Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




The Guy Called Forever

Image Description Makoy_Avelino   |   19 March 2020


Naniwala si Isabel na talagang walang forever nang hiniwalayan siya ng kaniyang nobyo Subalit nang dumating sa buhay niya si Miguel, ang 148 years old na lalaking hindi namamatay, nagbago ang lahat

CHAPTER 10
The Last Death

APAT na araw na lang ang nalalabi. Apat na araw na lang at lilisanin na ni Miguel ang mundo. Habang dahan-dahang lumilipas ang mga araw ay nadadagdagan ang kalungkutang nararamdaman ni Isabel.
Nakita niyang bukas ang gate ng bahay nito nang makarating siya roon. Malamang ay binuksan iyon ni Nate para sa kaniya. Bukas rin ang pinto kaya pumasok na siya sa loob. Umakyat siya sa kuwarto nito. Sarado ang pinto niyon. Nalaman niyang naka-lock iyon nang pinaikot niya ang seradura. Pero siguradong gising ito dahil kanina pa niya naririnig ang tunog ng piyano.
Kumatok siya.
“Miguel?”
Tumigil ang pagtunog ng piyano.
Kinatok at tinawag niya ulit ito ngunit ilang beses na niyang paulit-ulit na ginawa iyon ay wala siyang natanggap na sagot mula rito. Hinintay niyang pagbuksan siya nito pero nanatiling nakapinid ang pinto.
“Hindi ako aalis rito hangga’t hindi mo ako pinapansin,” wika niya.
Alam niyang naririnig siya nito ngunit wala pa ring tugon mula rito.
“Gusto kitang mag-usap. Marami akong gustong sabihin sa ‘yo. Please naman, Miguel,” pakiusap niya.
Subalit nanatiling tahimik ang paligid.
“Miguel, alam ko kung ano ang nagyayari sa ‘yo. Wala akong pakialam kung ano man ang itsura mo. Gusto kong malaman mo na wala pa ring nagbago.” Hindi niya napigilan ang pagpatak ng mga luha niya.
Mayamaya ay napansin niyang umikot ang seradura. Kapagkuwan ay bumukas ang pinto. At tumambad sa kaniya ang isang matandang lalaki.
Patuloy sa pag-iyak na niyakap niya si Miguel.
“Umalis ka na,” pagtataboy nito. Hindi na siya nagulat kung bakit boses-matanda ito.
“Kahit ipagtabuyan mo pa ako ng maraming beses, hindi ako aalis. Hindi kita iiwan.”
“Nasisiraan ka na ba? Hindi iyan gawain ng matinong tao, alam mo ba iyon?”
“Ang alam ko, walang sira o matino sa pagmamahal. Lahat ay pantay-pantay.”
“Kunsabagay, ilang araw na lang naman. Ilang araw mo na lang akong kailangang alagaan. Ilang araw na lang ang kailangan mong tiisin.”
“Araw-araw kitang aalagaan. Kahit wala ka na, patuloy kong aalagaan ang pag-ibig mo dito sa puso ko,” pangako niya.
“Hindi ko alam kung paniniwalaan ba kita o hindi. Ngunit binubulong ng puso ko na totoo ang iyong sinasabi. At naniniwala ako sa sinasabi ng aking puso.”
Kakalas na sana siya upang titigan ito nang maramdaman niya ang mga kamay nito sa likod niya.
Kapagkuwan ay inalalayan niya ito na muling pumasok sa kuwarto nito. Pinaupo niya ito sa gilid ng higaan at tinabihan.
“Hindi ko alam kung ano ang ginawa ko sa iyo para mahalin mo ako nang ganito,” sabi nito.
“Mahal mo ako. Sapat nang dahilan ‘yon para mahalin kita nang ganito,” wika niya.
“Salamat. Ngunit sandaling panahon na lang, iiwan na kita.”
“Hayaan mong alagaan kita hanggang sa dumating ang panahong ‘yon.”
“Ngunit maaari namang hayaan mo na lang ako.”
Umiling siya. “Ayokong hayaan kang mag-isa. Gusto kong nandito ako sa tabi mo hanggang sa tumigil ang iyong paghinga.” Hinayaan niyang pumatak ang mga luha niya. “Ipinapangako ko sa ‘yo, Miguel, mamahalin kita habambuhay. Mamahalin kita kahit wala ka na. Mamahalin kita magpakailanman.”
“Walang magpakailanman, hindi ba?”
“Nang makipaghiwalay sa akin si Kurt, hindi na ako naniwala sa forever. Pero nang makilala kita, muli akong naniwala na mayroon.”
“Dahil ba ako si Forever Guy para sa iyo?”
“Lahat ng bagay sa mundo ay nagbabago. Tulad ng mga ulap. Napakabilis magbago ng porma ang mga ito. Sa isang kisapmata ay nagbabago na. Ang pagbabago ay isang bagay na tuloy-tuloy lang na nangyayari. Minsan, hindi maganda ang pagbabago. Pero lahat ng pangyayari ay may dahilan. May mga pagbabagong hindi maganda dahil may nakatakda pang maganap na mas maganda.”
“Ano kaya ang mas magandang mangyayari? Makikipagbalikan kaya sa iyo si Kurt?”
“Hindi na siguro. Sa tingin ko, masaya na ‘yon sa Australia kasama si Tracy, ang babaeng hindi niya nakalimutan at patuloy niyang minamahal,” parang kaswal na lang na sabi niya.
“Talaga bang siya’y nakalimutan mo na?” paniniguro nito.
“Matagal ko nang natanggap ang nangyari sa amin. Matagal na akong nakapag-move on. Salamat sa ‘yo.”
“Kung ganoon ay masaya akong mamamatay. Sapagkat alam kong magagawa mo ring ako’y kalimutan.”
“Nasisira ang mga gamit hindi lang dahil hindi iningatan ang mga ito kundi dahil din may mabibili pang mas maganda. Nakipaghiwalay sa akin si Kurt dahil may darating na mas higit pa sa kaniya. Ikaw, Miguel. Ikaw ang dumating. Ikaw ang lalaking itinakda para sa akin. Hindi kita magagawang kalimutan. Dahil sa ‘yo, muli akong naniniwala na may forever.”
“Sabi mo kanina, lahat ng bagay sa mundo ay nagbabago. Ibig sabihin, walang magpakailanman.”
“Siguro nga, kung literal, wala talagang forever. Dahil kung may forever, hindi na kailangang ipagpatuloy ang buhay. Hindi na kailangang mag-move on. Aasa na lang tayo na magtatagal ang lahat. Hahayaan na lang na mangyayari ang lahat. Kahit huwag nang pahalagahan. Dahil may forever naman. Kaya mabuti na rin na walang forever. Dahil kung may forever, hindi tayo matututong pahalagahan ang ngayon.”
“Lilipas ang panahon. Papanaw ang mundo. Kung ano man ang nangyayari ngayon, iyon ay dahil walang magpakailanman. Kaya dapat nating pahalagahan ang lahat ng mga mahalagang bagay sa ating buhay dahil kung hindi ay pagsisisihan natin kapag nawala ang mga ito.”
“Pero sa kabila ng lahat, may forever pa rin. Ang gulo ko, ano?” natatawang wika niya.
“Depende sa sitwasyon kung mayroong magpakailanman o wala. Depende rin sa karanasan ng isang tao. Pero tulad mo, naniniwala rin ako na mayroon,” sabi nito.
“Ang totoo kasi niyan, naniniwala talaga ako na may forever. Noon. Pagkatapos, hindi na. At ngayon, naniniwala na ulit. Mula nang makilala kita. Dahil sa ‘yo.”
“Ngunit marahil hindi lang nakatakdang mangyari sa atin,” malungkot na pahayag nito.
“Sa totoo lang, ang isip lang naman natin ang nagiging hadlang para maniwala tayo sa mga posibilidad. Dahil ba hindi natin nakikita ang isang bagay, ibig sabihin, wala na ito?”
“Tama ka,” sang-ayon nito. “Ang puso natin ang siyang tanging naniniwala sa mga posibleng mangyari.”
“Alam mo kung bakit naniniwala akong may forever?” Kaagad niyang sinagot ang sariling tanong. “Dahil hindi ko malilimutan ang pag-ibig mo sa akin at hindi matatapos ang pag-ibig ko sa ‘yo.”
Pumatak ang mga luha nito. “At kahit hindi na tumitibok yaring puso ko, mananatiling ikaw lang ang laman nito. Mamatay man ako kasama ang aking puso, mananatiling buhay ang aking pag-ibig para sa iyo.”
“Juan Miguel Tajanlangit, puwede ba kitang pakasalan?”
“Nais ko mang pakasalan kita ngunit naisip kong hindi naman na kailangan pa.”
“Bakit?”
“Sapagkat alam kong batid na ng Diyos na kasal na ang ating mga puso mula nang minahal natin ang isa’t isa.” Mataimtim na tinitigan siya nito sa mga mata. “Isabel Sta. Maria, iniibig kita ng buong puso ko’t kaluluwa.”
Umiiyak na niyakap niya ito.
Nang mga sumunod na araw ay bumabalik siya sa bahay nito pagkatapos ng kaniyang klase. Pinarinig nito ang nilikha nitong piano piece para sa kaniya na pinamagatang Forever.
Nagpatulong ito sa kaniya na tugtugin iyon dahil tila wala nang lakas ang mga daliri nito sa pagtipa. Tinabihan niya ito hanggang sa hinayaan na lang siya nitong magtuloy sa pagtugtog niyon habang binabasa niya ang mga simbolo ng musika sa piano sheet. At hindi niya mapigilan ang tuloy-tuloy na pagpatak ng kaniyang mga luha.
Tumutulo ang mga luha niya habang tinitipa ang malulungkot na nota dahil ramdam niyang nilikha nito ang musika mula sa kaibuturan ng naghihinagpis nitong puso.
Tinupad niya ang pangako niya rito. Inalagaan niya ito hanggang sa dumating ang huling araw nito sa mundo.

INALALAYAN ni Isabel si Miguel patungo sa balkonahe ng kuwarto nito. Dahan-dahang pinaupo niya ito sa bangko pagdating doon. Umupo rin siya sa bangko na katabi ng inuupuan nito.
“Mabuti at nariyan ang buwan at marami ang mga bituin ngayon.” Pinilit nitong ngumiti.
“Siguro dahil gusto nilang maging masaya ka. Masaya ka ba?”
“Oo naman. Hindi lang dahil sa buwan at mga bituin. Kundi dahil nandito ka rin. Dahil nandito ka palagi. Thank you, ha?”
“Ngayon ka lang yata nag-thank you sa akin?”
“Kahit matandang-matanda na ako, hindi ako ulyanin, ano? Hindi ako nakalilimot na ilang beses akong nagpasalamat sa iyo. Ikaw yata ang makalilimutin sa ating dalawa?”
“Ang ibig kong sabihin, ngayon lang kita narinig magsalita ng English ng salamat.”
“Alam mo namang hindi ako Inglisero, you know.”
Natawa siya pero kaagad ding sumeryoso. “Mami-miss ko ang pagta-Tagalog mo. Mami-miss ko ang boses mo. Mami-miss kong titigan ang mapupungay mong mga mata, ang matangos mong ilong, ang iyong buong mga labi, ang cute mong ngiti. Mami-miss ko ang paghawak mo sa mga kamay ko, ang mga yakap mo at halik na madalas sa minsan, ninanakaw mo sa akin. Mami-miss ko lahat. Lahat-lahat ng tungkol sa ‘yo.”
Hinawakan nito ang kamay niya. “Ikaw ang aking hilaga. Ikaw rin ang aking timog. Ang aking kanluran. At ang aking silangan. Ikaw ang bawat sulok ng aking mundo. Ikaw ang aking daigdig, Isabel. Mahal na mahal kita. Lagi mo sanang tatandaan iyan. I love you so much. English iyan. Bago man lang ako mawala, gusto kong marinig mong sinabi ko sa English kung gaano kita kamahal.”
Napangiti siya. “Lagi mo ring tatandaan na mahal na mahal din kita. Ikaw lang ang mamahalin ko habang nabubuhay ako. Ikaw lang at walang iba. Habambuhay,” pangako niya.
Ngumiti ito saka muling tumingin sa mga bituin. “Malapit ko nang makasama ang pamilya ko.”
“Pati sina Cecilia at Katerina.”
“Ikukuwento kita sa kanila. Sasabihin ko sa kanila na ikaw ang babaeng aking iibigin hanggang sa kabilang buhay.”
Muling nagtagpo ang kanilang mga mata.
“Ayaw ko sanang iwan ka. Kaunti pa lang ang panahon na tayo’y magkasama.”
“Wala sa haba o ikli ng pagsasama para malaman ng dalawang taong nagmamahalan kung gaano nila kamahal ang isa’t isa. Pero ayaw ko ring mawala ka. Gusto ko sanang pumunta sa Lupain ng Walang Hanggan para kausapin ang hari ng mga infinito. Pero ang sabi ni Nate, wala na raw magagawa ‘yon.”
“Tama si Nathaniel. Nakatakda na ang araw na ito, ang araw ng aking kamatayan.”
“Ayaw kong isipin na mawawala ka na. Iisipin ko na lang siguro na pupunta ka sa malayong lugar at balang-araw ay susunod ako roon.”
“Sabi nila, lahat daw ng nangyayari sa buhay ay bunga ng mga pinipili natin. Hindi naman pala lahat. Pinipili kong maging masaya. Pinipili kong makasama ka. Ngunit kahit piliin ko palang maging masaya, hindi ibig sabihin na magiging masaya ako. Kahit piliin ko palang makasama ka nang matagal, hindi ibig sabihin na makakasama kita nang matagal. Sapagkat hindi maaari. Nalulungkot ako dahil hindi kita makakapiling nang matagal.”
“Marami naman tayong magagandang alaala, hindi ba?”
“At marami pa sana kung hahaba pa ang aking buhay. Sayang at hindi natin mapapanood nang magkasama ang mga darating na blue moon.”
“Balang-araw, mapapanood natin ang mga iyon nang magkasama. Balang-araw, magkikita tayo muli.”
“Kahit gaano katagal, hihintayin ko ang araw na iyon. At alam ko na ngayon kung bakit ako binigyan ng pagkakataong mabuhay ulit.”
“Bakit?”
“Dahil makikilala pa kita. At pinagtagpo ang ating mga landas. Hindi sumpa kundi isang biyaya ang pagkakataong nabuhay ako nang mahabang panahon. Dahil nakilala kita.”
“Sa ngayon, maging masaya ka dahil makakasama mo na ang magulang mo sa langit. Alam kong matagal din silang naghintay at nasasabik na makapiling ka.”
Halos sabay silang muling tumingala sa langit. Namagitan sa kanila ang katahimikan.
“O, bakit hindi ka na nagsasalita riyan?” aniya nang hindi na ito umiimik. “Okay lang. Alam ko naman na nawiwili ka sa panonood ng buwan at mga bituin.”
Mayamaya ay naramdaman niyang lumuwag ang pagkapit ng kamay nito sa kamay niya. Awtomatikong tumulo ang mga luha niya nang makita niyang nakapikit ito at bahagyang nakayuko na tila biglang mahimbing na nakatulog.
Niyakap niya ito nang buong higpit at tigib ng pagmamahal.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
17 October 2019
Bleeding Love

A nerve-wracking marriage of two old lovers who broke up once few years ago If there will be a reverse button, would they choose to click it

Image Description
mariaIea
01 August 2019