Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




The Guy Called Forever

Image Description Makoy_Avelino   |   22 January 2020


Naniwala si Isabel na talagang walang forever nang hiniwalayan siya ng kaniyang nobyo Subalit nang dumating sa buhay niya si Miguel, ang 148 years old na lalaking hindi namamatay, nagbago ang lahat

CHAPTER 1
The Accident

2020

NAGLALAKAD si Isabel na parang hindi nakatapak ang mga paa sa daan. Pakiramdam niya ay naninigas ang mga tuhod niya. Hindi siya makahakbang nang maayos. Tila lumulutang naman sa hangin ang utak niya na walang ibang iniisip kundi ang nangyari sa restaurant nang nakalipas na mahigit tatlumpong minuto.
“Break na tayo.”
Nabigla si Isabel sa narinig mula sa kaniyang nobyo. Tinanong niya ito kung ano ang sinabi nito upang siguraduhin kung tama ang pumasok na mga salita sa magkabilang tainga niya. Inulit nito ang masakit na linyang binitawan nito.
Walang puwersa ang pagbitaw nito ng linya pero malakas na umalingawngaw iyon sa pandinig niya. Subalit hindi ang eardrums niya ang naaapektuhan kundi ang puso niya. Tila ilang ulit na sinaksak iyon ng pinakamatalas na kutsilyo.
Pinilit niyang ngumiti. “Huwag ka namang magbiro nang ganyan. Hinintay kita kahit alas-dos ang usapan natin pero alas-kuwatro ka na dumating, ‘tapos ‘yan pa ang sasabihin mo sa ‘kin?”
Hinintay niya ang pagbawi nito sa sinabi pero hindi ito nagsalita. Bahagya itong yumuko. Namagitan sa kanila ang nakabibinging katahimikan.
Unti-unting napalis ang pilit niyang ngiti. “Bakit?” kunot-noong tanong niya.
Ang lakas ng kabog ng dibdib niya dahil sa kaba habang hinihintay ang sagot nito. Hindi naman siya sinasakal ngunit parang hindi siya makahinga. Kinalma niya ang sarili.
Inangat nito ang mukha at tumingin sa kaniya. “Hindi na kita mahal, Sab.”
Mula sa kaniyang mga tainga, bumaba ang sakit patungo sa kaniyang puso. Sinipsip ng puso niya ang sakit at nanatili iyon doon. Narinig niya ang mahinang pag-iyak ng puso niya sa pagitan ng bawat pagtibok niyon.
“Kurt, please. Huwag mong gawin ito,” pakiusap niya.
“Ayoko na, Sab. Tapusin na natin ito.”
Mula sa nasaktan niyang puso, ang malungkot na mga luha ay umakyat sa malumbay niyang mga mata. Kumurap-kurap siya upang pigilan ang pagpatak ng mga iyon. Ngunit naramdaman niya ang pagdaloy ng mga luha sa kaniyang magkabilang pisngi.
“May nagawa ba akong mali?”
“Wala,” naiiyak na sagot nito.
“Nasaktan ba kita nang hindi ko nalalaman?”
“Hindi.”
“Pero bakit? Bakit ayaw mo na? Bakit hindi mo na ako mahal?” naguguluhang tanong niya.
“I don’t know. Nagising na lang ako isang umaga na hindi na kita mahal. O mas tamang sabihin na hindi pala kita mahal. Siguro hindi talaga kita minahal. Maybe I did not learn to love you. Dahil hanggang ngayon, siya pa rin ang mahal ko.”
Lalong nasaktan ang puso niya sa ipinagtapat nito. Hindi pala totoo na mahal siya nito. Hindi pala siya nito minahal. Hindi pala siya nito natutuhang mahalin. Mahal pa rin pala nito hanggang ngayon ang dating nobya.
Tila naka-repeat on sa media player ng utak niya ang ipinagtapat nito kaya paulit-ulit na nagpi-play iyon sa isip niya. At inuulit din iyon ng bawat tibok ng puso niya.
“Sigurado ka?” paniniyak niya. Kahit malinaw na sa kaniya ang paliwanag nito, gusto niya pa rin ng kompirmasyon. “Sigurado ka ba na siya pa rin ang mahal mo?”
Umaasa siyang magbabago pa ang sagot nito. Sana sa isang iglap ay magbago ang bulong ng puso nito.
Subalit tumango ito nang marahan. Hindi ito makatingin nang diretso sa kaniya. “I’m sorry, Isabel. I realized that I really can’t forget her. I still love her.”
Natahimik siya. Wala siyang mahanap ni isang salitang sasabihin. Para siyang web page na naglo-loading nang matagal dahil sa mabagal na Internet connection. Mabilis pa ang koneksiyon sa pagitan ng puso at mga mata niya. Awtomatikong pumapatak ang mga luha niya sa tuwing nararamdaman ng puso niya ang sakit.
Ilang segundo ang pinalipas niya bago muling nagsalita. “You don’t have to say sorry. Hindi mo kasalanan kung siya pa rin ang mahal mo. But I love you so much, Kurt. Ayokong maghiwalay tayo. Puwede naman iyon, hindi ba? Hindi ka na ba masaya sa piling ko? Kung kulang pa ang effort ko para pasayahin ka, sabihin mo lang. I’ll make you happier. I’ll give you more happiness. Everyday. Pangako iyan. I’m willing to wait until you get over her. Kaya please, Kurt, huwag mong itigil ito. Huwag mong tapusin ito.”
Mahal na mahal niya si Kurt. Sinabi nitong mahal din siya nito. Sinabi nitong ikamamatay nito kapag nawala siya sa piling nito. Pero bakit ganoon? Bakit biglang nagbago ang lahat?
Siguro hindi siya ang nasa isip at puso nito nang sinabi nito sa kaniya ang “I love you.” Marahil hindi siya ang nakita ng puso nito nang binitawan nito ang mga katagang iyon. Baka sinubukan lang nitong mahalin siya upang makalimutan nito ang dating nobya ngunit hindi nito magawa. Akala niya ay naka-move on na ito sa ex-girlfriend nito. Hindi pa pala.
Hinawakan niya ang mga kamay nito. Subalit tinulak nito ang mga kamay niya.
“I’m being unfair to you, Isabel. I’m so unfair to you right from the start. Gusto ko nang maging fair sa iyo. At mangyayari lang iyon kung maghihiwalay tayo.”
“Iniwan ka na niya noon, hindi ba? Hindi ka ba natatakot na baka iwan ka niya ulit?”
“Humingi siya ng tawad. Naramdaman ko na sobrang nagsisisi siya sa ginawa niya noon. Pinatawad ko siya. Ngayon, sa iyo naman ako humihingi ng tawad. We’ve been seeing each other for months. Gusto niyang makipagbalikan. Nakipagbalikan ako sa kaniya.”
“Ayokong maghiwalay tayo, Kurt. Please stay.”
“If I stay, I will be unfair to you.”
“Kung ang pagiging unfair mo sa akin ay nangangahulugan ng pananatili mo, papayag akong maging unfair ka sa akin habambuhay. Nakikiusap ako, Kurt. Please don’t break my heart.”
“I just did, Sab. I just hurt you. I just broke your heart.”
“Then please unbreak it.”
“Please unlove me,” kaagad na sagot nito. “I don’t deserve your love. Hayaan mo na ako, Isabel. Please let me go.”

Hindi pa rin siya makapaniwala. Hindi niya akalain na nakipagkita lang sa kaniya si Kurt upang makipaghiwalay. Ipinakilala pa nito sa kaniya si Tracy, ang huling dumating na dating nobya nito na halos isang buwan na palang nobya nito ulit.
Sinabi pa nito na tutungo ito sa Australia, sa bansa kung saan nakatira ang pamilya ng nakabalikan nitong ex-girlfriend. Malamang ay magkasama ang mga itong pupunta roon. Doon na raw maninirahan ang mga ito.
Parang buko na biniyak ng itak ang puso niya. Nasugatan. Nahiwa. Dumugo.
Wala nga siguro talagang forever. Pinatunayan din iyon ng mga nakita niya sa paligid.
Ang nakasulat sa jeep na pinara ng dalaga: Basta Driver, Sweet Lover. But Remember, Walang Forever.
Ang pangalan ng punerarya na nadaanan niya: Walang Forever Funeral Parlor.
Ang mga nakasulat sa T-shirt ng mga nakasalubong niya: Forever Doesn’t Exists, Ang Forever ay Parang Honesty—Such a Lonely Word, W. T. F. (Wala Talagang Forever).
Ang nahagip ng mga mata niyang naka-display na pirated DVD na tinitinda ng isang Muslim na ale: Walang Forever.
Ang nabasa niyang pamagat ng libro sa nakadikit na poster sa glass wall ng isang bookstore: Peksman, Hindi Ako Bitter. Wala Lang Talagang Forever.
Huminto siya at pikit-matang sumigaw. “Walang forever!” Sa tingin niya ay hindi na niya kailangang umakyat sa tuktok ng bundok upang isigaw iyon.
Marami ang nakatingin sa kaniya nang magmulat siya. Malamang ay naagaw niya ang atensiyon ng mga tao sa paligid. Mula sa sidewalk ay nahihiyang tumawid siya sa highway patungo sa kabilang kalye.
Subalit nang mapatingin siya sa kaliwa niya ay nakita niya ang sasakyang papalapit sa kaniya. Hindi niya magawang gumalaw sa sobrang gulat. Sa sobrang pagkataranta ay hindi niya alam kung ano ang gagawin, kung saan pupunta, kung paano kumilos. Tila nanigas ang buong katawan niya. Namimilog ang mga matang nakatingin lang siya sa rumaragasang van.
Mayamaya ay naramdaman niyang may tumulak sa kaniya. Padapang natumba siya. Nagasgasan at dumugo ang mga palad, siko, at tuhod niya pero kaya naman niyang tiisin ang sakit.
Dahan-dahan siyang tumayo. Sinundan niya ng tingin ang sasakyang muntik nang bumangga sa kaniya. Hindi man lang huminto iyon. Hindi niya nabasa ang plate number niyon dahil bukod sa nakalayo na, nanlabo ang paningin niya dahil natanggal ang salamin niya sa mga mata. Dinampot niya ang eyeglasses niyang tumalsik sa gilid ng highway. Sinuot niya iyon kahit nagkaroon ng crack ang isang salamin.
Isang lalaki ang nakita niyang nakadapa sa gitna ng kalsada nang tumingin siya roon. Nakatagilid ang mukha nito paharap sa kaniya. Wala itong malay. May mga linya ng dugo mula sa noo nito na dumadaloy pababa sa mukha nitong may sugat at gasgas. Malakas at mabilis ang pagtibok ng puso niya dahil sa kaba at takot.
Paika-ikang nilapitan niya ang lalaki. Sinundan siya ng tingin ng mga tao sa paligid na karamihan ay nagbubulungan. Nakatutok ang mga mata ng mga ito sa kanila ng lalaki na parang nanonood ng taping ng isang teleserye. Hindi na siya humingi ng tulong. Kung gustong tumulong ng mga taong nandoon ay kanina pa kumilos ang mga ito.
Pumara siya ng taxi. Pinabuhat niya sa driver ang lalaki at nagpahatid siya sa pinakamalapit na ospital.
Ngunit dead on arrival ang pasyente. Inimporma ng doktor na namatay ito dahil sa labis na pagdurugo ng napuruhang ulo nito.
Umiiyak na tinawagan niya ang best friend niya. Ngunit hindi niya alam kung ano ang sasabihin, kung paano sasabihin ang nangyari. Napahawak siya sa kaniyang sentido. Parang mababaliw siya sa kaiisip sa magkasunod na malungkot na nangyari nang araw na iyon.
“Tin…” sambit niya sa pangalan ng kaibigan niya nang sumagot ito. Tinakpan niya ang bibig upang pigilan ang paghikbi.
“Sab, may nangyari ba?” May pag-aalala sa tono ng pananalita nito. “Isabel?” tawag nito dahil hindi pa siya sumasagot.
“Tin, n-nakapatay ako.”
“A-Ano? Tama ba ang narinig ko? N-Nakapatay ka? Paano?”
“A-Ang ibig kong sabihin, n-namatay siya nang dahil sa akin. Iniligtas niya ang buhay ko,” paliwanag niya.
“Akala ko naman kung nakapatay ka talaga ng tao. Ano ba ang nangyari?”
Kinalma niya ang sarili. “Muntik na akong mabangga ng sasakyan. Tinulak niya ako. Siya ang nabangga.”
“Oh, my God!” bulalas nito. “Salamat sa kaniya kung ganoon.”
“Sobra,” dagdag niya. “Sobrang nagpapasalamat ako sa kaniya. Kung hindi dahil sa kaniya, p-patay na siguro ako ngayon. Isang lalaking hindi ko kilala ang nagligtas ng buhay ko. Pero kailanman ay hindi na ako makababawi sa kaniya.” Hindi na niya pinigilan ang paghikbi. “Tin, tulungan mo ako.”
“Pupuntahan kita riyan.”

NIYAKAP kaagad ni Isabel si Tin pagdating nito sa ospital na kinaroroonan niya. Nakaramdam siya ng comfort nang maramdaman niya ang mga kamay nito sa likod niya.
“Tin, salamat dahil nandito ka.”
“Nakalulungkot dahil namatay ang nagligtas sa ‘yo. Pero masaya ako dahil buhay ka. Bakit ba muntik ka nang mabangga?”
“Dahil wala ako sa sarili habang naglalakad. Hindi ko alam kung saan ako dinala ng mga paa ko. Nagulat na lang ako nang makita ko ang sarili ko sa gitna ng daan.”
“Ano ba ang nangyari? Bakit nawala ka sa sarili mo?”
“W-Wala na kami ni Kurt. He broke up with me.” Nagkuwento siya.
“Sinasabi ko na nga ba. Hindi mapagkakatiwalaan ang lalaking ‘yon. Pangalan pa lang niya, mukhang nananakit na. Sounds like hurt, hindi ba?” Idiniin pa nito ang salitang ‘hurt.’
“Pormal naman siyang nakipag-break.”
“May gana ka pang ipagtanggol siya? Pormal man o hindi, masakit pa rin ‘yon.”
“Hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko ngayon.”
Pinaupo muna siya nito sa mahabang upuang nasa labas ng emergency room at tinabihan siya nito. “Huwag mo nang isipin ang Kurt na iyon. Tawagan mo ang pamilya ng lalaking nagligtas ng buhay mo. Kailangang malaman nila ‘to.”
Binuksan niya ang sling bag ng lalaki. Hinanap kaagad niya ang cell phone nito pero empty battery at basag ang LCD niyon. Hinalungkat pa niya ang bag nito. May nakita siyang maliit na piraso ng papel na nakausling nakaipit sa lumang libro. May nakasulat na cell phone number ngunit walang pangalan. Lalaki ang sumagot mula sa kabilang linya nang tinawagan niya. Nagpakilala bilang Nate.
“Kilala mo ba itong namatay?” kapagkuwan ay tanong niya.
“Namatay?” gulat na segunda nito. “Sino’ng namatay?”
“Hindi ko kasi alam ang pangalan niya. Wala akong mahanap na pangalan sa mga gamit niya. Cell phone number mo lang ang nakita ko.”
“Nasaan ka ba?”
“Sa ospital.” Sinabi niya ang pangalan ng pagamutan.
“Pupunta ako riyan.” Tinapos nito ang tawag.
Habang hinihintay ang kaniyang tinawagan, inasikaso ni Tin ang pagpapagamot sa mga gasgas at sugat niya. Hindi na niya inisip ang kaniyang sarili dahil mas kailangang unahin niya ang lalaking nagligtas ng buhay niya.

NALAMAN ni Isabel mula kay Nate na Juan Miguel Tajanlangit ang pangalan ng kaibigan nito. Ayon pa rito, sumakabilang-buhay na ang mga magulang at mga kapatid ni Miguel. Wala na itong kamag-anak. Mag-isa na lang sa buhay.
“Ano’ng gagawin natin sa kaniya?” tanong niya kay Nate.
“Huwag kang mag-alala, okay lang si Miggy.”
“Paano siya magiging okay? Patay na siya.”
“Okay lang siya.” Tila sigurado ito sa sinabi.
“Patay na ang kaibigan mo.”
“Oo nga,” sang-ayon ni Tin. “Anong klaseng kaibigan ka?”
Hindi pinansin ni Nate si Tin. Tiningnan lang nito ang kaibigan niya. “Maniwala ka sa akin. Ayos lang siya.”
“Ipalilibing ko siya.”
“Ako na ang bahala sa kaniya.”
“Hindi. Okay lang. Kahit papaano ay makakabawi ako sa kaniya kung ipalilibing ko siya.”
“Ikaw ang bahala. Pero after eight hours pagkatapos niyang mamatay, malalaman mo kung ano ang sinasabi ko.”
Hindi niya pinansin ang tila weird na sinabi ni Nate. Nagpasama siya rito at kay Tin upang dalhin ang bangkay ni Miguel sa funeral home na nadaanan niya kanina.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
17 October 2019
Bleeding Love

A nerve-wracking marriage of two old lovers who broke up once few years ago If there will be a reverse button, would they choose to click it

Image Description
mariaIea
01 August 2019