Satisfy your entertainment cravings whenever, wherever!



Ang librong ito ay naglalaman ng ibat ibang kwento na hango sa mensahe at liriko ng ibat ibang awitinIkaw, anong kanta ang nababagay sa love life mo

JS Promenade


“Emerald!”


Hindi ako ang tinawag at hindi ko rin pangalan `yon pero napalingon ako nang marinig ko ang pangalan na `yon. Kagaya ng aking hinala ay nandito na siya. Pumasok siya sa loob ng classroom namin at habang naglalakad papunta sa kanyang upuan ay parang nag-slow motion ang paligid. Sa isip ko’y kaming dalawa na lang ang nasa classroom at wala na ang aming mga kaklase.

Naglalakad siya papunta sa akin habang nakangiti. Nakita ko na naman ang mukha niyang perpekto ang hugis, babaeng-babae, ang mga mata niyang mapang-akit na kapag tiningnan ka ay mahuhulog ka agad sa kanya. Idagdag mo pa ang kulay nitong berde na kapag tinitigan ka’y parang nanghihipnotismo. Isa pang maganda ay `yung matangos niyang ilong na nakuha niya sa kanyang ama na Amerikano at `yung labi niya na manipis na mapula na parang ang sarap halikan. Shit! Heaven!

Unti-unti siyang lumalapit sa akin at nang makalapit ay yumuko siya upang magpantay ang aming mga mukha, nakaupo kasi ako. Unti-unting naglapit ang aming mga mukha hanggang sa—


“Hoy, Blue! Nananaginip ka na naman!”

Ayoko sanang buksan ang aking mga mata pero dahil pasaway ang mga mata ko ay bumukas pa rin ito. At sa pagbukas nito ay nakita ko ang aking mga kaklase na tumatawa habang nakatingin sa akin. Pinagtatawanan na naman nila ako.

“Blue, ano ba’ng iniisip mo at naka-nguso ka pa riyan?” sabi ng isa kong kaklase habang tumatawa.

“Nakakahiya ka! Nasa harapan mo pa naman si Emerald, oh!” sabi pa ng isa.

Tumingin ako sa aking harapan at nakita kong nakatayo nga ro’n si Emerald, ang babaeng kanina lang ay pinapantasya ko sa aking isipan. Namula ako at napayuko na lang dahil sa kahihiyan. Narinig ko na naman ang tawanan ng aking mga kaklase. Nakita ko namang nawala na ang babaeng nasa aking harapan at naramdaman kong umupo na siya sa upuan niya na katabi ko lang.

Napabuntong-hininga na lang ako dahil sa nangyari. Gustung-gusto kong batukan ang aking sarili pero mamaya ko na lang gagawin `yon dahil baka may makakita pa sa akin at isiping nababaliw na talaga ako.


`Yan ang role ko sa klase namin, ang laging binu-bully. Hindi naman nila ako binu-bully physically pero madalas nila akong asarin at dahil `yon sa aking itsura na mukhang nerd. Sino nga bang hindi mang-aasar dahil sa porma ko? Makapal at bilog na bilog na salamin, magulong buhok, at madalas pa’y may dala akong mga libro. Hilig ko kasi ang magbasa ng mga nobela.

Sabi nga ng aking mga kaklase na lalaki ay bakla raw ako dahil mas gusto kong magbasa ng libro kaysa sa gumimik o maglaro ng online games na kagaya ng mga ginagawa nila. Pero hindi ako bakla, ah! Sadyang hindi ko lang hilig ang mga ganoong bagay. Saka bakla ba `yung may pinapantasyang babae?

Naalala ko na naman tuloy `yung iniisip ko kanina. Kumuha ako ng isang libro at tinakpan ang aking mukha. Kunwari ay nagbabasa ako pero ang totoo’y gusto ko lang itago ang aking ngiti. Sa tuwing naaalala ko kasi si Emerald ay hindi ko maiwasang hindi ngumiti.

Si Emerald ang pinakamagandang babae sa aming klase. Maraming lalaki ang nagkakagusto sa kanya at isa na ako ro’n, pero wala pa siyang boyfriend. May pagka-grade conscious din kasi siya pero hindi siya mukhang nerd dahil maganda siya at magaling pang pumorma. Napalingon ako sa gawing kaliwa ko kung saan nakaupo si Emerald. Nagsusulat siya habang nakangiti. Ano kayang isinusulat niya at bakit nakangiti siya?

Ibinaba ko sa aking mesa ang librong hawak ko at pa-simpleng pinagmasdan si Emerald. Pinagmasdan ko kung paano gumalaw ang kanyang mga kamay habang nagsusulat, ang ngiti niyang lalong nagpapaganda sa kanyang mukha, at pinagmasdan ko ring mabuti kung paano niya iipit sa likod ng kanyang tenga ang ilang hibla ng kanyang buhok.


Hay! Ang ganda talaga niya! Malayong-malayo sa aking itsura.


Nanlaki naman ang aking mga mata nang bigla siyang lumingon sa akin. Kita sa kanyang mukha ang pagtataka, siguro’y nagtataka kung bakit ako nakatingin sa kanya. Naramdaman ba niyang tinititigan ko siya?

Agad kong ibinaling ang aking paningin sa mesa at kinuha ang librong nakapatong doon. Nagkunwari ulit ako na nagbabasa. Hindi na lang ako magpapahalata na tinitingnan ko siya kanina, ayoko ng mapahiya ulit. Kaso kapag minamalas ka nga naman, hindi mo talaga maiiwasang hindi mapahiya sa taong mahal mo.

“`Yung totoo, Blue? Bago na ba ang style ng pagbabasa ngayon?” rinig kong sabi ni Arisse, kaklase ko.

“Huh?”

“`Yung libro mo, baliktad.”

Tiningnan ko ang hawak kong libro at nakita kong nakabaliktad nga ito. Oh, shit!

Ganito ba talaga ako kamalas, Lord? Hindi ko na nga magawang abutin si Emerald tapos mapapahiya pa ako ng paulit-ulit sa kanyang harapan?

Napalingon naman ako sa aking kaliwa nang makarinig ako ng pagtawa. Pakiramdam ko’y nawala ang mga tao sa aking paligid at pati ang aking sarili ay lumipad na. Lumipad na patungo sa langit. Dahil sa aking kaliwa ay tumatawa ang babaeng mahal ko.


Lord, kung ito ang magiging kabayaran ng araw-araw na pagkapahiya ko, willing na po akong mapahiya lagi. Ang mahalaga’y marinig ko ang mga tawa ng babaeng mahal ko. Ang importante ay makita ko ang ngiti ng babaeng pinapangarap ko. At higit sa lahat, ako ang maging dahilan ng mga tawa ni Emerald.

***

Kinabukasan, habang naglalakad ako sa hallway papunta sa classroom namin, ay rinig na rinig ko ang pagkukwentuhan ng ilang 3rd year students tungkol sa JS Prom na gaganapin bukas. Narinig ko ang mga hiling nila na sana’y isayaw sila ng kanilang crush, na sana’y mapansin na sila ng taong nagugustuhan nila, at may humiling pa na sana’y mayakap o mahalikan niya ang taong gusto niya. Napapailing na lang ako habang naglalakad.


“Hey!”

Napatingin ako sa pinanggalingan ng boses at gano’n na lang ang kabog ng aking dibdib nang makita ko si Emerald na nakangiti habang kumakaway at papalapit sa akin. Pakiramdam ko’y namula ako dahil nakita ko na naman ang kanyang ngiti. Anak ng-! Kaya ako nasasabihang bakla, eh! Ang ibang lalaki itinatago ang kilig na nararamdaman pero ako namumula bigla!

Napako na ang aking tingin kay Emerald at nang malapit na siya sa akin ay kinawayan ko rin siya. Sinamahan ko pa ng pagngiti kahit na alam kong magmumukhang ewan lang ang aking itsura. Pero bumagsak ang aking mundo nang lagpasan ako ni Emerald. Oo, nilagpasan niya ako. Akala ko’y ako ang kinakawayan at nginingitian niya pero nagkamali ako.

“Hey, Bry! Sorry kagabi, nakatulog na ako, eh!” rinig kong sabi ni Emerald sa taong totoong kinawayan niya.

“Okay lang `yon. Tara na sa garden, may ipapakita ako sa `yo.”

Yumuko na lang ako at sa huli ay narinig ko na lang ang papalayong tunog ng mga sapatos nila. Nabigla naman ako nang may umapir sa akin at nakita ko ang aking mga kaklase.

“Oh, Blue, sinong kinakawayan mo riyan?” tanong ni Yellah.

“A-Ah? W-Wa-Wala.”

“Nananaginip ka na naman ba?” Narinig kong nagtawanan sila sa tanong ni Greg. “Anyway, may date ka na ba para bukas?”

“Ano ka ba naman, Greg? Sino ba namang babae ang papayag na maging ka-date ang isang kagaya ni Blue? Nerd!” rinig kong sabi ni Lera. Nagtawanan lang ulit sila at pagkatapos ay umalis na.

Pagkaalis nila ay kinuha ko ang isang sulat na nasa aking bulsa. Sulat ko `to para kay Emerald, aayain ko sana siyang maging ka-date bukas, pero sino ba namang niloko ko? Si Emerald? Papayag na maging ka-date ako? Ako na nerd?

Nilukot ko na lang ang papel at itinapon sa basurahan. `Wag ka ng umasa, Blue. Masasaktan ka lang.

***

Ilang minuto na akong nakahiga sa kama at nakatulala sa kisame. Alas-singko na ng hapon at isang oras na lang bago magsimula ang aming JS Prom. Kagabi ko pa iniisip kung a-attend ba ako o hindi. Huling taon ko na `to sa high school at alam kong malaking sayang kung hindi pa ako a-attend sa ganitong okasyon.

Pero naisip ko na… ano bang gagawin ko ro’n? Tutunganga? Pagmamasdan ang mga taong magsaya habang ako ay nagpapaka-loner sa isang sulok? Sigurado namang mapagti-trip-an lang ako ro’n. Kilalang-kilala ko na ang aking mga kaklase. Hindi nila palalagpasin ang araw na hindi ako ipinapahiya.


Bigla namang pumasok sa isip ko si Emerald. Gusto ko siyang makita kung gaano siya kaganda mamayang gabi. Gusto kong malaman kung siya pa rin ba ang magiging Prom Queen ngayong taon. Siya kasi ang naging Prom Queen noong 3rd year kami. Kung siya ang magiging reyna, sino naman kaya ang magiging hari niya? Napakunot ang aking noo sa lalaking pumasok sa aking isip, si Bry.

Manliligaw ni Emerald si Bry noon pero hindi niya ito sinagot. Ang balita ko’y hindi raw gusto ni Emerald si Bry at gusto rin niyang mag-focus sa pag-aaral. Wala raw siyang oras para sa lovelife, kaya nagdesisyon sila na maging magkaibigan na lang. Maraming nanghinayang sa kanilang dalawa dahil bagay na bagay sila. Isang maganda at isang gwapo. Isang matalino at isang varsity player. Parehong mayaman at parehong kinagigiliwan ng lahat.


Bumangon ako at humarap sa malaking salamin sa aking kwarto. Pinagmasdan kong mabuti ang aking sarili. Ano nga bang laban ko kay Bry? Walang-wala ako sa laki ng katawan niya at sa kisig ng kanyang itsura. Seriously, Blue? Naiinggit ka kay Bry? Hey, man! You’re a guy! Pareho kayong lalaki ni Bry! `Wag kang mainggit sa kanya!

Ginulo ko ang aking buhok dahil sa pagkairita. Nababaliw na yata ako. Tinitigan ko pa ng ilang minuto ang aking sarili sa salamin at pagkatapos ay napagdesisyunan kong umattend sa prom. Bahala na kung mapapansin ako ni Emerald. Bahala na kung mapag-trip-an ako ng mga kaklase ko o hindi mapansin at maiwan sa mesa.


Ayokong sayangin ang pagkakataon na `to para maisayaw si Emerald.



Naligo na ako at nagbihis. Nang maisuot ko ang aking tuxedo ay muli kong pinagmasdan ang aking sarili hanggang sa maisipan kong tanggalin ang aking salamin at ayusin nang kaunti ang aking buhok. No’ng handa na ako ay kinuha ko na ang invitation ng JS Prom, kailangan kasi `to para makapasok sa venue, at ang isang pulang rosas na nasa ibabaw ng aking study table.

Plano kong ibigay kay Emerald ang rosas na `to, aayain ko siyang sumayaw at pagkatapos naming sumayaw ay aalis na ako. `Yon ang nabuong plano sa aking isip kanina habang nakatitig sa kisame.


Pagdating ko sa venue ay nagsisimula na ang prom. Mabuti nga at walang gaanong nakapansin sa akin dahil ayoko nang makakuha pa ng atensyon. Agad namang hinanap ng aking mga mata si Emerald at halos maging hugis puso ang aking mga mata nang makita ko siya. Naka-black dress siya na off shoulder at nakataas ang buhok. Shit! Ang ganda niya!

Naramdaman ko na naman ang pamumula ng aking mukha at nakaramdam na naman ako ng hiya. Nanginginig ang aking mga tuhod at pakiramdam ko’y hindi ko magagawang lumapit sa kanya. Pero hindi ko puwedeng pairalin ang hiya ko ngayon. Kailangang maisayaw ko si Emerald at maibigay ko sa kanya ang pulang rosas na hawak ko.


Huminga ako nang malalim at nang makapag-ipon na ako ng lakas ng loob ay nilapitan ko na ang babaeng mahal ko.

“H-Hi, Emerald!”

Lumingon siya sa akin at nakita ko ang pagkagulat sa kanyang mukha. Halata rin ang pagtataka sa kanya, siguro’y iniisip niya kung sino ako. Hindi ba niya ako nakilala? Hi, Emerald! Si Blue ito! `Yung lalaking araw-araw nakatitig sa `yo at araw-araw kang pinapantasya. Pero wala akong planong magpakilala sa kanya.

“Hello!”

Ngumiti siya sa akin at halos manlambot ang aking mga tuhod. Pakiramdam ko’y matutunaw ako pero nilabanan ko `yon. Hindi ako puwedeng magpaka-bakla ngayon!

Iniabot ko ang rosas sa kanya at tinanggap naman niya `yon. Inilahad ko ang aking kamay sa kanyang harapan.

“Maaari ba kitang isayaw?”

“Oo naman!”

Napangiti ako nang malawak at nakaramdam ako na parang may kumikiliti sa akin. Not now, Blue! `Wag kang magpaka-torpe ngayon!

Nagpunta kami sa dance floor. Nakapatong ang dalawang kamay niya sa aking balikat at nakaikot naman ang aking mga kamay sa kaniyang bewang. Inilapit ko siya sa akin at nagbabakasakaling marinig niya ang pagtibok ng aking puso.


“It’s her hair and her eyes today that just simply take me away

And the feeling that I’m falling further in love

Makes me shiver but in a good way”


Nakangiti kami sa isa’t isa habang nagsasayaw. Shit! Kinikilig ako!

Ganito pala ang pakiramdam kapag nasa piling mo ang babaeng mahal mo. `Yung parang nagiging babae ka na rin dahil hindi mo maitago ang kilig na nararamdaman mo.


“All the times I have sat and stared

As she thoughtfully thumbs through her hair

And she purses her lips, bats her eyes as she plays,

With me sitting there slack-jawed and nothing to say”


Ang ganda talaga ni Emerald. Hindi ako na-in love sa kanya dahil lang sa maganda siya pero dahil din sa kabaitan at katapangan niya.


Naalala ko tuloy noong ipinagtanggol niya ako sa mga kaklase namin. First year pa lang kami no’n. Dahil nga sa walang kwenta kong porma ay lagi akong inaasar ng aming mga kaklase. Hindi naman ako lumalaban dahil ayaw na ayaw ni Mama na nakikipag-away ako. Saka ayoko ring gumawa ng gulo kaya hinahayaan ko na lang sila.


“‘Cause I love her with all that I am

And my voice shakes along with my hands

‘Cause she’s all that I see and she’s all that I need

And I’m out of my league once again”


Hanggang sa isang araw ay sumobra na ang pang-aasar nila at doon na ako lumaban. Nakipagsagutan ako sa mga nang-aasar sa akin at dinepensahan ang aking sarili, pero sa huli ay nagawa rin nila akong paiyakin. Oo, lalaki talaga ako. Pero kagaya ng mga babae, may limitasyon din ang katapangan namin. No’n dumating si Emerald at dahil isa siya sa mga pinakamagandang babae sa klase namin ay napapasunod niya ang mga lalaki sa aming klase. Para siyang boss kung sundin ng mga lalaki.

Tumigil naman sila sa pambu-bully sa akin pero pagkaraan ng ilang buwan ay balik na naman sila sa pang-aasar. Ipagtatanggol dapat ako ni Emerald sa pangalawang pagkakataon pero sinabihan ko siya na hayaan na lang sila.

Mula noong araw na ipagtanggol ako ni Emerald ay hinangaan ko na siya dahil sa kanyang kagandahan at katapangan. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na `yon.


“It’s a masterful melody when she calls out my name to me

As the world spins around her she laughs, rolls her eyes

And I feel like I’m falling but it’s no surprise.”


Mula rin noon ay tiningnan ko na siya mula sa malayo hanggang sa mahulog na ako ng tuluyan sa kanya. Hindi ko man siya madalas na nakakausap ay nagustuhan ko pa rin siya—nahulog pa rin ako sa kanya.


“‘Cause I love her with all that I am

And my voice shakes along with my hands

‘Cause it’s frightening to be swimming in this strange sea

But I’d rather be here than on land

Yes she’s all that I see and she’s all that I need.”


Pero hanggang doon na lang `yon. Mananatili akong nakatingin sa kanya mula sa malayo.


Nang matapos ang kanta ay pinaikot ko na sa huling pagkakataon si Emerald. Nagkatitigan kaming dalawa hanggang sa unti-unti ko nang inilalapit sa kanya ang aking mukha. Nakatingin lang kami sa isa’t isa na para bang kami lang ang naroroon sa lugar na iyon. No’ng sobrang lapit na ng mukha ko sa kanya ay nginitian ko lang siya saka unti-unting lumayo.


Sa paglayo ko ay nakita kong hawak pa rin niya ang rosas na ibinigay ko at alam kong pagkatapos ng araw na `to ay hindi niya na ulit ako mapapansin. Titingnan ko na lang ulit siya sa malayo hanggang sa matulala na lang ako.


“And I’m out of my league once again.”

***

“Emerald!”

Hindi ako ang tinawag at hindi ko rin pangalan `yon pero napalingon na naman ako nang marinig ko ang pangalan na `yon. Kagaya ng aking hinala ay nandito na siya pero may iba sa kanya ngayon. May hawak siyang pulang rosas.


Ang pulang rosas na ibinigay ko sa kanya noong JS Prom.


Lunes na ngayon at dalawang araw na ang nakalilipas mula noong JS Prom namin. Balik na sa normal na klase ang mga 3rd at 4th year student. Syempre, balik na rin ako sa aking nakasanayan. Balik sa pagiging nerd.

Napalingon sa akin si Emerald at namula naman ako bigla. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang gabing naisayaw ko siya. Nakatingin siya sa akin at unti-unting naglakad palapit. Pero dahil sa ayoko nang mapahiya at masaktan ulit ay hindi na ako umasa na ako ang lalapitan niya. Tumalikod na ako at naglakad papasok sa aming classroom, pero bago pa ako makapasok ay may tumawag sa aking pangalan.


“Blue!”


Napatigil ako sa paglalakad. Boses ba ni Emerald `yon? Oo, boses niya `yon! Pero imposible namang tawagin niya ako.

Ayoko sanang lumingon pero kagaya ng dati ay hindi sumunod ang aking mga mata sa aking isip. Lumingon ako sa aking likuran kung saan naroroon si Emerald kanina at gaya ng dati ay nasaktan lang ako sa pagiging pasaway ng aking mga mata.


Dahil isang papalayong Emerald ang aking nakita at ang hawak niyang rosas kanina ay nasa sahig na lang.


Napatitig ako sa pulang rosas hanggang sa maramdaman ko na ang pangingilid ng aking mga luha. Napaisip ako bigla, paano kung umamin ako sa kanya noong gabing `yon? Paano kung nagpakilala ako at humingi ng chance na ligawan siya? Paano kung sinabi ko ang aking tunay na nararamdaman?


Dahil sa pag-iisip ay hindi ko namalayang may lumilipad na palang sapatos papunta sa aking direksyon at tinamaan ako sa ulo. At para bang naging daan ang sapatos na `yon para matauhan ako. Oo nga pala, nakalimutan ko. Langit siya at lupa ako, kailanman ay hindi kami mag-aabot. Hindi ko siya maaabot kahit ano’ng gawin ko.


Kahit na umamin pa ako sa kanya ay hindi magkakaroon ng pag-asa ang isang kagaya ko sa isang kagaya niya.


  • (0 reader review/s)

Comments

YOU MAY ALSO LIKE