Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




The Guy Called Forever

Image Description Makoy_Avelino   |   05 March 2020


Naniwala si Isabel na talagang walang forever nang hiniwalayan siya ng kaniyang nobyo Subalit nang dumating sa buhay niya si Miguel, ang 148 years old na lalaking hindi namamatay, nagbago ang lahat

CHAPTER 8
The Third Kiss

“GUSTO ka raw ni Nate, sabi ni Miguel,” wika ni Isabel kay Tin nang pinuntahan niya ito sa Happy Coffee pagkatapos ng klase niya.
“Paano naman siya magkakagusto sa ‘kin. Ni hindi nga ako pinapansin n’on.”
“Umuurong daw kasi ang dila niya kapag natitipuhan niya ang isang babae.”
“Ang sabihin mo, hindi niya ako type.”
“Mag-usap kaya kayo.”
“Paano kami mag-uusap? Hindi naman puwedeng ako lang ang salita nang salita.”
“Pero gusto mo siyang makausap?”
“Hindi na. Mas mabuting kalimutan ko na lang itong nararamdaman ko para sa kaniya. Kasi kung sakaling gusto rin niya ako, hindi rin naman kami puwede.”
Napaisip siya. Hindi nga naman parehong tao ang mga ito dahil isang infinito si Nate.
Mukhang tinamaan ang kaibigan niya kay Nate. Hindi na kasi nito pinapansin ang mga nanliligaw rito.

HINIHINTAY ni Isabel ang tawag ni Miguel. Sabado na. Sabi nito ay lalabas sila sa araw na iyon. Ngunit hindi pa rin ito tumatawag o nagte-text.
“Ano kaya ang nangyari sa lalaking ‘yon?” bulong niya. Patingin-tingin siya sa labas ng bintana ng kuwarto niyang katapat ng kalsada. Ano ka ba, Isabel? Mahaba pa ang araw. Alas-siyete pa lang ng umaga. Ni hindi ka pa nga nakapag-ayos, sabi niya sa sarili.
Nang tinawag siya ni Ian para mag-agahan, inayos niya ang sarili at bumaba. Pagkatapos kumain ay inabala niya ang kaniyang sarili sa panonood ng TV. Ngunit wala ang isip niya sa kaniyang pinanonood. Makalipas ang ilang oras ay sumilip siya sa labas ng bintana ng sala. Bakit ba hindi siya mapakali habang hinihintay ito?
Pinatay niya ang TV at muling umakyat sa kuwarto niya. Tumingin ulit siya sa labas ng bintana. Wala pa rin ang hinihintay niya. Hinarap niya ang kaniyang lesson plan. Ngunit hindi siya makapag-concentrate sa ginagawa. Sumilip ulit siya sa bintana. Baka gusto lang siya nitong sorpresahin. Baka bigla na lang itong darating anumang oras. Pero wala pa rin ito.
Hanggang sa lumubog na ang araw ay wala pa rin siyang natatanggap na tawag o text mula kay Miguel. Pero panay pa rin ang silip niya sa bintana. Mayamaya ay tumunog ang cell phone niya. Sinagot niya ang tawag.
“Kanina mo pa ba ako hinihintay?” tanong ni Miguel mula sa kabilang linya.
“Bakit naman kita hihintayin?”
“Bakit parang kanina ka pa dungaw nang dungaw sa labas ng bintana?”
Kaagad siyang sumilip sa labas ng bintana. Nang bumaba ang mga mata niya sa kalsada, nakita niya itong nakangiti. Akmang itataas sana nito ang isang kamay upang kumaway marahil sa kaniya pero may hawak itong isang pumpon ng bulaklak. Kinindatan na lang siya nito. Nanlambot ang mga tuhod niya.
“Ano, tara na?” sabi nito.
“Pumasok ka muna. Magbibihis lang ako,” aniya saka pinatay ang cell phone at tinabingan ng kurtina ang bintana.
Pagbaba niya pagkatapos magbihis ay naabutan niyang nagkukuwentuhan si Miguel at ang mga kapatid niya. Nagtatawanan pa ang mga ito. Nang makita siya ng lalaki ay kaagad itong tumayo.
“Magandang gabi, magandang binibini.” Kinuha muna nito ang kamay niya at dinampian ng halik bago inabot sa kaniya ang isang pumpon ng rosas.
Pakiramdam niya ay may gumapang na libo-libong boltahe ng koryente sa kaniyang mga ugat. “Thank you,” pasasalamat niya pagkaabot ng mga bulaklak. “Bakit ang tagal mo?”
“Akala ko ba, hindi mo ako hinihintay?”
“Kanina ka pa hinihintay ni Ate, Kuya,” sabad ni Isaiah.
“Opo, Kuya Miguel,” sang-ayon ni Ian. “Kanina pa pasilip-silip sa labas ng bintana si Ate Isabel.”
Hindi niya pinansin ang sinabi ng mga kapatid. “Bakit sa alanganing oras ka pumunta rito? Maghahapunan na mayamaya, ah.”
“Gusto sana kitang yayaing maghapunan sa bahay. Nagpaalam na ako sa mga kapatid mo. At pumayag na sila. Hindi ba, Ian, Isaiah?”
“Opo, Ate,” halos sabay na sagot ng dalawa.
“Niyaya ko rin silang sumama subalit ayaw nila.”
“Baka makakaistorbo lang po kasi kami roon,” sabi ni Ian. “Isa pa, sayang naman ang niluto ko. Kaya na naming ubusin ito ni Isaiah. Hindi ba, bunso?”
“Opo,” sang-ayon ng pinakabatang kapatid. “Aprub po kami ni Kuya Ian kay Kuya Miguel para sa ‘yo, Ate.” Itinaas pa nito ang dalawang hintuturo.
“Talaga lang, ha?”
“Talagang-talaga po,” nakangiting sagot nito.
Binalingan niya si Miguel. “Ano’ng ginawa mo sa mga kapatid ko?”
“Aba’y hindi ko alam. Sadya lang sigurong mabait ako at madaling makapalagayan ng loob.”
“Totoo po ‘yan, Kuya,” sang-ayon ni Isaiah. “Mabait ka po at saka magaling mag-joke. Siguradong tatawa ka, Ate buong buhay mo,” anito sa kaniya.
“Ah, ganoon? Magaling mag-joke pala, ha. Talaga lang.”
“Talagang-talaga po,” kompirma ng bunsong kapatid.
Kapagkuwan ay umalis na sila ni Miguel. Binilinan niya ang kaniyang mga kapatid na magpakabait habang wala siya. Kinampihan naman ni Miguel ang dalawa sa pamamagitan ng pagsabi na mababait naman ang mga ito at wala siyang dapat alalahanin. Nagbungguan pa ng mga kamao ang tatlong lalaki.

LUMA NA ang istilo ng bahay ni Miguel pero dahil mukhang matitibay ang ginamit na mga materyales sa paggawa niyon, pati ang mga muwebles na naroroon at mukhang inaalagaan nang mabuti, hindi nakapagtatakang mukhang bago pa rin ang mga iyon. Talagang matitibay ang mga kagamitan noong unang panahon kaysa ngayon.
Naabutan nila si Nate. Mukhang paalis ito. Baka makikipagkita na naman sa kung sinong babae.
“Kumusta?” pangungumusta nito sa kaniya.
“Mabuti naman,” sagot ni Isabel. “Ikaw?”
“Mabuti rin. Hindi mo ba kasama ang kaibigan mo?” tanong nito.
Ngumiti siya sa tuwa dahil naalala nito si Tin. “Abala ‘yon sa coffee shop niya.”
“May coffee shop pala siya.”
“Oo. Gusto mo bang pumunta roon?”
“Hindi. May dinner date kasi ako ngayon,” sagot nito. “Pero siguro, sa susunod na mga araw baka makapunta ako roon. Saan ba banda?”
Sinabi niya kung saan ang location ng Happy Coffee. Kapagkuwan ay nagpaalam na ito sa kanila ni Miguel para umalis.
“Nasabi ko na kay Tin na hindi tao si Nate,” aniya pagkaalis nito. Nagkuwento siya kay Miguel kung bakit nadaanan iyon sa pag-uusap nila ng kaibigan niya noong isang araw.
“Bakit ba iniisip mo pa rin kung paano mo ako matutulungan?”
“Dahil gusto talaga kitang tulungan.”
“Oo, alam ko kung paano,” pagtatapat nito. “Pero hindi ko puwedeng sabihin. Mahigpit na ipinagbilin sa akin ni Gabriel na hindi ko maaaring sabihin iyon kahit kanino. Dahil kapag sinabi ko, may hindi magandang mangyayari. Kaya nanatiling lihim ang ibinilin niya sa akin.”
“Sige, hindi ko na aalamin,” aniya kahit nalulungkot siya dahil hindi niya ito matutulungan. “Pero hihilingin ko at ipananalangin ko na sana matapos na ang sumpa o biyayang ibinigay sa ‘yo.”
“Maraming salamat. Hayaan na nga muna natin iyan. Ikaw ay aking dinala rito upang malaman mo kung saan ako nakatira at para matikman mo ang luto ko, hindi para pag-usapan ang tungkol sa huminto kong oras.”
Inilibot siya nito sa buong bahay. Nang makita niya ang mga nakakuwadrong larawan na nakasabit sa dingding, naalala niya ang kaniyang mga magulang. Ngunit mas naaawa siya rito dahil iniwan na ito ng buong pamilya nito.
“Ito ba ang piyano na tinugtog mo?” Naalala niya ang gabing kinantahan siya nito at ang narinig niyang tinugtog nito nang makita niya ang piyano sa kuwarto nito.
“Ito nga.” Umupo ito sa harap ng piyano at tinugtog ang kinanta nito sa kaniya.
“Parang gusto ko tuloy matulog,” biro niya.
Tumigil ito sa pagtugtog. “Puwede ka namang humiga riyan sa kama ko.”
“Huwag na. Baka kung ano pa ang gawin mo sa ‘kin kapag nakatulog ako.”
“Hindi naman ako ganoon. Wala pa akong nakatatabi sa kama ko.”
“Bakit sinasabi mo sa ‘kin ‘yan?”
“Kung ika’y papayag, nais ko sanang makatabi kang matulog sa aking kama.”
Pakiramdam niya ay namumula siya dahil sa init na nararamdaman niya. “Hindi pa kita boyfriend, ‘no.”
“Pero kapag ako’y nobyo mo na, ikaw ba’y papayag na?”
Hindi niya sinagot ang tanong nito. “Alam mo, kumain na kaya tayo. Baka gutom lang ‘yan.”
Bumaba sila at pagdating sa kusina ay ipinaupo lang siya nito sa harap ng mesa. Ayaw nitong tulungan sa paghahanda ang kanilang hapunan. Hinayaan na lang niya ito. Ito pa ang naglagay ng pagkain sa plato niya pagkatapos manalangin bago mag-umpisang kumain.
“Baka masanay ako nito, ha. Baka palagi akong pumunta rito para pagsilbihan mo.”
“Ako pa ba ang ayaw niyon? Palagi kang pupunta rito. Palagi kitang makikita. Hindi ko ba gugustuhin iyon?”
“Okay lang sa ‘yo kung dito ako titira?”
“Nais mo bang tumira dito?”
“Kapag mag-asawa na tayo, malamang.”
“Hindi pa nga tayo magkasintahan, gusto mo na kaagad na maging mag-asawa tayo. Gusto mo talaga ako, ano?”
“Papayag ba ako na ligawan mo kung hindi kita gusto?”
Ngumiti ito. Pagkatapos nilang kumain ay tinugtugan siya nito ng iba pang piyesa. Tinuruan din siya nitong tumugtog ng piyano.

“MAHILIG ka ring magmasid ng mga bituin, hindi ba?” tanong ni Miguel kay Isabel.
Pagkatapos nilang kumain sa labas nang gabing iyon, sumama si Isabel sa kaniya pauwi sapagkat nais nitong tumugtog ng piyano. Mabilis itong natuto mula nang tinuruan niya ito.
Pagkatapos tumugtog, tumungo sila sa balkonahe ng kaniyang silid. Magkatabi ang mga inuupuan nilang bangko na gawa sa kahoy.
“Oo,” sagot nito. “Gustong-gusto kong panoorin ang mga bituin at ang buwan.”
“At ang buwan,” ulit niya. “Ang liwanag ng buwan.”
“Clair de Lune,” halos sabay nilang sambit habang nakangiti.
Nang tinuruan niya itong tumugtog ng piyano, nalaman niya na pareho pala nilang paborito ang musikang iyon. Isa iyon sa mga piyesang tinuro niya rito.
“Tulad ng Clair de Lune na masarap pakinggan, masarap pagmasdan ang buwan at mga bituin,” wika niya. “Nakakita ka na ba ng blue moon?”
“Kapag dalawa ang full moon sa loob ng isang buwan, blue moon ang tawag sa isa, hindi ba?”
Sumang-ayon siya. “Maaari ding tawaging blue moon ang ikatlong full moon sa kapanahunang may apat na full moon.”
“Mas mabilog at mas maliwanag ang blue moon,” anito. “Bihira lang magpakita pero maganda.”
Tumitig siya rito habang nakatingin naman ito sa buwan. “Napakaganda.”
“Sabi sa isang pelikulang napanood ko, ang blue moon ay parang second chance,” wika nito. “Tama naman, hindi ba? Dahil ang blue moon ay ikalawang full moon sa isang buwan, parang ikalawang pagkakataon.”
Tumango siya. “Ikalawang pagkakataon para itama ang mga mali. Ikalawang pagkakataon upang magmahal muli.”
Nagtagpo ang kanilang mga mata.
“Ikalawang pagkakataon na minsan ay hindi kaagad ibinibigay o minsan lang mangyari tulad ng blue moon.”
“Kaya kapag binigyan tayo ng pangalawang pagkakataon, huwag nating sayangin ito. Dapat nating pahalagahan dahil baka hindi na tayo muling mapagbigyan.”
Nakangiting tumango ito saka muling tumingala sa langit. “Madilim man ang gabi pero salamat sa buwan at mga bituin na masarap at payapang tingnan.”
“Pero minsan, nakalulungkot din silang pagmasdan.”
“Bakit naman?” tanong nito.
“Buhat nang mawala ang aking mga mahal sa buhay, nagbago ang tingin ko sa mga bituin. Naisip ko na sila ang mga taong nang-iwan, ang mga taong hindi na babalik kailanman. Kahit papaano, kapag gabi at madilim na ang lahat, tinutulungan nila ang buwan sa pagbibigay ng liwanag at ngiti sa mga labi ng mga iniwan nila,” malungkot na wika niya habang nakatingala sa langit. “Hindi ko alam kung nasaan sila sa napakaraming mga bituin. Pero natitiyak kong sila’y nakatingin sa akin.”
“At sigurado akong malungkot sila habang nakatingin sa ‘yo ngayon.”
Tumayo siya at nakapamulsang humakbang patungo sa baranda ng balkonahe. “Dahil ba alam nilang malungkot ako?”
Lumapit ito sa kaniya at humawak sa baranda. “Sabi mo, nakapagbibigay ng ngiti ang mga bituin, pero bakit malungkot ka naman? Dapat ngumiti ka para nakangiti rin sila habang nakatingin sa ‘yo. Sayaw tayo?” yaya nito kapagkuwan.
Ngumiti siya. “Aba’y hindi ako tatanggi riyan. Teka.” Tumungo siya sa kaniyang silid at isinalang sa gramopono ang Blue Moon ni Dean Martin. Pagkatapos ay lumabas siya at nagsayaw sila ni Isabel habang magkahinang ang kanilang mga mata.
“Ang ganda ng music,” wika nito. “Luma na pero romantic. Pakiramdam ko tuloy, may blue moon ngayon.”
Tinitigan niya ito sa mga mata. “Isabel, salamat, ha? Maraming salamat dahil kahit hindi mo pa ako lubusang kilala, kahit ilang beses pa lang tayong nagkikita, naniniwala ka sa akin, nagtitiwala ka sa akin.”
“Mararamdaman naman siguro natin kung dapat bang paniwalaan at pagkatiwalaan ang isang tao. Hindi palagay ang loob ko sa iba pero sa ‘yo, palagay ang loob ko. Kaya pinaniniwalaan at pinagkakatiwalaan kita.”
“Ngunit humihingi ako ng paumanhin sa iyo dahil hindi natupad ang pangarap mong unang halik. Hindi natupad iyon dahil nangyari iyon nang hinalikan kita sa ikalawang pagkakataon. Pagpasensiyahan mo na ako.”
Napangiti ito. “Huwag mo nang alalahanin ‘yon.”
“Gusto kitang halikan ngayon. Maaari ba?”
Hindi na niya hinintay ang sagot nito. Sinakop niya ang tila naghihintay nitong mga labi.

NATIKMAN ni Isabel sa ikatlong pagkakataon ang pinakamatamis na halik sa buong mundo. Hindi na siya nanibago. Inaamin niya na inaasahan at hinihintay niya iyon mula sa lalaking pinangalanan niyang ‘Forever.’
Wala na siyang nagawa nang mga sandaling iyon kundi ang gumanti. Buong-puso niyang tinugon ang halik nito habang pikit-matang dinadama ang mga labi nito.
Tulad noong una at pangalawa ay hindi pa rin nagbago ang halik ni Miguel sa kaniya. May nagbago lang sa parte niya. Tumugon siya nang walang ibang laman ang isip, lalo na ang puso niya, kundi ito. Si Miguel. At si Miguel lamang.
“Mahal kita, Isabel,” pahayag nito. “Iniibig kita ng buong puso ko at kaluluwa.”
“Mahal din kita, Miguel,” sagot niya. “Ibibigay ko sa ‘yo ang buong puso at buong pagkatao ko.”
Muli nitong inangkin ang mga labi niya. Lumalim ang halik nito, naging marubdob. Pinaikot niya ang kaniyang mga kamay sa leeg nito. Mayamaya ay kinuha nito ang isang kamay niya at dinala iyon sa matipunong dibdib nito. Naramdaman niya ang mabilis na pagtibok ng puso nito. Ang bawat tibok ay tila nagsasabi kung gaano siya nito kamahal.
Ilang sandali pa ay naramdaman niyang gumagapang ang mga kamay nito sa katawan niya. Mula sa malapad na dibdib nito, bumaba ang kamay niya sa patag nitong tiyan. Sumunod siya rito nang humakbang ito patungo sa loob ng kuwarto nito habang patuloy lang na nakahinang ang kanilang mga labi.
Pagdating doon ay inumpisahan nitong tanggalin ang pagkakabutones ng polo nito. Namangha siya sa tila perpektong katawan nito nang hinubad nito ang pang-itaas. Inihiga siya nito sa kama at kumubabaw sa kaniya. Naramdaman niya ang kahandaan nito sa kaniyang tiyan. Isa-isang tinanggal nito ang mga nakatakip sa katawan niya habang dinadampian ng mga labi ang bawat bahaging inaalisan ng sagabal. Kapagkuwan ay muli siya nitong siniil ng halik sa mga labi. Hanggang sa naging isa ang kanilang mga katawan.
Hanggang sa narating nila ang langit.

HINATID ni Miguel si Isabel kinabukasan ng gabi. Namasyal pa sila nang umaga. Tila sinulit nila ang araw na iyon na magkasama silang dalawa.
Anuman ang magiging resulta ng nangyari sa kanila ay handa niyang panagutan at panindigan. Mahal na mahal niya ito at mahal na mahal din siya nito. Batid niyang walang magiging problema.
Magkahawak ang mga kamay nila habang nakaupo sa bandang likuran ng sinasakyang bus. Nakahilig ang ulo nito sa balikat niya. Nakikinig sila ng musika mula sa cell phone nito. Sa kaliwang tainga niya ang isang dulo ng earphone samantalang sa kanang tainga naman nito ang isang dulo. Nakikinig sila ng OPM.
Sa tuwing magtatagpo ang kanilang mga mata ay nagkakangitian lang sila na tila hindi na kailangan ng kahit na anong salita upang malaman nila kung gaano nila kamahal ang isa’t isa.
Nang mapatingin siya sa labas ng bintana ng sasakyan, nasilaw siya ng ilaw na nagmumula sa headlights ng isa pang bus. Sa kabila ng pagkasilaw niya ay namilog ang kaniyang mga mata. Bago pa makalampas ang sinasakyan nilang bus sa sangandaan ay nabangga iyon ng isa pang bus.
Nakita niya ang pagpatak ng luha ni Isabel bago siya pumikit.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
17 October 2019
Bleeding Love

A nerve-wracking marriage of two old lovers who broke up once few years ago If there will be a reverse button, would they choose to click it

Image Description
mariaIea
01 August 2019