Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




The Guy Called Forever

Image Description Makoy_Avelino   |   12 February 2020


Naniwala si Isabel na talagang walang forever nang hiniwalayan siya ng kaniyang nobyo Subalit nang dumating sa buhay niya si Miguel, ang 148 years old na lalaking hindi namamatay, nagbago ang lahat

CHAPTER 5
The Coffee Shop

NAKIKINIG si Isabel ng Clair de Lune habang sakay siya ng bus pauwi. Mahilig siya sa mga instrumental at Classical music. Dina-download niya ang mga musika mula sa YouTube at kino-convert sa mp3 format na awtomatikong nasi-save sa music folder ng cell phone.
Paborito niya ang komposisyong iyon ni Claude Debussy. Gumagaan ang pakiramdam niya kapag naririnig niya ang musikang iyon. Dahil liwanag ng buwan ang ibig sabihin ng pamagat ng musika, parang nagmamasid siya sa maliwanag na buwan. Ngunit walang buwan dahil umuulan.
Pinanood niya ang pagpatak ng ulan mula sa labas. Inilagay niya ang kaniyang hintuturo sa transparent na bintana ng sasakyan at sinundan ang isa sa maliliit na linya ng tubig-ulan na dumadaloy sa panlabas na bahagi niyon.
Naisip niya na ang daliri ay sumisimbolo sa tao at ang mga linya ng tubig-ulan ay tulad ng tubig-ilog na sumisimbolo sa agos ng buhay. Ang tao ay kailangang sumunod sa agos ng buhay. Kung hindi ay hindi siya makaaalis sa kinaroroonan niya ngayon.
Kailangan na niyang ipagpatuloy ang kaniyang buhay. Kailangan na niyang mag-move on.
Alam niyang hindi ganoon kadali iyon. Lalo na para sa kaniya. Dahil kagagaling lang niya sa breakup. Bakit ba kasi kailangan pang magkakilala ang dalawang tao kung maghihiwalay lang din naman ang mga ito? Tulad nila ni Kurt.
Hindi niya inasahang mangyari iyon. Pero ganoon talaga siguro. May mga pangyayari sa buhay na hindi inaasahan. Walang takdang oras. Walang takdang panahon. Puwedeng maganda ang sikat ng araw bukas. Puwede ring umulan. Ang hindi pagpapakita ng araw, ang madilim na kalangitan, at ang malamig na hangin ay mga signos na uulan.
Naramdaman niya ang panlalamig sa kaniya ni Kurt bago pa ito nakipaghiwalay. Nagdadahilan ito sa tuwing gusto niyang magkita sila nito. Ayaw nitong puntahan niya ito. Parang ayaw siya nitong makita.
Sinasagot naman nito ang mga tawag niya pero hindi nagtatagal ang pag-uusap nila. Hindi rin humahaba ang text at chat conversations nila. Parang ayaw siya nitong kausapin. Hinayaan lang niya ito. Patuloy lang siyang nagpapadala rito ng mga mensahe kahit hindi ito nagre-reply. Siguro nang mga panahong iyon ay gusto nitong mapag-isa. Inintindi niya ito. Hanggang isang araw ay nakipagkita ito sa kaniya upang makipaghiwalay.
Nang binitawan nito ang mga salitang ‘break na tayo’ ay binitawan na rin nito ang pangako nitong hindi bibitaw sa kaniyang kamay.
Mabuti na ring sinabi nito iyon kaysa iparamdam lang nito na ayaw na nito. Naging honest lang ito at sinabi ang totoo nitong nararamdaman. At masakit ang katotohanang iyon.
Sabi nila, kung mahal mo raw ang isang tao, dapat mo itong palayain. Pero sabi rin nila, dapat mong ipaglaban ang taong mahal mo. Medyo magulo ang pag-ibig. Hindi mo alam kung ano talaga ang dapat gawin.
Depende siguro iyon sa sitwasyon. May mga sitwasyon na dapat lumaban. May mga sitwasyon na dapat magpalaya. Sa sitwasyon niya ay dapat siyang magpalaya. Pero hindi niya pinalaya si Kurt dahil iyon ang dapat. Pinalaya niya ito dahil iyon ang kailangan. Iyon ang kailangan nito.
Ayaw niya sanang gawin iyon. Bakit naman niya hahayaang umalis sa buhay niya ang lalaking mahal niya nang totoo? Pero gusto nitong palayain niya ito. Kaya kinaya niya ang sakit masunod lang ang nais nito. Nirespeto niya ang desisyon nito. Dahil nirerespeto niya ito.
Pag-ibig ang pinakamasarap na pakiramdam sa buong mundo. Ang pinakanakakakilig. Ang pinakamasaya. Pero pag-ibig din ang pinakamasakit. Ang pinakamapait. Ang pinakamalungkot.
Kapag ang puso ay umibig ng tapat at totoo, sa tingin niya, matagal humilom ang sugat kapag nasaktan ito. Tulad ng puso niya. Parang nalunod ang puso niya sa pinakailalim ng pinakamalalim na bahagi ng dagat. Hindi makaalis. Hindi makahinga. Naghihingalo. Parang mamamatay. Kaunti na lang siguro ang natitirang hininga. Mukhang malapit nang maubos.
Alam na niya kung gaano kasakit ang masaktan. Alam na niya ang kahulugan ng pagiging malungkot. Ipinaramdam sa kaniya ni Kurt kung gaano kasarap ang umibig. Subalit ipinakita rin nito sa kaniya ang isang kahulugan ng kalungkutan nang sinaktan nito ang puso niya.
Napatigil siya sa pag-iisip nang marinig niya ang pagtunog ng message alert tone ng cell phone niya. Nanggaling kay Tin ang mensahe. Naalala niya, hindi pa pala siya nagre-reply sa text nito kanina.
Sab, nasaan ka na? tanong nito.
Nag-reply siya. Pauwi pa lang ako.
Ang tagal ng reply, ha! nagrereklamong sagot nito. Nandito ako sa inyo ngayon. Kanina pa, ang karugtong.
Ano’ng ginagawa mo riyan?
May ikukuwento kasi ako.
Hindi ba puwedeng sa text o tawag na lang?
Puwede naman. Pero mas gusto ko sa personal.
Sige, hintayin mo ako. May ikukuwento rin ako.
Pagkauwi niya ay nagbihis muna siya bago nakipagkuwentuhan kay Tin.
“Nakita ko si Nate sa bookstore nang bumili ako roon kanina ng libro.”
“Nakita ka rin niya?” excited na usisa niya.
“Busy siya sa pakikipag-usap sa kasama niyang babae.”
“Selos ka?”
“Wala akong karapatang magselos.”
“Pero nagseselos ka nga? Bawal magsinungaling,” paalala niya.
“Slight lang. Uuwi na ako.”
“Kaagad?”
“Kanina pa kaya ako rito. Iyon lang naman ang sadya ko.”
“Hindi mo ba pakikinggan ang kuwento ko?”
“Puwede naman yatang sa text o tawag na lang iyan.”
“Mas gusto ko sa personal.”
Sabay silang natawa. Malamang tulad niya, naalala rin nito ang usapan nila kanina sa text. “Sige na, magkuwento ka na,” utos nito.
“Nagkita kami ulit ni Miguel,” simula niya. Nagpatuloy siya hanggang sa umabot sa bahaging hinalikan siya ng lalaki sa ikalawang pagkakataon.
“Hindi ka niya sinundan?”
Umiling siya. “Nag-expect akong susunod siya,” amin niya. “Pero hindi niya ginawa.”
“Kung talagang may gusto siya sa iyo, sinundan ka niya.”
“Baka naghihintay siyang babalikan ko.”
“Babalikan mo ba sana siya?”
Napaisip siya sa tinanong ng kaibigan. “Hindi ko alam. Hindi ko lang talaga siya maalis sa isip ko mula nang makilala ko siya. Siguro gusto ko rin siya.”
“Bakit hindi mo sinabi sa kaniya?”
“Hindi kasi ako sigurado sa nararamdaman ko. Ang nasisiguro ko lang, gusto ko siyang maging kaibigan. Ayokong umasa siya na higit pa roon ang maibibigay ko.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Ayoko nang magmahal ulit. Ayoko nang magmahal ulit ng maraming taon at pagkatapos ay maghihiwalay rin. Walang talagang forever, Tin.”
“Isabel naman, alam mo namang parte ng pagmamahal ang masaktan at mabigo, hindi ba? Ang breakup, part iyan ng love. Isang masakit na parte ng pag-ibig. Kaya kapag nagmahal ka, kailangang preparado ka sa parteng iyon. Dapat handa kang masaktan. Asahan mo nang masusugatan ang puso mo.”
“Pero kahit preparado ka at alam mong mangyayari, hindi ibig sabihin niyon na makakaiwas ka na sa sakit. Mararamdaman mo pa rin iyon. Handa ka man o hindi, masasaktan ka pa rin. Madudurog pa rin ang puso mo.”
“Masarap ang magmahal. Masarap ang umibig. Ngunit hindi sa lahat ng oras. Hindi sa lahat ng pagkakataon. Hindi sa lahat ng sitwasyon. Darating ang araw na masasaktan ka. Darating ang araw na masusugatan at mababasag ang puso mo. Hindi mo alam kung kailan maghihilom. Hindi mo alam kung kailan muling mabubuo. Hindi mo alam kung muli pa bang mabubuo. Hindi sa lahat ng oras, matamis ang lasa ng pag-ibig. Darating ang araw na matitikman mo ang lasa ng pag-ibig na hindi mo magugustuhan. Malalasahan mo ang pait. Mararamdaman mo ang pananatili niyon sa dila mo. Hindi madaling maialis. Hindi madaling matanggal. Hindi madaling mabura. Parang walang katapusang sakit. Parang walang katapusang pait. Parang walang katapusang pagtitiis. Parang walang katapusang paghihirap. Pero mawawala rin ang sakit. Maghihilom din ang sugat. Kasi walang forever, hindi ba?”
“Tama ka,” sang-ayon niya sa mahabang litanya nito.
“Hindi lang sa pag-ibig, pati rin sa pusong nasaktan,” anito na sinang-ayunan na naman niya. “Naiintindihan ko kung bakit ganyan ka. First boyfriend mo si Kurt. Siya rin ang first heartache mo. Hindi madaling mag-move on. Lalo na sa tulad mong baguhan pa lang sa pakikipagrelasyon.” Nakadalawang nobyo na ito. Parehong hindi nagtagal ang mga iyon.
“Bakit ba patuloy ka pa ring nagmamahal kung alam mong masasaktan ka lang din naman pala?” tanong niya rito.
“Dahil sa kabila ng lahat ng sakit, masarap pa ring umibig. Parang pangarap lang iyan sa buhay. Ikaw, hindi ba nabigo ka noong una kang kumuha ng LET? Pero ano ang ginawa mo? Kumuha ka ulit, hindi ba? Hindi ka sumuko. Muli kang sumubok. At nakuha mo sa ikalawang pagkakataon. Ngayon, regular teacher ka na sa isang kilalang high school.”
Hindi siya nakapasa noong unang beses siyang kumuha ng Licensure Exam for Teachers. Nasaktan siya. Dahil alam naman niyang ginawa niya ang lahat. Nagdesisyon siyang huwag nang kumuha ulit. Pero naisip niya na baka hindi pa para sa kaniya ang pagkakataong iyon. Kaya ibinalik niya ang kumpiyansa at tiwala sa sarili. Mas dinagdagan pa niya ang pagsisikap at pagpupursige. Hanggang sa nakapasa siya sa ikalawang pagkakataon.
Ngumiti siya. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya. “Salamat, Tin. Mabuti na lang, nandiyan ka.” Niyakap niya ito.
Gumanti naman ito ng yakap. “What are best friends for?”
Nagkakilala sila ni Celestine Chiu noong college. Magkaiba sila ng kurso—BSEd Major in Social Science siya samantalang Business Management naman ito—pero naging magkaklase sila sa Trigonometry. Irregular student kasi ito dahil transferee. Nag-cross-enroll ito sa department niya para sa asignaturang iyon dahil sa mga conflict sa department nito. Nagpapatulong siya rito dahil mahina siya sa kahit anong klase ng Mathematics. Mula noon ay naging magkaibigan sila kahit hindi na sila naging magkaklase nang mga sumunod na school year.
Kumalas siya rito. “Nagpapasalamat ako dahil nandito ka. Sa bahay namin. Sa buhay ko. Nandiyan ka lang palagi kahit na minsan o madalas ay wala ako para sa iyo.”
“Ito naman, masyadong OA. Hindi ka ba napapagod mag-drama?”
Hindi niya pinansin ang sinabi nito. “Nandiyan ka palagi para sa akin. Pero nandiyan ba ako palagi para sa ‘yo?”
“Hindi ka naman nawala, ah. Kitang-kita nga kita, eh.”
“Huwag mo na akong ipagtanggol.” Alam niyang idinaan nito sa pamimilosopo ang pagtakip nito sa pagkukulang niya rito bilang kaibigan.
“Wala ka man sa halos lahat ng masasayang sandali ng buhay ko, nandiyan ka kapag kailangan ko ng makakasama at makakausap,” seryosong sabi nito.
Hindi siguro niya napansin iyon dahil minsan lang nito kinailangan ng makakasama at makakausap. Iyon ang alam niya. “Totoo?”
“Mukha ba akong nagbibiro? Sabihin mo lang na maganda ako, okay na iyon sa akin.”
“One of a kind ka talaga. Thank you for being my best friend.”
“Salamat din sa ‘yo. Tama na ang drama, okay? Ano, may pag-asa na ba si Miguel sa puso mo?” tanong nito kapagkuwan.
“Susubukan kong magmahal ulit. Pero hindi muna ngayon.” Siguro nga ay gusto rin niya si Miguel. Pero mahal pa rin niya si Kurt. Hindi ganoon kadaling kalimutan ang mahigit four years na relasyon nila ng dating nobyo.
Nakangiting tumango ito. “Sabi nga ni Demi Lovato, give your heart a break.”
“Oo, hahayaan ko munang magpahinga ang puso ko. Hahayaan ko munang maghilom ang sugat nito.”
“Kaya smile ka lang, okay?”
Ngumiti siya.

PAGSAPIT ng Biyernes, pagkatapos ng klase ni Isabel, niyaya siya ni Tin na tumungo sa Happy Coffee. Sinundo siya nito sa eskuwelahan at sumakay sila sa kotse nito.
Happy Coffee is happiness. Everything there is about happiness. Everyone there is happy. Kaya parang nahawa rin siya ng kasayahan. Parang kasama na rin siya sa nagpapasaya sa maaliwalas na paligid ng coffee shop iyon na pag-aari ni Tin. Nasa dugo na nga talaga ng mga Chinese ang pagiging negosyante. Purong Tsino ang papa nito. Purong Pinay naman ang ina.
Bagay na bagay sa coffee shop ang pangalang Happy Coffee. Nakare-relax ang pinatutugtog na mellow at feel-good music. May bookshelf doon kung saan puro masasaya ang tema ng mga libro at magazines na libreng basahin. Bukod sa happiness quotes na nakasulat sa mga mug, may sulok doon na tinatawag na Happy Thoughts Corner. Puwedeng isulat ng mga customer sa sticky notes ang kahit anong maisip ng mga ito tungkol sa kasiyahan at idikit doon.
Inilagay ng kaibigan niya sa harap niya ang isang mug ng kape at dalawang slice ng banana cake. Ito mismo ang naghanda ng mga iyon para sa kaniya. Gusto talaga nitong maging masaya siya. Kung ang kape ay may caffeine, ang saging naman ay may tryptophan, isang klase ng protein na kino-convert ng katawan para maging serotonin na tumutulong upang ma-relax at makaramdam ng saya ang isang tao.
Nakagugutom ang amoy ng cake. Masarap sa ilong ang aroma ng kape.
Mahigit sa sampu ang klase ng kape na mapagpipilian doon. Maliban sa cake, ang iba pang mga side menu ay bread, burger, muffin, sandwich, pizza, cookies, at pasta. Ang mga sini-serve na kape ay nilalagyan ng disenyong smiley sa ibabaw. Isang simpleng smiley na makikita sa logo ng coffee shop. Bawat mug ay may nakasulat na quote tungkol sa happiness. Binasa niya sa isip ang quote na nakasulat sa mug niya mula sa librong Juno and Juliet ni Julian Gough:
Hurt is a part of happiness, that our definition of happiness has gotten very narrow lately, very nervous, a little afraid of this brawling, fabulous, unpredictable world.
Sinalakay na naman ni Kurt ang isip niya. Naiyak siya nang maalala ang nakapanghihinayang na masayang nakalipas nila at ang sakit ng nasayang nilang relasyon. Ngunit parang umurong ang mga luha niya nang lumitaw si Miguel sa kabilang bahagi ng isip niya. Bakit kaya kahit gaano kasakit ang nararamdaman niya, kapag naiisip niya ito ay napapangiti siya?


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
17 October 2019
Bleeding Love

A nerve-wracking marriage of two old lovers who broke up once few years ago If there will be a reverse button, would they choose to click it

Image Description
mariaIea
01 August 2019