga magulang nila, iniisip ni Isaiah na ito ang dahilan kung bakit namatay ang kanilang ina. Sinisisi nito ang sarili.
“Wala kang kasalanan, bunso. Hindi mo kasalanan iyon,” sabi niya. Niyakap niya ang walong taong gulang niyang kapatid nang pumatak ang mga luha nito.
“Kasalanan ko po,” anito sa pagitan ng paghagulgol.
“O, huwag ka nang umiyak.” Inalo niya ang kapatid.
Tumigil sa pag-iyak si Isaiah. Pinainom niya ito ng tubig. Ngumiti ito nang gumaan na ang pakiramdam.

NAKATANGGAP ng tawag si Isabel mula kay Tin. Pupunta raw ito sa funeral home. Sinabihan niya itong huwag nang tumungo roon. Ikukuwento na lang niya kung ano ang nangyari.
Kinaumagahan ay pinuntahan siya ng kaibigan niya. Hindi ito makapaniwala sa ikinuwento niyang dahilan ng nangyayaring kababalaghan kay Miguel.
“Nangako ako sa kaniya na sekreto lang namin ito pero sinabi ko sa ‘yo,” nakokonsensiyang wika niya.
“Okay lang ‘yan. Best friend mo naman ako. At saka, ayaw na rin naman niyang magkita kayo, hindi ba?”
“Oo. Pero nangako pa rin ako.”
“Hayaan mo na. Hindi ko naman ipagkakalat.”
“May tiwala naman ako sa ‘yo.”
“Baka ang Nate pa na ‘yon ang magkalat.” Umiba ang tono ng boses nito nang mabanggit ang pangalan ng lalaki.
“Si Nate? Mukhang hindi naman,” naisip niya. “Kasi kung ipagkakalat niya ‘yon, sana sinabi na niya kaagad sa atin. Mukhang hindi naman siya madaldal.”
“Sige, ipagtanggol mo pa ang mokong na ‘yon.”
“Bakit ba parang inis na inis ka riyan?”
“Ang yabang kasi niya.”
“Mukha namang mabait, ah.”
“Mukha lang,” pagtatama nito. “Hindi niya kaya ako kinausap. Hindi niya sinagot ang mga tanong ko. Suplado. Akala mo kung sinong guwapo.”
“Hindi ba?”
“Guwapo. Ay, hindi pala!” bawi kaagad nito.
“Bawal nang bawiin. Pero kaya mo ba binawi at sinabing hindi siya guwapo kasi hindi niya pinansin ang ganda mo?”
“Pangit lang talaga siya.”
“Sus, kunwari ka pa.”
“Oo na. Guwapo na siya kung guwapo. Pero nakakainis siya. Bakit kaya hindi niya ako pinapansin?”
“Baka nahihiya lang.”
“As in kahit oo at hindi, hindi niya masabi sa sobrang hiya? Hindi mo ba napansin na sa ospital pa lang tayo, tinitingnan lang niya ako na parang walang kaemo-emosyon?”
“Baka nagagandahan lang sa ‘yo.”
“Ganoon na ba ako kaganda?”
“Matagal na, hindi ba?”
“Alam mo, best friend talaga kita.”
Ngumiti siya. “Of course.”
“Tungkol ulit kay Nate…” tila may iniisip na wika nito.
“Sabihin mo nga sa akin, Tin, nami-miss mo ba siya?”
“Hindi ‘yon. Sabi mo kasi kanina, ayaw ni Miguel na maging attached sa mga tao. Bakit kay Nate, okay lang naman? Hindi ba magkaibigan sila?”
Napaisip siya. “Itatanong ko iyon sa kaniya kapag nagkita ulit kami. Itatanong ko rin sa kaniya kung bakit niya ako hinalikan.”
“Oh, my God!” bulalas nito. “Hinalikan ka niya? Saan? Sa lips?”
Napa-“Oh, my God” ulit ito nang tumango siya. Natutop pa nito ang bibig. Hindi tuloy niya malaman kung natutuwa ba ito sa sinabi niya o ayaw nitong paniwalaan iyon. Pero nang tinanggal nito ang palad na nakatakip sa bibig nito, nakita niyang ngumiti ito at natitiyak niyang masaya ito para sa kaniya.
“Nakakainis lang dahil hindi ganoon ang gusto kong first kiss.”
“Choosy ka pa. Ang guwapo kaya ng humalik sa ‘yo. O, aminin mong guwapo siya.”
“Inaamin ko naman ‘yon. Hindi ako tulad mong nagde-deny pa.” Tinutukoy niya ang pagtanggi nito na guwapo si Nate.
“Inamin ko naman na, ah.”
“Pero hindi kaagad.”
“Oo na,” pagsuko nito. “Pero aminin mo na magde-deny ka rin kung hindi kita binalaan.”
“Kaya nga best friends tayo, hindi ba? Kilalang-kilala mo na ako.”
Nagkatawanan sila. Natahimik siya nang may maisip. Magkikita pa kaya ulit sila ni Miguel?
Hindi niya alam kung mangyayari pa iyon ngunit sigurado siya na may nagbago sa takbo ng buhay niya nang makilala niya ang lalaking nagligtas sa kaniya sa kapahamakan na maaaring ikinamatay niya.

“OKAY, class, nakuha ba ninyo ang pinag-aralan natin ngayon?” tanong ni Isabel sa kaniyang mga estudyante. Isa siyang guro sa asignaturang Araling Panlipunan.
“Opo, Bb. Sta. Maria,” halos sabay na sagot ng Grade 7 students na nasa ilalim ng Special Science Class o SSC, isa sa tatlong curricula ng public high school na pinagtuturuan niya.
“Maaari bang ibahagi mo sa klase kung ano ang nalaman mo mula sa ating tinalakay ngayong araw, Ken?”
“Ang pinakamahabang rebolusyon sa Pilipinas ay naganap mula po noong 1744 hanggang 1829,” sagot nito.
“Magaling, Ken!” puri niya. Kapagkuwan ay natigilan siya nang maalala si Miguel. Hindi pa ito nabubuhay nang mga taong nabanggit pero matagal na rin itong naninirahan sa daigdig. At hindi niya maiwasang maalala ang paghalik nito sa kaniya. Ibinalik niya ang atensiyon sa klase dahil baka mawala na naman ang konsentrasyon niya at matulala siya. Nasa generalization part na siya ng kaniyang lesson plan. “Sino naman ang namuno ng rebolusyong iyon, Michael?”
“Si Francisco Dagohoy po.”
“Tama ang iyong sagot, Michael. At bakit sinimulan ni Dagohoy ang rebolusyon, Hannah?”
“Dahil tinanggihan po ng kura-paroko na si Gaspar Morales na bigyan ng Kristyanong libing ang namatay na kapatid ni Dagohoy. Pinatay niya ang pari at hinikayat ang mamamayan ng Bohol na bumangon at lumaban sa mga Espanyol.”
“Mahusay, Hannah,” puri niya. “Mukhang marami kayong nalaman at natutuhan. Isang tanong na lang: Paano ninyo maihahalintulad ang ating aralin ngayon sa mga nangyayari sa pang-araw-araw nating pamumuhay?”
Marami ang nagbigay ng kani-kaniyang ideya at opinyon. Huling nagtaas ng kamay si Renzo. “Sa buhay, hindi natin maiwasang makipag-away sa ating kapuwa dahil kasalanan nila at minsan ay kasalanan din natin. Ang mahalaga, sino man ang nag-umpisa ng gulo, humingi tayo ng tawad sa isa’t isa at huwag na muling magsimula ng gulo o away nang sa ganoon ay magkaroon ng kapayapaan, hindi lamang sa ating mga sarili, kundi pati sa ating bayan, at sa ating daigdig.”
“Bigyan natin ng masigabong palakpak si Renzo!” utos niya na sinunod naman ng mga mag-aaral. Pati siya ay humanga sa sumagot. “May mga katanungan pa ba kayo at hindi naintindihan tungkol sa ating aralin ngayon?” kapagkuwan ay tanong niya.
Nang wala ng katanungan at naintindihan na ng kaniyang klase ang kanilang lesson sa araw na iyon, binigyan niya ng maiksing pagsusulit ang mga ito. Pagkatapos, pinakopya niya ang mga ito ng takdang-aralin at tinapos na ang klase.
Dumiretso kaagad siya sa classroom ng mga estudyante niya sa Special Program in the Arts o SPA curriculum. Iyon na ang huling klase niya para sa araw na iyon.
Hindi siya dumiretso sa bahay nang umuwi siya. Hindi niya alam ngunit parang may nag-uutos sa kaniya na dumaan muna sa Rizal Park.

NAGLALAKAD si Miguel sa Luneta Park nang maagaw ng pansin niya ang isang babaeng nakaupo sa sementadong bangko mula sa hindi kalayuan. Napatigil siya paghakbang nang ito ay kaniyang mamukhaan.
Hindi siya maaaring magkamali. Iyon ang babaeng iniligtas niya mula sa pagkakabangga ng rumaragasang sasakyan. Ang babaeng hindi niya alam kung ano ang pangalan. Nakalimutan pala niyang itanong iyon dito. Ngunit bakit pa? Hindi naman na niya nais na magtagpong muli ang kanilang mga landas at ayaw niyang maging bahagi ito ng buhay niya.
Iniwasan niya ito ng tingin at nagpatuloy sa paglalakad. Subalit nakailang hakbang pa lang siya nang may tumawag sa kaniya.
“Miguel!”
Napahinto siya. Kilala niya kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Mukhang tadhana na ang naglalapit sa kanila.

NAGPATULOY sa paghakbang ang lalaking tinawag ni Isabel habang hindi siya tumitigil sa pagtawag dito. Kahit hindi niya punasan ang bagong bili niyang salamin sa mata, sigurado siya, si Miguel iyon.
Maaaring may kaparehong itsura ito kapag naka-side view pero alam niyang hindi siya nagkakamali. Sariwa pa sa memorya niya ang bawat anggulo nito, ang ayos ng buhok nitong one-sided. Ang pananamit nitong may nakapatong na chaleco sa long-sleeves na naka-tuck-in sa itim na slacks ay kapareho rin ng kasuotang kinuha ni Nate upang ipabihis sa burol nito. Kilala niya pati ang light brown leather sling bag nito.
Mayamaya ay muling huminto ito. Sa pagkakataong iyon, humarap ito sa kaniya. “Bakit?”
Ngumiti siya. “Salamat.”
“Salamat saan?” salubong ang mga kilay na tanong nito.
“Dahil nagkita ulit tayo.”
“Kung ganoon, ito na ang huli,” deklara nito.
“Natatakot ka ba talagang maging malapit sa mga tao? Ayaw mo ba akong maging kaibigan? Gusto ko sanang maging magkaibigan tayo.”
“Hindi maaari.”
“Si Nate lang ba ang puwede mong maging kaibigan?”
“Iba si Nathaniel.”
“Anong iba? Espesyal ba siya sa ‘yo? Gaano ba siya kaespesyal sa ‘yo?”
“Sa tono ng iyong pananalita, mukhang may ibig kang itanong sa akin.”
“May relasyon ba kayo?” Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa. “Iyong higit pa sa magkaibigan?”
Tumawa muna ito bago sinabi ang tunay na dahilan. “Hindi ko nga gustong maging malapit sa mga tao, hindi ba? Oo, espesyal siya. Dahil hindi siya tao.”
Kumunot ang noo niya. “H-Hindi siya tao?”
“Siya ang tagabantay ko.”
Kaagad na pumasok sa isip niya ang ikinuwento nito tungkol Gabriel. “Akala ko ba may tagabantay kang infinito?”
Umupo muna ito sa malapit na bench bago nagsalita. “Anak siya ni Gabriel.”
Tinabihan niya ito. “Anak siya ng isang infinito?”
Tumango ito. “Patay na si Gabriel.”
“Ano? Akala ko ba infinito siya mula sa Lupain ng Walang Hanggan? Hindi ba dapat walang kamatayan ang mga tulad nila? Dahil ba wala talagang forever?”
“Siguro dahil may batas ang lahat ng bagay. Kahit ang sinasabi mong forever ay may batas din.”
“Batas?”
“Siya’y umibig sa isang tao. Labag iyon sa batas ng mga taga-Lupain ng Walang Hanggan. Itinakwil siya ng hari ng mga infinito. Namuhay siya sa mundo ng mga tao kasama ang iniibig niya. Nawala ang kaniyang kapangyarihan bilang isang infinito. Noon din ay nakatakda na ang kaniyang kamatayan. Siya’y namatay, walong taon pagkatapos niyang maging tao.”
“Ang lungkot naman,” wika niya. “Ibig bang sabihin, kalahating tao at kalahating infinito si Nate?” naisip niya kapagkuwan.
Umiling ito. “Hindi sila nagkaanak. Ang ina ni Nathaniel ay isa ring infinito na ipinagkasundo ng mga magulang ng mga ito sa kaniyang ama. Ngunit hindi ang infinitong iyon ang tunay na iniibig ni Gabriel kundi ang tao. Buong-tapang niya itong ipinaglaban. Buong-pusong ipinaglaban niya ang kaniyang pag-ibig dito.”
“Nasaan na ang taong iyon?”
“Nang mamatay si Gabriel, namatay rin ang babaeng minamahal niya. Dahil kapag ang isang tao ay umibig sa isang infinito, nangangahulugan iyon ng kaniyang kamatayan.”
“Nakalulungkot,” tanging nasabi niya. “Siguro nga tama ka na may batas ang lahat ng bagay. Pati ang forever. Kung sumunod lang ang ama ni Nate sa batas ng Lupain ng Walang Hanggan, hindi sana siya namatay at mamumuhay siya nang walang hanggan kasama ang infinitong ipinagkasundo sa kaniya.”
“Ngunit hindi ang infinitong iyon ang gusto niyang makasama magpakailanman. Siguro hindi lahat ng forever ay ‘nagsasama magpakailanman.’ May forever din na ‘hindi magkasama subalit walang hanggang nasa mga puso nila ang isa’t isa.’”
“Alam mo, ikaw na! Ikaw na talaga ang magaling mag-isip. Ikaw na ang maraming ideya sa maraming bagay.”
Hindi nito pinansin ang papuri niya. “Alam mo, sa tingin ko, nang sumama si Gabriel sa babaeng iniibig niya at ang anak niyang si Nathaniel ang naging bago kong tagabantay, paraan iyon ng hari ng mga infinito at ng kaniyang ina na makita rin niya at makasama ang kaniyang ama sa mundo ng mga tao.”
“Kung ganoon, kahit papaano pala ay may awa pa rin ang hari at ang ina niya.”
“Posible.”
“Maiba ako, paano nadadagdagan ang edad ng mga infinito?”
“Ang taon nila doon ay tulad din ng taon ng mga tao. Ang kaibahan lang, nadadagdagan ang edad nila pagkalipas ng walong taon.”
“Hindi uso ang ‘eight’ sa kanila, ano?”
Natawa ito. “Mukha nga.”
“Speaking of edad. Twenty-three pala ako.”
“Isang taon lang pala ang aking tanda sa iyo.”
Kinuha ang cell phone niya mula sa bag niya nang tumunog iyon. “Si Tin,” pagpapaalam niya rito kung sino ang nagpadala ng text message.
“Sinong Tin?”
Binalik niya ang cell phone sa bag niya pagkatapos basahin ang text. Tinatanong ng kaibigan niya kung nakauwi na siya. Mamaya na siya magre-reply. “Best friend ko na naiinis kay Nate,” tugon niya sa pag-usisa ni Miguel.
“Bakit naman siya naiinis sa aking kaibigan?”
“Suplado raw.”
“Mabait naman ang kaibigan kong tagabantay. Mahilig lang sa babae. Lagi siyang may inilalabas.”
“Mahilig sa babae? Sabi ng kaibigan ko, hindi raw siya pinapansin ni Nate.”
“Marahil gusto niya ang kaibigan mo. Kilala ko siya. Umuurong ang dila niya kapag natitipuhan niya ang isang babae.”
“Ibig mong sabihin, iyong mga dini-date niya, hindi niya type?”
“Malamang pinaglalaruan lang niya ang mga babaeng iyon.”
“Ibig sabihin, kung type niya ang best friend ko, hindi niya ito paglalaruan?”
“Marahil ganoon. Teka, bakit ba si Nathaniel at ang kaibigan mo ang—”
“Kung gusto mong tawagin sa tunay na pangalan ang kaibigan ko, Celestine ang first name niya,” pigil niya rito nang maalala ang sinabi nito na hindi ito sanay sa pagtawag sa palayaw.
Pero hindi nito pinansin iyon. “Bakit ba silang dalawa ang ating pinag-uusapan?”
“Bakit hindi?”
“Maaari bang pag-usapan natin ang tungkol sa atin?”
“Tungkol sa atin?”
“Akala ko ba gusto mong tayo’y maging magkaibigan?”
Sumigla ang pakiramdam niya. “Pumapayag ka na?”
“Sa totoo lang, hindi.”
Napanguso siya. “Bakit ba ayaw mo?”
“Simple lang. Dahil hindi ko gusto.”
“Susuko na ba ako sa pagkumbinsi sa ‘yo na maging magkaibigan tayo?”
“Nasa iyo na iyon kung ano ang gagawin mo. Pero kung ako sa iyo, susuko na ako dahil wala naman akong mapapala.”
“Susuko ako kung bibigyan mo ako ng magandang dahilan para iwasan kita. Siguraduhin mo lang na acceptable ang rason na ‘yan,” hamon niya.
“Paano kung katanggap-tanggap naman ang dahilan ngunit hindi katanggap-tanggap para sa iyo?”
“Kung katanggap-tanggap naman, bakit hindi ko tatanggapin?”
“Paano kung wala akong maisip na maganda at katanggap-tanggap na dahilan?”
“Hindi pa rin ako susuko.”
“Paano kung hindi pa rin ako papayag?”
“Huwag kang pumayag. Huwag mong pilitin ang sarili mong pumayag. Pero hayaan mo sana akong maging kaibigan sa iyo kahit hindi ayaw mo akong maging kaibigan.”
“Hayaan mo na ako. Huwag kang makulit, puwede?”
“Huwag ka nang umarte, puwede?”
“Ako, maarte?”
“Oo. Sabi mo kanina gusto mong pag-usapan ang tungkol sa atin dahil gusto kong maging magkaibigan tayo.”
“Walang ibig sabihin iyon.” Tumayo ito at humakbang palayo.
“Saan ka na naman pupunta?”
“Uuwi. Lalayo. Hayaan mo na kasi ako.”
“Hindi puwede.”
Wala na itong nasabi. Hindi na rin siya nagsalita. Kahit ano naman yata ang sabihin niya ay mukhang hindi talaga ito papayag na maging magkaibigan sila. Pero hindi pa rin siya susuko. Patuloy lang siyang sumunod dito. Palabas na sila ng parke nang humarap ito sa kaniya.
“Nakikiusap ako sa iyo. Tigilan mo na ako.”
Umiling-iling siya. “Ayoko.”
“Bahala ka na nga.” Nagpatuloy ulit ito sa paglalakad palayo sa kaniya.
Nagpatuloy lang siya sa pagsunod dito. Nang malapit na sila sa highway, naalarma siya nang may mapansin siyang rumaragasang motorsiklo na ang direksiyon ay patungo sa kanila. Hindi nakatingin si Miguel sa daan. Tantiya niya, pagtapak nito sa highway ay eksaktong mababangga ito ng motorsiklo. Ngunit bago pa ito mahagip ng sasakyan ay nahatak na niya ito.
“Hinayaan mo na sana ako,” sabi nito kapagkuwan. “Alam mo namang hindi ako namamatay, hindi ba? Pero salamat. Iniligtas mo ang buhay ko.”
“Kahit nabubuhay ka ulit, alam kong masasaktan ka pa rin kapag hinayaan kong mabangga ka,” nag-aalalang wika niya.
Natigilan ito, mukhang naantig sa sinabi niya. “Halika, sumama ka sa akin.” Hinawakan siya nito sa palapulsuhan at hinila.
“Saan?”
“Ako naman ang manlilibre sa iyo.”
“Ayoko.” Hinila niya ang kamay niya at humalukipkip, sabay tigil sa paglalakad.
Humarap ito sa kaniya. “Bakit ayaw mo?”
“Hindi ako papayag hangga’t ayaw mong makipagkaibigan sa akin.”
“Oo na. Papayag na ako. Tara na.”
“Magkaibigan na tayo?” paniniguro niya.
“Oo nga,” tila nakukulitang sagot nito.
“Napipilitan ka lang naman yata.”
“Hindi ako napipilitan.”
“Talaga? Baka wala ka lang maisip na maganda at katanggap-tanggap na dahilan.”
“Oo na, wala na akong maisip,” pagsuko nito. “Halika na kasi. Nagugutom na ako.”
“Oo na.” Sumunod siya rito. “Salamat, ha?” sabi niya kay Miguel habang sabay silang naglalakad.
“Saan?”
“Sa pagpayag mong maging magkaibigan tayo. At sa libre.”
“Walang anuman.”
“May tanong sana ako.”
“Ano iyon?”
“Pagkatapos mong mabuhay ulit… Habang nag-uusap tayo pagkatapos nating lumabas kung saan tayo kumain… Nang pinipilit kita na maging magkaibigan tayo…” Bigla siyang nahiyang magtanong pero nilakasan niya ang kaniyang loob. “Bakit mo ako h-hinalikan?”
Napatingin ito sa kaniya. Sabay silang napahinto sa paghakbang at humarap sa isa’t isa. Nang magtagpo ang kanilang mga mata, pakiramdam niya ay lumiwanag ang paligid at inuulan sila ng mga tala.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
17 October 2019
Bleeding Love

A nerve-wracking marriage of two old lovers who broke up once few years ago If there will be a reverse button, would they choose to click it

Image Description
mariaIea
01 August 2019