Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




The Guy Called Forever

Image Description Makoy_Avelino   |   18 February 2020


Naniwala si Isabel na talagang walang forever nang hiniwalayan siya ng kaniyang nobyo Subalit nang dumating sa buhay niya si Miguel, ang 148 years old na lalaking hindi namamatay, nagbago ang lahat

CHAPTER 6
The First Love

HINARAP naman ni Miguel ang laptop niya nang magsawa siyang tumugtog ng piyano. Mula nang huli siyang umuwi ay hindi siya lumabas ng bahay. Nagkukulong siya sa kaniyang silid. Pinalilipas niya ang oras sa salit-salitang pagtugtog at pagsulat.
Ang kaniyang ama ang nagturo sa kaniyang tumugtog ng piyano. Kompositor at piyanista ito noon ng mga sarsuwela at dulang pangmusika sa teatro. Mahilig din siya sa musika ngunit mas nahuhumaling siya sa pagbabasa tulad ng kaniyang ina. Dahil doon ay nangarap siya na balang-araw ay isa sa mga mababasa nito ay ang mga kuwento niya. Ngunit sa kasamaang palad, sumakabilang-buhay ito kasama ang kaniyang ama at mga kapatid. Hindi na nito nabasa ang kaniyang nailathalang mga akda. Ngunit sigurado siyang ipinagmamalaki siya nito at ng kaniyang buong pamilya.
Kung kanina ay keyboard ng piyano ang tinitipa niya, ngayon naman ay keyboard ng kaniyang laptop. Noon ay makinilya ang ginagamit niya. Siguro ay maaari pang gumamit niyon ngayon ngunit mas madaling ayusin ang mga salita sa word processor ng computer at hindi kasing-ingay ng makinilya. Kailangan ding kompyuterisado upang maipadala sa e-mail address ng mga lathalaan.
Isa siyang manunulat.
Hindi na niya mabilang kung ilan na ang mga kuwento niyang nailathala. Nagsusulat siya ng mga tula, maikling kuwento, at nobela. Lahat ng nailathala niyang mga akda ay nasa silid-aklatan ng kanilang bahay.
Walang nagtataka kung bakit patuloy pa rin siyang nagsusulat kahit mahigit isandaang taon na siyang nabubuhay sa mundo. Wala namang nakakaalam kung sino siya maliban sa mga pinagkakatiwalaan niya.
Hindi siya nagpapakita sa kaniyang mga tagalathala, tagapatnugot, at mga mambabasa. Hindi naman niya kailangang tumungo sa opisina kapag nagsusulat. Maaari siyang pumunta kahit saan, kahit sa bahay lang. Hawak niya ang kaniyang oras. Ang kailangan lang niyang gawin ay magsulat at ipadala ang mga manuskrito niya sa publikasyon. Noon ay sa pamamagitan ng koreo ngunit ngayon ay may mas madali nang sulatroniko o e-mail.
Maaari siyang gumamit ng iba’t ibang pangalan. Maraming sagisag-panulat na ang nagamit niya. Ngunit sa kasalukuyan, tunay na pangalan niya ang kaniyang ginamit sa pagsusulat sa isang kilalang publikasyon na naglalathala ng mga librong may iba’t ibang kategorya ng panitikan. Misteryo, gotika, at katatakutan na may kombinasyon ng kuwento ng pag-ibig ang kaniyang mga sinusulat.
Sinusubukan niya ngayon ang pantasya. At si Isabel—sa wakas ay nalaman na niya ang pangalan nito—ang inspirasyon niya para sa bidang babae sa kuwentong iyon.
Napatigil siya sa pagtitipa nang lusubin na naman nito ang isip niya. Kailan ba nito hindi sinalakay ang isip niya mula nang makilala niya ito? Sa loob ng mahigit isang siglong nabubuhay siya sa mundo, muling inatake ang puso niya. Inatake ng damdaming ayaw na niyang maramdaman kahit kailan.
Bumalik ang pagkagusto. Bumalik ang pag-ibig. Dahil kay Isabel.
Ngunit tulad ng mga naunang babaeng dumaan sa buhay niya, mukhang wala rin siyang pag-asa sa bagong babaeng dumating.
Kailan ba niya mahahanap ang babaeng tunay na magmamahal sa kaniya? Ilang taon, dekada, at siglo pa ba ang kailangang lumipas bago niya mahanap ito? Ang masaklap, mahahanap pa kaya niya ito?
Sana ito na ang babaeng hinihintay niya. Pero bakit hinayaan niya itong umalis? Dahil ba ang nais lang nito ay maging kaibigan siya? Susuko na lang ba siya? Sana sinundan niya ito nang lumayo ito pagkatapos niyang ipagtapat dito ang tunay niyang nararamdaman. Bakit ba hindi niya ipaglaban ang kaniyang nararamdaman para dito?
Huminto siya sa pagtitipa at nagbihis. Ipinasok niya ang kaniyang laptop sa sling bag niya at lumabas. Kanina, bago umalis si Nathaniel ay niyaya siya nito kung gusto niyang sumama sa dadaluhan nitong kasal kung saan isa ito sa mga abay na lalaki ngunit tumanggi siya. Mukhang nawiwili na talaga itong maging tao. Mukhang wala na itong balak na bumalik sa Lupain ng Walang Hanggan. Marami na itong kakilala. Marami na rin itong naging nobya. At maliban sa kaniya, walang nakaaalam na isa itong infinito.
Naghanap siya ng puwedeng mapagtambayan para makapagsulat. Takipsilim na. Maganda siguro sa Baywalk. Mukhang masarap magsulat habang pinanonood ang papalubog na araw. Ngunit malapit na ring dumilim. Medyo matagal pang umusad ang mga sasakyan dahil sa trapiko lalo na at marami ang mga pasaherong pauwi galing sa trabaho. Baka gabi na bago pa siya makarating doon.
Bumaba siya sa jeep nang madaanan niya ang isang coffee shop. Mas gusto na lang niyang magsulat habang nagkakape.

PAPALABAS na si Isabel sa Happy Coffee kasama ang kaibigan niya nang may nakabangga siya sa pintuan ng coffee shop.
Kaagad niyang nakilala ito nang magtama ang kanilang mga mata. “Miguel,” tawag niya rito.
“Isabel,” tawag din nito sa kaniya.
Tumabi sila dahil nakaharang sila sa pintuan.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” halos sabay nilang tanong sa isa’t isa.
“Pauwi na kasi ako. Kami ng kaibigan ko. Si Tin nga pala,” pagpapakilala niya sa best friend niya. “Siya ang may-ari nitong coffee shop.”
“Ikinagagalak kitang makilala,” sabi nito sa kaibigan niya. “Celestine, hindi ba?”
Marahang siniko niya ang kaibigan niya nang mapansing nakatulala ito kay Miguel. “Bakit? Ano iyon?”
“Ikinagagalak ka raw niyang makilala at tinatanong niya kung Celestine ang pangalan mo,” bulong niya rito. Naikuwento na niya rito na mas gusto ni Miguel na tawagin sa buong first name ang isang tao kaya sinabi niya sa lalaki ang buong unang pangalan nito.
Nginitian ni Tin si Miguel. “O-Oo, Celestine,” anito sabay lahad ng kamay. “Ikinagagalak din kitang makilala,” sabi nito nang makipagkumustahan dito ang lalaki. “Totoo pala, ano? Totoo palang parang walang nangyari sa iyo pagkatapos mong mamatay. Totoo palang hindi ka namamatay,” wika pa nito na hindi malaman kung namamangha o nahihiwagaan kay Miguel.
“Alam mo?”
“Ikinuwento ko sa kaniya,” sabad niya. “Tinawagan ko siya noong dinala kita sa ospital. Nandoon din siya sa burol mo. Ngayong nakita ka niya uli, malamang magtataka siya kung bakit buhay ka. Kaya mas mabuti nang malaman niya kaagad. Huwag kang mag-alala, magaling siyang magtago ng sekreto.”
“Naka-zipper na itong bibig ko mula nang ikuwento sa akin ni Isabel ang tungkol sa ‘yo.” Kapagkuwan ay nagpaalam si Tin na mauuna na itong umuwi. Iniwan siya nito. Alam niya na gusto nitong mag-usap sila ng lalaki.
“Magkakape ka ba?” tanong niya kay Miguel nang umalis na si Tin.
“Siguro iyon ang ginagawa ng mga pumupunta sa coffee shop,” natatawang wika ni Miguel.
“Oo, alam ko. Kaya ka nga nandito, hindi ba? Sige, pagtawanan mo lang ako.”
“Hindi, ah,” tanggi nito.
“Halika na nga.” Hinila niya ito patungo sa bakanteng mesa sa bandang dulo ng coffee shop. Doon din sila pumuwesto ni Tin kanina.
Inilabas nito ang laptop mula sa sling bag nito at binuksan iyon pagkapatong sa mesa. “Alam mo ba kung ano ang password ng wi-fi dito?”
“trendhappiness. Lowercase, no space.”
Nagtipa ito sa laptop nito. “Nakakonekta na ako,” natutuwang wika nito na parang isang bata. “Titingnan ko lang kung may resulta na ang ipinasa kong manuskrito.”
“Manuscript? Nagsusulat ka?”
“Oo,” matipid na sagot nito habang nagta-type sa keyboard ng laptop nito.
“Talaga?”
“Nang makita mo ako sa parke, katatapos ko lang niyon magsulat ng isang kabanata.”
“Mabuti pala at hindi mo dala ang laptop mo no’ng nabangga ka ng sasakyan. Naayos pa ba ang cell phone mo?”
“Nakabili na ako ng bago.”
Tumango-tango siya. “Saan ka nagsusulat?”
“Iba-iba. Hindi kasi ako eksklusibo sa isang kompanya. Hindi ako pumipirma ng kontrata. Sayang naman kasi ang mga hindi aprubadong manuskrito, hindi kaagad mapapasa sa iba.” Palipat-lipat ang tingin nito sa kaniya at sa laptop nito.
“Kunsabagay, may point ka. Sabi nga nila ngayon, freelance is the new employed. Pero saan ka madalas nagpapasa ng manuscript?”
“Sa WPC. Wala pang resulta,” sabi nito habang nakatingin sa monitor ng laptop. Alam niyang tinutukoy nito ang tungkol sa manuscript na ipinasa nito. Inilipat nito sa gilid ang laptop at bumaling sa kaniya. “Pamilyar ka ba sa WPC?”
“Oo naman.” Ang Words on Pages Corporation ay isa sa mga kilalang publishing company sa bansa. “Nagsusulat si Mama sa WPC noon. Isa siya mga kilala at best-selling writer.” Nalungkot siya nang maalala ang kaniyang ina.
“Ano ang kaniyang sagisag-panulat?”
“Hindi siya gumagamit ng pen name. Tunay na pangalan niya ang Irene Sta. Maria.”
“May nabasa akong nobela niya. Balikan Natin ang Walang Hanggan,” banggit nito sa pamagat ng libro. “Maganda at magaling ang pagkakasulat ng kuwento.”
“Sayang lang at wala na si Mama.”
“Siya’y mananatiling buhay sa kaniyang mga nobela. Ang pagsusulat ay isang sining. Lahat ng gawaing pansining ay nagtatagal kailanpaman. Ikaw, ano ang pinagkakaabalahan mo sa buhay?” tanong nito kapagkuwan.
“Nagtuturo ako sa isang pampublikong high school.”
“Isa ka palang guro, Ma’am.”
“Huwag mo na akong tawaging Ma’am. Ano’ng gusto mong kape? Ililibre kita,” sabi niya.
Tumanggi ito. “Hindi na kailangan. Nilibre mo na ako noong isang linggo.”
“Kulang pa ‘yon.”
“Iniisip mo na naman ba ang pagligtas ko sa buhay mo? Huwag mo nang alalahanin iyon. Tapos na iyon. Ika’y nakabawi na,” sabi nito. “Nakapagkape ka na siguro kanina. Gusto mo bang magkape ulit?”
“Tama na ‘yong kanina. Dito lang ako. Sasamahan kita. Para may makausap ka. Kaso baka istorbo ako sa pagsusulat mo.”
“Hindi.” Tumingin ito sa menu at tinawag ang waiter. Capuccino at isang slice ng pizza ang in-order nito.
“Matagal ka na palang nagsusulat,” wika niya. “Mabuti hindi ka nauubusan ng plot.”
“Nauubusan din naman. Ngunit kahit mahirap, nakapag-iisip pa rin naman ng kuwento na iba naman. Marami na kasing magkakapareho. Pero ganoon naman talaga. Kung ang mga mang-aawit ay may kaniya-kaniyang bersiyon ng isang kanta, ang mga manunulat ay may kaniya-kaniya ring paraan kung paano isusulat ang isang kuwento. Depende na lang kung paano kakantahin. Depende na lang kung paano isusulat. Pareho lang ang kanta. Pareho lang ang plot. Pero kaniya-kaniyang istilo sa pagkanta. Kaniya-kaniyang istilo sa pagsulat,” paliwanag nito.
“Kunsabagay, ganoon din sa tunay na buhay. Magkababatang nagkagustuhan, magkaaway ang pamilya kaya ayaw ng mga magulang na magkatuluyan ang mga anak nila. Maraming sitwasyon na katulad ng mga iyon. Pero tiyak na magkaiba ng pagsasalaysay. Magkaiba ng pagkukuwento,” dagdag niya. Kahit papaano, naiintindihan niya ang pagsulat. “Puwede ko bang malaman kung tungkol saan ang sinusulat mo ngayon?” tanong niya kapagkuwan.
“Isang pantasyang kuwento ng pag-ibig,” sagot nito. “Unang beses kong magsusulat ng ganitong klaseng kuwento. Hindi ko alam kung paano bibigyan ng katapusan.”
“Ending agad?”
“Para sa akin, mas maganda na iniisip kaagad ang katapusan para alam na ang patutunguhan ng kuwento.”
“Okay. Sigurado akong happy ang ending na naiisip mo.”
“Parang fairytale naman kapag ganoon. Parang malayo sa katotohanan.”
“Fantasy naman ang sinusulat mo, hindi ba? Pero puwede mo namang gawin na sad ang ending para mas realistic.”
“Ayaw ko naman niyon. Kahit papaano, dapat makapagbibigay pa rin ng inspirasyon sa mga mambabasa na may masayang pagtatapos. Na may walang hanggan.”
“Walang forever,” kaagad na segunda niya.
“Wala nga ba? Paano naman ako? Hindi ako namamatay. Hindi ba ako maaaring maging halimbawa ng forever? Kulang na nga lang na palitan ko ang pangalan ko ng ‘Forever.’”
“Gusto mo bang ‘Forever’ na lang ang itawag ko sa ‘yo?”
Dumating ang waiter. Inilapag nito ang isang mug ng kape sa mesa. Nagpasalamat ito sa waiter.
“Hindi ka ba galit sa akin?” tanong nito sa kaniya pagkaalis ng waiter.
“Bakit naman ako magagalit? Hindi ba dapat ikaw ang tinatanong ko niyan?”
“Ako?” Humigop ito ng kape. “Bakit naman ako magagalit sa iyo?”
“Dahil iniwan kita.”
“Sanay na akong iniiwan.” Nagsimulang naging malumbay ang mga mata nito. “Iyong mga babaeng minahal ko noon, iniwan din ako. Si Cecilia, sumama siya sa aking pamilya. At ang una kong pag-ibig, ang unang babaeng nagpaligaya at nagbigay sa akin ng lungkot at sakit…”

1894

UMIBIG si Miguel pagkatapos ng tatlong segundo sa babaeng umagaw ng kaniyang atensiyon habang naglalakad sa liwasan.
Napakaganda nito. Kaya niyang titigan ito nang buong araw. Hindi siya magsasawang gawin iyon. Ito lang ang nais niyang pagmasdan. Tila eksklusibo ang kaniyang mga mata rito.
Kaagad niya itong nilapitan at nagpakilala.
“Ako si Katerina,” pagpapakilala nito pagkatapos niyang sabihin dito ang kaniyang pangalan.
Mula noon ay naging magkaibigan sila nito. Hanggang isang araw, habang nag-uusap sila sa liwasan kung saan sila palaging namamasyal ay bigla siya nitong hinalikan sa pisngi.
“Gusto kita, Miguel,” sabi nito.
Nang araw na iyon ay inihanda niya ang kaniyang sarili upang sabihin dito ang tunay niyang nararamdaman pero inunahan siya nito. Hindi siya makapaniwalang pareho ang kanilang damdamin para sa isa’t isa. “Gusto rin kita, Katerina.”
“Ngunit ang talagang totoo, hindi lang kita gusto. Mahal kita. Iniibig kita, Miguel.”
Bago pa siya makapagsalita ay sinarhan nito ang kaniyang bibig ng mga labi nito. Wala siyang nagawa kundi gumanti ng halik dahil ganoon din naman ang tunay na nadarama niya para dito.
Isang araw, hindi siya mapakali habang hinihintay ito sa liwasan. Hindi pa kasi ito nahuhuli kahit isang beses. Minsan, sabay silang dumadating. Madalas ay nauuna ito sa kaniya. Subalit nang araw na iyon ay wala pa ito.
Ngumiti siya nang sa wakas ay dumating ito. Nakangiting kinawayan siya nito habang nakatayo ito sa kabilang bahagi ng kalsada. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa bangko at tumungo sa kabilang bahagi ng kalsada at kinawayan din ito. Nang dumaan ang isang kotse ay hindi na niya ito nakita sa kinatatayuan nito. Lumingon siya sa tabi niya, iniisip na nakatawid na ito sa bahagi kung saan siya naroroon. Ngunit wala ito.
Natulala siya nang makita itong nakahandusay sa daan; duguan, walang malay. Nang dinala sa ospital ay wala na itong buhay.
Huli na niya nalaman mula sa nakababatang kapatid nito na nagkaroon ng problema sa pamilya ng mga ito. Naghiwalay ang mga magulang ng mga ito. Kaya pala malungkot ang ngiti nito nang huli silang magkita at tila wala ito sa sarili. Marahil kahit magkasama sila nito ay iniisip nito ang problema sa pamilya.

“MINSAN, kahit nagmamahalan kayo ng tunay at wagas, aalis at aalis pa rin ang isa sa inyo,” sabi ni Miguel pagkatapos niyang ikuwento ang nangyari sa babaeng minahal niya noon habang binabalikan iyon sa kaniyang alaala.
“Tama ka,” sang-ayon ni Isabel.
“Tulad ni Katerina. Mahal niya ako subalit iniwan din niya ako.”
“Ang lungkot naman niyon.”
“Sobrang lungkot. Hindi ko alam kung nabangga ba talaga siya ng kotseng hindi man lang huminto pagkatapos siyang mabangga o sadyang nagpabangga siya dahil may dinadala siyang problema.”
Nakatingin lang ito sa kaniya, tila nakikiramay na parang kanina lang nangyari ang ikinuwento niya.
“Noong makita kong mababangga ka ng sasakyan, naalala ko siya. Nakita ko siya sa iyo,” kuwento niya. “Maayos na ako ngayon. Wala na rin naman akong magagawa kundi tanggapin ang mga nangyari.”
“Tama, mag-move on na lang. Kailangang ipagpatuloy ang buhay,” wika nito. “Kaya kahit walang forever, hindi ko isinasara ang puso ko sa sinumang nais pumasok dito.”
Ngumiti siya. “Talaga?” Tila nabuhayan siya ng pag-asa. Tinitigan niya ito sa mga mata. Hinawakan niya ang mga kamay nitong nakapatong sa mesa. “Isabel, gusto pa rin kita.”
“Miguel…” Tila sinusubukan nitong umiwas ng tingin pero hindi nito iyon nagawa.
“Hindi pa rin nagbabago ang tibok ng puso ko para sa iyo mula nang makilala kita. Sa tingin ko nga ay pag-ibig na itong nararamdaman ko.”
Binawi nito ang mga kamay mula sa kaniya. “Miguel, sana maintindihan mo ako kung hindi ko pa masusuklian ang nararamdaman mo para sa akin.”
“Hindi pa,” ulit niya sa bahaging iyon na sinabi nito. “Ibig sabihin, ako’y may pag-asa pa.” Hindi nito alam kung anong ligaya ang dulot niyon sa puso niya. “Ika’y aking naiintindihan kung gusto mong maging magkaibigan lang muna tayo. At nagpapasalamat ako dahil hindi ka galit sa akin. Pangako, hindi ko sisirain ang ating pagkakaibigan.”
“Salamat din,” nakangiting sabi nito. “Pero puwede mo akong ligawan kung gusto mo.”
Hinawakan muli niya ang mga kamay nito. “Salamat, Isabel. Maraming salamat.” Tumaas pa ang antas ng kaligayahan sa kaniyang puso.
Nararamdaman siguro nito kung gaano siya kasaya kaya nasasalamin niya sa mga mata nito na masaya rin ito para sa kaniya.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
17 October 2019
Bleeding Love

A nerve-wracking marriage of two old lovers who broke up once few years ago If there will be a reverse button, would they choose to click it

Image Description
mariaIea
01 August 2019