Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!




Your Heart is Under Arrest

Image Description karenmeiccaro   |   08 May 2020


Our love story was featured during the Valentines episode of Maalaala Mo Kaya on February 15, 2020

Hindi ko pinangarap ang makapag-asawa ng isang pulis. Kasi naman, lagi silang laman ng balita. Mapa-radyo, telebisyon o dyaryo man ‘yan.  At ayon sa mga tsismis, may pagkakabaero daw sila. Well, ewan ko lang kung totoo. Pero sadyang mapagbiro ang tadhana dahil pulis pala ang aking mapapangasawa.

Ang greatest dream ko sa buhay ay ikasal. Excited ako na magsuot ng wedding gown at magmartsa sa altar habang tumutugtog ang kantang “A Moment Like This”. Kaya lang ang problema, wala naman akong jowa. Kaya hanggang pangarap na lang muna.

Halos anim na taon akong nagtrabaho sa Nueva Ecija, ngunit sa awa ng Diyos, wala akong natagpuan na Prince Charming dun. May isang dumadalaw-dalaw sa akin noon sa apartment na tinutuluyan ko pero hindi naman siya nagsasalita. Nilalaro lang ang mga bato bato na nakalagay sa flower vase ng landlady ko habang nanonood ng teleserye. Tapos, uuwi na ang walanghiya. Akala ko magtatapat na, nakinood lang naman pala. May isa pang tinutukso sa akin kaya lang later on, natuklasan ko na lalaki din pala ang gusto niya. Hay nako. At meron pang isa na naging ka-close ko. Sweet siya sa akin kaya akala ko naman ay may pagtingin. Lagi kaming magkatext at magkasama kaya umasa naman ako. Hanggang sa nakita ko na lang sa Friendster na kinasal na pala siya. Lagi akong bigo sa pag-ibig!

Ang masakit, lahat ng mga kaibigan ko ay may lovelife na. At ‘yun nga, ako lang ang single. Sila, may tagahatid-sundo. Ako, umuuwing mag-isa. Sila, laging may ka-text at kausap sa telepono. Ako naman, puro load at text promos lang. Sila may ka-date at pa-flowers pag Valentine’s, ako nagkukulong sa bahay. It’s so unfair! Bakit ganun? Edukada naman ako, may konting ganda, pero sadyang mailap ang tadhana. Hanggang sa nagdesisyon ako na umuwi na sa aming probinsiya sa Isabela at dito na magtrabaho for good. Pero bago ko ginawa 'yan, naka-mind set na talaga ako na tatandang talaga. Kung sa Nueva Ecija nga, wala akong natagpuan, sa Isabela pa kaya?

My God, kauuwi ko pa lang, lahat na lang yata ng makakasalubong ko eh tatanungin kung kelan daw ako mag-aasawa. Ngumingiti na lang ako. Pero minsan, nakakapikon din. Akala mo naman malaking krimen ang pagiging single! 26 pa lang ako, haler??!!!

Pagkatapos ng isang buwan na pananatili sa probinsya, biglang may isang pulis na umaali-aligid. Well, mukhang interesting. Pogi. Pero syempre, hindi naman ako agad na naniwala kasi naman, 'yung panget nga nanloloko, 'yung gwapo pa kaya?

Ganito kami nagkakilala.

‘Yung isang tita ko na officemate ko, pinipilit niya sa akin na may binata daw na pulis sa katabi naming police station. Gwapo daw, magaling mag-basketball. Ayoko namang maniwala saka wala na sa isip ko ang magka-lovelife. Kaya lang, pursigido talaga ang tiyahin ko. Inaya niya akong kumuha ng police clearance na hindi naman namin kailangan. Tapos pagpunta namin dun, wala naman si mamang pulis. Tapos, pinaiwan ba naman ng tita ko ang number ko sa logbook! Eh di sinulat ko na lang para makaalis na kami.

Hanggang sa may dumating na bagyo sa bayan namin. Bilang bahagi ng trabaho ko, nag-ikot kami kasama ang DSWD para tingnan at tulungan ang mga nasalanta ng bagyo. Habang nagbibigay ng relief goods, may pulis na nagpapa-cute. Pero hindi ako interesado. Taray!

Isang araw, habang nasa office, may nagtext sakin. Ang sabi, si pulis daw siya, yung nagpapa-cute nung may bagyo. "So what?", sa isip isip ko. "Pwede ba tayong mag-katext," dagdag niya. Dedma ever ako. Pero makulit talaga. Text nang text, tawag pa nang tawag pero hindi ko sinasagot kasi nakukulitan ako at saka wala nga akong tiwala sa mga pulis. Sabi ng isang officemate ko, pansinin ko na daw kasi mabait naman daw siya. Malay ko ba kung naiinip lang sa buhay at naghahanap ng libangan. Ano ako pampalipas oras? Hindi naman ako umabot ng 26 years old and above para magpabola at magpaloko lang sa kanya, ano!  Pero mukhang pursigido siya.  Kahit ilang ulit ko nang pinatigil, sige pa rin. So, sabi ko, sakyan ko na lang. Binigyan ko ng pagkakataon ang sarili ko na makilala siya. Kung seryoso, mabuti. Kung hindi, bahala siya sa buhay niya. Basta ako, ingat lang dahil mahirap ang masaktan.

Isang araw na magka-text kami, aba, na-wrongsend siya! Andami niya palang ka-text! Nasira agad ang araw ko. Nagpaliwanag siya na wala daw ‘yun. At para daw maniwala ako na totoo ang sinasabi niya, pupunta daw siya sa bahay namin. At ginawa nga talaga! My God, ang ganda ng bihis. Parang ang bango-bango! Sa isip-isip ko, maganda siguro ang cellphone nito kasi pulis tapos single pa. Pero paglabas ng cp, dyusko, ‘yung unit niya eh ‘yung may flashlight at nabubura pa ang keypad! Di ko na lang pinansin, medyo naloka lang ako.

Para daw hindi ako magduda sa sinseridad niya, magpalit daw kami ng sim card. Sige, pumayag naman ako. At nakupo, puro pangalan ng babae ang nasa phonebook niya. Andaming nagtetext sa kanya. May pa-quotes quotes pang nalalaman, kumekerengkeng lang naman. Mukhang playboy ang pulis na ‘to, nagkamali yata ako. May isang babae na text nang text sa kanya. Di ko makakalimutan ang pangalan niya. Kaya naman, nagdesisyon ako na ibalik na lang ang sim card niya at mag-move on na sa pulis na ‘to. Nasaktan na ako dati, ayoko nang maulit pa ‘yun. Mas gugustuhin ko na lang tumandang dalaga kaysa magpaloko sa kanya.

Nagpaliwanag siya na kesyo hindi daw totoo ‘yun, na seryoso daw siya sa akin, ‘yung parang maiiyak pa ganun. Sabi niya na dapat magpapa-assign na siya sa bayan nila pero nagbago ang isip niya nung nakilala niya ako. Na may reason na daw siya na mag-stay sa bayan namin. Nakonsensiya naman ako. At syempre, ang haba ng hair ko. O di sige, bigyan ng chance.

May time no’n na akala ko na hindi na dadalaw kasi umuulan. Tinext ko siya ng “Walang malakas na ulan kung mahal mo ang pupuntahan.” Tingnan lang natin kung pupunta ka, sa isip isip ko. Pero dumating nga! Eh ‘di ang ganda ko na naman. Hahaha!

After two weeks of all-night texting, magdamag na tawagan at araw-araw na pagdalaw sa bahay, aba, “Can This Be Love?” ni Sarah Geronimo na ang theme song ko. Eh di ‘yun, kinikilig naman ang lahat ng mga kaopisina ko, pati na rin mga kapulisan sa bayan namin.

Mabait naman si Jayson. Pero talaga lang yatang ma-appeal. Kahit alam na nilang may girlfriend na siya, may mga nagpapa-charming pa rin. Parang ‘yung isang girl na umaasa pa rin kahit sinabi na ni Jayson na ako ang mahal niya, at hindi siya – at WALANG SILA. Grabe, dun ko napatunayan na may mga babae pala talaga na gagawin ang lahat para lang sa pag-ibig, kahit magmukha silang tanga. Naawa din ako pero mas gusto ko siyang sabunutan. Hehe. Muntik na kaming maghiwalay ng dahil sa kanya.

Pagkatapos ng isang buwan, sabi niya gusto na daw niya akong pakasalan. Ang bilis naman. Sabi niya, huwag na daw naming patagalin kasi dun din naman pupunta at baka mamaya, masingitan pa ng iba. Oo nga naman. Ang ganda ko kaya. Charot. Kaya naman sa maikling kwento – September kami nagkakilala, October naging kami, December namanhikan na at April, kinasal na kami. Ganun kabilis ang mga pangyayari.

Napatunayan ko na hindi pala basehan ang tagal ng isang relasyon para magkatuluyan ang dalawa. Kung talagang kayo ang para sa isa’t-isa, gaano man kaigsi o katagal ang inyong pagsasama, kayo talaga. Ito ay sagot sa panalangin. Basta kapag si Lord ang kumilos, perfect ang timing.

At ang mahalagang natutunan ko? Ang pag-ibig, hindi mo kailangang hanapin, kasi may taong nakalaan sa’yo at darating ito sa tamang panahon. Sa oras na akala mo pinakyaw na nila ang lahat ng lalaki sa mundo. ‘Yung akala mo, wala nang natira sa’yo. Kaya, tiwala lang. Mag-enjoy ka muna habang naghihintay. Sa ngayon, masaya na kaming nagsasama kapiling ang aming dalawang anak na lalaki na sina Gio at Eko.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE

Best Buddies

Kuwento ito ng dalawang magkaibigang anghel na sina Juno at Gabo Kung may pagka-mainipin at makulit si Juno, kabaliktaran naman ito ni Gabo isang araw

Image Description
GretSanDiego
28 November 2019
One Night Ride

A ride to remember or a ride to be forgotten. Sexy, bold, daring story of passion, love, anger and betrayal. A ride that will take you to the past full of vengeance.

Image Description
Mar_Mojica
17 October 2019
Bleeding Love

A nerve-wracking marriage of two old lovers who broke up once few years ago If there will be a reverse button, would they choose to click it

Image Description
mariaIea
01 August 2019